Magtiwala kay Jah Jehova!
“Magtiwala kayo kay Jehova, kayong mga tao, sa lahat ng panahon, sapagkat nasa kay Jah Jehova ang Batong walang-hanggan.”—ISAIAS 26:4.
1, 2. Anong masayang awit ng papuri ang nasa Isaias 26:1-6, at bakit?
ANG pagbababa sa “bayan ng malulupit na mga bansa” ay nangangailangan ng isang awit ng tagumpay! (Isaias 25:3) Angkop kung gayon, na sa hula na nasa Isaias kabanata 26, talatang 1 hanggang 6, ay may masayang awit ng papuri sa Soberanong Panginoong Jehova. Kahit na ngayon ay inaawit ito “sa lupain ng Juda,” yamang ang Juda ay “Pinuri” ang ibig sabihin. Dito, na naman, sa King James Version ay ginagamit ang pananalitang “ang PANGINOONG JEHOVA” kung saan ang banal na pangalan ay lumilitaw nang dalawang beses. Subalit lalong kapana-panabik ang mga salita ng awit na iyan ayon sa makikita sa New World Translation, na kung saan dito at sa lahat ng iba pang katatagpuan sa banal na pangalan ay tama ang pagkakasalin!
2 Pakinggan ngayon ang matamis na awit na iyan: “Tayo’y may matibay na lunsod. Ang kaligtasan ay inilagay niya [ni Jehova] na pinaka-kuta at pinaka-katibayan. Ang mga pintuang bayan ay buksan ninyo, ninyong mga tao, upang mapasukan ng matuwid na bansa na nag-iingat ng katapatan. Iyong iingatan siya sa lubos na kapayapaan na ang pag-iisip ay sumasa-iyo sapagkat sa iyo siya tumitiwala. Magtiwala kayo kay Jehova kayong mga tao, sa lahat ng panahon, sapagkat nasa kay Jah Jehova ang batong walang-hanggan. Sapagkat ibinaba niya sila na nagsisitahan sa mataas, ang bayang mataas. Kaniyang ibinababa iyon, kaniyang ibinababa iyon hanggang sa lupa; kaniyang ibinabagsak iyon hanggang sa alabok. Yayapakan iyon ng paa, ang mga paa ng dukha, ang mga yapak ng mga mapagpakumbaba.” Anong laking kagalakan ang mapabilang ka sa mga nagtitiwala na ngayo’y nakikibahagi sa pag-awit ng awit na ito—ang mga Saksi ni Jehova!
3. (a) Ano “ang matuwid na bansa,” at sino ang nangakapasok na sa bukás na “mga pintuang-bayan” nito? (b) Paano nga sumusulong na nagkakaisa ang organisasyon ni Jehova sa kabila ng mga pagsisikap ng kaaway na sirain ito?
3 Ang Panginoong Jehova—si Jah Jehova—ang tunay na magbababa sa mga palalo at kaniyang ililigtas yaong sa tuwina’y nagtitiwala sa kaniya. Bagaman noong dati ay isang “munti” ang espirituwal na Israel, siya ay naging “isang matibay na bansa,” “ang matuwid na bansa.” Sa bukás na “mga pintuang-bayan” ng tulad-lunsod na organisasyon ni Jehova, pumasok din ang isang sama-samang malaking pulutong ng mga taong may mabubuting loob na umaabot na sa bilang na mahigit na tatlong milyon. Magkasama ang dalawang grupo’y bumubuo ng isang pandaigdig na kapatiran, na ang populasyon ay mahigit pa sa humigit-kumulang 57 ng mga bansang bumubuo ng umano’y Nagkakaisang mga Bansa. Subalit ang “bansa” ng Diyos at yaong mga nakikisama rito ay tunay na nangagkakaisa. Sa buong lupa ang hilig ng kanilang pag-iisip ay sundin ang kaniyang matuwid na mga simulain. Ang “mga pader” ng organisasyong ito ng “bansa” ng Diyos ay nagsisilbing balwarte laban sa pagsisikap ni Satanas na makialam sa katapatan nito sa pagtataguyod ng katotohanan. Hindi masisira ng kaaway ang tapat at pasulong na pagmamartsa ng bayan ng Diyos! Ang ating pagtitiwala ay laging nasa kay ‘Jah Jehova, ang Batong walang-hanggan.’—Isaias 54:17; 60:22.
4, 5. (a) Ano “ang bayang mataas,” at paano niyayapakan iyon sa makasagisag na paraan ng bayan ni Jehova? (b) Kailan ang lubos na katuparan ng hula ng Isaias 26:10, at paano nga natutupad ito? (c) Ano ang iba pang katuparan ng hulang ito?
4 Samantalang tayo’y nagbababala na saglit na lamang at ibababa ni Jehova “ang bayang mataas,” ang “Babilonyang Dakila,” nakagagalak na makitang ang mga dukha at mapagpakumbaba sa lupa ay tumatanggap sa mabuting balita ng Kaharian. (Apocalipsis 18:2, 4, 5) Sa makasagisag na paraan ay kanila rin namang niyayapakan ang “bayang mataas” na iyon, hindi sa pamamagitan ng pagkakaroon ng bahagi sa gawaing pagpuksa, kundi sa pamamagitan ng pakikibahagi sa pagbabalita ng araw ng paghihiganti ni Jehova sa bulok na sistemang iyan. (Isaias 61:1, 2) Sa loob ng marami nang mga taon ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay nagpakita ng kabaitan maging sa mga balakyot man sa pamamagitan ng pagdalaw sa kanilang mga tahanan dala ang nagliligtas-buhay na mensahe ng Kaharian. Subalit ang resulta ay gaya ng sinabi sa Isaias 26:10: “Magpakita man ng awa sa balakyot, hindi rin siya matututo ng katuwiran. Sa lupain ng katuwiran ay gagawa siyang may kamalian at hindi niya makikita ang kamahalan ni Jehova.”
5 Ang hulang ito tungkol sa pagsasauli ay may lubos na katuparan sa ngayon. Bagaman mayroon silang pagkakataon, kakaunting mga tao ang ibig na magbago ng kanilang pamumuhay upang tanggapin ang pagsang-ayon ni Jehova sa “lupain ng katuwiran.” Para sa mga umuupasala kay Jehova at sa kaniyang tapat na mga saksi ‘hindi nila makikita ang kamahalan ni Jehova,’ sapagkat sila’y hindi makakaligtas upang magtamasa ng kahanga-hangang mga pagpapala na aagos sa sangkatauhan pagkatapos na mabanal na ang pangalan ni Jehova. (Isaias 11:9) Ang hula ay maaaring kumapit din naman sa lupang Paraiso sa gitna ng mga bubuhayin buhat sa mga libingan. Ang sinuman na tatangging sumunod sa mga kahilingan ng Diyos, na napasulat nang malinaw sa banal na “mga balumbon” sa panahong iyon, ay hindi mapapasulat ang mga pangalan sa “aklat ng buhay.”—Apocalipsis 20:12, 15; ihambing ang Ezekiel 33:11.
Si Jehova ay Nagsasaayos ng Kapayapaan
6. Anong mga salita ang masayang inaawit ng tapat na bayan ni Jehova, at bakit nga gayon?
6 Gayunman, ang tapat na bayan ng Diyos ay lubhang interesado nga na makitang si Jah Jehova’y dinadakila, naipagbangong-puri na. Sila’y nananawagan sa kaniya na ‘magsaayos ng kapayapaan’ sa kaniyang bayan, at sila’y masayang umaawit: “Iyong pinarami ang mga nasa bansa; Oh Jehova, iyong pinarami ang mga nasa bansa; ikaw ay nagpakaluwalhati. Iyong pinalawak ang lahat ng hangganan ng lupain.” (Isaias 26:12, 15) Sa 210 lupain sa buong lupa, patuloy na pinararami ni Jehova ang tulad-tupang mga tao na nagiging bahagi ng kaniyang espirituwal na bansa. Daan-daang libo ng mga baguhang nakikisamang ito ang binabautismuhan. Mahigit na kalahating milyong espesyal, regular, at auxiliary payunir ang naglilingkod sa sukdulang mga buwan. Lalong maraming mga Kingdom Hall at mga Assembly Hall ang itinatayo. Ang mga sangay ng Watch Tower ay nagpapalawak ng kanilang mga Tahanang Bethel at ng mga pabrika at nagdaragdag sila ng mga gamit sa pag-iimprenta. Patuloy ang pag-unlad!
7. Ano ang dahilan ng pag-unlad ng tulad-lunsod na organisasyon ni Jehova?
7 Ang pag-unlad na ito ay dahilan sa ang “Prinsipe ng Kapayapaan” ang nangangasiwa sa gawain ng bayan ng Diyos sa lupa. Gaya ng sinabi ni Isaias sa may bandang una ng kaniyang hula: “Ang paglago ng kaniyang maharlikang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa trono ni David at sa kaniyang kaharian upang itatag at upang alalayan ng katarungan at ng katuwiran, mula ngayon hanggang sa panahong walang takda. Ang mismong sikap ni Jehova ng mga hukbo ang magsasagawa nito.” (Isaias 9:6, 7) Ang mga salitang iyan ay buong ningning na natutupad sa ngayon! Yaong mga nagtitiwala kay Jehova ay dumaranas na ng kapayapaan, ng katarungan, ng katuwiran, ng kaniyang maharlikang pamamahala. Ito ang nagdala sa kanila upang sila’y magkasama-sama sa isang may pag-iibigang pagkakaisa na walang nagtatamasa kundi ang mga tunay na alagad ni Jesus. (Juan 13:34, 35) Higit dito, hinihintay nila nang may lubos na pananabik ang mabilis na dumarating na panahon na ang pamamahala ni Jesus sa Kaharian at “ang kaalaman kay Jehova” ay lalaganap sa buong lupa.—Isaias 11:9; Daniel 2:35, 44, 45.
8. Ano ang ipinakikita ng mga salita ni Jehova sa Isaias 26:20, at sa ano may kaugnayan ang “mga panloob na silid”?
8 Samantalang lumalawak ang Kaharian hanggang sa umabot sa sukdulan, ang panawagan ni Jehova sa Isaias 26:20 ang maririnig: “Ikaw ay parito, bayan ko, pumasok ka sa iyong mga panloob na silid, at isara mo ang iyong mga pintuan sa paligid mo. Magkubli kang sandali hanggang sa ang galit ay makalampas.” Walang alinlangan na ang “mga panloob na silid” na tinutukoy ng hulang ito ay may malapit na kaugnayan sa mahigit sa 54,000 tulad-lunsod na mga kongregasyon na naglilingkod sa mga Saksi ni Jehova sa buong lupa ngayon. Kung ano ang nasa isip ni Jehova ay makikita pa natin. Subalit matitiyak natin na pagka pinuksa na niya ang mga balakyot, kaniyang ililigtas ang kaniyang nagtitiwalang mga lingkod, tulad ng ginawa niya noong kaarawan ni Isaias nang kaniyang igupo ang malupit na Asiryo.—Isaias 10:24-26.
Sigurado ang Kaligtasan!
9. (a) Paano ipinakita ni Haring Ezekias ang kaniyang pagtitiwala kay Jehova? (b) Pagka tayo’y pinag-uusig o nilalait ng mga napopoot kay Jehova, ano ang ating wastong tugon?
9 Ang mga lingkod ni Jehova sa ngayon ay nagtitiwala sa kaniya sa katulad na dahilan na taglay noon ni Haring Ezekias. Siya’y may lubos na pagtitiwala kay Jehova bilang kaniyang Soberanong Panginoon. Kaya naman, nang nasa sukdulan ang banta ng mga Asiryo, siya’y nanalangin kay Jehova ng ganito: “Oh Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, na nakaupo sa mga kerubin, ikaw lamang ang tunay na Diyos sa lahat ng kaharian sa lupa. Ikaw ang gumawa ng langit at ng lupa. Ikiling mo ang iyong pakinig, Oh Jehova, at iyong dinggin. Idilat mo ang iyong mga mata, Oh Jehova, at tumingin ka, at pakinggan mo ang lahat na salita ni Sennacherib na kaniyang ipinasabi upang ipanungayaw sa Diyos na buháy.” (Isaias 37:16, 17) Pagka pinag-uusig, nililibak, o nilalait ng mga napopoot kay Jehova, hindi ba sa iyong puso ay bumubukal ang isang nakakatulad na panalangin? Taglay ang lubos na pagtitiwala kay Jehova, hindi ba idinadalangin mo sa kaniya na alisin ang upasala sa kaniyang pangalan? Ganiyan ang nadama ni Jesus nang mga sandaling malapit na siyang mamatay sa pahirapang tulos. Idinalangin pa mandin niya na ang saro na iinuman niya sa mga sandaling iyon ay “lumampas” sana sa kaniya dahil sa malaking upasala sa kaniyang Ama.—Mateo 26:39-44.
10. (a) Ano ang isiniwalat ng panalangin ni Ezekias tungkol sa kaniyang pangunahing ikinabahala? (b) Paano tayo makatutulad kay Ezekias samantalang tayo’y nakaharap sa mga pagsubok ngayon na saglit na lamang bago sumapit ang Armagedon?
10 Ang panalangin ni Ezekias ay nagpapakita na siya’y walang mapag-imbot na motibo sa paghahangad na maligtas buhat sa mga Asiryo. Hindi ang basta hinahangad niya’y malibre sa panganib. Bagkus, ang ikinababahala niya’y ang mapaging-banal ang pangalan ni Jehova at maipagbangong-puri ang Kaniyang soberanya. Kaya naman, ang kaniyang panalangin ay nagtapos sa mga salitang: “At ngayon, Oh Jehova na aming Diyos, iligtas mo kami sa kaniyang kamay, upang makilala ng lahat ng kaharian sa lupa na ikaw, Oh Jehova, ang tanging Diyos.” (Isaias 37:20) Sa katulad na paraan, samantalang tayo’y nakaharap sa mga pagsubok na darating sa atin bago sumapit ang pangkatapusang digmaan ng Armagedon, isaisip natin na ang ating sariling kaligtasan ay pangalawa lamang sa pagbanal sa pangalan ni Jehova. Gaya ng ipinahayag ng ating Soberanong Panginoon humigit-kumulang 60 beses sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Ezekiel: “Kanilang makikilala na ako ay si Jehova.”—Ezekiel 38:23.
11. (a) Ano ang naging pagkakamali ni Sennacherib, at ano ang sinabi ni Jehova tungkol dito? (b) Sa liwanag ng nangyari kay Sennacherib, anong pagtitiwala ang maaari nating taglayin?
11 Pagkatapos na makapanalangin si Ezekias, ipinaalam ni Isaias sa hari ang salita na binigkas ni Jehova laban kay Sennacherib. Anong laking pagkakamali ang nagawa ng mamumusong na Asiryong iyon sa pag-upasala sa Diyos na buháy! Sa pamamagitan ni Isaias, sinabi ni Jehova tungkol kay Sennacherib: “Sino ang iyong tinuya at tinungayaw? At laban kanino itinaas mo ang iyong tinig at nagpalalo ka ng iyong mga mata? Laban nga sa Banal ng Israel.” At ang Banal ng Israel nga ang kumilos nang gabi ring iyon! Isang anghel lamang ni Jehova ang namuksa at ginawang “mga bangkay” ang 185,000 mga kawal ng Asirya, ang pinakamagagaling na mga kawal ni Sennacherib. Ang hambog na haring ito sa malaking kahihiyan ay umatras hanggang sa Nineve, at mga ilang taon ang nakalipas ay pinaslang ng kaniyang sariling mga anak habang siya’y nagsasagawa ng pagsamba sa idolo. Tayo’y makapagtitiwala kay Jehova, makapananalig na kaniyang lalapatan ng ganoon ding parusa si Satanas at lahat ng kaniyang mga alipores na nanunungayaw at umuusig sa mga Saksi ni Jehova.—Isaias 37:23, 36-38.
Ipinaghihiganti ang “mga Pinatay”
12. (a) Paano inilalarawan sa Isaias 26:21 ang pagsusulit na magaganap sa Armagedon? (b) Sino ang “mga pinatay” na ipaghihiganti kahit na bago sumapit ang Armagedon, at paano nga nagkakagayon?
12 Isang eksena ng kakila-kilabot na labanan ang naganap noon, subalit isang lalong higit na kakila-kilabot na pagtutuos ang magaganap sa panahon ng “malaking kapighatian.” (Mateo 24:21) Tayo’y inaanyayahan ni Jehova na pagmasdan ang lawak ng patayang iyon: “Sapagkat, narito! Si Jehova ay lumalabas mula sa kaniyang dako upang hingan ng sulit ang kasamaan laban sa kaniya ng mga nananahan sa lupa, at tunay na ilalantad ng lupa ang kaniyang ibinubong dugo at hindi na tatakpan ang kaniyang mga pinatay.” (Isaias 26:21) Una, ang mga maykapangyarihang pulitiko ang magparusa sa mga tagapagtaguyod ng kamaliang relihiyoso. Ang kanilang mga diyus-diyosan ay hindi makapagliligtas sa kanila sa araw na iyon! Hayaang patuloy na tipunin ng papa ng Roma ang lahat ng mga relihiyon ng “Babilonyang Dakila” para sa pagsasagawa ng mga panalangin ng mga relihiyon na may sarisaring pananampalataya. Walang isa man sa mga nagtataguyod na ito ng pinagsama-samang pananampalataya ang nagpaparangal sa tunay at buháy na Diyos, si Jehova. Ang kanilang mga turo ay mali, wala sa Bibliya, pati na rin ang kanilang mga daan. Sila’y nagpapatayan sa isa’t isa sa buong panahon na nakalipas. Sila’y nagbubo ng dugo ng hindi mararahas na mga Kristiyano. Sa ika-20 siglong ito, marami sa mga manggagawang ito ng kasamaan ang sumuporta sa malulupit na diktador na pumaslang sa mga Saksi ni Jehova sa mga bilangguan at mga kampong piitan, sa pamamagitan ng pagbaril sa kanila at sila’y pinagpapalakol din. Gaya ng tahasang ipinapahayag ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta, ang gayong “mga pinatay” ay ipaghihiganti.—Deuteronomio 32:41, 43; Isaias 1:24; 63:4; Apocalipsis 17:15-18; 18:21, 24.
13. Ano ang inihula ni Isaias tungkol sa “araw ni Jehova,” at kanino kumakapit ang mga salita roon?
13 Pagkatapos na ang huwad na relihiyon ay mawasak, si Jehova ay mabilis na kikilos laban sa lahat ng natitira pang mga mananalansang sa Kaharian ni Kristo. Sa lahat ng gayong mananalansang at gayundin sa “Babilonyang Dakila,” ang salita ng Diyos sa Isaias 13:6, 9 ay kumakapit: “Magsiangal kayo, kayong mga tao, sapagkat malapit na ang araw ni Jehova! Ito’y darating na isang lubusang pagwawasak buhat sa Makapangyarihan-sa-lahat. Narito! Ang araw ni Jehova ay dumarating, mabagsik na taglay ang pagkapoot at mabangis na galit, upang gawin na isang kataka-takang kagibaan ang lupa, at upang lipulin dito ang mga makasalanan.” Iyon ay magiging kagayang-kagaya ng inihula ng salmistang si David: “Iniingatan ni Jehova ang lahat ng nagsisiibig sa kaniya, ngunit lahat ng mga balakyot ay lilipulin niya.”—Awit 145:20; Apocalipsis 19:11-21.
14. Ano pang mga salita ni Isaias ang makabubuting dinggin ng mga bansa, at bakit?
14 Makabubuting dinggin ng mga bansa sa lupa ang iba pang mga salita ni Isaias sa kabanata 34, talatang 1 hanggang 8: “Kayo’y magsilapit, kayong mga bansa, upang mangakinig; at dinggin ninyo, ninyong mga bayan. . . . Sapagkat si Jehova ay may galit laban sa lahat ng bansa, at pusok ng loob laban sa lahat nilang hukbo. Kaniyang lubusang lilipulin sila; kaniyang ibibigay sila sa patayan. At ang kanilang mga patay ay mapapatapon; at ang baho ng kanilang mga bangkay ay aalingasaw; at ang mga bundok ay tutunawin ng kanilang dugo. . . . Sapagkat si Jehova ay may araw ng paghihiganti.” Sa larangan ng pulitika, malalaking negosyo, at huwad na relihiyon sa ngayon, ang katiwalian at imoralidad ay laganap. Subalit ang layunin ni Jehova ay isang malinis na lupa. Sa ikatutupad nito, kaniyang tinitipon buhat sa mga bansa—para iligtas—yaong mga taong handang magbago ng kanilang pamumuhay upang maglingkod sa kaniya sa katuwiran. Lahat ng mga iba ay kailangang malipol sa araw ng kaniyang paghihiganti.—Jeremias 25:31-33.
Isang Paraiso ng Kapayapaan
15. Ano ang inilalarawan ni Isaias sa kabanata 35 kung tungkol sa (a) ngayon? (b) sa hinaharap?
15 Sa Isaias kabanata 35, ang propeta ng Diyos ay, sa magagandang pananalitang makasagisag, nagpapatuloy na ilarawan ang kalagayan ng isinauling bayan ni Jehova, yaong mga tao sa ngayon na laging nagtitiwala sa kaniya. Yamang sila’y tinipon sa isang espirituwal na paraiso, “nakikita [ng mga ito] ang kaluwalhatian ni Jehova, ang kaningningan ng ating Diyos.” Kanila ring inaasam-asam ang pagdating ng isang pisikal na paraiso at ang katuparan ng pangako: “Kung magkagayo’y madidilat ang mga mata ng bulag, at ang mga pakinig ng bingi ay mabubuksan. Kung magkagayo’y lulukso ang mga pilay na parang usa, at ang dila ng pipi ay aawit sa kagalakan. Sapagkat sa iláng ay bubukal ang tubig, at magkakailog sa malawak na disyerto.” (Isaias 35:1, 2, 5, 6) Ikaw ba’y nagagalak sa napakagandang pag-asang iyan? Ikaw ba’y nagtitiwala kay Jehova, nananalig na kaniyang tutuparin ang mga pangakong iyan?
16, 17. (a) Ano ang apurahang panawagan ni Isaias samantalang inilalarawan niya ang Paraiso? (b) Paano tutugon ang bayan ni Jehova sa panawagang ito?
16 Sa iyong pagtitiwala kay Jehova, ikaw ay maaaring makibahagi sa pagpapatibay-loob sa mga baguhan, at gayundin sa mga iba na ang pananampalataya ay nangangailangang palakasin. Sa kalagitnaan ng paglalarawan sa Paraiso, ipinasok ni propeta Isaias ang apurahang panawagang ito: “Palakasin ninyo, ninyong mga tao, ang mahihinang kamay, at patatagin ang nangangatog na mga tuhod. Sabihin ninyo sa kanila na matatakuting puso: ‘Magpakatapang kayo. Huwag kayong matakot. Narito! Ang iyong Diyos ay pariritong may paghihiganti, may kagantihan ang Diyos. Siya’y paririto at ililigtas kayo na mga tao.’” (Isaias 35:3, 4) Oo, ibig nating makita na lahat ng mga ang puso’y nakahilig sa katuwiran ay magpatibay ng kanilang pagtitiwala kay Jehova, upang sila’y makarating sa lupang Paraiso.
17 Kung gayon ay alalayan natin ang mga kamay na nanglulupaypay upang sila’y manatiling “mahigpit ang kapit sa salita ng buhay.” Suhayan natin ang nangangatog na mga tuhod, tulungan sila kung kinakailangan upang “makalakad na karapat-dapat kay Jehova sa layuning lubusang makalugod sa kaniya.” (Filipos 2:16; Colosas 1:10) Oo, aliwin natin ang sinuman na maaaring nalulumbay ang puso, at tayo’y magpalakas-loob sa isa’t isa, pagka tayo’y nakaharap sa mga pagsubok o pag-uusig, upang “lalong magkaroon ng lakas ng loob na salitaing walang takot ang salita ng Diyos.” (Filipos 1:14; 1 Tesalonica 5:14; Efeso 5:15, 16) Kaya, pagsapit ng araw ng paghihiganti ni Jehova, matitiyak natin na sasa-atin ang kaniyang pagpapala samantalang siya’y ‘naparirito upang iligtas ang kaniyang bayan.’ Sa araw na iyan, ikaw ba ay makakabilang sa mga taong nagtitiwala kay Jehova ukol sa kaligtasan?
18. Anong magandang pag-asa ang naghihintay para sa mga nagtitiwala kay Jehova, kaya naman, ano ang disidido silang gawin?
18 Para sa mga laging tumitiwala kay Jehova, anong gandang pag-asa ang naghihintay pagkalipas ng araw na iyan! Wala na ang makasalanang mga mang-aapi! Sa isang bagong sanlibutan, ang mga umiibig kay Jah Jehova ay isasauli ng kaniyang Anak sa kasakdalang wala nang kasalanan! Hindi mo ba inaasam-asam ang panahong iyan? Ang iyong pagtitiwala kay Jehova ang magdadala sa iyo sa kahanga-hangang araw na iyan. Oo, magtiwala kayong lagi kay Jehova, kayong mga tao, sapagkat ito’y nangangahulugan ng kaligtasan!
Mga Tanong sa Repaso
◻ Sa awit ng tagumpay sa Isaias 26 ano ba ang ipinapayo nito sa atin na gawin?
◻ Anong “bayang mataas” ang ibababa ni Jehova, at paano natin niyayapakan iyon?
◻ Ano ang ating matututuhan buhat sa panalangin ni Ezekias sa harap ng banta ni Sennacherib?
◻ Paanong ipinaghihiganti ang “mga pinatay” na tinutukoy sa Isaias 26:21?
◻ Ano ba ang magiging resulta kung tayo’y nagtitiwala kay Jah Jehova?
[Kahon sa pahina 19]
Isakdal ang Santa Sede?
Sa sumaryo ng isang artikulo ni Umberto Siniscalchi sa Il Giornale ng Milan, ang World Press Review ay ganito ang sinasabi: “Ang pinakamataas na Hukumang Dulugan ng Italya ay mahigpit na pinintasan dahilan sa pagwawalang-saysay nito, noong Hulyo [1987], sa mga mandamyento de aresto ng tatlong opisyales ng bangko ng Vaticano na kasangkot sa iskandalo ng katiwalian sa Banco Ambrosiano.” Ang disisyon, na salig sa dating kasunduan sa pagitan ng Vaticano at ng gobyerno ng Italya, ay nagkaloob ng imyunidad sa chairman ng bangko, na isang arsobispo, at gayundin sa manedyer na direktor ng bangko at punong accountant. Isinusog pa ng review: “Ang mga ibang kritiko, bagama’t hindi nila sinisisi ang mga hukom sa ginawang disisyon, ay naniniwala na ang kasunduang iyon ay lumalabag sa saligang-batas ng Italya sa pagkakaloob ng imyunidad sa mga taong gumawa ng paglabag sa batas sa lupain ng Italya. May mga mambabatas na madaliang humihiling ng paggawa ng isang kasunduan na nagpapahintulot sa mga hukuman ng Italya na ipagsakdal ang Santa Sede sa mga krimen na ginawa nito sa Italya.”