Kabilang Buhay—Paano, Saan, Kailan?
GINAGARANTIYAHAN mismo ng Maylalang at Tagapagbigay-Buhay sa tao na ang kamatayan ay hindi ang talagang wakas ng buhay magpakailanman. Isa pa, tinitiyak sa atin ng Diyos na posible hindi lamang ang mabuhay muli sa isa pang itinakdang yugto ng panahon kundi ang mabuhay na may pag-asang hindi na muling mamatay! Payak, ngunit tiyak, ang pagkasabi ni apostol Pablo tungkol dito: “Naglaan siya [ang Diyos] ng garantiya sa lahat ng mga tao sa bagay na binuhay niya siyang muli [si Kristo Jesus] mula sa mga patay.”—Gawa 17:31.
Sabihin pa, hindi pa rin nito nasasagot ang tatlong pangunahing katanungan: Paano makababalik na buháy ang taong namatay? Kailan ito mangyayari? Saan iiral ang bagong buhay na iyan? Sa buong daigdig, iba-iba ang sagot sa mga tanong na ito, ngunit ang isang mahalagang susi sa pagtiyak ng katotohanan tungkol dito ay ang unawain nang wasto kung ano ang nangyayari sa mga tao pagkamatay nila.
Imortalidad ba ang Sagot?
Ang isang popular na paniniwala ay na ang isang bahagi ng lahat ng tao ay imortal at na ang katawan lamang nila ang namamatay. Tiyak na narinig mo na ang ganitong pag-aangkin. Ang bahaging ito na sinasabing imortal ay tinutukoy alinman bilang “kaluluwa” o “espiritu.” Sinasabing nananatili itong buháy pagkatapos mamatay ang katawan at patuloy na nabubuhay sa ibang dako. Ang totoo, hindi nagmula sa Bibliya ang gayong paniniwala. Oo, ang mga sinaunang tauhang Hebreo sa Bibliya ay talagang umasa sa kabilang buhay, ngunit hindi sa pamamagitan ng pananatiling buháy ng isang imortal na bahagi nila. May pagtitiwalang umasa sila sa panghinaharap na pagbabalik sa buhay sa lupa sa pamamagitan ng himala ng pagkabuhay-muli.
Ang patriyarkang si Abraham ay isang namumukod-tanging halimbawa ng isa na nanampalataya sa pagkabuhay-muli ng mga patay sa hinaharap. Sa paglalarawan sa pagiging handa ni Abraham na ihain ang kaniyang anak na si Isaac, ganito ang sabi sa atin ng Hebreo 11:17-19: “Sa pananampalataya si Abraham, nang subukin siya, ay para na ring inihandog si Isaac, . . . ngunit ibinilang niya na magagawa ng Diyos na ibangon siya kahit mula sa mga patay; at mula roon ay tinanggap nga rin niya siya sa maka-ilustrasyong paraan,” yamang hindi na hiniling ng Diyos na ihain si Isaac. Nagpapatotoo pa rin sa naunang paniniwala ng mga Israelita na sila’y muling mabubuhay sa dakong huli (sa halip na karaka-rakang magpatuloy ang buhay sa isang dako ng mga espiritu), sumulat si propeta Oseas: “Mula sa kamay ng Sheol [ang karaniwang libingan ng sangkatauhan] ay aking tutubusin sila; mula sa kamatayan ay aking babawiin sila.”—Oseas 13:14.
Kaya kailan pumasok sa kaisipan at paniniwalang Judio ang ideya ng likas na imortalidad ng tao? Inaamin ng Encyclopaedia Judaica na “iyon ay malamang na dahil sa Griegong impluwensiya kung kaya pumasok sa Judaismo ang doktrina ng imortalidad ng kaluluwa.” Gayunpaman, ang mga debotong Judio hanggang sa panahon ni Kristo ay naniwala at umasa pa rin sa panghinaharap na pagkabuhay-muli. Malinaw na makikita natin ito sa pag-uusap nina Jesus at Marta nang mamatay ang kapatid nitong si Lazaro: “Sa gayon ay sinabi ni Marta kay Jesus: ‘Panginoon, kung ikaw ay narito ang aking kapatid ay hindi sana namatay.’ . . . Sinabi ni Jesus sa kaniya: ‘Ang iyong kapatid ay babangon.’ Sinabi ni Marta sa kaniya: ‘Alam ko na siya ay babangon sa pagkabuhay-muli sa huling araw.’ ”—Juan 11:21-24.
Ang Kalagayan ng mga Patay
Dito muli, hindi na kailangan pang manghula. Ang payak na katotohanan sa Bibliya ay na ang mga patay ay “natutulog,” walang malay, anupat talagang walang nararamdaman o nalalaman. Hindi inihaharap sa Bibliya ang gayong katotohanan sa isang masalimuot, mahirap-unawaing paraan. Isaalang-alang ang madaling-unawaing mga kasulatang ito: “Nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay; ngunit hindi nalalaman ng mga patay ang anuman . . . Lahat ng masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong buong lakas, sapagkat walang gawa ni pagkatha ni kaalaman ni karunungan man sa Sheol, ang dako na iyong paroroonan.” (Eclesiastes 9:5, 10) “Huwag ilagak ang inyong tiwala sa mga maharlika, ni sa anak man ng makalupang tao, na walang kaligtasan. Ang kaniyang espiritu ay nawawala, bumabalik siya sa kaniyang pagkalupa; sa araw na iyon ay napaparam ang kaniyang mga kaisipan.”—Awit 146:3, 4.
Samakatuwid ay mauunawaan kung bakit tinukoy ni Jesu-Kristo ang kamatayan bilang isang pagtulog. Isinulat ni apostol Juan ang isang pag-uusap sa pagitan ni Jesus at ng kaniyang mga alagad: “Sinabi niya sa kanila: ‘Si Lazaro na ating kaibigan ay namahinga, ngunit ako ay maglalakbay patungo roon upang gisingin siya mula sa pagkakatulog.’ Sa gayon ay sinabi ng mga alagad sa kaniya: ‘Panginoon, kung siya ay nagpahinga, siya ay gagaling.’ Gayunman, si Jesus ay nagsalita tungkol sa kaniyang kamatayan. Ngunit inakala nila na siya ay nagsasalita tungkol sa pagpapahinga sa pagtulog. Kaya nga, nang pagkakataong iyon ay sinabi ni Jesus sa kanila nang tahasan: ‘Si Lazaro ay namatay.’ ”—Juan 11:11-14.
Namamatay ang Buong Persona
Sa pagkamatay ng isang tao ay nasasangkot ang buong persona, hindi lamang ang pagkamatay ng katawan. Ayon sa maliwanag na mga pangungusap sa Bibliya, dapat nating isipin na ang tao ay hindi nagtataglay ng imortal na kaluluwa na nakaliligtas pagkamatay ng kaniyang katawan. Maliwanag na ipinakikita ng Kasulatan na namamatay ang kaluluwa. “Narito! Lahat ng kaluluwa—sila’y sa akin. Kung paano ang kaluluwa ng ama ganoon din ang kaluluwa ng anak—sila’y sa akin. Ang kaluluwang nagkakasala—ito mismo ay mamamatay.” (Ezekiel 18:4) Saanman ay walang binabanggit na ang mga salitang “imortal” o “imortalidad” ay likas sa sangkatauhan.
Ganito ang kapansin-pansing paglalarawan ng New Catholic Encyclopedia tungkol sa pinagmulan ng Hebreo at Griegong mga salitang isinaling “kaluluwa” sa Bibliya: “Ang kaluluwa sa LT [Lumang Tipan] ay nepeš, sa BT [Bagong Tipan] ay [psy·kheʹ]. . . . Ang nepeš ay galing sa orihinal na ugat na marahil ay nangangahulugang huminga, at sa gayon . . . yamang ipinakikita ng hininga ang kaibahan ng nabubuhay sa mga namatay, ang nepeš ay nangahulugan ng buhay o sarili o ng sariling buhay lamang. . . . Walang dichotomy [paghahati sa dalawang bahagi] ng katawan at kaluluwa sa LT. Minalas ng Israelita ang mga bagay-bagay bilang isang kaganapan, sa kabuuan ng mga ito, at sa gayo’y kaniyang itinuring ang mga tao bilang mga persona at hindi binubuo ng magkaibang bahagi. Ang terminong nepeš, bagaman isinasalin ng ating salitang kaluluwa, kailanma’y hindi nangangahulugan ng isang kaluluwang nakabukod sa katawan o sa indibiduwal. . . . Ang terminong [psy·kheʹ] ang salita sa BT na katumbas ng nepeš. Nangangahulugan ito ng pinagmumulan ng buhay, ng buhay mismo, o ng buháy na nilalang.”
Kaya naman makikita mo na sa kamatayan, ang dating buháy na persona, o buháy na kaluluwa, ay hindi na umiiral. Ang katawan ay bumabalik sa “alabok” o sa mga elemento ng lupa, unti-unti sa pamamagitan ng paglilibing at kasunod na pagkabulok o napabibilis sa pamamagitan ng pagsunog sa bangkay. Sinabi ni Jehova kay Adan: “Ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.” (Genesis 3:19) Kung gayon, paano magiging posible ang kabilang buhay? Iyon ay sapagkat nasa alaala ng Diyos ang taong namatay. Si Jehova ay may makahimalang kapangyarihan at kakayahan na lumikha ng mga tao, kaya hindi nakapagtataka na sa kaniyang alaala ay naiingatan niya ang rekord ng pagkatao ng indibiduwal. Oo, ang lahat ng pag-asa ng isang iyon upang muling mabuhay ay nakasalalay sa Diyos.
Ito ang diwa ng salitang “espiritu,” na binabanggit na bumabalik sa tunay na Diyos na nagbigay nito. Sa paglalarawan ng hantungang ito, ganito ang paliwanag ng kinasihang manunulat ng aklat na Eclesiastes: “Kung magkagayon ang alabok ay bumabalik sa lupa na pinanggalingan nito at ang espiritu ay bumabalik sa tunay na Diyos na nagbigay nito.”—Eclesiastes 12:7.
Tanging ang Diyos lamang ang maaaring bumuhay sa isang tao. Nang lalangin ng Diyos ang tao sa Eden at hipan ang butas ng kaniyang ilong ng “hininga ng buhay,” bukod pa sa pagpuno ng hangin sa mga baga ni Adan, pinapangyari ni Jehova na mabigyang-lakas ng puwersa ng buhay ang lahat ng selula sa kaniyang katawan. (Genesis 2:7) Dahil sa ang puwersang ito ng buhay ay maaaring ipasa ng mga magulang sa mga anak sa pamamagitan ng paglilihi at pagsilang, wastong masasabi na ang Diyos ang pinagmulan ng buhay ng tao bagaman, siyempre, tinanggap sa pamamagitan ng mga magulang.
Pagkabuhay-Muli—Isang Maligayang Panahon
Ang pagkabuhay-muli ay hindi dapat malasin bilang reinkarnasyon, na walang batayan sa Banal na Kasulatan. Sa reinkarnasyon ay pinaniniwalaan na pagkamatay ng isang tao, siya ay muling ipinanganganak sa isa o higit pang sunud-sunod na pag-iral. Ito ay sinasabing nasa mas mataas o mas mababang antas ng pag-iral kung ihahambing sa dating buhay ng isa, depende sa rekord na ipinagpapalagay na nagawa sa dating buhay na iyon. Ayon sa paniniwalang ito, ang isa ay maaaring “ipanganak-muli” alinman bilang tao o bilang isang hayop. Iyan ay talagang salungat sa itinuturo ng Bibliya.
Ang salitang “pagkabuhay-muli” ay isinalin mula sa Griegong salitang a·naʹsta·sis, na sa literal ay nangangahulugang “pagtayong muli.” (Ginamit ng mga Hebreong tagapagsalin ng Griego ang a·naʹsta·sis sa mga salitang Hebreo na techi·yathʹ ham·me·thimʹ, na nangangahulugang “pagsasauli ng mga patay.”) Sa pagkabuhay-muli ay isinasauli ang pagkatao ng indibiduwal, na ang pagkataong ito ay iningatan ng Diyos sa kaniyang alaala. Kaayon ng kalooban ng Diyos para sa indibiduwal, ang tao ay ibabalik alinman sa isang katawang tao o katawang espiritu; ngunit makikilala pa rin siya, sapagkat nasa kaniya pa rin ang personalidad at mga alaala na taglay niya bago siya mamatay.
Oo, bumabanggit ang Bibliya ng dalawang uri ng pagkabuhay-muli. Ang isa ay pagkabuhay-muli sa langit na may espiritung katawan; ito ay para sa iilan. Gayong uri ng pagkabuhay-muli ang naganap kay Jesus. (1 Pedro 3:18) At ipinakita niya na gayundin ang mararanasan ng mga pinili na kabilang sa kaniyang mga tagasunod-yapak, pasimula sa tapat na mga apostol, na pinangakuan niya: “Ako ay paroroon upang maghanda ng dako para sa inyo. . . . Ako ay muling darating at tatanggapin kayo sa aking sarili, upang kung nasaan ako ay dumuon din kayo.” (Juan 14:2, 3) Tinutukoy ito ng Bibliya bilang ang “unang pagkabuhay-muli,” na siyang una sa panahon at sa kalagayan. Kaya naman inilalarawan ng Kasulatan yaong binuhay-muli tungo sa langit bilang mga saserdote ng Diyos at namamahala bilang mga hari kasama ni Kristo Jesus. (Apocalipsis 20:6) Ang “unang pagkabuhay-muli” na ito ay para sa isang takdang bilang, at isinisiwalat ng Kasulatan mismo na 144,000 lamang ang kukunin mula sa tapat na mga lalaki at babae. Napatunayan nila ang kanilang katapatan sa Diyos na Jehova at kay Kristo Jesus hanggang sa kanilang kamatayan, palibhasa’y naging aktibo sa pagpapatotoo sa iba tungkol sa kanilang pananampalataya.—Apocalipsis 14:1, 3, 4.
Walang alinlangan, ang pagkabuhay-muli ng mga patay ay isang panahon ng walang-hanggang kaligayahan para sa mga binuhay-muli sa langit. Subalit hindi nagtatapos doon ang kaligayahan, sapagkat ipinangako rin ang pagkabuhay-muli dito mismo sa lupa. Makakasama niyaong mga bubuhaying-muli ang isang walang-takdang bilang ng mga makaliligtas sa katapusan ng kasalukuyang balakyot na sistema. Pagkatapos malasin ang maliit na bilang ng mga bubuhaying-muli sa langit, si apostol Juan ay binigyan ng isang pangitain ng “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” Anong ligayang panahon iyon na ang milyun-milyon, malamang na bilyun-bilyon, ay buhaying-muli rito sa lupa!—Apocalipsis 7:9, 16, 17.
Kailan Mangyayari Iyon?
Anumang kagalakan at kaligayahan ay sandali lamang kung ang mga patay ay babalik sa lupa na batbat ng alitan, pagbububo ng dugo, polusyon, at karahasan—tulad ng kalagayan sa ngayon. Hindi, dapat na maganap ang pagkabuhay-muli pagkatapos na maitatag ang “isang bagong lupa.” Gunigunihin, isang planeta na wala nang mga tao at mga institusyong hanggang sa ngayon ay determinadong wasakin ang lupa at sirain ang dalisay na kagandahan nito, bukod pa sa matinding kahapisan na idinulot nila sa mga naninirahan dito.—2 Pedro 3:13; Apocalipsis 11:18.
Maliwanag, sa hinaharap pa ang panahon ng pangkalahatang pagbuhay-muli sa sangkatauhan. Subalit ang mabuting balita ay na iyon ay hindi na magtatagal pa. Totoo, palilipasin nito ang katapusan ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay. Gayunman, sagana ang patotoo na ang panahon ng biglang pagsiklab ng “malaking kapighatian” ay napipinto na, anupat ang kasukdulan ay sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat”—karaniwang tinutukoy na Armagedon. (Mateo 24:3-14, 21; Apocalipsis 16:14, 16) Ito ang mag-aalis ng lahat ng kabalakyutan mula sa kaakit-akit na planetang ito, ang Lupa. Kasunod nito ay ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo Jesus, ang panahon na ang lupa ay pasulong na gagawing paraiso.
Isinisiwalat ng Bibliya na sa Milenyong paghaharing ito, bubuhaying-muli ang mga taong namatay. Kung magkagayo’y matutupad ang ipinangako ni Jesus nang siya’y nasa lupa: “Huwag kayong mamangha rito, sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas . . . sa pagkabuhay-muli.”—Juan 5:28, 29.
Epekto ng Pag-asang Mabuhay-Muli
Anong kahanga-hangang pag-asa sa hinaharap ang pagkabuhay-muli—isang panahon na ang mga patay ay babalik na buháy! Tunay na napatitibay-loob tayo habang nakaharap tayo sa hirap ng pagtanda, pagkakasakit, di-inaasahang mga kalamidad at kalungkutan, at kahit na lamang sa kaigtingan at mga suliranin ng buhay sa araw-araw! Inaalis nito ang tibo ng kamatayan—hindi naman lubusang pinapawi ang kalungkutan ngunit ibinubukod tayo mula sa mga walang pag-asa sa kinabukasan. Inamin ni apostol Pablo ang nakaaaliw na epektong ito ng pag-asa ng pagkabuhay-muli sa mga salitang ito: “Mga kapatid, hindi namin ibig na kayo ay walang-alam may kinalaman sa mga natutulog sa kamatayan; upang hindi kayo malumbay gaya rin ng iba na walang pag-asa. Sapagkat kung ang ating pananampalataya ay na si Jesus ay namatay at muling bumangon, sa gayunding paraan, yaong mga natulog na sa kamatayan sa pamamagitan ni Jesus ay dadalhin ng Diyos kasama niya.”—1 Tesalonica 4:13, 14.
Maaaring naranasan na natin ang katotohanan ng iba pang sinabi ni Job na taga-Silangan: “Ang tao’y natutunaw na parang bulok na bagay, tulad ng kasuutang kinain ng mga tanga. Ang taong ipinanganak ng babae ay may ilang araw lamang at puno ng kabalisahan. Umuusbong siyang tulad ng bulaklak at nalalanta; tulad ng nagdaraang anino, hindi siya nananatili.” (Job 13:28–14:2, New International Version) Batid din natin ang kawalang-katiyakan ng buhay at ang kalunus-lunos na katunayan na “ang panahon at di-inaasahang pangyayari” ay dumarating sa sinuman sa atin. (Eclesiastes 9:11) Tiyak, walang sinuman sa atin ang nasisiyahang isipin ang pagharap sa kamatayan. Gayunpaman, ang tiyak na pag-asa ng pagkabuhay-muli ay totoong nakatutulong upang mapawi ang nakapanlulumong takot sa kamatayan.
Kung gayon, lakasan ang inyong loob! Alalahanin na sakaling mamatay man tayo ay nariyan ang pag-asang makabalik na buháy sa pamamagitan ng himala ng pagkabuhay-muli. May pagtitiwalang asam-asamin ang pag-asa ng walang-hanggang buhay sa hinaharap, at idagdag dito ang kagalakan ng pagkaalam na napakalapit na ang gayong pinagpalang panahon.