Magtiwala Ka kay Jehova Nang Iyong Buong Puso
“Yaong mga nakaaalam ng iyong pangalan ay magtitiwala sa iyo.”—AWIT 9:10.
1, 2. Ano ang ilang bagay na walang-saysay na pinagtitiwalaan ng mga tao ukol sa katiwasayan?
SA NGAYON, sa panahong ito na napakaraming bagay ang nagsasapanganib sa ating kapakanan, likas lamang na umasa sa isang persona o bagay na magdudulot ng katiwasayan. Inaakala ng ilan na magiging tiwasay ang kanilang kinabukasan kung magkakaroon sila ng mas maraming salapi, ngunit ang totoo, ang salapi ay isang di-tiyak na kanlungan. Sinasabi ng Bibliya: “Ang nagtitiwala sa kaniyang kayamanan—siya ay mabubuwal.” (Kawikaan 11:28) Ang iba naman ay umaasa sa mga lider na tao, ngunit maging ang pinakamahusay sa mga lider na ito ay nagkakamali. At sa dakong huli, silang lahat ay namamatay. May-katalinuhang sinasabi ng Bibliya: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga taong mahal, ni sa anak man ng makalupang tao, na sa kaniya ay walang pagliligtas.” (Awit 146:3) Nagbababala rin sa atin ang kinasihang mga salitang iyon laban sa pagtitiwala sa ating sarilinang pagsisikap. Tayo rin ay mga ‘anak lamang ng makalupang tao.’
2 Pinuna ni propeta Isaias ang mga lider ng bansang Israel noong kaniyang kapanahunan dahil nagtiwala sila sa “kanlungang kasinungalingan.” (Isaias 28:15-17) Sa kanilang paghahanap ng katiwasayan, gumawa sila ng pulitikal na pakikipag-alyansa sa katabing mga bansa. Ang gayong mga alyansa ay hindi mapagkakatiwalaan—isang kasinungalingan. Sa katulad na paraan, maraming relihiyosong lider sa ngayon ang nagtataguyod ng mga pakikipag-ugnayan sa pulitikal na mga lider. Ang mga alyansa ring iyon ay mapatutunayang “isang kasinungalingan.” (Apocalipsis 17:16, 17) Ang mga ito ay hindi makapagbibigay ng nagtatagal na katiwasayan.
Ang Mabubuting Halimbawa Nina Josue at Caleb
3, 4. Paano naiiba ang ulat nina Josue at Caleb sa ulat ng sampung iba pang tiktik?
3 Kung gayon, saan tayo dapat umasa ukol sa katiwasayan? Doon sa mismong inasahan nina Josue at Caleb noong panahon ni Moises. Di-nagtagal pagkatapos ng paglaya ng Israel mula sa Ehipto, nakahanda nang pumasok ang bansa sa Canaan, ang Lupang Pangako. Labindalawang lalaki ang ipinadala upang tiktikan ang lupain, at sa katapusan ng 40 araw, nagbalik sila upang mag-ulat. Dalawa lamang sa mga tiktik, sina Josue at Caleb, ang nagsalita nang positibo hinggil sa pagtatagumpay ng Israel sa Canaan. Pinatotohanan naman ng iba na kaakit-akit nga ang lupain ngunit kanilang sinabi: “Ang totoo ay malalakas ang mga taong tumatahan sa lupain, at ang mga nakukutaang lunsod ay napakalalaki . . . Hindi natin kayang umahon laban sa bayan, sapagkat mas malalakas sila kaysa sa atin.”—Bilang 13:27, 28, 31.
4 Pinakinggan ng mga Israelita ang sampung tiktik at natakot, hanggang sa punto na nagbulung-bulungan sila laban kay Moises. Sa wakas, sinabi nina Josue at Caleb taglay ang masidhing damdamin: “Ang lupain na dinaanan namin upang tiktikan iyon ay pagkabuti-buting lupain. Kung kinalulugdan tayo ni Jehova, tiyak na dadalhin niya tayo sa lupaing iyon at ibibigay iyon sa atin, isang lupain na inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan. Huwag lamang kayong maghimagsik laban kay Jehova; at kayo, huwag kayong matakot sa bayan ng lupaing iyon.” (Bilang 14:6-9) Gayunpaman, tumanggi pa ring makinig ang mga Israelita at bilang resulta, hindi sila pinahintulutang pumasok sa Lupang Pangako noong panahong iyon.
5. Bakit nagbigay ng positibong ulat sina Josue at Caleb?
5 Bakit nagbigay ng mabuting ulat sina Josue at Caleb, samantalang ang sampung tiktik ay nagbigay naman ng masamang balita? Pare-parehong nakita ng 12 ang malalakas na lunsod at umiiral na mga bansa. At tama naman ang sampung tiktik sa pagsasabing hindi gayon kalakas ang Israel upang malupig ang lupain. Alam din ito nina Josue at Caleb. Gayunman, tiningnan ng sampung tiktik ang mga bagay-bagay ayon sa pangmalas ng tao. Sa kabilang dako naman, sina Josue at Caleb ay nagtiwala kay Jehova. Nakita nila ang kaniyang makapangyarihang mga gawa sa Ehipto, sa Dagat na Pula, at sa paanan ng Bundok Sinai. Aba, pagkalipas ng maraming dekada, ang mga ulat lamang ng mga gawang ito ay sapat na upang pakilusin si Rahab ng Jerico na isapanganib ang kaniyang buhay alang-alang sa bayan ni Jehova! (Josue 2:1-24; 6:22-25) Sina Josue at Caleb, mga aktuwal na nakasaksi sa mga gawa ni Jehova, ay may lubusang pagtitiwala na patuloy na ipaglalaban ng Diyos ang kaniyang bayan. Pagkalipas ng 40 taon, nabigyang-katuwiran ang kanilang pagtitiwala nang ang bagong salinlahi ng mga Israelita, sa ilalim ng pangunguna ni Josue, ay humayo patungo sa Canaan at nilupig ang lupain.
Kung Bakit Tayo Dapat Lubusang Magtiwala kay Jehova
6. Bakit nakararanas ng panggigipit ang mga Kristiyano sa ngayon, at saan sila dapat maglagak ng kanilang tiwala?
6 Sa “mga panahong [ito na] mapanganib [at] mahirap pakitunguhan,” tayo, gaya ng mga Israelita, ay napapaharap sa mga kaaway na mas malalakas kaysa sa atin. (2 Timoteo 3:1) Ginigipit tayo sa moral, espirituwal at, sa ilang kalagayan, sa pisikal na paraan pa nga. Hindi natin kayang labanan ang mga panggigipit na iyon sa ganang sarili natin, yamang nagmumula ang mga ito sa isang personang nakahihigit sa tao, si Satanas na Diyablo. (Efeso 6:12; 1 Juan 5:19) Kung gayon, saan tayo makahahanap ng tulong? Ganito ang sinabi ng isang tapat na lalaki noong sinaunang panahon sa kaniyang panalangin kay Jehova: “Yaong mga nakaaalam ng iyong pangalan ay magtitiwala sa iyo.” (Awit 9:10) Kung talagang kilala natin si Jehova at ating nauunawaan ang kahulugan ng kaniyang pangalan, tiyak na magtitiwala tayo sa kaniya kagaya ng ginawa nina Josue at Caleb.—Juan 17:3.
7, 8. (a) Paanong ang paglalang ay nagbibigay sa atin ng mga dahilan upang magtiwala kay Jehova? (b) Anu-anong dahilan ang ibinibigay sa atin ng Bibliya upang magtiwala kay Jehova?
7 Bakit tayo dapat magtiwala kay Jehova? Ang isang dahilan kung bakit nagtiwala sina Josue at Caleb kay Jehova ay sapagkat nakita nila ang mga pagtatanghal ng kaniyang kapangyarihan. Gayon din naman tayo. Halimbawa, isaalang-alang ang mga gawa ng paglalang ni Jehova, lakip na ang sansinukob, kasama ang bilyun-bilyong galaksi nito. Ang napakalalakas na pisikal na puwersa na kinokontrol ni Jehova ay nagpapakita na talagang siya ang Makapangyarihan-sa-lahat. Habang binubulay-bulay natin ang kamangha-manghang mga gawa ng paglalang, tiyak na sasang-ayon tayo kay Job, na nagsabi ng ganito tungkol kay Jehova: “Sino ang makapipigil sa kaniya? Sino ang magsasabi sa kaniya, ‘Ano ang iyong ginagawa?’ ” (Job 9:12) Sa katunayan, kung nasa panig natin si Jehova, hindi tayo kailangang matakot sa kaninuman sa buong sansinukob.—Roma 8:31.
8 Isaalang-alang din ang Salita ni Jehova, ang Bibliya. Ang di-nauubos na pinagmumulang ito ng karunungang mula sa Diyos ay napakabisa sa pagtulong sa atin na madaig ang maling mga gawain at maiayon ang ating buhay sa kalooban ni Jehova. (Hebreo 4:12) Sa pamamagitan ng Bibliya ay nalaman natin ang pangalan ni Jehova at naunawaan ang kahulugan ng kaniyang pangalan. (Exodo 3:14) Natanto natin na maaaring gampanan ni Jehova ang anumang papel na loobin niya—maibiging Ama, matuwid na Hukom, matagumpay na Mandirigma—upang matupad ang kaniyang mga layunin. At nakita natin kung paano laging nagkakatotoo ang kaniyang salita. Habang pinag-aaralan natin ang Salita ng Diyos, napakikilos tayong sabihin ang gaya ng sinabi ng salmista: “Nagtiwala ako sa iyong salita.”—Awit 119:42; Isaias 40:8.
9. Paano pinatitibay ng pantubos at ng pagbuhay-muli kay Jesus ang ating pagtitiwala kay Jehova?
9 Ang pantubos ay isa pang dahilan upang magtiwala kay Jehova. (Mateo 20:28) Tunay ngang kahanga-hanga na ipinadala ng Diyos ang kaniyang sariling Anak upang mamatay bilang pantubos para sa atin! At talagang mabisa ang pantubos. Tumatakip ito sa mga kasalanan ng lahat ng sangkatauhan na nagsisisi at bumabaling kay Jehova taglay ang matapat na puso. (Juan 3:16; Hebreo 6:10; 1 Juan 4:16, 19) Isang bahagi ng pagbabayad sa pantubos ay ang pagbuhay-muli kay Jesus. Ang himalang iyon, na pinatunayan ng daan-daang aktuwal na nakasaksi, ay isa pang dahilan upang magtiwala kay Jehova. Isa itong garantiya na ang ating pag-asa ay hindi mauuwi sa wala.—Gawa 17:31; Roma 5:5; 1 Corinto 15:3-8.
10. Ano ang personal na mga dahilan natin para magtiwala kay Jehova?
10 Ilan lamang ito sa mga dahilan kung bakit maaari at dapat tayong lubusang magtiwala kay Jehova. Marami pang ibang dahilan at ang ilan sa mga ito ay personal na mga kadahilanan. Halimbawa, tayong lahat ay napapaharap sa mahihirap na kalagayan sa ating buhay sa pana-panahon. Habang hinahanap natin ang patnubay ni Jehova sa pagharap sa mga ito, nakikita natin kung gaano kapraktikal ang patnubay na iyon. (Santiago 1:5-8) Mientras nagtitiwala tayo kay Jehova sa ating buhay araw-araw at nakikita ang mabubuting resulta nito, mas nagiging matibay ang ating pagtitiwala sa kaniya.
Nagtiwala si David kay Jehova
11. Sa kabila ng anong mga kalagayan nagtiwala si David kay Jehova?
11 Si David ng sinaunang Israel ang isa na nagtiwala kay Jehova. Napaharap si David sa pagbabanta ni Haring Saul, na gustong pumatay sa kaniya, at sa malakas na hukbo ng mga Filisteo, na nagsisikap lumupig sa Israel. Gayunpaman, nakaligtas siya at nagtagumpay pa nga. Bakit? Ipinaliwanag mismo ni David: “Si Jehova ang aking liwanag at aking kaligtasan. Kanino ako matatakot? Si Jehova ang moog ng aking buhay. Kanino ako manghihilakbot?” (Awit 27:1) Magtatagumpay rin tayo kung magtitiwala tayo kay Jehova sa gayon ding paraan.
12, 13. Paano ipinakita ni David na dapat tayong magtiwala kay Jehova kahit na ginagamit ng mga mananalansang ang kanilang dila bilang mga sandata laban sa atin?
12 Sa isang okasyon ay nanalangin si David: “Dinggin mo, O Diyos, ang aking tinig dahil sa aking pagkabahala. Mula sa panghihilakbot sa kaaway ay ingatan mo nawa ang aking buhay. Ikubli mo nawa ako mula sa lihim na usapan ng mga manggagawa ng kasamaan, mula sa pagkakagulo ng mga nagsasagawa ng bagay na nakasasakit, na nagpatalas ng kanilang dila na gaya ng tabak, na nag-asinta ng kanilang palaso, ang mapait na pananalita, upang panain mula sa mga kubling dako yaong walang kapintasan.” (Awit 64:1-4) Hindi natin alam ang tiyak na dahilan kung ano ang nag-udyok kay David upang isulat ang mga salitang iyon. Ngunit alam natin na sa ngayon, ‘pinatatalas din ng mga mananalansang ang kanilang dila,’ anupat ginagamit ang pamamahayag bilang sandata ng pakikipagdigma. ‘Pinapana’ nila ang mga Kristiyanong walang kapintasan, na ginagamit ang bibigan o nasusulat na kapahayagan bilang mga “palaso” upang manira. Kung tayo ay walang-pagsalang magtitiwala kay Jehova, ano ang magiging resulta?
13 Nagpatuloy si David: “Biglang ipapana sa kanila ng Diyos ang isang palaso. Sila ay nagkasugat, at sila ay naninisod. Ngunit ang kanilang dila ay laban sa kanilang sarili. . . . Ang matuwid ay magsasaya kay Jehova at manganganlong sa kaniya.” (Awit 64:7-10) Oo, bagaman pinatatalas ng mga kaaway ang dila nila laban sa atin, ang ‘kanilang dila ay magiging laban sa kanilang sarili’ sa kahuli-hulihan. Pangyayarihin ni Jehova na maging positibo ang kahihinatnan sa dakong huli, upang ang lahat ng nagtitiwala sa kaniya ay makapagsaya sa kaniya.
Napatunayang Makabuluhan ang Pagtitiwala ni Hezekias
14. (a) Sa harap ng anong mapanganib na situwasyon nagtiwala si Hezekias kay Jehova? (b) Paano ipinakita ni Hezekias na hindi siya naniwala sa mga kasinungalingan ng Asiryano?
14 Si Haring Hezekias ay isa pang tao na ang pagtitiwala kay Jehova ay napatunayang makabuluhan. Noong panahon ng paghahari ni Hezekias, pinagbantaan ng makapangyarihang hukbo ng Asirya ang Jerusalem. Tinalo na ng hukbong iyon ang maraming bansa. Nilupig pa nga nito ang mga lunsod ng Juda hanggang sa ang Jerusalem na lamang ang natitirang lunsod na hindi pa nasasakop at ipinagmalaki ni Senakerib na malulupig din niya ang lunsod na iyon. Sa pamamagitan ni Rabsases, sinabi niya—nang may kawastuan—na walang saysay ang pagtitiwala sa tulong ng Ehipto. Gayunman, pagkatapos nito ay sinabi niya: “Huwag kang magpalinlang sa iyong Diyos na pinagtitiwalaan mo, na nagsasabi: ‘Ang Jerusalem ay hindi ibibigay sa kamay ng hari ng Asirya.’ ” (Isaias 37:10) Subalit alam ni Hezekias na hindi mapanlinlang si Jehova. Kaya nanalangin siya, na sinasabi: “O Jehova na aming Diyos, iligtas mo kami mula sa . . . kamay [ng Asirya], upang malaman ng lahat ng kaharian sa lupa na ikaw, O Jehova, ang tanging Diyos.” (Isaias 37:20) Pinakinggan ni Jehova ang panalangin ni Hezekias. Sa isang gabi, pinatay ng isang anghel ang 185,000 sundalong Asiryano. Naligtas ang Jerusalem, at nilisan ni Senakerib ang lupain ng Juda. Nabatid ng lahat ng nakabalita sa pangyayaring ito ang kadakilaan ni Jehova.
15. Ano ang tanging tutulong sa atin na maging handa para sa anumang mahirap na kalagayan na maaaring mapaharap sa atin sa mabuway na sanlibutang ito?
15 Sa ngayon, kagaya ni Hezekias, tayo ay parang nasa digmaan. Sa kalagayan natin, ang ating pakikipagdigma ay espirituwal. Gayunpaman, bilang espirituwal na mga mandirigma, kailangan nating linangin ang mga kasanayan upang manatiling buháy. Kailangan nating malaman nang patiuna ang mga pagsalakay at ihanda ang ating sarili upang malabanan ang mga ito. (Efeso 6:11, 12, 17) Sa mabuway na sanlibutang ito, maaaring biglang magbago ang mga kalagayan. Maaaring magkagulo sa isang bansa nang di-inaasahan. Ang mga bansang kilalá sa pagpaparaya sa relihiyon ay maaaring maging di-mapagparaya. Magiging handa lamang tayo sa anumang maaaring mangyari kung lilinangin na natin nang patiuna ang di-natitinag na pagtitiwala kay Jehova gaya ni Hezekias.
Ano ang Ibig Sabihin ng Magtiwala kay Jehova?
16, 17. Paano natin ipinakikita na nagtitiwala tayo kay Jehova?
16 Ang pagtitiwala kay Jehova ay hindi lamang sa salita. Nasasangkot dito ang puso natin at ipinakikita ito sa ating mga gawa. Kung nagtitiwala tayo kay Jehova, lubusan tayong magtitiwala sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Babasahin natin ito araw-araw, bubulay-bulayin ito, at hahayaang ito ang pumatnubay sa ating buhay. (Awit 119:105) Nasasangkot din sa pagtitiwala kay Jehova ang pagtitiwala sa kapangyarihan ng banal na espiritu. Sa tulong ng banal na espiritu, malilinang natin ang mga bungang nakalulugod kay Jehova at maaalis natin ang masasamang ugali na lubhang nakaugat sa atin. (1 Corinto 6:11; Galacia 5:22-24) Kaya sa tulong ng banal na espiritu, naihinto ng marami ang paninigarilyo at paggamit ng bawal na gamot. Iniwan naman ng iba ang imoral na mga istilo ng pamumuhay. Oo, kung nagtitiwala tayo kay Jehova, kumikilos tayo sa lakas niya, hindi sa ating sarili.—Efeso 3:14-18.
17 Karagdagan pa, ang pagtitiwala kay Jehova ay nangangahulugan ng pagtitiwala sa mga pinagtitiwalaan niya. Halimbawa, isinaayos ni Jehova na “ang tapat at maingat na alipin” ang mag-asikaso sa mga kapakanan ng Kaharian sa lupa. (Mateo 24:45-47) Hindi natin sinisikap na kumilos sa ganang sarili natin, at hindi natin ipinagwawalang-bahala ang paghirang na iyon, yamang nagtitiwala tayo sa kaayusan ni Jehova. Karagdagan pa, ang matatanda ay naglilingkod sa lokal na kongregasyong Kristiyano at, ayon kay apostol Pablo, sila ay inatasan ng banal na espiritu. (Gawa 20:28) Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa kaayusan hinggil sa matatanda sa kongregasyon, ipinakikita rin natin na nagtitiwala tayo kay Jehova.—Hebreo 13:17.
Sundin ang Halimbawa ni Pablo
18. Paano sinusunod ng mga Kristiyano sa ngayon ang halimbawa ni Pablo, ngunit sa ano sila hindi nagtitiwala?
18 Hinarap ni apostol Pablo ang maraming panggigipit sa kaniyang ministeryo, kagaya rin natin. Noong panahon niya, siniraan ng mga awtoridad ang Kristiyanismo, at kung minsan ay pinagsisikapan niyang ituwid ang maling mga impresyong iyon o itatag sa legal na paraan ang gawaing pangangaral. (Gawa 28:19-22; Filipos 1:7) Sa ngayon, sinusunod ng mga Kristiyano ang kaniyang halimbawa. Kailanma’t maaari, tinutulungan natin ang iba na maliwanagan hinggil sa ating gawain, na ginagamit ang anumang posibleng paraan. At pinagsisikapan nating ipagtanggol at legal na itatag ang mabuting balita. Gayunman, hindi tayo lubusang nagtitiwala sa gayong mga pagsisikap, yamang hindi natin minamalas na ang tagumpay o kabiguan ay nakasalalay sa panalo natin sa mga kaso sa hukuman o sa pagkakaroon ng kaayaayang publisidad. Sa halip, nagtitiwala tayo kay Jehova. Tinatandaan natin ang kaniyang pampatibay-loob sa sinaunang Israel: “Ang inyong kalakasan ay sa pananatiling panatag lamang at sa pagtitiwala.”—Isaias 30:15.
19. Kapag pinag-uusig, paano napatunayang makabuluhan ang pagtitiwala ng ating mga kapatid kay Jehova?
19 May mga pagkakataon sa ating makabagong kasaysayan na ipinagbawal o hinigpitan ang gawain natin sa Silangan at Kanlurang Europa, sa mga bahagi ng Asia at Aprika, at sa mga bansa sa Timog at Hilagang Amerika. Nangangahulugan ba ito na naging walang kabuluhan ang ating pagtitiwala kay Jehova? Hindi. Bagaman kung minsan ay pinahihintulutan niya ang matinding pag-uusig alang-alang sa kaniyang mabuting layunin, maibiging pinalalakas ni Jehova yaong nagiging tudlaan ng pag-uusig na iyon. Sa ilalim ng pag-uusig, maraming Kristiyano ang nagkaroon ng kamangha-manghang rekord ng pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos.
20. Bagaman maaari tayong makinabang sa legal na mga kalayaan, sa anong mga pitak tayo hindi makikipagkompromiso kailanman?
20 Sa kabilang dako naman, may legal tayong pagkakakilanlan sa maraming lupain, at kung minsan naman ay nakatatanggap tayo ng kaayaayang publisidad sa media. Nagpapasalamat tayo rito at kinikilala natin na nakatutulong din ito sa pagtupad sa layunin ni Jehova. Sa pamamagitan ng kaniyang pagpapala, ginagamit natin ang higit na kalayaan, hindi upang pasulungin ang ating personal na mga istilo ng pamumuhay, kundi upang lubusan at hayagang paglingkuran si Jehova. Gayunman, hindi natin kailanman ikokompromiso ang ating neutralidad, babawasan ang ating gawaing pangangaral, o sa anumang paraan ay pahihinain ang ating paglilingkuran kay Jehova para lamang magkaroon ng magandang reputasyon sa mga awtoridad. Tayo ay mga sakop ng Mesiyanikong Kaharian at lubusang nasa panig ng pagkasoberano ni Jehova. Ang ating pag-asa ay, hindi sa sistemang ito ng mga bagay, kundi sa bagong sanlibutan, kung saan ang makalangit na Mesiyanikong Kaharian ang magiging tanging pamahalaan na mamumuno sa lupang ito. Kahit ang mga bomba, mga missile, o maging ang mga nuklear na pagsalakay ay hindi makapagpapayanig sa pamahalaang iyon o makapagpapabagsak dito mula sa langit. Hindi ito magagapi at tutuparin nito ang layunin ni Jehova.—Daniel 2:44; Hebreo 12:28; Apocalipsis 6:2.
21. Anong landasin ang determinado nating sundin?
21 Ganito ang sabi ni Pablo: “Hindi . . . tayo ang uri na umuurong sa ikapupuksa, kundi ang uri na may pananampalataya upang maingatang buháy ang kaluluwa.” (Hebreo 10:39) Kung gayon, tayong lahat nawa ay tapat na maglingkod kay Jehova hanggang sa wakas. Taglay natin ang lahat ng dahilan upang maglagak ng ating buong pagtitiwala kay Jehova ngayon at magpakailanman.—Awit 37:3; 125:1.
Ano ang Natutuhan Mo?
• Bakit nagbigay ng positibong ulat sina Josue at Caleb sa kanilang pagbabalik mula sa Canaan?
• Ano ang ilang dahilan kung bakit tayo dapat lubusang magtiwala kay Jehova?
• Ano ang ibig sabihin ng magtiwala kay Jehova?
• Yamang nagtitiwala tayo kay Jehova, determinado tayong taglayin ang anong paninindigan?
[Larawan sa pahina 15]
Bakit nagbigay ng positibong ulat sina Josue at Caleb?
[Mga larawan sa pahina 16]
Ang paglalang ay nagbibigay sa atin ng matibay na dahilan upang magtiwala kay Jehova
[Credit Line]
Lahat ng tatlong larawan: Courtesy of Anglo-Australian Observatory, photograph by David Malin
[Larawan sa pahina 18]
Ang pagtitiwala kay Jehova ay nangangahulugan ng pagtitiwala sa mga pinagtitiwalaan niya