Ikadalawampu’t Isang Kabanata
Ang Kamay ni Jehova ay Naging Mataas
1. Bakit si Isaias ay may pagpapahalaga kay Jehova?
SI Isaias ay may masidhing pag-ibig kay Jehova at nalulugod na purihin siya. Siya’y bumulalas: “O Jehova, ikaw ang aking Diyos. Dinadakila kita, pinupuri ko ang iyong pangalan.” Ano ang nakatulong sa propeta upang magkaroon ng gayong mainam na pagpapahalaga sa kaniyang Maylalang? Ang isang pangunahing salik ay ang kaniyang kaalaman hinggil kay Jehova at sa kaniyang mga gawain. Ang sumusunod na mga salita ni Isaias ay naghahayag ng kaalamang ito: “Sapagkat gumawa ka ng mga kamangha-manghang bagay, mga pasiya mula noong unang mga panahon, sa katapatan, sa pagiging mapagkakatiwalaan.” (Isaias 25:1) Kagaya ni Josue na nauna sa kaniya, nalalaman ni Isaias na si Jehova ay tapat at mapagkakatiwalaan at na ang lahat ng kaniyang “mga pasiya”—ang mga bagay na kaniyang nilayon—ay nagkakatotoo.—Josue 23:14.
2. Anong pasiya ni Jehova ang ipinahayag ngayon ni Isaias, at ano ang maaaring tinutukoy ng pasiyang ito?
2 Kalakip sa pasiya ni Jehova ang mga kapahayagan ng kaniyang paghatol laban sa mga kaaway ng Israel. Ngayo’y ipinahayag ni Isaias ang isa sa mga ito: “Ang lunsod ay ginawa mong bunton ng mga bato, ang nakukutaang bayan naman ay gumuguhong kagibaan, isang tirahang tore ng mga taga-ibang bayan na hindi na magiging lunsod, na hindi itatayong muli maging hanggang sa panahong walang takda.” (Isaias 25:2) Ano ba ang lunsod na ito na walang pangalan? Maaaring ang tinutukoy ni Isaias ay ang Ar ng Moab—ang Moab ay matagal nang may pakikipag-alit sa bayan ng Diyos.a O maaaring ang tinutukoy niya ay ang isa pang matibay na lunsod—ang Babilonya.—Isaias 15:1; Zefanias 2:8, 9.
3. Sa anong paraan niluluwalhati si Jehova ng kaniyang mga kaaway?
3 Paano tutugon ang mga kaaway ni Jehova kapag ang kaniyang panukala laban sa kanilang matibay na lunsod ay nagkatotoo? ‘Luluwalhatiin ka niyaong isang malakas na bayan; ang bayan ng mapaniil na mga bansa, matatakot sila sa iyo.’ (Isaias 25:3) Mauunawaan naman kung bakit ang mga kaaway ng Diyos na makapangyarihan sa lahat ay matatakot sa kaniya. Gayunman, paano nila siya niluluwalhati? Kanila bang iiwan ang huwad na mga diyos nila at tatanggapin ang tunay na pagsamba? Tunay na hindi! Sa halip, gaya nina Paraon at Nabucodonosor, kanilang niluluwalhati si Jehova kapag sila’y napilitang kumilala sa kaniyang napakalaking kahigitan sa kanila.—Exodo 10:16, 17; 12:30-33; Daniel 4:37.
4. Anong “bayan ng mapaniil na mga bansa” ang umiiral sa ngayon, at paanong maging siya ay kailangang lumuwalhati kay Jehova?
4 Sa ngayon “ang bayan ng mapaniil na mga bansa” ay ang “dakilang lunsod na may isang kaharian sa mga hari sa lupa,” alalaong baga, ang “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 17:5, 18) Ang pangunahing bahagi ng imperyong ito ay ang Sangkakristiyanuhan. Paano niluluwalhati si Jehova ng mga pinunong relihiyoso ng Sangkakristiyanuhan? Sa pamamagitan ng mapait na pagtanggap sa kamangha-manghang mga bagay na naisakatuparan niya sa kapakanan ng kaniyang mga Saksi. Lalo na noong 1919 nang isauli ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa dinamikong gawain pagkatapos ng kanilang paglaya mula sa espirituwal na pagkabihag sa Babilonyang Dakila, ang mga pinunong ito ay “natakot at nagbigay ng kaluwalhatian sa Diyos ng langit.”—Apocalipsis 11:13.b
5. Paano ipinagsasanggalang ni Jehova yaong mga lubos na nagtitiwala sa kaniya?
5 Bagaman nakatatakot kapag tinitingnan ng kaniyang mga kaaway, si Jehova ay kanlungan ng maaamo at ng mapagpakumbaba na nagnanais maglingkod sa kaniya. Maaaring pagsikapan ng makarelihiyoso at makapulitikal na mga maniniil ang lahat ng bagay upang sirain ang pananampalataya ng mga tunay na mananamba, subalit sila’y bigo sapagkat ang mga ito ay may ganap na pagtitiwala kay Jehova. Sa wakas, madali niyang mapatatahimik ang mga sumasalansang sa kaniya, na para bang kaniyang tinatakpan ang nagniningas na araw sa disyerto sa pamamagitan ng isang ulap o hinahadlangan ang puwersa ng isang bagyong maulan sa pamamagitan ng isang pader.—Basahin ang Isaias 25:4, 5.
‘Isang Piging Para sa Lahat ng mga Bayan’
6, 7. (a) Anong uri ng piging ang inihanda ni Jehova, at para kanino? (b) Ano ang inilalarawan ng piging na inihula ni Isaias?
6 Gaya ng isang maibiging ama, si Jehova ay hindi lamang nagsasanggalang kundi nagpapakain din sa kaniyang mga anak, lalo na sa espirituwal na paraan. Pagkatapos na palayain ang kaniyang bayan noong 1919, naghanda siya para sa kanila ng isang piging para sa tagumpay, isang saganang suplay ng espirituwal na pagkain: “Si Jehova ng mga hukbo ay tiyak na gagawa para sa lahat ng mga bayan, sa bundok na ito, ng isang piging ng mga putaheng malangis, isang piging ng alak na pinanatili sa latak, ng mga putaheng malangis na punô ng utak sa buto, ng alak na pinanatili sa latak, sinala.”—Isaias 25:6.
7 Ang piging ay nakahanda sa “bundok” ni Jehova. Ano ang bundok na ito? Ito ay “ang bundok ng bahay ni Jehova” na doon ang lahat ng mga bansa ay humuhugos “sa huling bahagi ng mga araw.” Ito’y “banal na bundok” ni Jehova, kung saan ang kaniyang tapat na mga mananamba ay hindi mananakit at hindi maninira. (Isaias 2:2; 11:9) Sa mataas na dakong ito ng pagsamba, inihahanda ni Jehova ang kaniyang saganang piging para sa mga tapat. At ang espirituwal na mabubuting bagay na ngayo’y saganang inilalaan ay lumalarawan sa pisikal na mabubuting bagay na kaniyang ilalaan kapag ang Kaharian ng Diyos ang naging tanging pamahalaan ng sangkatauhan. Kung gayon ay mawawala na ang gutom. “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.”—Awit 72:8, 16.
8, 9. (a) Anong dalawang malaking kaaway ng sangkatauhan ang aalisin? Ipaliwanag. (b) Ano ang gagawin ng Diyos upang alisin ang kadustaan sa kaniyang bayan?
8 Yaong mga nakikibahagi na ngayon sa espirituwal na piging na inilaan ng Diyos ay may maluwalhating pag-asa. Pakinggan ang sumunod na salita ni Isaias. Sa paghahambing sa kasalanan at kamatayan sa isang “gawang hinabi,” o “balot,” na nakapipigil sa paghinga, sinabi niya: “Sa bundok na ito ay tiyak na lalamunin [ni Jehova] ang mukha ng balot na bumabalot sa lahat ng mga bayan, at ang gawang hinabi na nakahabi sa lahat ng mga bansa. Lalamunin niya ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha.”—Isaias 25:7, 8a.
9 Oo, wala nang kasalanan at kamatayan! (Apocalipsis 21:3, 4) Karagdagan pa, ang kadustaan dahil sa kasinungalingan na tiniis ng mga lingkod ni Jehova sa loob ng libu-libong taon ay aalisin din. “Ang kadustaan ng kaniyang bayan ay aalisin niya mula sa buong lupa, sapagkat si Jehova mismo ang nagsalita nito.” (Isaias 25:8b) Paano mangyayari ito? Aalisin ni Jehova ang pinagmumulan ng kadustaang iyon, si Satanas at ang kaniyang binhi. (Apocalipsis 20:1-3) Hindi kataka-taka na ang bayan ng Diyos ay mauudyukang bumulalas: “Narito! Ito ang ating Diyos. Umaasa tayo sa kaniya, at ililigtas niya tayo. Ito si Jehova. Umaasa tayo sa kaniya. Tayo ay magalak at magsaya sa kaniyang pagliligtas.”—Isaias 25:9.
Ibinababa ang mga Palalo
10, 11. Anong marahas na pakikitungo ang inilaan ni Jehova para sa Moab?
10 Inililigtas ni Jehova yaong mga kabilang sa kaniyang bayan na nagpapamalas ng kapakumbabaan. Gayunman, ang Moab na kalapit-bayan ng Israel ay palalo, at kinapopootan ni Jehova ang pagmamapuri. (Kawikaan 16:18) Kung gayon, ang Moab ay kabilang sa mga mapapahiya. “Ang kamay ni Jehova ay mananatili sa bundok na ito, at ang Moab ay yuyurakan sa kinaroroonan nito kung paanong ang bunton ng dayami ay niyuyurakan sa tapunan ng dumi. At itatampal niya ang kaniyang mga kamay sa gitna nito gaya ng pagtampal ng manlalangoy upang makalangoy, at ibababa niya ang kapalaluan nito sa pamamagitan ng mapanlinlang na mga galaw ng kaniyang mga kamay. At ang nakukutaang lunsod, kasama ng iyong matataas na tanggulang pader, ay ibubuwal niya; ibababa niya iyon, ilulugmok niya sa lupa, sa alabok.”—Isaias 25:10-12.
11 Ang kamay ni Jehova ay “mananatili” sa bundok ng Moab. Ang resulta? Ang palalong Moab ay tatampalin at yuyurakan gaya sa “tapunan ng dumi.” Noong kaarawan ni Isaias, ang dayami ay niyuyurakan sa bunton ng dumi upang gumawa ng pataba; kaya inihula ni Isaias ang pagkapahiya ng Moab, sa kabila ng kaniyang mataas, waring ligtas na mga pader.
12. Bakit ibinukod ang Moab sa kapahayagan ng hatol ni Jehova?
12 Bakit ibinukod ni Jehova ang Moab para sa gayong marahas na pasiya? Ang mga Moabita ay mga inapo ni Lot, ang pamangkin ni Abraham at isang mananamba ni Jehova. Kaya, hindi lamang sila mga kahangga ng tipang bayan ng Diyos kundi mga kamag-anak din. Sa kabila nito, kanilang tinanggap ang mga huwad na diyos at nagpamalas ng matinding pakikipag-alit sa Israel. Sila’y karapat-dapat sa magiging kahihinatnan nila. Sa bagay na ito, ang Moab ay gaya ng mga kaaway ng mga lingkod ni Jehova sa ngayon. Siya’y kagaya lalo na ng Sangkakristiyanuhan, na nag-aangking nag-ugat buhat sa unang siglong Kristiyanong kongregasyon subalit, gaya ng nakita na bago nito, siya’y pangunahing bahagi ng Babilonyang Dakila.
Isang Awit ng Kaligtasan
13, 14. Anong “matibay na lunsod” ang taglay ng bayan ng Diyos sa ngayon, at sino ang mga pinahihintulutang pumasok doon?
13 Kumusta naman ang bayan ng Diyos? Taglay ang pananabik na tanggapin ang pagsang-ayon at proteksiyon ni Jehova, itinaas nila ang kanilang mga tinig sa pag-awit. “Sa araw na iyon ay aawitin ang awit na ito sa lupain ng Juda: ‘Mayroon kaming matibay na lunsod. Itinatalaga niya ang kaligtasan bilang mga pader at muralya. Buksan ninyo ang mga pintuang-daan upang makapasok ang matuwid na bansa na nag-iingat ng tapat na paggawi.’” (Isaias 26:1, 2) Bagaman ang mga salitang ito’y walang alinlangang nagkaroon ng katuparan noong sinaunang mga panahon, ang mga ito ay may maliwanag na katuparan din sa ngayon. Ang “matuwid na bansa” ni Jehova, ang espirituwal na Israel, ay pinagkalooban ng isang matatag, tulad-lunsod na organisasyon. Ano ngang sanhi ito ng kagalakan, para sa pag-awit!
14 Anong uri ng mga tao ang pumapasok sa “lunsod” na ito? Ang awit ay nagbibigay ng kasagutan: “Ang hilig na lubos na nasusuhayan ay iingatan mo [ng Diyos] sa namamalaging kapayapaan, sapagkat sa iyo tumitiwala ang isang iyon. Magtiwala kayo kay Jehova sa habang panahon, sapagkat nasa kay Jah Jehova ang Bato ng mga panahong walang takda.” (Isaias 26:3, 4) “Ang hilig” na sinusuhayan ni Jehova ay ang pagnanais na sumunod sa kaniyang matuwid na mga simulain at pagtitiwala sa kaniya, hindi ang pagkukumayod sa komersiyal, pulitikal, at relihiyosong mga sistema ng sanlibutan. Si “Jah Jehova” ang tanging maaasahang Bato ng katiwasayan. Yaong mga may ganap na pagtitiwala kay Jehova ay tumatanggap ng kaniyang proteksiyon at nagtatamasa ng “namamalaging kapayapaan.”—Kawikaan 3:5, 6; Filipos 4:6, 7.
15. Paanong “ang mataas na bayan” ay ibinaba sa ngayon, at sa anong paraan yuyurakan ito “ng mga paa niyaong napipighati”?
15 Anong laking kabaligtaran nito sa nangyari sa mga kaaway ng bayan ng Diyos! “Ibinuwal niya yaong mga tumatahan sa kaitaasan, ang mataas na bayan. Ibinababa niya iyon, ibinababa niya iyon sa lupa; idinidikit niya iyon sa alabok. Yuyurakan iyon ng paa, ng mga paa niyaong napipighati, ng mga yapak ng mga maralita.” (Isaias 26:5, 6) Muli, maaaring ang tinutukoy rito ni Isaias ay isang “mataas na bayan” sa Moab, o maaaring ang nais niyang sabihin ay ibang lunsod, gaya ng Babilonya, na tiyak na nangingibabaw sa kapalaluan. Anuman iyon, binaligtad ni Jehova ang mga pangyayari para sa “mataas na bayan,” at ito’y niyurakan ng kaniyang ‘mga maralita at napipighati.’ Sa ngayon ang hulang ito ay akmang-akma sa Babilonyang Dakila, lalo na sa Sangkakristiyanuhan. Noong 1919 napilitang palayain ng “mataas na bayan” ang bayan ni Jehova—isang kahiya-hiyang pagbagsak—at sila naman ang siyang yumurak sa kanilang dating mambibihag. (Apocalipsis 14:8) Paano? Sa pamamagitan ng hayagang pagbabalita ng dumarating na paghihiganti sa kaniya ni Jehova.—Apocalipsis 8:7-12; 9:14-19.
Pagnanais sa Katuwiran at sa “Pinakaalaala” ni Jehova
16. Anong mainam na halimbawa ng debosyon ang ipinakita ni Isaias?
16 Pagkatapos ng matagumpay na awit na ito, isinisiwalat ni Isaias ang tindi ng kaniyang sariling debosyon at ang mga gantimpala ng paglilingkod sa Diyos ng katuwiran. (Basahin ang Isaias 26:7-9.) Ang propeta ay naglalaan ng isang mainam na halimbawa sa ‘pagkaumaasa kay Jehova’ at sa pagkakaroon ng matinding pagnanais para sa “pangalan” at “pinakaalaala” ni Jehova. Ano ang pinakaalaala ni Jehova? Ang Exodo 3:15 ay nagsasabi: “Jehova . . . ang aking pangalan hanggang sa panahong walang takda, at ito ang pinakaalaala sa akin sa sali’t salinlahi.” Pinakamamahal ni Isaias ang pangalan ni Jehova at ang lahat ng kinakatawan nito, lakip na ang Kaniyang matutuwid na pamantayan at mga pamamaraan. Yaong mga lumilinang ng gayunding pag-ibig kay Jehova ay nakatitiyak ng kaniyang pagpapala.—Awit 5:8; 25:4, 5; 135:13; Oseas 12:5.
17. Anong mga pribilehiyo ang hindi ibibigay sa mga balakyot?
17 Gayunman, hindi lahat ay umiibig kay Jehova at sa kaniyang matataas na pamantayan. (Basahin ang Isaias 26:10.) Ang balakyot, kahit na anyayahan pa, ay may katigasan ang ulong tatanggi na matuto ng katuwiran upang makapasok sa “lupain ng katapatan,” ang lupaing kinaroroonan ng mga lingkod ni Jehova na tapat sa paraang moral at espirituwal. Kaya, ‘hindi makikita ang karilagan ni Jehova’ ng mga balakyot. Sila’y hindi mabubuhay upang magtamasa ng mga pagpapala na aagos sa sangkatauhan pagkatapos na mapabanal ang pangalan ni Jehova. Kahit na sa bagong sanlibutan, kapag ang buong lupa ay naging “lupain ng katapatan,” ang ilan ay maaaring hindi tumugon sa maibiging-kabaitan ni Jehova. Ang pangalan ng mga ito ay hindi mapapasulat sa aklat ng buhay.—Isaias 65:20; Apocalipsis 20:12, 15.
18. Sa anong paraan nabulag ang ilan noong kaarawan ni Isaias dahil sa ginusto nila iyon, at kailan nila sapilitang ‘mamamasdan’ si Jehova?
18 “O Jehova, ang iyong kamay ay naging mataas, ngunit hindi nila iyon namamasdan. Kanilang mamamasdan at mapapahiya sila dahil sa sigasig sa iyong bayan. Oo, ang mismong apoy para sa iyong mga kalaban ang uubos sa kanila.” (Isaias 26:11) Noong kaarawan ni Isaias, ang kamay ni Jehova ay naging mataas nang ipagsanggalang ni Jehova ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng pagkilos laban sa kanilang mga kaaway. Subalit hindi ito kinilala ng karamihan. Ang gayong mga tao, na mas ginusto pang maging bulag sa espirituwal, ay mapipilitan sa wakas na ‘masdan,’ o kilalanin, si Jehova kapag sila’y nilamon na ng apoy ng kaniyang sigasig. (Zefanias 1:18) Nang maglaon ay sinabi ng Diyos kay Ezekiel: “Kanila ngang makikilala na ako ay si Jehova.”—Ezekiel 38:23.
“Ang Iniibig ni Jehova ay Kaniyang Dinidisiplina”
19, 20. Bakit at paano dinisiplina ni Jehova ang kaniyang bayan, at sino ang nakinabang sa gayong disiplina?
19 Nababatid ni Isaias na ang anumang kapayapaan at kasaganaan na tinatamasa ng kaniyang mga kababayan ay dahil sa pagpapala ni Jehova. “O Jehova, maglalapat ka ng kapayapaan sa amin, sapagkat maging ang lahat ng aming mga gawa ay isinagawa mo para sa amin.” (Isaias 26:12) Sa kabila nito at sa kabila ng paglalagay ni Jehova sa harapan ng kaniyang bayan ng pagkakataong maging ‘isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa,’ ang Juda ay nagkaroon ng kapuwa mabuti at masamang kasaysayan. (Exodo 19:6) Paulit-ulit, ang kaniyang bayan ay bumaling sa huwad na mga diyos. Bilang resulta, paulit-ulit na sila’y dinisiplina. Gayunman, ang gayong disiplina ay kapahayagan ng pag-ibig ni Jehova sapagka’t “ang iniibig ni Jehova ay dinidisiplina niya.”—Hebreo 12:6.
20 Kalimitan, dinidisiplina ni Jehova ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa ibang bansa, ang “ibang mga panginoon,” na mangibabaw sa kanila. (Basahin ang Isaias 26:13.) Noong 607 B.C.E., pinahintulutan niya ang mga taga-Babilonya na dalhin sila sa pagkatapon. Ito ba’y nakatulong sa kanila? Ang pagdurusa sa ganang sarili ay hindi nagbibigay ng pakinabang sa isang tao. Gayunman, kapag ang nagdurusa ay natututo mula sa nangyari, nagsisisi, at nag-uukol kay Jehova ng bukod-tanging debosyon, kung gayon siya’y nakikinabang. (Deuteronomio 4:25-31) Mayroon bang sinuman sa mga Judio ang nagpakita ng makadiyos na pagsisisi? Oo! Makahulang sinabi ni Isaias: “Sa pamamagitan mo lamang namin mababanggit ang iyong pangalan.” Pagkatapos na sila’y bumalik mula sa pagkatapon noong 537 B.C.E., ang mga Judio ay malimit na nangailangan ng disiplina dahil sa iba pang mga kasalanan, subalit hindi na sila naging biktima pa ng pagsamba sa mga diyos na bato.
21. Ano ang mangyayari sa mga nagmalupit sa bayan ng Diyos?
21 Kumusta naman ang mga bumihag sa Juda? “Palibhasa’y inutil sa kamatayan, hindi sila babangon. Kaya ibinaling mo ang iyong pansin upang malipol mo sila at mapawi ang lahat ng pagbanggit sa kanila.” (Isaias 26:14) Ang Babilonya ay magdurusa dahil sa mga kalupitang kanilang ipinalasap sa piniling bayan ni Jehova. Sa pamamagitan ng mga Medo at mga Persiano, pababagsakin ni Jehova ang palalong Babilonya at palalayain ang kaniyang tapong bayan. Ang dakilang lunsod na iyon, ang Babilonya, ay gagawing inutil, mistulang patay. Sa wakas, matatapos na ang kaniyang pag-iral.
22. Sa makabagong-panahon, paano pinagpala ang bayan ng Diyos?
22 Sa makabagong katuparan, isang nalabi ng nilinis na espirituwal na Israel ang pinalaya mula sa Babilonyang Dakila at isinauli sa paglilingkod kay Jehova noong 1919. Taglay ang panibagong sigla, may kasigasigang itinalaga ng pinahirang mga Kristiyano ang kanilang mga sarili sa gawaing pangangaral. (Mateo 24:14) Pinagpala naman sila ni Jehova sa pamamagitan ng pagsulong, na dinadala pa nga ang isang malaking pulutong ng “ibang mga tupa” upang maglingkod na kasama nila. (Juan 10:16) “Dinagdagan mo ang bansa; O Jehova, dinagdagan mo ang bansa; niluwalhati mo ang iyong sarili. Pinalawak mo ang lahat ng mga hanggahan ng lupain. O Jehova, sa panahon ng kabagabagan ay ibinaling nila sa iyo ang kanilang pansin; sila ay nagbuhos ng bulong na panalangin nang tumanggap sila ng iyong disiplina.”—Isaias 26:15, 16.
“Sila ay Babangon”
23. (a) Anong bukod-tanging pagtatanghal ng kapangyarihan ni Jehova ang naganap noong 537 B.C.E.? (b) Anong kahawig na pagtatanghal ang naganap noong 1919 C.E.?
23 Binalikan ni Isaias ang kalagayang napaharap sa Juda habang sila ay bihag pa sa Babilonya. Inihambing niya ang bansa sa isang babae na nagdaramdam na hindi makapagsisilang kung walang tulong. (Basahin ang Isaias 26:17, 18.) Ang tulong na iyon ay sumapit noong 537 B.C.E., at ang bayan ni Jehova ay bumalik sa kanilang lupang tinubuan, sabik na muling itayo ang templo at isauli ang tunay na pagsamba. Sa diwa, ang bansa ay ibinangon mula sa mga patay. “Ang iyong mga patay ay mabubuhay. Ang isang bangkay ko—sila ay babangon. Gumising kayo at humiyaw nang may kagalakan, kayong mga tumatahan sa alabok! Sapagkat ang iyong hamog ay gaya ng hamog ng mga malva, at maging yaong mga inutil sa kamatayan ay palalaglagin ng lupa upang maipanganak.” (Isaias 26:19) Ano ngang pagtatanghal ng kapangyarihan ni Jehova! Karagdagan pa, anong laking pagtatanghal nang matupad ang mga salitang ito sa espirituwal na diwa noong 1919! (Apocalipsis 11:7-11) At gaano natin inaasam ang panahon kapag ang mga salitang ito ay natupad sa literal na paraan sa bagong sanlibutan at yaong inutil sa kamatayan ay ‘makaririnig sa tinig ni Jesus at lalabas’ mula sa mga alaalang libingan!—Juan 5:28, 29.
24, 25. (a) Paano maaaring sinunod ng mga Judio noong 539 B.C.E. ang utos ni Jehova na itago ang kanilang mga sarili? (b) Ano ang maaaring tinutukoy ng “mga loobang silid” sa makabagong mga panahon, at anong saloobin ang dapat nating linangin hinggil sa mga ito?
24 Gayunman, upang tamasahin ng mga tapat ang ipinangakong espirituwal na mga pagpapala sa pamamagitan ni Isaias, sila’y kailangang sumunod sa mga utos ni Jehova: “Yumaon ka, bayan ko, pumasok ka sa iyong mga loobang silid, at isara mo ang iyong mga pinto sa likuran mo. Magtago ka nang sandali hanggang sa makaraan ang pagtuligsa. Sapagkat, narito! si Jehova ay lumalabas mula sa kaniyang dako upang hingan ng sulit ang kamalian ng tumatahan sa lupain laban sa kaniya, at tiyak na ilalantad ng lupain ang kaniyang pagbububo ng dugo at hindi na tatakpan ang mga napatay sa kaniya.” (Isaias 26:20, 21; ihambing ang Zefanias 1:14.) Ang talatang ito ay maaaring nagkaroon ng panimulang katuparan nang ang mga Medo at mga Persiano, sa pangunguna ni Haring Ciro, ay lumupig sa Babilonya noong 539 B.C.E. Ayon sa Griegong istoryador na si Xenophon, nang si Ciro ay pumasok sa Babilonya, pinag-utusan niya ang lahat na manatili sa kanilang tahanan sapagkat ang kaniyang hukbong-kabayuhan ay “tumanggap ng utos na patayin ang lahat ng kanilang masumpungan sa labas ng mga pintuan.” Sa ngayon, ang “mga loobang silid” ng hulang ito ay malapit na maiuugnay sa sampu-sampung libong mga kongregasyon ng bayan ni Jehova sa palibot ng daigdig. Ang gayong mga kongregasyon ay patuloy na gaganap ng mahalagang papel sa ating buhay, maging hanggang sa “malaking kapighatian.” (Apocalipsis 7:14) Gaano nga kahalaga na panatilihin natin ang isang mabuting saloobin sa kongregasyon at palagiang makisama rito!—Hebreo 10:24, 25.
25 Hindi na magtatagal ang katapusan ay sasapit sa sanlibutan ni Satanas. Kung paano ipagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang bayan sa kakila-kilabot na panahong iyon, hindi pa natin alam. (Zefanias 2:3) Gayunman, ating nalalaman na ang kaligtasan natin ay salig sa ating pananampalataya kay Jehova at sa ating katapatan at pagsunod sa kaniya.
26. Ano ang “Leviatan” noong kaarawan ni Isaias at sa ating kaarawan, at ano ang mangyayari sa “dambuhalang hayop” na ito?
26 Habang inaasam-asam ang panahong iyon, si Isaias ay humuhula: “Sa araw na iyon si Jehova, taglay ang kaniyang matigas at malaki at matibay na tabak, ay magbabaling ng kaniyang pansin sa Leviatan, ang umuusad na serpiyente, sa Leviatan nga, ang likong serpiyente, at tiyak na papatayin niya ang dambuhalang hayop-dagat na nasa dagat.” (Isaias 27:1) Sa panimulang katuparan nito, ang “Leviatan” ay tumutukoy sa mga bansa na doo’y nangalat ang Israel, gaya ng Babilonya, Ehipto, at Asirya. Ang mga bansang ito ay hindi makahahadlang sa pagbabalik ng bayan ni Jehova sa kanilang lupang tinubuan sa wastong panahon. Sino kung gayon ang makabagong-panahong Leviatan? Lumilitaw na ito’y si Satanas—“ang orihinal na serpiyente”—at ang kaniyang balakyot na sistema ng mga bagay dito sa lupa, ang kaniyang kasangkapan sa pakikipagbaka laban sa espirituwal na Israel. (Apocalipsis 12:9, 10; 13:14, 16, 17; 18:24) Hindi na napigilan ni “Leviatan” ang bayan ng Diyos noong 1919, at malapit na siyang lubusang mawala kapag ‘pinatay [ni Jehova] ang dambuhalang hayop na nasa dagat.’ Samantala, wala nang maaaring gawin ang “Leviatan” na tunay na magtatagumpay laban sa bayan ni Jehova.—Isaias 54:17.
“Isang Ubasan ng Alak na Bumubula”
27, 28. (a) Sa pamamagitan ng ano pinunô ng ubasan ni Jehova ang buong lupa? (b) Paano ipinagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang ubasan?
27 Sa pamamagitan ng isa pang awit, inilarawan ngayon ni Isaias sa magandang paraan ang pagiging mabunga ng pinalayang bayan ni Jehova: “Sa araw na iyon ay umawit kayo sa kaniya: ‘Isang ubasan ng alak na bumubula! Akong si Jehova ang nag-iingat sa kaniya. Sa bawat sandali ay didiligin ko siya. Upang walang sinumang magbaling ng kaniyang pansin laban sa kaniya, iingatan ko siya maging sa gabi’t araw.’” (Isaias 27:2, 3) Tunay na pinunô ng nalabi ng espirituwal na Israel at ng kanilang masisipag na kasamahan ang buong lupa ng espirituwal na bunga. Talaga ngang isang dahilan para sa pagdiriwang—para sa pag-awit! Lahat ng kapurihan ay para kay Jehova, ang isa na maibiging nangangalaga sa kaniyang ubasan.—Ihambing ang Juan 15:1-8.
28 Tunay nga, ang naunang pagkagalit ni Jehova ay napalitan ng pagsasaya! “Walang pagngangalit ang sumasaakin. Sino ang magbibigay sa akin ng mga tinikang-palumpong at mga panirang-damo sa pagbabaka? Tatapakan ko ang mga iyon. Ang mga iyon ay magkasabay kong sisilaban. Kung hindi ay tumangan siya sa aking moog, makipagpayapaan siya sa akin; ang pakikipagpayapaan sa akin ay gawin niya.” (Isaias 27:4, 5) Upang matiyak na ang kaniyang ubasan ay patuloy na magbubunga ng saganang “alak na bumubula,” dudurugin ni Jehova at sisilaban sa apoy ang anumang tulad-dawag na impluwensiya na maaaring magpasama sa kaniyang ubasan. Kaya, huwag isapanganib ninuman ang kapakanan ng Kristiyanong kongregasyon! Sa halip, hayaang lahat ay ‘tumangan sa moog ni Jehova,’ na hinahanap ang kaniyang pagsang-ayon at proteksiyon. Sa paggawa nito, sila’y nakikipagpayapaan sa Diyos—bagay na napakahalaga anupat dalawang ulit na binanggit ito ni Isaias. Ang resulta? “Sa mga araw na dumarating ay mag-uugat ang Jacob, ang Israel ay mamumulaklak at magsisibol nga; at talagang pupunuin nila ng bunga ang ibabaw ng mabungang lupain.” (Isaias 27:6)c Anong kamangha-manghang katibayan ng kapangyarihan ni Jehova ang katuparan ng talatang ito! Mula pa noong 1919, pinunô na ng pinahirang mga Kristiyano ang lupa ng “bunga,” ng masustansiyang espirituwal na pagkain. Bilang resulta, sumama sa kanila ang milyun-milyong matapat na ibang tupa, na kasama nilang ‘nag-uukol [sa Diyos] ng sagradong paglilingkod araw at gabi.’ (Apocalipsis 7:15) Sa gitna ng masamang sanlibutan, may pagsasayang pinanatili ng mga ito ang kaniyang matataas na pamantayan. At patuloy silang pinagpapala ni Jehova ng mga pagsulong. Huwag nawa nating kalimutan kailanman ang dakilang pribilehiyo na kumuha ng “bunga” at ibahagi ito sa iba sa pamamagitan ng ating sariling sigaw ng papuri!
[Mga talababa]
a Marahil ang pangalang Ar ay nangangahulugang “Lunsod.”
c Ang Isaias 27:7-13 ay tinatalakay sa kahon sa pahina 285.
[Kahon sa pahina 285]
“Isang Malaking Tambuli” ang Naghahayag ng Kalayaan
Noong 607 B.C.E., ang kirot ng Juda ay naging matindi nang disiplinahin ni Jehova ang kaniyang suwail na bansa sa pamamagitan ng hampas ng pagiging tapon. (Basahin ang Isaias 27:7-11.) Ang kamalian ng bansa ay napakalaki upang makayanan ng bayad-sala ng mga haing hayop. Kaya, kung paanong maaaring pangalatin ng isa ang mga tupa o mga kambing sa pamamagitan ng isang “panakot na sigaw” o ng malakas na “bugso” taglay ang malakas na hangin, patatalsikin ni Jehova ang Israel mula sa kanilang lupang tinubuan. Pagkatapos nito, kahit ang mahihinang tao, na isinasagisag ng mga babae, ay maaaring magsamantala sa mga nalabi sa lupain.
Gayunman, ang panahon ay sumapit na upang palayain ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa pagkabihag. Kaniyang pinalalaya sila kung paanong mapalalaya ng magsasaka ang mga olibo mula sa pagiging bihag, wika nga, sa mga puno. “Mangyayari nga na sa araw na iyon ay lalagasin ni Jehova ang bunga, mula sa umaagos na batis ng Ilog [Eufrates] hanggang sa agusang libis ng Ehipto, at gayon kayo kukuning isa-isa, O mga anak ni Israel. At mangyayari nga na sa araw na iyon ay hihipan ang isang malaking tambuli, at yaong mga napapahamak sa lupain ng Asirya at yaong mga nakapanabog sa lupain ng Ehipto ay tiyak na darating at yuyukod kay Jehova sa banal na bundok sa Jerusalem.” (Isaias 27:12, 13) Kasunod ng kaniyang tagumpay noong 539 B.C.E., si Ciro ay nagpalabas ng isang utos na nagpapalaya sa lahat ng Judio sa kaniyang imperyo, lakip na yaong nasa Asirya at Ehipto. (Ezra 1:1-4) Para bang “isang malaking tambuli” ang hinipan, anupat umalingawngaw ang banal na himno ng kalayaan para sa bayan ng Diyos.
[Mga larawan sa pahina 275]
“Isang piging ng mga putaheng malangis”
[Larawan sa pahina 277]
Ang Babilonya ay niyurakan sa ilalim ng mga paa niyaong mga bilanggo
[Larawan sa pahina 278]
“Pumasok ka sa iyong mga loobang silid”