-
“Walang Sinumang Tumatahan ang Magsasabi: ‘Ako ay May Sakit’”Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
-
-
Isang Pagpapagaling
20. Ang bayan ng Diyos ay makararanas ng anong uri ng pagpapagaling, at kailan?
20 Ang bahaging ito ng hula ni Isaias ay nagtatapos sa isang nakapagpapasigla-sa-pusong pangako: “Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ Ang bayan na mananahanan sa lupain ay yaong mga pinagpaumanhinan sa kanilang kamalian.” (Isaias 33:24) Ang sakit na tinutukoy ni Isaias ay pangunahin nang espirituwal, yamang ito ay may kaugnayan sa kasalanan, o “kamalian.” Sa unang aplikasyon ng mga salitang ito, ipinangangako ni Jehova na pagkatapos nilang lumaya mula sa pagkabihag sa Babilonya, ang bansa ay pagagalingin sa espirituwal. (Isaias 35:5, 6; Jeremias 33:6; ihambing ang Awit 103:1-5.) Dahil sa pagpapatawad sa kanilang dating mga kasalanan, muling itatatag ng nagsisibalik na mga Judio ang dalisay na pagsamba sa Jerusalem.
21. Sa anong mga paraan nakararanas ngayon ng espirituwal na pagpapagaling ang mga mananamba ni Jehova?
21 Gayunman, ang hula ni Isaias ay may makabagong katuparan. Ang bayan ni Jehova sa ngayon ay nagtatamasa rin ng espirituwal na pagpapagaling. Sila’y pinalaya mula sa huwad na mga turong tulad ng imortalidad ng kaluluwa, ng Trinidad, at maapoy na impiyerno. Sila’y tumatanggap ng moral na patnubay, na nagpapalaya sa kanila mula sa imoral na mga gawain at tumutulong sa kanila na makagawa ng mabubuting pagpapasiya. At dahil sa haing pantubos ni Jesu-Kristo, sila’y nagtatamasa ng isang malinis na katayuan sa harapan ng Diyos at nagtatamasa ng isang malinis na budhi. (Colosas 1:13, 14; 1 Pedro 2:24; 1 Juan 4:10) Ang espirituwal na pagpapagaling na ito ay may pisikal na mga kapakinabangan. Halimbawa, ang pag-iwas sa imoral na sekso at paggamit ng mga produkto ng tabako ay nagsasanggalang sa mga Kristiyano laban sa sakit na naililipat ng pagtatalik at sa ilang anyo ng kanser.—1 Corinto 6:18; 2 Corinto 7:1.
22, 23. (a) Magkakaroon ng anong malaking katuparan ang Isaias 33:24 sa hinaharap? (b) Ano ang kapasiyahan ng mga tunay na mananamba sa ngayon?
22 Bukod dito, magkakaroon ng mas malaking katuparan ang mga salita ng Isaias 33:24 pagkatapos ng Armagedon, sa bagong sanlibutan ng Diyos. Sa ilalim ng pamamahala ng Mesiyanikong Kaharian, ang mga tao ay makararanas ng isang dakilang pisikal na pagpapagaling kasama ng kanilang espirituwal na pagpapagaling. (Apocalipsis 21:3, 4) Di-magtatagal pagkatapos na mawasak ang sistema ng mga bagay ni Satanas, ang mga himalang gaya ng ginawa ni Jesus nang siya’y nasa lupa ay walang pagsalang magaganap sa buong globo. Ang mga bulag ay makakakita, ang mga bingi ay makaririnig, ang mga pilay ay makalalakad! (Isaias 35:5, 6) Ito’y magpapangyaring ang lahat ng mga makaliligtas sa malaking kapighatian ay makikibahagi sa dakilang gawain upang ang lupa ay gawing paraiso.
23 Sa dakong huli, kapag nagsimula na ang pagkabuhay-muli, yaong mga mabubuhay ay walang pagsalang ibabangon na may mabuting kalusugan. Subalit habang ang halaga ng haing pantubos ay ikinakapit pa nang higit, mas marami pang pisikal na kapakinabangan ang susunod, hanggang sa ang sangkatauhan ay maging sakdal. Pagkatapos, ang matutuwid ay ‘mabubuhay’ sa ganap na diwa nito. (Apocalipsis 20:5, 6) Sa panahong iyon, “Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may-sakit,’” kapuwa sa espirituwal at pisikal na paraan. Ano ngang kapana-panabik na pangako! Nawa ang lahat ng tunay na mananamba sa ngayon ay magpasiyang makabilang sa mga makararanas ng katuparan nito!
-
-
“Walang Sinumang Tumatahan ang Magsasabi: ‘Ako ay May Sakit’”Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
-
-
[Mga larawan sa pahina 353]
Dahil sa haing pantubos, ang bayan ni Jehova ay may malinis na katayuan sa harapan niya
[Larawan sa pahina 354]
Sa bagong sanlibutan, magkakaroon ng dakilang pisikal na pagpapagaling
-