Kaligayahan—Napakailap
ANG galit, kabalisahan, at panlulumo ay matagal nang sumailalim sa pagsusuri ng siyensiya. Subalit sa mga nakalipas na taon, nagtutuon ng pansin ang mga nangungunang siyentipiko sa kanilang pagsusuri sa isang positibo at kanais-nais na karanasan ng tao—ang kaligayahan.
Ano kaya ang higit na makapagpapaligaya sa tao? Kung sila kaya ay mas bata, mas mayaman, mas malusog, mas matangkad, o mas payat? Ano ba ang susi sa tunay na kaligayahan? Nasusumpungan ng karamihan ng tao na mahirap, kung hindi man imposible, na sagutin ang tanong na ito. Kung isasaalang-alang na marami ang nabibigong masumpungan ang kaligayahan, marahil ay magiging mas madali para sa ilan na sagutin kung ano ang hindi susi sa kaligayahan.
Matagal nang panahong inirerekomenda ng mga nangungunang sikologo ang makasariling pilosopiya bilang siyang susi sa kaligayahan. Pinasisigla nila ang di-maliligayang tao na magtuon ng bukod-tanging pansin sa pagbibigay-kasiyahan sa kanilang indibiduwal na mga pangangailangan. Ang nakatatawag-pansing mga pananalita tulad ng “ipakita mo kung sino ka,” “alamin mo kung ano ang gusto mo,” at “kilalanin mo ang sarili mo” ay ginagamit sa psychotherapy. Gayunman, ang ilan sa mismong mga dalubhasa na nagtaguyod sa kaisipang ito ay sumasang-ayon ngayon na ang gayong makasariling saloobin ay hindi nagdudulot ng namamalaging kaligayahan. Ang sobrang interes sa sarili ay tiyak na magdudulot ng kirot at kalungkutan. Ang kaimbutan ay hindi siyang susi sa kaligayahan.
Ang Susi sa Kalungkutan
Yaong naghahanap ng kaligayahan sa pamamagitan ng pagtataguyod ng kaluguran ay naghahanap sa maling lugar. Tingnan ang halimbawa ng pantas na si Haring Solomon ng sinaunang Israel. Sa aklat ng Bibliya na Eclesiastes, nagpaliwanag siya: “Anumang ninasa ng aking mga mata ay hindi ko ipinagkait. Hindi ko pinigil ang aking puso sa ano mang kagalakan, sapagkat ikinagalak ng aking puso ang lahat ng aking pagpapagal, at ito ang aking bahagi sa lahat kong pinagpagalan.” (Eclesiastes 2:10) Si Solomon ay nagtayo ng mga bahay para sa kaniyang sarili, nagtanim ng mga ubasan, at gumawa ng mga hardin, parke, at mga tipunan ng tubig para sa kaniyang sarili. (Eclesiastes 2:4-6) Nagtanong siya minsan: “Sino ang kumakain at sino ang umiinom nang higit pa sa akin?” (Eclesiastes 2:25) Inaliw siya ng pinakamagagaling na mang-aawit at manunugtog, at nakapiling niya ang pinakamagagandang babae sa lupain.—Eclesiastes 2:8.
Ang punto ay, hindi nagpigil si Solomon pagdating sa mga kasiya-siyang gawain. Ano ang nasabi niya pagkatapos na tamasahin ang maraming kasiya-siyang bagay sa buhay? Ganito ang sabi niya: “Nang magkagayo’y minasdan ko ang lahat ng mga gawa na ginawa ng aking mga kamay at ang gawain na pinagpagalan ko upang matapos, at, narito! lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala, at hindi mapapakinabangan sa silong ng araw.”—Eclesiastes 2:11.
Totoo pa rin sa ngayon ang mga natuklasan ng pantas na hari. Kuning halimbawa ang isang mayamang bansa tulad ng Estados Unidos. Sa nakalipas na 30 taon, halos dinoble ng mga Amerikano ang bilang ng kanilang materyal na mga ari-arian, gaya ng mga sasakyan at telebisyon. Gayunman, ayon sa mga eksperto sa kalusugan ng isip, hindi naman mas maligaya ang mga Amerikano. Ayon sa isang pinagkukunan ng impormasyon, “sa panahon ding iyon, tumaas ang bilang ng mga nanlulumo. Naging triple ang bilang ng mga tin-edyer na nagpatiwakal. Dumoble ang bilang ng mga diborsiyo.” Kamakailan ay naabot ng mga tagapagsaliksik ang gayunding konklusyon pagkatapos pag-aralan ang kaugnayan ng salapi at kaligayahan sa mga populasyon ng humigit-kumulang 50 iba’t ibang bansa. Sa madaling sabi, hindi mo mabibili ang kaligayahan.
Sa kabilang banda, ang pagtataguyod ng kayamanan ay wastong matatawag na siyang susi sa kalungkutan. Nagbabala si apostol Pablo: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming walang-kabuluhan at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkasira. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ang kanilang mga sarili ng maraming kirot.”—1 Timoteo 6:9, 10.
Ang kayamanan, kalusugan, kabataan, kagandahan, kapangyarihan, o anumang kombinasyon ng mga ito ay hindi makagagarantiya ng namamalaging kaligayahan. Bakit hindi? Sapagkat wala tayong kapangyarihan upang hadlangang mangyari ang masasamang bagay. Angkop lamang ang pagkasabi ni Haring Solomon: “Hindi rin nalalaman ng tao ang kaniyang panahon. Gaya ng mga isda na nahuhuli sa masamang lambat, gaya ng mga ibon na nahuhuli sa bitag, gayon nasisilo ang mga anak ng tao sa masamang panahon, kapag ito’y biglang nangyayari sa kanila.”—Eclesiastes 9:12.
Isang Mailap na Tunguhin
Gaano man kalawak ang pagsasaliksik ay hindi makabubuo ng gawang-taong pormula o pamamaraan para sa kaligayahan. Sinabi rin ni Solomon: “Ako’y bumalik at nakita ko sa silong ng araw na hindi ang matutulin ang nananalo sa takbuhan, ni ang malalakas man ang sa pagbabaka, ni sa mga pantas man ang pagkain, ni ang mga kayamanan man ay sa mga taong may unawa, ni ang paglingap man ay sa mga may kaalaman; sapagkat ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa kanilang lahat.”—Eclesiastes 9:11.
Ang marami na sumasang-ayon sa mga nabanggit na salita ay nagsabi na di-makatotohanan ang umasa sa isang tunay na maligayang buhay. Sinabi ng isang prominenteng edukador na “ang kaligayahan ay guniguni lamang.” Naniniwala naman ang iba na ang susi sa kaligayahan ay isang mahiwagang lihim, na ang kakayahang tuklasin ang lihim ay maaaring taglayin lamang ng ilang likas na matatalinong mistiko.
Gayunpaman, sa kanilang paghahanap ng kaligayahan, ang mga tao ay patuloy na nag-eeksperimento sa sari-saring istilo ng pamumuhay. Sa kabila ng kabiguan ng mga nauna sa kanila, marami pa rin sa ngayon ang nagtataguyod ng kayamanan, kapangyarihan, kalusugan, o kalayawan bilang lunas sa kanilang kalungkutan. Tuloy pa rin ang paghahanap sapagkat sa kanilang kalooban, ang karamihan ng mga tao ay naniniwalang hindi lamang guniguni ang namamalaging kaligayahan. Umaasa sila na ang kaligayahan ay hindi isang mailap na pangarap. Kaya maaari mong itanong, ‘Paano ko masusumpungan iyon?’