Mag-ingat sa “Tinig ng Ibang mga Tao”
“Ang ibang tao ay hindi nga nila susundan kundi tatakas mula sa kaniya, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng ibang mga tao.”—JUAN 10:5.
1, 2. (a) Paano tumugon si Maria nang tawagin siya ni Jesus sa pangalan, at anong naunang pananalita ni Jesus ang inilalarawan ng pangyayaring ito? (b) Ano ang tumutulong sa atin na manatiling malapít kay Jesus?
MINAMASDAN ng binuhay-muling si Jesus ang babaing nakatayo malapit sa kaniyang libingan na walang laman. Kilaláng-kilala niya ito. Siya ay si Maria Magdalena. Halos dalawang taon bago nito, pinalaya siya ni Jesus mula sa pagsupil ng mga demonyo. Magmula noon ay sumasama na ito kay Jesus at sa kaniyang mga apostol, na nag-aasikaso sa kanilang pang-araw-araw na mga pangangailangan. (Lucas 8:1-3) Gayunman, tumatangis si Maria nang araw na iyon, lipos siya ng pamimighati dahil nakita niyang namatay si Jesus, at ngayon naman ay nawawala maging ang bangkay nito! Kaya tinanong siya ni Jesus: “Babae, bakit ka tumatangis? Sino ang hinahanap mo?” Sa pag-aakalang si Jesus ang hardinero, sumagot siya: “Ginoo, kung kinuha mo siya, sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay, at kukunin ko siya.” Pagkatapos ay sinabi ni Jesus: “Maria!” Kaagad-agad, nakilala ni Maria ang pamilyar na paraan ng pakikipag-usap ni Jesus sa kaniya. “Guro!” ang may-kagalakang naibulalas niya. At niyapos niya si Jesus.—Juan 20:11-18.
2 Inilalarawan ng ulat na ito sa makabagbag-damdaming paraan ang nabanggit ni Jesus mga ilang panahon bago ito. Inihahalintulad ang kaniyang sarili sa isang pastol at ang kaniyang mga tagasunod sa mga tupa, sinabi niyang tinatawag ng pastol ang sariling mga tupa nito sa pangalan at alam ng mga ito ang tinig niya. (Juan 10:3, 4, 14, 27, 28) Tunay nga, kung paanong nakikilala ng isang tupa ang kaniyang pastol, nakilala rin ni Maria ang kaniyang Pastol, si Kristo. Totoo rin ito sa mga tagasunod ni Jesus sa ngayon. (Juan 10:16) Kung paanong sa pamamagitan ng matalas na pandinig ng tupa ay nagagawa nitong manatiling malapit sa kaniyang pastol, sa pamamagitan naman ng ating matalas na pang-unawa sa espirituwal, nasusundan nating mabuti ang mga yapak ng ating Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo.—Juan 13:15; 1 Juan 2:6; 5:20.
3. Ano ang ilang tanong na bumabangon sa isipan may kaugnayan sa ilustrasyon ni Jesus hinggil sa kulungan ng tupa?
3 Gayunman, ayon sa ilustrasyon ding iyon, nalalaman ng isang tupa hindi lamang ang kaniyang kaibigan kundi pati ang kaaway nito dahil sa kakayahan nitong makilala ang tinig ng mga tao. Napakahalaga niyan dahil mapanlinlang ang mga sumasalansang sa atin. Sinu-sino sila? Paano sila kumikilos? Paano natin maipagsasanggalang ang ating sarili? Upang malaman, tingnan natin kung ano pa ang sinabi ni Jesus sa kaniyang ilustrasyon hinggil sa kulungan ng tupa.
‘Siya na Hindi Pumapasok sa Pamamagitan ng Pinto’
4. Ayon sa ilustrasyon hinggil sa pastol, sino ang sinusundan ng mga tupa, at sino ang hindi nila sinusundan?
4 Sinabi ni Jesus: “Siya na pumapasok sa pamamagitan ng pinto ay pastol ng mga tupa. Ang bantay-pinto ay nagbubukas sa isang ito, at ang mga tupa ay nakikinig sa kaniyang tinig, at tinatawag niya ang kaniyang sariling mga tupa sa pangalan at inaakay silang palabas. Kapag nailabas na niya ang lahat ng sa kaniya, humahayo siya sa unahan nila, at ang mga tupa ay sumusunod sa kaniya, sapagkat kilala nila ang kaniyang tinig. Ang ibang tao ay hindi nga nila susundan kundi tatakas mula sa kaniya, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng ibang mga tao.” (Juan 10:2-5) Pansinin na tatlong ulit na ginamit ni Jesus ang salitang “tinig.” Dalawang beses niyang binanggit ang hinggil sa tinig ng pastol, ngunit sa ikatlong beses, tinukoy niya ang “tinig ng ibang mga tao.” Anong uri ba ng ibang tao ang tinutukoy ni Jesus?
5. Bakit hindi tayo nagpapakita ng pagkamapagpatuloy sa uri ng ibang tao na binanggit sa Juan kabanata 10?
5 Hindi tinatalakay ni Jesus ang uri ng ibang tao na nais nating pagpakitaan ng pagkamapagpatuloy—isang salita na sa orihinal na wika ng Bibliya ay nangangahulugang “pag-ibig sa ibang mga tao.” (Hebreo 13:2) Sa ilustrasyon ni Jesus, ang ibang tao na ito ay hindi isang inanyayahang panauhin. Siya ay “hindi pumapasok sa kulungan ng tupa sa pamamagitan ng pinto kundi umaakyat sa iba pang dako.” Siya ay “isang magnanakaw at isang mandarambong.” (Juan 10:1) Sino ang unang indibiduwal na binanggit sa Salita ng Diyos na naging magnanakaw at mandarambong? Si Satanas na Diyablo. Makikita natin ang patotoo sa aklat ng Genesis.
Kung Kailan Unang Narinig ang Tinig ng Ibang Tao
6, 7. Bakit angkop na tawaging ibang tao at magnanakaw si Satanas?
6 Inilalarawan ng Genesis 3:1-5 kung paano narinig sa lupa sa kauna-unahang pagkakataon ang tinig ng ibang tao. Isinasalaysay ng ulat na nilapitan ni Satanas ang unang babae, si Eva, sa pamamagitan ng isang serpiyente at kinausap ito sa mapanlinlang na paraan. Totoo, sa ulat na ito ay hindi naman literal na tinawag si Satanas na “ibang tao.” Magkagayunman, ipinakikita ng kaniyang mga pagkilos na sa maraming paraan siya ay katulad ng ibang tao na inilarawan sa ilustrasyon ni Jesus na nakaulat sa Juan kabanata 10. Isaalang-alang ang ilang pagkakatulad.
7 Sinabi ni Jesus na nilalapitan ng ibang tao ang mga biktima nito sa kulungan ng tupa sa tusong paraan. Sa katulad na paraan, nilapitan ni Satanas ang kaniyang biktima sa tusong paraan, na ginagamit ang isang serpiyente. Ang tusong pamamaraang ito ang naghantad sa tunay na kulay ni Satanas—isang mapanlinlang na manloloob. Karagdagan pa, gustong pagnakawan ng ibang tao na ito na nasa kulungan ng tupa ang tunay na may-ari ng mga tupa. Sa katunayan, mas masahol pa siya sa isang magnanakaw, sapagkat tunguhin din niyang “pumatay at pumuksa.” (Juan 10:10) Sa gayunding paraan, si Satanas ay isang magnanakaw. Palibhasa’y nalinlang niya si Eva, nagawa niyang nakawin ang katapatan nito sa Diyos. Bukod diyan, nagdulot din si Satanas ng kamatayan sa mga tao. Kaya, isa siyang mamamatay-tao.
8. Paano pinilipit ni Satanas ang mga salita at motibo ni Jehova?
8 Makikita ang pagiging di-tapat ni Satanas sa paraan ng pagpilipit niya sa mga salita at mga motibo ni Jehova. “Talaga bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain mula sa bawat punungkahoy?” ang tanong niya kay Eva. Nagkunwaring nagulat si Satanas, na para bang sinasabi niya: ‘Bakit naman masyadong di-makatuwiran ang Diyos?’ Idinagdag pa niya: “Nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula roon ay madidilat nga ang inyong mga mata.” Pansinin ang kaniyang mga pananalita: “Nalalaman ng Diyos.” Para bang sinasabi ni Satanas: ‘Alam ko kung ano ang nalalaman ng Diyos. Alam ko ang kaniyang mga motibo, at masama ang mga ito.’ (Genesis 2:16, 17; 3:1, 5) Nakalulungkot, hindi lumayo sina Eva at Adan sa tinig ng ibang tao na ito. Sa halip, pinakinggan nila ito at nagdulot ito ng kaabahan sa kanilang sarili at sa kanilang mga supling.—Roma 5:12, 14.
9. Bakit natin dapat asahan na maririnig sa ngayon ang tinig ng ibang mga tao?
9 Gumagamit si Satanas ng gayunding mga pamamaraan upang iligaw ang bayan ng Diyos sa ngayon. (Apocalipsis 12:9) Siya ang “ama ng kasinungalingan,” at yaong mga tulad niyang nagsisikap na iligaw ang mga lingkod ng Diyos ay mga anak niya. (Juan 8:44) Bigyang-pansin natin ang ilang paraan na sa pamamagitan nito ay naririnig sa ngayon ang tinig ng ibang mga tao na ito.
Kung Paano Naririnig ang Tinig ng Ibang mga Tao sa Ngayon
10. Ano ang isang paraan kung saan naririnig ang tinig ng ibang mga tao?
10 Mapanlinlang na mga pangangatuwiran. Sinabi ni apostol Pablo: “Huwag kayong magpapadala sa sari-sari at ibang mga turo.” (Hebreo 13:9) Anong uri ng mga turo? Yamang maaari tayong ‘madala palayo’ ng mga ito, maliwanag na ang tinutukoy ni Pablo ay mga turo na nagpapahina sa ating espirituwal na pagkatimbang. Sino ang nagpapahayag ng gayong naiibang mga turo? Sinabi ni Pablo sa isang grupo ng Kristiyanong matatanda: “Mula sa inyo mismo ay may mga taong babangon at magsasalita ng mga bagay na pilipit at ilalayo ang mga alagad upang pasunurin sa kanila.” (Gawa 20:30) Tunay nga, sa ngayon gaya noong panahon ni Pablo, ang ilang indibiduwal na dating bahagi ng kongregasyong Kristiyano ay nagtatangka ngayong iligaw ang mga tupa sa pamamagitan ng pagsasalita ng “mga bagay na pilipit”—mga bahagyang katotohanan at mga tahasang kasinungalingan. Gaya ng pagkakasabi ni apostol Pedro, gumagamit sila ng “huwad na mga salita”—mga salitang nakakahawig ng katotohanan ngunit sa katunayan ay walang kabuluhan gaya ng huwad na salapi.—2 Pedro 2:3.
11. Paano inilalantad ng mga pananalitang masusumpungan sa 2 Pedro 2:1, 3 ang pamamaraan at pakay ng mga apostata?
11 Lalo pang inilantad ni Pedro ang mga pamamaraan ng mga apostata sa pagsasabi na sila ay “tahimik na magpapasok ng mapanirang mga sekta.” (2 Pedro 2:1, 3) Kung paanong ang magnanakaw sa ilustrasyon ni Jesus hinggil sa kulungan ng tupa ay hindi pumapasok “sa pamamagitan ng pinto kundi umaakyat sa iba pang dako,” nilalapitan din tayo ng mga apostata sa palihim na mga paraan. (Galacia 2:4; Judas 4) Ano ba ang pakay nila? Idinagdag ni Pedro: ‘Pagsasamantalahan nila kayo.’ Tunay nga, anuman ang sabihin ng mga apostata upang ipagmatuwid ang kanilang sarili, ang tunay na pakay ng mga manloloob ay “upang magnakaw at pumatay at pumuksa.” (Juan 10:10) Mag-ingat sa ibang mga tao na ito!
12. (a) Paano tayo maaaring ihantad ng ating mga kasama sa tinig ng ibang mga tao? (b) Paano nagkakatulad ang mga taktika ni Satanas at niyaong sa ibang mga tao sa ngayon?
12 Nakapipinsalang mga kasama. Maaaring marinig ang tinig ng ibang mga tao sa pamamagitan ng mga kasama natin. Ang nakapipinsalang mga kasama ay lalo nang nagsasapanganib sa mga kabataan. (1 Corinto 15:33) Tandaan, pinuntirya ni Satanas si Eva—ang mas bata at di-gaanong makaranasan sa unang mag-asawa. Kinumbinsi niya si Eva na labis na nililimitahan ni Jehova ang kalayaan nito, samantalang ang kabaligtaran ang totoo. Iniibig ni Jehova ang kaniyang mga nilalang na tao at nagmamalasakit siya sa kanilang kapakanan. (Isaias 48:17) Gayundin sa ngayon, sinisikap ng ibang mga tao na kumbinsihin kayong mga kabataan na nililimitahan ng inyong mga magulang na Kristiyano ang kalayaan ninyo. Paano kayo maaaring maapektuhan ng ibang mga tao na ito? Ganito ang inamin ng isang dalagitang Kristiyano: “Sa loob ng ilang panahon, humina ang aking pananampalataya sa paanuman dahil sa aking mga kaklase. Lagi nilang sinasabi na mahigpit at di-makatuwiran ang aking relihiyon.” Ngunit ang totoo ay mahal kayo ng inyong mga magulang. Kaya kapag sinisikap ng mga kaeskuwela ninyo na hikayatin kayong huwag magtiwala sa inyong mga magulang, huwag ninyong hayaang malinlang kayo na gaya ni Eva.
13. Anong matalinong landasin ang sinunod ni David, at ano ang isang paraan na matutularan natin siya?
13 Hinggil sa nakapipinsalang mga kasama, sinabi ng salmistang si David: “Hindi ako umupong kasama ng mga taong bulaan; at hindi ako pumapasok na kasama ng mga mapagpakunwari.” (Awit 26:4) Muli, napansin ba ninyo ang katangiang karaniwan sa ibang mga tao? Itinatago nila kung sino sila—kung paanong itinago ni Satanas ang pagkakakilanlan sa kaniya sa pamamagitan ng paggamit ng isang serpiyente. Sa ngayon, itinatago ng ilang imoral na tao ang kanilang pagkakakilanlan at tunay na mga intensiyon sa pamamagitan ng Internet. Sa mga chat room, ang napakaimoral na mga adulto ay maaari pa ngang magpakilala bilang mga kabataan upang mabitag kayo. Mga kabataan, pakisuyong maging lubhang maingat kung ayaw ninyong mapinsala sa espirituwal.—Awit 119:101; Kawikaan 22:3.
14. Kung minsan, paano ipinahahayag ng media ang tinig ng ibang mga tao?
14 Maling mga paratang. Bagaman walang-pinapanigan ang ilang balita tungkol sa mga Saksi ni Jehova, hinahayaan kung minsan ng media na gamitin sila upang isahimpapawid ang may-kinikilingang tinig ng ibang mga tao. Halimbawa, may-kabulaanang binanggit ng isang balita sa isang bansa na sinuportahan daw ng mga Saksi ang rehimen ni Hitler noong Digmaang Pandaigdig II. Sa isa pang bansa, pinaratangan ng isang ulat ang mga Saksi na sinisira raw nila ang mga simbahan. Sa ilang bansa, inakusahan naman ng media ang mga Saksi ng pagtangging ipagamot ang kanilang mga anak at gayundin ng pangungunsinti sa malulubhang kasalanan na nagawa ng kanilang mga kapananampalataya. (Mateo 10:22) Magkagayunman, alam ng taimtim na mga taong personal na nakakakilala sa atin na ang gayong mga paratang ay walang katotohanan.
15. Bakit hindi katalinuhan na paniwalaan ang lahat ng bagay na inihaharap sa media?
15 Ano ang dapat nating gawin kung napapaharap tayo sa mga paratang na ikinakalat ng tinig ng ibang mga tao na ito? Makabubuting isapuso natin ang payo sa Kawikaan 14:15: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.” Hindi katalinuhan na paniwalaan bilang katotohanan ang lahat ng bagay na inihaharap sa media. Bagaman hindi naman tayo nawawalan ng tiwala sa lahat ng sekular na impormasyon, kinikilala natin na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.”—1 Juan 5:19.
“Subukin ang mga Kinasihang Kapahayagan”
16. (a) Paano inilalarawan ng paggawi ng literal na mga tupa ang pagiging totoo ng mga salita ni Jesus na masusumpungan sa Juan 10:4? (b) Ano ang pinasisigla sa atin ng Bibliya na gawin?
16 Gayunman, paano tayo nakatitiyak kung ang pinakikitunguhan natin ay isang kaibigan o kaaway? Buweno, sinabi ni Jesus na sinusunod ng mga tupa ang pastol “sapagkat kilala nila ang kaniyang tinig.” (Juan 10:4) Hindi ang literal na hitsura ng pastol ang nag-uudyok sa mga tupa na sundan siya; ito ay ang kaniyang tinig. Inilahad ng isang aklat tungkol sa mga lupain sa Bibliya na inangkin minsan ng isang bisita na nakikilala ng mga tupa ang kanilang pastol sa pamamagitan ng kasuutan nito, at hindi sa tinig nito. Sumagot ang isang pastol na ang tinig ang kanilang nakikilala. Upang patunayan ito, nakipagpalit siya ng damit sa bisitang iyon. Suot ang damit ng pastol, tinawag ng bisita ang mga tupa, ngunit hindi sila tumugon. Hindi nila kilala ang kaniyang tinig. Pero nang tawagin sila ng pastol, bagaman nagbalatkayo siya, lumapit agad sa kaniya ang mga tupa. Kaya, maaaring mukhang pastol ang isa, ngunit para sa mga tupa, hindi iyan patotoo na isa nga siyang pastol. Sa wari ay sinusuri ng mga tupa ang tinig ng tumatawag, anupat inihahambing ito sa tinig ng pastol. Sinasabi ng Salita ng Diyos na gayon din ang dapat nating gawin—“subukin ang mga kinasihang kapahayagan upang makita kung ang mga ito ay nagmumula sa Diyos.” (1 Juan 4:1; 2 Timoteo 1:13) Ano ang tutulong sa atin upang magawa iyon?
17. (a) Paano tayo nagiging pamilyar sa tinig ni Jehova? (b) Ang kaalaman hinggil kay Jehova ay tumutulong sa atin na magawa ang ano?
17 Mauunawaan kung gayon na miyentras mas kilala natin ang tinig, o mensahe ni Jehova, mas madali nating mahahalata ang tinig ng ibang tao. Tinutukoy ng Bibliya kung paano natin malilinang ang gayong kaalaman. Sinasabi nito: “Ang iyong mga tainga ay makaririnig ng salita sa likuran mo na nagsasabi: ‘Ito ang daan. Lakaran ninyo ito.’” (Isaias 30:21) Ang “salita” na iyon sa likuran natin ay nagmumula sa Salita ng Diyos. Tuwing binabasa natin ang Salita ng Diyos, para bang naririnig natin ang tinig ng ating Dakilang Pastol, si Jehova. (Awit 23:1) Kaya naman, habang lalo tayong nag-aaral ng Bibliya, nagiging mas pamilyar tayo sa tinig ng Diyos. Ang malalim na kaalamang iyan naman ang tutulong sa atin na mahalata kaagad ang tinig ng ibang mga tao.—Galacia 1:8.
18. (a) Ano ang nasasangkot sa pagkilala sa tinig ni Jehova? (b) Ayon sa Mateo 17:5, bakit tayo dapat sumunod sa tinig ni Jesus?
18 Ano pa ang nasasangkot sa pagkilala sa tinig ni Jehova? Bukod sa pakikinig, nasasangkot dito ang pagsunod. Pansinin muli ang Isaias 30:21. Ipinahahayag ng Salita ng Diyos: “Ito ang daan.” Oo, sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya, naririnig natin ang mga tagubilin ni Jehova. Pagkatapos, iniutos niya: “Lakaran ninyo ito.” Nais ni Jehova na kumilos tayo alinsunod sa ating naririnig. Sa gayon, sa pamamagitan ng pagkakapit sa ating natututuhan, ipinakikita natin na hindi lamang natin narinig ang tinig ni Jehova kundi sinunod din natin ito. (Deuteronomio 28:1) Ang pagsunod sa tinig ni Jehova ay nangangahulugan din ng pagsunod sa tinig ni Jesus, sapagkat sinabi mismo ni Jehova sa atin na gayon ang gawin natin. (Mateo 17:5) Ano ang sinasabi ni Jesus, ang Mabuting Pastol, na gawin natin? Tinuturuan niya tayong gumawa ng mga alagad at magtiwala sa “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45; 28:18-20) Ang pakikinig sa kaniyang tinig ay nangangahulugan ng ating walang-hanggang buhay.—Gawa 3:23.
‘Tatakas Sila Mula sa Kaniya’
19. Paano tayo dapat tumugon sa tinig ng ibang mga tao?
19 Kung gayon, paano tayo dapat tumugon sa tinig ng ibang mga tao? Kagaya ng pagtugon ng mga tupa. Sinasabi ni Jesus: “Ang ibang tao ay hindi nga nila susundan kundi tatakas mula sa kaniya.” (Juan 10:5) Dalawa ang ating tugon. Una, ‘hindi nga natin susundan’ ang ibang tao. Oo, matatag nating itatakwil ang ibang tao. Sa katunayan, sa wikang Griego na ginamit sa pagsulat sa Bibliya, ang mga salitang “hindi nga” sa wikang iyon ay nagpapahiwatig ng pinakamatinding pagpapahayag ng pagtatakwil. (Mateo 24:35; Hebreo 13:5) Ikalawa, ‘tatakas tayo mula sa kaniya,’ o lalayo sa kaniya. Iyan ang tanging wastong pagtugon sa mga nagtuturo nang taliwas sa tinig ng Mabuting Pastol.
20. Paano tayo tutugon kapag napapaharap tayo sa (a) mapanlinlang na mga apostata, (b) nakapipinsalang mga kasama, (c) may-kinikilingang mga ulat ng media?
20 Kaya, kapag napapaharap sa mga nagpapahayag ng apostatang mga ideya, nais nating gawin ang sinasabi ng Salita ng Diyos: “Mataan ninyo yaong mga lumilikha ng mga pagkakabaha-bahagi at mga dahilang ikatitisod na salungat sa turo na inyong natutuhan, at iwasan ninyo sila.” (Roma 16:17; Tito 3:10) Gayundin naman, nais ng mga kabataang Kristiyano na napapaharap sa mga panganib ng nakapipinsalang mga kasama na ikapit ang payo na ibinigay ni Pablo sa kabataang si Timoteo: “Tumakas ka mula sa mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan.” At kapag napapaharap sa maling mga paratang sa media, tandaan natin ang karagdagang payo ni Pablo kay Timoteo: ‘Babaling sila [yaong mga nakikinig sa tinig ng ibang mga tao] sa mga kuwentong di-totoo. Ikaw naman, panatilihin mo ang iyong katinuan sa lahat ng mga bagay.’ (2 Timoteo 2:22; 4:3-5) Bagaman waring lubhang kalugud-lugod ang tinig ng ibang mga tao, tinatakasan natin ang lahat ng maaaring makapagpahina ng ating pananampalataya.—Awit 26:5; Kawikaan 7:5, 21; Apocalipsis 18:2, 4.
21. Anong gantimpala ang naghihintay sa mga nagtatakwil sa tinig ng ibang mga tao?
21 Sa pamamagitan ng pagtatakwil sa tinig ng ibang mga tao, tumutugon ang pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano sa mga salita ng Mabuting Pastol na masusumpungan sa Lucas 12:32. Doon ay sinabi ni Jesus sa kanila: “Huwag kang matakot, munting kawan, sapagkat sinang-ayunan ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.” Gayundin naman, may-pananabik na inaasam ng “ibang mga tupa” na marinig ang mga salita ni Jesus: “Halikayo, kayo na mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkakatatag ng sanlibutan.” (Juan 10:16; Mateo 25:34) Nakaaantig-damdamin ngang gantimpala ang naghihintay sa atin kung itatakwil natin ang “tinig ng ibang mga tao”!
Natatandaan Mo Ba?
• Paano nababagay kay Satanas ang paglalarawang ginamit sa ibang tao na binabanggit sa ilustrasyon ni Jesus hinggil sa kulungan ng tupa?
• Paano naririnig sa ngayon ang tinig ng ibang mga tao?
• Paano natin makikilala ang tinig ng ibang mga tao?
• Paano tayo dapat tumugon sa tinig ng ibang mga tao?
[Larawan sa pahina 15]
Nakilala ni Maria si Kristo
[Larawan sa pahina 16]
Hindi tuwirang nilalapitan ng ibang tao ang mga tupa
[Larawan sa pahina 18]
Paano tayo tumutugon sa tinig ng ibang mga tao?