-
Sino ang Gumawa ng mga Batas ng Uniberso?Ang Bantayan—2011 | Hulyo 1
-
-
1. Hindi ba Nagbabago ang Uniberso?
Sinasabi ni Aristotle na ang mga sphere sa uniberso ay hindi nagbabago. Ang sphere na kinalalagyan ng mga bituin, tulad din ng iba, ay hindi lumiliit o lumalaki.
Ganiyan din ba ang sinasabi ng Bibliya? Hindi; walang tuwirang sinasabi ang Bibliya hinggil dito. Pero pansinin ang paglalarawang ito: “May Isa na tumatahan sa ibabaw ng bilog ng lupa, na ang mga nananahanan doon ay gaya ng mga tipaklong, ang Isa na nag-uunat ng langit na gaya ng manipis na gasa, na naglaladlad nito na parang isang toldang matatahanan.”—Isaias 40:22.a
Alin ang mas tumutugma sa paliwanag ng siyensiya ngayon—ang modelong ginawa ni Aristotle o ang paglalarawan ng Bibliya? Ano ba ang uniberso ayon sa paliwanag ng cosmology? Sa ika-20 siglo, namangha ang mga astronomo nang malaman nilang ang uniberso ay nagbabago. Sa katunayan, lumilitaw na ang mga galaksi ay mabilis na lumalayo sa isa’t isa. Iilang siyentipiko lang noon, kung mayroon man, ang nag-isip na lumalawak ang uniberso. Sa ngayon, karamihan na ng mga cosmologist ay naniniwalang isang kumpol lang ang uniberso noong pasimula. At pagkatapos ay lumawak na ito mula noon. Sa gayon, para na ring sinasabi ng siyensiya na hindi makatuwiran ang modelo ni Aristotle.
Kumusta naman ang sinasabi ng Bibliya? Isip-isipin noon si propeta Isaias habang nakatingala sa mabituing langit na para sa kaniya ay mistulang nakaladlad na tolda.b Maaaring napansin pa nga niya na ang Milky Way ay maihahalintulad sa “manipis na gasa.”
Hinihimok tayo ng mga salita ni Isaias na gumawa ng paglalarawan sa ating isipan. Maaaring maisip natin ang isang tolda noong panahon ng Bibliya; marahil ay isang matibay na telang nakabilot na inilaladlad para maitali sa mga poste at maging tahanan. Baka maisip din natin ang isang negosyante na naglaladlad ng isang nakabilot na gasa para masuri ito ng kaniyang mamimili. Sa dalawang paglalarawang ito, may isang bagay na nakabilot na inilaladlad at nagiging malaki sa ating paningin.
Pero hindi naman natin sinasabi na ang magandang paglalarawang ito ng Bibliya ay isang paliwanag hinggil sa paglawak ng pisikal na uniberso. Gayunman, hindi ba’t kahanga-hanga na ang paglalarawan ng Bibliya tungkol sa uniberso ay tugmang-tugma sa paliwanag ng modernong siyensiya? Si Isaias ay nabuhay mahigit tatlong siglo bago ang panahon ni Aristotle at daan-daang taon bago nakapaglabas ng ebidensiya ang siyensiya tungkol sa paglawak ng uniberso. Pero ang paglalarawang isinulat ng Hebreong propetang ito ay hindi kailangang irebisa, di-gaya ng modelong ginawa ni Aristotle.
-
-
Sino ang Gumawa ng mga Batas ng Uniberso?Ang Bantayan—2011 | Hulyo 1
-
-
a Kapansin-pansin na sinasabi ng Bibliya na ang Lupa ay bilog, o sphere, gaya ng puwedeng maging salin ng Hebreong salita para dito. Ipinalagay ni Aristotle at ng iba pang Griego na ang Lupa ay pabilog, pero pinagdebatehan pa rin ito sa loob ng daan-daang taon.
-