Alalahanin Mo ang Iyong Dakilang Maylalang!
“Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang . . . bago dumating ang kapaha-pahamak na mga araw.”—ECLESIASTES 12:1.
1. Paano dapat naisin ng mga kabataang nakaalay sa Diyos na gamitin ang kanilang kabataan at lakas?
PINALALAKAS ni Jehova ang mga lingkod niya upang magawa ang kaniyang kalooban. (Isaias 40:28-31) Totoo ito anuman ang kanilang edad. Subalit ang mga kabataang nakaalay sa Diyos ay dapat na lalo nang magnais na gamitin ang kanilang kabataan at lakas nang may katalinuhan. Samakatuwid, dinidibdib nila ang payo ng “tagapagtipon,” si Haring Solomon ng sinaunang Israel. Humimok siya: “Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong kabinataan, bago dumating ang kapaha-pahamak na mga araw, o sumapit ang mga taon kapag sasabihin mo: ‘Wala akong kaluguran sa mga iyon.’ ” —Eclesiastes 1:1; 12:1.
2. Ano ang dapat gawin ng mga anak ng mga nakaalay na Kristiyano?
2 Ang payo ni Solomon hinggil sa pag-alaala sa Dakilang Maylalang sa panahon ng kabataan ay unang ipinatungkol sa mga kabataan noon sa Israel. Sila’y ipinanganak noon sa isang bansang nakaalay kay Jehova. Kumusta naman ang mga anak ng mga nakaalay na Kristiyano sa ngayon? Tiyak na dapat nilang isaisip ang kanilang Dakilang Maylalang. Kung gagawin nila iyon, pararangalan nila siya at sila mismo ay makikinabang.—Isaias 48:17, 18.
Maiinam na Halimbawa Noon
3. Anong mga halimbawa ang ipinakita nina Jose, Samuel, at David?
3 Maraming kabataan sa ulat ng Bibliya ang nagpakita ng maiinam na halimbawa bilang mga umalaala sa kanilang Dakilang Maylalang. Mula sa pagkabata patuloy, inalaala ng anak ni Jacob na si Jose ang kaniyang Maylalang. Nang tuksuhin si Jose ng asawa ni Potipar na makisama sa kaniya sa paggawa ng seksuwal na imoralidad, matatag siyang tumanggi at nagsabi: “Paano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at talagang magkasala laban sa Diyos?” (Genesis 39:9) Inalaala ng Levitang si Samuel ang kaniyang Maylalang hindi lamang sa panahon ng kaniyang kabataan kundi sa buong buhay niya. (1 Samuel 1:22-28; 2:18; 3:1-5) Tiyak na isinaisip ng kabataang si David ng Betlehem ang kaniyang Maylalang. Nakita ang kaniyang pagtitiwala sa Diyos nang harapin niya ang Filisteong higante na si Goliat at nagsabi: “Ikaw ay pumaparito sa akin taglay ang isang tabak at isang sibat at isang diyabelin, ngunit ako ay pumaparito sa iyo taglay ang pangalan ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng mga hukbo ng Israel, na iyong tinuya. Sa araw na ito ay isusuko ka ni Jehova sa aking kamay, at pababagsakin nga kita at pupugutin ko sa iyo ang iyong ulo; . . . at malalaman ng mga tao sa buong lupa na may Diyos ang Israel. At malalaman ng buong kongregasyong ito na hindi sa pamamagitan ng tabak ni sa pamamagitan man ng sibat nagliligtas si Jehova, sapagkat kay Jehova ang pagbabaka, at ibibigay niya kayo sa aming kamay.” Di-nagtagal, namatay si Goliat, at tumakas ang mga Filisteo.—1 Samuel 17:45-51.
4. (a) Ano ang nagpapakita na inalaala ng isang bihag na batang babaing Israelita sa Sirya at ng kabataang si Haring Josias ang Dakilang Maylalang? (b) Paano ipinakita ng 12-taóng-gulang na si Jesus na inalaala niya ang kaniyang Maylalang?
4 Ang isa pang kabataan na umalaala sa Dakilang Maylalang ay ang isang bihag na batang babaing Israelita. Nagbigay siya ng isang mainam na patotoo sa asawa ng Siryanong pinuno ng hukbo na si Naaman anupat pumunta ito sa propeta ng Diyos, napagaling ang ketong, at naging mananamba ni Jehova. (2 Hari 5:1-19) Buong-tapang na itinaguyod ng kabataang si Haring Josias ang dalisay na pagsamba kay Jehova. (2 Hari 22:1–23:25) Subalit ang pinakamainam na halimbawa ng isa na umalaala sa kaniyang Dakilang Maylalang habang nasa murang edad pa ay si Jesus ng Nasaret. Tingnan ang nangyari noong siya’y 12 taóng gulang. Isinama siya ng kaniyang mga magulang sa Jerusalem para sa Paskuwa. Sa kanilang paglalakbay pauwi, napansin nilang wala si Jesus; kaya nagbalik sila upang hanapin siya. Noong ikatlong araw, natagpuan nila siya sa templo habang ipinakikipag-usap sa mga guro ang mga tanong sa Kasulatan. Bilang tugon sa nababahalang pag-uusisa ng kaniyang ina, nagtanong si Jesus: “Bakit kinailangang hanapin ninyo ako? Hindi ba ninyo alam na ako ay dapat na nasa bahay ng aking Ama?” (Lucas 2:49) Naging kapaki-pakinabang para kay Jesus na kumuha ng espirituwal na impormasyon sa templo, ‘ang bahay ng kaniyang Ama.’ Sa ngayon, ang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova ay isang napakahusay na dako sa pagtatamo ng tumpak na kaalaman hinggil sa ating Dakilang Maylalang.
Alalahanin si Jehova Ngayon!
5. Sa iyong sariling pananalita, paano mo ipaliliwanag ang sinabi ng tagapagtipon na nakaulat sa Eclesiastes 12:1?
5 Ang taimtim na mananamba ni Jehova ay nagnanais na maglingkod sa Kaniya sa lalong madaling panahon hangga’t maaari at paglingkuran ang Diyos sa nalalabi pa niyang mga araw. Gayunman, ano ang mga inaasahan ng isang tao na ang kaniyang kabataan ay nasayang dahil sa hindi pag-alaala sa Maylalang? Sa ilalim ng pagkasi ng Diyos ay nagsabi ang tagapagtipon: “Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong kabinataan, bago dumating ang kapaha-pahamak na mga araw, o sumapit ang mga taon kapag sasabihin mo: ‘Wala akong kaluguran sa mga iyon.’ ”—Eclesiastes 12:1.
6. Anong katibayan mayroon na ang matatanda nang sina Simeon at Ana ay umalaala sa kanilang Dakilang Maylalang?
6 Walang sinuman ang nalulugod sa “kapaha-pahamak na mga araw” ng pagtanda. Subalit ang mga may edad na laging nasa isip ang Diyos ay nagagalak. Halimbawa, kinalong ng matanda nang si Simeon ang sanggol na si Jesus sa templo at buong-galak na nagpahayag: “Ngayon, Soberanong Panginoon, pinayayaon mong malaya ang iyong alipin na nasa kapayapaan alinsunod sa iyong kapahayagan; sapagkat nakita ng aking mga mata ang iyong paraan ng pagliligtas na iyong inihanda sa paningin ng lahat ng mga tao, isang liwanag ukol sa pag-aalis ng talukbong mula sa mga bansa at isang kaluwalhatian ng iyong bayang Israel.” (Lucas 2:25-32) Ang 84-na-taóng-gulang na si Ana ay umalaala rin sa kaniyang Maylalang. Palagi siyang nasa templo at naroroon siya nang dalhin doon ang sanggol na si Jesus. “Nang mismong oras na iyon ay lumapit siya at nagpasimulang mag-ukol ng pasasalamat sa Diyos at magsalita tungkol sa bata sa lahat niyaong naghihintay sa katubusan ng Jerusalem.”—Lucas 2:36-38.
7. Ano ang kalagayan niyaong mga tumanda na sa paglilingkod sa Diyos?
7 Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon na tumanda na sa paglilingkod sa Diyos ay maaaring dumanas ng kirot at mga limitasyon ng pagtanda. Gayunman, kay sasaya nila, at gayon na lamang ang ating pagpapahalaga sa kanilang tapat na paglilingkuran! Taglay nila “ang kagalakan kay Jehova,” sapagkat alam nilang hinawakan na niya ang walang-pagkatalong kapangyarihan sa lupang ito at iniluklok na si Jesu-Kristo bilang makapangyarihang Hari sa langit. (Nehemias 8:10) Ngayon na ang panahon para sa matanda’t bata na pakinggang mabuti ang payong ito: “Kayong mga binata at kayo ring mga dalaga, kayong matatandang lalaki pati na ang mga batang lalaki. Purihin nila ang pangalan ni Jehova, sapagkat ang kaniyang pangalan lamang ang di-maabot sa kataasan. Ang kaniyang dangal ay nasa itaas ng lupa at langit.”—Awit 148:12, 13.
8, 9. (a) Hindi kapaki-pakinabang para kanino “ang kapaha-pahamak na mga araw,” at bakit masasabi na gayon nga? (b) Paano mo ipaliliwanag ang Eclesiastes 12:2?
8 “Ang kapaha-pahamak na mga araw” ng pagtanda ay hindi kapaki-pakinabang—marahil ay nakapipighati pa nga—para sa mga hindi umaalaala sa kanilang Dakilang Maylalang at walang unawa sa kaniyang maluluwalhating layunin. Wala silang espirituwal na pagkaunawa na maaaring magpagaan sa mga pagsubok ng pagtanda at sa mga kaabahang sumaklot sa sangkatauhan mula nang palayasin si Satanas sa langit. (Apocalipsis 12:7-12) Kaya naman, hinihimok tayo ng tagapagtipon na alalahanin ang ating Maylalang “bago ang araw at ang liwanag at ang buwan at ang mga bituin ay magdilim, at ang mga ulap ay bumalik, pagkatapos ay ang ulan.” (Eclesiastes 12:2) Ano ang kahulugan ng pananalitang ito?
9 Itinulad ni Solomon ang panahon ng kabataan sa tag-araw sa Palestina kapag ang araw, buwan, at mga bituin ay nagpapasikat ng kanilang liwanag mula sa isang maaliwalas na papawirin. Napakaliliwanag ng mga bagay-bagay sa panahong iyon. Subalit sa pagtanda naman, ang mga araw ng isang tao ay tulad sa maginaw, maulang panahon ng taglamig, na sunud-sunod ang pagbuhos ng mga suliranin. (Job 14:1) Kay lungkot naman na nalaman nga ang tungkol sa Maylalang ngunit hindi naman nakapaglingkod sa kaniya sa panahon ng tag-araw ng buhay! Sa taglamig na panahon ng pagtanda, ang mga bagay-bagay ay nagdidilim, lalo na sa mga nagpalampas ng mga pagkakataong makapaglingkod kay Jehova sa panahon ng kanilang kabataan dahil sa pagkaabala sa walang-saysay na mga gawain. Gayunman, anuman ang ating edad, ating ‘sundin si Jehova nang lubusan,’ gaya ng ginawa ng tapat na si Caleb, isang tapat na kasamahan ng propetang si Moises.—Josue 14:6-9.
Mga Epekto ng Pagtanda
10. Sa ano kumakatawan ang (a) “mga tagapag-ingat ng bahay”? (b) “mga lalaking may kalakasan”?
10 Sumunod na tinukoy ni Solomon ang mga kahirapan “sa araw na ang mga tagapag-ingat ng bahay ay nanginginig, at ang mga lalaking may kalakasan ay napapayukod, at ang mga babaing naggigiling ay tumigil sa paggawa sapagkat sila ay kumaunti na, at ang mga babaing tumitingin sa may bintana ay nadidiliman.” (Eclesiastes 12:3) Ang “bahay” ay tumutukoy sa katawan ng tao. (Mateo 12:43-45; 2 Corinto 5:1-8) Ang “mga tagapag-ingat” nito ay ang mga braso at kamay, na nagsasanggalang sa katawan at tumutustos sa mga pangangailangan nito. Kapag matanda na, kadalasan ay nanginginig ang mga ito dahil sa panghihina, nerbiyos, at paralisis. “Ang mga lalaking may kalakasan”—ang mga binti—ay hindi na matatatag na haligi kundi mahihina na at nakabaluktot kung kaya pahilahod na ang mga paa sa paglakad. Gayunman, hindi ba kayo natutuwang makita sa mga Kristiyanong pagpupulong ang mga may edad na kapananampalataya?
11. Sa patalinghagang pananalita, sino “ang mga babaing naggigiling” at “ang mga babaing tumitingin sa may bintana”?
11 “Ang mga babaing naggigiling ay tumigil sa paggawa sapagkat sila ay kumaunti na”—ngunit paano? Ang mga ngipin ay baka nabulok na o nabunot na, anupat kaunti na lamang ang mga ito, sakali mang may natitira pa. Mahirap nang ngumuya ng matitigas na pagkain o tuluyan na ngang hindi makanguya. “Ang mga babaing tumitingin sa may bintana”—ang mga mata lakip na ang mental na mga kakayahan upang tayo’y makakita—ay lumalabo, kung hindi man lubusang nagdidilim.
12. (a) Paanong “ang mga pinto sa lansangan ay isinara”? (b) Ano ang masasabi mo sa mga tagapaghayag ng Kaharian na may edad na?
12 “At,” pagpapatuloy ng tagapagtipon, “ang mga pinto na nakaharap sa lansangan ay isinara, kapag ang ingay ng gilingan ay naging mahina, at ang isa ay bumabangon dahil sa huni ng ibon, at ang lahat ng mga anak na babae ng awitin ay humina.” (Eclesiastes 12:4) Ang dalawang pinto ng bibig—ang mga labi—ay hindi na gaanong bumubuka o tuluyan na ngang hindi maibuka upang ipahayag kung ano ang nasa “bahay,” o katawan, niyaong mga may edad na hindi naglilingkod sa Diyos. Wala nang naihahatid “sa lansangan” ng buhay pampubliko. Subalit, kumusta naman ang masisigasig na tagapaghayag ng Kaharian na may edad na? (Job 41:14) Maaaring mabagal na nga silang maglakad sa bahay-bahay at baka ang ilan ay nahihirapan nang magsalita, subalit tiyak na pumupuri sila kay Jah!—Awit 113:1.
13. Paano inilalarawan ng tagapagtipon ang iba pang mga problema ng mga may edad na, ngunit ano naman ang totoo sa mas nakatatandang mga Kristiyano?
13 Ang ingay ng gilingan ay humihina habang ang pagkain ay nginunguya ng mga gilagid na walang ngipin. Hindi na mahimbing ang tulog ng matandang lalaki sa kaniyang higaan. Nakaiistorbo na sa kaniya maging ang paghuni ng ibon. Iilan na lamang ang awiting kaniyang inaawit, at ang pag-awit niya ng anumang himig ay mahina na. “Lahat ng mga anak na babae ng awitin”—ang malalambing na himig—“ay humina.” Hindi na gaanong naririnig ng may edad na ang musika at awitin ng iba. Gayunman, ang mas nakatatandang mga pinahiran at ang kanilang mga kasamahan, na ang ilan ay matatanda na rin, ay patuloy na nagtataas ng kanilang mga tinig sa mga awitin ng papuri sa Diyos sa mga Kristiyanong pagpupulong. Anong saya natin na makatabi sila, habang pumupuri kay Jehova sa loob ng kongregasyon!—Awit 149:1.
14. Anong mga pangamba ang nagpapahirap sa mga may edad na?
14 Kay lungkot naman ng kalagayan ng mga may edad na, lalo na yaong mga nagwalang-bahala sa Maylalang! Sabi ng tagapagtipon: “Gayundin, sa kataasan lamang ay natatakot sila, at may mga kakilabutan sa daan. At ang punong almendro ay namumulaklak, at kinakaladkad ng tipaklong ang kaniyang sarili, at ang bunga ng alcaparra ay pumutok, sapagkat ang tao ay lumalakad patungo sa kaniyang namamalaging bahay at ang mga tagahagulhol ay lumilibot sa lansangan.” (Eclesiastes 12:5) Kapag nasa pinakamataas na baytang ng hagdan, marami sa mga may edad na ang natatakot na baka sila mahulog. Maging ang pagtingin lamang sa isang bagay na mataas ay baka makahilo na sa kanila. Kapag kailangan nilang lumabas sa mataong mga lansangan, sila’y sinasaklot ng pangamba na baka sila saktan o salakayin ng mga magnanakaw.
15. Paanong “ang punong almendro ay namumulaklak,” at paano “kinakaladkad ng tipaklong ang kaniyang sarili”?
15 Sa kalagayan ng isang matandang lalaki, “ang punong almendro ay namumulaklak,” malamang na nagpapahiwatig na ang kaniyang buhok ay nagkukulay-abo na, at pagkatapos ay pumuputing parang niyebe. Ang mapuputing buhok ay nalalaglag na parang mapuputing bulaklak ng punong almendro. Habang ‘kinakaladkad niya ang kaniyang sarili,’ na marahil ay nakayuko anupat ang mga bisig ay nakalaylay o ang mga kamay ay nasa balakang habang ang mga siko ay nakaturong pataas, siya’y nagmimistulang isang tipaklong. Gayunman, kung may sinuman sa atin na medyo gayon nga ang hitsura, hayaang mapansin ng iba na tayo nga’y kabilang sa masisigla at mabibilis na hukbo ng mga balang ni Jehova!—Tingnan Ang Bantayan, Mayo 1, 1998, pahina 8-13.
16. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng ‘pagputok ng bunga ng alcaparra’? (b) Ano ang “namamalaging bahay” ng tao, at anong mga tanda ng nalalapit na kamatayan ang nahahalata?
16 Nawawala na ang gana sa pagkain ng may edad nang tao, kahit na kasinsarap pa ng bunga ng alcaparra ang pagkaing nasa harapan niya. Ang mga bungang ito ay malaon nang ginagamit na pampagana. ‘Ang pagputok ng bunga ng alcaparra’ ay nagpapahiwatig na kapag humihina ang gana ng isang matanda sa pagkain, hindi kayang mapanumbalik maging ng bungang ito ang pagkatakam niya sa pagkain. Ang mga bagay na ito’y nagpapakitang siya’y nalalapit na sa “kaniyang namamalaging bahay,” ang libingan. Ito ang kaniyang magiging tahanan magpakailanman kapag hindi niya isinaisip ang kaniyang Maylalang at nagtaguyod ng isang balakyot na landasin kung kaya hindi siya aalalahanin ng Diyos sa pagkabuhay-muli. Ang mga tanda ng nalalapit na kamatayan ay nahahalata sa mga nagdadalamhating tono at taghoy ng karaingan na nagmumula sa mga pinto ng bibig ng matanda.
17. Paano naaalis “ang panaling pilak,” at ano marahil ang ikinakatawan ng “ginintuang mangkok”?
17 Hinihimok tayo na alalahanin ang ating Maylalang “bago ang panaling pilak ay maalis, at ang ginintuang mangkok ay madurog, at ang banga sa may bukal ay mabasag, at ang gulong ng panalok para sa imbakang-tubig ay madurog.” (Eclesiastes 12:6) Ang “panaling pilak” ay maaaring ang nerbiyo sa gulugod. Tiyak ang kamatayan kapag ang kahanga-hangang daanan na ito ng mga simbuyo patungo sa utak ay lubusang napinsala. Ang “ginintuang mangkok” ay maaaring tumukoy sa utak, na nakapaloob sa tulad-mangkok na bao ng ulo, na karugtong ng nerbiyo sa gulugod. Tinawag na ginintuan dahil sa kahalagahan nito, ang utak kapag hindi na gumana ay humahantong sa kamatayan.
18. Ano ang matalinghagang “banga sa may bukal,” at ano ang nangyayari kapag ito’y nabasag?
18 “Ang banga sa may bukal” ay ang puso, na tumatanggap sa agos ng dugo at muli itong pinadadaloy sa buong katawan. Kapag namatay, ang puso ay nagiging tulad sa isang basag na banga, na sumabog sa may bukal sapagkat hindi na ito makatatanggap, makapaglalaman, at makapagpapalabas ng dugo na napakahalaga sa pagpapakain at pagpapaginhawa sa katawan. Ang ‘durog na gulong ng panalok para sa imbakang tubig’ ay hindi na iikot, anupat tatapos sa sirkulasyon ng nagbibigay-buhay na dugo. Kaya matagal nang naisiwalat ni Jehova kay Solomon ang sirkulasyon ng dugo bago pa napatunayan ng doktor na si William Harvey noong ika-17 siglo na ito’y dumadaloy.
19. Paano kumakapit sa kamatayan ang mga salita sa Eclesiastes 12:7?
19 Idinagdag pa ng tagapagtipon: “Kung magkagayon ang alabok ay babalik sa lupa gaya ng dati at ang espiritu ay babalik sa tunay na Diyos na nagbigay nito.” (Eclesiastes 12:7) Kapag durog na ang “gulong ng panalok,” ang katawan ng tao, na ginawa mula sa alabok ng lupa, ay babalik na sa alabok. (Genesis 2:7; 3:19) Ang kaluluwa ay namamatay sapagkat ang espiritu, o puwersa ng buhay, na bigay ng Diyos ay bumabalik at nananahan sa ating Maylalang.—Ezekiel 18:4, 20; Santiago 2:26.
Ano ang Kinabukasan ng mga Umaalaala?
20. Ano ang hinihiling ni Moises nang manalangin siya gaya ng nakaulat sa Awit 90:12?
20 Napakaepektibo ng paraan ni Solomon sa pagpapakita ng kahalagahan ng pag-alaala sa ating Dakilang Maylalang. Tiyak, ang isang napakaikli at magulong buhay ay hindi siyang tanging nakalaan para sa mga nagsasaisip kay Jehova at buong-pusong gumagawa ng kaniyang kalooban. Bata man sila o matanda, ang saloobin nila ay gaya ng kay Moises, na nanalangin: “Ipakita mo sa amin kung paano bibilangin ang aming mga araw upang makapagtamo kami ng pusong may karunungan.” Marubdob na hinangad ng mapagpakumbabang propeta ng Diyos na ipakita, o ituro, ni Jehova sa kaniya at sa bayan ng Israel ang pagiging marunong sa pagpapahalaga sa ‘mga araw ng kanilang mga taon’ at ang paggamit sa mga ito sa paraang sinasang-ayunan ng Diyos.—Awit 90:10, 12.
21. Upang mabilang natin ang ating mga araw sa ikaluluwalhati ni Jehova, ano ang dapat nating gawin?
21 Lalong dapat na maging determinado ang mga kabataang Kristiyano na sundin ang payo ng tagapagtipon na isaisip ang Maylalang. Napakagaganda ng pagkakataong taglay nila upang makapag-ukol ng sagradong paglilingkod sa Diyos! Gayunman, anuman ang ating edad, kung matututuhan nating bilangin ang ating mga araw sa ikaluluwalhati ni Jehova sa “panahong [ito] ng kawakasan,” baka sakaling magpatuloy tayo sa pagbibilang sa mga ito magpakailanman. (Daniel 12:4; Juan 17:3) Mangyari pa, para magawa ito, dapat nating alalahanin ang ating Dakilang Maylalang. Dapat din nating tuparin ang ating buong katungkulan sa Diyos.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Bakit hinihimok ang mga kabataan na alalahanin ang kanilang Maylalang?
◻ Ano ang ilang halimbawa sa Kasulatan niyaong mga umalaala sa kanilang Dakilang Maylalang?
◻ Ano ang ilang epekto ng pagtanda na inilarawan ni Solomon?
◻ Anong kinabukasan mayroon para sa mga nagsasaisip kay Jehova?
[Mga larawan sa pahina 15]
Si David, ang bihag na batang babaing Israelita, si Ana, at si Simeon ay umalaala kay Jehova
[Mga larawan sa pahina 16]
Ang mga may edad nang Saksi ni Jehova ay maligayang nag-uukol ng sagradong paglilingkod sa ating Dakilang Maylalang