KABANATA 16
“Maging Makatarungan” sa Paglakad Kasama ng Diyos
1-3. (a) Bakit may utang na loob tayo kay Jehova? (b) Ano ang sukling hinihingi sa atin ng ating maibiging Tagapagligtas?
ISIPIN mong nakulong ka sa isang lumulubog na barko. Nang sandaling nawawalan ka na ng pag-asa, dumating ang isang tagapagligtas at hinila kang palabas. Nakahinga ka nang maluwag habang inilalayo ka ng iyong tagapagligtas mula sa panganib at sinasabi: “Ligtas ka na”! Hindi ba’t pakiramdam mo’y may utang na loob ka sa taong iyon? Sa totoo lamang, talaga ngang utang mo sa kaniya ang iyong buhay.
2 Sa ilang aspekto, inilalarawan nito ang ginawa ni Jehova para sa atin. Tiyak ngang may utang na loob tayo sa kaniya. Siya’y naglaan ng pantubos, anupat nangyari na tayo’y mailigtas mula sa kuko ng kasalanan at kamatayan. Nadarama nating tayo’y ligtas sa pagkaalam na habang tayo’y nagsasagawa ng pananampalataya sa napakahalagang haing iyan, ang ating mga kasalanan ay patatawarin, at ang ating walang-hanggang kinabukasan ay tiyak. (1 Juan 1:7; 4:9) Gaya ng nakita na natin sa Kabanata 14, ang pantubos ay isang sukdulang kapahayagan ng pag-ibig at katarungan ni Jehova. Paano tayo dapat tumugon?
3 Angkop lamang na isaalang-alang ang sukling hinihingi sa atin ng ating maibiging Tagapagligtas. Sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng propetang si Mikas: “Sinabi niya sa iyo, O tao, kung ano ang mabuti. At ano lang ang hinihiling sa iyo ni Jehova? Ang maging makatarungan, ibigin ang katapatan, at maging mapagpakumbaba sa paglakad na kasama ng iyong Diyos!” (Mikas 6:8) Pansinin na ang isa sa mga bagay na hinihingi ni Jehova sa atin bilang sukli ay na tayo’y “maging makatarungan.” Paano natin ito magagawa?
Pagtataguyod sa “Kung Ano ang Matuwid”
4. Paano natin nalalaman na inaasahan ni Jehova na tayo’y mamumuhay ayon sa kaniyang matuwid na mga pamantayan?
4 Si Jehova ay umaasang tayo’y mamumuhay ayon sa kaniyang mga pamantayan ng tama at mali. Yamang ang kaniyang mga pamantayan ay makatarungan at matuwid, tayo’y nagtataguyod ng katarungan at katuwiran kapag tayo’y sumusunod sa mga ito. “Matuto kayong gumawa ng mabuti; hanapin ninyo ang katarungan,” ang sabi sa Isaias 1:17. Pinapayuhan tayo ng Salita ng Diyos na “hanapin . . . ang katuwiran.” (Zefanias 2:3) Hinihimok din tayo nito na “isuot ang bagong personalidad na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos at batay sa kung ano ang matuwid.” (Efeso 4:24) Ang tunay na katuwiran—tunay na katarungan—ay umiiwas sa karahasan, karumihan, at imoralidad, sapagkat nilalabag ng mga ito ang bagay na banal.—Awit 11:5; Efeso 5:3-5.
5, 6. (a) Bakit hindi isang pabigat para sa atin ang sumunod sa mga pamantayan ni Jehova? (b) Paano ipinapakita sa Bibliya na ang pagtataguyod sa katuwiran ay isang patuluyang gawain?
5 Isang pabigat ba para sa atin na sumunod sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova? Hindi. Ang isang pusong malapít kay Jehova ay hindi nayayamot sa kaniyang mga kahilingan. Dahil sa iniibig natin ang ating Diyos at ang lahat ng nakapaloob sa kaniyang pagkapersona, nanaisin nating mamuhay sa paraang nakalulugod sa kaniya. (1 Juan 5:3) Alalahanin na “iniibig [ni Jehova] ang matuwid na mga gawa.” (Awit 11:7) Kung talagang nais nating tularan ang katarungan ng Diyos, o ang katuwiran niya, dapat nating ibigin ang iniibig ni Jehova at kapootan ang kinapopootan niya.—Awit 97:10.
6 Hindi madali para sa di-perpektong mga tao na magtaguyod ng katuwiran. Dapat nating hubarin ang lumang personalidad pati na ang makasalanang mga gawain nito at isuot ang bago. Sinasabi sa Bibliya na ang bagong personalidad ay “nagiging bago” sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman. (Colosas 3:9, 10) Ang pananalitang “nagiging bago” ay nagpapahiwatig na ang pagsusuot ng bagong personalidad ay isang patuluyang gawain, isa na nangangailangan ng lubusang pagsisikap. Gaano man ang ating pagsisikap na gawin ang tama, may mga pagkakataon na dahil sa ating pagiging likas na makasalanan ay nagkakamali tayo sa isip, salita, o gawa.—Roma 7:14-20; Santiago 3:2.
7. Paano natin dapat ituring ang mga kabiguan sa ating mga pagsisikap na itaguyod ang katuwiran?
7 Paano natin ituturing ang mga kabiguan sa ating mga pagsisikap na itaguyod ang katuwiran? Mangyari pa, hindi natin nanaisin na pagaanin ang bigat ng kasalanan. Kasabay nito, hindi tayo dapat sumuko kailanman, anupat nakadaramang hindi tayo karapat-dapat maglingkod kay Jehova dahil sa ating mga pagkukulang. Ang ating Diyos na may magandang loob ay gumawa ng paglalaan upang maging kalugod-lugod ulit sa kaniya ang mga taimtim na nagsisisi. Isaalang-alang ang nakapagpapalakas-loob na mga salita ni apostol Juan: “Sumulat ako sa inyo tungkol sa mga bagay na ito para hindi kayo magkasala.” Subalit sinabi pa niya: “Pero kung magkasala ang sinuman [dahil sa pagiging di-perpekto], may katulong tayo na kasama ng Ama, ang matuwid na si Jesu-Kristo.” (1 Juan 2:1) Oo, inilaan ni Jehova ang haing pantubos ni Jesus upang tayo’y kaayaayang makapaglingkod sa Kaniya sa kabila ng ating pagiging likas na makasalanan. Hindi ba’t nagpapakilos iyan sa atin na gawin ang ating buong makakaya upang mapaluguran si Jehova?
Ang Mabuting Balita at ang Katarungan ng Diyos
8, 9. Paano itinatanghal ng paghahayag ng mabuting balita ang katarungan ni Jehova?
8 Magiging makatarungan tayo—sa katunayan, matutularan natin ang katarungan ng Diyos—sa pamamagitan ng lubusang pakikibahagi sa pangangaral sa iba ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ano ang kaugnayan ng katarungan ni Jehova at ng mabuting balita?
9 Hindi wawakasan ni Jehova ang masamang sistemang ito nang hindi muna nagbibigay ng babala. Sa kaniyang hula tungkol sa mangyayari sa panahon ng kawakasan, sinabi ni Jesus: “Kailangan munang ipangaral ang mabuting balita sa lahat ng bansa.” (Marcos 13:10; Mateo 24:3) Ang paggamit ng salitang “muna” ay nagpapahiwatig na may iba pang mga pangyayaring susunod sa pandaigdig na gawaing pangangaral. Kabilang sa mga pangyayaring iyon ang inihulang malaking kapighatian, na mangangahulugan ng pagpuksa sa masasama at maghahanda ng daan sa isang matuwid na bagong sanlibutan. (Mateo 24:14, 21, 22) Tiyak na walang sinuman ang maaaring magparatang kay Jehova na siya’y di-makatarungan sa masasama. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng babala, binibigyan niya ang mga ito ng sapat na pagkakataon upang baguhin ang kanilang mga daan at sa gayo’y makaiwas sa pagkapuksa.—Jonas 3:1-10.
10, 11. Paano ipinamamalas ng ating pakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita ang makadiyos na katarungan?
10 Paano ipinamamalas ng ating pangangaral ng mabuting balita ang katarungan ng Diyos? Una sa lahat, nararapat lamang na gawin natin ang ating makakaya upang tulungan ang iba na makaligtas. Isaalang-alang muli ang ilustrasyon ng pagkakaligtas mula sa isang lumulubog na barko. Bagaman ligtas ka nang nakasakay sa lifeboat, tiyak na nanaisin mong tulungan ang iba na nasa tubig pa rin. Sa katulad na paraan, tayo’y may obligasyon doon sa mga nakikipagpunyagi pa rin sa “katubigan” ng masamang daigdig na ito. Totoo, marami ang tumatanggi sa ating mensahe. Subalit habang patuloy na pinagtitiisan sila ni Jehova, pananagutan natin na ibigay sa kanila ang pagkakataong “magsisi” at sa gayo’y mapabilang sa mga makaliligtas.—2 Pedro 3:9.
11 Sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita sa lahat ng ating nakakausap, itinatanghal natin ang katarungan sa iba pang mahalagang paraan: Ipinapakita nating tayo’y hindi nagtatangi. Alalahanin na “hindi nagtatangi ang Diyos, kundi tinatanggap niya ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng tama, saanmang bansa ito nagmula.” (Gawa 10:34, 35) Upang matularan natin ang Kaniyang katarungan, hindi natin dapat hatulan nang patiuna ang mga tao. Sa halip, kailangan nating ibahagi ang mabuting balita sa iba anuman ang kanilang lahi, kalagayan sa lipunan, o kalagayan sa pananalapi. Sa gayon ay ibinibigay natin sa lahat ng makikinig ang pagkakataong makarinig at tumugon sa mabuting balita.—Roma 10:11-13.
Kung Paano Natin Pinakikitunguhan ang Iba
12, 13. (a) Bakit hindi tayo dapat magpadalos-dalos sa paghatol sa iba? (b) Ano ang kahulugan ng payo ni Jesus na “huwag na kayong humatol” at “huwag na kayong manghusga”? (Tingnan din ang talababa.)
12 Magiging makatarungan din tayo sa pamamagitan ng pakikitungo sa iba sa paraang gaya ng pakikitungo sa atin ni Jehova. Napakadali ngang humatol sa iba, anupat pinupulaan ang kanilang mga pagkakamali at kinukuwestiyon ang kanilang mga motibo. Subalit sino kaya sa atin ang magnanais na suriin ni Jehova ang ating mga motibo at mga pagkukulang sa walang-awang paraan? Hindi ganiyan ang pakikitungo ni Jehova sa atin. Ang salmista ay nagsabi: “Kung mga pagkakamali ang binabantayan mo, O Jah, sino, O Jehova, ang makatatayo?” (Awit 130:3) Hindi ba natin dapat ipagpasalamat na ang ating makatarungan at maawaing Diyos ay hindi nag-uukol ng pansin sa ating mga pagkukulang? (Awit 103:8-10) Kung gayon, paano natin dapat pakitunguhan ang iba?
13 Kung nauunawaan natin ang maawaing katangian ng katarungan ng Diyos, hindi tayo magpapadalos-dalos sa paghatol sa iba tungkol sa mga bagay na wala namang kinalaman sa atin o hindi naman gaanong mahalaga. Sa kaniyang Sermon sa Bundok, si Jesus ay nagbabala: “Huwag na kayong humatol para hindi kayo mahatulan.” (Mateo 7:1) Ayon sa ulat ni Lucas, idinagdag ni Jesus: “Huwag na kayong manghusga, at hinding-hindi kayo huhusgahan.”a (Lucas 6:37) Ipinakita ni Jesus na batid niyang ang di-perpektong mga tao ay may tendensiyang maging mapanghatol. Ang sinuman sa mga tagapakinig niya na may ugaling humatol nang may kalupitan sa iba ay kailangang tumigil na sa paggawa nito.
14. Sa anong mga dahilan kung kaya dapat na ‘huwag na tayong humatol’ sa iba?
14 Bakit dapat na ‘huwag na tayong humatol’ sa iba? Una sa lahat, limitado lamang ang ating awtoridad. Ang alagad na si Santiago ay nagpapaalaala sa atin: “Iisa lang ang Tagapagbigay-Batas at Hukom”—si Jehova. Kaya si Santiago ay mariing nagtatanong: “Sino ka para hatulan ang kapuwa mo?” (Santiago 4:12; Roma 14:1-4) Karagdagan pa, napakadali nating makagawa ng di-makatarungang paghatol dahil sa ating pagiging likas na makasalanan. Ang maraming saloobin at motibo—pati na ang pagtatangi, nasaktang pride, inggit, at pagmamatuwid sa sarili—ay maaaring pumilipit sa pananaw natin sa ating kapuwa. May iba pa tayong mga limitasyon, at ang pagsasaisip sa mga ito ay pipigil sa atin na magpadalos-dalos sa paghanap ng mali sa iba. Hindi tayo nakababasa ng puso; ni nakaaalam ng lahat ng personal na kalagayan ng iba. Kung gayon, sino tayo para paratangan ng mga maling motibo ang ating kapananampalataya o punahin ang kanilang mga pagsisikap na maglingkod sa Diyos? Higit na mas mabuti nga na tularan si Jehova sa paghanap sa kabutihan ng ating mga kapatid sa halip na pag-ukulan ng pansin ang kanilang mga pagkukulang!
15. Anong pananalita at pakikitungo ang walang dako sa gitna ng mga mananamba ng Diyos, at bakit?
15 Kumusta naman ang mga miyembro ng ating pamilya? Nakalulungkot, ang ilan sa pinakamalulupit na paghatol sa ngayon ay ipinahahayag sa isang lugar na dapat sana’y isang pugad ng kapayapaan—ang tahanan. Karaniwan nang naririnig ang tungkol sa mapang-abusong mga asawang lalaki, asawang babae, o mga magulang na “humahatol” sa mga miyembro ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng walang-humpay na pang-aabuso sa salita o sa pisikal. Subalit ang masasamang salita, maaanghang na panlilibak, at pananakit sa pisikal ay walang dako sa gitna ng mga mananamba ng Diyos. (Efeso 4:29, 31; 5:33; 6:4) Ang payo ni Jesus na “huwag na kayong humatol” at “huwag na kayong manghusga” ay patuloy na kumakapit kahit tayo’y nasa tahanan. Alalahanin na ang pagiging makatarungan ay nagsasangkot ng pakikitungo sa iba sa paraang gaya ng pakikitungo ni Jehova sa atin. At ang ating Diyos ay hindi kailanman naging mabalasik o malupit sa pakikitungo sa atin. Sa halip, “napakamapagmahal” niya sa mga umiibig sa kaniya. (Santiago 5:11) Tunay ngang isang kahanga-hangang halimbawa na dapat nating tularan!
Mga Elder na Naglilingkod “Para sa Katarungan”
16, 17. (a) Ano ang inaasahan ni Jehova sa mga elder? (b) Ano ang kailangang gawin kapag ang nagkasala ay hindi nagpapakita ng tunay na pagsisisi, at bakit?
16 Tayong lahat ay may pananagutang maging makatarungan, subalit ang mga elder sa kongregasyong Kristiyano lalo na ang may pananagutan sa bagay na ito. Pansinin ang makahulang paglalarawan sa ‘mga prinsipe,’ o elder, na iniulat ni Isaias: “Isang hari ang mamumuno para sa katuwiran, at may mga prinsipeng mamamahala para sa katarungan.” (Isaias 32:1) Oo, inaasahan ni Jehova na ang mga elder ay maglilingkod kasuwato ng katarungan. Paano nila ito magagawa?
17 Alam na alam ng espirituwal na kuwalipikadong mga lalaking ito na ang katarungan, o katuwiran, ay humihiling na ang kongregasyon ay dapat na panatilihing malinis. Kung minsan, ang mga elder ay kinakailangang humatol sa mga kaso ng malubhang pagkakasala. Kapag nagsasagawa nito, naaalaala nila na hangad ng katarungan ng Diyos na maglawit ng awa hangga’t maaari. Sa gayon ay sinisikap nilang maakay ang nagkasala tungo sa pagsisisi. Subalit paano kaya kung ang nagkasala ay hindi nagpapakita ng tunay na pagsisisi sa kabila ng gayong mga pagsisikap na matulungan siya? Taglay ang ganap na katarungan, iniuutos ng Salita ni Jehova na kailangan nang gumawa ng isang matatag na hakbang: “Alisin ninyo ang masama sa gitna ninyo.” Nangangahulugan iyan na ititiwalag siya mula sa kongregasyon. (1 Corinto 5:11-13; 2 Juan 9-11) Nalulungkot ang mga elder kapag kinailangang gumawa ng gayong hakbang, subalit inaamin nilang nararapat lamang iyon upang maingatan ang moral at espirituwal na kalinisan ng kongregasyon. Magkagayunman, inaasahan nila na balang-araw, ang nagkasala ay matatauhan at babalik sa kongregasyon.—Lucas 15:17, 18.
18. Ano ang tinatandaan ng mga elder kapag nagbibigay ng salig-Bibliyang payo sa iba?
18 Ang paglilingkod kasuwato ng katarungan ay nagsasangkot din ng pag-aalok ng payo na salig sa Bibliya kung kinakailangan. Mangyari pa, hindi hinahanap ng mga elder ang kapintasan ng iba. Ni sinusunggaban man nila ang bawat pagkakataon upang makapagbigay ng pagtutuwid. Subalit baka ang isang kapananampalataya ay “makagawa ng maling hakbang nang hindi niya namamalayan.” Yamang inaalaala na ang katarungan ng Diyos ay hindi malupit at hindi rin naman walang pakiramdam, ang mga elder ay mauudyukang “magsikap na ibalik sa ayos ang gayong tao sa mahinahong paraan.” (Galacia 6:1) Kaya naman, hindi pagagalitan ng mga elder ang nagkasala o pagwiwikaan ng masasakit na salita. Sa halip, ang payo na ibinibigay sa maibiging paraan ay magpapatibay-loob sa tumatanggap nito. Kahit na kung tuwirang sumasaway—anupat deretsong binabalangkas ang mga kahihinatnan ng maling landasin—tinatandaan ng mga elder na ang isang nagkasalang kapananampalataya ay isang tupa sa kawan ni Jehova.b (Lucas 15:7) Kapag ang payo o pagsaway ay maliwanag na nauudyukan ng pag-ibig at ibinibigay nang may pag-ibig, malamang na maibalik sa ayos ang nagkasala.
19. Anong mga pasiya ang kinakailangang gawin ng mga elder, at saan nila dapat ibatay ang gayong mga pasiya?
19 Ang mga elder ay madalas na kinakailangang gumawa ng mga pasiyang makaaapekto sa kanilang mga kapananampalataya. Halimbawa, ang mga elder paminsan-minsan ay nagpupulong upang isaalang-alang kung ang ibang mga kapatid na lalaki sa kongregasyon ay kuwalipikado nang irekomenda bilang mga elder o ministeryal na lingkod. Alam ng mga elder ang kahalagahan ng pagiging walang kinikilingan. Hinahayaan nila na ang mga kahilingan ng Diyos para sa gayong mga pag-aatas ang pumatnubay sa kanila sa pagpapasiya, anupat hindi umaasa sa basta personal na mga damdamin lamang. Sa gayon ay kumikilos sila ‘nang patas at sinusuri muna nilang mabuti ang lahat ng bagay bago magdesisyon.’—1 Timoteo 5:21.
20, 21. (a) Ang mga elder ay nagsisikap na maging ano, at bakit? (b) Ano ang magagawa ng mga elder upang matulungan ang “mga pinanghihinaan ng loob”?
20 Ang mga elder ay naglalapat ng katarungan ng Diyos sa iba pang mga paraan. Matapos ihula na ang mga elder ay maglilingkod “para sa katarungan,” si Isaias ay nagpatuloy: “Ang bawat isa ay magiging gaya ng taguan mula sa ihip ng hangin, isang kublihan mula sa malakas na ulan, gaya ng mga batis sa lupaing walang tubig, gaya ng lilim ng malaking bato sa tuyot na lupain.” (Isaias 32:1, 2) Kaya naman, ang mga elder ay nagsisikap na maging mga bukal ng kaaliwan at kaginhawahan para sa kanilang mga kapuwa mananamba.
21 Sa ngayon, dahil sa lahat ng problemang nakapagpapahina ng loob, marami ang nangangailangan ng pampatibay. Mga elder, ano ang magagawa ninyo upang matulungan ang “mga pinanghihinaan ng loob”? (1 Tesalonica 5:14) Pakinggan silang taglay ang empatiya. (Santiago 1:19) Baka kailangang ihinga nila sa isang mapagkakatiwalaan ang mga álalahanín nila. (Kawikaan 12:25) Tiyakin ninyo sa kanila na sila’y kailangan, mahalaga, at mahal ni Jehova at ng mga kapatid. (1 Pedro 1:22; 5:6, 7) Karagdagan pa, maaari kayong manalanging kasama nila at para sa kanila. Ang pakikinig sa isang elder na sumasambit ng taimtim na panalangin alang-alang sa kanila ay lubhang nakaaaliw. (Santiago 5:14, 15) Ang inyong maibiging pagsisikap upang tulungan ang mga nanlulumo ay hindi maaaring di-mapansin ng Diyos ng katarungan.
Ipinamamalas ng mga elder ang katarungan ni Jehova kapag pinatitibay nila ang mga pinanghihinaan ng loob
22. Sa ano-anong paraan matutularan natin ang katarungan ni Jehova, at ano ang resulta?
22 Tunay ngang tayo’y lalong napapalapít kay Jehova kapag tinutularan natin ang kaniyang katarungan! Kapag itinataguyod natin ang kaniyang matuwid na mga pamantayan, ibinabahagi natin sa iba ang nagliligtas-buhay na mabuting balita, at ang pinapansin natin sa iba ay ang mabubuting bagay sa halip na ang kanilang mga kamalian, itinatanghal natin ang makadiyos na katarungan. Mga elder, kapag iniingatan ninyo ang kalinisan ng kongregasyon, nagbibigay kayo ng nakapagpapatibay na payo mula sa Kasulatan, gumagawa kayo ng walang-kinikilingang mga desisyon, at pinatitibay ninyo ang mga pinanghihinaan ng loob, ipinamamalas ninyo ang makadiyos na katarungan. Tiyak ngang malulugod ang puso ni Jehova sa pagdungaw niya mula sa langit at makita ang kaniyang bayan na nagsisikap na “maging makatarungan” sa paglakad na kasama ng kanilang Diyos!
a Ang ilang salin ay nagsasabing “huwag kayong humatol” at “huwag kayong manghusga.” Ang gayong mga salin ay nagpapahiwatig na “huwag kayong magsimulang humatol” at “huwag kayong magsimulang manghusga.” Gayunman, ang mga manunulat ng Bibliya ay gumagamit dito ng negatibong utos na nasa panahunang pangkasalukuyan (patuluyan). Kaya ang inilalarawang pagkilos ay kasalukuyang nagaganap subalit kailangan nang ihinto.
b Sa 2 Timoteo 4:2, sinasabi ng Bibliya na ang mga elder kung minsan ay dapat na ‘sumaway, magbabala, magpayo.’ Ang salitang Griego na isinaling “magpayo” (pa·ra·ka·leʹo) ay maaaring mangahulugang “magpatibay-loob.” Ang kaugnay na salitang Griego na pa·raʹkle·tos ay maaaring tumukoy sa isang tagapagtanggol sa legal na usapin. Sa gayon, kahit na ang mga elder ay nagbibigay ng mahigpit na pagsaway, sila’y dapat na maging mga katulong para sa mga nangangailangan ng espirituwal na pagsaklolo.