BATONG-PANULOK
Isang batong nakalagay sa isang anggulo o panulukan ng isang gusali kung saan nagsasalubong ang dalawang dingding, anupat napakahalaga upang magkarugtong nang matibay ang mga iyon. Ang mga batong-panulok ay kadalasang tinatabas upang maging parihabang mga bloke; nakaugalian nang ilatag ang mga ito nang salit-salitan, anupat nakaharap ang tagiliran ng isa at nakaharap naman ang dulo ng kasunod, mula sa pundasyon hanggang sa tuktok o bubong ng isang istraktura. Kaya naman kung titingnan mula sa isang anggulo o panulukan, ang tagiliran ng isang bato ay alinman sa nasa ilalim o nasa ibabaw ng dulo ng kasunod na bato.
Ang pangunahing batong-panulok ay ang pundasyong batong-panulok, isang napakatibay na bato na karaniwang pinipili para sa mga gusaling pampubliko at mga pader ng lunsod. Ginagamit ang pundasyong batong-panulok bilang giya habang ipinupuwesto ang iba pang mga bato, anupat isang hulog ang inilalawit dito upang pantayin ang mga iyon. Lahat ng iba pang bato ay kailangang iayon sa pundasyong batong-panulok upang wastong maitayo ang gusali. Kung minsan, napakalalaki ng mga pundasyong batong-panulok. Pinatitibay rin ng pundasyong batong-panulok ang pagkakadugtong ng iba’t ibang bahagi ng isang istraktura.
Ang isa pang mahalagang batong-panulok ay ang “ulo ng panulukan” (Aw 118:22), anupat maliwanag na ang pananalitang ito ay tumutukoy sa pinakakoronang bato na nasa tuktok ng isang istraktura. Sa pamamagitan nito, ang dalawang dingding na nagsasalubong sa panulukan ay pinagdurugtong sa tuktok upang hindi bumagsak ang mga ito at mawasak ang istraktura.
Nagkaroon ng kagalakan at ng pagpuri kay Jehova nang ilatag ang pundasyon ng templo noong mga araw ni Zerubabel. (Ezr 3:10, 11) Gayundin, inihula na kapag “ilalabas [na ni Zerubabel] ang pangulong-bato,” magkakaroon ng hiyawan para roon ng “Kahali-halina! Kahali-halina!” (Zac 4:6, 7) Samantala, kalumbayan at pagkawasak naman ang naghihintay sa Babilonya, anupat inihula ni Jehova: “Ang mga tao ay hindi kukuha sa iyo ng bato para sa panulukan o ng bato para sa mga pundasyon, sapagkat ikaw ay magiging mga tiwangwang na kaguhuan hanggang sa panahong walang takda.”—Jer 51:26.
Makalarawan at Makasagisag na Paggamit. May kinalaman sa pagkakatatag ng lupa, tinanong ng Diyos si Job: “Sino ang naglatag ng batong-panulok niyaon?” Sa gayon, ang lupa, na tinatahanan ng tao at pinagtayuan niya ng maraming gusali, ay inihalintulad sa isang dambuhalang gusali na may batong-panulok. Ang paglalatag niyaon, na hindi maaaring iukol sa kaninumang tao, sapagkat hindi pa nalalalang noon ang sangkatauhan, ay naging dahilan upang sumigaw sa pagpuri ang makalangit na “mga anak ng Diyos.”—Job 38:4-7.
Ginagamit ng ilang salin ang “(mga) batong-panulok” upang isalin ang isang salitang Hebreo (pin·nahʹ), na may pangunahing ideya na “panulukan” ngunit ginagamit din bilang metapora para sa isang pinuno na isang ‘panulukan’ ng depensa o suporta, samakatuwid ay para sa isang pangunahing tao. Kaya sa Isaias 19:13, “(mga) batong-panulok” ang ginagamit ng ilang salin (RS; AT; AS), samantalang ang ginagamit naman ng iba ay “mga pinuno” (Le) at “mga lider” (Mo), anupat kasuwato ng saling “mga pangunahing tao” sa Bagong Sanlibutang Salin. (Tingnan din ang Huk 20:2; 1Sa 14:38; Zac 10:4, kung saan ang salitang Hebreo ay literal na nangangahulugang “ang (mga) toreng panulok” at lumalarawan sa mahahalagang lalaki, o mga pinuno.) Waring makahulugan ang gayong pagkakapit ng ‘panulukan’ sa isang pangunahing tao dahil sa makasagisag na pagkakapit ng “batong-panulok” sa Mesiyanikong hula.
Sa Kasulatan, tinutukoy si Jesu-Kristo bilang ang “pundasyong batong-panulok” ng kongregasyong Kristiyano, na inihahalintulad naman sa isang espirituwal na bahay. Sa pamamagitan ni Isaias, patiunang sinabi ni Jehova na Kaniyang ilalatag sa Sion bilang pundasyon ang “isang bato, isang subok na bato, ang mahalagang panulukan ng isang matibay na pundasyon.” (Isa 28:16) Sinipi at ikinapit ni Pedro kay Jesu-Kristo ang hulang ito na may kinalaman sa “pundasyong batong-panulok” kung saan itinatayo ang indibiduwal na mga pinahirang Kristiyano bilang “mga batong buháy,” upang maging isang espirituwal na bahay o templo para kay Jehova. (1Pe 2:4-6) Sa katulad na paraan, ipinakita ni Pablo na ang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano ay itinayo na “sa pundasyon ng mga apostol at mga propeta, samantalang si Kristo Jesus mismo ang pundasyong batong-panulok,” anupat sa pagiging kaisa niya, ang buong gusali na magkakasuwatong pinagbubuklod “ay lumalaki upang maging isang banal na templo para kay Jehova,” isang dakong tatahanan Niya sa espiritu.—Efe 2:19-22.
Isinisiwalat ng Awit 118:22 na ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay magiging “ulo ng panulukan” (sa Heb., roʼsh pin·nahʹ). Ang hulang ito ay sinipi at ikinapit ni Jesus sa kaniyang sarili bilang ang “pangulong batong-panulok” (sa Gr., ke·pha·leʹ go·niʹas, ulo ng panulukan). (Mat 21:42; Mar 12:10, 11; Luc 20:17) Kung paanong kitang-kita ang bato na nasa tuktok ng isang gusali, sa gayong paraan si Jesu-Kristo ang pinakakoronang bato ng Kristiyanong kongregasyon ng mga pinahiran, na inihahalintulad sa isang espirituwal na templo. Ikinapit din ni Pedro ang Awit 118:22 kay Kristo, anupat ipinakikitang siya ang “bato” na itinakwil ng mga tao ngunit pinili ng Diyos na maging “ulo ng panulukan.”—Gaw 4:8-12; tingnan din ang 1Pe 2:4-7.