Trinidad
Kahulugan: Ang pangunahing turo ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Ayon sa Athanasian Creed, may tatlong banal na Persona (ang Ama, ang Anak, ang Banal na Espiritu), na bawa’t isa ay walang hanggan, bawa’t isa’y makapangyarihan-sa-lahat, walang isa sa kanilang mataas o mababa, bawa’t isa’y tinatawag na Diyos, nguni’t kung pagsasamasamahin sila’y bumubuo ng iisang Diyos. Ang iba pang mga paliwanag sa turong ito ay nagdidiin na ang tatlong “Personang” ito ay hindi magkakahiwalay at magkakabukod na indibiduwal kundi tatlong anyo na doo’y umiiral ang sustansiya ng pagkadiyos. Kaya ang ilang Trinitaryo ay nagbibigay-diin sa paniwala nila na si Jesu-Kristo ay Diyos, o na si Jesus at ang Banal na Espiritu ay si Jehova. Hindi itinuturo ng Bibliya.
Ano ang pinagmulan ng turo ng Trinidad?
Sinasabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Ang salitang Trinidad, ni ang tuwirang turo nito, ay hindi lumilitaw sa Bagong Tipan, at hindi layunin ni Jesus at ng kaniyang mga tagasunod na salungatin ang Shema sa Matandang Tipan: ‘Dinggin, O Israel: Ang Panginoon nating Diyos ay isang Panginoon’ (Deut. 6:4). . . . Ang turo ay unti-unting nabuo sa nagdaang mga siglo at sa maraming mga pagtatalo. . . . Sa katapusan ng ika-4 na siglo . . . ang turo ng Trinidad ay nakarating sa anyo na hindi nagbago hanggang ngayon.”—(1976), Micropædia, Tomo X, p. 126.
Ang New Catholic Encyclopedia ay nagsasabi: “Ang paliwanag na ‘isang Diyos sa tatlong Persona’ ay hindi pinagtibay, at hindi lubusang tinanggap sa Kristiyanong pamumuhay at pananampalataya, bago sumapit ang katapusan ng ika-4 na siglo. Nguni’t ang paliwanag na ito ang siyang unang tinawag na turong Trinitaryo. Sa mga Amang Apostoliko, ay hindi man lamang nabanggit kahit na kaunti ang ganitong kaisipan o pangmalas.”—(1967), Tomo XIV, p. 299.
Sa The Encyclopedia Americana ay ating mababasa: “Ang pagka-Kristiyano ay nagmula sa Judaismo at ang Judaismo ay mahigpit na Unitario [naniniwala na ang Diyos ay iisang persona]. Ang daan mula sa Jerusalem hanggang sa Nicea ay hindi tuwid. Ang Trinitaryanismo ng ika-4 na siglo ay hindi talagang kahawig ng unang turong Kristiyano tungkol sa kayarian ng Diyos; sa halip, ito’y paglihis mula sa turong ito.”—(1956), Tomo XXVII, p. 294L.
Ayon sa Nouveau Dictionnaire Universel, “Ang trinidad ni Plato, na isa lamang bagong ayos ng mas nakatatandang mga trinidad ng sinaunang mga tao, ay waring ang pilosopikong trinidad ng mga katangian na siyang pinagmulan ng tatlong sustansiya o banal na persona na itinuturo ng mga iglesiyang Kristiyano. . . . Ang pagkaunawa ng Griyegong pilosopong ito [si Plato, ika-apat na siglo B.C.E.] sa banal na trinidad . . . ay masusumpungan sa lahat ng sinaunang [paganong] mga relihiyon.”—(Paris, 1865-1870), pinatnugutan ni M. Lachâtre, Tomo 2, p. 1467.
Si John L. McKenzie, S.J., sa kaniyang Dictionary of the Bible, ay nagsasabi: “Ang trinidad ng mga persona sa pagkakaisa ng kalikasan ay ipinaliliwanag sa paggamit ng mga terminong ‘persona’ at ‘kalikasan’ na siyang mga pilosopikong terminong Griyego; ang totoo, ang mga terminong ito ay hindi lumilitaw sa Bibliya. Ang pagpapaliwanag sa trinidad ay nabuo bunga ng mahahabang pagtatalo na doon ang mga terminong ito at iba pa tulad ng ‘diwa’ at ‘sustansiya’ ay maling ikinapit sa Diyos ng ilang teologo.”—(Nueba York, 1965), p. 899.
Bagama’t inaamin ng mga Trinitaryo na ang salitang “Trinidad” ni anomang pagbanggit sa turo ng Trinidad ay hindi masusumpungan sa Bibliya, naroroon ba ang diwang taglay ng turong iyon?
Itinuturo ba ng Bibliya na ang “Banal na Espiritu” ay isang persona?
May ilang tekstong tumutukoy sa banal na espiritu (“Holy Ghost,” KJ) na tila nagpapahiwatig na ito’y may personalidad. Halimbawa, tinutukoy ang banal na espiritu bilang isang katulong (Griyego, pa·raʹkle·tos; “Mangaaliw,” KJ; “Tagapagtaguyod,” JB, NE) na ‘nagtuturo,’ ‘nagpapatotoo,’ ‘nagsasalita’ at ‘nakaririnig.’ (Juan 14:16, 17, 26; 15:26; 16:13) Nguni’t may ibang mga tekstong nagsasabing ang mga tao’y “pinuspos” ng banal na espiritu, na ang ilan ay ‘binautismuhan’ o “pinahiran” nito. (Luc. 1:41; Mat. 3:11; Gawa 10:38) Ang huling nabanggit tungkol sa banal na espiritu ay tiyak na hindi maaaring ikapit sa isang persona. Upang maunawaan kung ano ang itinuturo ng Bibliya bilang kabuuan, dapat isaalang-alang ang lahat ng mga tekstong ito. Ano ang makatuwirang konklusyon? Na ang unang mga tekstong binanggit ay gumagamit ng makatalinghagang pangungusap na nag-uukol ng personalidad sa banal na espiritu ng Diyos, ang kaniyang aktibong puwersa, tulad ng pag-uukol din ng personalidad sa karunungan, kasalanan, kamatayan, tubig, at dugo na ginagamit sa Bibliya. (Tingnan din ang mga pahinang 158, 159, sa pamagat na “Espiritu.”)
Ipinakikilala sa atin ng Banal na Kasulatan ang personal na pangalan ng Ama—si Jehova. Sinasabi rin nito na ang Anak ay si Jesu-Kristo. Nguni’t kahit saan sa Bibliya ay walang personal na pangalang ibinibigay sa banal na espiritu.
Iniuulat ng Gawa 7:55, 56 na si Esteban ay pinagkalooban ng isang pangitain ng langit na doo’y nakita niya “si Jesus na nakatindig sa kanan ng Diyos.” Nguni’t hindi niya sinabing may nakita siyang banal na espiritu. (Tingnan din ang Apocalipsis 7:10; 22:1, 3.)
Inaamin ng New Catholic Encyclopedia: “Ang karamihan ng mga teksto sa B[agong] T[ipan] ay nagpapakita na ang espiritu ng Diyos ay isang bagay, hindi isang persona; lalong nakikita ito sa pagkahawig ng espiritu at kapangyarihan ng Diyos.” (1967, Tomo XIII, p. 575) Iniuulat din nito: “Ang mga Apologist [Griyegong Kristiyanong mga manunulat ng ikalawang siglo] ay may malaking pag-aatubili kapag nagsalita tungkol sa Espiritu; kung uunawain natin, para bagang hindi nila ito itinuturing na persona.”—Tomo XIV, p. 296.
Sinasang-ayunan ba ng Bibliya ang mga nagtuturo na ang Ama at ang Anak ay hindi magkahiwalay at magkabukod na indibiduwal?
Mat. 26:39, RS: “Pagkalayo nang kaunti, nagpatirapa siya [si Jesu-Kristo] at nanalangin, ‘Ama ko, kung maaari’y ilayo sa akin ang sarong ito; gayunma’y, huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.’ ” (Kung ang Ama at ang Anak ay hindi magkabukod na indibiduwal, magiging walang kabuluhan ang panalanging ito. Kung totoo na hindi sila magkabukod, ang dinadalanginan ni Jesus ay ang kaniyang sarili, at kung gayon ay hindi maaaring magkaiba kailanman ang ibig niya at ang ibig ng kaniyang Ama.)
Juan 8:17, 18, RS: “[Sinagot ni Jesus ang mga Judiong Pariseo:] Sa inyong kautusan ay nasusulat na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo; ako’y nagpapatotoo sa aking sarili, at nagpapatotoo rin ang Amang nagsugo sa akin.” (Kaya, tuwirang tinukoy ni Jesus ang kaniyang sarili bilang isang indibiduwal na hiwalay at naiiba sa Ama.)
Tingnan din ang mga pahinang 196, 197, sa ilalim ng “Jehova.”
Itinuturo ba ng Bibliya na ang bawa’t sinasabing kabilang sa Trinidad ay walang hanggan at walang pasimula?
Col. 1:15, 16, RS: “Siya [si Jesu-Kristo] ang larawan ng Diyos na di nakikita, ang panganay ng lahat ng mga nilalang; sapagka’t sa kaniya nilalang ang lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa.” Sa anong diwa “panganay ng lahat ng mga nilalang” si Jesu-Kristo? (1) Sinasabi ng mga Trinitaryo na ang ibig sabihin dito ng “panganay” ay pangunahin, pinakamagaling, pinakamarangal; kaya ang pagkaunawa nila ay na si Kristo ay hindi bahagi ng nilalang, kundi ang pinakamarangal kung ihahambing sa mga nilalang. Kung totoo iyan, at kung totoo ang Trinidad, bakit hindi rin sinabi tungkol sa Ama at banal na espiritu na sila’y panganay ng lahat ng mga nilalang? Subali’t ikinakapit ng Bibliya ang mga salitang ito doon lamang sa Anak. Ayon sa karaniwang kahulugan ng “panganay,” ito’y nangangahulugan na si Jesus ang pinakamatanda sa mga anak sa sambahayan ni Jehova. (2) Una pa sa Colosas 1:15, ang salitang “panganay ng [ni]” ay ginagamit nang mahigit sa 30 ulit sa Bibliya, at sa bawa’t paggamit nito may kaugnayan sa buháy na mga nilalang ay iisa ang kahulugan—ang panganay ay kabilang sa grupo. “Ang panganay ni Israel” ay isa sa mga anak ni Israel; “ang panganay ni Paraon” ay isa sa sambahayan ni Paraon; “ang panganay ng mga hayop” ay mga hayop din. Bakit, kung gayon, nagbibigay ng ibang kahulugan ang ilan sa Colosas 1:15? Iyon ba’y dahil sa gayon ang gamit sa Bibliya o dahil sa may paniwala silang pinanghahawakan at ibig nilang patunayan? (3) Sa Colosas 1:16, 17 (RS), ibinubukod ba si Jesus sa mga nilalang kapag sinasabing “sa kaniya nilalang ang lahat ng mga bagay . . . lahat ng mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at ukol sa kaniya”? Ang Griyegong salitang isinasalin dito na “lahat ng mga bagay” ay panʹta, isang anyo ng pas. Sa Lucas 13:2, isinasalin ito ng RS bilang “lahat . . . ng iba”; ang salin ng JB ay “alinmang iba”; ang sabi ng NE ay “sinomang iba.” (Tingnan din ang Lucas 21:29 sa NE at Filipos 2:21 sa JB.) Upang maging kaayon ng lahat ng ibang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Anak, ang NW ay nagbibigay ng gayunding kahulugan sa panʹta sa Colosas 1:16, 17, anupa’t ang bahagi nito’y kababasahan ng, “sa pamamagitan niya nilalang ang lahat ng ibang mga bagay . . . Lahat ng ibang mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at ukol sa kaniya.” Sa gayo’y ipinakikilala siya bilang isang nilalang, bahagi ng sangnilalang na nilikha ng Diyos.
Apoc. 1:1; 3:14, RS: “Ang kapahayagan ni Jesu-Kristo, na ibinigay ng Diyos sa kaniya . . . ‘At sa anghel ng iglesiya sa Laodicea ay isulat mo: “Ang mga salita ng Siya Nawa, ng saksing tapat at totoo, ng pasimula [Griyego, ar·kheʹ] ng paglalang ng Diyos.” ’ ” (Gayon din ang salin ng KJ, Dy, CC, at NW, bukod sa iba pa.) Tama ba ang salin na iyan? May iba na nagsasabing ang ibig sabihin ay na ang Anak ay ‘ang tagapagsimula ng paglalang ng Diyos,’ anupa’t siya ang ‘tanging pinagmulan’ nito. Nguni’t ang Greek-English Lexicon nina Liddell at Scott ay nagbibigay ng “pasimula” bilang unang kahulugan ng ar·kheʹ. (Oxford, 1968, p. 252) Ang makatuwirang konklusyon ay na ang nagsasalita sa Apocalipsis 3:14 ay isang nilalang, ang una sa mga nilalang ng Diyos. Ihambing ang Kawikaan 8:22, na doon, sang-ayon sa maraming mga komentarista ng Bibliya, ang Anak ay ang karunungan na binigyan ng katauhan. Ayon sa RS, NE, at JB, ang nagsasalita doon ay sinabing “nilikha.”)
Sa isang hula tungkol sa Mesiyas, sinasabi ng Mikas 5:2 (KJ) na ang kaniyang “pinagbuhatan ay mula nang una, mula nang walang hanggan.” Ang Dy ay kababasahan ng: “ang pinagmulan niya ay mula sa pasimula, sa mga walang-hanggang kaarawan.” Nangangahulugan ba ito na siya’y Diyos? Kapansinpansin na, sa halip na “mga walang-hanggang kaarawan,” isinasalin ng RS ang Hebreo bilang “matandang mga araw”; sa JB ay “sinaunang kaarawan”; sa NW, “mga araw na walang takda.” Sa liwanag ng Apocalipsis 3:14, na tinalakay sa itaas, hindi pinatutunayan ng Mikas 5:2 na si Jesus ay walang pasimula.
Itinuturo ba ng Bibliya na, sa mga sinasabing kabilang sa Trinidad, ay walang mataas o mababa kaysa isa, na sila’y pawang magkakapantay, at pawang makapangyarihan-sa-lahat?
Mar. 13:32, RS: “Tungkol sa araw o oras na yaon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.” (Sabihin pa, hindi magiging totoo ito kung ang Ama, ang Anak, at ang banal na espiritu ay magkakapantay, na bumubuo ng iisang pagka-Diyos. At kung, gaya ng sinasabi ng iba, kaya hindi alam ng Anak ay sapagka’t siya’y tao lamang noon, nananatili ang tanong, Bakit hindi naman alam ng Banal na Espiritu?)
Mat. 20:20-23, RS: “Ang ina ng mga anak na lalake ni Zebedeo . . . ay nagsabi sa kaniya [kay Jesus], ‘Ipag-utos mo na itong dalawang anak ko ay magsiupo, ang isa sa iyong kanan, at ang isa sa iyong kaliwa, sa iyong kaharian.’ Nguni’t sumagot si Jesus, . . . ‘Iinuman ninyo ang aking saro, datapuwa’t ang maupo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi sa akin ang pagbibigay, kundi yaon ay para sa kanila na mga pinaghandaan ng aking Ama.’ ” (Nakapagtataka naman, kung, gaya ng inaangkin, si Jesus ay Diyos! Ganito ba ang sagot ni Jesus dahil sa siya’y nasa “anyong tao” noon? Kung, gaya ng sinabi ng mga Trinitaryo, si Jesus ay isang “Diyos-tao,”—kapuwa Diyos at tao, hindi alinman sa dalawa—magiging makatuwiran kaya ang gayong paliwanag? Sa halip, hindi ba ipinakikita ng Mateo 20:23 na ang Anak ay hindi kapantay ng kaniyang Ama, na ang Ama ay may itinanging karapatan para sa kaniyang sarili lamang?)
Mat. 12:31, 32, RS: “Bawa’t kasalanan at kapusungan ay ipatatawad sa mga tao, nguni’t ang kapusungan laban sa Espiritu ay hindi ipatatawad. At ang sinomang magsalita ng isang salitang laban sa Anak ng tao ay patatawarin; nguni’t ang sinomang magsalita laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin, kahit sa panahong ito o sa panahong darating.” (Kung ang Banal na Espiritu ay isang persona at Diyos, ang tekstong ito ay tahasang sasalungat sa turo ng Trinidad, sapagka’t mangangahulugan ito na sa ibang paraan ang Banal na Espiritu ay higit na dakila kaysa sa Anak. Sa halip, ang sinabi ni Jesus ay nagpapakita na ang Ama, na siyang pinagmumulan ng “Espiritu,” ay lalong dakila kaysa kay Jesus, ang Anak ng tao.)
Juan 14:28, RS: “[Sinabi ni Jesus:] Kung ako’y inyong iniibig, kayo’y magagalak, dahil sa ako’y paroroon sa Ama; sapagka’t ang Ama ay lalong dakila kaysa akin.”
1 Cor. 11:3, RS: “Ibig ko na inyong mauunawaan na ang ulo ng bawa’t lalake ay si Kristo, ang ulo ng babae ay ang kaniyang asawa, at ang ulo ni Kristo ay ang Diyos.” (Maliwanag kung gayon na si Kristo ay hindi Diyos, at na higit na mataas ang Diyos kaysa kay Kristo. Pansinin na ito’y isinulat noong mga 55 C.E., mga 22 taon pagkaraang bumalik sa langit si Jesus. Kaya ang katotohanang binanggit dito ay kumakapit sa kaugnayan ng Diyos at ni Jesus sa langit.)
1 Cor. 15:27, 28, RS: “ ‘Pinasuko ng Diyos ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kaniyang [kay Jesus na] mga paa.’ Nguni’t kung sinasabi, ‘Ang lahat ng mga bagay ay pinasuko sa kaniya,’ ay maliwanag na itinangi yaong nagpasuko ng lahat ng mga bagay sa kaniya. Kung ang lahat ng mga bagay ay mapasuko sa kaniya, kung magkagayo’y ang Anak mismo ay pasusukuin din sa nagpasuko ng lahat ng mga bagay sa kaniya, upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.”
Ang salitang Hebreo na Shad·daiʹ at ang salitang Griyego na Pan·to·kraʹtor ay kapuwa isinasalin na “Makapangyarihan-sa-Lahat.” Ang dalawang orihinal na mga salitang ito ay malimit na ikinakapit kay Jehova, ang Ama. (Exo. 6:3; Apoc. 19:6) Nguni’t kailanman ang alinman sa mga katagang ito ay hindi ikinakapit sa Anak o sa banal na espiritu.
Itinuturo ba ng Bibliya na ang bawa’t sinasabing kabilang sa Trinidad ay Diyos?
Sinabi ni Jesus sa panalangin: “Ama, . . . ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at siyang iyong sinugo, na si Jesu-Kristo.” (Juan 17:1-3, RS; idinagdag namin ang mga pahilis.) (Dito ang karamihan ng mga salin ay gumagamit ng salitang “iisang Diyos na tunay” may kaugnayan sa Ama. Ang NE ay kababasahan ng “na siya lamang ang tunay na Diyos.” Hindi maaari siyang maging “iisang Diyos na tunay,” ang isa na “siya lamang ang tunay na Diyos,” kung may dalawa pa ring Diyos na kapantay niya, hindi ba? Ang sinomang ibang tinutukoy bilang “mga diyos” ay alinman sa huwad o kaya’y isa lamang paglalarawan ng tunay na Diyos.)
1 Cor. 8:5, 6, RS: “Bagama’t mayroong mga tinatawag na diyos sa langit o sa lupa—gaya nang may maraming mga ‘diyos’ at maraming mga ‘panginoon’ —nguni’t sa ganang atin ay may isang Diyos, ang Ama, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga bagay at tayo’y sa kaniya, at isang Panginoon, si Jesu-Kristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay at tayo’y sa pamamagitan niya.” (Ang Ama dito ay ipinakikilala bilang ang “isang Diyos” ng mga Kristiyano na kakaiba kay Jesu-Kristo.)
1 Ped. 1:3, RS: “Purihin nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo!” (Kahit pagkaraang umakyat sa langit si Jesus, ang Ama ay paulit-ulit na tinutukoy ng mga Kasulatan bilang “ang Diyos” ni Jesu-Kristo. Sa Juan 20:17, pagkatapos ng pagkabuhay-muli ni Jesus, tinawag niya mismo ang kaniyang Ama na “aking Diyos.” Noong dakong huli, nang nasa langit na siya, iniuulat ng Apocalipsis 3:12 na muli niyang ginamit ang gayong pagtawag. Nguni’t kailanman sa Bibliya ay hindi tinawag ng Ama ang Anak na “aking Diyos,” ni tinutukoy ng Ama o ng Anak ang banal na espiritu bilang “aking Diyos.”)
Para sa komento sa mga kasulatang ginagamit ng iba upang pagsikapang patunayan na si Kristo ay Diyos, tingnan ang mga pahinang 200-205, sa pamagat na “Jesu-Kristo.”
Sa Theological Investigations, inaamin ni Karl Rahner, S.J.: “Θεός [Diyos] ay hindi pa ring ginagamit may kaugnayan sa espiritu,” at: “ὁ θεός [sa literal, ang Diyos] ay hindi kailanman ginagamit sa Bagong Tipan upang tukuyin ang πνεῦμα ἅγιον [banal na espiritu].”—(Baltimore, Md.; 1961), isinalin mula sa Aleman, Tomo I, p. 138, 143.
Sa mga tekstong ginagamit ng mga Trinitaryo upang alalayan ang kanilang paniwala, mayroon bang naglalaan ng matibay na saligan para sa turong iyon?
Ang isang taong talagang naghahanap ng katotohanan tungkol sa Diyos ay hindi sasaliksikin ang Bibliya upang makapaghanap ng isang tekstong akala niyang umaayon sa kaniyang dating paniniwala. Gusto niyang malaman kung ano ang sinasabi mismo ng Salita ng Diyos. Baka mayroon siyang makitang tekstong iniisip niyang maaaring unawain sa iba’t ibang paraan, nguni’t kapag inihambing ang mga ito sa ibang mga pangungusap sa Bibliya sa paksang iyon lumiliwanag ang kahulugan ng mga ito. Pansinin natin na ang karamihan ng mga tekstong ginagamit bilang “patotoo” sa Trinidad ay bumabanggit lamang ng dalawang persona, hindi tatlo; kaya kahit tama ang paliwanag ng mga Trinitaryo tungkol sa mga tekstong ito, hindi rin pinatutunayan ng mga ito na ang Trinidad ay itinuturo ng Bibliya. Isaalang-alang ang sumusunod:
(Malibang iba ang binanggit, ang lahat ng mga tekstong sinipi sa sumusunod na seksiyon ay mula sa RS.)
Mga teksto na doon ang isang titulong nauukol kay Jehova ay ikinakapit kay Jesu-Kristo o sinasabing kumakapit kay Jesus
Alpha at Omega: Kanino wastong kumakapit ang titulong ito? (1) Sa Apocalipsis 1:8, sinasabi na ang may titulong ito ay ang Diyos, ang Makapangyarihan-sa-Lahat. Sa Apo 1 talatang 11 ayon sa KJ, ang titulong iyon ay ikinapit sa isa na, ayon sa sumunod na paliwanag, ay si Jesu-Kristo. Nguni’t kinikilala ng mga iskolar na ang pagtukoy sa Alpha at Omega sa Apo 1 talatang 11 ay huwad, kaya’t hindi ito lumilitaw sa RS, NE, JB, NAB, Dy. (2) Kinikilala ng maraming salin ng Apocalipsis sa Hebreo na ang tinutukoy sa Apo 1 talatang 8 ay si Jehova, kaya isinasauli nila sa tekstong ito ang personal na pangalan ng Diyos. Tingnan ang NW, 1984 edisyong may Reperensiya. (3) Ang Apocalipsis 21:6, 7 ay nagpapahiwatig na ang mga Kristiyano na magtatagumpay sa espirituwal na paraan ay magiging ‘mga anak’ ng isa na kilala bilang Alpha at Omega. Kailanman ay hindi sinasabi ito tungkol sa kaugnayan ng pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano kay Jesu-Kristo. Tinawag sila ni Jesus na kaniyang ‘mga kapatid.’ (Heb. 2:11; Mat. 12:50; 25:40) Nguni’t ang ‘mga kapatid’ na yaon ni Jesus ay tinukoy bilang “mga anak ng Diyos.” (Gal. 3:26; 4:6) (4) Sa Apocalipsis 22:12, ang TEV ay naglalagay ng pangalang Jesus, kaya ang pagtukoy sa Alpha at Omega sa Apo 22 talatang 13 ay pinalilitaw na kumakapit sa kaniya. Nguni’t ang pangalang Jesus ay hindi lumilitaw doon, at hindi ito inilalagay doon ng ibang mga salin. (5) Sa Apocalipsis 22:13, ang Alpha at Omega ay sinasabing siya na rin “ang una at ang huli,” pananalitang ikinapit kay Jesus sa Apocalipsis 1:17, 18. Sa katulad na paraan, ang pananalitang “apostol” ay ikinapit kapuwa kay Jesu-Kristo at sa ilan sa kaniyang mga tagasunod. Nguni’t hindi pinatutunayan nito na sila’y iisang persona o magkakapantay sa tungkulin, hindi ba? (Heb. 3:1) Kaya ang ebidensiya ay umaalalay sa konklusyon na ang titulong “Alpha at Omega” ay kumakapit sa Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, sa Ama, hindi sa Anak.
Tagapagligtas: Sa mga Kasulatan, ang Diyos ay paulit-ulit na tinutukoy bilang Tagapagligtas. Sa Isaias 43:11 sinasabi pa man din ng Diyos: “Bukod sa akin ay walang tagapagligtas.” Yamang tinutukoy rin si Jesus bilang Tagapagligtas, ang Diyos ba at si Jesus ay magkapareho? Tunay na hindi. Ang Tito 1:3, 4 ay bumabanggit sa “Diyos na ating Tagapagligtas,” pagkatapos ay kapuwa sa “Diyos Ama at kay Kristo Jesus na Tagapagligtas natin.” Kaya, ang dalawang personang ito ay kapuwa tagapagligtas. Ipinakikita ng Judas 25 ang kaugnayan, sa pagsasabing: “Ang Diyos, na ating Tagapagligtas sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon.” (Idinagdag namin ang mga pahilis.) (Tingnan din ang Gawa 13:23.) Sa Hukom 3:9, ang salitang Hebreo (moh·shiʹa‛, na isinasaling “tagapagligtas” o “manunubos”) na ginamit sa Isaias 43:11 ay ikinapit kay Othniel, isang hukom sa Israel, nguni’t tiyak na hindi ito nangangahulugan na si Othniel ay si Jehova, hindi ba? Kung babasahin ang Isaias 43:1-12 ay makikita na ang Isa 43 talatang 11 ay nangangahulugan na si Jehova lamang ang Isa na naglaan ng kaligtasan, o katubusan, sa Israel; na ang kaligtasan ay hindi nagmula sa alinmang diyos ng mga bansa sa palibot.
Diyos: Sa Isaias 43:10 ay sinabi ni Jehova: “Walang diyos na inanyuan na una sa akin, o magkakaroon man pagkatapos ko.” Ang ibig bang sabihin nito ay na, yamang makahulang tinawag si Jesu-Kristo na “Makapangyarihang Diyos” sa Isaias 9:6, si Jesus ay si Jehova? Muli ang konteksto ay sumasagot nang Hindi! Wala sa mga idolatrosong bansang Gentil ang nakapag-anyo ng diyos na una pa kay Jehova, sapagka’t walang umiral bago kay Jehova. At kahit sa hinaharap ay wala silang maaanyuang tunay at buháy na diyos na may kakayahang manghula. (Isa. 46:9, 10) Nguni’t hindi ito nangangahulugan na hindi kailanman pinairal ni Jehova ang isa na wastong matutukoy bilang isang diyos. (Awit 82:1, 6; Juan 1:1, NW) Sa Isaias 10:21 si Jehova ay tinukoy bilang “makapangyarihang Diyos,” tulad ng itinawag kay Jesus sa Isaias 9:6; nguni’t si Jehova lamang ang tinawag na “Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.”—Gen. 17:1.
Kung ang isang titulo o paglalarawan ay nasusumpungan sa higit kaysa isang lugar sa Kasulatan, hindi dapat karakarakang isipin na lagi itong tumutukoy sa iyon ding persona. Ang gayong pangangatuwiran ay aakay sa konklusyon na si Nabokodonosor ay si Jesu-Kristo, sapagka’t pareho silang tinawag na “hari ng mga hari” (Dan. 2:37; Apoc. 17:14); at na ang mga alagad ni Jesus ay talagang si Jesu-Kristo, sapagka’t pareho silang tinawag na “ilaw ng sanlibutan.” (Mat. 5:14; Juan 8:12) Dapat natin laging isaalang-alang ang konteksto at gayon din ang ibang paggamit ng Bibliya sa ekspresyon ding iyon.
Ang ginawang pagkakapit kay Jesu-Kristo ng kinasihang mga manunulat ng Bibliya ng mga teksto mula sa Hebreong Kasulatan na maliwanag na kumakapit kay Jehova
Bakit kaya sumisipi ang Juan 1:23 sa Isaias 40:3 at ikinapit sa ginawang paghahanda ni Juan Bautista ng daan para kay Jesu-Kristo, samantalang ang maliwanag na tinatalakay ng Isaias 40:3 ay ang paghahanda ng daan para kay Jehova? Sapagka’t si Jesus ay kumatawan sa kaniyang Ama. Naparito siya sa pangalan ng kaniyang Ama at natitiyak niyang laging nasa kaniya ang Ama niya dahil sa ginagawa niya ang mga bagay na nakalulugod sa kaniyang Ama.—Juan 5:43; 8:29.
Bakit kaya sinisipi ng Hebreo 1:10-12 ang Awit 102:25-27 at ikinakapit sa Anak, samantalang sinasabi ng awit na ito’y nauukol sa Diyos? Sapagka’t ang mga gawang paglalang na inilalarawan ng mang-aawit ay ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng Anak. (Tingnan ang Colosas 1:15, 16; Kawikaan 8:22, 27-30.) Mapapansin na sa Hebreo 1:5b may pagsipi mula sa 2 Samuel 7:14 na ikinakapit sa Anak ng Diyos. Bagama’t ang tekstong ito ay unang kumakapit kay Solomon, ang pagkakapit nito noong dakong huli kay Jesu-Kristo ay hindi nangangahulugan na iisa si Solomon at si Jesus. Si Jesus ay “lalong dakila kaysa kay Solomon” at gumaganap ng gawaing inilarawan ni Solomon.—Luc. 11:31.
Mga teksto kung saan samasamang binabanggit ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu
Ang Mateo 28:19 at ang 2 Corinto 13:14 ay mga halimbawa nito. Walang sinasabi sa dalawang tekstong ito na ang Ama, Anak at Banal na Espiritu ay magkakapantay sa kapangyarihan o sa pagkawalang-hanggan o na silang lahat ay Diyos. Ang maka-Kasulatang katibayang iniharap sa mga pahinang 415-419 ay nagpapakitang hindi dapat ipakahulugan nang gayon ang mga teksto.
Ang McClintock and Strong’s Cyclopedia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature, bagama’t nagtataguyod sa turo ng Trinidad, ay umaamin may kaugnayan sa Mateo 28:18-20: “Nguni’t ang tekstong ito, sa ganang sarili, ay hindi lubusang magpapatunay maging sa personalidad ng tatlong binanggit, o sa pagkakapantay o pagka-diyos ng mga ito.” (1981 muling paglilimbag, Tomo X, p. 552) Tungkol sa ibang mga teksto na bumabanggit din ng tatlong ito nang samasama, inaamin ng Cyclopediang ito na, sa ganang sarili, “di-sapat” ang mga ito upang patunayan ang Trinidad. (Ihambing ang 1 Timoteo 5:21, na doon ang Diyos at si Kristo at ang mga anghel ay samasamang binanggit.)
Mga teksto kung saan ang pangmaramihang anyo ng mga pangngalan ay ikinakapit sa Diyos sa Hebreong Kasulatan
Sa Genesis 1:1 ang titulong “Diyos” ay isinalin mula sa ’Elo·himʹ, na siyang pangmaramihan sa Hebreo. Ito’y binibigyang kahulugan ng mga Trinitaryo na umaalalay sa Trinidad. Ipinaliliwanag din nila na ang Deuteronomio 6:4 ay nagpapahiwatig sa pagkakaisa ng mga kabilang sa Trinidad kapag sinasabing: “Ang PANGINOON nating Diyos [mula sa ’Elo·himʹ] ay isang PANGINOON.”
Ang pangmaramihang anyo ng pangngalan dito sa Hebreo ay tumutukoy sa kamahalan o kagalingan. (Tingnan ang NAB, St. Joseph Edition, Bible Dictionary, p. 330; gayundin, ang New Catholic Encyclopedia, 1967, Tomo V, p. 287.) Hindi ito nagpapahiwatig ng maraming personang bumubuo ng isang pagka-diyos. Kahawig din nito, kapag tinutukoy ang huwad na diyos na si Dagon sa Hukom 16:23, ay ginagamit din ang isang anyo ng titulong ’elo·himʹ; ang kasamang pandiwa ay pang-isahan, na nagpapakitang ang tinutukoy ay isa lamang diyos. Sa Genesis 42:30, si Jose ay tinawag na “panginoon” (’adho·nehʹ, pangmaramihan ng kagalingan) ng Ehipto.
Ang wikang Griyego ay walang ‘pangmaramihan ng kamahalan o kagalingan.’ Kaya, sa Genesis 1:1 ang mga tagapagsalin ng LXX ay gumamit ng ho The·osʹ (Diyos, pang-isahan) bilang katumbas ng ’Elo·himʹ. Sa Marcos 12:29, na nag-uulat ng isang sagot ni Jesus na doon sinipi niya ang Deuteronomio 6:4, ang Griyegong pang-isahang anyo na ho The·osʹ ay ginamit din nang gayon.
Sa Deuteronomio 6:4, dalawang ulit lumilitaw sa tekstong Hebreo ang Tetragrammaton, kung kaya’t dapat may-kawastuang mababasa: “Si Jehovang ating Diyos ay isang Jehova.” (NW) Ang bansang Israel, na kinakausap dito, ay hindi naniwala sa Trinidad. Ang mga taga-Babilonya at mga Ehipsyo ay sumamba sa mga trinidad ng mga diyos, nguni’t nilinaw sa Israel na kakaiba si Jehova.
Mga tekstong mapagkukunan ng iba ng higit sa iisang konklusyon, depende sa salin ng Bibliyang ginagamit
Kung, ayon sa balarila, ang isang teksto ay maaaring isalin sa higit sa isang paraan, alin ang wastong pagkakasalin? Yaong kaayon sa ibang mga bahagi ng Bibliya. Kung ipagwawalang-bahala ng isa ang ibang bahagi ng Bibliya at ibabatay niya ang kaniyang paniwala sa paborito niyang pagsasalin ng isang partikular na talata, kung gayon ang pinaniniwalaan niya ay talagang nasasalalay, hindi sa Salita ng Diyos, kundi sa sarili niyang kuru-kuro o marahil sa kuru-kuro ng ibang di-sakdal na tao.
Ang RS ay kababasahan ng: “Nang pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. Siya’y kasama ng Diyos nang pasimula.” (Ang KJ, Dy, JB, NAB ay gumagamit ng nakakatulad na pangungusap.) Nguni’t ang NW ay kababasahan ng: “Noong pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay isang diyos. Noong pasimula ang isang ito’y kasama ng Diyos.”
Aling salin ng Juan 1:1, 2 ang kaayon ng konteksto? Sinasabi ng Juan 1:18: “Walang taong nakakita kailanman sa Diyos.” Maliwanag na sinasabi ng Ju 1 talatang 14 na “ang Salita’y naging laman at tumahan sa gitna natin . . . nakita natin ang kaniyang kaluwalhatian.” Gayundin, sinasabi ng Ju 1 talatang 1, 2 na noong pasimula siya’y “kasama ng Diyos.” Maaari bang ang kasama mo ay ikaw pa rin? Sa Juan 17:3, tinawag ni Jesus ang kaniyang Ama na “iisang Diyos na tunay”; kaya, bilang “isang diyos,” si Jesus ay naglalarawan lamang sa banal na mga katangian ng kaniyang Ama.—Heb. 1:3.
Kaayon ba ng balarilang Griyego ang pagsasalin na “isang diyos”? Ang ilang mga aklat na reperensiya ay naggigiit na ang tekstong Griyego ay dapat isalin na, “Ang Salita ay Diyos.” Nguni’t hindi lahat ay sang-ayon dito. Sa kaniyang artikulong “Qualitative Anarthrous Predicate Nouns: Mark Mr 15:39 and John Ju 1:1,” sinabi ni Philip B. Harner na ang mga sugnay na gaya niyaong nasa Juan 1:1, “na may panaguring anarthrous [walang pantukoy] ay nagkakaroon ng pantanging kahulugan kapag sinusundan ng pandiwa. Ipinahihiwatig nito na ang logos ay nagtataglay ng kalikasan ng theos.” Iminumungkahi niya: “Marahil ang sugnay ay dapat isaling, ‘ang Salita ay nagtataglay ng kalikasan na nakakatulad ng sa Diyos.’ ” (Journal of Biblical Literature, 1973, pp. 85, 87) Kaya, sa tekstong ito, lubhang makahulugan na sa ikalawang paglitaw nito, ang salitang the·osʹ ay hindi nagtataglay ng tiyak na pantukoy (ho) na inilalagay sa unahan ng pandiwa sa Griyegong pangungusap. Kawiliwiling pansinin, ang mga nagpipilit sa pagsasalin ng Juan 1:1 bilang “Ang Salita ay Diyos,” ay hindi nag-aatubili sa paggamit ng pantukoy na hindi-tiyak (isang) sa pagsasalin nila ng ibang talata na kung saan ang isahang pangngalang panaguri na anarthrous ay lumilitaw sa unahan ng pandiwa.” Kaya sa Juan 6:70, ang JB at KJ ay kapuwa tumutukoy kay Judas Iscariote bilang “isang diyablo,” at sa Juan 9:17 si Jesus ay inilalarawan ng mga ito bilang “isang propeta.”
Si John L. McKenzie, S.J., sa kaniyang Dictionary of the Bible, ay nagsasabi: “Ang Jn 1:1 ay dapat talagang isalin na ‘ang salita ay kasama ng Diyos [= ang Ama], at ang salita ay banal.’ ”—(Siya ang naglagay ng panaklong. Nilathala na may nihil obstat at imprimatur.) (Nueba York, 1965), p. 317.
Kaayon ng nasa itaas, ang AT ay kababasahan ng: “ang Salita ay banal”; Mo, “ang Logos ay banal”; NTIV, “ang salita ay isang diyos.” Sa salin niyang Aleman si Ludwig Thimme ay gumamit ng pananalitang: “isang uri ng Diyos ang Salita.” Ang pagtukoy sa Salita (na naging si Jesu-Kristo) bilang “isang diyos” ay kasuwato ng paggamit sa terminong iyon sa ibang bahagi ng Kasulatan. Halimbawa, sa Awit 82:1-6 ang mga hukom sa Israel ay tinukoy bilang “mga diyos” (Hebreo, ’elo·himʹ; Griyego, the·oiʹ, sa Juan 10:34) sapagka’t sila’y mga kinatawan ni Jehova at pinag-utusang salitain ang kaniyang utos.
Tingnan din ang apendise ng NW, 1984 edisyong may Reperensiya, p. 1579.
Ang RS ay kababasahan ng: “Sinabi sa kanila ni Jesus, ‘Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, bago ipinanganak si Abraham, ay ako nga [Griyego, e·goʹ ei·miʹ].’ ” (Ang NE, KJ, TEV, JB, NAB ay pawang kababasahan ng “ako nga,” at ang iba’y gumagamit pa man din ng malalaking titik upang ipaunawa na ito’y isang titulo. Sa gayo’y pinagsisikapan nilang iugnay ang pananalitang iyon sa Exodo 3:14, na doon, ayon sa kanilang salin, tinawag ng Diyos ang kaniyang sarili sa titulong “Ako Nga.”) Nguni’t, sa NW ang huling bahagi ng Juan 8:58 ay kababasahan ng: “Bago umiral si Abraham, ay umiral na ako.” (Ang gayon ding diwa ay ipinahihiwatig ng pananalitang ginagamit sa AT, Mo, CBW, at SE.)
Aling pagsasalin ang kaayon ng konteksto? Ang tanong ng mga Judio (Ju 8 talatang 57) na sinasagot ni Jesus ay may kaugnayan sa edad niya, hindi sa pagkakakilanlan. Makatuwiran lamang kung gayon na ang sagot ni Jesus ay may kaugnayan sa kaniyang edad, kung gaanong katagal siya umiral. Kapansinpansin na hindi kailanmang pinagsisikapang ikapit ang e·goʹ ei·miʹ bilang titulo sa banal na espiritu.
Sinasabi ng A Grammar of the Greek New Testament in the Light of Historical Research, ni A. T. Robertson: “Ang pandiwa [ei·miʹ] . . . Kung minsan ito’y ginagamit bilang panaguri upang magpahiwatig ng pag-iral, gaya ng ibang pandiwa, tulad sa [e·goʹ ei·miʹ] (Jn.Ju 8:58).”—Nashville, Tenn.; 1934, p. 394.
Tingnan din ang apendise ng NW, 1984 edisyong may Reperensiya, p. 1582, 1583.
Ang JB ay kababasahan ng: “Bantayan ninyo ang inyong mga sarili at ang buong kawan, kung saan ginawa kayo ng Banal na Espiritu na mga tagapangasiwa, upang pakanin ang Iglesiya ng Diyos na kaniyang binili ng kaniyang sariling dugo.” (Ang KJ, Dy, NAB ay gumagamit ng kahawig na pananalita.) Nguni’t, sa NW ang huling bahagi ng talata ay kababasahan ng: “dugo ng kaniyang sariling [Anak].” (Ang TEV ay kahawig nito. Bagama’t ang RS na nilimbag noong 1953 ay kababasahan ng “ng kaniyang sariling dugo,” ang edisyon ng 1971 ay kababasahan ng “ng dugo ng kaniyang sariling Anak.” Ang salin ng Ro at Da ay basta “ng dugo ng kaniyang sarili.”)
Aling (mga) salin ang kaayon ng 1 Juan 1:7, na nagsasabi: “Nililinis tayo ng dugo ni Jesus na anak niya [ng Diyos] sa lahat ng kasalanan”? (Tingnan din ang Apocalipsis 1:4-6.) Gaya ng binabanggit sa Juan 3:16, sinugo ba ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak, o ang Diyos ba mismo ang pumarito bilang isang tao, upang tayo’y magkaroon ng buhay? Ang ibinuhos na dugo ay hindi sa Diyos, kundi sa kaniyang Anak.
Tingnan din ang apendise ng NW, 1984 edisyong may Reperensiya, p. 1580.
Ang JB ay kababasahan ng: “Sila’y nagmula sa mga patriarka at nagmula sa kanilang laman at dugo ang Kristo, na siyang higit sa lahat, Diyos na maluwalhati magpakailanman! Siya nawa.” (Kahawig din ang KJ, Dy.) Nguni’t, sa NW ang huling bahagi ng talata ay kababasahan ng: “na sa kanila nagmula ang Kristo ayon sa laman: ang Diyos, na siyang higit sa lahat, ay maluwalhati magpakailanman. Siya nawa.” (Ang RS, NE, TEV, NAB, Mo ay gumagamit ng kahawig na pananalita sa NW.)
Sinasabi ba ng talatang ito na si Kristo ang “higit sa lahat” at samakatuwid siya ang Diyos? O ito ba’y tumutukoy sa Diyos at sa Kristo bilang magkabukod na indibiduwal at sinasabing ang Diyos ang siyang “higit sa lahat”? Aling salin sa Roma 9:5 ang kaayon ng Roma 15:5, 6, na unang nagpapakita na magkaiba ang Diyos at si Kristo Jesus at pagkatapos ay humihimok sa tagabasa na “luwalhatiin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo”? (Tingnan din ang 2 Corinto 1:3 at Efeso 1:3.) Pansinin kung ano ang kasunod sa Roma kabanata 9. Ang mga Rom 9 talatang 6-13 ay nagpapakita na ang katuparan ng layunin ng Diyos ay hindi nasasalalay sa minamana ayon sa laman kundi sa kalooban ng Diyos. Ang mga Rom 9 talatang 14-18 ay bumabanggit sa pabalita ng Diyos kay Paraon, na nakaulat sa Exodo 9:16, upang patingkarin ang bagay na ang Diyos ang higit sa lahat. Sa mga Rom 9 talatang 19-24 ang kataasan ng Diyos ay inilalarawan sa talinghaga ng magpapalyok at ang mga sisidlang putik na ginagawa niya. Napakaangkop, kung gayon, ang pananalita sa Rom 9 talatang 5: “Ang Diyos, na siyang higit sa lahat, ay maluwalhati magpakailanman. Siya nawa”!—NW.
Ang The New International Dictionary of New Testament Theology ay nagsasabi: “Pinagtatalunan ang Roma 9:5. . . . Madali at posible ayon sa wastong paggamit ng wika na ikapit ang pananalita kay Kristo. Kung gayon ang talata ay mababasa nang ganito, ‘ang Kristo na siyang Diyos na higit sa lahat ay maluwalhati magpakailanman. Siya nawa.’ Nguni’t kahit magkaganito ang salin, si Kristo ay hindi ring lubusang kapantay ng Diyos, kundi inilalarawan lamang bilang nasa anyong diyos, sapagka’t doon ang salitang theos ay walang pantukoy. . . . Ang mas makatuwirang paliwanag ay na ang pananalitang ito ay pagpuring iniuukol sa Diyos.”—(Grand Rapids, Mich.; 1976), isinalin mula sa Aleman, Tomo 2, p. 80.
Tingnan din ang apendise ng NW, 1984 edisyong may Reperensiya, p. 1580, 1581.
Ang KJ ay kababasahan ng: “Magkaroon kayo ng pag-iisip na ito, na kay Kristo Jesus din naman: Na siya, yamang nasa anyong Diyos, ay hindi niya inaring pag-agaw ang maging kapantay sa Diyos.” (Gayon din ang pananalita sa Dy. Sa JB ay: “hindi niya pinanghawakan ang pagkapantay niya sa Diyos.”) Nguni’t, sa NW ang huling bahagi ng talatang iyan ay kababasahan ng: “Na siya, bagama’t nasa anyong Diyos, ay hindi nagpanukala ng pag-agaw [Griyego, har·pag·monʹ], alalaong baga’y, na siya’y maging kapantay ng Diyos.” (Gayon din ang diwang ipinakikita ng RS, NE, TEV, NAB.)
Aling diwa ang kaayon ng konteksto? Sa Fil 2 talatang 5 ay pinapayuhan ang mga Kristiyano na tularan si Kristo sa bagay na pinag-uusapan dito. Maaari ba silang himukin na ariing ‘hindi pag-agaw,’ kundi karapatan nila, “ang maging kapantay sa Diyos”? Hindi nga! Nguni’t, maaari nilang tularan ang isa na “hindi nagpanukala ng pag-agaw, alalaong baga’y, na siya’y maging kapantay ng Diyos.” (NW) (Ihambing ang Genesis 3:5.) Ang gayon pagkasalin ay kaayon ni Jesu-Kristo mismo, na nagsabi: “Ang Ama ay lalong dakila kaysa akin.”—Juan 14:28.
Ang The Expositor’s Greek Testament ay nagsasabi: “Wala kaming makitang teksto na doon ang [har·paʹzo] o alinman sa mga salitang kinuha doon [kasama ang har·pag·monʹ] ay may diwang ‘nanghahawakan,’ ‘pinananatili’. Tila lagi itong nangangahulugan ng ‘agawin,’ ‘sambilatin.’ Kaya hindi tama na baguhin ang wastong kahulugan na ‘agawin’ upang maging ‘nanghahawakan,’ na halos kabaligtaran ang diwa.”—(Grand Rapids, Mich.; 1967), pinatnugutan ni W. Robertson Nicoll, Tomo III, p. 436, 437.
Ang KJ ay kababasahan ng: “Sa kaniya [kay Kristo] nananahan ang buong kapuspusan ng pagka-Diyos [Griyego, the·oʹte·tos].” (May kahawig na diwa ang mga salin sa NE, RS, JB, NAB, Dy.) Nguni’t, ang NW ay kababasahan ng: “Sa kaniya nananahan ang buong kapuspusan ng kabanalan.” (Ang AT, We, at CKW ay nagsasabing “kaanyuan ng Diyos,” sa halip na “pagka-Diyos.” Ihambing ang 2 Pedro 1:4.)
Totoo na iba’t iba ang pagpapakahulugan sa Colosas 2:9. Nguni’t alin ang kaayon ng ibang bahagi ng kinasihang sulat sa mga taga-Colosas? Taglay ba ni Jesus sa kaniyang sarili ang isang bagay na parang naninirahan sa kaniya sapagka’t siya’y Diyos, bahagi ng Trinidad? O ang “kapuspusan” bang nasa kaniya ay bagay na naging kaniya dahil sa kapasiyahan ng iba? Ang Colosas 1:19 (KJ, Dy) ay nagsasabi na ang buong kapuspusan ay nanahan kay Kristo sapagka’t ito’y “nakalulugod sa Ama.” Sinasabi ng NE na ito’y “minagaling ng Diyos.”
Pansinin ang mismong konteksto ng Colosas 2:9: Sa Col 2 talatang 8, binababalaan ang mga mambabasa na huwag silang padaya sa mga nagtataguyod ng pilosopiya at sali’t saling sabi ng mga tao. Sinasabihan din sila na si Kristo “ang kinatataguan ng lahat ng mga kayamanan ng karunungan at kaalaman” at hinihimok sila na “mamuhay na gaya niya” na “nauugat at natatayo sa kaniya, at matibay sa pananampalataya.” (Mga Col 2 talatang 3, 6, 7) Nasa kaniya, at hindi sa mga nagpapasimuno o nagtuturo ng pilosopiya ng tao, ang mahalagang “kapuspusan.” Sinasabi ba ni apostol Pablo doon na ang “kapuspusang” na kay Kristo ay nangangahulugang si Kristo ay ang Diyos mismo? Hindi, ayon sa Colosas 3:1, na doon si Kristo ay sinabing “nakaupo sa kanan ng Diyos.”—Tingnan ang KJ, Dy, TEV, NAB.
Ayon sa Greek-English Lexicon ni Liddell at Scott, ang the·oʹtes (ang nominative form, na pinagkunan ng the·oʹte·tos) ay nangangahulugang “dibinidad, anyong diyos.” (Oxford, 1968, p. 792) Ang pagiging “dibinidad,” o sa “anyong diyos” ni Jesus ay hindi nangangahulugan na, bilang Anak ng Diyos, siya’y kapantay ng Ama sa kapangyarihan at pagkawalang-hanggan, kung paano ang pagtataglay ng lahat ng tao ng “humanidad” o “anyong tao” ay hindi nangangahulugan na sila’y magkakapantay o magkakaedad.
Mababasa sa RS: “Na hinihintay ang ating pinagpalang pag-asa, ang pagpapakita ng kaluwalhatian ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo.” (May katulad na pananalita sa NE, TEV, JB.) Nguni’t, ang NW ay kababasahan ng: “samantalang ating hinihintay ang maligayang pag-asa at maluwalhating kapahayagan ng dakilang Diyos at ng Tagapagligtas sa atin, si Kristo Jesus.” (Kahawig din ang salin ng NAB.)
Aling salin ang kaayon ng Tito 1:4, na tumutukoy sa “Diyos Ama at kay Kristo Jesus na Tagapagligtas natin”? Bagama’t ang Diyos ay tinutukoy din ng mga Kasulatan bilang isang Tagapagligtas, maliwanag na ipinakikita ng tekstong ito ang pagkakaiba niya kay Kristo Jesus, na siyang ginagamit ng Diyos upang maglaan ng kaligtasan.
May nangangatuwiran na ang Tito 2:13 ay nagpapahiwatig na si Kristo ay kapuwa Diyos at Tagapagligtas. Kapansinpansin, ang RS, NE, TEV, JB ay nagsasalin ng Tito 2:13 sa paraang maaaring unawain nang gayon, nguni’t hindi nila sinusunod ang paraang ito sa pagsasalin nila ng 2 Tesalonika 1:12. Si Henry Alford, sa The Greek Testament, ay nagsasabi: “Aking masasabi na [ang salin na maliwanag na ipinakikita ang pagkakaiba ng Diyos at ni Kristo, sa Tito 2:13] ay tumutugon sa lahat ng kahilingan ng balarila sa pangungusap na iyon: na ito ang malamang na totoo batay sa kayarian at sa konteksto, at higit na kasuwato ng paraan ng pagkasulat ng Apostol.”—(Boston, 1877), Tomo III, p. 421.
Tingnan din ang apendise ng NW, 1984 edisyong may Reperensiya, p. 1581, 1582.
Ang RS ay kababasahan ng: “Tungkol sa Anak ay sinasabi niya, ‘Ang iyong luklukan, O Diyos, ay magpakailan kailan man.’ ” (Ang KJ, NE, TEV, Dy, JB, NAB ay may kahawig na salin.) Nguni’t, ang NW ay kababasahan ng: “Nguni’t may kaugnayan sa Anak: ‘Ang Diyos ang iyong luklukan magpakailan kailan man.’ ” (Gayon din ang diwa ng AT, Mo, TC, By.)
Aling salin ang umaayon sa konteksto? Ang naunang mga talata ay nagsasabi na ang Diyos ay nagsasalita, hindi na siya ang kinakausap; at ang sumunod na talata ay gumagamit ng pananalitang “ang Diyos, ang Diyos mo,” na nagpapakita na ang kinakausap ay hindi ang Kataastaasang Diyos kundi isang mananamba ng Diyos na iyan. Sumisipi ang Hebreo 1:8 mula sa Awit 45:6, na unang pinatutungkol sa isang hari sa Israel. Tiyak na hindi inisip ng manunulat ng awit na iyan sa Bibliya na ang haring ito ay ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Sa halip, ang sinasabi sa Awit 45:6, sa RS, ay “Ang banal mong luklukan.” (Ang sinasabi ng NE ay, “Ang luklukan mo ay gaya ng luklukan ng Diyos.” Sa JP [talatang 7]: “Ang iyong luklukang ibinigay ng Diyos.”) Si Solomon, na maaaring siya ang haring unang kinakausap sa Awit 45, ay sinabing nakaupo “sa luklukan ni Jehova.” (1 Cron. 29:23, NW) Kaayon ng bagay na ang Diyos ang “luklukan,” o Pinagmulan at Tagapagtaguyod ng paghahari ni Kristo, ipinakikita ng Daniel 7:13, 14 at Lucas 1:32 na ang Diyos ang nagkaloob ng gayong kapamahalaan sa kaniya.
Sinisipi ng Hebreo 1:8, 9 ang Awit 45:6, 7, na tungkol dito ay sinasabi ng iskolar ng Bibliya na si B. F. Westcott: “Ang LXX. ay nagpapahintulot sa dalawang kahulugan: Ang [ho the·osʹ] ay maaaring ipangahulugan bilang siyang kinakausap sa dalawang paggamit nito (Ang luklukan Mo, O Diyos, . . . kaya, O Diyos, ang Diyos Mo . . . ) o maaaring ipangahulugan bilang simuno (o panaguri) sa unang paggamit (Ang Diyos ang Iyong luklukan, o Ang luklukan Mo ay ang Diyos . . . ), at bilang panumbas [ho the·osʹ sou] sa ikalawang paggamit (Kaya ang Diyos, maging ang Diyos Mo . . . ). . . . Hindi posible na ang [’Elo·himʹ] sa orihinal ay maipatungkol sa hari. Kaya hindi inaalalayan ng pangangatuwiran ang paniniwala na ang [ho the·osʹ] ay tumutukoy sa isang kinakausap sa LXX. Kaya ang tila pinakamabuting gamitin sa unang sugnay ay ang salin na: Ang Diyos ang Iyong luklukan (o, Ang luklukan Mo ay ang Diyos), na ang ibig sabihin ay ‘Ang kaharian Mo ay nasasalig sa Diyos, ang di-matitinag na Bato.’ ”—The Epistle to the Hebrews (Londres, 1889), p. 25, 26.
Ang KJ ay kababasahan ng: “May tatlong nagpapatotoo sa langit, ang Ama, ang Salita, at ang Banal na Espiritu: at ang tatlong ito ay iisa. At may tatlong nagpapatotoo sa lupa, ang espiritu, at ang tubig, at ang dugo: at ang tatlong ito ay iisa.” (Isinasama din ng Dy ang Trinitaryong mga pananalitang ito.) Nguni’t, hindi isinasama ng NW ang mga salitang “sa langit, ang Ama, ang Salita, at ang Banal na Espiritu: at ang tatlong ito ay iisa. At may tatlong nagpapatotoo sa lupa.” (Hindi ring isinasama ang Trinitaryong mga pananalita ng RS, NE, TEV, JB, NAB.)
Tungkol sa Trinitaryong pananalitang ito, ang manunuri ng teksto na si F. H. A. Scrivener ay sumulat: “Hindi kami kailangang mag-atubili sa pagpapahayag ng aming paniniwala na ang pinagtatalunang mga salitang ito ay hindi isinulat ni San Juan: na ang mga ito ay unang ipinasok sa mga kopyang Latin sa Aprika mula sa margin, na doon inilagay bilang taimtim at kinikilalang komentaryo sa 1Ju 5 tal. 8: na mula sa Latin ang mga ito ay naisingit sa dalawa o tatlong Griyegong mga codex noong bandang huli, at mula dito ay naipasok sa nakalimbag na tekstong Griyego, na doon ay wala sanang karapatan ang mga ito.”—A Plain Introduction to the Criticism of the New Testament (Cambridge, 1883, ikatlong ed.), p. 654.
Tingnan din ang talababa sa mga talatang ito sa JB, at sa apendise ng NW, 1984 edisyong may Reperensiya, p. 1580.
Ibang pang mga teksto na inaangkin ng mga Trinitaryong naglalaman ng mga elemento ng kanilang turo
Pansinin na ang una sa mga tekstong ito ay tumutukoy lamang sa Anak; ang ikalawa ay tumutukoy kapuwa sa Ama at sa Anak; wala sa kanilang tumutukoy sa Ama, Anak at Banal na Espiritu at nagsasabing sila’y bumubuo ng iisang Diyos.
Sa kaniyang sinabi dito, ibig bang sabihin ni Jesus na kaniyang bubuhayin ang kaniyang sarili mula sa mga patay? Ibig bang sabihin nito na si Jesus ay Diyos, dahil sa sinasabi ng Gawa 2:32, “Ang Jesus na ito ay binuhay-muli ng Diyos”? Hindi nga. Ang gayong pangmalas ay magiging salungat sa Galacia 1:1, na nagsasabing ang bumuhay kay Jesus ay ang Ama, hindi ang Anak. Sa nakakatulad na pananalita, sa Lucas 8:48 si Jesus ay nagsabi sa isang babae: “Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Pinagaling ba niya ang kaniyang sarili? Hindi; ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo ang nagpagaling sa kaniya dahil sa kaniyang pananampalataya. (Luc. 8:46; Gawa 10:38) Gayundin, dahil sa kaniyang sakdal na pagkamasunurin bilang tao, si Jesus ay naglaan ng moral na saligan upang siya’y buhaying-muli ng kaniyang Ama, sa gayo’y kinikilala si Jesus bilang Anak ng Diyos. Dahil sa tapat na pamumuhay ni Jesus, may kawastuang masasabi na si Jesus mismo ang may pananagutan para sa kaniyang pagkabuhay-muli.
Sinasabi ni A. T. Robertson sa Word Pictures in the New Testament: “Tandaan ang [Juan] 2:19 na doon sinabi ni Jesus: ‘At aking itatayo sa tatlong araw.’ Hindi niya ibig sabihin na kaniyang bubuhayin ang kaniyang sarili mula sa mga patay at hindi dahil sa pagkilos ng Ama (Roma 8:11).”—(Nueba York, 1932), Tomo V, p. 183.
Nang sinabi niyang, “Ako at ang Ama ay iisa,” ang ibig bang sabihin ni Jesus na sila’y magkapantay? Sinasabi ng ilang mga Trinitaryo na gayon nga. Nguni’t sa Juan 17:21, 22, idinalangin ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Upang silang lahat ay maging isa,” at idinagdag pa niya, “upang sila’y maging isa, na gaya naman natin na iisa.” Ginamit niya ang gayunding Griyegong salitang (hen) para sa “isa” sa lahat ng pagkakataong ito. Maliwanag na hindi nagiging bahagi ng Trinidad ang lahat ng mga alagad ni Jesus. Nguni’t sila’y nakikibahagi sa Ama at sa Anak sa pagkakaisa ng layunin, at ito ang uri ng pagkakaisang umiiral sa pagitan ng Diyos at ni Kristo.
Ano ang nagiging kalagayan niyaong mga nanghahawakan sa turo ng Trinidad?
Inilalagay sila sa isang totoong mapanganib na kalagayan. Hindi mapabubulaanan ang katibayan na ang turo ng Trinidad ay hindi masusumpungan sa Bibliya, ni kaayon ito sa itinuturo ng Bibliya. (Tingnan ang naunang mga pahina.) Nagbibigay ito ng maling-maling paglalarawan hinggil sa tunay na Diyos. Gayunma’y sinabi ni Jesu-Kristo: “Dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagka’t hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya. Ang Diyos ay espiritu, at ang mga sa kaniya’y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23, 24, RS) Kaya niliwanag ni Jesus na yaong mga sumasamba na hindi ‘sa katotohanan,’ at hindi kaayon ng katotohanang itinuturo sa Salita mismo ng Diyos, ay hindi “mga tunay na mananamba.” Sa mga relihiyosong pinunong Judio ng unang siglo ay sinabi ni Jesus: “Niwalan ninyong kabuluhan ang salita ng Diyos dahil sa inyong sali’t saling sabi. Kayong mga mapagpaimbabaw! Mabuti ang pagkahula sa inyo ni Isaias, nang kaniyang sinabi: ‘Ang bayang ito’y iginagalang ako ng kanilang mga labi, nguni’t ang kanilang puso ay malayo sa akin; walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, na nagtuturo ng kanilang pinaka-aral ang mga utos ng mga tao.’ ” (Mat. 15:6-9, RS) Ito’y maikakapit nang may gayunding puwersa sa mga nasa Sangkakristiyanuhan ngayon na nagtataguyod ng sali’t saling sabi ng mga tao sa halip na ang malinaw na mga katotohanan ng Bibliya.
Tungkol sa Trinidad, ang Athanasian Creed (sa Ingles) ay nagsasabi na ang mga bumubuo nito ay “incomprehensible” o “hindi mauunawaan.” Madalas na sinasabi ng mga nagtuturo ng doktrinang ito na ito’y isang “hiwaga.” Maliwanag na hindi ang gayong uri ng Trinitaryong Diyos ang nasasaisip ni Jesus nang sabihin niya: “Sinasamba namin ang nalalaman namin.” (Juan 4:22, RS) Talaga bang nakikilala ninyo ang Diyos na inyong sinasamba?
Maseselang na katanungan ang napapaharap sa bawa’t isa sa atin: Mahal ba nating talaga ang katotohanan? Hangad ba natin ang isang sinang-ayunang kaugnayan sa Diyos? Hindi lahat ay may tunay na pagmamahal sa katotohanan. Inuuna ng marami ang pagsang-ayon ng kanilang mga kamag-anak at kasamahan kaysa pag-ibig nila sa katotohanan at sa Diyos. (2 Tes. 2:9-12; Juan 5:39-44) Nguni’t, gaya ng sinabi ni Jesus sa taimtim na panalangin sa kaniyang makalangit na Ama: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang pagkuha nila ng kaalaman tungkol sa iyo, ang iisang Diyos na tunay, at sa iyong sinugo na si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3, NW) At may katotohanang sinasabi ng Awit 144:15: “Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!”—NW.
Kung May Magsasabi—
‘Naniniwala ba kayo sa Trinidad?’
Maaari kayong sumagot: ‘Iyan ay laganap na paniniwala sa panahon natin. Nguni’t alam ba ninyo na hindi ito ang itinuturo ni Jesus at ng kaniyang mga alagad? Kaya, ang aming sinasamba ay ang Isa na sinabi ni Jesus na dapat sambahin.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Sa pagtuturo ni Jesus, ito ang sinabi niyang pinakadakilang utos . . . (Mar. 12:28-30).’ (2) ‘Kailanman ay hindi inangkin ni Jesus na siya’y kapantay ng Diyos. Ang sinabi niya . . . (Juan 14:28).’ (3) ‘Kung gayon, ano ang pinagmulan ng turo ng Trinidad? Pansinin ang sinasabi ng mga kilalang encyclopedia hinggil dito. (Tingnan ang mga pahina 413, 414.)’
O maaari ninyong sabihin: ‘Hindi, hindi po ako naniniwala sa Trinidad. Alam ninyo, may mga teksto sa Bibliya na hindi ko maitutugma sa turong iyan. Narito ang isa. (Mat. 24:36) Baka kaya ninyong ipaliwanag ito sa akin.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Kung ang Anak ay kapantay ng Ama, bakit may alam ang Ama na hindi alam ng Anak?’ Kung ang sagot nila ay na totoo lamang ito noong siya’y nasa anyong tao, maitatanong mo: (2) ‘Nguni’t bakit hindi alam ng banal na espiritu?’ (Kung may taimtim na interes sa katotohanan ang iyong kausap, ipakita sa kaniya kung ano ang aktuwal na sinasabi ng mga Kasulatan hinggil sa Diyos. (Awit 83:18; Juan 4:23, 24)
Isa pang posibilidad: ‘Naniniwala po kami kay Jesu-Kristo nguni’t hindi sa Trinidad. Bakit? Sapagka’t ang paniniwala namin ay tulad ng paniniwala ni apostol Pedro tungkol kay Kristo. Pansinin ang kaniyang sinabi . . . (Mat. 16:15-17).’
Isang karagdagang mungkahi: ‘Napansin ko na hindi pare-pareho ang nasasaisip ng tao pagka Trinidad ang pinag-uusapan. Baka madali kong masagot ang tanong ninyo kung malalaman ko ang pagkaunawa ninyo doon.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Salamat sa inyong paliwanag. Nguni’t ang pinaniniwalaan ko ay iyon lamang itinuturo ng Bibliya. Nakakita po ba kayo ng salitang “Trinidad” sa Bibliya? . . . . (Ipakita ang konkordansiya sa Bibliya mo.) Nguni’t si Kristo ba’y binanggit sa Bibliya? . . . Oo, at naniniwala kami sa kaniya. Pansinin dito sa konkordansiya sa ilalim ng “Kristo” na ang isa sa mga reperensiya ay ang Mateo 16:16. (Basahin ito.) Iyan ang aking pinaniniwalaan.’
O maaari kayong sumagot (lalo na kung ang binigyang pansin ng tao ay ang Juan 1:1): ‘Alam ko ang talatang iyan. Sinasabi ng ilang mga salin ng Bibliya na si Jesus ay “Diyos,” samantalang sinasabi ng iba na siya’y “isang diyos.” Bakit po kaya?’ (1) ‘Ito kaya ay dahil sa sinasabi ng sumunod na talata na siya’y “kasama ng Diyos”?’ (2) ‘O kaya dahil din sa sinasabi dito sa Juan 1:18?’ (3) ‘Naisip-isip mo ba kung baga si Jesus mismo ay may sinasambang Diyos? (Juan 20:17)’
‘Naniniwala ba kayo na si Kristo ay may pagka-diyos?’
Maaari kayong sumagot: ‘Opo, naniniwala po ako. Nguni’t marahil ang nasa isip ko ay hindi tulad sa iniisip ninyo kapag sinasabing “may pagka-diyos” si Kristo.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Bakit gayon ang aking sinasabi? Buweno, sa Isaias 9:6 si Jesu-Kristo ay tinatawag na “Makapangyarihang Diyos,” nguni’t ang kaniyang Ama lamang ang tinutukoy sa Bibliya bilang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.’ (2) ‘At pansinin na sa Juan 17:3 tinawag ni Jesus ang kaniyang Ama na “iisang Diyos na tunay.” Kaya ang masasabi lamang natin ay na si Jesus ay isa lamang paglalarawan ng tunay na Diyos.’ (3) ‘Ano ang hinihiling sa atin upang makalugod sa Diyos? (Juan 4:23, 24)’