AWIT NI SOLOMON, ANG
Isang matulaing aklat ng Hebreong Kasulatan na naglalahad tungkol sa walang-maliw na pag-ibig ng isang dalagang Shulamita (isang probinsiyanang mula sa Sunem, o Sulem) sa isang binatang pastol at sa pagkabigo ni Haring Solomon na bihagin ang kaniyang puso. Sa pambungad na mga salita ng tekstong Hebreo, tinutukoy ang tulang ito bilang ang “awit ng mga awit,” samakatuwid nga, ang “kagaling-galingang awit,” ang pinakamaganda, ang pinakamahusay na awit. (Tingnan sa Rbi8 ang tlb ng titulo.) Hindi ito koleksiyon ng mga awit kundi iisang awit lamang.
Sa pambungad pa lamang, ipinakikilala na si Solomon bilang ang manunulat. (Sol 1:1) Kasuwato ito ng panloob na katibayan sa aklat, sapagkat isinisiwalat doon na ang manunulat ay may malawak na kabatiran sa mga nilalang ng Diyos, gaya ng totoo sa kaso ni Solomon. (1Ha 4:29-33) Ang mga halaman, mga hayop, mahahalagang bato, at mga metal ay paulit-ulit na itinatampok sa matitingkad na paglalarawan ng aklat. (Sol 1:12-14, 17; 2:1, 3, 7, 9, 12-15; 4:8, 13, 14; 5:11-15; 7:2, 3, 7, 8, 11-13) Ang manunulat, gaya ng maaasahan sa isang haring tulad ni Solomon, ay pamilyar na pamilyar sa lupaing tinatahanan ng mga Israelita—ang baybaying kapatagan; ang mabababang kapatagan (2:1); ang mga kabundukan ng Lebanon, Hermon, Anti-Lebanon, at Carmel (4:8; 7:5); ang mga ubasan ng En-gedi (1:14); at ang “mga tipunang-tubig sa Hesbon, sa tabi ng pintuang-daan ng Bat-rabim” (7:4).
Kinatha ang tula noong si Solomon ay may 60 reyna at 80 babae. (Sol 6:8) Ipinahihiwatig nito na isinulat iyon noong maagang bahagi ng kaniyang 40-taóng paghahari (1037-998 B.C.E.), yamang nang dakong huli ay nagkaroon si Solomon ng 700 asawa at 300 babae.—1Ha 11:3.
Ang mga kapahayagan ng pagmamahal na masusumpungan sa Awit ni Solomon ay maaaring lubhang kakatwa sa mambabasang taga-Kanluran. Ngunit dapat tandaan na ang tagpo ng awit na ito ay sa Silangan, mga 3,000 taon na ang nakararaan.
Mga Tauhan. Ang Shulamita ang pangunahing tauhan sa Awit ni Solomon. Ang iba pang mga tauhang binanggit sa tula ay ang kaniyang pastol na mangingibig (Sol 1:7) at ang kaniyang ina at mga kapatid na lalaki (1:6; 8:2), si Haring Solomon (3:11), ang “mga anak na babae ng Jerusalem” (ang mga babae ng korte ni Solomon), at ang “mga anak na babae ng Sion” (mga babaing taga-Jerusalem) (3:5, 11). Ang mga indibiduwal ay makikilala batay sa sinasabi nila tungkol sa kanilang sarili o sa sinasabi sa kanila ng iba. Sa tekstong Hebreo, ang mga anyo ng balarila ay kadalasang nagpapahiwatig ng kasarian (panlalaki o pambabae) gayundin ng bilang (pang-isahan o pangmaramihan), sa gayo’y mas madaling nakikilala ang mga tauhan. Upang maipakita sa wikang Tagalog ang gayong pagkakaiba-iba, kadalasa’y kailangang magdagdag ng pampalinaw na mga salita upang lubos na maitawid ang kahulugan ng orihinal na teksto. Halimbawa, sa Awit ni Solomon 1:5, ang Hebreo ay literal na kababasahan: “Maitim ako at kahali-halina.” Gayunman, ang mga salitang Hebreo para sa “maitim” at “kahali-halina” ay nasa kasariang pambabae. Kaya naman ang Bagong Sanlibutang Salin ay kababasahan: “Babae akong maitim, ngunit kahali-halina.”
Ang Drama. Nakilala ng Shulamita ang pastol sa lugar na sinilangan ng binata. (Sol 8:5b) Palibhasa’y pinakaiingatan ang kalinisang-puri ng kanilang kapatid na babae, sinikap ng mga kapatid ng Shulamita na ilayo siya sa tukso. Kaya nang naisin niyang tanggapin ang paanyaya ng kaniyang mangingibig na sumama at masdan ang kagandahan ng maagang tagsibol (2:8-14), nagalit sila sa kaniya, at dahil kailangang bantayan noon ang mga ubasan laban sa paninira ng maliliit na sorra, siya ang inatasan nila sa gawaing iyon. (1:6; 2:15) Palibhasa’y nabilad sa sikat ng araw, ang balat ng Shulamita ay umitim.—1:5, 6.
Nang maglaon, samantalang patungo siya sa hardin ng mga puno ng nogales, napadako siya nang di-sinasadya sa kampamento ni Haring Solomon. (Sol 6:11, 12) Pagkatapos, maaaring dahil nakita siya roon ng mismong hari o may ibang nakapansin sa kaniya at inirekomenda siya nito sa hari, ang Shulamita ay dinala sa kampo ni Solomon. Ipinagtapat ni Haring Solomon ang kaniyang paghanga sa dalaga. Ngunit wala siyang nadamang pagkaakit sa hari at nagpahayag siya ng pananabik sa kaniyang pastol na mangingibig. (1:2-4, 7) Dahil dito, iminungkahi ng “mga anak na babae ng Jerusalem” na lisanin niya ang kampo at hanapin ang kaniyang mangingibig. (1:8) Ngunit ayaw siyang paalisin ni Solomon at sinimulan nitong purihin ang kaniyang kagandahan, na nangangakong ipagpapagawa siya ng pabilog na mga hiyas na ginto at pilak na mga buton. (1:9-11) Nang magkagayo’y ipinabatid ng Shulamita sa hari na may iba siyang minamahal.—1:12-14.
Sa kalaunan, ang pastol na mangingibig ng Shulamita ay nagpunta sa kampo ni Solomon at nagpahayag ng pagmamahal sa dalaga. Tiniyak din ng dalaga sa binata na siya’y iniibig niya. (Sol 1:15–2:2) Nang kinakausap ng Shulamita ang “mga anak na babae ng Jerusalem,” inihambing niya ang kaniyang mangingibig sa isang namumungang punungkahoy sa gitna ng mga punungkahoy sa kagubatan at may-kataimtiman niya silang pinanumpa sa harap ng mga bagay na maganda at kahali-halina na huwag siyang pukawing umibig nang labag sa kaniyang kalooban. (2:3-7) Sa lahat ng sandali, kahit sa gabi, patuloy niyang pinananabikan ang kaniyang pastol na mangingibig, at ipinaalaala niya sa “mga anak na babae ng Jerusalem” na pinanumpa niya sila na hindi nila tatangkaing gisingin sa kaniya ang pag-ibig hanggang sa naisin nito.—2:16–3:5.
Isinama ni Solomon ang Shulamita nang bumalik siya sa Jerusalem. Nang makitang papalapit na sila sa lunsod, ang ilang “mga anak na babae ng Sion” ay nagkomento tungkol sa karilagan ng prusisyon. (Sol 3:6-11) Matapos sundan ang prusisyon hanggang sa Jerusalem, ang pastol na mangingibig ay nakipagkita sa Shulamita at pinuri niya ang kagandahan ng dalaga, sa gayo’y tiniyak dito na iniibig niya siya. (4:1-5) Ibinulalas ng Shulamita ang pagnanais niyang lisanin ang lunsod (4:6), at nagpatuloy naman ang binata sa pagpapahayag ng paghanga sa dalaga. (4:7-16a) “Hayaang pumasok ang mahal ko sa kaniyang hardin at kumain ng pinakapiling mga bunga nito,” ang sabi ng Shulamita. (4:16b) Ganito naman ang tugon ng binata: “Pumasok na ako sa aking hardin, O kapatid ko, kasintahan kong babae.” (5:1a) Hinimok sila ng mga babae ng Jerusalem: “Kumain kayo, O mga kaibigan! Uminom kayo at malasing sa mga kapahayagan ng pagmamahal!”—5:1b.
Nang ilahad ng Shulamita ang isang masamang panaginip sa “mga anak na babae ng Jerusalem” at sabihin sa kanila na siya’y may sakit sa pag-ibig (Sol 5:2-8), ninais nilang malaman kung ano ang lubhang katangi-tangi sa kaniyang mahal. Bilang tugon, inilarawan ng Shulamita ang kaniyang mangingibig sa napakagagandang pananalita. (5:10-16) Nang tanungin nila siya kung nasaan ang binata, sinabi niya na ito’y nagpapastol sa gitna ng mga hardin. (6:1-3) Minsan pang inalayan ni Solomon ang Shulamita ng mga kapahayagan ng papuri. (6:4-10) Nang mapag-alaman ng hari na ayaw naman talaga ng dalaga sa kaniyang piling (6:11, 12), pinamanhikan niya ito na bumalik. (6:13a) Kaya itinanong ng dalaga: “Ano ang namamasdan ninyo sa Shulamita?” (6:13b) Sinamantala ni Solomon ang tanong na ito upang magpahayag pa ng paghanga sa kaniya. (7:1-9) Ngunit hindi natinag ang Shulamita sa kaniyang pag-ibig at nanawagan siya sa “mga anak na babae ng Jerusalem” na huwag gisingin sa kaniya ang pag-ibig kung hindi naman ito kusang tumutubo sa kaniya.—7:10–8:4.
Lumilitaw na nang maglaon ay pinahintulutan ni Solomon ang Shulamita na umuwi. Sa pagkakita sa kaniya na dumarating, nagtanong ang kaniyang mga kapatid: “Sino ang babaing ito na umaahon mula sa ilang, na nakahilig sa kaniyang mahal?” (Sol 8:5a) Dati’y hindi nababatid ng mga kapatid ng Shulamita na napakatatag pala ng kanilang kapatid na babae sa pag-ibig. Noong bata pa siya, isa sa kaniyang mga kapatid na lalaki ang nagsabi tungkol sa kaniya: “Mayroon tayong munting kapatid na babae na walang mga suso. Ano ang gagawin natin para sa ating kapatid na babae sa araw na siya ay ipakikipag-usap?” (8:8) Tumugon ang isa pa niyang kapatid na lalaki: “Kung siya ay magiging isang pader, magtatayo tayo sa ibabaw niya ng moog na pilak; ngunit kung siya ay magiging isang pinto, haharangan natin siya ng tablang sedro.” (8:9) Gayunman, yamang napaglabanan ng Shulamita ang lahat ng pang-aakit, anupat kontento na sa kaniyang sariling ubasan at nanatiling matapat na nagmamahal sa kaniyang mangingibig (8:6, 7, 11, 12), maaari niyang sabihin: “Ako ay isang pader, at ang aking mga suso ay gaya ng mga tore. Kaya nga sa kaniyang paningin ay naging katulad ako niyaong nakasusumpong ng kapayapaan.”—8:10.
Sa pagtatapos ng awit, ipinahayag ng pastol na mangingibig na nais niyang marinig ang tinig ng dalaga (Sol 8:13) at sinabi naman ng dalaga na nais niyang dumating ang binata, na lumulukso at bumabagtas sa mga bundok sa pagitan nila.—8:14.
Kahalagahan. Ipinakikita ng Awit ni Solomon ang kagandahan ng di-nagbabago at matatag na pag-ibig. Ang gayong walang-maliw na pag-ibig ay masasalamin sa kaugnayan ni Kristo Jesus at ng kaniyang kasintahang babae. (Efe 5:25-32) Dahil dito, ang Awit ni Solomon ay maaaring magsilbing pampatibay-loob sa mga nagpapakilalang kabilang sa kasintahang babae ni Kristo na manatiling tapat sa kanilang makalangit na kasintahang lalaki.—Ihambing ang 2Co 11:2.
[Kahon sa pahina 261]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG AWIT NI SOLOMON
Ang walang-maliw na pag-ibig ng isang dalagang Shulamita sa isang binatang pastol sa kabila ng mga pagtatangka ni Haring Solomon na paibigin siya
Isinulat ni Solomon, maliwanag na noong maagang bahagi ng kaniyang paghahari
Ang dalagang Shulamita sa kampo ni Solomon (1:1–3:5)
Pinananabikan niya ang pag-ibig ng kaniyang mahal, na isang pastol, at nais niyang kunin siya nito mula sa maharlikang kampong iyon
Ipinaliwanag niya sa mga babae ng korte na umitim ang kaniyang balat dahil sa pagkabilad sa araw samantalang nagtatrabaho siya sa mga ubasan ng kaniyang mga kapatid na lalaki
Pinangakuan siya ni Solomon ng mga palamuting ginto at pilak, ngunit iginiit niya na patuloy niyang iibigin ang kaniyang mahal
Dumating ang kaniyang pastol at pinuri nito ang kagandahan ng babaing Shulamita, na inihahalintulad siya sa isang liryo sa gitna ng mga panirang-damo
Sinabi ng Shulamita sa mga babae ng korte na ang kaniyang pastol ay tulad ng puno ng mansanas na ang lilim ay marubdob niyang ninanasa; pinanumpa niya sila na huwag pukawin sa kaniya ang pag-ibig kay Solomon; naalaala niya noong minsang anyayahan siya ng kaniyang mangingibig na mamasyal; gayunma’y sinabi ng kaniyang mga kapatid na dapat niyang bantayan ang mga ubasan dahil sa maliliit na sorra
Sa gabi, nananaginip siya na hinahanap niya ang kaniyang mangingibig at nasumpungan niya ito
Sinubok sa lunsod ng Jerusalem (3:6–8:4)
Ang maringal na pangkat ni Solomon ay nagsimula nang bumalik sa Jerusalem
Ang pastol ay muling nakipagkita sa Shulamita (noon ay nakatalukbong) at inilarawan niya ang kagandahan nito, na inihahalintulad ito sa isang nababakurang hardin na punô ng aromatikong mga halaman
Inanyayahan ng dalaga ang pastol na pumasok sa harding iyon at kumain ng mga bunga niyaon
Ikinuwento ng Shulamita sa mga babae ng korte ang kaniyang masamang panaginip: Dumating ang kaniyang mangingibig samantalang siya’y nakahiga na; umalis na ito bago pa man niya ito mapagbuksan ng pinto; hinanap niya ito sa lunsod ngunit hindi niya nasumpungan at pinagmalupitan siya ng mga bantay sa lunsod
Tinanong siya ng mga anak na babae ng Jerusalem tungkol sa kaniyang mahal, at bilang tugon ay inilarawan niya ito sa napakagagandang pananalita
Ipinahayag ni Solomon ang kaniyang pag-ibig sa Shulamita, na sinasabing ang dalaga’y mas maganda kaysa sa kaniyang 60 reyna at 80 babae
Hindi naantig ang Shulamita; binanggit niyang kaya lamang siya naroon ay dahil may gawain na iniutos sa kaniya malapit sa kampo ng hari
Buong-tingkad na inilarawan ni Solomon ang kagandahan ng Shulamita, ngunit hindi ito nagpadala sa kaniyang mahusay na pagsasalita at iginiit na siya’y pag-aari ng kaniyang mahal
Bumalik ang Shulamita, napatunayang matapat (8:5-14)
Ang Shulamita ay umuwi na nakahilig sa kaniyang mahal
Bago nito, palaisipan sa kaniyang mga kapatid kung siya’y magiging matatag na gaya ng pader, o mahinang gaya ng bukas-sarang pinto na napapasok ninuman
Tinanggihan ng Shulamita ang lahat ng inialok ni Solomon, sa gayo’y pinatunayan ang kaniyang bukod-tanging debosyon sa kaniyang mahal; ang pag-ibig niya ay sinlakas ng kamatayan, at ang mga lagablab nito ay gaya ng liyab ni Jah