PAG-AARARO
Ang mga palagay tungkol sa uri o anyo ng araro na ginamit ng mga magsasakang Hebreo noong panahon ng Bibliya ay salig sa sinaunang mga larawan ng mga araro na ginamit sa kalapit na mga lupain at sa mga araro na ginagamit ng mga magsasakang Arabe nitong nakalipas na mga panahon. Ang ilang araro ay binubuo lamang ng isang simpleng patulis na piraso ng kahoy, marahil ay nilagyan ng metal sa dulo, anupat nakakabit sa isang biga at hinihila ng isang hayop o mga hayop. Kapag ganitong uri ng araro ang ginagamit, malamang na nabubuhaghag lamang ang ibabaw ng lupa anupat hindi lubusang nabubungkal iyon. Sabihin pa, dahil wala namang tuwirang katibayan, may posibilidad na gumamit din sila noon sa Israel ng mas mahuhusay na araro.
Noon, palibhasa’y tumitigas ang lupa dahil sa init ng tag-araw, kinaugalian nang ipagpaliban ang pag-aararo hanggang sa bumuhos ang mga ulan ng taglagas o taglamig na nagpapalambot sa lupa. Pagkatapos ay inaararo na ang lupa at inihahasik ang binhi. Sa kapanahunan ng pag-aararo, ang isang masipag na tao ay hindi matitinag ng mga araw na mas magiginaw o ng mga panahon ng pabagu-bagong klima o ng nagbabantang kaulapan, ngunit ang mga ito ay sasamantalahin ng isang tamad na magsasaka upang makaiwas siya sa pagtatrabaho. Kung wala siyang magiging ani, tiyak na hindi siya kaaawaan ng kaniyang mga kapitbahay dahil naging tamad siya noong panahon ng pag-aararo. (Kaw 20:4; Ec 11:4) Gayunman, kahit sa panahon ng pag-aararo ay dapat ipangilin ng mga magsasakang Israelita ang Sabbath.—Exo 34:21.
Hindi dapat pagtuwangin sa iisang araro ang isang toro at isang asno, walang alinlangang dahil magkaiba ang lakas at bilis ng mga ito. (Deu 22:10) Kadalasan na, isang pares ng baka ang humihila sa araro. (Luc 14:19; Job 1:14) Maaari ring magtrabaho nang sama-sama ang mga kalalakihan, bawat isa ay may isang pares, o pareha, ng mga baka, anupat magkakasunod na nag-aararo ng magkakahilerang mga tudling. Sa kaso ni Eliseo, gaya ng inilalahad sa 1 Hari 19:19, siya ang ika-12 at panghuli kaya naman maaari siyang huminto nang walang magagambalang sinuman sa likuran niya. Iniwan niya ang bukid at ginamit niyang panggatong ang kahoy na mga kasangkapan niya sa pag-aararo nang maghandog siya ng mga toro bilang hain. (1Ha 19:21) Sa The Land and the Book (nirebisa ni J. Grande, 1910, p. 121), iniulat ni W. M. Thomson na kayang-kayang hasikan ng isang tao ang dakong inararo ng isang grupo ng mga kalalakihan.
Makatalinghagang Paggamit. Kadalasan, ginagamit ang pangkaraniwang gawain ng pag-aararo bilang batayan ng ilustrasyon. Nang makumbinsi ng mga Filisteo ang asawa ni Samson na alamin mula sa kaniya ang sagot sa kaniyang bugtong, sinabi ni Samson na ‘ipinang-araro nila ang kaniyang batang baka,’ samakatuwid nga, ginamit nila sa kanilang kapakinabangan ang isang tao na dapat sana’y sa kaniya naglilingkod. (Huk 14:15-18) Samantala, hindi maaaring mag-araro ang isang tao sa isang mabatong dalisdis, at gaya ng ipinakikita ni Amos, hindi makatuwiran para sa mga lider ng Israel, pagkatapos nilang baluktutin ang katarungan at gumawa ng kalikuan, na umasang magtatamo sila ng pakinabang mula sa gayong landasin. (Am 6:12, 13) Sa Oseas 10:11, maliwanag na ginagamit ang pag-aararo (isang lalong mas mahirap na trabaho para sa isang dumalagang baka kaysa sa paggigiik) upang lumarawan sa mabigat o mapang-aliping pagtatrabaho, malamang ay ipinataw ng mga banyagang maniniil, na nakatakdang sumapit noon sa apostatang Juda. Ayon sa Jeremias 4:3, 4 at Oseas 10:12, 13, kailangang baguhin ng Juda at ng Israel ang kanilang paraan ng pamumuhay, anupat dapat nilang ihanda, palambutin, at linisin ang kanilang mga puso (ihambing ang Luc 8:5-15) na para bang inaararo at inaalisan nila ng mga tinik ang mga iyon, upang, sa halip na aksayahin nila ang kanilang mga pagsisikap at pagpapagal sa maling mga gawain na nagdudulot lamang ng masamang ani, mga pagpapala mula sa Diyos ang aanihin nila.
Upang ilarawan ang mga daan ni Jehova, na “kamangha-mangha sa layunin, na gumagawa nang may kahusayan sa mabungang paggawa,” ginagamit sa Isaias 28:23-29 ang paglalarawan hinggil sa maayos, makabuluhan, at maingat na mga pamamaraan ng magsasaka sa pag-aararo, pagsusuyod, paghahasik, at paggigiik. Kung paanong panandalian ang pag-aararo at pagsusuyod, anupat paghahanda lamang ang mga ito bago ang paghahasik, gayundin naman, hindi habang-buhay na dinidisiplina o pinarurusahan ni Jehova ang kaniyang bayan, sa halip, ang pangunahing dahilan ng pagdidisiplina niya sa kanila ay upang palambutin sila at upang maging handa silang tumanggap ng kaniyang payo at patnubay, na nagluluwal ng mga pagpapala. (Ihambing ang Heb 12:4-11.) Kung paanong ang pag-aararo ay idinedepende sa tigas ng lupa, ibinabatay rin sa uri ng butil ang puwersa at bigat ng mga kasangkapang gagamitin sa paggigiik upang maalis ang ipa, anupat ang mga ito ay pawang lumalarawan sa karunungan ng Diyos dahil sa paglilinis niya sa kaniyang bayan at pag-aalis niya mula rito ng anumang di-kanais-nais, anupat ibinabagay niya ang kaniyang pakikitungo ayon sa kasalukuyang mga pangangailangan at mga kalagayan.—Ihambing ang Isa 21:10; 1:25.
Ang isang lunsod na ‘inararong gaya lamang ng isang bukid’ ay nangangahulugan ng isang lunsod na lubusang itiniwarik at itiniwangwang. (Jer 26:18; Mik 3:12) Maliwanag na ang pagtukoy ng Israel sa mga ‘nag-araro sa aking likod mismo, anupat pinahaba nila ang kanilang mga tudling,’ ay naglalarawan sa mga pagdurusa ng bansa sa ilalim ng maraming kaaway nito na walang-tigil at buong-kalupitang dumaluhong at nang-abuso sa kanila, habang ang likod ng Israel ay ginagawa nitong ‘tulad ng lupa para roon sa mga tumatawid.’ (Aw 129:1-3; Isa 51:23; ihambing ang Aw 66:12.) Sa hula ng pagsasauli sa Amos 9:13-15, ipinakikita na dahil sa pagpapala ni Jehova, magiging napakamabunga ng lupa anupat ang pag-aani ay maaabutan pa ng panahon ng pag-aararo para sa susunod na panahon ng pagtatanim.—Ihambing ang Lev 26:5.
Kung paanong sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay dapat tumanggap ng pagkain, inumin, at tuluyan mula sa kanilang mga pinaglilingkuran, yamang “ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang kabayaran,” ipinagtanggol din ng apostol na si Pablo ang karapatan ng mga nagpapagal sa ministeryong Kristiyano na tumanggap ng materyal na suporta mula sa iba, kung paanong ang taong nag-aararo ay nag-aararo na may makatuwirang pag-asang magiging kabahagi siya sa ani na kaniya ring pinagpagalan. Gayunman, personal at kusang-loob na pinili ni Pablo na huwag gamitin ang karapatan na umiwas sa sekular na trabaho, upang mailaan niya ang “mabuting balita nang walang bayad” sa mga pinaglilingkuran niya.—Luc 10:7; 1Co 9:3-10, 15, 17, 18.
Tinukoy ni Jesu-Kristo ang gawaing pag-aararo upang idiin ang kahalagahan ng buong-pusong paglilingkod bilang alagad. Nang ipahayag ng isang lalaki na nais niyang maging isang alagad ngunit nagtakda siya ng kundisyon na pahintulutan muna siyang magpaalam sa kaniyang mga kasambahay, tumugon si Jesus: “Walang taong naglagay ng kaniyang kamay sa araro at tumitingin sa mga bagay na nasa likuran ang karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.” (Luc 9:61, 62) Kung pahihintulutan ng isang mang-aararo na magambala siya sa kaniyang pagtatrabaho, magiging baluktot ang mga tudling na ginagawa niya. Sa katulad na paraan, ang taong inaanyayahan na maging Kristiyanong alagad ngunit nagpapahintulot na mailihis siya mula sa pagtupad niya sa kaakibat nitong mga pananagutan ay magiging hindi karapat-dapat sa Kaharian ng Diyos. Gaya ng ipinakita mismo ng Anak ng Diyos sa kaniyang kalagayan, kahit ang pinakamalalapit na ugnayang pampamilya ay pangalawahin lamang sa katapatan sa pagganap ng kalooban ng Diyos.—Mar 3:31-35; 10:29, 30.