Ikadalawampu’t Siyam na Kabanata
Ginantimpalaan ang Pananampalataya ng Isang Hari
1, 2. Paano pinatunayan ni Hezekias na siya’y isang mas mabuting hari kaysa kay Ahaz?
SI Hezekias ay 25 taóng gulang nang siya’y maging hari ng Juda. Siya ba’y magiging anong uri ng tagapamahala? Susunod ba siya sa mga hakbang ng kaniyang ama, si Haring Ahaz, at hihikayatin ang kaniyang mga nasasakupan na sumunod sa huwad na mga diyos? O aakayin ba niya ang bayan sa pagsamba kay Jehova, kagaya ng ginawa ng kaniyang ninunong si Haring David?—2 Hari 16:2.
2 Di-nagtagal matapos na umupo si Hezekias sa trono, naging maliwanag na nais niyang ‘gawin ang tama sa paningin ni Jehova.’ (2 Hari 18:2, 3) Sa kaniyang unang taon, ipinag-utos niyang kumpunihin ang templo ni Jehova at ibalik ang mga paglilingkod sa templo. (2 Cronica 29:3, 7, 11) Pagkatapos ay inorganisa niya ang isang malaking pagdiriwang ng Paskuwa kung saan ang buong bansa ay inanyayahan—lakip na ang sampung tribo ng Israel sa hilaga. Tunay ngang isang di-malilimutang kapistahan iyon! Walang kagaya niyaon mula nang mga kaarawan ni Haring Solomon.—2 Cronica 30:1, 25, 26.
3. (a) Anong pagkilos ang ginawa ng mga tumatahan sa Israel at Juda na dumalo sa Paskuwa na isinaayos ni Hezekias? (b) Ano ang matututuhan ng mga Kristiyano sa ngayon mula sa tiyak na pagkilos na ginawa ng mga dumalo sa Paskuwa?
3 Sa katapusan ng pagdiriwang ng Paskuwa, ang mga nagsidalo ay napakilos na putulin ang mga sagradong poste, durugin ang sagradong mga haligi, pabagsakin ang matataas na dako at ang mga altar ng kanilang huwad na mga diyos, at pagkatapos sila’y nagsibalik sa kanilang mga lunsod, na determinadong maglingkod sa tunay na Diyos. (2 Cronica 31:1) Anong laking pagkakaiba sa kanilang dating relihiyosong saloobin! Mula rito’y maaaring matutuhan ng tunay na mga Kristiyano sa ngayon ang kahalagahan ng ‘hindi pagpapabaya sa ating pagtitipon.’ Ang gayong mga pagtitipon, maging sa lokal na mga kongregasyon o sa mas malalaking asamblea at mga kombensiyon, ay gumaganap ng mahalagang papel sa pagtanggap nila ng pampatibay-loob at sa gayo’y mapakilos ng kapatiran at ng espiritu ng Diyos “upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.”—Hebreo 10:23-25.
Nalagay sa Pagsubok ang Pananampalataya
4, 5. (a) Paano ipinakita ni Hezekias ang kaniyang pagiging hiwalay sa Asirya? (b) Anong aksiyong militar ang ginawa ni Senakerib laban sa Juda, at anong mga hakbangin ang isinagawa ni Hezekias upang maiwasan ang karaka-rakang paglusob sa Jerusalem? (c) Paano naghanda si Hezekias upang ipagtanggol ang Jerusalem mula sa mga Asiryano?
4 Malulubhang pagsubok ang napapaharap sa Jerusalem. Sinira ni Hezekias ang alyansa sa mga Asiryano na pinagtibay ng kaniyang walang pananampalatayang ama, si Ahaz. Kaniya pa ngang nilupig ang mga Filisteo, na mga kakampi ng Asirya. (2 Hari 18:7, 8) Ito’y nagpagalit sa hari ng Asirya. Kaya, ating mababasa: “Nangyari nga nang ikalabing-apat na taon ni Haring Hezekias, si Senakerib na hari ng Asirya ay sumampa laban sa lahat ng nakukutaang lunsod ng Juda at sinakop ang mga iyon.” (Isaias 36:1) Marahil dahil sa umaasang maipagsasanggalang ang Jerusalem sa karaka-rakang paglusob ng malupit na hukbo ng Asirya, si Hezekias ay sumang-ayong magbayad kay Senakerib ng napakalaking buwis na 300 talentong pilak at 30 talentong ginto.a—2 Hari 18:14.
5 Palibhasa’y walang sapat na ginto at pilak sa maharlikang kabang-yaman upang mabayaran ang buwis, kinuha ni Hezekias ang anumang mahahalagang metal mula sa templo. Pinutol din niya ang mga pinto ng templo, na nakakalupkupan ng ginto, at ipinadala ang mga iyon kay Senakerib. Ito’y nagdulot ng kasiyahan sa Asiryano, subalit sa sandaling panahon lamang. (2 Hari 18:15, 16) Maliwanag, nabatid ni Hezekias na hindi lulubayan ng mga Asiryano ang Jerusalem sa lalong madaling panahon. Kaya, kailangang gumawa ng mga paghahanda. Sinarhan ng bayan ang mga bukal ng tubig na makapaglalaan ng tubig sa sumasalakay na mga Asiryano. Pinatibay rin ni Hezekias ang mga tanggulan ng Jerusalem at nagtayo ng arsenal ng mga sandata, lakip na ang ‘maraming suligi at mga kalasag.’—2 Cronica 32:4, 5.
6. Kanino inilagak ni Hezekias ang kaniyang pagtitiwala?
6 Gayunman, inilagak ni Hezekias ang kaniyang pagtitiwala, hindi sa tusong mga estratehiya sa digmaan o sa mga tanggulan, kundi kay Jehova ng mga hukbo. Kaniyang pinayuhan ang kaniyang mga pinunong militar: “Magpakalakas-loob kayo at magpakatibay. Huwag kayong matakot ni masindak man dahil sa hari ng Asirya at dahil sa buong pulutong na kasama niya; sapagkat ang kasama natin ay mas marami kaysa sa kasama niya. Ang sumasakaniya ay isang bisig na laman, ngunit ang sumasaatin ay si Jehova na ating Diyos upang tulungan tayo at upang ipakipaglaban ang ating mga pakikipagbaka.” Bilang tugon, ang bayan ay nagpasimulang “manalig sa mga salita ni Hezekias na hari ng Juda.” (2 Cronica 32:7, 8) Gunigunihin ang sumunod na kapana-panabik na mga pangyayari habang nirerepaso ang mga kabanata 36 hanggang 39 ng hula ni Isaias.
Iniharap ni Rabsases ang Kaniyang Panukala
7. Sino si Rabsases, at bakit siya sinugo sa Jerusalem?
7 Ipinadala ni Senakerib si Rabsases (isang titulong militar, hindi isang personal na pangalan) kasama ang dalawa pang dignitaryo sa Jerusalem upang hilingin ang pagsuko ng lunsod. (2 Hari 18:17) Ang mga ito ay sinalubong sa labas ng pader ng lunsod ng tatlong kinatawan ni Hezekias, si Eliakim na namamahala sa sambahayan ni Hezekias, si Sebna na kalihim, at si Joa na anak ni Asap na tagapagtala.—Isaias 36:2, 3.
8. Paano tinangka ni Rabsases na pahinain ang paglaban ng Jerusalem?
8 Simple ang tunguhin ni Rabsases—kumbinsihin ang Jerusalem na sumuko nang walang labanan. Siya muna’y bumulalas, na nagsasalita ng Hebreo: “Ano ang pag-asang ito na pinagtitiwalaan mo? . . . Kanino ka naglagak ng tiwala, anupat naghihimagsik ka laban sa akin?” (Isaias 36:4, 5) Pagkatapos ay tinuya ni Rabsases ang natatakot na mga Judio, na ipinaaalaala sa kanila na sila’y lubos na nakahiwalay. Kanino sila hihingi ng tulong? Sa “lamog na tambo,” sa Ehipto? (Isaias 36:6) Sa panahong ito, ang Ehipto ay parang isang lamog na tambo; sa katunayan, ang dating kapangyarihang pandaigdig na iyon ay pansamantalang nilupig ng Etiopia, at ang kasalukuyang Paraon sa Ehipto, si Haring Tirhaka, ay hindi Ehipsiyo kundi isang Etiope. At malapit na siyang talunin ng Asirya. (2 Hari 19:8, 9) Yamang hindi mailigtas ng Ehipto ang ganang sarili, hindi ito makatutulong sa Juda.
9. Ano ang maliwanag na umakay kay Rabsases para sabihing pababayaan ni Jehova ang Kaniyang bayan, subalit ano ang totoo?
9 Ngayo’y nangangatuwiran si Rabsases na si Jehova ay hindi makikipaglaban para sa Kaniyang bayan sapagkat Siya’y hindi nalulugod sa kanila. Sinabi ni Rabsases: “Kung sasabihin mo sa akin, ‘Si Jehova na aming Diyos ang siya naming pinagtitiwalaan,’ hindi ba sa kaniya ang matataas na dako at ang mga altar na inalis ni Hezekias?” (Isaias 36:7) Sabihin pa, sa halip na mangahulugan na itinatakwil si Jehova sa ginawa nilang pagpapabagsak sa matataas na dako at sa mga altar sa lupain, ang mga Judio ay aktuwal na nagbalik kay Jehova.
10. Bakit hindi mahalaga kung marami o kakaunti man ang mga tagapagtanggol ng Juda?
10 Sumunod ay ipinaalaala ni Rabsases sa mga Judio na sa paraang militar sila’y nahihigitan nila sa lahat ng paraan. Siya’y nagpahayag ng ganitong hambog na paghamon: “Bibigyan kita ng dalawang libong kabayo upang tingnan kung ikaw, sa ganang iyo, ay makapaglalagay ng mga sasakay sa mga iyon.” (Isaias 36:8) Gayunman, sa katunayan, mahalaga ba kung marami o kakaunti man ang sanay na mangangabayo ng Juda? Hindi, sapagkat ang kaligtasan ng Juda ay hindi nakasalalay sa nakahihigit na kalakasang militar. Ang Kawikaan 21:31 ay nagpapaliwanag sa mga bagay-bagay sa ganitong paraan: “Ang kabayo ay inihahanda para sa araw ng pagbabaka, ngunit ang kaligtasan ay kay Jehova.” Pagkatapos ay inangkin ni Rabsases na ang pagpapala ni Jehova ay nasa mga Asiryano, wala sa mga Judio. Kung hindi ganoon, ang pangangatuwiran niya, disin sana’y hindi kailanman nakapasok ang mga Asiryano nang gayon na lamang sa teritoryo ng Juda.—Isaias 36:9, 10.
11, 12. (a) Bakit iginiit ni Rabsases na magsalita “sa wika ng mga Judio,” at paano niya sinikap na akitin ang nakikinig na mga Judio? (b) Ano ang maaaring maging epekto ng mga salita ni Rabsases sa mga Judio?
11 Ang mga kinatawan ni Hezekias ay nabahala sa magiging epekto ng mga argumento ni Rabsases sa mga taong nakaririnig sa kaniya mula sa ibabaw ng pader ng lunsod. Ang mga Judiong opisyal na ito ay nakiusap: “Pakisuyo, magsalita ka sa . . . iyong mga lingkod sa wikang Siryano, sapagkat nakikinig kami; at huwag kang magsalita sa amin sa wika ng mga Judio sa pandinig ng mga taong nasa pader.” (Isaias 36:11) Subalit si Rabsases ay walang balak na magsalita sa wikang Siryano. Nais niyang maghasik ng mga binhi ng pag-aalinlangan at takot sa mga Judio upang sila’y sumuko at masakop ang Jerusalem nang walang labanan! (Isaias 36:12) Kaya ang Asiryano ay muling nagsalita “sa wika ng mga Judio.” Siya’y nagbabala sa mga tumatahan sa Jerusalem: “Huwag kayong magpalinlang kay Hezekias, sapagkat hindi niya kayo kayang iligtas.” Kasunod nito, tinangka niyang akitin yaong mga nakikinig sa pamamagitan ng paglalarawan sa uri ng pamumuhay ng mga Judio sa ilalim ng pamamahala ng Asirya: “Makipagkasundo kayong sumuko sa akin at labasin ninyo ako at kumain ang bawat isa mula sa kaniyang sariling punong ubas at ang bawat isa mula sa kaniyang sariling puno ng igos at inumin ng bawat isa ang tubig ng kaniyang sariling imbakang-tubig, hanggang sa dumating ako at dalhin nga kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, isang lupain ng butil at bagong alak, isang lupain ng tinapay at mga ubasan.”—Isaias 36:13-17.
12 Hindi magkakaroon ng ani para sa mga Judio sa taóng ito—ang pagsalakay ng Asiryano ay humadlang sa kanila sa pagtatanim ng mga pananim. Ang pag-asang makakain ng makakatas na ubas at makainom ng malamig na tubig ay maaaring lubhang nakaaakit sa mga taong nakikinig sa pader. Subalit hindi pa natatapos si Rabsases sa pagtatangkang pahinain ang mga Judio.
13, 14. Sa kabila ng mga argumento ni Rabsases, bakit ang nangyari sa Samaria ay walang kaugnayan sa kalagayan ng Juda?
13 Mula sa kaniyang taglay na mga argumento, si Rabsases ay gumamit ng iba pang nakamamatay na mga salita. Siya’y nagbabala sa mga Judio na huwag maniwala kay Hezekias kapag sinabi niya: “Si Jehova ang magliligtas sa atin.” Ipinaalaala ni Rabsases sa mga Judio na hindi nahadlangan ng mga diyos ng Samaria nang talunin ng mga Asiryano ang sampung tribo. At kumusta ang mga diyos ng iba pang mga bansa na nilupig ng Asirya? “Nasaan ang mga diyos ng Hamat at ng Arpad?” ang tanong niya. “Nasaan ang mga diyos ng Separvaim? At nailigtas ba nila ang Samaria mula sa aking kamay?”—Isaias 36:18-20.
14 Sabihin pa, hindi nauunawaan ni Rabsases, isang mananamba ng mga huwad na diyos, na may malaking pagkakaiba sa pagitan ng apostatang Samaria at ng Jerusalem sa ilalim ni Hezekias. Ang huwad na mga diyos ng Samaria ay walang kapangyarihang magligtas sa sampung-tribong kaharian. (2 Hari 17:7, 17, 18) Sa kabilang panig, ang Jerusalem sa ilalim ni Hezekias ay tumalikod sa huwad na mga diyos at bumalik sa paglilingkod kay Jehova. Gayunman, ang tatlong kinatawang Judeano ay hindi nagtangkang magpaliwanag nito kay Rabsases. “Sila ay nanatiling tahimik at hindi sumagot sa kaniya ng isa mang salita, dahil sa utos ng hari, na nagsasabi: ‘Huwag ninyo siyang sagutin.’” (Isaias 36:21) Sina Eliakim, Sebna, at Joa ay bumalik kay Hezekias at gumawa ng opisyal na ulat hinggil sa mga sinabi ni Rabsases.—Isaias 36:22.
Si Hezekias ay Nagpasiya
15. (a) Anong pagpapasiya ang napapaharap ngayon kay Hezekias? (b) Paano binigyan ni Jehova ng katiyakan ang kaniyang bayan?
15 Si Haring Hezekias ngayon ay kailangang magpasiya. Ang Jerusalem ba ay susuko sa mga Asiryano? makikisama sa puwersa ng Ehipto? o mananatili sa kaniyang posisyon at lalaban? Si Hezekias ay nasa matinding kagipitan. Siya’y nagtungo sa templo ni Jehova, habang sinusugo sina Eliakim at Sebna, kasama ng mga matatandang saserdote, upang sumangguni kay Jehova sa pamamagitan ng propetang si Isaias. (Isaias 37:1, 2) Nakadamit ng telang-sako, ang mga sugo ng hari ay lumapit kay Isaias, na nagsasabi: “Ang araw na ito ay isang araw ng kabagabagan at ng pagsaway at ng walang-pakundangang panlilibak . . . Marahil ay maririnig ni Jehova na iyong Diyos ang mga salita ni Rabsases, na isinugo ng hari ng Asirya na kaniyang panginoon upang tuyain ang Diyos na buháy, at kaniya ngang pagsusulitin siya dahil sa mga salita na narinig ni Jehova na iyong Diyos.” (Isaias 37:3-5) Oo, hinahamon ng mga Asiryano ang Diyos na buháy! Bibigyang-pansin ba ni Jehova ang kanilang panunuya? Sa pamamagitan ni Isaias, binigyang-katiyakan ni Jehova ang mga Judio: “Huwag kang matakot dahil sa mga salita na narinig mong sinalita nang may pang-aabuso ng mga tagapaglingkod ng hari ng Asirya tungkol sa akin. Narito, maglalagay ako sa kaniya ng isang espiritu, at siya ay makaririnig ng isang ulat at babalik sa kaniyang sariling lupain; at ipabubuwal ko nga siya sa pamamagitan ng tabak sa kaniyang sariling lupain.”—Isaias 37:6, 7.
16. Anong mga liham ang ipinadala ni Senakerib?
16 Samantala, si Rabsases ay tinawag upang pumaroon kay Senakerib samantalang ang hari ay nakikipagdigma sa Libnah. Saka na haharapin ni Senakerib ang Jerusalem. (Isaias 37:8) Subalit, ang paglisan ni Rabsases ay hindi nag-alis ng kagipitan kay Hezekias. Si Senakerib ay nagpadala ng mga liham ng pagbabanta na naglalarawan kung ano ang maaaring asahan ng mga tumatahan sa Jerusalem kung hindi sila susuko: “Narinig mo mismo kung ano ang ginawa ng mga hari ng Asirya sa lahat ng mga lupain nang italaga sila sa pagkapuksa, at ikaw ba ay maliligtas? Nailigtas ba sila ng mga diyos ng mga bansa na winasak ng aking mga ninuno? . . . Nasaan ang hari ng Hamat at ang hari ng Arpad at ang hari ng lunsod ng Separvaim—ng Hena at ng Iva?” (Isaias 37:9-13) Pangunahin na, sinasabi ng mga Asiryano na walang-saysay na lumaban pa—ang paglaban ay magdudulot lamang ng ibayong suliranin!
17, 18. (a) Ano ang motibo ni Hezekias sa paghingi ng proteksiyon kay Jehova? (b) Paano sinagot ni Jehova ang Asiryano sa pamamagitan ni Isaias?
17 Dahil sa lubos na pagkabahala hinggil sa kahihinatnan ng gagawin niyang pasiya, iniladlad ni Hezekias ang mga liham ni Senakerib sa templo sa harapan ni Jehova. (Isaias 37:14) Sa taos-pusong pananalangin, siya’y nagsumamo kay Jehova na makinig sa mga pagbabanta ng Asiryano, na winawakasan ang kaniyang panalangin sa mga salitang: “At ngayon, O Jehova na aming Diyos, iligtas mo kami mula sa kaniyang kamay, upang malaman ng lahat ng kaharian sa lupa na ikaw, O Jehova, ang tanging Diyos.” (Isaias 37:15-20) Mula rito’y maliwanag na pangunahing nababahala si Hezekias, hindi sa kaniyang sariling kaligtasan, kundi sa upasala na maaaring idulot sa pangalan ni Jehova kapag natalo ng Asirya ang Jerusalem.
18 Ang sagot ni Jehova sa panalangin ni Hezekias ay dumating sa pamamagitan ni Isaias. Ang Jerusalem ay hindi dapat sumuko sa Asirya; dapat na siya’y manatili sa kaniyang posisyon. Buong tapang na sinabi ni Isaias ang mensahe ni Jehova sa Asiryano, na para bang nakikipag-usap kay Senakerib: “Hinamak ka ng anak na dalaga ng Sion, inalipusta ka niya. Sa likuran mo ay iniling ng anak na babae ng Jerusalem ang kaniyang ulo [nang may panunuya].” (Isaias 37:21, 22) Pagkatapos ay idinagdag ni Jehova, sa diwa: ‘Sino ka para manuya sa Banal ng Israel? Alam ko ang iyong mga gawa. Matataas ang iyong ambisyon; gumagawa ka ng malaking pagyayabang. Nagtiwala ka sa iyong militar na kapangyarihan at lumupig ka sa maraming lupain. Subalit matatalo ka. Aking sisirain ang iyong mga plano. Lulupigin kita. Pagkatapos ay gagawin ko sa iyo ang iyong ginawa sa iba. Lalagyan kita ng kawing sa iyong ilong at hihilahin ka pabalik sa Asirya!’—Isaias 37:23-29.
“Ito ang Magiging Tanda Para sa Iyo”
19. Anong tanda ang ibinigay ni Jehova kay Hezekias, at ano ang kahulugan nito?
19 Ano ang garantiya kay Hezekias na matutupad ang hula ni Isaias? Si Jehova ay sumasagot: “Ito ang magiging tanda para sa iyo: Kakainin sa taóng ito ang sumibol mula sa mga natapong butil, at sa ikalawang taon ay ang butil na tumutubo sa ganang sarili; ngunit sa ikatlong taon ay maghasik kayo ng binhi at gumapas, at magtanim kayo ng mga ubasan at kainin ninyo ang bunga ng mga iyon.” (Isaias 37:30) Si Jehova ay maglalaan ng pagkain sa nakulong na mga Judio. Bagaman hindi makapaghasik ng binhi dahil sa pananakop ng Asiryano, sila ay kakain mula sa himalay ng inani nang nagdaang taon. Sa susunod na taon, isang taóng sabbath, hindi nila bubungkalin ang bukirin, sa kabila ng kanilang mahirap na kalagayan. (Exodo 23:11) Nangangako si Jehova na kung ang bayan ay susunod sa kaniyang tinig, sapat na butil ang sisibol sa bukirin upang mapaglaanan sila. Pagkatapos, sa susunod na taon, ang mga tao ay maghahasik ng binhi sa dating paraan at magtatamasa ng bunga ng kanilang pagpapagal.
20. Sa anong paraan “mag-uugat nang pababa at magsisibol ng bunga nang paitaas” ang mga makatatakas sa pagsalakay ng Asiryano?
20 Inihahambing ngayon ni Jehova ang kaniyang bayan sa isang halaman na hindi madaling bunutin: “Yaong mga makatatakas na mula sa sambahayan ni Juda . . . ay tiyak na mag-uugat nang pababa at magsisibol ng bunga nang paitaas.” (Isaias 37:31, 32) Oo, yaong mga nagtitiwala kay Jehova ay walang dapat ikatakot. Sila at ang kanilang mga supling ay mananatiling matatag sa lupain.
21, 22. (a) Ano ang inihula hinggil kay Senakerib? (b) Paano at kailan matutupad ang mga salita ni Jehova hinggil kay Senakerib?
21 Kumusta naman ang pagbabanta ng Asiryano laban sa Jerusalem? Si Jehova ay sumasagot: “Hindi siya papasok sa lunsod na ito, ni magpapahilagpos man siya roon ng palaso, ni haharapin man iyon nang may kalasag, ni magtitindig man ng muralyang pangubkob laban doon. Sa daan na kaniyang pinanggalingan ay babalik siya, at sa lunsod na ito ay hindi siya papasok.” (Isaias 37:33, 34) Kaya hindi magkakaroon ng digmaan sa pagitan ng Asirya at ng Jerusalem. Sa di-inaasahan, ang mga Asiryano, hindi ang mga Judio, ang matatalo nang walang paglalaban.
22 Bilang pagtupad sa kaniyang salita, si Jehova ay nagpadala ng isang anghel na pumatay sa pinakamagigiting sa hukbo ni Senakerib—185,000 lalaki. Waring ito’y nangyari sa Libnah, at si Senakerib mismo ay nagising upang matuklasan na ang mga lider, mga pinuno, at makapangyarihang mga lalaki ng kaniyang hukbo ay pawang patay. Sa laki ng kahihiyan, siya’y nagbalik sa Nineve, subalit sa kabila ng kaniyang umuugong na pagkatalo, siya’y may katigasan ang ulong nanatiling deboto sa kaniyang huwad na diyos na si Nisroc. Makalipas ang ilang taon, habang sumasamba sa templo ni Nisroc, si Senakerib ay pataksil na pinatay ng dalawa sa kaniyang mga anak na lalaki. Muli na naman, ang walang buhay na si Nisroc ay napatunayang walang kapangyarihang magligtas.—Isaias 37:35-38.
Higit Pang Pinatibay ang Pananampalataya ni Hezekias
23. Anong krisis ang napaharap kay Hezekias noong unang makipaglaban si Senakerib sa Juda, at ano ang mga ipinahihiwatig ng krisis na ito?
23 Sa panahong si Senakerib ay unang nakipaglaban sa Juda, si Hezekias ay nagkasakit nang malubha. Sinabi sa kaniya ni Isaias na siya’y mamamatay. (Isaias 38:1) Ang 39 na taóng gulang na hari ay nabalisa. Ang kaniyang ikinababahala ay hindi lamang ang kaniyang kapakanan kundi ang kinabukasan ng kaniyang bayan. Ang Jerusalem at ang Juda ay nanganganib na sakupin ng mga Asiryano. Kung si Hezekias ay mamamatay, sino ang mangunguna sa pakikipaglaban? Sa panahong iyon, walang anak si Hezekias na hahalili sa panunungkulan. Sa marubdob na panalangin ay nagsumamo si Hezekias kay Jehova na pagpakitaan siya ng awa.—Isaias 38:2, 3.
24, 25. (a) Paano magiliw na sinagot ni Jehova ang panalangin ni Hezekias? (b) Anong himala ang ginawa ni Jehova, gaya ng inilalarawan sa Isaias 38:7, 8?
24 Hindi pa nakaaalis si Isaias sa mga looban ng palasyo nang muli siyang suguin ni Jehova sa tabi ng higaan ng haring may malubhang sakit taglay ang isa pang mensahe: “Narinig ko ang iyong panalangin. Nakita ko ang iyong mga luha. Narito, daragdagan ko ang iyong mga araw ng labinlimang taon; at mula sa palad ng hari ng Asirya ay ililigtas kita at ang lunsod na ito, at ipagtatanggol ko ang lunsod na ito.” (Isaias 38:4-6; 2 Hari 20:4, 5) Pagtitibayin ni Jehova ang kaniyang pangako sa pamamagitan ng isang pambihirang tanda: “Narito, pinaaatras ko ng sampung baytang ang anino sa mga baytang na bumaba na sa mga baytang ng hagdan ni Ahaz dahil sa araw.”—Isaias 38:7, 8a.
25 Ayon sa Judiong istoryador na si Josephus, may isang hagdan sa loob ng maharlikang palasyo, at malamang ay may haliging malapit dito. Kapag tinamaan ng sinag ng araw ang haligi, ito’y lumilikha ng anino sa mga baytang. Maaaring sukatin ng isa ang oras sa pamamagitan ng pagmamasid sa pagbabago ng anino sa mga baytang. Ngayon si Jehova ay gagawa ng isang himala. Pagkatapos na bumaba ang anino sa mga baytang sa karaniwang paraan, ito’y aatras ng sampung baytang sa dating dinaanan nito. Sino ang nakarinig ng ganitong bagay kailanman? Ang Bibliya ay nagsasabi: “At ang araw ay unti-unting bumalik ng sampung baytang sa mga baytang ng hagdan na binabaan nito.” (Isaias 38:8b) Di-natagalan pagkatapos niyaon, si Hezekias ay gumaling sa kaniyang karamdaman. Ang balita tungkol dito ay lumaganap hanggang sa Babilonya. Nang marinig ito ng hari ng Babilonya, siya’y nagsugo ng mga mensahero sa Jerusalem upang alamin ang katotohanan.
26. Ano ang isang resulta ng pagpapahaba ng buhay ni Hezekias?
26 Mga tatlong taon pagkatapos ng makahimalang paggaling ni Hezekias, ipinanganak ang kaniyang unang anak na lalaki, si Manases. Nang lumaki na si Manases, hindi siya nagpakita ng pagpapahalaga sa kaawaan ng Diyos, na kung hindi dahil dito ay hindi sana siya naipanganak! Sa halip, halos sa buong buhay niya, si Manases ay gumawa nang lubhang masama sa paningin ni Jehova.—2 Cronica 32:24; 33:1-6.
Isang Maling Pasiya
27. Sa anong mga paraan nagpakita si Hezekias ng pagpapahalaga kay Jehova?
27 Kagaya ng kaniyang ninunong si David, si Hezekias ay isang taong may pananampalataya. Kaniyang pinahahalagahan ang Salita ng Diyos. Ayon sa Kawikaan 25:1, isinaayos niyang tipunin ang materyal na ngayo’y masusumpungan sa Kawikaan kabanata 25 hanggang 29. Ang ilan ay naniniwalang siya rin ang kumatha ng ika-119 ng Awit 119. Ang nakaaantig-damdaming awit ng pasasalamat na kinatha ni Hezekias pagkatapos na siya’y gumaling mula sa kaniyang karamdaman ay nagpapakitang siya’y isang taong may lubos na pagpapahalaga. Siya’y nagsabi na ang pinakamahalagang bagay sa buhay ay ang pumuri kay Jehova sa Kaniyang templo “sa lahat ng mga araw ng aming buhay.” (Isaias 38:9-20) Ganito nawa ang maging damdamin nating lahat hinggil sa dalisay na pagsamba!
28. Anong maling pagpapasiya ang nagawa ni Hezekias hindi pa natatagalan matapos na siya’y makahimalang pagalingin?
28 Bagaman tapat, si Hezekias ay di-sakdal. Siya’y nakagawa ng isang maselan na pagkakamali sa pagpapasiya mga ilang panahon matapos na siya’y pagalingin ni Jehova. Si Isaias ay nagpapaliwanag: “Nang panahong iyon ay nagpadala si Merodac-baladan na anak ni Baladan na hari ng Babilonya ng mga liham at ng isang kaloob kay Hezekias, pagkarinig niya na ito ay nagkasakit ngunit lumakas nang muli. Kaya si Hezekias ay nagsimulang magsaya dahil sa kanila at ipinakita sa kanila ang kaniyang imbakang-yaman, ang pilak at ang ginto at ang langis ng balsamo at ang mainam na langis at ang kaniyang buong taguan ng mga armas at ang lahat ng masusumpungan sa kaniyang kabang-yaman. Walang anumang bagay na hindi ipinakita sa kanila ni Hezekias sa kaniyang sariling bahay at sa kaniyang buong pamunuan.”—Isaias 39:1, 2.b
29. (a) Ano ang maaaring motibo ni Hezekias nang ipakita niya ang kaniyang kayamanan sa delegasyon ng Babilonya? (b) Ano ang ibubunga ng maling pagpapasiya ni Hezekias?
29 Sa kabila ng masaklap na pagkatalo sa pamamagitan ng anghel ni Jehova, ang Asirya ay patuloy na naging isang panganib sa maraming bansa, lakip na sa Babilonya. Marahil ay gusto ni Hezekias na pahangain ang hari ng Babilonya upang maging kakampi niya sa hinaharap. Gayunman, hindi nais ni Jehova na ang mga tumatahan sa Juda ay makisama sa kanilang mga kaaway; nais niyang sila’y magtiwala sa kaniya! Sa pamamagitan ni propeta Isaias, ipinaalam ni Jehova ang kinabukasan kay Hezekias: “Ang mga araw ay dumarating, at ang lahat ng nasa iyong sariling bahay at inimbak ng iyong mga ninuno hanggang sa araw na ito ay dadalhin nga sa Babilonya. Walang anumang maiiwan . . . At ang ilan sa sarili mong mga anak na manggagaling sa iyo, na ipanganganak sa iyo, ay kukunin at magiging mga opisyal nga ng korte sa palasyo ng hari ng Babilonya.” (Isaias 39:3-7) Oo, ang mismong bansa na sinikap ni Hezekias na pahangain ang sa wakas ay mandarambong sa kayamanan ng Jerusalem at mang-aalipin sa kaniyang mga mamamayan. Ang pagpapakita ni Hezekias ng kaniyang kayamanan sa mga taga-Babilonya ay nagpasigla lamang sa kanilang sakim na pagnanasa.
30. Paano nagpakita si Hezekias ng mabuting saloobin?
30 Waring tumutukoy sa pangyayari noong ipakita ni Hezekias ang kaniyang kayamanan sa mga taga-Babilonya, ang 2 Cronica 32:26 ay nagsasabi: “Si Hezekias ay nagpakumbaba dahil sa kapalaluan ng kaniyang puso, siya at ang mga tumatahan sa Jerusalem, at ang galit ni Jehova ay hindi dumating sa kanila nang mga araw ni Hezekias.”
31. Ano ang nangyari kay Hezekias, at ano ang itinuturo nito sa atin?
31 Sa kabila ng kaniyang di-kasakdalan, si Hezekias ay isang taong may pananampalataya. Kaniyang nalalaman na ang kaniyang Diyos, si Jehova, ay isang tunay na persona na may damdamin. Sa ilalim ng kagipitan, si Hezekias ay marubdob na nanalangin kay Jehova, at si Jehova ay sumagot sa kaniya. Ang Diyos na Jehova ay nagkaloob sa kaniya ng kapayapaan sa natitirang mga araw niya, at dahil dito, nagpasalamat si Hezekias. (Isaias 39:8) Si Jehova ay dapat na maging gayong katotoo para sa atin sa ngayon. Kapag may suliraning bumabangon, tayo nawa’y maging gaya ni Hezekias, na umaasa kay Jehova para sa karunungan at kalutasan, “sapagkat siya ay saganang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta.” (Santiago 1:5) Kung tayo’y patuloy na magtitiis at mananampalataya kay Jehova, tayo’y makatitiyak na siya ay magiging “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya,” kapuwa ngayon at sa hinaharap.—Hebreo 11:6.
[Mga talababa]
a Katumbas ng mahigit sa $9.5 milyon (U.S.) sa kasalukuyang halaga.
b Pagkatapos matalo si Senakerib, ang nakapalibot na mga bansa ay nagdala ng mga kaloob na ginto, pilak, at iba pang mahahalagang bagay kay Hezekias. Sa 2 Cronica 32:22, 23, 27, ating mababasa na “si Hezekias ay nagkaroon ng kayamanan at kaluwalhatian na lubhang napakalaki” anupat “siya ay naging dakila sa paningin ng lahat ng bansa.” Ang mga kaloob na ito ay maaaring nagpangyari sa kaniya na muling malagyan ng laman ang kaniyang imbakang-yaman, na kaniyang sinaid nang siya’y magbayad ng buwis sa mga Asiryano.
[Larawan sa pahina 383]
Si Haring Hezekias ay naglagak ng pagtitiwala kay Jehova nang harapin niya ang kapangyarihan ng Asirya
[Buong-pahinang larawan sa pahina 384]
[Larawan sa pahina 389]
Ang hari ay nagpadala ng mga sugo kay Isaias upang marinig ang pasiya ni Jehova
[Larawan sa pahina 390]
Idinadalangin ni Hezekias na ang pangalan ni Jehova ay dakilain sa pamamagitan ng pagkatalo ng Asirya
[Larawan sa pahina 393]
Pinatay ng anghel ni Jehova ang 185,000 Asiryano