Ang Usapin sa Hukumang Pansansinukob na Kinasasangkutan Mo
“‘Iharap ninyo ang inyong ipinaglalabang usapin,’ sabi ni Jehova. ‘Inyong ilabas ang inyong mga pagmamatuwid.’”—ISAIAS 41:21.
1, 2. (a) Sino ang kasangkot sa napakamahalagang usapin sa hukuman na nililitis? (b) Ano ang suliraning pinaglalabanan?
SA BUONG kasaysayan ay nagkaroon ng di-mabilang na mga usapin sa hukuman. Sa mga ito, nagharap ng mga saksi at ebidensiya upang ipaglaban ang magkabi-kabilang panig. Marami sa mga usaping ito ay kinasangkutan ng mga indibiduwal, samantalang ang mga iba naman ay nakaapekto sa maraming mga tao. Subalit lahat ng ganiyang mga kaso ay nagiging napakaliit kung ihahambing sa usapin sa hukumang pansansinukob na ngayo’y nililitis. Ito na nga ang napakahalagang usapin sa hukuman sa buong kasaysayan. Ang resulta nito ay may epekto sa bawat tao sa lupa, piliin man niya na siya’y mapasangkot o hindi.
2 Ang pinakamahalagang gumagalaw sa usaping ito ay ang pinakamataas na persona sa sansinukob, ang Diyos na Jehova, “ang Maylikha ng langit at ang Isang Dakila na naglaladlad nito; na Siyang nagpanukala sa lupa at ng ani rito, na Siyang nagbibigay ng hininga sa mga tao rito.” (Isaias 42:5) Ano ang suliraning pinaglalabanan? Ang kaniyang pagka-Diyos ang suliraning pinaglalabanan—ang pagkamatuwid ng kaniyang paghahari sa buong sansinukob, kasali na ang lupa at ang mga tao rito. Ito ay maaaring tawaging ang suliranin ng pansansinukob na soberanya.
3. Anong mga tanong ang may kaugnayan sa suliranin ng pansansinukob na soberanya?
3 May kaugnayan sa suliranin ay ang mga tanong na ito: Sino sa lahat ng mga diyos na sinasamba ang napatunayang lubhang mapagkakatiwalaan na anupa’t maitataya mo sa kanila ang iyong buhay at ang iyong kinabukasan? Alin ba sa kanila ang aktuwal na umiral na, at alin ang mga imbi-imbento lamang ng tao? Mayroon bang isang tunay, buháy, kataas-taasang Diyos na maaaring magligtas sa sangkatauhan buhat sa kinalalagyan nitong kasalukuyang walang pag-asang kalagayan at makapagdadala ng tamang uri ng pamahalaan na magdudulot ng tunay na kapayapaan, katiwasayan, kaunlaran, at kalusugan?
4. Ano ang masasabi tungkol sa mga nag-aakalang wala ng gayong suliranin, yamang sinasabi nila na sila’y naniniwala na sa Diyos?
4 Inaakala ng maraming tao na wala ng gayong suliranin para sa kanila, yamang sinasabi nila na sila’y naniniwala na sa Diyos. Subalit sila ba’y makapaghaharap ng katibayan na ang diyos na kanilang sinasamba ay siyang tunay na Diyos, na ang kaniyang mga pangako ay mapanghahawakan, at na ang kaniyang mga layunin at mga batas ang umaakay sa kanilang buhay? Kung ang gayong mga tao ay sumasagot ng oo, dapat din naman na masasagot nila ang mga tanong na ito: Ano nga ba ang katibayan na mayroong tunay na Diyos na ang mga pangako ay mapanghahawakan? Ano ang layunin ng Diyos para sa sangkatauhan at sa lupa? Nasaan na tayo sa talaorasan ng Diyos, at ano ang inilalaan ng malapit na hinaharap? Ano ang ibig niyang gawin natin bilang mga indibiduwal kung itataguyod natin siya?
5. Kanino maitutulad ang mga tao pagka sila’y walang maipakitang katibayan na susuporta sa kanilang paniwala sa Diyos?
5 Karamihan ng tao na nagsasabing sila’y naniniwala sa Diyos ay hindi makasagot na taglay ang awtoridad sa mga tanong na ito. Ang gayong mga tao ay maitutulad sa mga nag-aangkin na naniniwala sa Diyos noong unang siglo ngunit ang kanilang pag-aangkin ay pinabubulaanan naman ng kanilang mga gawa. Tungkol sa kanila ang Salita ng Diyos ay nagsasabi: “Kanilang ipinamamalita na kilala nila ang Diyos, ngunit itinatakwil naman siya ng kanilang mga gawa.” Oo, “ang pananampalatayang walang mga gawa ay patay.” (Tito 1:16; Santiago 2:26) Samakatuwid, yaong mga nagsasabi na sila’y naniniwala sa Diyos ngunit walang maipakitang matatag na katibayan upang sumuporta roon ay walang ipinagkakaiba sa mga tao noong lumipas na mga siglo na naniniwala sa mga diyus-diyosan na malaon nang naparam bilang mga bagay na sinasamba.
Mga Batayang Kaso
6, 7. (a) Ilarawan ang relihiyon ng sinaunang mga Ehipsiyo. (b) Paanong ang mga Israelita ay kasangkot sa suliranin na namamagitan kay Jehova at sa mga diyos ng Ehipto?
6 Ang halimbawa nito ay ang kaso na ibinangon laban sa mga diyos ng sinaunang Ehipto mga 1,500 taon bago ng ating Karaniwang Panahon. Ang mga Ehipsiyo ay sumasamba sa napakaraming diyos, kasali na ang mga hayop na gaya ng toro, ng pusa, ng baka, ng buwaya, ng lawin, ng palaka, ng asong gubat, ng leon, ng ahas, ng buwitre, at ng lobo. Marami sa mga hayop na ito ang itinuturing na nagkatawang-laman na diyos o diyosa, at ang sadyang pagpatay sa kanila ay may parusang kamatayan. Ang sagradong mga hayop ay inimbalsamo upang gawing mummy at binigyan ng magagarang libing.
7 Salungat sa lahat ng mga diyos na iyon ay nariyan naman ang Diyos na sinamba ng sinaunang Israel, si Jehova. Ang kaniyang kinatawan, si Moises, ay sinugo upang hilingin kay Faraon na palayain ang bayan ni Jehova, na noon ay nasa pagkaalipin, yamang pinangakuan sila ni Jehova ng kanilang kalayaan. (Exodo 3:6-10) Subalit nagpahayag si Faraon: “Sino ba si Jehova, na susundin ko ang kaniyang tinig upang payagan kong yumaon ang Israel? Hindi ko nakikilala si Jehova at, isa pa, hindi ko papayagang yumaon ang Israel.” (Exodo 5:2) Nananalig si Faraon na ang mga diyos ng Ehipto ay mas makapangyarihan kaysa kay Jehova.
8, 9. (a) Paano pinatunayan ni Jehova ang higit niyang kapangyarihan sa mga diyos ng Ehipto? (b) Dahilan sa nangyari, ano ang masasabi tungkol sa mga diyos ng Ehipto?
8 Sino ang magpapatunay na siyang tunay na Diyos na nakatutupad ng kaniyang mga pangako at makapagbibigay ng proteksiyon sa kaniyang bayan? Hindi na magtatagal at sasagutin ito. Inihula ni Jehova: “Sa lahat ng diyos ng Ehipto ay isasagawa ko ang kahatulan.” (Exodo 12:12) Kaniya bang tinupad ang hulang iyan? Oo! Si Jehova ay nagpasapit ng sampung mapamuksang salot na nilayong maglagay sa kahihiyan sa mga diyos ng Ehipto. Wala sa mga diyos na iyon ang nakapagligtas sa mga Ehipsiyo. At ang ikasampung salot ang lalong higit na makahulugan, sapagkat pinatay niyaon ang mga panganay sa Ehipto, kasali na ang panganay ni Faraon. Ito’y isang tuwirang dagok sa kanilang pangunahing diyos na si Ra (Amon-Ra), yamang itinuturing ng mga hari ng Ehipto ang kanilang mga sarili na mga diyos, mga anak ni Ra. Sa mga Ehipsiyo, ang pagkamatay ng panganay ni Faraon ay nangangahulugan ng pagkamatay ng isang diyos.
9 Subalit, walang isa man sa mga panganay ng mga Israelita ang namatay, yamang sumasa-kanila ang proteksiyon ni Jehova. At, ibinigay ng Diyos sa kaniyang bayan ang kalayaan na kaniyang ipinangako sa kanila. At bilang isang huling dagok sa mga diyus-diyosan ng Ehipto, si Faraon at ang kaniyang hukbo—lahat sila—ay nangalunod sa Dagat na Pula. Sa gayon, pinatunayan ni Jehova na siya ang tunay na Diyos. Ang kaniyang mga pangako ay natupad, at ang mga sumasamba sa kaniya ang siyang mga naligtas. (Exodo 14:21-31) Sa kabilang dako, ang mga diyos ng Ehipto ay walang nagawa upang tulungan ang mga sumasamba sa kanila. Ang mga diyos na iyon ay hindi naman talagang umiiral kundi sila’y mga inimbento lamang ng mga tao.
10. Anong suliranin ang napaharap sa mga sumasamba kay Jehova at sa Asirya?
10 Isa pang usapin tungkol sa pagka-Diyos ang napaharap makalipas ang walong siglo, noong panahon ni Haring Ezekias.a Ang mga sumasamba kay Jehova ay pinagbabantaan noon ng mabagsik na Pandaigdig na Kapangyarihan ng Asirya na sumakop sa lahat ng bansa na nasa kaniyang landas. Ngayon ay hiniling niyaon ang pagsuko ng Jerusalem, ang lunsod na kinaroroonan ng “trono ni Jehova,” na kumakatawan sa pagsamba sa kaniya sa lupa. (1 Cronica 29:23) Kinilala ng hari ng Juda, si Ezekias, na ang mga Asiryo ang ‘sumira sa lahat ng iba pang mga bansa at ang mga diyos ng mga bansang iyon ay inihagis sa apoy sapagkat sila’y hindi mga diyos, kundi mga gawa ng mga kamay ng tao.’—Isaias 37:18, 19.
11. Paano iniligtas ni Jehova ang mga sumasamba sa kaniya, at ano ang pinatunayan nito?
11 Nang magkagayo’y nanalangin kay Jehova ang tapat na si Ezekias at hiniling na kaniyang iligtas sila. Ipinangako ni Jehova na walang isa mang armas ng mga Asiryo ang pipinsala sa Jerusalem. (Isaias 37:33) Natupad ang hulang iyan, walang isa man ang puminsala roon. Sa halip, “ang anghel ni Jehova ay lumabas at kaniyang nilipol ang isang daan at walumpu’t-limang libo sa kampamento ng mga Asiryo.” Pagkatapos nang ganap na pagkatalong iyan, ang hari ng Asirya, si Sennacherib, ay umurong. Nang bandang huli, nang siya’y sumasamba sa kaniyang diyos na si Nisroch, siya’y pinaslang ng kaniyang mga anak. (Isaias 37:36-38) Sa gayon muli na namang pinatunayan ni Jehova na siya ang Diyos ng tunay na hula na makapagliligtas sa mga sumasamba sa kaniya. Ang mga diyos ng Asirya at ang palibot na mga bansa ay napatunayang mga huwad na diyos, hindi umiiral, hindi makapagligtas sa kanilang mga tagasunod.
12. Paano nilibak ni Belsasar si Jehova?
12 Humigit-kumulang dalawang siglo ang nakalipas, ang bayan ng Diyos, na naging masuwayin, ay pinayagan niya na mabihag ng sumunod na kapangyarihan ng daigdig, ang Babilonya. Ang pangunahing nakatatawag-pansin ay ang napakaraming mga diyos, mga diyosa, at mga sambahang templo nito. Subalit sa pangangalandakan ng kaniyang sarili, nilibak si Jehova ng hari ng Babilonya na si Belsasar. Sa isang malaking piging, kaniyang iniutos na ang sagradong mga sisidlan na nasamsam sa templo sa Jerusalem ay ilabas. “Ito’y ininuman ng hari at ng kaniyang mga mahal na tao, ng kaniyang mga babae at ng kaniyang mga kerida. Sila’y nagsiinom ng alak, at kanilang pinuri ang mga diyos na ginto at pilak, tanso, bakal, kahoy at bato.”—Daniel 5:1-4.
13. Ano ang pinapangyari ni Jehova na sabihin ni Daniel kay Belsasar?
13 Ito ay isang tuwirang pag-insulto kay Jehova, isang hamon sa kaniya sa ngalan ng mga diyos ng Babilonya. Nang magkagayo’y pinapangyari ni Jehova na ang kaniyang propetang si Daniel ay buong tapang na magpatotoo kay Haring Belsasar at sa lahat ng naroroon sa piging. Itinaguyod ni Daniel ang pagka-Diyos ni Jehova at sinabi niya kay Haring Belsasar: “Hindi mo pinagpakumbaba ang iyong puso . . . Kundi ikaw ay nagpakataas laban sa Panginoon ng langit, . . . at iyong pinuri ang hamak na mga diyos na pilak at ginto, tanso, bakal, kahoy at bato, na hindi nakakakita o nakakarinig o nakakaalam ng anuman; ngunit ang Diyos na kinaroroonan ng iyong hininga at kinaroroonan ng lahat mong lakad ay hindi mo niluwalhati.”—Daniel 5:22, 23.
14. Paano pinatunayan ni Jehova na siya ang tunay na Diyos?
14 Pagkatapos ay sinalita ni Daniel ang pasabi ni Jehova, na ito: Ang aroganteng si Haring Belsasar at ang Babilonya ay ibabagsak ng mga Medo at ng mga Persiano nang mismong gabing iyon! (Daniel 5:24-27) Ang hula bang ito ay natupad? Oo. “Nang gabi ring iyon si Belsasar na haring Caldeo ay napatay at ang kaharian ay tinanggap ni Dario na Medo.” (Daniel 5:30, 31) Muli na naman, tulad sa Ehipto at Asirya, napatunayan na si Jehova ang tunay na Diyos, ang Diyos na tumutupad ng kaniyang mga pangako. Nakinabang ang mga lingkod ng Diyos, sapagkat sila’y pinalaya sa pagkabihag at nagbalik sa kanilang sariling bayan. Yaong mga nagpatuloy ng pagsunod sa mga diyus-diyosan ay napahamak.
Mga Hula Para sa Panahon Natin
15. (a) Anong katuparan mayroon ang mga hula sa Bibliya? (b) Ano pa ang ating tinutukoy pagka ginamit natin ang salitang “diyos”?
15 Ang propetang si Isaias ay kinasihan na sumulat ng mga hula na nagkaroon ng katuparan noong sinaunang panahon. Subalit malimit na sa hula ng Bibliya, ay may isa pang lalong malaking katuparan na may kinalaman sa panahon natin. Ito’y totoo tungkol sa maraming bagay na isinulat si Isaias. Ang bahagi ng kaniyang mensahe ay mayroong mga hula tungkol sa modernong-panahong hamon ni Jehova sa lahat ng bansa at sa kanilang mga diyos. At sa salitang “mga diyos” ating tinutukoy hindi lamang yaong mga diyos na tuwirang sinasamba ng mga tao sa lahat ng panig ng daigdig, kasali na ang umano’y mga bansang pagano sa ngayon, kundi pati yaong mga bagay na bumabagay sa kahulugan ng salitang iyan. Isang diksiyunaryo ang may ganitong pangangahulugan sa salitang “diyos”: “Isang may kapangyarihan sa isang partikular na pitak o bahagi ng katotohanan; isang persona o bagay na may sukdulang halaga.”
16. Anong mga diyos ang sinasamba sa ngayon ng mga tao ng mga bansa, kasali na ang Sangkakristiyanuhan?
16 Sa itinuturing na mga diyos sa ngayon ay kasali ang milyun-milyong mga diyos na sinasamba ng mga Hindu, pati na yaong mga sinasamba ng mga Budista, Shintoista, animista, at iba pang mga relihiyonista. Kasali rin dito ang diyos ng materyalismo, ang bagay na may sukdulang halaga para sa karamihan ng tao sa lupa, ang pangunahing nagpapakilos sa kanila sa kanilang buhay. Kasali rin dito ang mga diyos ng lakas militar at ang siyensiya na inaasahan ng mga bansa na magbibigay sa kanila ng seguridad at ng kaligtasan. Isa pa, karamihan ng mga tao maging sa Sangkakristiyanuhan na nagsasabing sila’y naniniwala sa Diyos ay hindi naman talagang nagtitiwala sa kaniya o tapat na naglilingkod sa kaniya, kundi sa halip sila ay nagtitiwala at naglilingkod sa mga tao o mga bagay na pangunahing pinag-uukulan nila ng katapatan.
17. Sa ano nakapuntirya ang lalong malaking katuparan ng mensahe ni Isaias?
17 Ang lalong malaking katuparan ng mensahe ni Isaias ay nakapuntirya sa lahat ng gayong mga diyos sa panahon natin. Sinasabi ni Jehova sa mga bansa na sila’y magtipun-tipon at “magsalita.” Kaniyang hinahamon sila: “Kayo’y magsilapit na magkakasama para sa paghuhukom.” (Isaias 41:1) Sa ngayon, tayo’y nabubuhay sa panahon ng “paghuhukom” sa sanlibutang ito. Ito’y nasa kaniyang “mga huling araw” na inihula sa 2 Timoteo 3:1-5 at Mateo 24:1-14. Sa panahong ito hinahamon ni Jehova ang mga diyos ng mga bansa upang wastong ihula ang hinaharap at sa gayo’y patunayan na sila’y mga diyos. Kaniya ring hinahamon sila na iligtas ang kanilang mga tagasunod kung magagawa nila ito. “Iharap ninyo ang inyong ipinaglalabang usapin,” ang sabi niya. “Inyong ilabas ang inyong mga pagmamatuwid . . . at ipahayag sa amin ang mga bagay na mangyayari.”—Isaias 41:21, 22.
18. Paano ipinakikilala ang kaniyang sarili ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, at ano ang kaniyang pangako sa mga sumasamba sa kaniya?
18 Ang kaniyang sarili ay ipinakikilala ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat: “Ako’y si Jehova. Iyan ang aking pangalan; at sa kaninuman ay hindi ko ibibigay ang aking sariling kaluwalhatian, ni ang kapurihan ko man sa mga inanyuang imahen.” (Isaias 42:8) At sa mga nagtataguyod sa kaniya ay sinasabi niya: “Huwag kang matakot, sapagkat ako’y sumasa-iyo. Huwag kang tumitig sa palibut-libot, sapagkat ako ang iyong Diyos. Palalakasin kita. Talagang tutulungan kita.” Siya’y nangangako sa kanila: “Silang lahat na nagagalit sa iyo ay mapapahiya at mapapababa. Ang mga lalaking nakikipaglaban sa iyo ay mapapauwi sa wala at papanaw.” “Anumang armas na gagawin laban sa iyo ay hindi magtatagumpay . . . Ito ang manang pag-aari ng mga lingkod ni Jehova.”—Isaias 41:10, 11; 54:17.
19, 20. (a) Paano ipinakikita ni Isaias na may takdang panahon ang paglutas ni Jehova ng mga bagay-bagay? (b) Sino ang ibinabangon ni Jehova sa “mga huling araw” na ito, at paano sila kumakatawan sa kaniya?
19 Sa loob ng mahabang panahon, sa loob ng mga daan-daang taon, pinahintulutan ni Jehova na ang mga bansa ay lumakad ng kanilang sariling lakad. Subalit, ang kaniyang takdang panahon para sa paglutas sa mga bagay-bagay sa lupa ay dumating na. Kaya kaniyang sinasabi: “Ako’y patuloy na tumahimik nang matagal. Nagpatuloy akong walang imik. Ako’y nagpatuloy na nagpipigil sa sarili.” Subalit ngayon, “si Jehova ay lalabas na gaya ng makapangyarihang lalaki. Gaya ng isang mandirigma siya’y pupukaw ng sigasig. Siya’y hihiyaw, oo, siya’y hihiyaw ng isang hiyaw na pandigma; siya’y pakikitang mas makapangyarihan kaysa kaniyang mga kaaway.” (Isaias 42:13, 14) Sa mga hula ni Isaias at ng mga iba pang manunulat ng Bibliya, at gayundin ni Jesus, inihula ni Jehova ang kaniyang pagbabangon ng isang bayan sa “mga huling araw” na ito upang masigasig na magpapatotoo sa kaniya, na para bagang sila’y mga saksi sa isang usapin sa hukuman.
20 Ang bayan na ibabangon ni Jehova upang maglingkod sa kaniya ay maghaharap ng katibayan na siya ang tunay na Diyos, ang Tagapagligtas ng mga sumasamba sa kaniya at ang Tagapuksa ng mga diyus-diyosan at ng kanilang mga tagasunod. Ang bayan ni Jehova sa ngayon ay ‘aawit ng mga papuri sa kaniya sa kadulu-duluhan ng lupa, at buhat sa lahat ng bansa at kapuluan, buhat sa taluktok ng mga bundok.’ (Isaias 42:10-12) Ito’y katuparan ng isa pang hula ni Isaias na nagsasabi: “Sa huling bahagi ng mga araw [sa ating panahon] . . . ang bundok ng bahay ni Jehova [ang tunay na pagsamba sa kaniya] ay matatag na matatayo sa itaas ng taluktok ng mga bundok, at tiyak na matataas sa itaas ng mga burol [sa itaas ng lahat ng iba pang mga uri ng pagsamba]; at dadagsa roon ang [mga tao buhat sa] lahat ng bansa.” At ano ang inihihimok nila sa iba na gawin? Kanilang isinasamo sa mga taong tapat-puso: “Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, . . . at tayo’y tuturuan niya sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.”—Isaias 2:2-4.
21. Anong mga tanong ang ibinabangon ng hamon ni Jehova sa mga diyos ng mga bansa?
21 Sa gayon, gaya kung nagpapahayag sa isang hukuman, sinasabi ni Jehova: “Ang lahat ng bansa ay mapisan sa isang dako, at matipon ang mga grupo ng bansa. . . . Dalhin nila ang kanilang mga saksi, upang sila’y ariing-matuwid, o dinggin nila at sila’y magsabi, ‘Iyan ang katotohanan!’” (Isaias 43:9) Ito ay isang tuwirang paghamon sa mga diyos ng mga bansa. Mayroon ba sa kanila na makapagsasabi kung ano ang mangyayari sa hinaharap? Kanila bang nagawa ito noong nakaraang panahon? Sila ba’y may matatagpuang sinuman na magpapatotoo nang may matibay na ebidensiya na ang gayong mga diyos ay napatunayang totoo, na karapat-dapat sa ating katapatan? Anong rekord ang nagawa sa panahon natin ng mga diyos ng mga bansa, at ng kanilang mga tagasunod? Iyon ba ay mas mainam kaysa nagawa ng mga diyos ng sinaunang mga Ehipsiyo, Asiryo, at Babiloniko? Sa kabilang dako, yaon bang mga sumasaksi kay Jehova ay may matibay na ebidensiya na si Jehova ang tunay na Diyos, ang tanging Isa na karapat-dapat sa ating pagsamba? Ang sumusunod na artikulo ang tatalakay sa mga bagay na ito.
[Talababa]
a Sa Enero 15 na labas ng Ang Bantayan ay tinalakay kung paano ginanti ni Jehova ang pagtitiwala sa Kaniya ni Ezekias. Ang madulang mga pangyayaring iyon ay kinasasangkutan din ng pagka-Diyos.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Ano ba ang suliranin sa pansansinukob na soberanya?
◻ Anong mga diyos ng mga bansa ang kasangkot sa suliranin sa ngayon?
◻ Anong resulta ng tatlong mga batayang kaso ang nagpapatunay sa higit na kapangyarihan ni Jehova sa mga diyus-diyosan?
◻ Paano ipinakikita ni Isaias na lulutasin ni Jehova ang mga bagay-bagay sa ating kaarawan?
◻ Anong mga tanong ang kailangang sagutin tungkol sa mga tagasunod ng lahat ng relihiyon sa ngayon?
[Larawan sa pahina 11]
Ang mga diyos ng Ehipto ay walang nagawa sa harap ng tunay na Diyos, si Jehova
[Larawan sa pahina 12]
Ang mga diyos ng Asirya at ang mga mananamba sa kanila ay ginawan ng isang malaking dagok ng tunay na Diyos
[Larawan sa pahina 13]
Inihatid ni Daniel ang mensahe ni Jehova sa mga mananamba ng diyus-diyosan ng Babilonya