Matatanda—Makitungo Nang Malumanay sa Kawan ng Diyos!
“Naging malumanay kami sa inyo, tulad ng isang nagpapasusong ina na nagmamahal sa kaniyang sariling mga anak.”—1 TESALONICA 2:7.
1. Bakit bawat tapat na Saksi ni Jehova ay maaaring makadama ng katiwasayan?
SI Jehova ang Dakilang Pastol. Siya’y may saganang paglalaan sa kaniyang tulad-tupang mga lingkod at kaniyang inaakay sila “sa landas ng katuwiran” alang-alang sa kaniyang banal na pangalan. Sa gayon, yaong mga gumagawa ng kaniyang kalooban ay hindi kailangang matakot sa anumang kasamaan at sila’y makaaasa sa kanilang mahabaging Diyos para sa pagtatamo ng kaaliwan. Oo, bawat tapat na Saksi ni Jehova ay may matatag na dahilan upang makadama ng katiwasayan sa mapagmahal na pangangalaga ng Diyos.—Awit 23:1-4.
2. Bilang ang sinag ng kaluwalhatian ng Diyos, anong mga katangian ang makikita kay Jesus?
2 Si Jesu-Kristo “ang sinag ng kaluwalhatian [ng Diyos] at ang tunay na larawan ng kaniyang sarili.” (Hebreo 1:1-4) Kaya naman si Jesus, na Mabuting Pastol, ay nagpapakita rin ng pag-ibig at habag. (Juan 10:14, 15) Halimbawa, minsan ay “kaniyang nakita ang lubhang maraming tao, subalit siya’y nahabag sa kanila, sapagkat sila’y gaya ng mga tupa na walang pastol. At kaniyang sinimulang turuan sila ng maraming bagay.”—Marcos 6:34.
3. (a) Tulad ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo, ang katulong na mga pastol na Kristiyano ay dapat magpakita ng anong mga katangian? (b) Anong payo at babala ang ibinigay ni apostol Pablo sa mga tagapangasiwa?
3 Lahat ng Kristiyano ay dapat ‘tumulad sa Diyos at patuloy na lumakad sa pag-ibig gaya ng pag-ibig sa kanila ni Kristo.’ (Efeso 5:1, 2) Kaya’t sila’y dapat na maging mapagmahal at mahabagin. Ito’y dapat na maging totoo sa katulong na mga pastol sa kawan ng Diyos. Sinabi ni apostol Pablo: “Asikasuhin ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na sa kanila’y hinirang kayo ng banal na espiritu na mga tagapangasiwa, upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos, na binili niya ng dugo ng kaniyang sariling Anak. Talastas ko na pagkaalis ko ay magsisipasok sa inyo ang ganid na mga lobo at hindi nila pakikitunguhan nang may kabaitan ang kawan, at sa mga kasamahan din ninyo lilitaw ang mga taong magsasalita ng mga likong bagay upang makaakit ng mga alagad.”—Gawa 20:28-30.
4. (a) Sa paglipas ng panahon, ano ang nangyari sa pagsunod sa babala ni Pablo na nasa Gawa 20:29, 30? (b) Anong mga tanong ang dapat ngayong isaalang-alang?
4 Sa paglipas ng panahon, lumitaw ang apostatang “ganid na mga lobo” at ‘hindi nila pinakitunguhan nang may kabaitan ang kawan.’ Subalit anong laki ng ating kagalakan sapagkat ang matatanda sa gitna ng mga Saksi ni Jehova ay hindi gumagawa ng gayong kalupitan! Subalit, anong uri ng pakikitungo ang maaasahan ng mga kapananampalataya buhat sa hinirang-ng-espiritung mga tagapangasiwang ito? At papaano ngang ang gayong mga hinirang ay makapagpapakita ng kabaitan sa mga tupa ni Jehova?
Huwag Mag-astang Panginoon sa Kawan
5. (a) Papaano kalimitang nakikitungo sa kanilang mga sakop ang makasanlibutang mga pinuno? (b) Papaano ipinakita ni Jesus na ang kalupitan ay walang dako sa gitna ng kaniyang mga tagasunod?
5 Tayo’y may katuwirang umasa na ang Kristiyanong matatanda ay makikitungo sa atin sa isang mahabaging paraan. Sila’y di-tulad ng makasanlibutang mga pinunò, na kalimitan ay nag-aastang mga panginoon sa kanilang mga sakop. Halimbawa, ayon sa ulat ang haring Frankish na si Carlomagno (na naghari noong 768-814 C.E.) ay gumamit ng lakas upang “pilitin ang mga Saxon, sa ilalim ng parusang kamatayan, na tumanggap ng bautismo, hinatulan ng pinakamahihigpit na parusa ang mga lumalabag sa Kuwaresma, at saanman ay pamumuwersa ang inihalili sa panghihikayat.” (The History of the Christian Church, ni William Jones) Ang kalupitan ay walang dako sa gitna ng mga tagasunod ni Jesus, sapagkat kaniyang sinabi: “Alam ninyo na ang mga pinunò ng mga Gentil ay nag-aastang panginoon sa kanila, at ang kanilang mga dakilang lalaki ay nagmamalupit sa kanila. Hindi dapat magkaganiyan sa gitna ninyo, kundi sinumang ibig na maging dakila sa inyo ay kailangang maging inyong lingkod, at sinumang ibig na mapalagay sa unahan ay kailangang maging alipin ninyo, gaya ng Anak ng Tao na naparito hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod sa mga ibang tao at ibigay ang kaniyang buhay upang tubusin ang marami pang iba.”—Mateo 20:25-28, An American Translation.
6. (a) Tungkol sa matatanda, anong mga pangunahing bagay ang tumitingkad? (b) Ang kongregasyon ay may dahilang umasa ng ano tungkol sa matatanda, at papaano dapat malasin ng mga lalaking ito ang kanilang sarili?
6 Ang isang lalaking Kristiyano na ‘nagsisikap makaabot sa katungkulang tagapangasiwa ay naghahangad ng isang mabuting gawain.’ (1 Timoteo 3:1) Kung ating isasaalang-alang ito at ang payo ni Jesus na kababanggit lamang, ang ganitong mga pangunahing bagay ang tumitingkad: (1) ang Kristiyanong matatanda ay hindi dapat magmalupit sa mga iba; (2) yaong mga bumabalikat ng pananagutan sa gitna ng mga tagasunod ni Jesus ay dapat na maging kanilang mga alipin, hindi ang kanilang mga panginoon; at (3) para sa mga lalaking nagsisikap makaabot sa katungkulang tagapangasiwa dapat na malasin nila iyon na “isang mabuting gawain,” hindi isang mataas na puwesto. (Kawikaan 25:27; 1 Corinto 1:31) Ang terminong “matanda” ay hindi nagtataas sa kaninumang tao upang mapataas siya sa mga ibang sumasamba kay Jehova. Bagkus, ang kongregasyon ay may dahilang umasa na lahat ng matatanda ay may gulang sa espirituwal, may karanasan, at mapagpakumbabang mga lalaki na nangunguna sa banal na paglilingkuran. Oo, dapat malasin ng matatanda ang kanilang sarili bilang mapagpakumbabang mga alipin ng Diyos na Jehova, ni Jesu-Kristo, at ng mga kapuwa Kristiyano.—Roma 12:11; Galacia 5:13; Colosas 3:24.
7. (a) Papaano dapat ikapit ng matatanda ang 2 Corinto 1:24 sa pakikitungo sa iba? (b) Ano ang dapat gawin ng matatanda tungkol sa mga tagubiling tinanggap sa Lupong Tagapamahala?
7 Ang mapakumbabang pagpapaalipin alang-alang sa iba ay natural na pumigil sa isang matanda sa ‘pag-aastang panginoon’ sa kanila. At anong pagkabuti-buti nga na ang ating mga tagapangasiwa ay nagpapakita ng saloobin na katulad niyaong kay Pablo! Kaniyang sinabi sa mga Kristiyano sa Corinto: ‘Hindi sa kami ay may pagkapanginoon sa inyong pananampalataya, kundi kami ay mga kamanggagawa ukol sa inyong ikagagalak.’ (2 Corinto 1:24) Kaya naman, yaong mga gumaganap ng maibiging pangangasiwa ay hindi nagpapabigat sa mga kapananampalataya ng di-kinakailangang mga regulasyon ng tao. Sa halip, ang mga tagapangasiwa sa gitna ng mga Saksi ni Jehova ay inuugitan ng maka-Kasulatang mga simulain at sila’y gumagawa nang may kabaitan, matulungin na paglilingkod. Sila’y nagpapakita rin ng matinding pagkabahala sa kawan ng Diyos sa pamamagitan ng dagling pagkakapit ng mga tagubiling tinanggap sa Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova.—Gawa, kabanata 15.
8. Ano ang saloobin ni Pablo sa mga kapananampalataya, at papaano dapat maapektuhan nito ang matatanda sa ika-20 siglo?
8 Dahilan sa si Pablo’y may malumanay na pagtingin sa kawan ng Diyos, kaniyang naaring masabi sa mga Kristiyano sa Tesalonica: “Naging malumanay kami sa inyo, tulad ng isang nagpapasusong ina na nagmamahal sa kaniyang sariling mga anak. Kaya, dahil sa aming magiliw na pagmamahal sa inyo, ganiyan na lamang ang aming kagalakan na ibahagi sa inyo, hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos, kundi pati ang aming sariling mga kaluluwa, sapagkat kayo ay napamahal na sa amin.” (1 Tesalonica 2:7, 8) Si Pablo ay kumilos na mistulang isang nagpapasusong ina, na ganiyan na lamang ang pagmamahal sa kaniyang mga anak kung kaya’t inuuna ang kanilang kapakanan kaysa kaniyang sariling kapakanan at may magiliw na pagmamahal sa kanila. Ito’y dapat ngang magpakilos sa matatanda sa ika-20 siglong ito upang maging malumanay sa kanilang pakikitungo sa kawan ng Diyos!
Nagpapaginhawa at Nagpapapresko
9. Anong mga kalagayan ng kasalukuyang-panahong bayan ni Jehova ang inihula ng Isaias 32:1, 2?
9 Sa pagtututok ng pansin sa araw na ito ng pamamahala ng Kaharian sa ilalim ni Jesu-Kristo, inihula ni propeta Isaias na isang hari ang “maghahari ayon sa katuwiran” at “mga prinsipe” ang magpupunò “ayon sa katarungan.” Samakatuwid, ang matatanda sa kasalukuyang-panahong organisasyong teokratiko ay humahawak ng gawaing may kinalaman sa mga kapakanan ng natatatag sa langit na Kaharian—isang maharlikang paglilingkuran nga! Sa responsableng mga lalaking ito, kumakapit ang makahula pa ring mga pananalita ni Isaias: “Bawat isa ay magiging gaya ng isang kublihang dako buhat sa hangin at isang dakong kanlungan buhat sa bagyo, gaya ng mga ilog ng tubig sa lupaing salat sa tubig, gaya ng lilim ng isang malaking batuhan sa isang nakapapagod na lupain.”—Isaias 32:1, 2.
10. Bawat isang matanda sa gitna ng mga Saksi ni Jehova ay dapat na pinagmumulan ng ano?
10 Di-gaya ng mapaniil na mga pinunong relihiyoso sa Sangkakristiyanuhan, ang matatanda sa gitna ng mga Saksi ni Jehova ay pinagmumulan ng kaginhawahan at represko. Bilang mga lupon ng nakatatandang mga lalaki, sila’y tumutulong sa ikauunlad ng kapayapaan, katahimikan, at katiwasayan sa gitna ng bayan ni Jehova. Bilang isahan, bawat matanda ay maaaring magkaroon ng bahagi sa pagpapairal ng mainam na kalagayang ito sa pamamagitan ng malumanay na pakikitungo sa kawan ng Diyos.
Ayon sa Katarungan at sa Katuwiran
11. (a) Anong karaniwang umiiral na kalagayan sa gitna ng unang-siglong mga Kristiyano ang umiiral sa karamihan ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon? (b) Ang mga tagapangasiwa ay may anong pananagutan sa kongregasyon, at bakit?
11 Bagaman may mga suliraning bumangon sa ilan sa unang-siglong mga kongregasyong Kristiyano, ang karaniwan nang umiiral ay kapayapaan, pagkakaisa, at kagalakan. (1 Corinto 1:10-12; 3:5-9; Efeso 1:2; Santiago 2:1-9; 3:2-12; 4:11, 12; 1 Juan 1:3, 4) Isang mainam na espirituwal na kalagayan ang umiiral din naman sa karamihan ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon dahilan sa pagpapala ng Diyos, sa pangunguna ni Kristo, at sa tapat na gawain ng hinirang na mga tagapangasiwa. Upang masiguro ang pag-iral sa kongregasyon ng kapayapaan, pagkakaisa, at kagalakan, ang mga lalaking ito ay humihingi ng tulong sa Diyos at puspusang nagsisikap na ang organisasyon ng Diyos ay panatilihing malinis, sa moral at sa espirituwal. (Isaias 52:11) Ang isang di-malinis na organisasyon ay hindi maaari kailanman na maging mapayapa at may kagalakan, at tiyak na iyon ay hindi magkakaroon ng pagsang-ayon at pagpapala ng Diyos. Siya’y “may mga matang pagkalinis-linis upang tumingin sa masama,” upang magwalang-bahala sa gawang masama. (Habacuc 1:13) Kung gayon, bukod sa iba pang mga bagay, tungkol sa mga kasong idinudulog sa matatanda inaasahang kanilang hahatulan iyon sa paraang naaayon sa katuwiran at sa Kasulatan. Subalit ano ang ilan sa mga salik na dapat tandaan pagka humahawak ng gayong mga kaso?
12. Bagaman ang matatanda ay hindi kailangang makialam sa personal na mga suliranin na hindi naman labag sa mga kautusan at simulain ng Bibliya, ano ang dapat gawin sa liwanag ng Galacia 6:1?
12 Unang-una, sa mga kasong tungkol sa mga personal na di-pagkakaunawaan, marahil ay posible para sa mga indibiduwal na lutasin nang sarilinan ang kanilang mga suliranin. (Mateo 18:15-17) Yamang ang matatanda ay hindi naman ‘mga panginoon sa ating pananampalataya,’ sila’y hindi inaasahang makikialam sa personal na mga suliranin na hindi naman kinasasangkutan ng malulubhang paglabag sa mga batas o mga simulain ng Bibliya. Natural, kung may ebidensiya na ang isang tao’y nakagawa ng “isang maling hakbang bago niya namalayan iyon,” yaong mga may espirituwal na kuwalipikasyon ay dapat “magsikap na muling maituwid nang may kahinahunan ang gayong tao.”—Galacia 6:1.
13. Papaano ipinakikita ng Kasulatan na ang matatanda ay dapat kumilos tangi lamang kung may ebidensiya ng pagkakasala, hindi batay sa sabi-sabi lamang?
13 Ang matatanda ay maglilingkod “ayon sa katarungan,” sa tuwina’y walang kinikilingan. Kaya sila’y dapat kumilos batay sa ebidensiya ng pagkakasala, hindi batay sa sabi-sabi lamang. Ipinayo ni Pablo: “Laban sa isang nakatatandang lalaki ay huwag kang tatanggap ng sumbong, maliban sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi.” (1 Timoteo 5:19) Sang-ayon sa pamantayan ni Jehova, sa sinaunang Israel ang isang taong pinaratangan ng isang kasalanang karapat-dapat sa kamatayan ay papatayin ‘sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi, hindi isa.’ Isa pa, ang akusado ay maliwanag na may pagkakataong humarap sa mga may sumbong laban sa kaniya, at kung ang ebidensiya ay sapat, ‘ang kamay ng mga saksi ang siyang unang papatay sa kaniya.’—Deuteronomio 17:6, 7.
14. (a) Anong maling pagsisikap ang sinubok na gawin ni Diotrephes? (b) Ano ang inaasahan ng Diyos sa matatanda pagka humahawak sila ng mga kaso?
14 Kailangang may matibay na batayan sa Kasulatan ang inihatol. Anong tuwa natin dahil sa ang mga tagapangasiwa ng kongregasyon ay hindi tulad ng hambog na si Diotrephes noong unang siglo C.E.! Kaniyang maling pinagsikapan na “palayasin sa kongregasyon” yaong mga ibig tumanggap at magpatuloy sa naglalakbay na mga kapatid. Ang bagay na ito at ang iba pang tiwaling gawa ay hindi ipinalagay ni apostol Juan na isang maliit na bagay kundi siya’y nagbabala: “Pagpariyan ko ay uungkatin ko ang lahat ng ginawa niya.” (3 Juan 9, 10) Samakatuwid, ang isang komite sa paghatol sa kasalukuyan ay kailangang makatiyak na may batayan sa Bibliya ang anumang aksiyong pagtitiwalag na ginagawa nila.a Mangyari pa, ang Kristiyanong matatanda ay inaasahan ng Diyos na magiging makatuwiran sa pakikitungo sa iba. Oo, yaong mga namamanihala sa takbo ng makalupang organisasyon ni Jehova ay kailangang “may kakayahang mga lalaki, natatakot sa Diyos, mapagkakatiwalaang mga lalaki.”—Exodo 18:21.
15. Ano ang bahaging ginagampanan ng panalangin sa pagdinig sa mga kaso?
15 Bawat Kristiyanong hukumang komite ay dapat humingi ng tulong kay Jehova sa taus-pusong panalangin. Ang isang pakikipagpulong sa isang kapatid na lalaki o isang kapatid na babae na akusado ng malubhang pagkakasala ay dapat simulan sa panalangin. Sa katunayan, angkop na manalangin anumang oras sa panahon ng pagtatalakayan kung sakaling bumangon ang isang partikular na pangangailangan ng tulong buhat sa Diyos.—Santiago 5:13-18.
16. Sa papaano dapat isagawa ng matatanda ang pagdinig sa mga kaso, at bakit?
16 Batid ng matatanda na ang isang kapananampalatayang akusado ng pagkakasala ay isang “tupa” sa kawan ng Diyos at siya’y kailangang pakitunguhan sa malumanay na paraan. (Ihambing ang Ezekiel 34:7-14.) Ang literal na mga tupa ay nangangailangan ng malumanay na pag-aasikaso, sapagkat sila’y kimi na mga hayop at sa kanilang pastol umaasa ng proteksiyon. Kung gayon, kumusta naman ang makasagisag na mga tupa sa lokal na kongregasyon? Walang alinlangan na sila’y nakadarama ng kapanatagan sa ilalim ng pangangalaga ng Dakilang Pastol, si Jehovang Diyos at ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo. Subalit ang katulong na mga pastol ng kawan ay kailangang kumilos sa mga paraang tutulong sa ikapagkakaroon ng panloob na kapayapaan at pagkadama ng katiwasayan ng tulad-tupang mga lingkod ni Jehova. Kung ikaw ay isang Kristiyanong katulong na pastol, kung gayon, ang iyo bang mga kapatid, mga lalaki at mga babae, ay nakadarama ng katiwasayan at katahimikan sa ilalim ng iyong pangangalaga? Totoo naman, ang matatanda ay kailangang maging matatag sa pagtataguyod sa mga batas at mga simulain ng Bibliya. Subalit sa kanila’y hinihiling ng Kasulatan na makitungo sa mga tupa sa mapagmahal na paraan at isagawa ang pagdinig sa mga kaso sa isang paraang mahinahon, maayos, may kabaitan, at makonsiderasyon.
17. Anong maka-Kasulatang mga punto ang dapat isaisip ng matatanda lalo na sa panahon na dinidinig ang mga kaso?
17 Palibhasa’y di-sakdal, “tayong lahat ay natitisod na madalas” sa ating sinasabi. (Santiago 3:2) Bawat isa sa atin ay nangangailangan ng awa ng Diyos at ng “pampalubag-loob na handog” ni Kristo. (1 Juan 1:8–2:2; Awit 130:3) Samakatuwid ang isang katulong na pastol na Kristiyano ay nararapat na magkaroon ng mapakumbabang pagkakilala sa kaniyang sarili. Dapat din niyang tandaan ang mga salita ni Jesus: “Kung ano ang ibig mong gawin sa iyo ng mga tao, ganoon din ang gawin mo sa kanila.” (Lucas 6:31) Lalung-lalo nang dapat ikapit ang ganitong payo kung panahon ng mga pagdinig sa kaso. Ang mga lalaking may espirituwal na kuwalipikasyon ay dapat magsikap na muling ituwid ang isang nagkakasalang Kristiyano ‘sa espiritu ng kaamuan, samantalang sila bawat isa’y nagmamatiyag sa kanilang sarili, baka sakaling sila man ay matukso.’—Galacia 6:1; 1 Corinto 10:12.
18. (a) Ano ang posibleng mangyari kung ang matatanda ay mararahas ng pakikitungo sa panahon ng pagdinig ng mga kaso? (b) Sa liwanag ng Marcos 9:42, laban sa paggawa ng ano dapat pakaingat ang matatanda at ang iba pang mga Kristiyano?
18 Kung ang matatanda ay magiging marahas ng pakikitungo sa iba sa panahon ng pagdinig ng mga kaso, baka ito’y lumabas na nakapipinsala sa gayong mga tao. Subalit kahit na kung ang ibinunga’y hindi sakit ng damdamin o ng katawan, maaaring magkaroon pa rin ng malubhang kapinsalaan sa espirituwalidad, at ang mga kuwalipikasyon ng mga tagapangasiwa ay maaari ring mapalagay sa alanganin. (Ihambing ang Santiago 2:13.) Kung gayon, sa panahon ng pagdinig sa mga kaso at sa lahat ng iba pang panahon, ang matatanda ay dapat maging mababait at kailangang pakaingat laban sa pagtisod sa iba. Mangyari pa, lahat ng Kristiyano ay kailangang magpakaingat tungkol sa bagay na ito, sapagkat sinabi ni Jesus: “Sinumang tumisod sa isa sa mga maliliit na ito na sumasampalataya, mabuti pa para sa kaniya kung bitinan ang kaniyang leeg ng isang malaking gilingang bato at siya’y aktuwal na ibulid sa dagat.” (Marcos 9:42) Ang isang pang-itaas na gilingang bato ay posibleng maging napakalaki kung kaya’t ang lakas ng isang hayop ang normal na kailangang magpaandar niyaon, at walang sinumang inihagis sa dagat na may gayong kabigat na bitin sa kaniyang leeg ang makaliligtas. Tiyak, kung gayon, na ang isang matanda ay dapat pakaingat upang huwag makatisod na ang resulta’y walang-hanggang espirituwal na kapinsalaan sa kaniyang sarili at sa kaninumang indibiduwal na natisod niya.—Filipos 1:9-11.
Magpatuloy sa Malumanay na Pakikitungo
19. Anong payo ang ibinigay ni Pedro sa kaniyang kapuwa matatanda, at ano ang kaugnayan ng wastong pagtugon dito at ng kani-kaniyang pag-asa?
19 Ipinakita ni apostol Pedro kung papaano magpapastol sa kawan ang mga kapuwa tagapangasiwa nang siya’y sumulat: “Magpastol kayo sa kawan ng Diyos na inyong pinangangalagaan, hindi nang parang sapilitan, kundi nang may pagkukusa; ni dahil man sa pag-ibig sa masakim na pakinabang, kundi nang may pananabik; ni gaya nang kayo’y mga panginoon ng mga tagapagmana ng Diyos, kundi maging mga halimbawa kayo sa kawan. At pagka nahayag na ang pangulong pastol, kayo’y tatanggap ng di-kumukupas na korona ng kaluwalhatian.” (1 Pedro 5:2-4) Sa pamamagitan lamang ng pagkakapit ng ganiyang payo at malumanay na pakikitungo sa kawan ng Diyos matatamo ng pinahirang mga tagapangasiwa ang kanilang makalangit na gantimpala bilang walang-kamatayang mga espiritung nilalang at makakamit ng matatanda na may makalupang mga pag-asa ang buhay na walang-hanggan sa napipintong pangglobong Paraiso.
20. (a) Papaano dapat makitungo sa kanilang mga kapananampalataya ang Kristiyanong mga katulong na apostol? (b) Ano ang nadarama mo tungkol sa ulirang paglilingkod at sa malumanay na pakikitungo ng mapagmahal na matatanda?
20 Ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo ay kapuwa mapagmahal, mahabaging mga Pastol. Kung gayon, habang ang mga katulong na pastol na Kristiyano ay matatag na nagtataguyod ng mga pamantayan ng Diyos, sila’y kailangang magpakita ng pag-ibig at kaawaan sa pakikitungo sa kanilang tulad-tupang mga kapananampalataya. Tiyak iyan, lahat na mga tapat na Saksi ni Jehova ay lubusang nagpapahalaga sa ulirang paglilingkuran ng gayong mapagsakripisyo-sa-sariling mga matatanda na nag-iingat ng ipinagkatiwala sa kanila at malumanay na nakikitungo sa kawan ng Diyos. Ang ganiyang pagpapahalaga, lakip ang tumpak na paggalang, ay maipakikita sa pamamagitan ng pagiging masunurin sa mga nangunguna sa atin.
[Talababa]
a Ang isang tao’y makapag-aapila ng isang disisyon na itiwalag siya kung siya’y naniniwala na sa paghatol ay may nagawang malubhang pagkakamali.
Ano ba ang Kaisipan Mo Rito?
◻ Papaano ipinakita ni Jesu-Kristo na ang kalupitan ay walang dako sa gitna ng kaniyang mga tagasunod?
◻ Ano ang dapat gawin ng matatanda pagka may tinanggap na mga tagubilin buhat sa Lupong Tagapamahala?
◻ Sang-ayon sa Isaias 32:1, 2, ang matatanda ay dapat na pagmulan ng ano?
◻ Papaano ipinakikita ng Kasulatan na ang matatanda ay di-dapat kumilos batay sa sabi-sabi lamang?
◻ Papaano makikitungo sa kawan ang Kristiyanong katulong na mga pastol?
[Larawan sa pahina 18]
Ang taus-pusong pananalangin ay mahalaga pagka ang isang komiteng dumidinig ng kaso ay nakipagpulong sa isang kapananampalataya