ARALING ARTIKULO 22
Patuloy na Maglakbay sa “Daan ng Kabanalan”
“Magkakaroon doon ng . . . isang daan na tinatawag na Daan ng Kabanalan.”—ISA. 35:8.
AWIT 31 Lumakad na Kasama ng Ating Diyos
NILALAMANa
1-2. Anong importanteng desisyon ang kailangang gawin ng mga Judio na nakatira sa Babilonya? (Ezra 1:2-4)
MAGANDANG balita! Matapos ang mga 70-taóng pagkabihag ng mga Judio sa Babilonya, malaya na silang bumalik sa Israel, ang sarili nilang lupain. (Basahin ang Ezra 1:2-4.) Siguradong si Jehova ang nagpangyari nito. Bakit natin nasabi iyan? Karaniwan na, hindi nagpapalaya ng mga bihag ang mga taga-Babilonya. (Isa. 14:4, 17) Pero bumagsak na ang Babilonya, at sinabi ng bagong tagapamahala na malaya nang bumalik ang mga Judio. Kailangang magdesisyon ngayon ang lahat ng Judio, lalo na ang mga ulo ng pamilya: Aalis ba sila o mananatili sa Babilonya? Bakit hindi madali ang desisyong iyan?
2 Para sa mga may-edad, magiging mahirap ang paglalakbay. At dahil sa Babilonya na ipinanganak ang karamihan sa mga Judio, maninibago sila sa Israel, kung saan tumira ang mga ninuno nila. Isa pa, posibleng may ilang Judio na yumaman sa Babilonya, kaya baka mahirapan silang iwan ang kanilang mga negosyo at komportableng bahay.
3. Anong pagpapala ang pinapanabikan ng tapat na mga Judio sa pagbabalik nila sa Israel?
3 Para sa tapat na mga Judio na gustong bumalik sa Israel, mas marami ang pagpapalang tatanggapin nila kaysa sa isasakripisyo nila. Gagawin nila iyon, pangunahin na, para sa pagsamba kay Jehova. Mahigit 50 ang paganong templo sa Babilonya, pero walang templo doon si Jehova. Wala ring altar na mapaghahandugan ang mga Israelita ayon sa kahilingan ng Kautusang Mosaiko, at wala ring kaayusan sa paghahandog ang mga saserdote. Isa pa, napapaligiran ang bayan ni Jehova ng mga pagano, na walang pakialam kay Jehova at sa mga pamantayan niya. Kaya sabik na sabik ang libo-libong tapat na Judio na makabalik sa lupain nila para sa dalisay na pagsamba.
4. Ano ang ipinangako ni Jehova sa mga Judio na babalik sa Israel?
4 Mahirap ang paglalakbay mula Babilonya hanggang Israel, at aabot ito nang mga apat na buwan. Pero nangako si Jehova na aalisin niya ang mga sagabal sa paglalakbay ng mga Judio. Isinulat ni Isaias: “Hawanin ninyo ang dadaanan ni Jehova! Gumawa kayo para sa ating Diyos ng patag na lansangang-bayan sa disyerto. . . . Ang lubak-lubak na lupa ay dapat maging patag, at ang bako-bakong lupa ay dapat maging kapatagan.” (Isa. 40:3, 4) Pagpapala iyon sa mga maglalakbay! Magkakaroon ng isang patag na daan sa disyerto. Mas madali at mabilis ang maglakbay sa deretsong daan kaysa mag-akyat-baba sa mga bundok, burol, o lambak.
5. Ano ang itinawag sa daan mula Babilonya hanggang Israel?
5 Pinapangalanan ang mga literal na daan ngayon. May pangalan din ba ang makasagisag na daan na isinulat ni Isaias? Mababasa natin: “Magkakaroon doon ng lansangang-bayan, isang daan na tinatawag na Daan ng Kabanalan. Hindi dadaan doon ang marumi.” (Isa. 35:8) Ano ang ibig sabihin nito para sa mga Israelita noon at para sa atin ngayon?
“DAAN NG KABANALAN”—NOON AT NGAYON
6. Bakit tinawag na banal ang daang ito?
6 “Daan ng Kabanalan”—napakagandang pangalan! Bakit tinawag na banal ang daang ito? Dahil walang lugar sa ibinalik na bansang Israel ang sinumang “marumi”—mga Judio na namimihasa sa imoralidad, idolatriya, o iba pang malulubhang kasalanan. Ang mga babalik na Judio ay magiging isang “banal na bayan” para sa kanilang Diyos. (Deut. 7:6) Pero hindi ibig sabihin nito na wala nang gagawing pagbabago ang mga aalis sa Babilonya para mapasaya si Jehova.
7. Anong mga pagbabago ang kailangang gawin ng ilang Judio? Magbigay ng halimbawa.
7 Gaya ng binanggit kanina, sa Babilonya na ipinanganak ang karamihan sa mga Judio, at malamang na sanay na sila sa ugali at pamumuhay ng mga tagaroon. Mga ilang dekada matapos makabalik ang mga Judio sa Israel, nalaman ni Ezra na nag-asawa ang ilang Judio ng mga paganong babae. (Ex. 34:15, 16; Ezra 9:1, 2) Bukod diyan, nagulat si Gobernador Nehemias nang malaman niya na may mga bata sa Israel na hindi marunong magsalita ng wika ng mga Judio. (Deut. 6:6, 7; Neh. 13:23, 24) Paano mamahalin at sasambahin ng mga batang iyon si Jehova kung hindi sila nakakaintindi ng Hebreo—ang pangunahing wika na ginamit sa pagsulat ng Salita ng Diyos? (Ezra 10:3, 44) Malaking pagbabago ang kailangang gawin ng mga Judio na iyon. Pero mas madali nilang magagawa iyon sa Israel. Kasi unti-unti nang ibinabalik doon ang dalisay na pagsamba.—Neh. 8:8, 9.
8. Bakit dapat tayong maging interesado sa nangyari noon sa mga Judio? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
8 Baka isipin ng ilan, ‘Magandang punto iyan, pero may kinalaman ba sa atin ang nangyari sa mga Judio noon?’ Oo, kasi naglalakbay din tayo sa isang makasagisag na “Daan ng Kabanalan.” Kasama man tayo sa mga pinahiran o sa “ibang mga tupa,” kailangan nating manatili sa daang ito. Kasi dinadala tayo nito sa espirituwal na paraiso at sa mga pagpapala ng Kaharian sa hinaharap.b (Juan 10:16) Mula 1919 C.E., milyon-milyong lalaki, babae, at mga bata ang lumabas sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, at naglakbay sa “Daan ng Kabanalan.” Isa ka ba sa kanila? Binuksan ang daang ito mga 100 taon na ang nakakalipas. Pero bago noon, maraming siglo na itong inihahanda.
PAGHAHANDA SA DAAN
9. Ayon sa Isaias 57:14, anong paghahanda ang kailangang gawin sa “Daan ng Kabanalan”?
9 Tinanggal ni Jehova ang mga hadlang para sa mga Judio na umalis sa Babilonya. (Basahin ang Isaias 57:14.) Kumusta naman ang “Daan ng Kabanalan” sa panahon natin? Daan-daang taon bago 1919, gumamit si Jehova ng tapat na mga lalaki para ihanda ang daan palabas ng Babilonyang Dakila. (Ihambing ang Isaias 40:3.) Pinatag nila ang daan, wika nga, para makalabas sa Babilonyang Dakila ang tapat-pusong mga tao at makapasok sa espirituwal na paraiso, kung saan ibinalik ang dalisay na pagsamba kay Jehova. Paano inihanda ang daan? Tingnan ang ilang halimbawa.
10-11. Paano nakatulong ang pag-iimprenta at pagsasalin ng Bibliya para malaman ng marami ang itinuturo nito? (Tingnan din ang larawan.)
10 Pag-iimprenta. Bago ang kalagitnaan ng ika-15 siglo, mano-manong kinokopya ang Bibliya. Dahil matagal gawin iyon, kaunti lang at napakamahal ng nagagawang kopya noon. Pero nang maimbento na ang printing press, mas madali nang gumawa ng mga kopya ng Bibliya at ipamahagi ito.
11 Pagsasalin. Sa loob ng maraming siglo, karaniwan nang available lang ang Bibliya sa wikang Latin, na mga edukadong tao lang ang nakakaintindi. Pero nang pangkaraniwan na ang pag-iimprenta, nagpursigi ang mga taong may takot sa Diyos na isalin ang Bibliya sa mga wikang ginagamit ng mga ordinaryong tao. Kaya maikukumpara na ngayon ng mga tao ang turo ng mga lider ng relihiyon sa kung ano talaga ang sinasabi ng Bibliya.
12-13. Magbigay ng halimbawa kung paano ibinunyag ng mga nag-aaral ng Bibliya noong ika-19 na siglo ang maling mga turo.
12 Mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. Maraming natutuhan ang mga estudyante ng Bibliya sa mga nabasa nila rito. Pero maraming lider ng relihiyon ang galit na galit sa kanila. Bakit? Kasi pinalaganap nila ang mga natuklasan nila sa Salita ng Diyos. Halimbawa, noong ika-19 na siglo, may tapat na mga lalaking naglathala ng mga tract na nagbunyag sa maling mga turo ng mga relihiyon.
13 Noong mga 1835, inilathala ni Henry Grew, isang lalaking may takot sa Diyos, ang isang tract tungkol sa kalagayan ng mga patay. Gamit ang Bibliya, pinatunayan niyang regalo ng Diyos ang imortalidad at mali ang turo ng mga relihiyon na may imortal na kaluluwa ang lahat ng tao. Noong 1837, nakakita ng kopya ng tract na iyon ang ministrong si George Storrs habang nakasakay sa tren. Binasa niya iyon at nakumbinsi siya na totoo ang laman nito. Kaya itinuro niya sa iba ang natutuhan niya. Noong 1842, nagbigay siya ng magkakasunod na lecture na may temang “Isang Katanungan—Ang mga Balakyot Ba’y Imortal?” Isa sa mga nakinabang sa mga isinulat ni George Storrs ay ang kabataang si Charles Taze Russell.
14. Paano nakinabang si Brother Russell at ang mga kasamahan niya sa paghahanda sa daan na ginawa ng mga nauna sa kanila? (Tingnan din ang larawan.)
14 Paano nakinabang si Brother Russell at ang mga kasamahan niya sa paghahanda sa daan na ginawa ng mga nauna sa kanila? Habang nag-aaral sila, gumamit sila ng mga lexicon, konkordansiya, at iba’t ibang salin ng Bibliya na available na noon. Nakinabang din sila sa pag-aaral ng Bibliya nina Henry Grew, George Storrs, at ng iba pa. Tumulong din si Brother Russell at ang mga kasamahan niya sa paghahanda ng daan, dahil naglathala sila ng maraming aklat at tract na nagpapaliwanag sa Bibliya.
15. Ano ang mga importanteng pangyayari noong 1919?
15 Noong 1919, napalaya ang bayan ng Diyos mula sa Babilonyang Dakila. Nang taon ding iyon, inatasan ang “tapat at matalinong alipin” at nabuksan na ang “Daan ng Kabanalan.” (Mat. 24:45-47) Tamang-tama kasi tutulungan ng aliping ito ang mga tapat-puso na maglakbay sa daang iyon! Buti na lang, may mga naghanda na ng daan noon, kaya mas madali na para sa mga maglalakbay doon na matuto pa tungkol kay Jehova at sa layunin niya. (Kaw. 4:18) Makakapamuhay na rin sila ayon sa mga kahilingan niya. Hindi inaasahan ni Jehova na magagawa agad ng bayan niya ang lahat ng kinakailangang pagbabago. Unti-unti niya silang dinadalisay. (Tingnan ang kahong “Unti-unting Dinadalisay ni Jehova ang Bayan Niya.”) Siguradong magiging masaya tayo kapag napapasaya na natin si Jehova sa lahat ng ginagawa natin!—Col. 1:10.
BUKÁS PA RIN ANG “DAAN NG KABANALAN”
16. Mula 1919, paano pinanatiling maayos ang “Daan ng Kabanalan”? (Isaias 48:17; 60:17)
16 Ang mga literal na daan ay kailangang panatilihing maayos. Ganiyan din ang “Daan ng Kabanalan.” Mula 1919, patuloy itong inaayos para mas maraming tao ang makalabas sa Babilonyang Dakila. Sa simula pa lang, nagsikap na agad ang tapat at matalinong alipin na gawin iyon. Noong 1921, inilathala nila ang The Harp of God, isang publikasyon para sa pag-aaral sa Bibliya. Sa tulong nito, nalaman ng marami ang katotohanan. Halos anim na milyong kopya nito ang naipamahagi sa 36 na wika. Sa ngayon, ang ginagamit natin sa pagtuturo ng Bibliya ay ang bagong publikasyon na Masayang Buhay Magpakailanman. Sa mga huling araw na ito, ginagamit ni Jehova ang organisasyon niya para tuloy-tuloy na makapaglaan ng espirituwal na pagkain. Tutulong ito para manatili tayong naglalakbay sa “Daan ng Kabanalan.”—Basahin ang Isaias 48:17; 60:17.
17-18. Saan patungo ang “Daan ng Kabanalan”?
17 Kapag nagpa-Bible study ang isang tao, masasabi natin na nagkaroon siya ng pagkakataong pumasok sa “Daan ng Kabanalan.” May ilan na umalis din agad sa daang ito. Determinado naman ang iba na patuloy na maglakbay hanggang sa makarating sa destinasyon. Ano iyon?
18 Para sa mga may pag-asa sa langit, ang “Daan ng Kabanalan” ay patungo sa “paraiso ng Diyos” sa langit. (Apoc. 2:7) Para naman sa mga may pag-asa sa lupa, magiging perpekto sila pagkatapos ng 1,000 taon. Kaya magpatuloy ka lang sa paglalakbay at huwag manghinayang sa mga isinakripisyo mo. Huwag kang hihinto hangga’t hindi ka nakakarating sa bagong sanlibutan! Mag-enjoy ka sana sa paglalakbay. Ingat!
AWIT 24 Halikayo sa Bundok ni Jehova!
a Tinawag ni Jehova na “Daan ng Kabanalan” ang daan mula Babilonya hanggang Israel. May ganiyang daan din ba si Jehova sa panahon natin? Oo! Mula 1919 C.E., milyon-milyon na ang lumabas sa Babilonyang Dakila at naglakbay sa “Daan ng Kabanalan.” Dapat tayong manatili sa daang ito hanggang sa makarating tayo sa destinasyon natin.
c LARAWAN: Ginamit ni Brother Russell at ng mga kasamahan niya ang mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na available na noon.