Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Pagtupad sa Hula ni Isaias
PAGKATAPOS mapag-alaman ni Jesus na ang mga Pariseo at ang mga tagasunod ni Herodes ay nagbabalak na patayin siya, siya at ang kaniyang mga alagad ay umurong at nagpunta sa Dagat ng Galilea. Dito ay dumagsa sa kaniya ang lubhang karamihan na galing sa lahat ng panig ng Palestina, at kahit sa labas ng mga hangganan nito. Kaniyang pinagaling ang marami, kaya naman lahat ng mga may malulubhang sakit ay nagsikap na lahat upang mahimo siya.
Dahilan sa napakarami ng tao, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na laging maghanda ng isang bangka na kaniyang masasakyan. Sa paglayo sa dalampasigan, naiiwasan niya na masiksik siya ng lubhang karamihan. Maaari niyang turuan sila habang siya’y naroon sa bangka o naglalakbay para tumungo sa ibang lugar na naroon sa baybayin upang tulungan ang mga tao roon.
Napansin ng alagad na si Mateo na ang aktibidad ni Jesus ay katuparan ng “sinalita sa pamamagitan ni Isaias na propeta.” Pagkatapos ay sinipi ni Mateo ang hula na tinutupad noon ni Jesus, samakatuwid nga:
“Narito! Ang aking lingkod na aking pilini, ang aking minamahal, na kinalulugdan ng aking kaluluwa! Ilalagay ko sa kaniya ang aking espiritu, at siya’y maglalapat ng katarungan sa mga bansa. Siya’y hindi hihiyaw, ni maglalakas man ng tinig, ni maririnig man ninoman ang kaniyang tinig sa mga lansangan, ang gapok na tambo ay hindi niya babaliin, at ang timsim na umuusok ay hindi niya papatayin, anopat siya’y maglalapat ng katarungan nang may tagumpay. Oo, sa kaniyang pangalan maglalagak ng pag-asa ang mga bansa.”
Mangyari pa, si Jesus ang minamahal na lingkod na kinalulugdan ng Diyos. At nililinaw ni Jesus kung ano ang tunay na katarungan na pinadidilim ng mga tradisyon ng huwad na relihiyon. Dahilan sa kanilang di-matuwid na pagkakapit ng kautusan ng Diyos, ang mga Pariseo ay hindi man lamang tutulong sa isang taong maysakit kung araw ng Sabbath! Samakatuwid, dahilan sa ipinaliliwanag niya ang katarungan ng Diyos, ang mga tao ay pinalalaya ni Jesus sa pabigat ng likong mga tradisyon, kaya naman sinikap ng mga pinunong relihiyoso na patayin siya.
Ano ba ang ibig sabihin na ‘siya’y hindi hihiyaw, o maglalakas man ng tinig upang marinig sa mga lansangan’? Bueno, sa pagpapagaling sa mga taong maysakit, ‘mahigpit na sinasabi [ni Jesus] sa kanila na huwag siyang ipamansag.’ Ayaw niya ng maingay na pamamansag ng kaniyang sarili sa mga lansangan o kaya’y pamamalita ng kaniyang mga nagawa na pinipilipit ang katotohanan.
Gayundin, ang kaniyang nakaaaliw na balita ay dinadala ni Jesus sa mga tao na wika nga’y nakakatulad ng isang gapok na tambo, na baluktot na at yinayayapak-yapakan lamang. Sila’y gaya ng umuusok na lamang na timsim, na ang huling kitis ng buhay ay halos patay na. Hindi dinudurog ni Jesus ang gapok na tambo ni pinapatay man niya ang nag-uusok na lamang na timsim. Kundi taglay ang malumanay na kaamuan at pag-ibig ay kaniyang buong husay na itinataas ang maaamo. Oo, si Jesus ang tanging mapaglalakagan ng mga bansa ng kanilang pag-asa! Mateo 12:15-21; Marcos 3:7-12; Isaias 42:1-4.
◆ Paano ipinaliliwanag ni Jesus ang katarungan, at siya’y hindi humihiyaw o nagtataas man ng kaniyang tinig sa mga lansangan?
◆ Sino ang gaya ng gapok na tambo at ng nag-uusok na timsim, at paano sila pinakikitunguhan ni Jesus?