Ikatlong Kabanata
“Ang Aking Pinili, na Sinang-ayunan ng Aking Kaluluwa!”
1, 2. Bakit interesado ang mga Kristiyano sa ngayon sa kabanata 42 ng Isaias?
“ ‘KAYO ang aking mga saksi,’ ang sabi ni Jehova, ‘ang akin ngang lingkod na aking pinili.’ ” (Isaias 43:10) Ang kapahayagang ito ni Jehova, na isinulat ni propeta Isaias noong ikawalong siglo B.C.E., ay nagpapakita na ang sinaunang tipang bayan ni Jehova ay isang bansa ng mga saksi. Sila ang piniling lingkod ng Diyos. Pagkalipas ng mga 2,600 taon, noong 1931, hayagang ipinahayag ng pinahirang mga Kristiyano na ang pananalitang ito ay kapit sa kanila. Kinuha nila ang pangalang mga Saksi ni Jehova at buong-pusong tinanggap ang mga pananagutang kalakip ng pagiging lingkod ng Diyos sa lupa.
2 Gayon na lamang ang hangarin ng mga Saksi ni Jehova na mapaluguran ang Diyos. Dahil dito, interesadung-interesado ang bawat isa sa kanila sa ika-42 kabanata ng aklat ng Isaias, yamang inilalarawan nito ang isang lingkod na sinang-ayunan ni Jehova at ang isa namang lingkod na kaniyang itinakwil. Ang pagsasaalang-alang sa hulang ito at sa katuparan nito ay nagbibigay ng kaunawaan hinggil sa kung ano ang aakay sa pagsang-ayon ng Diyos at kung ano naman ang aakay sa kaniyang di-pagsang-ayon.
“Inilagay Ko sa Kaniya ang Aking Espiritu”
3. Ano ang inihula ni Jehova sa pamamagitan ni Isaias hinggil sa “aking lingkod”?
3 Sa pamamagitan ni Isaias, inihula ni Jehova ang pagdating ng isang lingkod na siya mismo ang pipili: “Narito! Ang aking lingkod, na inaalalayan kong mabuti! Ang aking pinili, na sinang-ayunan ng aking kaluluwa! Inilagay ko sa kaniya ang aking espiritu. Katarungan sa mga bansa ang itatanghal niya. Hindi siya sisigaw o maglalakas ng kaniyang tinig, at sa lansangan ay hindi niya iparirinig ang kaniyang tinig. Ang lamog na tambo ay hindi niya babaliin; at kung tungkol sa malamlam na linong mitsa, hindi niya iyon papatayin. Sa katapatan ay magtatanghal siya ng katarungan. Hindi siya manlalamlam ni masisiil man hanggang sa maitatag niya sa lupa ang katarungan; at ang kaniyang kautusan ay patuloy na hihintayin ng mga pulo.”—Isaias 42:1-4.
4. Sino ang inihulang “pinili,” at paano natin ito nalaman?
4 Sino kaya ang Lingkod na tinutukoy rito? Hindi naman tayo iniwan sa balag ng alanganin. Masusumpungan natin ang mga salitang ito na sinipi sa Ebanghelyo ni Mateo at ikinapit kay Jesu-Kristo. (Mateo 12:15-21) Si Jesus ang minamahal na Lingkod, ang “pinili.” Kailan inilagay ni Jehova ang kaniyang espiritu kay Jesus? Noong 29 C.E., sa panahon ng bautismo ni Jesus. Inilarawan ng kinasihang ulat ang bautismong iyon at sinabi na pag-ahon ni Jesus sa tubig, “ang langit ay nabuksan at ang banal na espiritu sa hugis ng katawang tulad ng isang kalapati ay bumaba sa kaniya, at isang tinig ang nanggaling sa langit: ‘Ikaw ang aking Anak, ang minamahal; ikaw ay aking sinang-ayunan.’ ” Sa ganitong paraan ipinakilala mismo ni Jehova ang kaniyang minamahal na Lingkod. Ang sumunod na ministeryo ni Jesus at ang mga himalang ginawa niya ay nagpatunay na ang espiritu ni Jehova ay talagang sumasakaniya.—Lucas 3:21, 22; 4:14-21; Mateo 3:16, 17.
‘Itatanghal Niya ang Katarungan sa mga Bansa’
5. Bakit kailangang linawin ang katarungan noong unang siglo C.E.?
5 Ang Pinili ni Jehova ay “magtatanghal,” o magtatampok, ng tunay na katarungan. “Kung ano ang katarungan ay lilinawin niya sa mga bansa.” (Mateo 12:18) Tunay ngang kailangang-kailangan ito noong unang siglo C.E.! Itinuro noon ng mga Judiong lider ng relihiyon ang isang pilipit na pangmalas sa katarungan at katuwiran. Sinikap nilang maabot ang katuwiran sa pamamagitan ng pagsunod sa mahigpit na kodigo ng mga kautusan—na ang karamihan ay sarili nilang gawa. Ang kanilang legalistikong katarungan ay salat sa awa at pagkamadamayin.
6. Sa anu-anong paraan ipinakilala ni Jesus ang tunay na katarungan?
6 Sa kabaligtaran, isiniwalat ni Jesus ang pangmalas ng Diyos sa katarungan. Sa kaniyang itinuro at sa paraan ng kaniyang pamumuhay, ipinakita ni Jesus na ang tunay na katarungan ay madamayin at maawain. Isaalang-alang na lamang ang kaniyang bantog na Sermon sa Bundok. (Mateo, kabanata 5-7) Kay galing-galing ngang paliwanag kung paano isasagawa ang katarungan at katuwiran! Kapag binabasa natin ang ulat ng Ebanghelyo, hindi ba tayo naaantig ng pagkamadamayin ni Jesus sa mahihirap at napipighati? (Mateo 20:34; Marcos 1:41; 6:34; Lucas 7:13) Dinala niya ang kaniyang nakaaaliw na mensahe sa marami na gaya ng bugbog na tambo, baluktot, at napagsusuntok. Sila’y parang aandap-andap na linong mitsa, anupat halos malagot na ang huling hibla ng kanilang hininga. Hindi binali ni Jesus ang “lamog na tambo” ni pinatay ang “malamlam na linong mitsa.” Sa halip, ang kaniyang maibigin at madamaying pananalita at pagkilos ay nagpasigla sa puso ng maaamo.—Mateo 11:28-30.
7. Bakit sinasabi sa hula na si Jesus ay ‘hindi sisigaw o maglalakas ng kaniyang tinig sa lansangan’?
7 Gayunman, bakit kaya sinasabi sa hula na si Jesus ay ‘hindi sisigaw o maglalakas ng kaniyang tinig, at hindi niya iparirinig ang kaniyang tinig sa lansangan’? Sapagkat hindi niya ipinagmapuri ang kaniyang sarili, na gaya ng marami noong kaniyang kapanahunan. (Mateo 6:5) Nang pagalingin niya ang isang may ketong, sinabi niya sa pinagaling na lalaki: “Tiyakin mong huwag sabihin kaninuman ang anumang bagay.” (Marcos 1:40-44) Sa halip na maghangad ng publisidad at hayaang umabot ang mga tao sa konklusyong batay sa mga ulat na galing sa iba, nais ni Jesus na sila mismo ang makaunawa salig sa matibay na ebidensiya na siya nga ang Kristo, ang pinahirang Lingkod ni Jehova.
8. (a) Paano itinanghal ni Jesus ang “katarungan sa mga bansa”? (b) Ano ang itinuturo sa atin ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mapagkawanggawang Samaritano hinggil sa katarungan?
8 Ang Piniling Lingkod ay magtatanghal ng “katarungan sa mga bansa.” Ito ang ginawa ni Jesus. Bukod sa pagdiriin sa madamaying katangian ng makadiyos na katarungan, itinuro ni Jesus na dapat na saklawin nito ang lahat ng tao. Minsan ay ipinaalaala ni Jesus sa isang lalaking bihasa sa Kautusan na dapat niyang ibigin ang Diyos at ang kaniyang kapuwa. Nagtanong ang lalaki kay Jesus: “Sino ba talaga ang aking kapuwa?” Marahil ay inaasahan niya si Jesus na sasagot: “Ang iyong kapuwa Judio.” Subalit sinabi ni Jesus ang talinghaga ng mapagkawanggawang Samaritano. Sa talinghaga ay isang Samaritano ang tumulong sa isang lalaking sinalakay ng mga magnanakaw, samantalang ang isang Levita at isang saserdote ay ayaw tumulong. Kinailangang aminin ng nagtatanong na sa pagkakataong ito ay ang hinahamak na Samaritano ang kaniyang kapuwa, hindi ang Levita o ang saserdote. Tinapos ni Jesus ang kaniyang ilustrasyon sa ganitong payo: “Gayundin ang gawin mo.”—Lucas 10:25-37; Levitico 19:18.
“Hindi Siya Manlalamlam ni Masisiil Man”
9. Paano tayo maaapektuhan ng pagkaunawa sa diwa ng tunay na katarungan?
9 Yamang niliwanag ni Jesus ang diwa ng tunay na katarungan, natuto ang kaniyang mga alagad na ipamalas ang katangiang ito. Gayon din naman tayo. Una sa lahat, kailangan nating tanggapin ang mga pamantayan ng Diyos ng mabuti at masama, yamang siya ang may karapatang magpasiya kung ano ang makatarungan at matuwid. Habang nagsisikap tayong gawin ang mga bagay ayon sa paraan ni Jehova, ang ating mabuting paggawi ay maliwanag na magsisiwalat kung ano ang tunay na katarungan.—1 Pedro 2:12.
10. Bakit ang pagpapamalas ng katarungan ay nagsasangkot sa pakikibahagi sa gawaing pangangaral at pagtuturo?
10 Ipinamamalas din natin ang tunay na katarungan kapag masikap tayong gumagawa ng pangangaral at pagtuturo. Si Jehova ay saganang naglalaan ng nagbibigay-buhay na kaalaman tungkol sa kaniya, sa kaniyang Anak, at sa kaniyang mga layunin. (Juan 17:3) Hindi tama o makatarungan na sarilinin natin ang kaalamang iyan. “Huwag mong ipagkait ang mabuti doon sa mga kinauukulan, kapag nasa kapangyarihan ng iyong kamay na gawin ito,” sabi ni Solomon. (Kawikaan 3:27) Buong-puso nating ibahagi ang ating nalalaman tungkol sa Diyos sa lahat ng tao, anuman ang kanilang lahi, etniko, o bansang pinagmulan.—Gawa 10:34, 35.
11. Bilang pagtulad kay Jesus, paano natin dapat pakitunguhan ang iba?
11 Isa pa, pinakikitunguhan ng isang tunay na Kristiyano ang iba gaya ng ginawa ni Jesus. Marami sa ngayon ang napapaharap sa nakapagpapahina-ng-loob na mga problema at nangangailangan ng pagdamay at pampatibay-loob. Maging ang ilang nakaalay na Kristiyano ay maaaring lubhang bugbog na ng mga pangyayari anupat para silang mga lamog na tambo o mga aandap-andap na mitsa. Hindi ba’t kailangan nila ang ating suporta? (Lucas 22:32; Gawa 11:23) Tunay ngang nakagiginhawa na maging bahagi ng isang samahan ng tunay na mga Kristiyano, na nagsisikap tumulad kay Jesus sa pagsasagawa ng katarungan!
12. Bakit makapagtitiwala tayo na ang katarungan para sa lahat ay malapit nang magkatotoo?
12 Magkakaroon pa kaya ng katarungan para sa lahat? Oo naman. Ang Pinili ni Jehova ay “hindi manlalamlam ni masisiil man hanggang sa maitatag niya sa lupa ang katarungan.” Sa lalong madaling panahon ang iniluklok na Hari, ang binuhay-muling si Kristo Jesus, ay ‘maghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos.’ (2 Tesalonica 1:6-9; Apocalipsis 16:14-16) Ang pamamahala ng tao ay papalitan ng Kaharian ng Diyos. Lalaganap ang katarungan at katuwiran. (Kawikaan 2:21, 22; Isaias 11:3-5; Daniel 2:44; 2 Pedro 3:13) Taglay ang matinding pananabik, ang mga lingkod ni Jehova saanman—maging yaong mga nasa liblib na pook, sa “mga pulo”—ay naghihintay sa araw na iyon.
‘Ibibigay Ko Siya Bilang Liwanag ng mga Bansa’
13. Ano ang inihula ni Jehova hinggil sa kaniyang Piniling Lingkod?
13 Nagpatuloy si Isaias: “Ito ang sinabi ng tunay na Diyos, si Jehova, ang Maylalang ng langit at ang Dakila na nag-uunat niyaon; ang Isa na naglalatag ng lupa at ng bunga nito, ang Isa na nagbibigay ng hininga sa mga taong naroroon, at ng espiritu sa mga lumalakad doon.” (Isaias 42:5) Kay tinding paglalarawan kay Jehova, ang Maylalang! Ang paalaalang ito hinggil sa kapangyarihan ni Jehova ay nagpapatindi sa kaniyang pananalita. Sabi ni Jehova: “Ako mismo, si Jehova, ang tumawag sa iyo sa katuwiran, at tinanganan ko ang iyong kamay. At iingatan kita at ibibigay kita bilang isang tipan ng bayan, bilang liwanag ng mga bansa, upang iyong idilat ang mga matang bulag, ilabas mula sa bartolina ang bilanggo, mula sa bahay-kulungan yaong mga nakaupo sa kadiliman.”—Isaias 42:6, 7.
14. (a) Ano ang ibig sabihin ng pagtangan ni Jehova sa kamay ng kaniyang sinang-ayunang Lingkod? (b) Anong papel ang ginagampanan ng Piniling Lingkod?
14 Ang Dakilang Maylalang ng sansinukob, ang Tagapagbigay at Tagapagtustos ng buhay, ay nakatangan sa kamay ng kaniyang Piniling Lingkod at nangangako ng lubusan at namamalaging pagsuporta. Kay laking pampatibay nito! Isa pa, iniingatan siya ni Jehova upang maibigay siya bilang “isang tipan sa bayan.” Ang tipan ay isang kontrata, isang kasunduan, isang taimtim na pangako. Ito’y isang maaasahang ordinansa. Oo, ginawa ni Jehova ang kaniyang Lingkod na “isang pangako sa bayan.”— An American Translation.
15, 16. Sa anong paraan naglingkod si Jesus bilang “liwanag ng mga bansa”?
15 Bilang “liwanag ng mga bansa,” bubuksan ng ipinangakong Lingkod “ang mga matang bulag” at palalayain “yaong mga nakaupo sa kadiliman.” Ito ang ginawa ni Jesus. Sa pagpapatotoo sa katotohanan, niluwalhati ni Jesus ang pangalan ng kaniyang makalangit na Ama. (Juan 17:4, 6) Inilantad niya ang relihiyosong mga kasinungalingan, ipinangaral ang mabuting balita ng Kaharian, at binuksan ang pinto tungo sa espirituwal na kalayaan para sa mga nasa relihiyosong pagkabilanggo. (Mateo 15:3-9; Lucas 4:43; Juan 18:37) Nagbabala siya laban sa paggawa ng mga gawang nauukol sa kadiliman at inilantad si Satanas bilang ang “ama ng kasinungalingan” at “tagapamahala ng sanlibutang ito.”—Juan 3:19-21; 8:44; 16:11.
16 Sabi ni Jesus: “Ako ang liwanag ng sanlibutan.” (Juan 8:12) Sa pambihirang paraan ay pinatunayan niyang siya nga iyon nang ihandog niya ang kaniyang sakdal na buhay-tao bilang pantubos. Sa gayon ay binuksan niya ang daan para sa mga nagsasagawa ng pananampalataya upang magkaroon ng kapatawaran sa mga kasalanan, magkaroon ng isang sinang-ayunang kaugnayan sa Diyos, at pag-asang mabuhay magpakailanman. (Mateo 20:28; Juan 3:16) Sa pagpapanatili ng sakdal na makadiyos na debosyon sa buong buhay niya, itinaguyod ni Jesus ang soberanya ni Jehova at pinatunayang sinungaling ang Diyablo. Talaga ngang si Jesus ang tagapagbigay ng paningin sa mga bulag at tagapagpalaya sa mga nakabilanggo sa espirituwal na kadiliman.
17. Sa anu-anong paraan naglilingkod tayo bilang mga tagapagdala ng liwanag?
17 Sa Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kayo ang liwanag ng sanlibutan.” (Mateo 5:14) Hindi ba’t tayo’y mga tagapagdala rin ng liwanag? Sa ating paraan ng pamumuhay at sa ating pangangaral, may pribilehiyo tayong akayin ang iba tungo kay Jehova, ang Pinagmumulan ng tunay na kaliwanagan. Bilang pagtulad kay Jesus, ipinakikilala natin ang pangalan ni Jehova, itinataguyod ang Kaniyang soberanya, at ipinahahayag ang Kaniyang Kaharian bilang tanging pag-asa ng sangkatauhan. Isa pa, bilang mga tagapagdala ng liwanag, inilalantad natin ang mga relihiyosong kasinungalingan, ibinababala ang maruruming gawa na nauukol sa kadiliman, at inilalantad si Satanas, ang isa na balakyot.—Gawa 1:8; 1 Juan 5:19.
‘Umawit kay Jehova ng Isang Bagong Awit’
18. Ano ang ipinababatid ni Jehova sa kaniyang bayan?
18 Ngayon ay itinuon naman ni Jehova ang kaniyang pansin sa kaniyang bayan, na nagsasabi: “Ako ay si Jehova. Iyan ang pangalan ko; at sa kaninuman ay hindi ko ibibigay ang aking kaluwalhatian, ni ang aking kapurihan man sa mga nililok na imahen. Ang mga unang bagay—narito na ang mga iyon, ngunit ang mga bagong bagay ay ipinahahayag ko. Bago magsimulang lumitaw ang mga iyon ay ipinaririnig ko na sa inyo.” (Isaias 42:8, 9) Ang hula tungkol sa “aking lingkod” ay binigkas, hindi ng isa sa walang-silbing mga diyos, kundi ng tanging nabubuhay at tunay na Diyos. Tiyak na magkakatotoo ito, at nagkatotoo nga. Talagang ang Diyos na Jehova ang Awtor ng mga bagong bagay, at ipinababatid niya ang mga ito sa kaniyang bayan bago pa man mangyari ang mga ito. Paano tayo tutugon?
19, 20. (a) Anong awit ang dapat awitin? (b) Sino sa ngayon ang umaawit ng awit ng papuri kay Jehova?
19 Sumulat si Isaias: “Umawit kayo kay Jehova ng isang bagong awit, ng kaniyang kapurihan mula sa dulo ng lupa, kayong mga bumababa sa dagat at sa lahat ng naroroon, kayong mga pulo at kayong mga tumatahan sa mga iyon. Ilakas ng ilang at ng mga lunsod nito ang kanilang tinig, ng mga pamayanan na tinatahanan ng Kedar. Humiyaw sa kagalakan ang mga tumatahan sa malaking bato. Mula sa taluktok ng mga bundok ay sumigaw nang malakas ang mga tao. Mag-ukol sila ng kaluwalhatian kay Jehova, at sa mga pulo ay ihayag nila ang kaniyang kapurihan.”—Isaias 42:10-12.
20 Ang mga naninirahan sa mga lunsod, mga nayon sa ilang, mga pulo, maging sa “Kedar,” o mga kampamento sa disyerto—ang mga tao saanman—ay hinihimok na umawit ng awit ng papuri kay Jehova. Tunay ngang nakatutuwa na sa ating kapanahunan ay milyun-milyon na ang tumugon sa makahulang panawagang ito! Niyakap na nila ang katotohanan ng Salita ng Diyos at kinilala si Jehova bilang kanilang Diyos. Inaawit ng bayan ni Jehova ang bagong awit na ito—na nag-uukol ng kaluwalhatian kay Jehova—sa mahigit na 230 lupain. Tunay ngang nakapananabik umawit sa korong ito ng magkakasaliw na tinig ng iba’t ibang kultura, wika, at lahi!
21. Bakit hindi magtatagumpay ang mga kaaway ng bayan ng Diyos na patahimikin ang awit ng papuri kay Jehova?
21 Makatatayo kaya laban sa Diyos ang mga salansang at mapatatahimik ang awit na ito ng papuri? Imposible! “Si Jehova ay lalabas na gaya ng isang makapangyarihang lalaki. Pupukaw siya ng sigasig na gaya ng isang mandirigma. Sisigaw siya, oo, isisigaw niya ang isang hiyaw ng digmaan; ipakikita niyang mas malakas siya kaysa sa kaniyang mga kaaway.” (Isaias 42:13) Anong kapangyarihan ang makatatayo laban kay Jehova? Mga 3,500 taon na ang nakalilipas, ang propetang si Moises at ang mga anak ng Israel ay umawit: “Si Jehova ay tulad-lalaking mandirigma. Jehova ang kaniyang pangalan. Ang mga karo ni Paraon at ang kaniyang mga hukbong militar ay inihagis niya sa dagat, at ang kaniyang mga piling mandirigma ay inilubog sa Dagat na Pula.” (Exodo 15:3, 4) Nagtagumpay si Jehova laban sa pinakamakapangyarihang puwersang militar noong panahong iyon. Walang kaaway ng Diyos ang magtatagumpay kapag humayo si Jehova bilang makapangyarihang mandirigma.
“Nanahimik Ako Nang Mahabang Panahon”
22, 23. Bakit si Jehova ay ‘nanahimik nang mahabang panahon’?
22 Si Jehova ay di-nagtatangi at makatarungan, kahit sa paglalapat ng hatol laban sa kaniyang mga kaaway. Sabi niya: “Nanahimik ako nang mahabang panahon. Nanatili akong walang imik. Patuloy akong nagpigil ng aking sarili. Tulad ng babaing nanganganak, ako ay daraing, hihingal, at sisinghap nang magkakasabay. Ako ay magwawasak ng mga bundok at mga burol, at ang lahat ng kanilang pananim ay tutuyuin ko. At ang mga ilog ay gagawin kong mga pulo, at ang mga matambong lawa ay tutuyuin ko.”—Isaias 42:14, 15.
23 Bago gumawa ng paghatol, pinalilipas muna ni Jehova ang panahon upang mabigyan ng pagkakataon ang mga nagkasala na tumalikod sa kanilang masasamang landas. (Jeremias 18:7-10; 2 Pedro 3:9) Tingnan ang nangyari sa mga taga-Babilonya, na, bilang ang nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig, ay itiniwangwang ang Jerusalem noong taóng 607 B.C.E. Pinahintulutan ito ni Jehova upang disiplinahin ang mga Israelita dahil sa kanilang kataksilan. Gayunman, hindi naunawaan ng mga taga-Babilonya ang papel na ginagampanan nila. Pinagmalupitan nila ang bayan ng Diyos nang labis-labis kaysa sa hinihiling ng kahatulan ng Diyos. (Isaias 47:6, 7; Zacarias 1:15) Tiyak ngang nasaktan nang husto ang tunay na Diyos nang makitang nagdurusa ang kaniyang bayan! Subalit nagpigil siya sa pagkilos hanggang sa kaniyang takdang panahon. Sa panahong iyon, nagsikap siya—na gaya ng isang babaing nanganganak—upang palayain ang kaniyang tipang bayan at itanghal sila bilang isang nagsasariling bansa. Upang maisagawa ito, noong 539 B.C.E., tinuyo niya at winasak ang Babilonya at ang mga depensa nito.
24. Anong pag-asa ang binuksan ni Jehova para sa kaniyang bayang Israel?
24 Tiyak na tuwang-tuwa ang bayan ng Diyos nang sa wakas, pagkalipas ng maraming taon ng pagkatapon, ay nabuksan sa kanila ang daang pauwi! (2 Cronica 36:22, 23) Tiyak na nalugod sila na maranasan ang katuparan ng pangako ni Jehova: “Ang mga bulag ay palalakarin ko sa daan na hindi pa nila alam; sa landas na hindi pa nila alam ay pararaanin ko sila. Gagawin kong liwanag ang madilim na dako sa harap nila, at patag na lupain ang baku-bakong kalupaan. Ito ang mga bagay na gagawin ko para sa kanila, at hindi ko sila iiwan.”—Isaias 42:16.
25. (a) Sa ano makatitiyak ang bayan ni Jehova sa ngayon? (b) Ano ang dapat na maging determinasyon natin?
25 Paano kumakapit ang mga salitang ito sa ngayon? Buweno, mahabang panahon na ngayon—sa loob ng maraming siglo—hinayaan ni Jehova ang mga bansa na gawin ang gusto nila. Gayunman, ang kaniyang itinakdang panahon para ayusin ang mga bagay-bagay ay malapit na. Sa makabagong panahon, nagbangon siya ng isang bayan na magpapatotoo sa kaniyang pangalan. Habang pinapatag wika nga ang anumang pagsalansang sa kanila, pinapantay niya ang daan para sa kanila upang sambahin siya “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Nangako siya: “Hindi ko sila iiwan,” at tinupad niya ang kaniyang salita. Kumusta naman yaong mga nagpipilit na sumamba sa mga huwad na diyos? Sabi ni Jehova: “Pababalikin sila, lubha silang mapapahiya, yaong mga naglalagak ng tiwala sa inukit na imahen, yaong mga nagsasabi sa binubong imahen: ‘Kayo ang aming mga diyos.’ ” (Isaias 42:17) Napakahalaga nga na tayo’y manatiling tapat kay Jehova, tulad ng kaniyang Pinili!
‘Isang Lingkod na Bingi at Bulag’
26, 27. Paano napatunayang ‘isang lingkod na bingi at bulag’ ang Israel, at ano ang ibinunga nito?
26 Ang Piniling Lingkod ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay nanatiling tapat hanggang kamatayan. Gayunman, ang bansang Israel ni Jehova ay napatunayang taksil na lingkod, anupat bingi at bulag sa espirituwal na diwa. Patungkol sa kanila, sinabi ni Jehova: “Makinig kayong mga bingi; at tumingin kayong mga bulag upang makakita. Sino ang bulag, kung hindi ang aking lingkod, at sino ang bingi na gaya ng aking mensahero na isinusugo ko? Sino ang bulag na gaya niyaong ginantihan, o bulag na gaya ng lingkod ni Jehova? May kinalaman iyon sa pagkakita ng maraming bagay, ngunit hindi ka patuloy na nagmasid. May kinalaman iyon sa pagbubukas ng pandinig, ngunit hindi ka patuloy na nakinig. Si Jehova ay nalugod dahil sa kaniyang katuwiran anupat dadakilain niya ang kautusan at iyon ay gagawin niyang maringal.”—Isaias 42:18-21.
27 Tunay ngang nakapanghihinagpis ang pagkabigo ng Israel! Paulit-ulit na nahulog ang mga mamamayan nito sa pagsamba sa mga demonyong diyos ng mga bansa. Paulit-ulit na nagsugo si Jehova ng kaniyang mga mensahero, subalit ang kaniyang bayan ay hindi nakinig. (2 Cronica 36:14-16) Inihula ni Isaias ang ibinunga: “Iyon ay isang bayan na dinambong at sinamsaman, anupat silang lahat ay nakulong sa mga butas, at sa mga bahay-kulungan ay itinago sila. Sila ay naukol sa pandarambong na walang tagapagligtas, sa pananamsam na walang sinumang magsasabi: ‘Ibalik mo!’ Sino sa inyo ang makikinig dito? Sino ang magbibigay-pansin at dirinig para sa mga panahong darating? Sino ang nagbigay sa Jacob bilang samsam, at sa Israel ukol sa mga mandarambong? Hindi ba si Jehova, ang Isa na pinagkasalahan natin, at ang kaniyang mga daan ay hindi nila ninais na lakaran at ang kaniyang kautusan ay hindi nila pinakinggan? Kaya Siya ay patuloy na nagbuhos sa kaniya ng pagngangalit, ng kaniyang galit, at ng lakas ng digmaan. At patuloy siyang nilamon nito sa buong palibot, ngunit hindi siya nagbigay-pansin; at patuloy itong lumagablab laban sa kaniya, ngunit wala siyang isinasapusong anuman.”—Isaias 42:22-25.
28. (a) Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ng mga naninirahan sa Juda? (b) Paano natin pagsisikapang makamtan ang pagsang-ayon ni Jehova?
28 Dahil sa kataksilan ng mga naninirahan dito, hinayaan ni Jehova ang lupain ng Juda na dambungan at samsaman noong 607 B.C.E. Sinunog ng mga taga-Babilonya ang templo ni Jehova, itiniwangwang ang Jerusalem, at dinalang bihag ang mga Judio. (2 Cronica 36:17-21) Isapuso nawa natin ang babalang halimbawang ito at huwag kailanman magbingi-bingihan sa mga tagubilin ni Jehova o magbulag-bulagan sa kaniyang nasusulat na Salita. Sa halip, pagsikapan nawa nating makamtan ang pagsang-ayon ni Jehova sa pamamagitan ng pagtulad kay Kristo Jesus, ang Lingkod na sinang-ayunan mismo ni Jehova. Gaya ni Jesus, maipakilala nawa natin ang tunay na katarungan sa pamamagitan ng ating salita at gawa. Sa ganitong paraan, mananatili tayong kabilang sa bayan ni Jehova, na naglilingkod bilang mga tagapagdala ng liwanag na pumupuri sa tunay na Diyos at lumuluwalhati sa kaniya.
[Mga larawan sa pahina 33]
Ang tunay na katarungan ay madamayin at maawain
[Larawan sa pahina 34]
Sa talinghaga ng mapagkawanggawang Samaritano, ipinakita ni Jesus na ang tunay na katarungan ay sumasaklaw sa lahat ng tao
[Mga larawan sa pahina 36]
Sa pagiging mapagpatibay-loob at mabait, nagsasagawa tayo ng makadiyos na katarungan
[Mga larawan sa pahina 39]
Sa ating gawaing pangangaral, nagpapamalas tayo ng makadiyos na katarungan
[Larawan sa pahina 40]
Ang sinang-ayunang Lingkod ay ibinigay “bilang liwanag ng mga bansa”