Ikadalawampu’t Tatlong Kabanata
Patuloy na Maghintay kay Jehova
1, 2. (a) Ano ang nilalaman ng Isaias kabanata 30? (b) Anong mga tanong ang atin ngayong isasaalang-alang?
SA ISAIAS kabanata 30, ating mababasa ang higit pang mga kapahayagan ng Diyos laban sa mga balakyot. Gayunpaman, ang bahaging ito ng hula ni Isaias ay nagtatampok ng ilan sa nakapagpapasigla sa pusong mga katangian ni Jehova. Sa katunayan, ang mga katangian ni Jehova ay inilarawan sa napakaliwanag na mga termino upang makita natin, wika nga, ang kaniyang nakaaaliw na presensiya, marinig ang kaniyang pumapatnubay na tinig, at madama ang kaniyang nagpapagaling na haplos.—Isaias 30:20, 21, 26.
2 Gayunpaman, ang mga kababayan ni Isaias, ang mga apostatang tumatahan sa Juda, ay ayaw manumbalik kay Jehova. Sa halip, sila’y naglagak ng kanilang pagtitiwala sa tao. Ano ang nadama ni Jehova hinggil dito? At paanong ang bahaging ito ng hula ni Isaias ay tumutulong sa mga Kristiyano ngayon upang patuloy na maghintay kay Jehova? (Isaias 30:18) Tingnan natin.
Kahangalan at Kapahamakan
3. Anong plano ang ibinunyag ni Jehova?
3 Sa loob ng ilang panahon ang mga pinuno ng Juda ay lihim na nagpaplano kung paanong hindi sila mapapasailalim ng pamatok ng Asirya. Gayunman, si Jehova ay nagmamasid. Ngayo’y ibinunyag niya ang kanilang plano: “‘Sa aba ng mga anak na sutil,’ ang sabi ni Jehova, ‘yaong mga handang magsagawa ng panukala, ngunit hindi yaong mula sa akin; at magbuhos ng handog na inumin, ngunit hindi taglay ang aking espiritu, upang dagdagan ng kasalanan ang kasalanan; yaong mga humahayo upang lumusong sa Ehipto.’”—Isaias 30:1, 2a.
4. Paano inilagay ng mapaghimagsik na bayan ng Diyos ang Ehipto sa dako ng Diyos?
4 Laking gulat niyaong mga pinunong nagpaplano na marinig na naisiwalat ang kanilang balak! Ang paglalakbay sa Ehipto upang makipag-alyansa sa kaniya ay higit pa kaysa pakikipagdigma sa Asirya; ito’y isang paghihimagsik laban sa Diyos na Jehova. Noong panahon ni Haring David, ang bansa ay umasa kay Jehova bilang isang moog at nanganlong sa ‘lilim ng kaniyang mga pakpak.’ (Awit 27:1; 36:7) Ngayon sila ay “sumilong sa moog ni Paraon” at “[nanganlong] sa lilim ng Ehipto.” (Isaias 30:2b) Kanilang inilagay ang Ehipto sa dako ng Diyos! Ano ngang laking pagtataksil!—Basahin ang Isaias 30:3-5.
5, 6. (a) Bakit ang pakikipag-alyansa sa Ehipto ay isang nakamamatay na pagkakamali? (b) Anong naunang paglalakbay ang ginawa ng bayan ng Diyos na nagtatampok sa kamangmangan ng paglalakbay na ito sa Ehipto?
5 Na wari bang sinasagot ang anumang ideya na ang misyon sa Ehipto ay hindi isinaplanong pagdalaw, si Isaias ay nagbigay ng higit pang detalye. “Ang kapahayagan laban sa mga hayop sa timog: Sa lupain ng kabagabagan at mahihirap na kalagayan, ng leon at leopardo na umuungol, ng ulupong at malaapoy na ahas na lumilipad, sa mga balikat ng mga hustong-gulang na asno ay dala nila ang kanilang yaman, at sa mga umbok ng mga kamelyo ang kanilang mga panustos.” (Isaias 30:6a) Maliwanag, ang paglalakbay ay isinaplanong mabuti. Ang mga sugo ay nag-organisa ng mga pulutong ng mga kamelyo at mga asno, na kanilang kinargahan ng mamahaling bagay at nagtungo sa Ehipto sa pamamagitan ng pagdaan sa isang tiwangwang na iláng na puno ng mga umuungol na leon at makamandag na mga ahas. Sa wakas, nakarating ang mga sugo sa kanilang destinasyon at ipinagkaloob ang kanilang mga kayamanan sa mga Ehipsiyo. Kanilang binili ang proteksiyon—o kaya’y gayon ang kanilang palagay. Gayunman, sinabi ni Jehova: “Para sa bayan ay hindi magiging kapaki-pakinabang ang mga iyon. At ang mga Ehipsiyo ay walang kabuluhan, at tutulong sila nang wala namang saysay. Kaya tinawag ko ang isang ito: ‘Rahab—sila ay para sa pag-upo nang tahimik.’” (Isaias 30:6b, 7) Ang “Rahab,” isang “dambuhalang hayop sa dagat,” ay sumagisag sa Ehipto. (Isaias 51:9, 10) Siya’y nangangako ng lahat ng bagay subalit wala namang nagagawa. Ang pakikipag-alyansa sa kaniya ng Juda ay isang nakamamatay na pagkakamali.
6 Habang inilalarawan ni Isaias ang paglalakbay ng mga sugo, maaaring natatandaan ng kaniyang mga tagapakinig ang isang nakakatulad na paglalakbay na ginawa noong kaarawan ni Moises. Ang kanilang mga ninuno ay naglakbay sa gayon ding “kakila-kilabot na ilang.” (Deuteronomio 8:14-16) Gayunman, noong kaarawan ni Moises, ang mga Israelita ay naglalakbay papalayo sa Ehipto at mula sa pagkaalipin. Sa pagkakataong ito ang mga sugo ay naglalakbay patungong Ehipto at, ang totoo, tungo sa pagpapasakop. Ano ngang kamangmangan! Nawa’y hindi tayo gumawa kailanman ng gayong mangmang na pagpapasiya at ipagpalit ang ating espirituwal na kalayaan para sa pagkaalipin!—Ihambing ang Galacia 5:1.
Pagsalansang sa Mensahe ng Propeta
7. Bakit ipinasulat ni Jehova kay Isaias ang Kaniyang babala sa Juda?
7 Sinabi ni Jehova kay Isaias na isulat ang mensahe na kabibigay pa lamang niya upang “iyon ay magsilbi para sa isang araw na darating, bilang patotoo hanggang sa panahong walang takda.” (Isaias 30:8) Ang hindi pagsang-ayon ni Jehova sa pakikipag-alyansa sa mga tao nang higit kaysa sa pagtitiwala sa Kaniya ay kailangang itala para sa kapakinabangan ng sumusunod na mga salinlahi—lakip na ang ating salinlahi sa ngayon. (2 Pedro 3:1-4) Subalit mayroon pang mas apurahang pangangailangan para sa isang nasusulat na rekord. “Iyon ay mapaghimagsik na bayan, bulaang mga anak, mga anak na ayaw makarinig ng kautusan ni Jehova.” (Isaias 30:9) Itinakwil ng mga tao ang panukala ng Diyos. Kaya, kailangang ito ay isulat upang hindi nila maipagkaila sa dakong huli na sila’y tumanggap ng wastong babala.—Kawikaan 28:9; Isaias 8:1, 2.
8, 9. (a) Sa anong paraan sinikap ng mga pinuno ng Juda na pasamain ang mga propeta ni Jehova? (b) Paano ipinakita ni Isaias na hindi siya kayang takutin?
8 Nagbigay ngayon si Isaias ng isang halimbawa ng mapaghimagsik na saloobin ng bayan. Sila’y “nagsasabi sa mga nakakakita, ‘Huwag kayong makakita,’ at sa mga nagkakaroon ng pangitain, ‘Huwag kayong magpangitain para sa amin ng anumang bagay na matuwid. Magsalita kayo sa amin ng mga bagay na kaayaaya; magpangitain kayo ng mga bagay na mapanlinlang.’” (Isaias 30:10) Sa pag-uutos na tumigil na ang mga tapat na propeta sa pagsasalita “ng anumang bagay na matuwid,” o totoo, at sa halip ay magsalita ng mga bagay na “kaayaaya” at “mapanlinlang,” o huwad, ipinakikita ng mga pinuno ng Juda na gusto nilang makiliti ang kanilang mga tainga. Nais nilang sila’y purihin, hindi hatulan. Sa kanilang palagay, ang sinumang propeta na ayaw manghula ayon sa gusto nila ay dapat na ‘lumihis sa daan; humiwalay sa landas.’ (Isaias 30:11a) Dapat na alinman sa siya’y magsalita ng mga bagay na nakalulugod sa tainga o lubusan nang tumigil sa pangangaral!
9 Ipinagpipilitan ng mga kalaban ni Isaias: “Paglahuin ninyo ang Banal ng Israel para lamang sa amin.” (Isaias 30:11b) Hayaang tumigil si Isaias sa pagsasalita sa pangalan ni Jehova, “ang Banal ng Israel”! Ang mismong titulong ito ay nakayayamot sa kanila sapagkat ang matataas na pamantayan ni Jehova ay naghahayag sa kanilang kasuklam-suklam na kalagayan. Paano tumugon si Isaias? Kaniyang ipinahayag: “Ito ang sinabi ng Banal ng Israel.” (Isaias 30:12a) Walang pag-aatubili, sinabi ni Isaias ang mismong mga salita na ayaw marinig ng mga sumasalansang sa kaniya. Siya’y hindi maaaring takutin. Ano ngang inam na halimbawa para sa atin! Kapag may kinalaman sa paghahayag ng mensahe ng Diyos, ang mga Kristiyano ay hindi dapat makipagkompromiso kailanman. (Gawa 5:27-29) Tulad ni Isaias, sila’y patuloy na naghahayag: ‘Ito ang sinabi ni Jehova’!
Ang Kahihinatnan ng Paghihimagsik
10, 11. Ano ang mga kahihinatnan ng paghihimagsik ng Juda?
10 Itinakwil ng Juda ang salita ng Diyos, nagtiwala sa kasinungalingan, at umasa sa “bagay na mapanlinlang.” (Isaias 30:12b) Ano ang kahihinatnan nito? Sa halip na umalis si Jehova sa eksena gaya ng gustong mangyari ng bansa, paglalahuin niya ang bansa sa pag-iral nito! Ito’y bigla at lubos na magaganap, gaya ng idiniin ni Isaias sa isang ilustrasyon. Ang paghihimagsik ng bansa ay gaya ng “isang bahaging sira na pabagsak na, isang umbok sa isang napakataas na pader, na ang pagkagiba nito ay maaaring dumating nang bigla, sa isang iglap.” (Isaias 30:13) Kung paanong ang lumalaking umbok sa isang napakataas na pader ay magpapangyaring bumagsak sa wakas ang pader, gayundin ang paglago ng paghihimagsik ng mga kapanahon ni Isaias ay magpapangyari sa pagbagsak ng bansa.
11 Ipinapakita ni Isaias sa pamamagitan ng isa pang ilustrasyon ang pagiging ganap ng dumarating na pagkapuksa: “Tiyak na babasagin iyon ng isa gaya ng pagbasag sa isang malaking banga ng mga magpapalayok, na pinagdurug-durog na walang matitira, anupat sa mga durug-durog na piraso nito ay walang masusumpungang bibingang luwad na maipangkakalahig ng apoy mula sa apuyan o maipansasagap ng tubig mula sa matubig na dako.” (Isaias 30:14) Ang pagkapuksa ng Juda ay magiging ganap anupat walang bagay na may halaga ang maiiwan—ni isa man lamang malaki-laking piraso ng banga upang ipansalok ng mainit na abo mula sa apuyan o upang ipansagap ng tubig mula sa isang latian. Ano ngang kahiya-hiyang wakas! Ang dumarating na pagkapuksa ng mga naghihimagsik laban sa tunay na pagsamba sa ngayon ay magiging katulad niyaon na bigla at lubusan.—Hebreo 6:4-8; 2 Pedro 2:1.
Itinakwil ang Alok ni Jehova
12. Paano maiiwasan ng mga mamamayan ng Juda ang pagkapuksa?
12 Gayunman, para sa mga tagapakinig ni Isaias, ang pagkapuksa ay maiiwasan naman. May paraan upang makatakas. Ipinaliwanag ng propeta: “Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ang Banal ng Israel: ‘Sa pagbabalik at pagpapahinga ay maliligtas kayo. Ang inyong kalakasan ay sa pananatiling panatag lamang at sa pagtitiwala.’” (Isaias 30:15a) Si Jehova ay handang magligtas sa kaniyang bayan—kung sila’y magpapakita ng pananampalataya sa pamamagitan ng “pagpapahinga,” o pag-iwas na humanap ng kaligtasan sa pamamagitan ng mga alyansa ng tao, at sa pamamagitan ng “pananatiling panatag,” o sa pagpapamalas ng pagtitiwala sa nagsasanggalang na kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng hindi pagbibigay-daan sa takot. “Ngunit,” sinabi ni Isaias sa bayan, “ayaw ninyo.”—Isaias 30:15b.
13. Sa ano inilagak ng mga pinuno ng Juda ang kanilang pagtitiwala, at makatuwiran ba ang gayong pagtitiwala?
13 Pagkatapos ay nagpaliwanag pa nang higit si Isaias: “At sinabi ninyo: ‘Hindi, kundi tatakas kaming sakay ng mga kabayo!’ Iyan ang dahilan kung bakit kayo tatakas. ‘At sa mga kabayong matutulin kami sasakay!’ Iyan ang dahilan kung bakit yaong mga tumutugis sa inyo ay magiging matulin.” (Isaias 30:16) Iniisip ng mga taga-Judea na ang matutuling kabayo, sa halip na si Jehova, ang makapagliligtas sa kanila. (Deuteronomio 17:16; Kawikaan 21:31) Gayunman, sumalungat ang propeta, ang kanilang pagtitiwala ay magiging gaya ng ilusyon sapagkat aabutan sila ng kanilang mga kaaway. Maging ang malaking bilang ay hindi makatutulong sa kanila. “Ang isang libo ay manginginig dahil sa pagsaway ng isa; dahil sa pagsaway ng lima ay tatakas kayo.” (Isaias 30:17a) Ang hukbo ng Juda ay masisindak at tatakas sa sigaw ng iilan lamang kaaway.a Sa katapusan, isang nalabi lamang ang mananatili, maiiwan, “gaya ng isang palo na nasa taluktok ng bundok at gaya ng isang hudyat na nasa burol.” (Isaias 30:17b) Gaya ng kaniyang inihula, kapag pinuksa ang Jerusalem pagsapit ng 607 B.C.E., isang nalabi lamang ang makaliligtas.—Jeremias 25:8-11.
Kaaliwan sa Kabila ng Kahatulan
14, 15. Anong kaaliwan mula sa mga salita ng Isaias 30:18 ang ibinigay sa mga tumatahan sa Juda noong sinaunang panahon at sa tunay na mga Kristiyano sa ngayon?
14 Samantalang ang seryosong mga salitang ito ay umaalingawngaw pa sa tainga ng mga tagapakinig ni Isaias, ang tono ng kaniyang mensahe ay nagbago. Ang pagbabanta ng kapahamakan ay nagbibigay-daan sa pangako ng mga pagpapala. “Sa gayon ay patuloy na maghihintay si Jehova upang mapagpakitaan kayo ng lingap, at sa gayon ay titindig siya upang pagpakitaan kayo ng awa. Sapagkat si Jehova ay Diyos ng kahatulan. Maligaya ang lahat ng patuloy na naghihintay sa kaniya.” (Isaias 30:18) Ano ngang nakapagpapasiglang mga salita! Si Jehova ay isang maawaing Ama na nagnanais tumulong sa kaniyang mga anak. Kaluguran niyang magpakita ng awa.—Awit 103:13; Isaias 55:7.
15 Ang nakapagpapatibay na mga salitang ito ay kumakapit sa nalabing Judio na buong awang pinahintulutang makaligtas sa pagkapuksa ng Jerusalem noong 607 B.C.E. at sa ilan na nagbalik sa Lupang Pangako noong 537 B.C.E. Gayunman, ang mga salita ng propeta ay nakaaaliw rin sa mga Kristiyano sa ngayon. Tayo’y pinaalalahanan na si Jehova ay “titindig” alang-alang sa atin, anupat wawakasan ang balakyot na sanlibutang ito. Ang mga tapat na mananamba ay makapagtitiwala na hindi pahihintulutan ni Jehova—ang “Diyos ng kahatulan”—na lumampas pa ng isang araw ang pag-iral ng sanlibutan ni Satanas kaysa roon sa hinihiling ng katarungan. Kung gayon, yaong mga “patuloy na naghihintay sa kaniya” ay nagtataglay ng maraming dahilan upang maging maligaya.
Inaaliw ni Jehova ang Kaniyang Bayan sa Pamamagitan ng Pagsagot sa mga Panalangin
16. Paano inaaliw ni Jehova ang mga nasisiraan ng loob?
16 Gayunman, ang ilan ay maaaring masiraan ng loob dahil sa hindi kaagad na pagdating ng kaligtasan gaya ng kanilang inaasahan. (Kawikaan 13:12; 2 Pedro 3:9) Magkaroon nawa sila ng kaaliwan mula sa sumusunod na mga salita ni Isaias, na nagtatampok sa isang pantanging aspekto ng personalidad ni Jehova. “Kapag ang mismong bayan sa Sion ay nanahanan sa Jerusalem, hindi ka na tatangis pa. Walang pagsalang pagpapakitaan ka niya ng lingap sa tinig ng iyong pagdaing; kapag narinig niya iyon ay sasagutin ka nga niya.” (Isaias 30:19) Ipinakikita ni Isaias ang pagiging magiliw sa mga salitang ito sa pamamagitan ng pagpapalit sa pangmaramihang “kayo” sa Isa 30 talatang 18 ng pang-isahang “ka” sa Isa 30 talatang 19. Kapag inaaliw ni Jehova ang mga nababagabag, pinakikitunguhan niya ang bawat tao nang isahan. Bilang isang Ama, hindi niya pinagsasabihan ang kaniyang anak na nasisiraan ng loob na, ‘Bakit hindi ka tumulad sa iyong kapatid na malakas ang loob?’ (Galacia 6:4) Sa halip, siya’y matamang nakikinig sa bawat isa. Sa katunayan, “kapag narinig niya iyon ay sasagutin ka nga niya.” Ano ngang nakapagpapatibay na mga salita! Ang mga nasisiraan ng loob ay lubhang mapalalakas kung sila’y mananalangin kay Jehova.—Awit 65:2.
Pakinggan ang Pumapatnubay na Tinig ng Diyos sa Pamamagitan ng Pagbabasa ng Kaniyang Salita
17, 18. Kahit na sa mahihirap na panahon, paano inilalaan ni Jehova ang patnubay?
17 Habang ipinagpapatuloy ni Isaias ang kaniyang pagsasalita, ipinaalaala niya sa kaniyang mga tagapakinig na darating ang kabagabagan. Ang bayan ay tatanggap ng “tinapay sa anyo ng kabagabagan at ng tubig sa anyo ng paniniil.” (Isaias 30:20a) Ang kabagabagan at paniniil na kanilang mararanasan samantalang kinukubkob ay magiging karaniwan gaya ng tinapay at tubig. Gayunpaman, handang sagipin ni Jehova ang mga taong matuwid ang puso. “Hindi na magtatago ang iyong Dakilang Tagapagturo, at ang iyong mga mata ay magiging mga matang nakakakita sa iyong Dakilang Tagapagturo. At ang iyong mga tainga ay makaririnig ng salita sa likuran mo na nagsasabi: ‘Ito ang daan. Lakaran ninyo ito,’ sakaling pumaroon kayo sa kanan o sakaling pumaroon kayo sa kaliwa.”—Isaias 30:20b, 21.b
18 Si Jehova ang “Dakilang Tagapagturo.” Wala siyang kapantay bilang isang guro. Gayunman, paano siya ‘makikita’ at ‘maririnig’ ng mga tao? Isinisiwalat ni Jehova ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta, na ang mga salita ay nakaulat sa Bibliya. (Amos 3:6, 7) Sa ngayon, kapag binabasa ng mga tapat na mananamba ang Bibliya, para bang ang makaamang tinig ng Diyos ay nagsasabi sa kanila ng daang dapat lakaran at humihimok sa kanila na baguhin ang kanilang landas ng paggawi upang makalakad doon. Bawat Kristiyano ay dapat makinig nang maingat habang nagsasalita si Jehova sa pamamagitan ng mga pahina ng Bibliya at sa pamamagitan ng mga publikasyong salig sa Bibliya na inilaan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Magbasa nawa ang bawat isa ng Bibliya, sapagkat ‘ito’y nangangahulugan ng kaniyang buhay.’—Deuteronomio 32:46, 47; Isaias 48:17.
Pag-isipan ang mga Pagpapala sa Hinaharap
19, 20. Anong mga pagpapala ang nakalaan para sa mga tumutugon sa tinig ng Dakilang Tagapagturo?
19 Pananabugin ng mga tumutugon sa tinig ng Dakilang Tagapagturo ang kanilang nililok na mga imahen, na itinuturing ang mga ito bilang kasuklam-suklam na bagay. (Basahin ang Isaias 30:22.) Pagkatapos, yaong mga tumutugon ay magtatamasa ng kamangha-manghang mga pagpapala. Ang mga ito ay inilarawan ni Isaias, gaya ng nakaulat sa Isaias 30:23-26, isang kasiya-siyang hula ng pagsasauli na nagkaroon ng panimulang katuparan nang ang mga nalabing Judio ay bumalik mula sa pagkabihag noong 537 B.C.E. Sa ngayon, ang hulang ito ay tumutulong sa atin na makita ang kamangha-manghang mga pagpapala na pinangyayari ng Mesiyas sa espirituwal na paraiso sa ngayon at sa dumarating na literal na Paraiso.
20 “Tiyak na ibibigay niya ang ulan para sa iyong binhi na inihahasik mo sa lupa, at bilang bunga ng lupa ay tinapay, na magiging mataba at malangis. Ang iyong mga alagang hayop ay manginginain sa araw na iyon sa isang malawak na pastulan. At ang mga baka at ang mga hustong-gulang na asno na sumasaka ng lupa ay kakain ng kumpay na tinimplahan ng acedera, na tinahip sa pamamagitan ng pala at ng tinidor.” (Isaias 30:23, 24) Ang tinapay na “mataba at malangis”—pagkaing masustansiya—ay magiging pangunahing pagkain ng tao sa araw-araw. Ang lupain ay magluluwal nang lubhang sagana anupat kahit na ang mga hayop ay makikinabang. Ang hayupan ay pakakanin ng “kumpay na tinimplahan ng acedera”—ang malasang kumpay na inirereserba sa pambihirang mga okasyon. Ang pagkaing ito ay “tinahip” pa nga—karaniwang ginagawa para sa mga butil na kinakain ng tao. Ano ngang kasiya-siyang mga detalye ang iniharap ni Isaias upang ilarawan ang saganang mga pagpapala ni Jehova para sa tapat na sangkatauhan!
21. Ilarawan ang pagiging ganap ng dumarating na mga pagpapala.
21 “Sa ibabaw ng bawat mataas na bundok at sa ibabaw ng bawat mataas na burol ay magkakaroon ng mga bukal.” (Isaias 30:25a)c Iniharap ni Isaias ang wastong paglalarawan na nagdiriin sa pagiging ganap ng mga pagpapala ni Jehova. Walang kakulangan sa tubig—isang mahalagang pangangailangan na aagos hindi lamang sa mga kapatagan kundi sa bawat bundok, maging “sa ibabaw ng bawat mataas na bundok at sa ibabaw ng bawat mataas na burol.” Oo, ang gutom ay magiging isang bagay na lipas na. (Awit 72:16) Karagdagan pa, ang pansin ng propeta ay ibinaling sa mga bagay na mas mataas pa kaysa sa mga bundok. “Ang liwanag ng buwan na nasa kabilugan ay magiging gaya ng liwanag ng sumisinag na araw; at ang mismong liwanag ng sumisinag na araw ay titindi nang makapitong ulit, tulad ng liwanag na pitong araw, sa araw na bibigkisan ni Jehova ang pagkasira ng kaniyang bayan at pagagalingin niya maging ang malubhang sugat na dulot ng kaniyang hampas.” (Isaias 30:26) Tunay na isang kapana-panabik na kasukdulan para sa maningning na hulang ito! Ang kaluwalhatian ng Diyos ay sisinag nang buong karingalan nito. Ang mga pagpapalang nakalaan para sa mga tapat na mananamba ng Diyos ay magiging labis-labis—makapitong ulit—kaysa sa anumang naranasan nila noon.
Kahatulan at Kagalakan
22. Kabaligtaran ng mga pagpapalang darating para sa mga tapat, ano ang inilaan ni Jehova para sa mga balakyot?
22 Ang tono ng mensahe ni Isaias ay nagbagong muli. “Narito!” ang wika niya, upang kunin ang pansin ng kaniyang mga tagapakinig. “Ang pangalan ni Jehova ay dumarating mula sa malayo, nagniningas sa kaniyang galit at may kasamang makakapal na ulap. Kung tungkol sa kaniyang mga labi, iyon ay punô ng pagtuligsa, at ang kaniyang dila ay gaya ng apoy na lumalamon.” (Isaias 30:27) Hanggang sa puntong ito, si Jehova ay hindi nakikialam, anupat nagpapahintulot sa mga kaaway ng kaniyang bayan na gawin ang kanilang gusto. Ngayon siya’y papalapit—gaya ng patuloy na paglapit ng bagyong makulog—upang magsagawa ng kahatulan. “Ang kaniyang espiritu ay gaya ng humuhugos na ilog na umaabot hanggang sa leeg, upang iugoy ang mga bansa nang paroo’t parito sa pamamagitan ng panala ng kawalang-kabuluhan; at isang renda na nagliligaw ang mapapasa mga panga ng mga bayan.” (Isaias 30:28) Ang mga kaaway ng bayan ng Diyos ay mapalilibutan ng “humuhugos na ilog,” na matinding niyayanig “nang paroo’t parito sa pamamagitan ng panala,” at inuugitan ng “isang renda.” Sila’y mapupuksa.
23. Ano ang sanhi ng “pagsasaya ng puso” ng mga Kristiyano sa ngayon?
23 Ang tono ni Isaias ay muling nagbabago habang kaniyang inilalarawan ang maligayang kalagayan ng mga tapat na mananamba na isang araw ay magbabalik sa kanilang lupain. “Magkakaroon kayo ng awit na waring sa gabi ng pagpapabanal ng isa ng kaniyang sarili para sa kapistahan, at ng pagsasaya ng puso na gaya niyaong sa isa na lumalakad na may plawta upang pumasok sa bundok ni Jehova, sa Bato ng Israel.” (Isaias 30:29) Nararanasan ngayon ng tunay na mga Kristiyano ang gayunding “pagsasaya ng puso” habang kanilang binubulay-bulay ang kahatulan sa sanlibutan ni Satanas; ang proteksiyon na ipinagkakaloob sa kanila ni Jehova, ang “Bato ng kaligtasan;” at ang dumarating na mga pagpapala ng Kaharian.—Awit 95:1.
24, 25. Paano idiniriin ng hula ni Isaias ang pagiging totoo ng dumarating na kahatulan sa Asirya?
24 Pagkatapos ng kapahayagang ito ng kagalakan, si Isaias ay bumalik sa tema ng kahatulan at ipinakilala ang puntirya ng galit ng Diyos. “Tiyak na iparirinig ni Jehova ang karingalan ng kaniyang tinig at ipakikita ang pagbaba ng kaniyang bisig, sa pagngangalit ng galit at sa liyab ng apoy na lumalamon at bugso ng ulan at bagyong maulan at mga batong graniso. Sapagkat dahil sa tinig ni Jehova ay mangingilabot ang Asirya; sasaktan niya iyon sa pamamagitan nga ng isang baston.” (Isaias 30:30, 31) Sa pamamagitan ng ganitong maliwanag na paglalarawan, idiniriin ni Isaias ang pagiging totoo ng kahatulan ng Diyos sa Asirya. Sa diwa, ang Asirya ay tatayo sa harapan ng Diyos at manginginig sa pagkakita ng “pagbaba ng kaniyang bisig” ng kahatulan.
25 Ang propeta ay nagpatuloy: “Bawat hampas ng kaniyang tungkod ng kaparusahan na patatamain ni Jehova sa Asirya ay mangyayari nang may mga tamburin at may mga alpa; at sa mga pagbabaka na may pagwawasiwas ay makikipaglaban nga siya sa kanila. Sapagkat ang kaniyang Topet ay nakaayos mula noong mga panahong kalilipas lamang; nakahanda rin iyon para sa hari mismo. Pinalalim niya ang bunton nito. Ang apoy at kahoy ay marami. Ang hininga ni Jehova, tulad ng malakas na agos ng asupre, ay nagniningas laban doon.” (Isaias 30:32, 33) Ang Topet, sa Libis ng Hinnom, ay ginamit dito bilang isang makasagisag na dako na nagniningas sa apoy. Sa pamamagitan ng pagpapakita na doon magwawakas ang Asirya, idiniriin ni Isaias ang bigla at ganap na pagkapuksa na sasapit sa bansang iyon.—Ihambing ang 2 Hari 23:10.
26. (a) Ang mga kapahayagan ni Jehova laban sa Asirya ay may anong aplikasyon sa makabagong panahon? (b) Paanong ang mga Kristiyano sa ngayon ay patuloy na naghihintay kay Jehova?
26 Bagaman ang mensaheng ito ng kahatulan ay ipinatungkol laban sa Asirya, ang kahulugan ng hula ni Isaias ay umaabot pa nang malayo. (Roma 15:4) Muli si Jehova, wika nga, ay darating mula sa malayo upang bahain, yanigin, at rendahan ang lahat ng mga naniniil sa kaniyang bayan. (Ezekiel 38:18-23; 2 Pedro 3:7; Apocalipsis 19:11-21) Nawa’y dumating kaagad ang araw na iyon! Samantala, ang mga Kristiyano ay may pananabik na naghihintay sa araw ng kaligtasan. Sila’y kumukuha ng kalakasan mula sa pagbubulay-bulay sa maliwanag na mga salitang nakaulat sa Isaias kabanata 30. Ang mga salitang ito ay nagpapatibay sa mga lingkod ng Diyos upang pakamahalin ang pribilehiyo ng panalangin, pag-aralan nila ang Bibliya, at bulay-bulayin ang dumarating na mga pagpapala ng Kaharian. (Awit 42:1, 2; Kawikaan 2:1-6; Roma 12:12) Kaya ang mga salita ni Isaias ay tumutulong sa ating lahat na patuloy na maghintay kay Jehova.
[Mga talababa]
a Pansinin na kapag ang Juda ay naging tapat, ang mismong kabaligtaran nito ang mangyayari.—Levitico 26:7, 8.
b Ito lamang ang dako sa Bibliya kung saan si Jehova ay tinawag na “Dakilang Tagapagturo.”
c Ang Isaias 30:25b ay kababasahan: “Sa araw ng malaking patayan kapag nabubuwal ang mga tore.” Sa panimulang katuparan, ito’y maaaring tumukoy sa pagbagsak ng Babilonya, na nagbukas ng daan para tamasahin ng Israel ang inihulang mga pagpapala sa Isaias 30:18-26. (Tingnan ang parapo 19.) Ito’y maaari ring tumukoy sa pagkapuksa sa Armagedon, na magpapangyari sa pinakadakilang katuparan ng mga pagpapalang ito sa bagong sanlibutan.
[Mga larawan sa pahina 305]
Noong kaarawan ni Moises, ang mga Israelita ay tumakas mula sa Ehipto. Noong kaarawan ni Isaias, ang Juda ay humingi ng tulong sa Ehipto
[Larawan sa pahina 311]
“Sa ibabaw ng bawat mataas na burol ay magkakaroon ng mga bukal”
[Larawan sa pahina 312]
Si Jehova ay darating ‘na galít at may kasamang makakapal na ulap’