“Isang Panahon Upang Magsalita”—Kailan?
SI Mary ay nagtatrabaho bilang isang katulong sa isang ospital. Ang isang kahilingan na kailangang sundin niya sa kaniyang trabaho ay ang paglilihim ng kompidensiyal na mga bagay. Ang mga dokumento at impormasyon na may kinalaman sa kaniyang trabaho ay kailangang ingatan niyang huwag mapabulgar sa mga taong di-awtorisado. Ang mga kodigo ng batas sa kaniyang estado ay may kaayusan din tungkol sa hindi pagbubulgar ng kompidensiyal na impormasyon ng mga pasyente.
Isang araw si Mary ay napaharap sa isang kagipitan. Sa paghahanda ng medikal na mga rekord, napaharap sa kaniya ang impormasyon na nagsasabing ang isang pasyente, isang kapuwa niya Kristiyano, ay nagpalaglag. Siya ba’y may maka-Kasulatang pananagutan na ang impormasyong ito ay ipaalam sa mga elder sa kongregasyon, kahit na iyon ay maaaring humantong sa pagkaalis niya sa trabaho, sa pagdidemanda sa kaniya, o sa pagkasangkot ng kaniyang amo sa mga legal na problema? O naaayon ba sa Kawikaan 11:13 na ilihim ang bagay na iyon? Dito’y mababasa: “Siyang nagpaparoo’t paritong naninirang puri ay nagbubunyag ng mga lihim, ngunit ang isang may diwang tapat ay nagtatakip ng isang bagay.”—Ihambing ang Kawikaan 25:9, 10.
Ang mga situwasyong katulad nito ay napapaharap sa mga Saksi ni Jehova paminsan-minsan. Tulad ni Mary, kanilang lubos na napag-iisipan ang nasaksihan ni Haring Solomon: “Sa bawat bagay ay may takdang panahon, kahit man panahon sa bawat pangyayari sa silong ng langit: . . . panahon upang manatiling walang imik at panahon upang magsalita.” (Eclesiastes 3:1, 7) Ito ba’y panahon para kay Mary na manatiling walang imik, o ito ba’y panahon upang magsalita tungkol sa kaniyang napag-alaman?a
Ang mga kalagayan ay maaaring magkaiba-iba. Kung gayon, imposible na magtakda ng isang pamantayang kaayusan na susundin sa bawat kaso, na para bagang bawat isa’y dapat sumunod sa mga bagay-bagay gaya ng ginawa ni Mary. Oo, bawat Kristiyano, sakaling napaharap sa isang situwasyon na kagaya nito, ay kailangang maging handa na timbang-timbangin ang lahat ng mga salik na kasangkot at magpasiya ayon sa mga simulain ng Bibliya at sa anumang legal na implikasyon at iyan ay hahantong sa pagkakaroon niya ng isang malinis na budhi sa harap ni Jehova. (1 Timoteo 1:5, 19) Kung ang mga kasalanan ay munti at likha ng di-kasakdalan ng tao, ang simulain na kumakapit ay: “Ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.” (1 Pedro 4:8) Subalit kung ang pagkakasala’y malubha, dahil sa pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang kapuwa Kristiyano, dapat bang ang isang tapat na Kristiyano ay magsiwalat ng kaniyang nalalaman upang ang nagkasala’y matulungan at maingatan ang kalinisan ng kongregasyon?
Ang Pagkakapit ng mga Simulain ng Bibliya
Ano ba ang ilan sa mga saligang simulain sa Bibliya na kumakapit? Una, sinuman na nagkakasala nang malubha ay hindi dapat maglihim niyaon. “Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalansang ay hindi magtatagumpay, ngunit siyang nagpapahayag at nag-iiwan ng mga iyon ay kaaawaan.” (Kawikaan 28:13) Walang nalilingid kay Jehova. Ang lihim na mga pagkakasala ay sa wakas mahahayag. (Kawikaan 15:3; 1 Timoteo 5:24, 25) Kung minsan ang inililihim na mga pagkakasala ay itinatawag-pansin ni Jehova sa isang miyembro ng kongregasyon upang ito’y mabigyan ng hustong atensiyon.—Josue 7:1-26.
Ang isa pang alituntunin sa Bibliya ay nasa Levitico 5:1: “Ngayon kung isang kaluluwa ang magkasala dahil sa kaniyang narinig ang pangmadlang panlalapastangan at siya’y isang saksi o kaniyang nakita iyon o kaniyang naalaman iyon, kung hindi niya ihahayag iyon, siya ngayon ang mananagot sa kaniyang kamalian.” Ang “pangmadlang panlalapastangan” na ito ay hindi paninira o pamumusong. Bagkus, kadalasa’y nangyayari na pagka ang sinumang pinagkasalahan ay humiling na tulungan siya ng sinumang maaaring sumaksi upang matamo niya ang katarungan, samantalang sinusumpa niya—malamang na buhat kay Jehova—ang nagkasala, na marahil hindi pa nakikilala, na gumawa sa kaniya ng masama. Ito’y isang anyo ng paglalagay sa iba sa ilalim ng panunumpa. Sinumang nakasaksi sa pagkakasala ay makakaalam kung sino ang naapi at sila’y may pananagutan na tumestigo upang matiyak kung sino ang nagkasala. Kung hindi gayon, sila ay ‘mananagot sa kanilang pagkakamali’ sa harap ni Jehova.b
Ang utos na ito buhat sa Kataas-taasang Antas ng awtoridad sa sansinukob ang naglalagay sa bawat Israelita sa ilalim ng pananagutan na ireport sa mga hukom ang anumang malubhang pagkakasala na kaniyang nasaksihan upang maareglo ang bagay na iyon. Bagaman ang mga Kristiyano’y hindi istriktong nasa ilalim ng Kautusang Mosaiko, kumakapit pa rin sa kongregasyong Kristiyano ang mga simulain nito. Kung gayon, may mga panahon na ang isang Kristiyano ay obligado na ang isang pagkakasala’y itawag-pansin sa matatanda. Totoo, labag sa batas sa maraming bansa na ibunyag sa mga taong di-awtorisado ang impormasyon na nasa pribadong mga rekord. Subalit kung inaakala ng isang Kristiyano, pagkatapos na isaalang-alang iyon nang may kalakip na panalangin, na siya’y nakaharap sa isang situwasyon na kung saan hinihingi ng batas ng Diyos na ireport ang kaniyang napag-alaman sa kabila ng kahilingan ng nakabababang mga awtoridad, kung magkagayo’y isang pananagutan iyan na tinatanggap niya sa harap ni Jehova. May mga panahon na ang isang Kristiyano ay “kailangang sumunod muna sa Diyos bilang pinuno bago sa mga tao.” (Gawa 5:29)
Bagaman ang mga sumpa o mahalagang mga pangako ay hindi dapat gawing biro, may mga panahon na ang mga pangakong kahilingan ng mga tao ay salungat sa kahilingan na tayo’y mag-ukol sa ating Diyos ng bukod-tanging debosyon. Pagka ang sinuman ay nagkasala nang malubha, siya, sa katunayan, ay sumasa-ilalim ng isang ‘pangmadlang paglapastangan’ buhat sa Isang pinagkasalahan, si Jehovang Diyos. (Deuteronomio 27:26; Kawikaan 3:33) Lahat ng nagiging bahagi ng kongregasyong Kristiyano ay sumasa-ilalim ng “sumpa” na panatilihing malinis ang kongregasyon, sa pamamagitan ng personal na ginagawa nila at ng paraan ng pagtulong nila sa iba upang manatiling malinis.
Personal na Pananagutan
Ito ang ilan sa mga simulain sa Bibliya na malamang na pinag-isipan ni Mary sa kaniyang personal na pagpapasiya. Ang dikta ng karunungan ay na huwag siyang kikilos nang padalus-dalos, na hindi muna pinagtitimbang-timbang nang buong ingat ang mga bagay-bagay. Ang payo ng Bibliya: “Huwag kang sasaksi laban sa iyong kapuwa nang walang kadahilanan. At huwag kang magdaya ng iyong mga labi.” (Kawikaan 24:28) Upang matiyak nang husto ang isang bagay, kailangan ang patotoo ng di-kukulangin sa dalawang tahasang nakasaksi niyaon. (Deuteronomio 19:15) Kung nasaksihan ni Mary ang isa lamang bahagyang pagbanggit ng aborsiyon, baka napagpasiyahan niya nang buong ingat na ang ebidensiya ng anumang pagkakasala ay bahagyang-bahagya lamang na anupa’t hindi na dapat magpatuloy pa. Baka nagkamali ng pagsingil sa kaniya, o kaya baka sa mga rekord ay may mga maling naitala.
Gayunman, sa kasong ito si Mary ay may iba pang mahalagang impormasyon. Halimbawa, batid niya na ang kuwenta’y binayaran ng sister, na isang maliwanag na pag-amin na kaniyang tinanggap ang serbisyong nakatala roon. At, kilala niyang personal ang sister na iyon bilang isang dalaga, sa gayo’y pinapasok ang posibilidad ng pakikiapid. Hinangad ni Mary na mapagmahal na tulungan ang isa na marahil ay nagkamali at ingatan ang kalinisan ng organisasyon ni Jehova, sa pagsasa-alaala niya ng Kawikaan 14:25: “Ang tunay na saksi ay nagliligtas ng mga kaluluwa, ngunit ang magdaraya ay nagsasalita nang hamak na mga kasinungalingan.”
Ang medyo pinangangambahan ni Mary ay yaong may kinalaman sa batas subalit inaakala niya na sa situwasyong ito ang mga simulain ng Bibliya ang dapat na mangibabaw kaysa utos na pag-ingatan niya na huwag mapabunyag ang lihim ng mga medikal na rekord. Tunay na ang sister ay hindi maghihinanakit at maghihiganti sa pamamagitan ng paglikha ng suliranin para sa kaniya, ang pangangatuwiran ni Mary. Kaya nang masuri ni Mary ang lahat ng mga katibayan na maaaring magamit, maingat na ipinasiya niya na ito’y isang panahon upang “magsalita,” hindi upang “manatiling walang imik.”
Ngayon si Mary ay napaharap sa isang karagdagang tanong: Kanino ba siya dapat magsalita, at paano niya magagawa iyon nang may karunungan? Siya’y maaaring lumapit na tuwiran sa matatanda, ngunit ipinasiya niya na lumapit muna nang sarilinan sa sister. Ito’y isang maibiging paglapit. Nangatuwiran si Mary na ang isang ito na medyo pinaghihinalaan ay baka tanggapin ang pagkakataon na liwanagin ang mga bagay-bagay o, kung nagkasala man, aminin na siya’y nagkasala. Kung ang sister ay nakipag-usap na sa mga matatanda tungkol sa bagay na iyon, malamang na sasabihin niya ang gayon, at si Mary ay hindi na kailangang magpatuloy pa na makialam sa gayong bagay. Nangatuwiran si Mary na kung sakaling ang sister ay nagpalaglag nga at hindi niya inamin ang ganitong malubhang paglabag sa kautusan ng Diyos, kaniyang hihimukin ang sister na gawin ito. Kaya matutulungan siya ng matatanda ng naaayon sa Santiago 5:13-20. Nakatutuwa naman, ganito nga ang nangyari. Natuklasan ni Mary na ang sister ay pumayag na magpalaglag pagkatapos ng maraming panggigipit at dahil iyon sa kaniyang pagiging mahina sa espirituwal. Ang kahihiyan at ang takot ang nag-udyok sa kaniya na ilihim ang kaniyang pagkakasala, ngunit siya’y nagagalak na tumanggap ng tulong sa matatanda upang makapanumbalik sa dating espirituwalidad.
Kung si Mary ay lumapit muna sa lupon ng matatanda, ganoon ding disisyon marahil ang gagawin nila. Paano nila pakikitunguhan ang kompidensiyal na impormasyon na sumasa-kanilang kamay? Sila’y kakailanganin na gumawa ng disisyon na inaakala nilang hihilingin sa kanila ni Jehova at ng kaniyang Salita bilang mga pastol ng kawan. Kung ang report ay tungkol sa isang bautismadong Kristiyano na aktibo sa kongregasyon, kakailanganin na timbang-timbangin nila ang ebidensiya gaya ng ginawa ni Mary upang tiyakin kung kailangan pa ngang sila’y magpatuloy. Kung kanilang ipinasiyang mayroong isang malaking posibilidad na may umiiral na “lebadura” sa kongregasyon, marahil ay mamabutihin nila na bumuo ng isang hukumang komite upang magsiyasat sa bagay na iyon. (Galacia 5:9, 10) Kung ang isang pinaghihinalaan ay, sa totoo, nagbitiw na sa pagiging isang miyembro, na hindi na dumadalo sa mga pulong nang ilang panahon at hindi ipinakikilala ang sarili na isa sa mga Saksi ni Jehova, baka mabutihin nila na itabi muna ang bagay na iyon hanggang sa panahon na siya’y magsimula na namang ipakilala ang kaniyang sarili bilang isang Saksi.
Pag-isipan Muna ang Kahihinatnan
Ang mga nagpapatrabaho ay may karapatan na umasang ang kanilang mga empleadong Kristiyano ay ‘magpapakita ng mainam at lubos na pagtatapat,’ kasali na ang pagsunod sa mga alituntunin na sumasaklaw sa pag-iingat ng isang lihim. (Tito 2:9, 10) Kung sakaling nanumpa ang isa, iyon ay dapat dibdibin. Dahil sa isang panunumpa ang isang pangako ay nagiging lalong mahalaga at may bisa. (Awit 24:4) At kung sakaling pinagtitibay pa ng batas ang isang kahilingan tungkol sa pag-iingat ng isang lihim, lalo nang nagiging seryoso ang isang bagay. Kung gayon, bago manumpa ang isang Kristiyano o isailalim ang kaniyang sarili sa obligasyon na panatilihing lihim ang isang bagay, maging iyon man ay may kinalaman sa kaniyang trabaho o sa ibang bagay, matalino na tiyakin kung hanggang saan posibleng magkaroon ito ng mga problema dahilan sa anumang bagay na may kinalaman sa mga kahilingan ng Bibliya. Papaano pakikitunguhan ng isa ang mga bagay-bagay kung maging kliyente niya ang isang kapatid? Kadalasan ang mga trabaho na may koneksiyon sa mga doktor, ospital, hukuman, at mga abugado ang siyang uri ng empleo na maaaring doo’y bumangon ang isang suliranin. Hindi natin maaaring ipagwalang-bahala ang batas ni Cesar o ang pagkaseryoso ng isang sumpa, subalit ang batas ni Jehova ang kataas-taasan sa lahat.
Palibhasa’y nakikini-kinita ang problema na maaaring bumangon, may mga kapatid na mga abugado, doktor, accountant, at iba pa, na naghanda ng mga alituntuning panununtunan at isinulat iyon at kanilang hiniling sa mga kapatid na kumukunsulta sa kanila na basahin ang mga ito bago isiwalat ang anumang bagay na lihim. Sa gayon patiunang nagkakaunawaan na sakaling mahayag ang isang malubhang kasalanan, ang nagkasala ay hihimukin na lumapit sa mga matatanda sa kaniyang kongregasyon tungkol sa bagay na iyon. Nagkakaintindihan din na kung hindi niya gagawin iyon, ang tagapayo ay naniniwalang obligasyon niya na lumapit sa matatanda mismo.
Baka may mga pagkakataon na ang isang tapat na lingkod ng Diyos ay inuudyukan ng kaniyang personal na mga paniniwala, salig sa kaniyang kaalaman sa Salita ng Diyos, na laktawan o sirain pa nga ang mga kahilingan na ilihim ang isang bagay dahilan sa mas nakatataas na mga hinihiling ng batas ng Diyos. Kailangan ang lakas ng loob at ang matalinong pagpapasiya. Ang layunin ay hindi upang maniktik ng kalayaan ng iba kundi tulungan ang mga nagkakasala at panatilihing malinis ang kongregasyong Kristiyano. Ang bahagyang mga pagkakamali ng dahil sa kasalanan ay dapat na kaligtaan. Dito, “ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan,” at tayo’y dapat magpatawad ng “hanggang pitumpu’t-pitong beses.” (Mateo 18:21, 22) Ito ang “panahon upang tumahimik.” Ngunit pagka may pagtatangkang ilihim ang malulubhang kasalanan, marahil ito ang “panahon upang magsalita.”
[Mga talababa]
a Si Mary ay isang taong guniguni na nakaharap sa isang situwasyon na kinaharapan ng ibang Kristiyano. Ang paraan ng pakikitungo niya sa situwasyon ay gaya ng paraan ng pagkakapit ng iba sa mga simulain ng Bibliya na nasa katulad na mga kalagayan.
b Sa kanilang Commentary on the Old Testament, binanggit ni Keil at Delitzsch na ang isang tao ay maaaring magkamali o magkasala kung sakaling kaniyang “nalalaman ang krimen na nagawa ng isa, nakita man niya iyon, o napag-alaman man niya iyon sa anumang paraan, at samakatuwid ay kuwalipikado siya na humarap sa hukuman bilang isang saksi upang mahatulan ang kriminal, ay hindi niya ginawa iyon, at hindi niya ipinahayag ang kaniyang nakita o napag-alaman, kung kaniyang narinig ang mahalagang pag-uutos ng hukom sa pangmadlang imbestigasyon ng krimen, na lahat ng mga taong presente, na may anumang kabatiran sa bagay na iyon, ay hinihimok na humarap bilang mga saksi.”
[Larawan sa pahina 15]
Ang tama at maibiging hakbang ay himukin ang isang nagkasalang Saksi na makipag-usap sa matatanda, kasabay ng pagtitiwala na pakikitunguhan nila ang problema sa isang paraan na may kabaitan at pagkaunawa