HIBLANG PAAYON
[sa Ingles, warp].
Sa paghahabi, ito ang grupo ng mga sinulid na kahanay ng kahabaan ng kayo. Ang pangkat naman ng mga sinulid na inihabi nang salit-salitan sa ibabaw at ilalim ng mga ito, anupat ang mga iyon ay nakahabi sa anggulong 90° sa buong tela, ang bumubuo sa hiblang pahalang [sa Ingles, woof]. Kapag sinusuri ng mga saserdote ng Israel kung may ketong ang mga hinabing materyales, sinisiyasat nila kapuwa ang hiblang paayon at ang hiblang pahalang.—Lev 13:47-59; tingnan ang KETONG (Sa mga kasuutan at mga bahay); PAGHAHABI.
Kapag natapos na niya ang isang tela, pinuputol ng manghahabi ang mga sinulid na paayon, anupat inaalis ang tela at iniiwang nakakabit sa habihan ang mga dulo ng mga sinulid na paayon. Tinukoy ito ni Haring Hezekias noong ginugunita niya ang kaniyang malubhang pagkakasakit nang inakala niya na paiikliin na ng Diyos ang kaniyang buhay, anupat pinuputol siya “mula sa mismong mga hiblang paayon” sa di-napapanahong kamatayan.—Isa 38:9-12.