Tularan si Jehova—Gumawa Nang may Katarungan at Katuwiran
“Ako’y si Jehova, ang Isa na nagsasagawa ng maibiging-kabaitan, katarungan at katuwiran sa lupa; sapagkat sa mga bagay na ito nalulugod ako.”—JEREMIAS 9:24.
1. Anong napakagandang pag-asa ang ipinapangako ni Jehova?
IPINANGAKO ni Jehova na darating ang araw na makikilala siya ng lahat. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias, sinabi niya: “Hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman ni Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.” (Isaias 11:9) Tunay na napakagandang pag-asa iyan!
2. Ano ang kalakip sa pagkilala kay Jehova? Bakit?
2 Subalit ano ba ang kahulugan ng pagkilala kay Jehova? Isiniwalat ni Jehova kay Jeremias kung ano ang pinakamahalaga: “Ang pagkakaroon ng malalim na unawa at ang pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa akin, na ako’y si Jehova, ang Isa na nagsasagawa ng maibiging-kabaitan, katarungan at katuwiran sa lupa; sapagkat sa mga bagay na ito ay nalulugod ako.” (Jeremias 9:24) Kung gayon, sa pagkakilala kay Jehova ay kalakip ang kabatiran sa paraan ng pagsasagawa niya ng katarungan at katuwiran. Kung ipinamamalas naman natin ang gayong mga katangian, malulugod siya sa atin. Paano natin magagawa ito? Sa kaniyang Salita, ang Bibliya, iningatan ni Jehova ang isang rekord ng kaniyang pakikitungo sa di-sakdal na mga tao sa nakaraang mga panahon. Sa pag-aaral dito, malalaman natin ang paraan ni Jehova ng katarungan at katuwiran at sa gayo’y matutularan natin siya.—Roma 15:4.
Makatarungan Ngunit Madamayin
3, 4. Bakit may katuwiran si Jehova na lipulin ang Sodoma at Gomorra?
3 Ang hatol ng Diyos sa Sodoma at Gomorra ay isang mahusay na halimbawa na nagpapakita ng ilang katangian ng katarungan ni Jehova. Hindi lamang inilapat ni Jehova ang kinakailangang parusa kundi naglaan din siya ng kaligtasan para sa mga karapat-dapat. Talaga bang may katuwiran ang paglipol sa mga lunsod na iyon? Sa simula ay hindi gayon ang inisip ni Abraham, na maliwanag na hindi gaanong nakababatid sa tindi ng kabalakyutan ng Sodoma. Tiniyak ni Jehova kay Abraham na kung mayroon lamang sampung matuwid na mga tao na masusumpungan doon, hindi niya pupuksain ang lunsod na iyon. Maliwanag, hindi kailanman padalus-dalos o walang-awa ang katarungan ni Jehova.—Genesis 18:20-32.
4 Ang pagsisiyasat ng dalawang anghel ay malinaw na nagpatotoo sa kabulukan sa moral ng Sodoma. Nang malaman ng mga lalaki ng lunsod, “mula sa batang lalaki hanggang sa matandang lalaki,” na dalawang lalaki ang dumating upang tumuloy sa tahanan ni Lot, sinugod nila ang kaniyang bahay dahil gusto ng mga homoseksuwal na ito na halayin ang mga panauhin. Talaga namang sagad na ang kanilang kasamaan! Walang alinlangan, matuwid ang hatol ni Jehova sa lunsod na iyon.—Genesis 19:1-5, 24, 25.
5. Paano iniligtas ng Diyos si Lot at ang kaniyang pamilya mula sa Sodoma?
5 Matapos banggitin ang pagkapuksa ng Sodoma at Gomorra bilang isang babalang halimbawa, sumulat si apostol Pedro: “Alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may maka-Diyos na debosyon mula sa pagsubok.” (2 Pedro 2:6-9) Hindi sana naipatupad ang katarungan kung ang matuwid na si Lot at ang kaniyang pamilya ay nalipol na kasama ng di-makadiyos na mga tao sa Sodoma. Kaya naman, si Lot ay binabalaan ng mga anghel ni Jehova tungkol sa nalalapit na pagpuksa. Nang si Lot ay nagpatumpik-tumpik, “sa habag ni Jehova” ay hinawakan siya ng mga anghel, pati na ang kaniyang asawa, at ang kaniyang mga anak na babae, at sila’y inakay papalabas ng lunsod. (Genesis 19:12-16) Makatitiyak tayo na magpapakita si Jehova ng katulad na pagmamalasakit sa mga matuwid sa dumarating na pagpuksa sa balakyot na sistemang ito.
6. Bakit hindi tayo dapat labis na mabahala tungkol sa dumarating na pagpuksa sa balakyot na sistema ng mga bagay?
6 Bagaman ang wakas ng sistemang ito ay magiging isang panahon “sa paglalapat ng katarungan,” walang dahilan para tayo’y labis na mabahala. (Lucas 21:22) Ang hatol na isasagawa ng Diyos sa Armagedon ay mapatutunayang “ganap na matuwid.” (Awit 19:9) Gaya ng natutuhan ni Abraham, tayong mga tao ay lubusang makapagtitiwala sa katarungan ni Jehova, na nasa lalong dakilang antas kaysa ng sa atin. Nagtanong si Abraham: “Hindi ba yaong tama ang gagawin ng Hukom ng buong lupa?” (Genesis 18:25; ihambing ang Job 34:10.) O gaya ng angkop na pagkakasabi ni Isaias, “sino ang nagtuturo [kay Jehova] sa landas ng katarungan?”—Isaias 40:14.
Isang Matuwid na Gawa Upang Iligtas ang Sangkatauhan
7. Ano ang kaugnayan ng katarungan ng Diyos sa kaniyang awa?
7 Ang katarungan ng Diyos ay hindi lamang nahahayag sa paraan ng pagpaparusa niya sa mga nagkasala. Inilarawan ni Jehova ang kaniyang sarili bilang “isang matuwid na Diyos at isang Tagapagligtas.” (Isaias 45:21) Kitang-kita naman, may malapit na kaugnayan ang katuwiran, o katarungan, ng Diyos sa kaniyang hangaring iligtas ang sangkatauhan mula sa mga epekto ng kasalanan. Bilang komento sa tekstong ito, sinabi ng The International Standard Bible Encyclopedia, Edisyon ng 1982, na “ang katarungan ng Diyos ay naghahanap ng praktikal na mga paraan upang ipahayag ang Kaniyang awa at isagawa ang Kaniyang pagliligtas.” Hindi naman nangangahulugan na ang katarungan ng Diyos ay kailangang bantuan ng awa kundi, sa halip, ang awa ay isang kapahayagan ng katarungan ng Diyos. Ang paglalaan ng Diyos ng isang pantubos para sa kaligtasan ng sangkatauhan ang siyang pinakanatatanging halimbawa ng katangiang ito ng katarungan ng Diyos.
8, 9. (a) Ano ang kalakip sa paglalarawan na “isang matuwid na gawa”? Bakit? (b) Ano ba ang hinihiling ni Jehova sa atin?
8 Ang halaga mismo ng pantubos—ang mahalagang buhay ng bugtong na Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo—ay napakataas sapagkat napakalawak ng mga pamantayan ni Jehova, at siya mismo ay sumusunod sa mga ito. (Mateo 20:28) Isang sakdal na buhay, yaong kay Adan, ang nawala, kaya sakdal na buhay ang kailangan upang matubos ang buhay para sa mga inapo ni Adan. (Roma 5:19-21) Inilalarawan ni apostol Pablo ang landasin ng katapatan ni Jesus, lakip na ang pagbabayad ng pantubos, bilang “isang matuwid na gawa.” (Roma 5:18, talababa sa Ingles) Bakit gayon? Sapagkat sa pangmalas ni Jehova, ang pagtubos sa sangkatauhan ang siyang tama at makatarungang gawin, bagaman malaki ang mawawala sa kaniya. Ang mga supling ni Adan ay gaya ng isang “nasugatang tambo,” na hindi nais durugin ng Diyos, o gaya ng isang “nagbabagang linong mitsa,” na hindi niya ibig patayin. (Mateo 12:20) May tiwala ang Diyos na maraming tapat na lalaki at babae ang babangon mula sa mga inapo ni Adan.—Ihambing ang Mateo 25:34.
9 Paano tayo dapat tumugon sa dakilang gawa na ito ng pag-ibig at katarungan? Ang isa sa mga bagay na hinihiling sa atin ni Jehova ay na tayo’y “gumawa nang may katarungan.” (Mikas 6:8) Paano natin magagawa ito?
Hanapin ang Katarungan, Itaguyod ang Katuwiran
10. (a) Ano ang isang paraan na doo’y gumagawa tayo nang may katarungan? (b) Paano natin magagawang hanapin muna ang katuwiran ng Diyos?
10 Una sa lahat, dapat tayong nakaayon sa moral na mga pamantayan ng Diyos. Dahil sa makatarungan at matuwid ang mga pamantayan ng Diyos, nagsasagawa tayo ng katarungan kapag namumuhay tayo na kasuwato ng mga ito. Iyan ang inaasahan ni Jehova sa kaniyang bayan. “Matuto kayong gumawa ng mabuti; hanapin ninyo ang katarungan,” sabi ni Jehova sa mga Israelita. (Isaias 1:17) Ganito rin ang ipinayo ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig sa Sermon sa Bundok, nang tagubilinan niya sila na ‘hanapin muna ang kaharian at katuwiran ng Diyos.’ (Mateo 6:33) Pinasigla ni Pablo si Timoteo na ‘itaguyod ang katuwiran.’ (1 Timoteo 6:11) Kapag tayo’y namumuhay na kasuwato ng mga pamantayan ng Diyos sa paggawi at nagbibihis ng bagong personalidad, nagtataguyod tayo ng tunay na katarungan at katuwiran. (Efeso 4:23, 24) Sa ibang pananalita, hinahanap natin ang katarungan sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay ayon sa paraan ng Diyos.
11. Bakit at paano tayo dapat makipaglaban sa pamamanginoon ng kasalanan?
11 Gaya ng alam na alam natin, hindi laging madali para sa di-sakdal na mga tao na gawin kung ano ang makatarungan at tama. (Roma 7:14-20) Pinatibay-loob ni Pablo ang mga Kristiyano sa Roma na paglabanan ang pamamanginoon ng kasalanan, upang maiharap nila ang kanilang nakaalay na mga katawan sa Diyos bilang “mga sandata ng katuwiran,” na magagamit ng Diyos sa pagtupad ng kaniyang layunin. (Roma 6:12-14) Gayundin, sa pamamagitan ng regular na pag-aaral at pagkakapit ng Salita ng Diyos, matatamo natin ang “pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova” at tayo’y ‘madidisiplina sa katuwiran.’—Efeso 6:4; 2 Timoteo 3:16, 17.
12. Ano ang dapat nating iwasan kung ibig nating mapakitunguhan ang iba sa paraan na ibig nating pakitunguhan tayo ni Jehova?
12 Pangalawa, gumagawa tayo nang may katarungan kapag pinakikitunguhan natin ang iba sa paraan na ibig nating pakitunguhan tayo ni Jehova. Madaling magkaroon ng dobleng pamantayan—isa na mapagpalayaw para sa ating sarili ngunit isa na mahigpit naman para sa iba. Kaydali nating magdahilan para sa ating sariling pagkukulang, subalit mabilis tayong pumuna sa pagkakamali ng iba, na maaaring napakaliit kung ihahambing sa ating pagkakamali. Tahasan ang tanong ni Jesus: “Kung gayon, bakit mo tinitingnan ang dayami sa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo isinasaalang-alang ang tahilan sa iyong sariling mata?” (Mateo 7:1-3) Hindi natin kailanman dapat kalimutan na wala sa atin ang makatatayo kung susuriin ni Jehova ang ating mga pagkakamali. (Awit 130:3, 4) Kung ang katarungan ni Jehova ay nagpapangyari sa kaniya na palampasin ang mga kahinaan ng ating mga kapatid, sino tayo para hatulan sila ng masama?—Roma 14:4, 10.
13. Bakit nakadarama ang isang taong matuwid ng obligasyon na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian?
13 Ikatlo, nagpapamalas tayo ng makadiyos na katarungan kapag masigasig tayong nakikibahagi sa gawaing pangangaral. “Huwag mong ipagkait ang mabuti sa kinauukulan, kapag nasa kapangyarihan ng iyong kamay na gawin ito,” ang payo sa atin ni Jehova. (Kawikaan 3:27) Hindi tama na sarilinin natin ang nagbibigay-buhay na kaalaman na saganang ipinagkaloob ng Diyos sa atin. Totoo, maaaring tanggihan ng maraming tao ang ating mensahe, ngunit hangga’t nagpapatuloy ang Diyos sa pagpapaabot ng awa sa kanila, dapat tayong maging handa na patuloy silang bigyan ng pagkakataong “makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) At gaya ni Jesus, nalulugod tayo kapag nakatutulong tayo sa isa na bumaling sa katarungan at katuwiran. (Lucas 15:7) Ngayon ang kaayaayang panahon upang tayo’y ‘maghasik ng binhi sa katuwiran.’—Oseas 10:12.
“Mga Prinsipe Ukol sa Katarungan”
14. Anong papel ang ginagampanan ng matatanda may kinalaman sa katarungan?
14 Tayong lahat ay dapat lumakad sa landas ng katuwiran, ngunit may pantanging pananagutan sa bagay na ito ang matatanda sa kongregasyong Kristiyano. Ang pamamahala ni Jesus bilang prinsipe ay ‘inaalalayan sa pamamagitan ng katarungan at ng katuwiran.’ Alinsunod dito, ang pamantayan para sa matatanda ay ang katarungan ng Diyos. (Isaias 9:7) Hindi nila kinalilimutan ang makahulang paglalarawan sa Isaias 32:1: “Narito! Isang hari ang maghahari ukol sa katuwiran; at tungkol sa mga prinsipe, sila ay mamamahala bilang mga prinsipe ukol sa katarungan.” Bilang mga tagapangasiwa na hinirang ng espiritu, o ‘mga katiwala ng Diyos,’ dapat gawin ng matatanda ang mga bagay ayon sa paraan ng Diyos.—Tito 1:7.
15, 16. (a) Paano tinutularan ng matatanda ang tapat na pastol sa ilustrasyon ni Jesus? (b) Ano ang nadarama ng matatanda tungkol sa mga naliligaw sa espirituwal?
15 Ipinakita ni Jesus na ang katarungan ni Jehova ay madamayin, maawain, at makatuwiran. Higit sa lahat, sinikap niyang tulungan yaong may mga suliranin at “hanapin at iligtas ang nawala.” (Lucas 19:10) Tulad ng pastol sa ilustrasyon ni Jesus na walang-kapagurang naghanap hanggang sa matagpuan niya ang isang nawawalang tupa, hinahanap ng matatanda yaong naliligaw sa espirituwal at sinisikap na akayin sila pabalik sa kawan.—Mateo 18:12, 13.
16 Sa halip na patawan ng hatol yaong maaaring nakagawa ng malulubhang kasalanan, sinisikap ng matatanda na gamutin at akayin sila sa pagsisisi kung posible ito. Nagagalak sila kapag nakatulong sila sa isa na naligaw ng landas. Subalit nalulungkot sila kapag hindi nagsisi ang isang nagkasala. Sa gayo’y kailangan nilang itiwalag ang di-nagsisisi ayon sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos. Magkagayunman, tulad ng ama ng alibughang anak, umaasa sila na balang araw ay ‘sasapit sa kaniyang katinuan’ ang isa na nagkasala. (Lucas 15:17, 18) Kaya naman, nagkukusa ang matatanda na dalawin ang ilang natiwalag upang ipaalaala sa kanila kung paano sila makababalik sa organisasyon ni Jehova.a
17. Ano ang tunguhin ng matatanda kapag humahawak ng isang kaso ng pagkakasala, at anong katangian ang tutulong sa kanila na maabot ang tunguhing ito?
17 Lalo nang kailangang tularan ng matatanda ang katarungan ni Jehova kapag humahawak ng mga kaso ng pagkakasala. Ang mga makasalanan ay “patuloy na lumalapit” kay Jesus dahil nadama nila na kaniyang uunawain at tutulungan sila. (Lucas 15:1; Mateo 9:12, 13) Mangyari pa, hindi pinalalampas ni Jesus ang paggawa ng masama. Ang minsan lamang na pagkain na kasama si Jesus ay nakapagpakilos kay Zaqueo, isang kilalang mangingikil, upang magsisi at pagbayaran ang lahat ng pagdurusang idinulot niya sa iba. (Lucas 19:8-10) Gayundin ang tunguhin ng matatanda ngayon sa kanilang pagdinig ng mga kaso—upang akayin sa pagsisisi ang nagkasala. Kung sila’y madaling lapitan na katulad ni Jesus, magiging mas madali para sa maraming nagkasala ang humingi ng kanilang tulong.
18. Ano ang magpapangyari sa matatanda na maging tulad sa isang “taguang dako sa hangin”?
18 Ang isang pusong mapagmalasakit ay tutulong sa matatanda sa paglalapat ng katarungan ng Diyos, na hindi malupit ni walang-kabaitan. Kapansin-pansin, inihanda ni Ezra ang kaniyang puso, hindi lamang ang kaniyang isip, upang maituro sa mga Israelita ang katarungan. (Ezra 7:10) Ang isang pusong maunawain ay magpapangyari sa matatanda na ikapit ang angkop na mga simulain sa Kasulatan at isaalang-alang ang mga kalagayan ng bawat indibiduwal. Nang pagalingin ni Jesus ang babae na inaagasan ng dugo, ipinakita niya na ang katarungan ni Jehova ay nangangahulugan ng pag-unawa sa tunay na kahulugan at gayundin sa sinasabi ng batas. (Lucas 8:43-48) Ang matatanda na naglalapat ng katarungan na may kalakip na awa ay maaaring itulad sa isang “taguang dako sa hangin” para sa mga pinahihirapan ng kanilang sariling mga kahinaan o ng balakyot na sistemang ito na kinabubuhayan natin.—Isaias 32:2.
19. Paano tumugon ang isang kapatid na babae sa pagkakapit ng katarungan ng Diyos?
19 Isang kapatid na babae na nakagawa ng malubhang pagkakasala ang tuwirang nakaunawa sa katarungan ng Diyos. “Ang totoo, natakot akong lumapit sa matatanda,” ang pag-amin niya. “Ngunit pinakitunguhan nila ako nang may pagdamay at dignidad. Ang matatanda ay tulad sa mga ama sa halip na mahihigpit na hukom. Tinulungan nila ako na maunawaang hindi ako itatakwil ni Jehova kung naipasiya kong ituwid ang aking mga daan. Tuwiran kong natutuhan kung paano niya tayo dinidisiplina gaya ng isang maibiging Ama. Naidulog ko kay Jehova ang nilalaman ng aking puso, na nagtitiwalang pakikinggan niya ang aking pagsusumamo. Sa paggunita sa nakaraan, totohanang masasabi ko na isang pagpapala mula kay Jehova ang pakikipag-usap na iyon sa matatanda pitong taon na ang nakalipas. Mula noon, naging mas matibay ang kaugnayan ko sa kaniya.”
Ingatan ang Katarungan at Gawin ang Matuwid
20. Ano ang mga pakinabang sa pagkaunawa at paggawa nang may katarungan at katuwiran?
20 Mabuti na lamang, higit pa ang kahulugan ng katarungan ng Diyos kaysa sa pagbibigay lamang sa bawat tao ng nararapat sa kaniya. Pinakilos si Jehova ng kaniyang katarungan upang magkaloob ng walang-hanggang buhay sa mga nananampalataya. (Awit 103:10; Roma 5:15, 18) Nakikitungo sa atin ang Diyos sa ganitong paraan sapagkat isinasaalang-alang ng kaniyang katarungan ang ating mga kalagayan, at layunin nito na magligtas sa halip na humatol. Tunay, ang isang mas mainam na pagkaunawa sa lawak ng katarungan ni Jehova ay naglalapit sa atin sa kaniya. At habang sinisikap nating tularan ang pitak na ito ng kaniyang personalidad, ang buhay natin at niyaong sa iba ay saganang pagpapalain. Hindi makaliligtaan ng ating makalangit na Ama ang ating pagtataguyod ng katarungan. Nangangako si Jehova sa atin: “Ingatan ninyo ang katarungan, at gawin ninyo ang matuwid. Sapagkat ang aking pagliligtas ay malapit nang dumating, at ang aking katuwiran ay masisiwalat na. Maligaya ang taong mortal na gumagawa nito.”—Isaias 56:1, 2.
[Talababa]
Natatandaan ba Ninyo?
◻ Ano ang itinuturo sa atin ng pagkalipol ng Sodoma at Gomorra hinggil sa katarungan ni Jehova?
◻ Bakit ang pantubos ay isang natatanging kapahayagan ng katarungan at pag-ibig ng Diyos?
◻ Ano ang tatlong paraan na doo’y makagagawa tayo nang may katarungan?
◻ Sa anong pantanging paraan matutularan ng matatanda ang katarungan ng Diyos?
[Mga larawan sa pahina 15]
Sa pamamagitan ng ating gawaing pangangaral, nakapagpapamalas tayo ng makadiyos na katarungan
[Larawan sa pahina 16]
Kapag ang matatanda ay nagpapakita ng makadiyos na katarungan, nagiging mas madaling humingi sa kanila ng tulong ang mga may suliranin