IPIS
[sa Heb., cha·silʹ].
Hindi matiyak kung aling insekto ang tinutukoy ng salitang Hebreo na cha·silʹ, na ipinapalagay na halaw sa salitang-ugat na nangangahulugang “lamunin.” (Ihambing ang Deu 28:38.) Isinalin ito sa iba’t ibang paraan bilang “higad,” “kuliglig,” “stripper,” “shearer,” “balang,” “tipaklong,” at “ipis.” (Ihambing ang Isa 33:4 at Joe 1:4 sa AS, AT, JB, Le, at NW.) Ayon sa Hebreo at Aramaikong leksikon nina Koehler at Baumgartner (Lexicon in Veteris Testamenti Libros, Leiden, 1958, p. 319), ang mapaminsalang insekto na tinutukoy ng salitang Hebreo na cha·silʹ ay naiiba sa balang (ʼar·behʹ) at malamang na ito ay ang ipis (Periplaneta furcata at Blatta orientalis).
Ang ipis ay may mahahaba at malalakas na paa, kung kaya nakatatakbo ito nang napakabilis. Sa katunayan, isa ito sa pinakamabibilis na insektong tumatakbo. Ang insektong ito ay may lapád na mukha at maikling ulo, mahahaba at tulad-sinulid na mga antena, o mga sungot, at mukhang medyo nakatingin sa ibaba. Dahil manipis ang katawan ng ipis, nakapapasok ito sa makikipot na butas. Karamihan sa mga uri nito ay kulay itim o kayumanggi at may lapád at madulas na katawang may makintab na pinakabalat. Palibhasa’y ayaw ng mga ipis sa matinding liwanag, kadalasa’y sa gabi lamang sila lumalabas para kumain.
Inihula ng propetang si Joel ang pananalanta ng isang pulutong ng mga insekto na magtitiwangwang sa lupain, at huli niyang binanggit ang cha·silʹ bilang insektong uubos sa itinira ng iba. (Joe 1:4) Nang maglaon, inihula ng propeta ang panahon kung kailan magkakaroon ng mga pagpapala at kapatawaran. Ang mananalakay ay paaalisin at papalitan ang kinain ng cha·silʹ at ng iba pang mga miyembro ng “malaking hukbong militar” ng Diyos. (Joe 2:25) Hinggil sa gayong pinasapit ng Diyos na salot ng mga insekto, na kinabibilangan ng cha·silʹ, idinalangin ni Solomon na nawa’y patawarin ni Jehova ang kaniyang bayan kung magsisisi sila sa kanilang mga kasalanan. (1Ha 8:37-40; 2Cr 6:28-31) Kasama rin ang cha·silʹ sa pananalantang pinasapit ni Jehova sa Ehipto noong salot ng mga balang.—Aw 78:46.
Sa kabanata 33 ng Isaias, tinalakay ng propeta ang kasindak-sindak na mga araw ng pagsalakay ng Asirya. Ang hukbo ni Haring Senakerib ay nananalanta noon sa mga lunsod, at hiniling ni Isaias ang lingap ng Diyos, anupat ginunita niya na dati’y tumindig na si Jehova laban sa mga bansa. Tiniyak niya sa bayan na sasaktan ng Makapangyarihan-sa-lahat ang kaaway, sa gayo’y mapipilitan ang mga ito na iwan ang maraming samsam, na titipunin naman ng mga Israelita. Kung paanong ang cha·silʹ ay nangangalat sa isang lupain, nagpaparoo’t parito nang hindi nililigalig, nagtitipon ng anumang nakasasagabal sa kanilang daan, at umuubos ng lahat ng bagay—gayon titipunin ng bayan ng Diyos ang mga samsam ng hukbong Asiryano. (Isa 33:1-4) Ito’y isang napakatingkad na paglalarawan para sa lupaing pamilyar sa pananalanta ng pulu-pulutong na cha·silʹ.