PANALI, LUBID
[sa Ingles, cord, rope].
Sa Kasulatan, may ilang salitang Hebreo at isang salitang Griego na ginagamit upang tumukoy sa iba’t ibang uri ng sinulid, panali at lubid. Ang pinakamadalas gamitin ay ang salitang Hebreo na cheʹvel. Ginagamit ang cheʹvel kapuwa sa literal at sa makasagisag na mga paraan upang tumukoy sa panali at lubid. (2Sa 17:13; Ec 12:6; Os 11:4) Bukod dito, maaari rin itong mangahulugan ng isang ‘pising’ panukat (2Sa 8:2) at sa gayon ay ginagamit ito kung minsan bilang isang termino sa topograpiya para sa isang sinukat na lugar, isang “takdang bahagi” (Jos 17:5, 14; 19:9), o isang “pook.”—Deu 3:4, 13, 14.
Ang tanging salitang Griego na ginagamit upang tumukoy sa lubid ay ang skhoi·niʹon, na ikinakapit sa isang panali o lubid at maaaring mangahulugan ng isang lubid na yari sa mga tambo o mga halamang hungko. Dahil sa kaniyang matuwid na pagkagalit, “pagkatapos na gumawa ng isang panghagupit na lubid, pinalayas [ni Jesu-Kristo] mula sa templo ang lahat ng may mga tupa at mga baka,” anupat maliwanag na ginamit niya ang panghagupit na lubid hindi sa mga tao kundi sa mga hayop.—Ju 2:13-17.
Noong sinaunang mga panahon, may mga panali at mga lubid na gawa mula sa lino [flax], ang iba naman ay gawa sa mga hibla ng abaka, ng rami o ng palmang datiles. Sa Ezion-geber ay may natuklasang matibay at makapal na lubid na gawa sa mga hibla ng talob ng puno ng palma. Maliwanag na ginamit din noon ang iba’t ibang uri ng mga halamang hungko at tambo, at kabilang sa mga materyales na ginamit ng mga Ehipsiyo ay ang pinilipit na mahahabang piraso ng katad na nagiging lubid na pagkatibay-tibay. Ang mga hibla naman ng rami (Boehmeria nivea, isang halaman na matatagpuan sa Asia at mula sa pamilya ng mga kulitis) ay isa ring napakatibay na lubid, anupat kapaki-pakinabang sa mga lambat na pangisda.
Kung minsan, ang mga panali ay ginagamit noon bilang bahagi ng kagayakan. Halimbawa, waring isinasabit ni Juda ang kaniyang singsing na pantatak sa pamamagitan ng isang “panali.” (sa Heb., pa·thilʹ [Gen 38:18, 25]) Sa dalawang argolya na nasa mga dulo ng pektoral na isinusuot ng mataas na saserdote ng Israel, may ipinasok na ‘pinagkawing-kawing na mga tanikala, sa kayariang lubid, na yari sa dalisay na ginto.’ (Exo 39:15-18) Kabilang sa mga bagay na nasa palasyo ng Persianong si Haring Ahasuero ang “lino, mainam na algudon at asul na natatalian ng mga lubid na mainam na kayo.”—Es 1:6.
Ang “mga panaling pantolda” o “mga pantoldang panali” (mula sa Heb., meh·tharʹ) ay ginagamit noon upang matatag na maitayo ang mga tolda. (Isa 54:2; Exo 39:40) Noon ay may “mga panali” ng karwahe (sa Heb., ʽavothʹ [Isa 5:18]) at mga panali na ginagamit naman bilang “mga bagting.” (sa Heb., yetha·rimʹ [Job 30:11; Aw 11:2]) Ginagamit din ang mga lubid at mga panali bilang panggapos sa mga bihag. (Huk 15:13-15; Eze 3:25) Ang mga lubid ay nagsilbing kagamitan sa mga barko. (Isa 33:23) Upang maligtas siya at ang kaniyang sambahayan sa panahon ng pagkawasak ng Jerico, si Rahab ay sinabihang magtali sa bintana ng isang ‘panaling [mula sa Heb. na tiq·wahʹ] yari sa sinulid na iskarlata [sa Heb., chut].’—Jos 2:18-21.
Makasagisag na Paggamit. Ganito ang sabi ng tagapagtipon: “Ang panali na tatlong-ikid ay hindi madaling mapatid.” (Ec 4:12) Kung paghihiwa-hiwalayin ang mga hibla ng isang panaling may tatlong hibla, ang bawat hibla ay madali nang mapapatid. Ngunit kapag tinirintas ang mga iyon, ang mabubuong “panali na tatlong-ikid” ay hindi basta-basta mapapatid. Sa katulad na paraan, kapag ang mga lingkod ng Diyos ay mistulang nakapulupot sa isa’t isa, anupat nagkakaisa sa pangmalas at layunin, mayroon silang higit na espirituwal na lakas na kailangan upang makapagbata ng pagsalansang. Ang tagapagtipon ay humimok din na alalahanin ang Maylalang sa panahon ng kabataan, “bago ang panaling pilak ay maalis” (Ec 12:1, 6), anupat lumilitaw na “ang panaling pilak” ay tumutukoy sa gulugod, na kapag naputol ay magbubunga ng kamatayan.
Noong tinutukoy ni David ang isang panahon nang waring napipinto ang isang marahas na kamatayan, at tila tiyak nang naghihintay sa kaniya ang Sheol, sinabi niya na “kinulong ako ng mga lubid ng kamatayan” at “ang mismong mga lubid ng Sheol ay pumulupot sa akin.” Maliwanag, nadama niya noon na para siyang hinagisan ng nakapaikot na mga lubid at pagkatapos ay hinihila siya patungo sa libingan, anupat kinakaladkad siya patungo sa kamatayan at sa Sheol.—Aw 18:4, 5.
Sinabi naman ni Isaias: “Sa aba ng mga humihila ng kamalian sa pamamagitan ng mga lubid ng kabulaanan, at ng kasalanan sa pamamagitan ng mga panali ng karwahe,” marahil upang ipahiwatig na ang mga taong iyon ay nakakabit sa kamalian at kasalanan kung paanong ang mga hayop ay nakatali sa pamamagitan ng mga lubid, o ng mga panali, sa mga karwaheng hinihila nila sa kanilang likuran.—Isa 5:18.
Sa isang pagkilos na maliwanag na sumasagisag sa kanilang ganap na pagpapasakop at pagkapahiya, ang natalong mga Siryano ay ‘nagbigkis ng telang-sako sa kanilang mga balakang, na may mga lubid sa kanilang mga ulo, at pumaroon sa hari ng Israel,’ anupat hiniling nila ang pagpapatawad ni Ahab sa Siryanong si Haring Ben-hadad II. Maaaring bawat isa sa kanila ay nagtali ng isang lubid bilang isang panali sa palibot ng kanilang ulo o ng kanilang leeg.—1Ha 20:31-34.
Kung paanong nagtipon laban sa Diyos at sa kaniyang pinahiran ang mga paganong tagapamahala at ang mga bansa na ayaw maging mga basalyo ng mga Israelita noong sinaunang mga panahon, patiunang sinabi ng Mesiyanikong hula na ang mga hari sa lupa at ang matataas na opisyal ay magpipisan na tila iisa “laban kay Jehova at laban sa kaniyang pinahiran, na sinasabi: ‘Lagutin natin ang kanilang mga panggapos at itapon ang kanilang mga panali mula sa atin!’” Anumang restriksiyon na ipapataw ni Jehova at ng kaniyang Pinahiran ay sasalansangin ng mga tagapamahala at ng mga bansa. Gayunman, mawawalang-saysay ang kanilang mga pagsisikap na lagutin ang gayong mga panggapos at itapon ang gayong mga panali.—Aw 2:1-9.
Kapag napatid ang mga panaling pantolda, hindi na mapananatili ng mga iyon na nakatindig ang isang tolda; ginamit ito sa makasagisag na paraan sa isang paglalarawan ng pagkatiwangwang. (Jer 10:20) Sa kabaligtaran naman, may makahulang katiyakan ng pagsasauli at pabor ni Jehova sa mga salitang: “Masdan mo ang Sion, ang bayan ng ating mga kapistahan! Makikita ng iyong sariling mga mata ang Jerusalem bilang isang tahimik na tinatahanang dako, isang tolda na hindi ililigpit ninuman. Hindi kailanman mabubunot ang mga pantoldang tulos nito, at walang isa man sa mga lubid nito ang mapapatid.”—Isa 33:20.