-
Mga Tagapagdala ng Liwanag—Ukol sa Anong Layunin?Ang Bantayan—1993 | Enero 15
-
-
Ang Isa na Ibinigay “Bilang Ilaw sa mga Bansa”
6. Anong dakilang mga pagkakataon ang pinangyari ni Jehova para sa atin sa pamamagitan ni Jesu-Kristo?
6 Kahit na bago palabasin sa Paraiso sina Adan at Eva, inihula ni Jehova ang isang “binhi” na magliligtas sa mga umiibig sa katuwiran. (Genesis 3:15) Pagkatapos maisilang bilang tao ang ipinangakong Binhing iyan, pinapangyari ni Jehova na magsalita ang matanda nang si Simeon, sa templo sa Jerusalem, upang ipakilala ang isang iyon bilang “ilaw para sa pag-aalis ng lambong ng mga bansa.” (Lucas 2:29-32) Sa pamamagitan ng pananampalataya sa paghahain ng sakdal na buhay-tao ni Jesus, ang mga tao ay makalalaya na buhat sa sumpa na bunga ng likas na kasalanan. (Juan 3:36) Kasuwato ng kalooban ni Jehova, sila’y makaaasa ngayon na tatanggap ng buhay na walang-hanggan sa kasakdalan bilang bahagi ng makalangit na Kaharian o bilang mga sakop nito sa isang lupang paraiso. Anong kahanga-hangang paglalaan nga iyan!
7. Bakit kapuwa ang mga pangako sa Isaias 42:1-4 at ang mga katuparan noong unang siglo ay nagbibigay sa atin ng pag-asa?
7 Si Jesu-Kristo ang garantiya ng katuparan ng dakilang mga pagkakataong ito. May kaugnayan sa pagpapagaling ni Jesus sa mga may karamdaman, sa kaniya’y ikinapit ni apostol Mateo ang nasusulat sa Isaias 42:1-4. Ang mga kasulatang iyan ay nagsasabi, sa isang bahagi: “Narito! Ang aking lingkod, na aking inaalalayan! Ang aking hinirang, na kinalulugdan ng aking kaluluwa! Inilagay ko sa kaniya ang aking espiritu. Siya’y maglalapat ng katarungan sa mga bansa.” At hindi ba ito ang kailangan ng mga tao sa lahat ng bansa? Ang hula ay nagpapatuloy: “Siya’y hindi hihiyaw o maglalakas man ng kaniyang tinig, at sa lansangan ay hindi maririnig ang kaniyang tinig. Ang gapok na tambo ay hindi niya babaliin; at ang aandap-andap na mitsang lino na umuusok ay hindi niya papatayin.” Kasuwato nito, si Jesus ay hindi nakitungo nang may karahasan sa mga taong nahihirapan na. Siya’y nahabag sa kanila, tinuruan sila tungkol sa mga layunin ni Jehova, at pinagaling sila.—Mateo 12:15-21.
8. Sa anong diwa ibinigay ni Jehova si Jesus “bilang isang tipan sa mga tao” at “bilang ilaw ng mga bansa”?
8 Ang Maybigay ng hulang ito ay nakikipag-usap sa kaniyang Lingkod, kay Jesus, at nagsasabi: “Ako, si Jehova, ang tumawag sa iyo sa katuwiran, at hinawakan kita sa iyong kamay. At iingatan kita at ibibigay kita na isang tipan sa mga tao, bilang ilaw ng mga bansa, upang magdilat ng bulag na mga mata, upang maglabas ng bilanggo sa piitan, upang ilabas sa bahay-piitan ang nangauupo sa kadiliman.” (Isaias 42:6, 7) Oo, si Jesu-Kristo ay ibinigay ni Jehova bilang isang tipan, bilang isang mahalagang garantiya ng pangako. Anong laking pampatibay-loob iyan! Si Jesus ay nagpakita ng tunay na pagkabahala sa kapakanan ng sangkatauhan nang siya’y narito sa lupa; ibinigay pa nga niya maging ang kaniyang buhay para sa sangkatauhan. Ito ang isa na pinagkatiwalaan ni Jehova ng paghahari sa lahat ng bansa. Hindi nga kataka-takang tukuyin siya ni Jehova bilang ilaw sa mga bansa. Si Jesus mismo ay nagsabi: “Ako ang ilaw ng sanlibutan.”—Juan 8:12.
9. Bakit hindi itinalaga ni Jesus ang kaniyang sarili sa pagpapahusay sa umiiral noon na sistema ng mga bagay?
9 Sa anong layunin nagsilbi si Jesus bilang ilaw ng sanlibutan? Tunay na hindi para sa anumang makasanlibutan o materyalistikong layunin. Siya’y tumangging subukan man lamang na ituwid ang noon ay umiiral na sistemang makapulitika at hindi tinanggap ang paghahari buhat kay Satanas, ang tagapamahala ng sanlibutan, o buhat sa mga tao. (Lucas 4:5-8; Juan 6:15; 14:30) Si Jesus ay nagpakita ng malaking habag sa mga naghihirap at sila’y binigyan ng kaginhawahan sa mga paraan na hindi magagawa ng iba. Subalit batid niya na ang permanenteng kaginhawahan ay hindi matatamo kung dito lamang aasa sa lipunan ng tao na nasa ilalim ng sumpa ng Diyos dahilan sa likas na kasalanan at minamaneobra ng di-nakikitang hukbo ng masasamang espiritu. Taglay ang bigay-Diyos na unawa, ang kaniyang buong buhay ay itinalaga ni Jesus sa paggawa ng kalooban ng Diyos.—Hebreo 10:7.
10. Sa anong mga paraan at ukol sa anong layunin nagsilbi si Jesus na ilaw ng sanlibutan?
10 Sa anong mga paraan at ukol sa anong layunin, kung gayon, nagsilbi si Jesus na ilaw ng sanlibutan? Kaniyang itinalaga ang kaniyang sarili sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Lucas 4:43; Juan 18:37) Sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa katotohanan tungkol sa layunin ni Jehova, ang pangalan ng kaniyang makalangit na Ama ay niluwalhati rin ni Jesus. (Juan 17:4, 6) Isa pa, bilang ang ilaw ng sanlibutan, ang mga relihiyosong kabulaanan ay ibinunyag ni Jesus at sa gayo’y pinangyari ang espirituwal na kalayaan para sa mga nasa relihiyosong pagkabilanggo. Kaniyang ibinunyag si Satanas bilang ang di-nakikitang tagapagmaneobra ng mga taong nagpapagamit sa kaniya. Ang mga gawa ng kadiliman ay malinaw na ipinakilala rin ni Jesus. (Mateo 15:3-9; Juan 3:19-21; 8:44) Higit sa lahat, kaniyang pinatunayan na siya ang ilaw ng sanlibutan sa pamamagitan ng paghahandog ng kaniyang sakdal na buhay-tao bilang isang pantubos, sa gayo’y binubuksan ang daan para sa mga sumasampalataya sa paglalaang ito upang patawarin ang mga kasalanan, magkaroon ng sinang-ayunang kaugnayan sa Diyos, at ng pag-asang magtamo ng buhay na walang-hanggan bilang bahagi ng pansansinukob na pamilya ni Jehova. (Mateo 20:28; Juan 3:16) At sa wakas, sa pananatiling may sakdal na debosyon sa Diyos sa buong buhay niya, ang soberanya ni Jehova ay itinaguyod ni Jesus at pinatunayang sinungaling ang Diyablo, sa gayo’y pinangyaring magtamo ng walang-hanggang mga pagpapala ang mga umiibig sa katuwiran. Subalit si Jesus ba lamang ang magiging tagapagdala ng ilaw?
-
-
Mga Tagapagdala ng Liwanag—Ukol sa Anong Layunin?Ang Bantayan—1993 | Enero 15
-
-
12. (a) Hanggang saan kailangang makarating ang espirituwal na liwanag? (b) Ano ang pinangyari ng espiritu ni Jehova na mahiwatigan ni Pablo tungkol sa Isaias 42:6, at papaano dapat maapektuhan ang ating buhay ng hulang iyan?
12 Gayunman, ang pangangaral ng mabuting balita ay hindi kailangang maging limitado sa larangang iyan. Itinagubilin ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa.” (Mateo 28:19) Nang panahon na makumberte si Saulo ng Tarso, espesipikong itinagubilin ng Panginoon na si Saulo (na naging ang apostol Pablo) ay kailangang mangaral hindi lamang sa mga Judio kundi pati sa mga Gentil. (Gawa 9:15) Sa tulong ng banal na espiritu, naunawaan ni Pablo kung ano ang kasangkot doon. Sa gayon, kaniyang nahiwatigan na ang hula sa Isaias 42:6, na tuwirang natupad kay Jesu-Kristo, ay kumakapit din sa lahat ng sumasampalataya kay Kristo. Kaya, sa Gawa 13:47, nang siya’y sumipi buhat sa Isaias, sinabi ni Pablo: “Ganito ang ipinag-utos sa amin ni Jehova, ‘Ikaw ay inilagay ko na isang ilaw sa mga bansa, upang ikaw ay maging isang kaligtasan sa kadulu-duluhan ng lupa.’ ” Kumusta ka naman? Iyo bang isinapuso ang obligasyong iyon na maging isang tagapagdala ng liwanag? Katulad ni Jesus at ni Pablo, ang iyo bang buhay ay itinalaga mo sa paggawa ng kalooban ng Diyos?
-