Mga Sinag ng Liwanag—Malalaki at Maliliit (Unang Bahagi)
“Ang landas ng mga matuwid ay parang maningas na liwanag na sumisikat nang paliwanág nang paliwanág hanggang sa malubos ang araw.”—KAWIKAAN 4:18.
1. Bakit unti-unti ang pagsisiwalat ng katotohanan?
KATUNAYAN iyan ng banal na karunungan na, kaayon ng Kawikaan 4:18, ang pagsisiwalat ng espirituwal na mga katotohanan ay unti-unting nagaganap sa pamamagitan ng mga sinag ng liwanag. Sa naunang artikulo, nakita natin kung papaano natupad ang tekstong ito noong panahon ng mga apostol. Kung ang kabuuan ng maka-Kasulatang katotohanan ay pawang isiniwalat agad, ito’y kapuwa nakasisilaw at nakalilito—kagayang-kagaya ng epekto kapag lumalabas mula sa isang madilim na yungib tungo sa maningning na sikat ng araw. Bukod dito, ang unti-unting pagsisiwalat ng katotohanan ay nagpapatibay sa pananampalataya ng mga Kristiyano sa isang patuloy na paraan. Ginagawa nitong mas maningning higit kailanman ang kanilang pag-asa at mas maliwanag higit kailanman ang landas na kanilang tatahakin.
“Ang Tapat at Maingat na Alipin”
2. Sino ang ipinahiwatig ni Jesus na gagamitin niya upang magdulot ng espirituwal na liwanag sa kaniyang mga tagasunod, at sinu-sino ang bumubuo ng kasangkapang iyan?
2 Noong panahon ng mga apostol, minabuti ni Jesus na gumamit ng kahima-himalang mga paraan upang bigyan ng pinakamaaagang sinag ng liwanag ang kaniyang mga tagasunod. Mayroon tayong dalawang halimbawa nito: ang Pentecostes 33 C.E. at ang pagkakumberte kay Cornelio noong 36 C.E. Pagkaraan, minabuti ni Jesus na gumamit ng isang ahensiya ng tao, gaya ng inihula niya: “Sino talaga ang tapat at maingat na alipin na inatasan ng kaniyang panginoon sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan, upang magbigay sa kanila ng kanilang pagkain sa tamang panahon? Maligaya ang aliping iyon kung sa pagdating ng kaniyang panginoon ay masumpungan siyang ginagawa ang gayon! Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Aatasan niya siya sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.” (Mateo 24:45-47) Hindi maaaring isa lamang tao ang aliping ito sapagkat siya’y maglalaan ng espirituwal na pagkain mula nang itatag ang Kristiyanong kongregasyon noong Pentecostes hanggang sa ang Panginoon, si Jesu-Kristo, ay dumating upang magsiyasat. Ipinakikita ng mga pangyayari na ang tapat at maingat na aliping ito ay binubuo ng lahat ng pinahirang Kristiyano bilang isang grupo sa lupa sa bawat panahon.
3. Sino ang kabilang sa mga unang miyembro ng uring alipin?
3 Sino ang kabilang sa mga unang miyembro ng uring tapat at maingat na alipin? Isa na si apostol Pedro, na sumunod sa utos ni Jesus: “Pakanin mo ang aking maliliit na tupa.” (Juan 21:17) Kasali sa iba pang naunang miyembro ng uring alipin ay si Mateo, na sumulat ng Ebanghelyong isinunod sa kaniyang pangalan, gayundin sina Pablo, Santiago, at Judas, na sumulat ng kinasihang mga liham. Si apostol Juan, na sumulat ng aklat na Apocalipsis, ng kaniyang Ebanghelyo, at ng kaniyang mga liham, ay isa ring miyembro ng uring tapat at maingat na alipin. Sumulat ang mga lalaking ito ayon sa iniatas ni Jesus.
4. Sino ang “mga lingkod ng sambahayan”?
4 Kung ang lahat ng pinahiran bilang isang grupo, saanman sila naninirahan sa lupa, ay mga miyembro ng uring alipin, sino naman ang “mga lingkod ng sambahayan”? Sila rin ang mga pinahiran ngunit minamalas buhat sa naiibang punto de vista—bilang mga indibiduwal. Oo, bilang mga indibiduwal sila ay makakabilang sa “alipin” o sila ay ibinibilang na “mga lingkod ng sambahayan,” depende kung alinman sa sila’y namamahagi ng espirituwal na pagkain o tumatanggap niyaon. Upang ilarawan: Gaya ng nakaulat sa 2 Pedro 3:15, 16, bumabanggit si apostol Pedro mula sa mga liham ni Pablo. Kapag binabasa ang mga ito, si Pedro ay nagiging isa sa mga lingkod ng sambahayan na tumatanggap ng espirituwal na pagkain na inilaan ni Pablo bilang kinatawan ng uring alipin.
5. (a) Ano ang nangyari sa alipin sa loob ng mga siglo pagkamatay ng mga apostol? (b) Anong mga pangyayari ang naganap sa huling kakalahatian ng ika-19 na siglo?
5 Hinggil dito, ganito ang sabi ng aklat na God’s Kingdom of a Thousand Years Has Approached: “Kung papaanong ang uring ‘tapat at maingat na alipin’ ay umiral at naglingkod sa loob ng mga siglo pagkamatay ng mga apostol ng Panginoong Jesu-Kristo, hindi natin taglay ang maliwanag na ulat ng kasaysayan. Waring ang isang salinlahi ng uring ‘alipin’ ang nagpakain sa kasunod nitong salinlahi. (2 Timoteo 2:2) Subalit sa huling kakalahatian ng ikalabinsiyam na siglo may mga taong may-takot sa Diyos na umibig sa espirituwal na pagkain ng Banal na Bibliya at nagnais na kumain mula rito . . . Ang mga klase sa pag-aaral ng Bibliya . . . ay binuo at sumulong sa pagkaunawa sa mahahalagang katotohanan ng Sagradong Kasulatan. Ang mga taimtim at walang-pag-iimbot na kabilang sa mga estudyanteng ito ng Bibliya ay sabik na ibahagi sa iba ang mahahalagang bahaging ito ng espirituwal na pagkain. Taglay nila ang tapat na espiritu ng ‘alipin’ na inatasan upang magbigay sa ‘mga lingkod ng sambahayan’ ng kinakailangang espirituwal na ‘pagkain sa tamang panahon.’ Sila’y ‘maingat’ sa pag-unawa na iyon ang wasto at tamang panahon noon at kung ano ang pinakamainam na paraan upang ilaan ang pagkain. Sinikap nilang idulot iyon.”—Pahina 344-5.a
Mga Unang Sinag ng Liwanag sa Modernong Panahon
6. Anong bagay ang lubhang kapansin-pansin may kinalaman sa unti-unting pagsisiwalat ng katotohanan?
6 Lubhang kapansin-pansin may kinalaman sa mga ginamit ni Jehova upang pangyarihin ang unti-unting pagsikat na ito ng espirituwal na liwanag ay ang bagay na hindi nila inangkin ang karangalan ukol sa kanilang sarili. Ang pangmalas ni C. T. Russell, unang presidente ng Samahang Watch Tower, ay na ang Panginoon ay nalugod na gamitin ang kanilang karaniwang mga kakayahan. Hinggil sa mga bansag na mahilig gamitin ng kaniyang mga kaaway, ipinahayag ni Brother Russell na kailanman ay hindi pa siya nakatatagpo ng isang “Russellite” at na talagang wala namang tinatawag na “Russellism.” Lahat ng karangalan ay nauukol sa Diyos.
7. Anong katunayan ang ibinigay ni Brother Russell at ng kaniyang mga kamanggagawa na sila’y tunay ngang bahagi ng tapat at maingat na alipin?
7 Kung ibabatay sa mga resulta, walang-alinlangan na ang banal na espiritu ni Jehova ang siyang pumapatnubay sa mga pagsisikap ni Brother Russell at niyaong mga kasama niya. Sila’y nagbigay ng katunayan ng pagiging kabilang sa tapat at maingat na alipin. Bagaman maraming klerigo noong panahong iyon ang nag-aangking naniniwala na ang Bibliya ang kinasihang Salita ng Diyos at na si Jesus ang Anak ng Diyos, sinang-ayunan naman nila ang huwad, maka-Babilonyang mga doktrina, tulad ng Trinidad, kawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao, at walang-hanggang pagpapahirap. Kaayon ng pangako ni Jesus, dahil sa banal na espiritu kung kaya ang mapagpakumbabang pagsisikap ni Brother Russell at ng kaniyang mga kasama ang nagpangyari na ang katotohanan ay sumikat nang maliwanag higit kailanman. (Juan 16:13) Nagbigay-patotoo ang pinahirang mga Estudyanteng iyon ng Bibliya na sila ay tunay ngang bahagi ng uring tapat at maingat na alipin, na ang atas ay maglaan ng espirituwal na pagkain para sa mga lingkod ng sambahayan ng Panginoon. Ang kanilang mga pagpapagal ay naging malaking tulong sa pagtitipon sa mga pinahiran.
8. Anong saligang mga katotohanan tungkol kay Jehova, sa Bibliya, kay Jesu-Kristo, at sa banal na espiritu ang malinaw na naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya?
8 Kapansin-pansin kung gaano katindi ang mga sinag ng liwanag na ipinagkaloob ni Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, sa unang mga Estudyanteng ito ng Bibliya. Una, matatag na pinatunayan nila na ang Maylikha ay umiiral at na siya ay may bukod-tanging pangalan na Jehova. (Awit 83:18; Roma 1:20) Naunawaan nila na si Jehova ay may apat na pangunahing katangian—kapangyarihan, katarungan, karunungan, at pag-ibig. (Genesis 17:1; Deuteronomio 32:4; Roma 11:33; 1 Juan 4:8) Malinaw na pinatunayan ng pinahirang mga Kristiyanong ito na ang Bibliya ang siyang kinasihang Salita ng Diyos at ang katotohanan. (Juan 17:17; 2 Timoteo 3:16, 17) Isa pa, nanghawakan sila na ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay nilalang at na ibinigay niya ang kaniyang buhay bilang pantubos para sa buong sangkatauhan. (Mateo 20:28; Colosas 1:15) Ang banal na espiritu, na malayung-malayo sa pagiging ikatlong persona ng isang Trinidad, ay naunawaan bilang ang aktibong puwersa ng Diyos.—Gawa 2:17.
9. (a) Anong mga katotohanan ang malinaw na naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya hinggil sa kalikasan ng tao at sa mga kahihinatnan na inihaharap ng Bibliya? (b) Ano pang ibang katotohanan ang malinaw na nakita ng mga lingkod ni Jehova?
9 Malinaw na naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya na ang tao ay hindi nagtataglay ng isang imortal na kaluluwa kundi isa siyang mortal na kaluluwa. Natanto nila na “ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan,” hindi walang-hanggang pagpapahirap, kaya nga walang lugar na gaya ng nag-aapoy na impiyerno. (Roma 5:12; 6:23; Genesis 2:7; Ezekiel 18:4) Bukod dito, maliwanag na nakita nila na ang teoriya ng ebolusyon ay hindi lamang di-maka-Kasulatan kundi ganap na walang tunay na batayan. (Genesis, kabanata 1 at 2) Naunawaan din nila na ang Bibliya ay naghaharap ng dalawang kahihinatnan—isang makalangit para sa 144,000 pinahirang tagasunod-yapak ni Kristo at isang paraisong lupa para sa di-mabilang na “malaking pulutong” ng “ibang mga tupa.” (Apocalipsis 7:9; 14:1; Juan 10:16) Nakilala ng mga unang Estudyanteng ito ng Bibliya na ang lupa ay nananatili magpakailanman at hindi matutupok, gaya ng itinuro ng maraming relihiyon. (Eclesiastes 1:4; Lucas 23:43) Natutuhan din nila na ang pagbabalik ni Kristo ay hindi makikita at pagkatapos ay isasagawa niya ang hatol sa mga bansa at paiiralin ang isang paraiso sa lupa.—Gawa 10:42; Roma 8:19-21; 1 Pedro 3:18.
10. Anong mga katotohanan ang natutuhan ng mga Estudyante ng Bibliya hinggil sa bautismo, paghihiwalay ng klero at lego, at sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo?
10 Natutuhan ng mga Estudyante ng Bibliya na ang maka-Kasulatang bautismo ay hindi lamang pagwiwisik sa mga sanggol kundi kaayon sa utos ni Jesus sa Mateo 28:19, 20, iyon ay ang paglulubog ng mga mananampalataya na naturuan na. Nabatid nila na walang batayan sa Kasulatan para sa paghihiwalay ng klero at lego. (Mateo 23:8-10) Sa kabaligtaran, lahat ng Kristiyano ay kailangang maging mangangaral ng mabuting balita. (Gawa 1:8) Naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya na ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo ay nararapat na ganapin minsan lamang sa isang taon, tuwing Nisan 14. Isa pa, natanto nila na ang Easter ay isang paganong kapistahan. At saka, gayon na lamang ang pagtitiwala niyaong mga pinahiran na inaalalayan ng Diyos ang kanilang gawain anupat hindi sila kailanman lumikom ng mga koleksiyon. (Mateo 10:8) Buhat pa noong sinauna, naunawaan na nila na ang mga Kristiyano ay kailangang mamuhay ayon sa mga simulain sa Bibliya, na doo’y kasali ang paglinang ng mga bunga ng banal na espiritu ng Diyos.—Galacia 5:22, 23.
Tumitinding mga Sinag ng Liwanag
11. Anong liwanag ang sumikat hinggil sa atas ng mga Kristiyano at sa talinghaga ni Jesus tungkol sa mga tupa at mga kambing?
11 Higit kailanman sapol noong 1919 ang mga lingkod ni Jehova ay pinagpala ng tumitinding mga sinag ng liwanag. Anong ningning na sinag ng liwanag ang sumikat sa kombensiyon sa Cedar Point noong 1922 habang matibay na idiniin ni J. F. Rutherford, ang ikalawang presidente ng Samahang Watch Tower, ang punto na ang pangunahing pananagutan ng mga lingkod ni Jehova ay ang “ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian”! Nang sumunod na taon mismo, maningning na liwanag ang sumikat sa talinghaga tungkol sa mga tupa at mga kambing. Naunawaan na ang hulang ito ay matutupad sa kasalukuyang araw ng Panginoon, hindi sa hinaharap sa panahon ng Milenyo, gaya ng dating inakala. Sa panahon ng Milenyo, ang mga kapatid ni Kristo ay hindi magkakasakit, ni ibibilanggo man sila. Bukod dito, sa katapusan ng Milenyo, ang Diyos na Jehova, hindi si Jesu-Kristo, ang siyang hahatol.—Mateo 25:31-46.
12. Anong sinag ng liwanag ang mayroon tungkol sa Armagedon?
12 Noong 1926 isiniwalat ng isa pang maningning na sinag ng liwanag na ang digmaan ng Armagedon ay hindi isang panlipunang himagsikan, gaya ng minsang inakala ng mga Estudyante ng Bibliya. Sa halip, ito ay isang digmaan na kung saan itatanghal ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan nang buong linaw anupat lahat ng tao ay maniniwalang siya nga ang Diyos.—Apocalipsis 16:14-16; 19:17-21.
Pasko—Isang Paganong Kapistahan
13. (a) Anong liwanag ang ipinasinag hinggil sa pagdiriwang ng Pasko? (b) Bakit hindi na ipinagdiriwang ang mga kapanganakan? (Ilakip ang talababa.)
13 Di-nagtagal pagkatapos, isang sinag ng liwanag ang nagpangyari upang itigil ng mga Estudyante ng Bibliya ang pagdiriwang ng Pasko. Bago nito ang Pasko ay ipinagdiriwang sa tuwina ng mga Estudyante ng Bibliya sa buong daigdig, at ang pagdiriwang nito sa punung-tanggapan sa Brooklyn ay isang napakasayang okasyon. Subalit noon ay naunawaan na ang pagdiriwang ng Disyembre 25 ay talagang pagano at pinili ng apostatang Sangkakristiyanuhan upang gawing madali ang pagkomberte sa mga pagano. Isa pa, natuklasan na hindi maaaring isilang si Jesus sa panahon ng taglamig, yamang nang siya’y isilang, ang mga pastol ay naroroon sa bukid habang nanginginain ang kanilang mga kawan—isang bagay na hindi nila ginagawa kung gabi kapag papatapos na ang Disyembre. (Lucas 2:8) Sa halip, ipinahihiwatig ng Kasulatan na si Jesus ay isinilang humigit-kumulang noong Oktubre 1. Natanto rin ng mga Estudyante ng Bibliya na ang umano’y mga pantas na lalaki na dumalaw kay Jesus mga dalawang taon pagkasilang sa kaniya ay mga paganong mago.b
Isang Bagong Pangalan
14. Bakit ang pangalang mga Estudyante ng Bibliya ay hindi sapat sa pagpapakilala sa bayan ni Jehova?
14 Noong 1931 isang maningning na sinag ng katotohanan ang nagsiwalat sa mga Estudyante ng Bibliya ng isang angkop na pangalan ayon sa Kasulatan. Naunawaan ng bayan ni Jehova na sila’y hindi maaaring tumanggap ng anumang palayaw na ibinansag ng iba sa kanila, tulad ng Russellites, Millennial Dawnists, at “no hellers.”c Ngunit nagsimula rin nilang maunawaan na ang pangalang ginagamit nila—International Bible Students—ay hindi sapat sa pagpapakilala sa kanila. Sila ay higit pa sa pagiging mga estudyante ng Bibliya. Isa pa, napakaraming iba pa na mga nag-aaral ng Bibliya ngunit hindi naman nakakatulad ng mga Estudyante ng Bibliya.
15. Anong pangalan ang tinanggap ng mga Estudyante ng Bibliya noong 1931, at bakit ito naaangkop?
15 Papaano nagkaroon ng isang bagong pangalan ang mga Estudyante ng Bibliya? Maraming taon nang itinatanyag ng The Watch Tower ang pangalan ni Jehova. Samakatuwid, angkop na angkop lamang na ikapit ng mga Estudyante ng Bibliya ang pangalan na masusumpungan sa Isaias 43:10: “ ‘Kayo’y aking mga saksi,’ sabi ni Jehova, ‘samakatuwid nga’y ang aking lingkod na aking pinili, upang inyong maalaman at magsisampalataya kayo sa akin, at inyong maunawaan na ako nga ang iyon ding Isang iyon. Walang ibang Diyos na inanyuan na nauna sa akin, at hindi na rin nagkaroon ng iba pagkatapos ko.’ ”
Pagbabangong-Puri at ang “Malaking Pulutong”
16. Bakit ang mga hula tungkol sa pagsasauli ay hindi maaaring kumapit sa pagbabalik sa Palestina ng likas na mga Judio, ngunit kanino kumakapit ang mga ito?
16 Sa ikalawang tomo ng Vindication, na inilathala ng Samahang Watch Tower noong 1932, isang sinag ng liwanag ang nagsiwalat na ang mga hula tungkol sa pagsasauli na isinulat nina Isaias, Jeremias, Ezekiel, at iba pang propeta ay hindi kumakapit (gaya ng dating inaakala) sa mga likas na Judio, na bumabalik sa Palestina taglay ang pag-aalinlangan at pulitikal na mga hangarin. Sa halip, ang mga hulang ito tungkol sa pagsasauli, na may maliit na katuparan nang bumalik ang mga Judio buhat sa pagkabihag sa Babilonya noong 537 B.C.E., ay nagkaroon ng malaking katuparan sa pagkaligtas at pagsasauli ng espirituwal na Israel pasimula noong 1919 at sa ibinungang kaunlaran sa espirituwal na paraisong tinatamasa ng tunay na mga mananamba ni Jehova sa ngayon.
17, 18. (a) Nang maglaon, sa pamamagitan ng isang sinag ng liwanag, ano ang ipinakita na siyang pangunahing layunin ni Jehova? (b) Anong pagsinag ng liwanag hinggil sa Apocalipsis 7:9-17 ang naganap noong 1935?
17 Nang maglaon, isiniwalat ng mga sinag ng liwanag na ang pangunahing layunin ni Jehova ay, hindi ang kaligtasan ng mga nilalang, kundi ang pagbabangong-puri ng kaniyang soberanya. Naunawaan na ang pinakamahalagang tema ng Bibliya ay, hindi ang pantubos, kundi ang Kaharian, sapagkat ibabangong-puri nito ang soberanya ni Jehova. Anong ningning na sinag ng liwanag iyon! Ang nakaalay na mga Kristiyano ay hindi na pangunahing nababahala sa kanilang pag-akyat sa langit.
18 Noong 1935 isang maningning na sinag ng liwanag ang nagsiwalat na ang malaking pulutong na binanggit sa Apocalipsis 7:9-17 ay hindi isang pangalawahing uring makalangit. Inakala na yaong mga binanggit sa mga talatang iyon ay ilan sa mga pinahiran na hindi naging lubusang tapat at sa gayo’y nakatayo sa harap ng trono sa halip na nakaupo sa mga trono na nagpupuno bilang mga hari at mga saserdote kasama ni Jesu-Kristo. Subalit ang totoo’y wala namang tinatawag na pagiging di-lubusang tapat. Alinman sa ang isa ay tapat o di-tapat. Kaya naunawaan na ang hulang ito ay tumutukoy sa di-mabilang na malaking pulutong buhat sa lahat ng bansa na ngayon ay tinitipon at ang pag-asa ay makalupa. Sila ang “mga tupa” sa Mateo 25:31-46 at ang “ibang mga tupa” sa Juan 10:16.
Ang Krus—Hindi Isang Kristiyanong Sagisag
19, 20. Bakit ang krus ay hindi maaaring maging isang sagisag ng tunay na Kristiyanismo?
19 Sa loob ng maraming taon ay binigyang-halaga ng mga Estudyante ng Bibliya ang krus bilang isang sagisag ng Kristiyanismo. Sila ay mayroon pa ngang “krus-at-korona” na alpilér. Ayon sa King James Version, hiniling ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na pasanin ang kanilang “krus,” at marami ang naniwala na siya’y pinatay sa isang krus. (Mateo 16:24; 27:32) Sa loob ng ilang dekada ang sagisag na ito ay nasa pabalat din ng magasing Watch Tower.
20 Niliwanag ng aklat na Riches, inilathala ng Samahan noong 1936, na si Jesus ay pinatay, hindi sa isang krus, kundi sa isang patindig na haligi, o tulos. Ayon sa isang awtoridad, ang Griegong salita (stau·rosʹ) na isinaling “krus” sa King James Version “ay nangangahulugan, pangunahin na, ng isang patindig na istaka o tulos. [Iyon ay] naiiba buhat sa eklesyastikong anyo ng dalawang magkasanggang krus. . . . Ang pinagmulan ng huli ay ang sinaunang Caldea, at ginamit bilang sagisag ng diyos na si Tammuz.” Palibhasa’y hindi dapat sambahin, ang kasangkapan na siyang ginamit upang ibayubay si Jesus ay dapat na kasuklaman.
21. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
21 Mayroon pang mga halimbawa kapuwa ng malalaking sinag ng liwanag at niyaong maaaring ituring na maliliit. Sa pagtalakay ng mga ito, pakisuyong tingnan ang sumusunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Sumapit ang panahon, nakita na kung ang pinakamahalagang kapanganakan na naganap kailanman ay hindi maaaring ipagdiwang, hindi natin dapat ipagdiwang ang anumang kapanganakan. At saka, maging ang mga Israelita ni ang sinaunang mga Kristiyano ay hindi nagdiwang ng kapanganakan. Bumabanggit ang Bibliya ng dalawa lamang na kapanganakan, yaong kay Faraon at ang isa naman ay kay Herodes Antipas. Bawat pagdiriwang ay pinapangit dahil may pinatay. Hindi ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova ang kapanganakan sapagkat ang ganitong mga kaugalian ay may paganong pinagmulan at nauuwi sa pagpaparangal sa taong nagdiriwang ng kapanganakan.—Genesis 40:20-22; Marcos 6:21-28.
c Ito ay isang pagkakamaling ginawa ng ilang denominasyon ng Sangkakristiyanuhan. Lutheran ang palayaw na itinawag ng mga kaaway ni Martin Luther sa kaniyang mga tagasunod, na tumanggap naman nito. Gayundin, ginamit ng mga Baptist ang palayaw na ibinansag sa kanila ng mga tagalabas dahil sa ipinangangaral nila ang bautismo sa pamamagitan ng paglulubog. Medyo nahahawig, tinanggap naman ng mga Methodist ang pangalan na ibinigay sa kanila ng isang tagalabas. Hinggil sa kung papaanong ang Society of Friends ay tinawag na Quakers, ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Ang salitang Quaker ay orihinal na sinadya bilang isang insulto kay Fox [ang nagtatag], na nagsabi sa isang hukom na Ingles na ‘manginig sa Salita ng Panginoon.’ Tinawag ng hukom si Fox na isang ‘quaker.’ ”
Natatandaan Mo Ba?
◻ Sino “ang tapat at maingat na alipin,” at sino ang “mga lingkod ng sambahayan”?
◻ Ano ang ilan sa mga unang sinag ng liwanag sa modernong panahon?
◻ Bakit naaangkop ang bagong pangalang mga Saksi ni Jehova?
◻ Anong pambihirang mga katotohanan ang isiniwalat noong 1935?
[Larawan sa pahina 17]
Pinalaganap ni C. T. Russell at ng kaniyang mga kasama ang espirituwal na liwanag, ngunit ang lahat ng karangalan ay naukol kay Jehova