-
Narito! Ang Sinang-ayunang Lingkod ni JehovaAng Bantayan—2009 | Enero 15
-
-
4 Nang sanggol pa lamang si Jesus, inudyukan ng banal na espiritu ang matuwid na lalaking si Simeon na ihayag na “ang batang si Jesus” ay magiging “isang liwanag upang mag-alis ng talukbong mula sa mga bansa,” gaya ng inihula sa Isaias 42:6 at 49:6. (Luc. 2:25-32) Karagdagan pa, ang kahihiyang dinanas ni Jesus noong gabing nililitis siya ay inihula sa Isaias 50:6-9. (Mat. 26:67; Luc. 22:63) Pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., malinaw na ipinakilala ni apostol Pedro si Jesus bilang ang “Lingkod” ni Jehova. (Isa. 52:13; 53:11; basahin ang Gawa 3:13, 26.) Ano ang matututuhan natin sa mga hulang ito tungkol sa Mesiyas?
-
-
Narito! Ang Sinang-ayunang Lingkod ni JehovaAng Bantayan—2009 | Enero 15
-
-
Isang “Liwanag” at Isang “Tipan”
11. Paano naging “liwanag ng mga bansa” si Jesus noong unang siglo, at paano niya ito ginaganap hanggang sa ngayon?
11 Bilang katuparan ng Isaias 42:6, si Jesus ay tunay ngang naging “liwanag ng mga bansa.” Noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa, nagdala siya ng espirituwal na liwanag pangunahin na sa mga Judio. (Mat. 15:24; Gawa 3:26) Subalit sinabi ni Jesus: “Ako ang liwanag ng sanlibutan.” (Juan 8:12) Siya ay naging liwanag kapuwa sa mga Judio at sa mga bansa hindi lamang sa pamamagitan ng pagdadala ng espirituwal na kaliwanagan, kundi sa paghahain din ng kaniyang sakdal na buhay-tao para tubusin ang buong sangkatauhan. (Mat. 20:28) Matapos siyang buhaying-muli, inatasan niya ang kaniyang mga alagad na maging saksi niya “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Noong panahon ng kanilang ministeryo, sinipi nina Pablo at Bernabe ang pananalitang “liwanag ng mga bansa” at ikinapit ito sa pangangaral na isinasagawa nila sa mga di-Judio. (Gawa 13:46-48; ihambing ang Isaias 49:6.) Isinasagawa pa rin ito hanggang sa ngayon. Sa pamamagitan ng mga pinahirang kapatid ni Jesus at ng kanilang mga kasama, lumalaganap ang espirituwal na liwanag at natutulungan ang mga tao na manampalataya kay Jesus, ang “liwanag ng mga bansa.”
12. Paano ibinigay ni Jehova ang kaniyang Lingkod “bilang isang tipan ng bayan”?
12 Sa hula ring iyan, sinabi ni Jehova sa kaniyang piniling Lingkod: “Iingatan kita at ibibigay kita bilang isang tipan ng bayan.” (Isa. 42:6) Paulit-ulit na tinangka ni Satanas na patayin si Jesus o hadlangan siya sa pagtupad ng kaniyang ministeryo sa lupa, pero iningatan siya ni Jehova hanggang sa dumating ang takdang panahon ng kaniyang kamatayan. (Mat. 2:13; Juan 7:30) Pagkatapos, binuhay-muli ni Jehova si Jesus at ibinigay siya bilang isang “tipan,” o panata, para sa mga tao sa lupa. Ang taimtim na pangakong iyan ay nagbibigay ng katiyakan na ang tapat na Lingkod ng Diyos ay patuloy na magiging “liwanag ng mga bansa,” anupat pinalalaya ang mga nasa espirituwal na kadiliman.—Basahin ang Isaias 49:8, 9.b
-