Mga Tagapagdala ng Liwanag—Ukol sa Anong Layunin?
“Ikaw ay inilagay ko na isang ilaw sa mga bansa.”—GAWA 13:47.
1. Papaano nagkaroon ng impluwensiya kay Pablo ang utos na tinukoy sa Gawa 13:47?
“SI Jehova ay nag-utos sa atin sa mga salitang ito, ‘Ikaw ay inilagay ko na isang ilaw sa mga bansa, upang ikaw ay maging isang kaligtasan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa,’ ” ang sabi ni apostol Pablo. (Gawa 13:47) Hindi lamang niya sinabi iyan kundi kaniya ring kinilala ang kaselangan nito. Pagkatapos maging isang Kristiyano, itinalaga ni Pablo ang kaniyang buhay sa pagganap sa utos na iyan. (Gawa 26:14-20) Ang utos bang iyan ay ipinatutupad din sa atin? Kung gayon, bakit ito mahalaga sa ating kaarawan?
Nang ‘Mamatay ang Ilaw’ sa Sangkatauhan
2. (a) Samantalang pumapasok ang sanlibutan sa kaniyang panahon ng kawakasan, ano ang naganap na may matinding epekto sa espirituwal at moral na kalagayan nito? (b) Papaano naapektuhan ang isang estadista ng Britanya sa kaniyang nasaksihan noong Agosto 1914?
2 Bago isinilang ang karamihan ng mga tao na buháy ngayon, ang sanlibutang ito ay pumasok na sa kaniyang panahon ng kawakasan. Mahahalagang pangyayari ang mabilis na naganap nang sunud-sunod. Si Satanas na Diyablo, ang punong promotor ng espirituwal at moral na kadiliman, ay inihagis dito sa lupa. (Efeso 6:12; Apocalipsis 12:7-12) Ang sangkatauhan ay napabulusok na sa kaniyang unang digmaang pandaigdig. Maaga noong Agosto 1914, nang waring tiyak nang magaganap ang digmaan, si Sir Edward Grey, ang kalihim ng estado para sa mga ugnayang panlabas ng Britanya, ay nakatayo sa may bintana ng kaniyang tanggapan sa London at nagsabi: “Ang mga ilawan ay nangamamatay na sa buong Europa; hindi na natin muling makikitang nakasindi ang mga ito sa tanang buhay natin.”
3. Anong tagumpay ang natamo ng mga lider ng sanlibutan sa pagsisikap na magliwanag ang pag-asa para sa sangkatauhan?
3 Sa pagsisikap na mapabalik ang mga ilaw na iyon, ang Liga ng mga Bansa ay itinatag upang kumilos noong 1920. Subalit ang mga ilaw ay bahagyang umandap-andap. Sa katapusan ng ikalawang digmaang pandaigdig, ang mga lider ng sanlibutan ay muling nagsikap, ngayon ay sa pamamagitan ng organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa. Minsan pa, ang mga ilaw ay hindi nagliwanag nang buong kaningningan. Gayumpaman, sa liwanag ng kagaganap lamang na mga pangyayari, ang mga lider ng daigdig ay noon pa nag-uusap-usap tungkol sa “isang bagong sanlibutang kaayusan.” Subalit hindi halos masasabing ang ano mang “bagong sanlibutan” na gawa nila ay nagbigay ng tunay na kapayapaan at katiwasayan. Bagkus, digmaan, alitan ng lahi, krimen, kawalang-hanapbuhay, karalitaan, polusyon ng kapaligiran, at mga sakit ay pawang nagpapatuloy nang pagsira sa kaligayahan ng tao sa buhay.
4, 5. (a) Kailan at papaano nabalot ng kadiliman ang sangkatauhan? (b) Ano ang kailangan upang makalaya rito?
4 Ang totoo, malaon na bago pa sumapit ang 1914 ang ilaw ay namatay na para sa sangkatauhan. Iyan ay naganap sa Eden mga 6,000 taon ang lumipas, nang ipasiya ng ating unang mga magulang na gumawa ng kanilang sariling pagpapasiya nang hindi isinasaalang-alang ang ipinahayag na kalooban ng Diyos. Ang malulungkot na karanasan ng lahi ng tao sapol noon ay kaugnay ng mga pangyayari sa ilalim ng tinutukoy ng Bibliya na “ang kapamahalaan ng kadiliman.” (Colosas 1:13) Dahil sa impluwensiya ni Satanas na Diyablo nagawa ng unang tao, si Adan, na ibulusok sa kasalanan ang sanlibutan; at mula kay Adan ang kasalanan at kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao. (Genesis 3:1-6; Roma 5:12) Sa gayo’y naiwala ng sangkatauhan ang pagsang-ayon ni Jehova, ang Bukal ng liwanag at ng buhay.—Awit 36:9.
5 Ang tanging paraan upang muling mapasikat ang liwanag para sa kaninumang tao ay kung kanilang matamo ang pagsang-ayon ng Diyos na Jehova, ang Manlalalang sa tao. Kung magkagayon, “ang sakit na bumabalot sa lahat ng bayan,” ang sumpa dahilan sa kasalanan, ay maaalis. Papaano nga mangyayari ito?—Isaias 25:7.
Ang Isa na Ibinigay “Bilang Ilaw sa mga Bansa”
6. Anong dakilang mga pagkakataon ang pinangyari ni Jehova para sa atin sa pamamagitan ni Jesu-Kristo?
6 Kahit na bago palabasin sa Paraiso sina Adan at Eva, inihula ni Jehova ang isang “binhi” na magliligtas sa mga umiibig sa katuwiran. (Genesis 3:15) Pagkatapos maisilang bilang tao ang ipinangakong Binhing iyan, pinapangyari ni Jehova na magsalita ang matanda nang si Simeon, sa templo sa Jerusalem, upang ipakilala ang isang iyon bilang “ilaw para sa pag-aalis ng lambong ng mga bansa.” (Lucas 2:29-32) Sa pamamagitan ng pananampalataya sa paghahain ng sakdal na buhay-tao ni Jesus, ang mga tao ay makalalaya na buhat sa sumpa na bunga ng likas na kasalanan. (Juan 3:36) Kasuwato ng kalooban ni Jehova, sila’y makaaasa ngayon na tatanggap ng buhay na walang-hanggan sa kasakdalan bilang bahagi ng makalangit na Kaharian o bilang mga sakop nito sa isang lupang paraiso. Anong kahanga-hangang paglalaan nga iyan!
7. Bakit kapuwa ang mga pangako sa Isaias 42:1-4 at ang mga katuparan noong unang siglo ay nagbibigay sa atin ng pag-asa?
7 Si Jesu-Kristo ang garantiya ng katuparan ng dakilang mga pagkakataong ito. May kaugnayan sa pagpapagaling ni Jesus sa mga may karamdaman, sa kaniya’y ikinapit ni apostol Mateo ang nasusulat sa Isaias 42:1-4. Ang mga kasulatang iyan ay nagsasabi, sa isang bahagi: “Narito! Ang aking lingkod, na aking inaalalayan! Ang aking hinirang, na kinalulugdan ng aking kaluluwa! Inilagay ko sa kaniya ang aking espiritu. Siya’y maglalapat ng katarungan sa mga bansa.” At hindi ba ito ang kailangan ng mga tao sa lahat ng bansa? Ang hula ay nagpapatuloy: “Siya’y hindi hihiyaw o maglalakas man ng kaniyang tinig, at sa lansangan ay hindi maririnig ang kaniyang tinig. Ang gapok na tambo ay hindi niya babaliin; at ang aandap-andap na mitsang lino na umuusok ay hindi niya papatayin.” Kasuwato nito, si Jesus ay hindi nakitungo nang may karahasan sa mga taong nahihirapan na. Siya’y nahabag sa kanila, tinuruan sila tungkol sa mga layunin ni Jehova, at pinagaling sila.—Mateo 12:15-21.
8. Sa anong diwa ibinigay ni Jehova si Jesus “bilang isang tipan sa mga tao” at “bilang ilaw ng mga bansa”?
8 Ang Maybigay ng hulang ito ay nakikipag-usap sa kaniyang Lingkod, kay Jesus, at nagsasabi: “Ako, si Jehova, ang tumawag sa iyo sa katuwiran, at hinawakan kita sa iyong kamay. At iingatan kita at ibibigay kita na isang tipan sa mga tao, bilang ilaw ng mga bansa, upang magdilat ng bulag na mga mata, upang maglabas ng bilanggo sa piitan, upang ilabas sa bahay-piitan ang nangauupo sa kadiliman.” (Isaias 42:6, 7) Oo, si Jesu-Kristo ay ibinigay ni Jehova bilang isang tipan, bilang isang mahalagang garantiya ng pangako. Anong laking pampatibay-loob iyan! Si Jesus ay nagpakita ng tunay na pagkabahala sa kapakanan ng sangkatauhan nang siya’y narito sa lupa; ibinigay pa nga niya maging ang kaniyang buhay para sa sangkatauhan. Ito ang isa na pinagkatiwalaan ni Jehova ng paghahari sa lahat ng bansa. Hindi nga kataka-takang tukuyin siya ni Jehova bilang ilaw sa mga bansa. Si Jesus mismo ay nagsabi: “Ako ang ilaw ng sanlibutan.”—Juan 8:12.
9. Bakit hindi itinalaga ni Jesus ang kaniyang sarili sa pagpapahusay sa umiiral noon na sistema ng mga bagay?
9 Sa anong layunin nagsilbi si Jesus bilang ilaw ng sanlibutan? Tunay na hindi para sa anumang makasanlibutan o materyalistikong layunin. Siya’y tumangging subukan man lamang na ituwid ang noon ay umiiral na sistemang makapulitika at hindi tinanggap ang paghahari buhat kay Satanas, ang tagapamahala ng sanlibutan, o buhat sa mga tao. (Lucas 4:5-8; Juan 6:15; 14:30) Si Jesus ay nagpakita ng malaking habag sa mga naghihirap at sila’y binigyan ng kaginhawahan sa mga paraan na hindi magagawa ng iba. Subalit batid niya na ang permanenteng kaginhawahan ay hindi matatamo kung dito lamang aasa sa lipunan ng tao na nasa ilalim ng sumpa ng Diyos dahilan sa likas na kasalanan at minamaneobra ng di-nakikitang hukbo ng masasamang espiritu. Taglay ang bigay-Diyos na unawa, ang kaniyang buong buhay ay itinalaga ni Jesus sa paggawa ng kalooban ng Diyos.—Hebreo 10:7.
10. Sa anong mga paraan at ukol sa anong layunin nagsilbi si Jesus na ilaw ng sanlibutan?
10 Sa anong mga paraan at ukol sa anong layunin, kung gayon, nagsilbi si Jesus na ilaw ng sanlibutan? Kaniyang itinalaga ang kaniyang sarili sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Lucas 4:43; Juan 18:37) Sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa katotohanan tungkol sa layunin ni Jehova, ang pangalan ng kaniyang makalangit na Ama ay niluwalhati rin ni Jesus. (Juan 17:4, 6) Isa pa, bilang ang ilaw ng sanlibutan, ang mga relihiyosong kabulaanan ay ibinunyag ni Jesus at sa gayo’y pinangyari ang espirituwal na kalayaan para sa mga nasa relihiyosong pagkabilanggo. Kaniyang ibinunyag si Satanas bilang ang di-nakikitang tagapagmaneobra ng mga taong nagpapagamit sa kaniya. Ang mga gawa ng kadiliman ay malinaw na ipinakilala rin ni Jesus. (Mateo 15:3-9; Juan 3:19-21; 8:44) Higit sa lahat, kaniyang pinatunayan na siya ang ilaw ng sanlibutan sa pamamagitan ng paghahandog ng kaniyang sakdal na buhay-tao bilang isang pantubos, sa gayo’y binubuksan ang daan para sa mga sumasampalataya sa paglalaang ito upang patawarin ang mga kasalanan, magkaroon ng sinang-ayunang kaugnayan sa Diyos, at ng pag-asang magtamo ng buhay na walang-hanggan bilang bahagi ng pansansinukob na pamilya ni Jehova. (Mateo 20:28; Juan 3:16) At sa wakas, sa pananatiling may sakdal na debosyon sa Diyos sa buong buhay niya, ang soberanya ni Jehova ay itinaguyod ni Jesus at pinatunayang sinungaling ang Diyablo, sa gayo’y pinangyaring magtamo ng walang-hanggang mga pagpapala ang mga umiibig sa katuwiran. Subalit si Jesus ba lamang ang magiging tagapagdala ng ilaw?
“Kayo ang Ilaw ng Sanlibutan”
11. Upang sila’y maging mga tagapagdala ng liwanag, ano ang kailangang tuparin ng mga alagad ni Jesus?
11 Sa Mateo 5:14, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kayo ang ilaw ng sanlibutan.” Sila’y kailangang sumunod sa kaniyang mga yapak. Kapuwa sa pamamagitan ng kanilang pamumuhay at ng kanilang pangangaral, kanilang aakayin ang iba tungo kay Jehova bilang ang Pinagmumulan ng tunay na kaliwanagan. Sa pagtulad kay Jesus, kailangang itanyag nila ang pangalan ni Jehova at itaguyod ang Kaniyang soberanya. Gaya ng ginawa ni Jesus, sila man ay kailangang maghayag sa Kaharian ng Diyos bilang ang tanging pag-asa ng sangkatauhan. Kanila ring ibubunyag ang relihiyosong mga kasinungalingan, mga gawa ng kadiliman, at ang isang balakyot na nasa likod ng mga bagay na ito. Ang mga tagasunod ni Kristo ay magbabalita sa mga tao sa lahat ng dako tungkol sa maibiging paglalaan ni Jehova ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Anong sigasig ng sinaunang mga Kristiyano sa pagganap sa atas na iyan, na nagsimula muna sa Jerusalem at sa Judea at pagkatapos ay lumipat sa Samaria, gaya ng iniutos ni Jesus!—Gawa 1:8.
12. (a) Hanggang saan kailangang makarating ang espirituwal na liwanag? (b) Ano ang pinangyari ng espiritu ni Jehova na mahiwatigan ni Pablo tungkol sa Isaias 42:6, at papaano dapat maapektuhan ang ating buhay ng hulang iyan?
12 Gayunman, ang pangangaral ng mabuting balita ay hindi kailangang maging limitado sa larangang iyan. Itinagubilin ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa.” (Mateo 28:19) Nang panahon na makumberte si Saulo ng Tarso, espesipikong itinagubilin ng Panginoon na si Saulo (na naging ang apostol Pablo) ay kailangang mangaral hindi lamang sa mga Judio kundi pati sa mga Gentil. (Gawa 9:15) Sa tulong ng banal na espiritu, naunawaan ni Pablo kung ano ang kasangkot doon. Sa gayon, kaniyang nahiwatigan na ang hula sa Isaias 42:6, na tuwirang natupad kay Jesu-Kristo, ay kumakapit din sa lahat ng sumasampalataya kay Kristo. Kaya, sa Gawa 13:47, nang siya’y sumipi buhat sa Isaias, sinabi ni Pablo: “Ganito ang ipinag-utos sa amin ni Jehova, ‘Ikaw ay inilagay ko na isang ilaw sa mga bansa, upang ikaw ay maging isang kaligtasan sa kadulu-duluhan ng lupa.’ ” Kumusta ka naman? Iyo bang isinapuso ang obligasyong iyon na maging isang tagapagdala ng liwanag? Katulad ni Jesus at ni Pablo, ang iyo bang buhay ay itinalaga mo sa paggawa ng kalooban ng Diyos?
Ang Liwanag at Katotohanan Buhat sa Diyos ang Aakay sa Atin
13. Kasuwato ng Awit 43:3, ano ang ating taimtim na panalangin, at tayo ay iniingatan nito laban sa ano?
13 Kung sa pamamagitan ng ating sariling mga pamamaraan susubukin natin na ‘maibalik ang mga ilaw,’ upang bigyang-liwanag ang kinabukasan para sa sangkatauhan, ating malubhang sinasalungat ang kinasihang Salita ng Diyos. Subalit, anuman ang ginagawa ng sanlibutan sa pangkalahatan, ang tunay na mga Kristiyano ay kay Jehova umaasa bilang ang tunay na Pinagmumulan ng liwanag. Ang kanilang panalangin ay katulad ng nasusulat sa Awit 43:3, na nagsasabi: “Suguin mo ang iyong liwanag at ang iyong katotohanan. Patnubayan nawa ako ng mga ito. Dalhin nawa ako ng mga ito sa iyong banal na bundok at sa iyong dakilang tabernakulo.”
14, 15. (a) Sa anong mga paraan isinusugo ngayon ni Jehova ang kaniyang liwanag at katotohanan? (b) Papaano natin maipakikita na ang liwanag at katotohanan ng Diyos ang talagang pumapatnubay sa atin?
14 Patuloy na sinasagot ni Jehova ang panalanging iyan ng kaniyang tapat na mga lingkod. Siya’y nagsusugo ng liwanag sa pamamagitan ng paghahayag ng kaniyang layunin, sa pagpapangyari na maunawaan iyon ng kaniyang mga lingkod, at pagkatapos ay kaniyang pinangyayaring matupad ang kaniyang sinalita. Pagka tayo’y nananalangin sa Diyos, ito ay hindi isang pormalidad, na ginagawa upang magpakita lamang ng isang anyo ng kabanalan. Ang ating taimtim na pagnanasa ay ang akayin tayo ng liwanag na nanggagaling kay Jehova, gaya ng sinasabi ng awit. Ating tinatanggap ang pananagutan na kasama ng pagtanggap sa liwanag na inilalaan ng Diyos. Tulad ni apostol Pablo, ating nahiwatigan na ang katuparan ng Salita ni Jehova ay may kalakip na isang kumakapit na utos sa lahat ng sumasampalataya rito. Ating nadarama na tayo’y may pagkakautang sa ibang mga tao hanggang hindi natin naibibigay sa kanila ang mabuting balita na ipinagkatiwala ng Diyos sa atin ukol sa layuning iyan.—Roma 1:14, 15.
15 Ang liwanag at katotohanan na isinusugo ni Jehova sa ating kaarawan ay nagpapakilala na aktibong naghahari na buhat sa kaniyang makalangit na trono si Jesu-Kristo. (Awit 2:6-8; Apocalipsis 11:15) Inihula ni Jesus na sa panahon ng kaniyang pagkanaririto bilang Hari, ang mabuting balitang ito ng Kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo. (Mateo 24:3, 14) Ang gawaing iyan ay ginagawa na ngayon, at puspusang isinasagawa, sa buong globo. Kung iyan ay ating ginagawa na pinakamahalagang bagay sa ating buhay, ang liwanag at katotohanan nga ng Diyos ang pumapatnubay sa atin, gaya ng sinabi ng salmista.
Ang Mismong Kaluwalhatian ni Jehova ay Sumikat
16, 17. Papaano pinasikat ni Jehova ang kaniyang kaluwalhatian sa kaniyang tulad-babaing organisasyon noong 1914, at anong utos ang Kaniyang ibinigay sa kaniya?
16 Sa nakapupukaw-kaluluwang pangungusap, inilalarawan ng Kasulatan ang paraan kung papaano pinatatagos ang liwanag ng Diyos sa mga tao sa lahat ng dako. Ang Isaias 60:1-3, na pasabing ukol sa “babae” ni Jehova, o ang kaniyang makalangit na organisasyon ng tapat na mga lingkod, ay nagsasabi: “Bumangon ka, Oh babae, pasikatin mo ang liwanag, sapagkat dumating ang iyong liwanag at sumikat sa iyo ang mismong kaluwalhatian ni Jehova. Sapagkat, narito! tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng pusikit na dilim ang mga bayan; ngunit sisikat sa iyo si Jehova, at makikita sa iyo ang kaniya mismong kaluwalhatian. At ang mga bansa ay tiyak na paroroon sa iyong liwanag, at ang mga hari sa kaningningan ng iyong liwanag.”
17 Ang kaluwalhatian ni Jehova ay sumikat sa kaniyang makalangit na tulad-babaing organisasyon noong taóng 1914 nang, pagkatapos ng isang mahabang panahon ng paghihintay, kaniyang isinilang ang Mesiyanikong Kaharian, na si Jesu-Kristo ang Hari. (Apocalipsis 12:1-5) Ang maningning na liwanag ni Jehova ay sumisikat na taglay ang pagsang-ayon sa pamahalaang iyan bilang ang may karapatan sa buong lupa.
18. (a) Bakit tinatakpan ng kadiliman ang lupa, gaya ng inihula sa Isaias 60:2? (b) Papaano maililigtas ang isahang mga tao buhat sa kadiliman ng lupa?
18 Sa kabaligtaran, tinatakpan ng kadiliman ang lupa at ng pusikit na dilim ang mga bayan. Bakit? Sapagkat tinatanggihan ng mga bansa ang pamahalaan ng mahal na Anak ng Diyos at ang tinatanggap ay ang pamamahala ng tao. Kanilang inaakala na sa pag-aalis ng isang anyo ng pamahalaan ng tao at pagtatatag ng iba, kanilang malulutas ang kanilang mga suliranin. Subalit ito’y hindi nagdadala ng kaginhawahan na kanilang inaasahan. Hindi nila nakikita kung sino ang nasa likod na nagmamaneobra sa mga bansa buhat sa dako ng mga espiritu. (2 Corinto 4:4) Kanilang tinatanggihan ang Pinagmumulan ng tunay na liwanag at kung gayon ay nasa kadiliman. (Efeso 6:12) Gayunman, anuman ang gawin ng mga bansa, ang isahang mga tao ay maililigtas buhat sa kadilimang iyan. Sa papaanong paraan? Sa pamamagitan ng paglalagak ng buong pananampalataya sa Kaharian ng Diyos at pagpapasakop dito.
19, 20. (a) Bakit at papaano sumikat sa pinahirang mga tagasunod ni Jesus ang kaluwalhatian ni Jehova? (b) Bakit kaya ginawa ni Jehova na kaniyang mga tagapagdala ng liwanag ang kaniyang mga pinahiran? (c) Gaya ng inihula, papaano nagsilapit sa bigay-Diyos na liwanag ang “mga hari” at “mga bansa”?
19 Ang Sangkakristiyanuhan ay hindi naglagak ng pananampalataya sa Kaharian ng Diyos at hindi nagpapasakop dito. Subalit ang pinahiran ng espiritung mga tagasunod ni Jesu-Kristo ay gumawa ng gayon. Kaya naman, ang liwanag ni Jehova ng banal na pagsang-ayon ay sumikat sa nakikitang mga kinatawang ito ng kaniyang makalangit na babae, at ang kaniyang kaluwalhatian ay nakita sa kanila. (Isaias 60:19-21) Sila’y nagtatamasa ng espirituwal na liwanag na hindi maaaring alisin ng anumang pagbabago sa kalagayan ng sanlibutan sa larangan ng pulitika o ng ekonomiya. Kanilang naranasan na ang pagliligtas sa kanila ni Jehova buhat sa Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 18:4) Kanilang tinatamasa ang kaniyang ngiti ng pagsang-ayon sapagkat kanilang tinatanggap ang kaniyang pagdisiplina at buong-katapatang nagtataguyod ng kaniyang soberanya. Sila’y may maningning na pag-asa sa hinaharap, at sila’y nagagalak sa pag-asang kaniyang ibinigay sa kanila.
20 Subalit sa anong layunin nakikitungo sa kanila si Jehova sa ganitong paraan? Gaya ng kaniyang sinabi sa Isaias 60:21, ito’y upang siya’y “luwalhatiin,” upang ang kaniyang pangalan ay maparangalan at ang iba ay makalapit sa kaniya bilang ang tanging tunay na Diyos—at na taglay ang walang-hanggang kapakinabangan sa kanilang sarili. Kaayon nito, noong 1931 ang mga sumasambang ito sa tunay na Diyos ay tumanggap ng pangalang mga Saksi ni Jehova. Bilang bunga ng kanilang pagpapatotoo, ang “mga hari” ba ay naakit sa liwanag na kanilang pinasikat, gaya ng inihula ni Isaias? Oo! Hindi ang pulitikal na mga pinunò sa lupa, kundi ang mga natitira pa sa mga nakahanay na maghaharing kasama ni Kristo sa kaniyang makalangit na Kaharian. (Apocalipsis 1:5, 6; 21:24) At kumusta naman ang “mga bansa”? Sila ba’y naakit sa liwanag na ito? Tiyak na gayon nga! Walang indibiduwal na makapulitikang bansa ang naakit, kundi isang malaking pulutong ng mga tao buhat sa lahat ng bansa ang nanindigan sa panig ng Kaharian ng Diyos, at buong-kasabikang inaasam-asam nila ang kaligtasan tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos. Ito ay magiging isang tunay na bagong sanlibutan na doon ay iiral ang katuwiran.—2 Pedro 3:13; Apocalipsis 7:9, 10.
21. Papaano natin maipakikita na hindi natin sinayang ang layunin ng di-sana-nararapat na awa ni Jehova sa pagkakaloob sa atin ng unawa sa kaniyang kalooban?
21 Ikaw ba ay kasali sa dumaraming pulutong na iyan ng mga tagapagdala ng liwanag? Tayo’y pinagkalooban ni Jehova ng pagkaunawa sa kaniyang kalooban upang tayo, katulad ni Jesus, ay maging mga tagapagdala ng liwanag. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng sigasig sa gawain na ipinagkatiwala ni Jehova sa kaniyang mga lingkod sa ating kaarawan, harinawang lahat tayo ay magpakitang hindi natin sinayang ang layunin ng di-sana-nararapat na awa na ipinakita sa atin ng Diyos. (2 Corinto 6:1, 2) Walang gawain ngayon na lalong mahalaga. At walang lalong dakilang pribilehiyo na maaari nating matamo kundi ang luwalhatiin si Jehova sa pamamagitan ng pagpapasikat sa iba ng maningning na liwanag na nanggagaling sa kaniya.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Anu-ano ang pinakaugat na mga sanhi ng nakalulungkot na mga suliranin ng sangkatauhan?
◻ Sa papaano si Jesus at ang kaniyang mga tagasunod ay kapuwa naging “ang ilaw ng sanlibutan”?
◻ Papaano tayo pinapatnubayan ng liwanag at katotohanan ni Jehova?
◻ Papaano pinangyari ni Jehova na ang kaniyang kaluwalhatian ay sumikat sa kaniyang organisasyon?
◻ Sa anong layunin pinangyari ni Jehova na ang kaniyang bayan ay maging mga tagapagdala ng liwanag?
[Mga larawan sa pahina 9]
Isang pangyayari sa Eden ang tumutulong sa atin na maunawaan ang malungkot na mga suliranin ngayon ng sangkatauhan
[Credit Lines]
Tom Haley/Sipa
Paringaux/Sipa