Si Jehova—Maibigin sa Katuwiran at Katarungan
ISANG batang babae sa Sarajevo ang nagtanong sa kaniyang sarili kung bakit gayon na lamang ang pagdurusa ng mga bata sa kanilang lunsod. “Wala naman kaming nagawang anuman. Wala kaming kasalanan,” sabi niya. Ang nababagabag na mga inang taga-Argentina ay nagtitipun-tipon sa isang liwasang bayan sa Buenos Aires sa loob ng humigit-kumulang 15 taon, bilang protesta sa pagkawala ng kanilang mga anak na lalaki. Ganito naman ang sabi ng isang Aprikanong nagngangalang Emmanuel, na ang ina at tatlong kapatid na babae ay walang-awang pinaslang nang sumiklab ang karahasan sa mga lipi: “Ang bawat isa ay dapat tumanggap ng kaniyang kaukulang kabayaran. Ibig namin ng katarungan.”
Ang katarungan ay isa sa mga pangunahing katangian ng Diyos na Jehova. “Lahat ng kaniyang daan ay katarungan,” sabi ng Bibliya. Tunay nga, si Jehova ay “isang mangingibig sa katuwiran at katarungan.” (Deuteronomio 32:4; Awit 33:5) Upang makilalang mabuti ang Diyos, dapat nating maunawaan ang kaniyang diwa ng katarungan at matutuhang tularan iyon.—Oseas 2:19, 20; Efeso 5:1.
Ang ating idea tungkol sa katarungan ay malamang na nahubog ng kung ano ang pakahulugan ng mga tao sa katangiang ito. Sa ilang panig ng daigdig, ang katarungan ay malimit na ilarawan bilang isang babaing nakapiring na may hawak na tabak at timbangan. Ang hustisya ng tao ay inaasahang walang-kinikilingan, samakatuwid nga, hindi naapektuhan ng kayamanan o impluwensiya. Nararapat nitong maingat na timbangin ang pagkakasala o pagkainosente ng akusado. Sa pamamagitan ng tabak nito, nararapat na ipagsanggalang ng katarungan ang mga inosente at parusahan naman ang mga manggagawa ng kasamaan.
Sinasabi ng aklat na Right and Reason—Ethics in Theory and Practice na “ang katarungan ay may kaugnayan sa batas, obligasyon, mga karapatan, at tungkulin, at naglalapat ng hatol nito alinsunod sa pagkawalang-kinikilingan o pagkanararapat.” Subalit higit pa riyan ang katarungan ni Jehova. Makikita natin ito sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang ng mga gawa at katangian ni Jesu-Kristo, na katulad na katulad ng kaniyang makalangit na Ama.—Hebreo 1:3.
Ang mga salita sa Isaias 42:3 ay ikinapit kay Jesus ng manunulat ng Ebanghelyo na si Mateo, na nagsabi: “Walang nasugatang tambo ang kaniyang dudurugin, at walang nagbabagang linong mitsa ang kaniyang papatayin, hanggang sa siya ay magpalabas ng katarungan na may tagumpay.” Nagpahayag si Jesus ng nakaaaliw na mensahe sa mga tao na gaya ng isang nasugatang tambo na nabaluktot at nayurakan pa nga. Sila ay kagaya ng nagbabagang mitsa ng lampara, na para bang ang kanilang huling kislap ng buhay ay halos mamamatay na. Sa halip na makasagisag na durugin ang mga nasugatang tambo at patayin ang nagbabagang mitsa, kinahabagan ni Jesus ang mga nagdurusa, tinuruan at pinagaling sila, at niliwanag sa kanila ang katarungan ng Diyos na Jehova. (Mateo 12:10-21) Gaya ng patiunang sinabi ng hula ni Isaias, pumupukaw ng pag-asa ang ganiyang uri ng katarungan.
Ang Awa at ang Katarungan ni Jehova
Ang awa ay isang likas na katangian ng katarungan ng Diyos. Ito’y naging litaw na litaw nang si Jesus ay nasa lupa. Lubusan siyang kumatawan sa mga pamantayan ng Diyos sa katarungan at katuwiran. Gayunman, sinikap ng mga Judiong eskriba at Fariseo na makamit ang katuwiran sa pamamagitan ng pagsunod sa isang mahigpit na kodigo ng mga batas—na ang karamihan ay itinakda nila. Ang kanilang legalistikong katarungan ay karaniwan nang hindi kakikitaan ng awa. Ang maraming pagtatalo sa pagitan ni Jesus at ng mga Fariseo ay tungkol sa isyung ito: Ano ba ang tunay na katarungan at katuwiran?—Mateo 9:10-13; Marcos 3:1-5; Lucas 7:36-47.
Inilarawan ni Jesus kung papaano dapat pakitunguhan ang iba sa isang makatarungan at makatuwirang paraan. Isang lalaking bihasa sa Batas ang minsang nagtanong kay Jesus kung ano ang kailangan upang magmana ng buhay na walang-hanggan. Bilang tugon ay tinanong siya ni Jesus at pinuri siya nang sumagot siya na ang dalawang pinakamahalagang batas ay ang ibigin ang Diyos nang buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas at ang ibigin ang kapuwa gaya ng sarili. Nang magkagayo’y nagtanong ang lalaki: “Sino bang talaga ang aking kapuwa?” Sumagot si Jesus sa pamamagitan ng paglalahad ng ilustrasyon ng mabait na Samaritano.—Lucas 10:25-37.
Ang katuwiran at maawaing katarungan ni Jehova ay inilarawan sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa Samaritano. Sa pamamagitan ng walang-pag-iimbot na pagtulong sa nasaktang lalaki na hindi niya kilala, ang Samaritano ay gumawa ng isang bagay na matuwid, makatarungan, at may kaawaan. Gayunding espiritu ang ipinakita ni Jesus mismo nang siya’y nasa lupa. Siya’y matuwid at makatarungan. Bukod dito, ipinagkaloob niya ang kaniyang buhay para sa nagdarahop na mga tao, para sa makasalanan at di-sakdal na sangkatauhan na nagdurusa, nagkakasakit, at namamatay. Iniugnay ni apostol Pablo ang katuwiran sa paglalaan ng pantubos. Sumulat siya: “Kung paanong sa pamamagitan ng isang pagkakamali ang resulta sa lahat ng uri ng tao ay kahatulan, sa gayunding paraan na sa pamamagitan ng isang gawa ng pagbibigay-katuwiran [o, “isang matuwid na gawa,” talababa (sa Ingles)] ang resulta sa lahat ng uri ng tao ay ang pagpapahayag sa kanila na matuwid para sa buhay.” (Roma 5:18) Ang “isang matuwid na gawa” na ito ay paraan ng Diyos sa pagliligtas sa masunuring sangkatauhan buhat sa kapaha-pahamak na bunga ng pagkakasala ni Adan, na doo’y hindi sila ang tuwirang may pananagutan.
Layunin ng katarungan ng Diyos na tubusin ang makasalanang mga tao at kasabay nito ay itaguyod ang matuwid na mga simulain. Ang pagwawalang-bahala sa kasalanan ay kapuwa di-makatarungan at di-maibigin, sapagkat pasisiglahin nito ang katampalasanan. Sa kabilang panig, kung ang katarungan ng Diyos ay limitado lamang sa paglalapat ng alinman sa gantimpala o kaparusahan, wala na sanang pag-asa ang kalagayan ng sangkatauhan. Ayon sa Bibliya, “ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan” at “walang isang tao na matuwid, wala kahit isa man.” (Roma 3:10; 6:23) Bagaman isang malaking halaga para sa kaniyang sarili at sa kaniyang minamahal na Anak, naglaan si Jehova ng isang pampalubag-loob na hain para sa mga kasalanan.—1 Juan 2:1, 2.
Ipinakikita ng pantubos na ang banal na katarungan ay may malapit na kaugnayan sa may-simulaing pag-ibig (Griego, a·gaʹpe). Sa katunayan, ang katarungan ng Diyos ay siyang katuparan ng kaniyang matuwid na mga simulain—isang salamin ng kung ano ang kaniyang pamantayan sa moralidad. Kapag isinagawa ng Diyos, kung gayon, ang a·gaʹpe ay pag-ibig na doo’y nakasalig ang banal na katarungan. (Mateo 5:43-48) Kaya kung talagang nauunawaan natin ang katarungan ni Jehova, magkakaroon tayo ng lubusang tiwala sa kaniyang hudisyal na mga pasiya. Bilang “Hukom ng buong lupa,” lagi niyang ginagawa ang tama.—Genesis 18:25; Awit 119:75.
Tularan ang Katarungan ni Jehova
Ang Bibliya ay nagpapayo na tayo’y “maging mga tagatulad sa Diyos.” (Efeso 5:1) Nangangahulugan ito ng pagtulad sa kaniyang katarungan gayundin sa kaniyang pag-ibig. Subalit yamang tayo ay di-sakdal, ang ating mga daan ay hindi kasintayog niyaong sa Diyos na Jehova. (Isaias 55:8, 9; Ezekiel 18:25) Kaya papaano natin mapatutunayan na tayo ay umiibig sa katuwiran at katarungan? Sa pamamagitan ng pagsusuot ng “bagong personalidad, na nilalang alinsunod sa kalooban ng Diyos sa totoong katuwiran at pagkamatapat.” (Efeso 4:24) Kung magkagayo’y iibigin natin ang iniibig ng Diyos at kapopootan naman ang kinapopootan niya. Ang “totoong katuwiran” ay umiiwas sa karahasan, imoralidad, karumihan, at apostasya, sapagkat ang mga ito ay labag sa kabanalan. (Awit 11:5; Efeso 5:3-5; 2 Timoteo 2:16, 17) Pinakikilos din tayo ng katarungan ng Diyos na magpakita ng taimtim na interes sa iba.—Awit 37:21; Roma 15:1-3.
Bukod pa rito, kung pinahahalagahan natin ang maawaing katangian ng katarungan ng Diyos, hindi tayo mahihilig na humatol sa espirituwal na mga kapatid. Papaano natin mauunawaan sila gaya ng pagkaunawa sa kanila ni Jehova? Hindi kaya natin sila hahatulan batay sa ating makasariling pangmalas? Kaya naman, nagbabala si Jesus: “Tigilan na ninyo ang paghatol upang hindi kayo mahatulan; sapagkat sa hatol na inyong inihahatol, kayo ay hahatulan; at sa panukat na inyong ipinanunukat, ay ipanunukat nila sa inyo. Kung gayon, bakit mo tinitingnan ang dayami sa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo isinasaalang-alang ang tahilan sa iyong sariling mata? O paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Pahintulutan mo akong alisin ang dayami mula sa iyong mata’; gayong, narito! isang tahilan ang nasa iyong sariling mata? Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang tahilan mula sa iyong sariling mata, at sa gayon ay makikita mo nang malinaw kung paano aalisin ang dayami mula sa mata ng iyong kapatid.” (Mateo 7:1-5) Ang isang taimtim na pagsusuri sa ating sariling di-kasakdalan ay hahadlang sa atin na humatol na siyang ituturing ni Jehova bilang di-matuwid.
Ang hinirang na matatanda sa kongregasyon ay obligadong humatol sa mga kaso ng malubhang pagkakasala. (1 Corinto 5:12, 13) Kapag gumagawa ng gayon, inaalaala nila na layunin ng katarungan ng Diyos na magpakita ng awa hangga’t maaari. Kung walang batayan para rito—gaya sa kaso ng mga di-nagsisising makasalanan—hindi maaaring magpakita ng awa. Subalit hindi itinitiwalag ng matatanda ang isang manggagawa ng kasamaan buhat sa kongregasyon dahil sa paghihiganti. Umaasa sila na ang pagtitiwalag mismo ay aakay sa kaniya upang siya’y matauhan. (Ihambing ang Ezekiel 18:23.) Sa ilalim ng pagkaulo ni Kristo, naglilingkod ang matatanda sa kapakanan ng katarungan, at kasali rito ang pagiging gaya ng “isang kublihang dako buhat sa hangin.” (Isaias 32:1, 2) Samakatuwid ay kailangan silang magpakita ng pagkawalang-kinikilingan at pagkamakatuwiran.—Deuteronomio 1:16, 17.
Maghasik ng Binhi sa Katuwiran
Samantalang hinihintay natin ang matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos, dapat nating “hanapin ang katuwiran” upang tamasahin ang banal na pagsang-ayon. (Zefanias 2:3; 2 Pedro 3:13) Ang ideang ito ay pagkaganda-gandang inilarawan sa mga salitang ito, na masusumpungan sa Oseas 10:12: “Maghasik kayo para sa inyong sarili ng binhi sa katuwiran; gumapas kayo nang ayon sa maibiging-kabaitan. Magbungkal kayo para sa inyong sarili ng masasakang lupain, kapag may panahon sa paghahanap kay Jehova hanggang sa siya’y dumating at magbigay sa inyo ng tagubilin sa katuwiran.”
Sa ating pang-araw-araw na pamumuhay, marami tayong pagkakataon na ‘maghasik ng mga binhi sa katuwiran,’ gaya ng inilarawan ni Jesus sa kaniyang talinghaga ng mabait na Samaritano. Titiyakin ni Jehova na tayo’y ‘gagapas nang ayon sa maibiging-kabaitan.’ Kung patuloy tayong lalakad sa “landas ng katarungan,” patuloy tayong tatanggap ng tagubilin sa katuwiran sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian. (Isaias 40:14) Sa paglipas ng panahon, tiyak na lubusan nating mauunawaan na si Jehova ay maibigin sa katuwiran at katarungan.—Awit 33:4, 5.
[Larawan sa pahina 23]
Ang mabait na Samaritano ay lumalarawan sa katarungan ni Jehova
[Larawan sa pahina 23]
Nahabag si Jesus sa mga taong nagdurusa, na mistulang mga nasugatang tambo