Kabanata 7
Ianunsiyo ang Hari at ang Kaharian! (1919-1941)
“Naniniwala ba kayo na ang Hari ng kaluwalhatian ay nagsimula nang mamahala? Kung gayon bumalik sa larangan, Oh kayong mga anak ng kataas-taasang Diyos! Isakbat ang baluti! Maging taimtim, maging mapagbantay, maging masipag, maging matapang. Maging tapat at tunay na mga saksi para sa Panginoon. Sulong sa labanan hanggang ang bawat bakas ng Babilonya ay lubusang mapawi. Ipahayag ang balita sa lahat ng lugar. Dapat malaman ng buong daigdig na si Jehova ang Diyos at na si Jesu-Kristo ang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Ito ang araw ng mga araw. Masdan, namamahala na ang Hari! Kayo ang kaniyang mga kinatawang tagapagbalita. Kung gayon ay ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian.”
ANG nakapupukaw na panawagang iyan na binigkas ni J. F. Rutherford sa internasyonal na kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, noong 1922, ay nagkaroon ng matinding impluwensiya sa mga naroroon. Nilisan ng mga Estudyante ng Bibliya ang kombensiyon taglay ang nag-aalab na pagnanais na ianunsiyo ang Kaharian. Ngunit noong ilang mga taon lamang, ang pagkakataon na maglingkod bilang mga kinatawang tagapagbalita ng Kaharian ay waring totoong mapanglaw. Si J. F. Rutherford at ang pito sa kaniyang mga kasama ay nakabilanggo, at ang kanilang magiging tungkulin sa loob ng organisasyon sa hinaharap ay waring di-tiyak. Papaano napagtagumpayan ang mga suliraning ito?
“May Nalalaman Ako Tungkol sa Batas ng Tapat”
Ang isang kombensiyon ay itinakda sa Pittsburgh, Pennsylvania, Enero 2-5, 1919, sa panahong si Brother Rutherford at ang kaniyang mga kasama ay nakabilanggo. Subalit ito ay hindi ordinaryong kombensiyon—ito’y isinabay sa taunang pagpupulong ng Samahang Watch Tower, noong Sabado, Enero 4, 1919. Alam na alam ni Brother Rutherford ang kahalagahan ng miting na iyon. Noong Sabadong iyon ng hapon ay hinanap niya si Brother Macmillan at nakita niya siya sa tennis court ng bilangguan. Sang-ayon kay Macmillan, ganito ang nangyari:
“Ang sabi ni Rutherford, ‘Mac, gusto kitang makausap.’
“‘Ano ang ibig mong pag-usapan natin?’
“‘Gusto kong ipakipag-usap sa iyo ang nagaganap ngayon sa Pittsburgh.’
“‘Tatapusin ko muna ang larong ito.’
“‘Hindi ka ba interesado sa nagaganap ngayon? Hindi mo ba alam na ngayon ang paghahalal ng mga opisyal? Baka waling-bahala ka na at alisin at manatili na lamang tayo rito habang panahon.’
“‘Brother Rutherford,’ ang sabi ko, ‘may isang bagay akong sasabihin sa iyo na baka nakakaligtaan mo. Ito ang kauna-unahang pagkakataon mula nang gawing korporasyon ang Samahan na magiging maliwanag kung sino ang pipiliin ng Diyos na Jehova bilang presidente.’
“‘Ano ang ibig mong sabihin?’
“‘Ang ibig kong sabihin ay na si Brother Russell ang kumontrol ng boto at siya ang humirang ng iba’t ibang opisyales. Ngayon na hindi tayo maaaring makilahok, iba na ang kalagayan. Ngunit, kung tayo’y makalalaya upang makadalo sa asambleang iyon sa business meeting na iyon, tayo’y darating doon at tatanggapin bilang kapalit ni Brother Russell taglay ang gayon ding paggalang na ipinakita sa kaniya. Magiging mukhang gawa ng tao iyon sa halip na gawa ng Diyos.’
“Si Rutherford ay umalis na lamang na nag-iisip.”
Nang araw na iyon isang maigtingang miting ang nagaganap sa Pittsburgh. “Kaguluhan, pagtatalo, at pagpapaliwanagan ang namayani nang ilang sandali,” nagunita ni Sara C. Kaelin, na lumaki sa lugar ng Pittsburgh. “Ang ilan ay ibig ipagpaliban ang miting ng anim na buwan; ang iba naman ay pinag-aalinlanganan ang legalidad ng paghahalal ng mga opisyal na nasa bilangguan; ang iba ay nagmungkahi na palitan lahat ang opisyales.”
Pagkatapos ng mahabang pag-uusap, binasa ni W. F. Hudgings, isang direktor ng Peoples Pulpit Associationa sa mga naroroon ang isang sulat mula kay Brother Rutherford. Doon ay nagpahatid siya ng pag-ibig at pagbati sa mga nagkakatipon. “Ang pangunahing mga sandata ni Satanas ay ang PAGMAMATAAS, AMBISYON at PAGKATAKOT,” ang kaniyang babala. Bilang pagpapakita ng kaniyang pagnanais na pasakop sa kalooban ni Jehova, buong-pagpapakumbabang nagmungkahi pa siya ng karapat-dapat na mga lalaking maaaring piliin kung sakaling ang mga miyembro ay magpasiyang maghalal ng bagong mga opisyales para sa Samahan.
Nagpatuloy pa ang pag-uusap, at pagkatapos si E. D. Sexton, na nahirang na chairman ng komite para sa pagmumungkahi ng mga kandidato, ay nagpahayag ng ganito:
“Kadarating-rating ko lamang. Ang aking sinasakyang tren ay náhulí nang apatnapu’t walong oras, dahil nahadlangan ng yelo. May sasabihin ako at para sa ikaluluwag ng aking dibdib makabubuti na sabihin ko na ngayon. Mahal na mga kapatid, pumunta ako rito, tulad ng iba sa inyo, na may kaniyang sariling mga idea—may sumasang-ayon at may sumasalungat. . . . Walang anumang humahadlang kung tungkol sa legalidad. Kung nais nating ihalal-muli ang ating mga kapatid sa Timog sa anumang tungkulin na kanilang hahawakan, wala akong makitang dahilan, o maapuhap mula sa anumang [legal] na payo na aking tinanggap, kung papaano ito, sa anumang paraan, ay makaaapekto sa kanilang kaso sa harap ng Korte Pederal o sa harap ng publiko.
“Naniniwala ako na ang pinakamagaling na maigaganti natin sa ating kapatid na si Rutherford ay ang muling-paghahalal sa kaniya bilang presidente ng W[atch] T[ower] B[ible] & T[ract] S[ociety]. Sa palagay ko’y hindi na nag-aalinlangan ang publiko hinggil sa ating paninindigan sa kaso. Kung ang ating mga kapatid sa anumang paraan ay teknikal na lumabag sa batas na hindi nila nauunawaan, alam natin na wala silang masamang motibo. At sa harap ng Kataas-taasan [Diyos] wala silang nilalabag na batas ng Diyos o batas man ng tao. Maipakikita natin ang lubos na pagtitiwala kung ating ihahalal na muli si Brother Rutherford bilang presidente ng Asosasyon.
“Hindi ako isang abogado, subalit kung tungkol sa legalidad ng mga pangyayari may nalalaman ako tungkol sa batas ng tapat. Katapatan ang hinihingi ng Diyos. Wala akong maisip na ano pa mang paraan upang ipakita ang ating lubos na pagtitiwala kundi ang isagawa ang eleksiyon AT MULING-IHALAL SI BROTHER RUTHERFORD BILANG PRESIDENTE.”
Buweno, maliwanag na naipahayag ni Brother Sexton ang damdamin ng halos lahat ng mga naroroon. Ipinasok ang mga pangalan ng kandidato; nagbotohan; at si J. F. Rutherford ang nahalal na presidente, si C. A. Wise ang bise presidente, at si W. E. Van Amburgh ang kalihim at ingat-yaman.
Nang sumunod na araw kinatok ni Brother Rutherford ang pader ng selda ni Macmillan at sinabi: “Ilawit mo ang kamay mo.” Pagkatapos ay iniabot niya ang isang telegrama kay Macmillan na sinasabing si Rutherford ay nahalal-muli bilang presidente. “Masayang-masaya siya,” nagunita ni Macmillan, “na makita ang pagtatanghal na ito ng katiyakan na si Jehova ang nagpapatakbo ng Samahan.”
Tapos na ang eleksiyon, subalit si Brother Rutherford at ang pito pang iba ay nananatili sa piitan.
“Isang Pambansang Kilusan” sa Kapakanan ng mga Bilanggo
“Nitong mga nakaraang linggo isang pambansang kilusan ang nagsimula sa kapakanan ng mga kapatid na ito,” ang sabi sa The Watch Tower ng Abril 1, 1919. Ang ilang mga pahayagan ay nananawagan na pakawalan si Brother Rutherford at ang kaniyang mga kasama. Ang mga Estudyante ng Bibliya sa lahat ng bahagi ng Estados Unidos ay nagpakita ng kanilang pagtangkilik sa pamamagitan ng pagpapadala ng liham sa mga patnugot ng pahayagan, mga kongresista, mga senador, at mga gobernador, na nakikiusap na gumawa ng hakbang sa kapakanan ng walong bilanggo. Maliwanag, ang mga Estudyante ng Bibliya ay hindi tutugot hangga’t hindi napapalaya ang kanilang walong kapatid.
Noong Marso 1919, ang mga Estudyante ng Bibliya sa Estados Unidos ay nagpalabas ng isang petisyon na doo’y hinihilingan nila si Presidente Woodrow Wilson na gamitin ang kaniyang impluwensiya na maisagawa ang isa sa mga sumusunod alang-alang sa mga kapatid na nakabilanggo:
“UNA: Isang lubusang pagpapawalang-sala, kung iyon ay posible na ngayon, O
“IKALAWA: Na inyong utusan ang Kagawaran ng Paglilitis na mapawalang-saysay ang pag-uusig laban sa kanila, at na sila’y lubusang palayain, O
“IKATLO: Na agad silang pahintulutan na magpiyansa habang hinihintay ang huling desisyon mula sa nakatataas na hukuman may kinalaman sa kanilang kaso.”
Sa loob ng dalawang linggo, nakakuha ang mga Estudyante ng Bibliya ng 700,000 pirma. Gayunman, ang petisyon ay hindi na naiharap sa presidente o sa gobyerno. Bakit hindi? Dahil sa bago ito nagawa, ang walong lalaki ay pinalaya na sa bisa ng piyansa. Kung gayon, ano ang nagawa ng petisyon? Ang The Watch Tower ng Hulyo 1, 1919, ay nagsabi: “Napakaliwanag ng katibayan na ninais ng Panginoon na ang petisyong ito ay isagawa, hindi lamang upang mapalaya ang mga kapatid sa bilangguan, kundi upang maging patotoo sa katotohanan.”
“Maligayang Pagbabalik, mga Kapatid”
Noong Martes, Marso 25, ang walong kapatid ay lumisan sa Atlanta patungo sa Brooklyn. Mabilis na kumalat ang balita ng kanilang pagkapalaya. Tunay na iyon ay isang makabagbag-damdaming tanawin—nagkalipumpon ang mga Estudyante ng Bibliya sa mga istasyon ng tren na daraanan sa pag-asang makita sila at maipahayag ang kagalakan sa kanilang pagkapalaya. Ang iba ay sumugod sa Tahanang Bethel sa Brooklyn, na isinara, upang ihanda ang isang piging ng pagsalubong. Sa Brooklyn, noong Marso 26, ang mga kapatid ay pinahintulutang magpiyansa ng $10,000 bawat isa, at sila’y pinalaya.
“Kaagad sila’y sinamahan ng ilang mga kaibigan sa Tahanang Bethel, kung saan mga lima o anim na raang mga kaibigan ang nagkakatipon upang batiin sila,” ang ulat ng The Watch Tower ng Abril 15, 1919. Sa silid-kainan, ay may malaking banner na may nakasulat na, “Maligayang Pagbabalik, mga Kapatid.” Halos 50 taon na ang nakaraan, nagunita ni Mabel Haslett, na naroroon sa piging na iyon: “Naaalaala ko pa na ako’y gumawa ng isandaang doughnut, na waring nagustuhan ng mga kapatid pagkalipas ng siyam na buwang pagkain sa piitan. Nakikini-kinita ko pa si Brother Rutherford na umaabot sa mga iyon. Iyon ay isang di-malilimot na okasyon habang inilalahad niya at ng iba pa ang kanilang mga karanasan. Natatandaan ko pa rin ang maliit na si Brother DeCecca na nakatayo sa isang silya para makita siya at marinig ng lahat.”
Noong Martes ng umaga, Abril 1, dumating si Brother Rutherford sa Pittsburgh, na kinaroroonan ngayon ng mga opisina ng punong-tanggapan. Dito man, nang malaman ng mga kapatid na siya’y nakatakdang dumating, ay nagsaayos ng isang piging, na ginanap nang gabing iyon sa Hotel Chatham. Gayunman, ang kalagayan sa bilangguan ay may masamang naidulot kay Brother Rutherford. Humina ang kaniyang baga, at bilang resulta, pagkatapos na siya’y palayain siya’y nagkaroon ng malubhang sakit na pulmonya. Kaya, di-nagtagal dahil sa paghina ng kaniyang katawan kinailangan na siya’y tumungo sa California, kung saan naroroon ang ilan sa kaniyang mga kamag-anak.
Ang Pagsubok sa Los Angeles
Ngayong malaya na si Brother Rutherford at ang iba pa, bumangon ang katanungan, Kumusta naman ang gawaing paghahayag ng Kaharian ng Diyos? Sa panahong nakabilanggo ang mga kapatid na ito, ang pang-organisasyong pamamahala sa gawaing pagpapatotoo ay halos napahinto. Ang Brooklyn Tabernacle ay ipinagbili at isinara ang Tahanang Bethel. Ang mga opisina ng punong-tanggapan sa Pittsburgh ay maliit, at limitado ang pondo. Bukod doon, gaano kayang interes mayroon sa mensahe ng Kaharian? Mula sa California, nagpasiya si Brother Rutherford na magsaayos ng isang pagsubok.
Ang isang pagpupulong ay isinaayos sa Clune’s Auditorium sa Los Angeles, noong Linggo, Mayo 4, 1919. “Ang Pag-asa Para sa Namimighating Sangkatauhan” ang pamagat ng pahayag na ipinag-anyaya sa madla. Ngunit ang pahayag ay ibibigay ni J. F. Rutherford—isang lalaki na kapapalaya lamang mula sa bilangguan. Sa pamamagitan ng malawakang pag-aanunsiyo sa pahayagan, nangako si Rutherford ng isang tapatang paglalahad ng mga pangyayari, kasali na ang isang paliwanag sa mga dahilan ng ilegal na paghatol sa mga opisyales ng Samahan. May magkakainteres kayang dumalo?
Nakatutuwa ang pagtugon. Sa katunayan, 3,500 ang dumating upang makinig sa pahayag, at mga 600 pa ang hindi nakapasok. Tuwang-tuwa si Brother Rutherford! Sumang-ayon siya na magpahayag sa mga hindi nakapasok noong Lunes ng gabi, at 1,500 ang dumating. Gayunman, masamang-masama pa ang kaniyang pakiramdam, kung kaya hindi niya natapos ang pahayag na iyon. Pagkaraan ng isang oras siya’y kinailangang palitan ng isang kasamahan. Gayunpaman, ang pagsubok sa Los Angeles ay isang tagumpay. Nakumbinsi si Brother Rutherford na may malaking interes sa mensahe ng Kaharian, at siya’y determinadong tiyakin na ito’y ipahahayag.
Patuloy sa Gawain!
Noong Hulyo 1919, nagtrabaho nang muli si Brother Rutherford sa punong-tanggapan sa Pittsburgh. Mabilis na naisagawa ang mga bagay-bagay nang sumunod na ilang buwan. Gumawa ng mga kaayusan para sa isang kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya na gaganapin sa Cedar Point, Ohio, Setyembre 1-8, 1919. Ang mga opisina ng Samahan ay inilipat na muli sa Brooklyn at nagsimulang mamahala noong Oktubre 1.
Ano kaya ngayon ang kanilang gagawin? Ang kanilang misyon ay maliwanag na idiniin sa kombensiyon sa Cedar Point. Noong Martes, Setyembre 2, si Brother Rutherford ay nagpaliwanag: “Ang misyon ng isang Kristiyano sa lupa . . . ay ang ipahayag ang mensahe ng kaharian ng katuwiran ng Panginoon, na magdadala ng mga pagpapala sa lahat ng nagbubuntung-hininga na mga nilalang.” Pagkalipas ng tatlong araw, noong Biyernes, Setyembre 5, na tinawag na Co-Laborers’ Day, si Brother Rutherford ay nagpatuloy pa: “Sa mga sandaling natitigilan natural lamang na magtanong sa sarili ang isang Kristiyano, Bakit ako naririto sa lupa? At ang kinakailangang sagot ay, Buong pagmamahal na ginawa ako ng Panginoon na kaniyang embahador upang taglayin ang maka-Diyos na mensahe ng pakikipagkasundo sa sanlibutan, at ang aking pribilehiyo at tungkulin ay ang ipatalastas ang mensaheng iyan.”
Oo, ngayon na ang panahon para ipagpatuloy ang gawaing paghahayag ng Kaharian ng Diyos! At upang makatulong sa pagsasagawa ng komisyong ito, ipinatalastas ni Brother Rutherford: “Sa awa’t tulong ng Panginoon kami’y nagsaayos para sa paglalathala ng isang bagong magasin sa tawag at pamagat na THE GOLDEN AGE.” Hindi alam ng mga kombensiyonista na ang babasahing The Golden Age ay mapatutunayang isang matapang na babasahin.
“Ang unang-unang kombensiyong iyon pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I ay isang malakas na pagpapasigla para sa aming lahat,” nagunita ni Herman L. Philbrick, na naglakbay patungo sa kombensiyon mula sa kaniyang tahanan sa Boston, Massachusetts. Tunay, ang kombensiyong iyon sa Cedar Point ay nagpasigla upang kumilos ang mga Estudyante ng Bibliya. Sila’y handa na upang magsimula sa gawaing paghahayag ng mabuting balita. Para bang sila’y nabuhay-muli mula sa kamatayan.—Ihambing ang Ezekiel 37:1-14; Apocalipsis 11:11, 12.
Samantala, mahahalagang bagay ang nagaganap sa tanawin ng sanlibutan. Nilagdaan ang Treaty of Versailles noong Hunyo 28, 1919, at nagkabisa noong Enero 10, 1920. Kasabay ng opisyal na pagwawakas ng kilusang militar laban sa Alemanya noong Digmaang Pandaigdig I, ang kasunduan ay nagtatakda pa rin para sa pagtatatag ng Liga ng mga Bansa—isang internasyonal na asosasyon na nilikha upang mapanatili ang kapayapaan sa sanlibutan.
‘Ianunsiyo ang Hari at ang Kaharian’
Noong 1922 ang mga Estudyante ng Bibliya ay bumalik sa Cedar Point para sa isang siyam-na-araw na programa, mula Setyembre 5 hanggang 13. Nangibabaw ang pananabik habang nagdaratingan ang mga delegado para sa internasyonal na kombensiyong ito. Ang pinakasukdulan ng kombensiyon ay naganap noong Biyernes, Setyembre 8, nang bigkasin ni Brother Rutherford ang pahayag na “Ang Kaharian.”
Nagunita pa ni Thomas J. Sullivan: “Nakikini-kinita pa rin niyaong nagkapribilehiyo na makadalo sa miting na iyon ang marubdob na hangarin ni Brother Rutherford nang sabihan niya ang ilang di-mapakaling mga tao na naglalakaran dahil sa matinding init ng panahon na ‘UMUPO’ at ‘MAKINIG’ sa pahayag anuman ang mangyari.” Yaong mga sumunod ay hindi naman nabigo, sapagkat iyon ang makasaysayang pahayag na doo’y pinasigla ni Brother Rutherford ang mga nakikinig na ‘ianunsiyo ang Hari at ang Kaharian.’
Ang nakikinig ay tumugon nang buong sigla. Nag-ulat ang The Watch Tower: “Napatanim sa isipan ng bawat isang naroroon na ang obligasyon ay iniatang sa bawat isang nakatalaga mula ngayon na kumilos bilang kinatawang tagapagbalita ng Hari at ng kaharian.” Nagsiuwi ang mga Estudyante ng Bibliya mula sa kombensiyong iyon taglay ang nag-aalab na sigasig ukol sa gawaing pangangaral. Sinabi ni Sister Ethel Bennecoff, isang colporteur na malapit nang maging 30 anyos, “kami’y napasigla na ‘ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo ang Hari at ang kaniyang kaharian’—Oo, taglay ang higit na sigasig at pag-ibig sa aming mga puso kaysa noon.”
Habang tumitindi ang espirituwal na liwanag ng pagkaunawa, nagsimulang maunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya ang ilang nakapananabik na katotohanan sa Bibliya. (Kaw. 4:18) Ang pagkaunawa sa mahahalagang katotohanang ito ang nagbigay ng ibayong puwersa sa kanilang gawaing paghahayag ng Kaharian ng Diyos. Kasabay nito, kinailangan nilang ibagay ang kanilang pag-iisip—at para sa ilan ito’y isang tunay na pagsubok.
“Ang Bigong mga Pag-asa ay Hindi Bago sa Ating Kaarawan”
“May katiyakang makaaasa tayo,” ang sabi ng buklet na Millions Now Living Will Never Die, noong 1920, “na ang 1925 ang magiging tanda ng pagbabalik [mula sa kamatayan] nina Abraham, Isaac, Jacob at ang tapat na mga propeta noon . . . tungo sa kalagayan ng pagiging sakdal na mga tao.” Hindi lamang ang pagkabuhay-muli ng sinaunang tapat na mga tao ang inasahan noong 1925 kundi ang ilan ay umasa rin naman na ang pinahirang mga Kristiyano ay maaaring tumanggap na ng kanilang makalangit na gantimpala sa taóng iyon.b
Dumating at lumipas ang taóng 1925. Tinalikuran ng iba ang kanilang pag-asa. Subalit karamihan sa mga Estudyante ng Bibliya ay nanatiling tapat. “Ang aming pamilya,” paliwanag ni Herald Toutjian, na ang lolo’t lola ay naging mga Estudyante ng Bibliya sa pagsisimula ng ika-20 siglo, “ay nakaunawa na ang bigong mga pag-asa ay hindi bago sa ating kaarawan. Ang mga apostol man ay nagkamali rin sa kanilang mga inaasahan. . . . Si Jehova ay karapat-dapat sa tapat na paglilingkod at papuri mayroon man o walang tiyak na gantimpala.”—Ihambing ang Gawa 1:6, 7.
Aling Organisasyon—kay Jehova o kay Satanas?
“Ang Pagsilang ng Bansa”—iyan ang pamagat ng isang mahalagang artikulo na lumabas noong isyu ng Marso 1, 1925, sa The Watch Tower. Iyon ay nagharap ng mas maliwanag na pagkaunawa sa Apocalipsis kabanata 12 na mahirap tanggapin ng ilan.
Ang simbolikong mga tauhan na binanggit sa kabanatang ito ng Apocalipsis ay ipinakilala bilang ang sumusunod: ang “babae” na nagsilang (tal. 1, 2) bilang “[makalangit] na organisasyon ng Diyos”; ang “dragon” (tal. 3) bilang “ang organisasyon ng diyablo”; at ang “anak na lalaki” (tal. 5, KJ) bilang “ang bagong kaharian, o bagong pamahalaan.” Salig dito, sa kauna-unahang pagkakataon ay lubusang ipinaliwanag ang isang bagay: May dalawang magkaiba at makalabang organisasyon—kay Jehova at kay Satanas. At kasunod ng “digmaan sa langit” (tal. 7, KJ), si Satanas at ang kaniyang tagapagtaguyod na mga demonyo ay pinalayas sa langit at inihagis sa lupa.
“Kami’y naupo at pinag-aralan iyon sa buong magdamag hanggang sa lubusan kong maunawaan,” ang isinulat ni Earl E. Newell, na nang maglaon ay naglingkod bilang naglalakbay na kinatawan ng Samahang Watch Tower. “Kami’y nagtungo sa isang asamblea sa Portland, Oregon, at doon ay nasumpungan namin ang mga kaibigan na nababalisa at ang ilan sa kanila ay gusto nang itapon ang The Watch Tower dahilan sa artikulong ito.” Bakit kaya ang paliwanag na ito sa Apocalipsis kabanata 12 ay napakahirap na matanggap ng iba?
Unang-una, iyon ay ibang-iba sa napalathala na sa The Finished Mystery, na sa kabuuan ay ang inipong mga akda ni Brother Russell pagkamatay niya.c Si Walter J. Thorn, na naglingkod bilang naglalakbay na pilgrim, ay nagpaliwanag: “Ang artikulong ‘Ang Pagsilang ng Bansa’ ay . . . napakahirap tanggapin dahilan sa naunang pagpapakahulugan ng minamahal na si Brother Russell, na ipinalalagay naming siyang pinaka-ultimong paliwanag sa Apocalipsis.” Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang iba ay matisod sa paliwanag. “Walang pagsalang ang pagpapakahulugang ito ay maaaring maging sanhi ng pagliglig,” ang komento ni J. A. Bohnet, isa pang pilgrim, “ngunit yaong tunay na mga taimtim at tapat sa pananampalataya ay tatayong matatag at magagalak.”
Tunay, yaong mga taimtim at tapat ay nagalak nga sa bagong paliwanag. Napakaliwanag na ngayon sa kanila: ang bawat isa ay kabilang alinman sa organisasyon ni Jehova o ni Satanas. “Tandaan,” ang artikulong “Pagsilang ng Bansa” ay nagpaliwanag, “magiging pribilehiyo natin . . . na buong-giting na ipakipaglaban ang layunin ng ating Hari sa pamamagitan ng paghahayag ng kaniyang pabalita, na ibinigay niya sa atin upang ipahayag.”
Habang nagpapatuloy ang dekada ng 1920 at pagkatapos ay ang dekada ng 1930, higit pang mga kislap ng liwanag sa pag-unawa sa Bibliya ang sumunod. Ang mga makasanlibutang selebrasyon at kapistahan, gaya ng Pasko, ay iniwaksi na. Ang iba pang mga kaugalian at paniniwala ay inalis na rin nang kanilang makita na ang mga ito’y galing sa mga bagay na nakasisirang-puri sa Diyos.d Subalit, higit pa sa pagtalikod sa maling mga kaugalian at paniniwala, ang mga Estudyante ng Bibliya ay patuloy na tumitingin kay Jehova para sa umuunlad na kapahayagan ng katotohanan.
“Kayo ang Aking mga Saksi”
“‘Kayo ang aking mga saksi,’ sabi ni Jehova, ‘at ako ang Diyos.’” (Isa. 43:12) Sa pagsisimula ng dekada ng 1920, lalo pang nabatid ng mga Estudyante ng Bibliya ang malalim na kahulugan ng mga salitang ito ni propeta Isaias. Sa pamamagitan ng mga pahina ng The Watch Tower, ang atensiyon ay paulit-ulit na inaakay sa ating pananagutan na sumaksi sa pangalan ni Jehova at sa kaniyang Kaharian. Gayunman, isang mahalagang pangyayari ang naganap sa isang kombensiyong idinaos sa Columbus, Ohio, noong 1931.
Noong Linggo, Hulyo 26, sa tanghali, binigkas ni Brother Rutherford ang pahayag pangmadla na “Ang Kaharian, ang Pag-asa ng Sanlibutan,” na isinahimpapawid nang malawakan sa ikinabit na mga radyo, na may mahigit na 300 karagdagang istasyon na pagkaraa’y nagbrodkas-muli ng mensahe. Sa bandang huli ng pahayag, binabalaan ni Brother Rutherford ang Sangkakristiyanuhan sa pamamagitan ng pagbasa ng isang nakasasakit na resolusyon na pinamagatang “Babala Mula kay Jehova,” na ipinatungkol “Sa mga Pinunò at sa mga Bayan.” Bilang tugon sa kaniyang paanyaya na papagtibayin nila ang resolusyon, ang lahat ng naroroon ay tumayo at sumigaw ng, “Oo!” Tumanggap ng mga telegrama pagkaraan na nagsasabing marami sa mga nakikinig sa radyo ay sumagot din nang malakas bilang pagsang-ayon.
Mula ala-una, nang matapos na ang pahayag pangmadla, hanggang alas kuwatro, nang pumasok muli si Brother Rutherford sa awditoryum, naghahari pa rin ang kasabikan. Pinakiusapan ni Brother Rutherford lalo na yaong mga talagang interesado sa ibinigay na babala sa Sangkakristiyanuhan noong tanghali na bumalik sa kanilang mga upuan pagsapit ng alas kuwatro.
Eksakto pagsapit ng alas kuwatro, nagsimula si Brother Rutherford sa pagsasabing ang kaniyang sasabihin ay itinuturing niyang napakahalaga sa bawat isa na nakaririnig ng kaniyang tinig. Lubhang naakit ang kaniyang mga tagapakinig. Sa panahon ng kaniyang pahayag muli siyang nagharap ng isa pang resolusyon, ang isang ito ay pinamagatang “Isang Bagong Pangalan,” na ang pinakasukdulan ay ang pagsasabing: “Hinahangad namin na makilala at tawagin sa pangalang, alalaong baga’y, mga saksi ni Jehova.” Ang natutuwang mga kombensiyonista ay nagtayuan habang umaalingawngaw ang sigawang “Oo!” Mula ngayon sila’y makikilala bilang mga Saksi ni Jehova!
“Inalis ng Espiritu ni Jehova ang Aming Takot”
Noong 1927, hinimok ang bayan ni Jehova na gumugol ng ilang oras bawat Linggo sa sama-samang pagpapatotoo. Agad bumangon ang pambatas na oposisyon. Sa loob ng ilang taon, dumami ang mga pag-aresto—268 sa Estados Unidos lamang noong 1933, 340 noong 1934, 478 noong 1935, at 1,149 noong 1936. Sa anong paratang? Ang totoo ay maraming bintang, kasali na ang pagtitinda nang walang lisensiya, pambubulabog sa katahimikan, at paglabag sa batas ng sabbath kung Linggo. Ang lokal na mga grupo ng mga Saksi ay walang kaalam-alam kung tungkol sa pakikitungo sa mga opisyal ng pulis at sa mga hukuman. Ang paghingi ng legal na tulong ay alinman sa napakamahal o imposible dahil sa may kinikilingan. Kaya naman ang Samahang Watch Tower ay buong-katalinuhang bumuo sa Brooklyn ng isang departamento ukol sa batas upang magbigay ng payo.
Gayunman, ang isang malakas na depensang pambatas ay hindi sapat. Ang tapat na mga Saksi ni Jehova ay handang mamuhay ayon sa pangalang kanilang tinanggap. Kaya, maaga noong dekada ng 1930, gumanti sila sa pamamagitan ng pananalakay. Papaano? Sa pamamagitan ng mga pantanging misyon sa pangangaral na nakilala bilang pangkat-pangkat na kampanya. Libu-libong mga boluntaryo sa buong Estados Unidos ang inorganisa sa mga pangkat. Kapag ang mga Saksi ay dinakip sa isang bayan dahil sa pangangaral sa bahay-bahay, isang pangkat ng mga boluntaryo mula sa ibang lugar ang darating at “sasalakayin” ang bayan, na nagbibigay ng puspusang patotoo.e
Ang pangkat-pangkat na kampanyang iyon ay may malaking nagawa upang palakasin ang lokal na mga Saksi. Sa bawat pangkat, may mga kuwalipikadong mga kapatid na lalaki na sinanay sa pakikitungo sa mga awtoridad. Iyon ay isang tunay na pampalakas-loob sa mga kapatid na naninirahan sa isang magulong lugar, marahil sa isang maliit na bayan, na maalamang hindi sila nag-iisa sa paghahayag ng Kaharian ng Diyos.
Kinailangan ang puspusang tibay ng loob upang makibahagi sa mga pangkat-pangkat na kampanya noong dekada ng 1930. Sa panahon ng Great Depression, mahirap ang pagkuha ng trabaho. Gayunman, si Nicholas Kovalak, Jr., isang naglalakbay na tagapangasiwa sa loob ng mga 40 taon, ay nakagunita: “Nang may tumawag para puntahan ang isang magulong lugar, ang ‘service director’ ay humingi ng mga boluntaryo. Ang bawat isa ay sinabihan na huwag magboluntaryo kung sila’y natatakot na mawalan ng trabaho. . . . Subalit sa tuwina ay natutuwa kami na makita ang 100% pagtugon!” Ganito ang napansin ni John Dulchinos, isang tagapangasiwa mula sa Springfield, Massachusetts: “Tunay, iyon ay mga taóng maigting at ang mga alaala niyaon ay napakahalaga. Inalis ng espiritu ni Jehova ang aming takot.”
Samantala, isang kislap ng liwanag sa Bibliya ang nabuo na nagdulot ng matinding epekto sa gawain.
Papaano Kaya ang mga Jonadab?
Ipinaliwanag noong 1932 na si Jehonadab (Jonadab), kasama ni Haring Jehu, ay lumarawan sa isang uri ng mga tao na magtatamasa ng walang-hanggang buhay sa lupa.f (2 Hari 10:15-28) Itinuturing ng mga Jonadab, gaya ng tawag sa kanila, na isang pribilehiyo na makasama ng mga pinahirang lingkod ni Jehova at makibahagi sa kanila sa pag-aanunsiyo ng Kaharian. Subalit nang panahong iyon ay wala pang pantanging pagsisikap na magtipon at maorganisa ang mga indibiduwal na ito na may makalupang pag-asa.
Gayunman, isang tunay na pampatibay-loob ang ibinigay sa mga Jonadab sa Ang Bantayan ng Agosto 15, 1934 (sa Ingles). Ang artikulong “Ang Kaniyang Kabaitan” ay nagsabi: “Dapat bang italaga ng isang Jonadab ang kaniyang sarili sa Panginoon at mabautismuhan? Sagot: Tiyak na tiyak na angkop lamang para sa isang Jonadab na italaga ang kaniyang sarili upang ganapin ang kalooban ng Diyos. Walang sinuman ang makapagtatamo ng buhay kung hindi iyan gagawin. Ang paglulubog sa tubig ay sagisag lamang ng ginawang pagtatalaga [o, gaya ng tawag natin sa ngayon, pag-aalay] upang ganapin ang kalooban ng Diyos, at iyan ay hindi paglabag sa tuntunin.” Nagalak ang mga Jonadab!
Gayunman, may darating pa rin na magdudulot ng higit na kagalakan para sa kanila. Nang sumunod na tagsibol, sunud-sunod na isyu ng Ang Bantayan, simula sa isyu ng Abril 1, 1935 (sa Ingles), ang nagtataglay ng ganitong patalastas: “Muli ang The Watchtower ay nagpapaalaala sa mga mambabasa nito na ang isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova at mga Jonadabg ay gaganapin sa Washington, D.C., simula sa Mayo 30 at magtatapos sa Hunyo 3, 1935.” Buong pananabik na hinintay ng mga Jonadab ang kombensiyon.
Ang “malaking pulutong,” na inihula sa Apocalipsis 7:9-17 (KJ), ang siyang paksa sa pahayag na binigkas ni Brother Rutherford sa ikalawang hapon ng kombensiyon. Sa pahayag na iyon ay ipinaliwanag niya na ang malaking pulutong ay binubuo ng modernong-panahong mga Jonadab at na ang mga Jonadab na ito ay dapat na magpakita ng kaparehong antas ng katapatan kay Jehova gaya ng sa mga pinahiran. Gayon na lamang ang katuwaan ng mga nakikinig! Sa kahilingan ng tagapagsalita, ang mga Jonadab ay nagsitayo. “Sa pasimula ay katahimikan,” nagunita ni Mildred Cobb, na nabautismuhan noong tag-init ng 1908, “pagkatapos ay nagkakatuwaang sigawan, at ang palakpakan ay malakas at mahaba.”
Ang kislap na ito ng liwanag sa Bibliya ay may masidhing epekto sa gawain ng mga Saksi ni Jehova. “Taglay ang tumitinding pananabik,” ang sabi ni Sadie Carpenter, isang pambuong-panahong mángangarál sa loob ng mahigit nang 60 taon, “bumalik kami sa aming mga teritoryo para hanapin ang tulad-tupang mga taong ito na dapat pang tipunin.” Pagkaraan ang Yearbook of Jehovah’s Witnesses for 1936 ay nag-ulat: “Ang kapahayagang ito ay nagpakilos sa mga kapatid at nagpasigla sa kanila upang magpanibagong-sikap sa gawain, at sa lahat ng dako sa buong lupa ay dumarating ang mga ulat na nagpapakita ng kagalakan sa bagay na ang mga nalabi ngayon ay may pribilehiyong dalhin ang pabalita sa malaking pulutong, at na magkasamang gagawa ang mga ito ukol sa ikararangal ng pangalan ng Panginoon.” Upang matulungan sila sa gawaing ito, ang aklat na Kayamanan, na inilathala noong 1936, ay naglaman ng masinsinang pagtalakay sa pag-asang iniaalok ng Kasulatan para sa malaking pulutong.
Sa wakas, ang mga nag-alay, nabautismuhang mga miyembro ng malaking pulutong ay nakasumpong ng kanilang angkop na dako kasama ng pinahiran sa pag-aanunsiyo ng Kaharian ng Diyos!
‘Paglatay sa Balat ng Matandang Babae’
Noong dekada ng 1930, kasali sa pabalita na ipinahahayag ng masisigasig na mga Saksing ito ang masakit na pagbubunyag sa huwad na relihiyon. Isang pantulong na kagamitan sa layuning ito ang inilabas sa pangkalahatang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova, noong Setyembre 15-20, 1937, sa Columbus, Ohio.
Noong Sabado, Setyembre 18, kasunod ng kaniyang pang-umagang pahayag, inilabas ni Brother Rutherford ang kulay-balat na aklat na Enemies. Tinuligsa nito ang huwad na relihiyon bilang “isang masugid na kaaway, na laging gumagawa ng masama sa sangkatauhan.” Ang huwad na mga relihiyonista ay ipinakilala bilang “mga ahente ng Diyablo, alam man nila ang katotohanang iyon o hindi.” Nang ipinakikita ang aklat sa mga tagapakinig, sinabi ni Brother Rutherford: “Mapapansin ninyo na ang aklat ay kulay-balat, at ating lalatayan ang balat ng matandang babaeh sa pamamagitan nito.” Ang mga tagapakinig ay nagbigay ng malakas at masiglang sagot ng pagsang-ayon.
Sa loob ng ilang taon ang ponograpo ay gumawa ng bahagi sa ‘paglatay sa balat ng matandang babae.’ Subalit kaugnay sa paggamit ng ponograpo, nagkaroon ng sorpresa sa kombensiyon noong 1937. “Sa asambleang ito ipinakilala ang gawain sa paggamit ng bitbiting ponograpo sa bungad ng pinto,” nagunita ni Elwood Lunstrum, na noon ay 12 anyos pa lamang. “Dati-rati dinadala namin ang ponograpo sa paglilingkod, subalit pinatutugtog lamang namin iyon kapag pinapasok kami sa loob. . . . Sa kombensiyon sa Columbus ipinatalastas ang pag-oorganisa ng mga ‘Special Pioneer’ upang pasimulan ang paggamit ng ponograpo sa bungad ng pinto at ang gawaing pagbabalik-muli sa mga interesadong tao (sa pasimula’y tinawag na ‘back-calls’) at pag-aaral sa Bibliya na may kaayusang tinatawag na ‘model study.’”
Umuwi ang bayan ni Jehova mula sa kombensiyong iyon na nasasangkapang higit para sa gawaing paghahayag ng Kaharian ng Diyos. Tiyak na kailangan nila ang lahat ng pampatibay-loob na maibibigay. Ang pagtindi ng nasyonalismo noong dekada ng 1930 ang nagdala ng oposisyon, kung minsan ay pang-uumog, mula sa mga indibiduwal na ibig mapigilan ang mga Saksi ni Jehova sa mga pagtitipon at sa pangangaral.
“Isang Pangkat ng mga Magnanakaw”
May matinding pag-uusig na nagmula sa ilang grupo ng Catholic Action. Noong Oktubre 2, 1938, tahasang binigkas ni Brother Rutherford ang pahayag na “Pasismo o Kalayaan,” na di-nagtagal ay lumabas sa anyong buklet at ipinamahagi nang milyun-milyon. Inisa-isa ni Brother Rutherford sa pahayag na ito ang di-makatarungang mga ginawa upang ipakita ang pagsasabwatan sa pagitan ng ilang opisyal ng bayan at mga kinatawan ng Iglesya Katolika Romana.
Matapos iharap ang mga katotohanan, wika ni Rutherford: “Kapag ang mga tao ay sinabihan ng katotohanan tungkol sa isang grupo na gumagawa sa likod ng balabal ng relihiyon upang nakawan ng kanilang karapatan, ang Herarkiya ay nagpapalahaw at nagsasabi: ‘Kasinungalingan! Pasakan ang mga bibig nila at huwag silang papagsalitain.’” Pagkatapos ay nagtanong siya: “Mali bang ilathala ang katotohanan tungkol sa isang pangkat ng mga magnanakaw na nagnanakaw sa mga tao? Hindi! . . . Dapat bang pasakan ang mga tapat na tao at piliting tumahimik samantalang ang pangkat ng mga magnanakaw na ito ay nag-aalis ng mga kalayaan ng mga tao? Higit sa lahat, dapat bang pagkaitan ang mga tao ng kanilang bigay-Diyos na pribilehiyo ng tahimik na asamblea at kalayaan ng pagsamba sa Diyos na Makapangyarihan sa lahat, at kalayaan sa pagsasalita ukol sa kaharian at sa mga sumasalansang dito?”
Pagkatapos ng masakit na pagwiwikang ito, nagpatuloy ang oposisyon mula sa mga grupo ng Catholic Action sa buong Estados Unidos. Ang mga Saksi ni Jehova ay nakipaglaban sa mga korte alang-alang sa kalayaan sa pagsamba at sa kanilang karapatang ilathala ang Kaharian ng Diyos. Ngunit ang kalagayan ay lalong sumamâ nang magkaroon ng digmaan sa daigdig. Ang mga pagbabawal ng batas at pagbibilanggo ay dinanas din ng mga Saksi ni Jehova sa sunud-sunod na bansa sa Europa, Aprika, at Asia.
“Bawat Isa ay Nagnanais Magtungo sa St. Louis”
“Noong 1941,” nagunita ni Norman Larson, na noon ay kapapasok pa lamang sa pambuong-panahong paglilingkod, “nadama namin na kami’y sumusuong sa mapanganib na mga panahon ngayong nagaganap na ang digmaan sa Europa. Kaya nga ang bawat isa ay nagnanais magtungo sa St. Louis.” Para saan? Ano pa, kundi para sa Teokratikong Asamblea ng mga Saksi ni Jehova sa St. Louis, Missouri, Agosto 6-10, 1941! At “ang bawat isa” ay dumating. Umapaw ang mga pasilidad ng kombensiyon. Sang-ayon sa tantiya ng pulis, isang pinakamataas na bilang na 115,000 ang dumalo.
Mula sa unang araw, ang programa ng kombensiyon ay naglaan ng napapanahong pampatibay-loob. Ang panimulang pahayag ni Brother Rutherford na, “Katapatan,” ang nagpatingkad ng tema ng kombensiyon. “Ngayon higit kailanman naging maliwanag sa amin kung bakit pinahihintulutan ni Jehova ang matinding pag-uusig sa kaniyang bayan sa buong daigdig,” nagunita ni Hazel Burford, na naglingkod bilang isang misyonero sa halos 40 taon, hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1983. Bilang pag-uulat sa kombensiyon, ang 1942 Yearbook of Jehovah’s Witnesses ay nagsabi pa: “Maliwanag sa lahat na isang malaking gawaing pagpapatotoo ang kailangan pang gawin, at na sa paggawa ng gayon mapananatili nila ang kanilang katapatan, kahit na sila’y kamuhian ng lahat ng tao at ng makasanlibutang mga organisasyon.”
Isang makabagbag-damdaming tagpo ang naganap noong Linggo, Agosto 10, bilang “Araw ng mga Kabataan.” Nang simulan ang pang-umagang sesyon, 15,000 mga kabataan—sa pagitan ng 5 at 18 taóng gulang—ang tinipon sa pangunahing arena katapat na katapat ng plataporma at sa isang lugar na inilaan din sa isang tulad-siyudad na paradahan ng mga trailer upang doon makinig ang mga wala nang maupuang mga tao. Nang si Brother Rutherford, noon ay mahigit na 70, ay umakyat sa plataporma, nagsigawan ang mga kabataan at nagpalakpakan. Ikinaway niya ang kaniyang panyo, at kumaway din ang mga kabataan. Pagkatapos, sa isang maliwanag, mabait na tinig, nagpahayag siya sa lahat sa temang “Mga Anak ng Hari.” Pagkatapos na makipag-usap sa loob ng mahigit na isang oras sa mga tagapakinig sa pangkalahatan, ipinatungkol naman niya ang kaniyang mga pangungusap sa mga kabataan na nakaupo sa mga inireserbang lugar.
“Kayong lahat . . . na mga kabataan,” ang sabi niya, na ipinapako ang kaniyang atensiyon sa mga nakangiting mukha sa harapan niya, “na sumang-ayong ganapin ang kalooban ng Diyos at pumanig sa Teokratikong Pamahalaan ni Kristo Jesus at sumang-ayong sundin ang Diyos at ang kaniyang Hari, pakisuyong tumayo kayo.” Parang iisang tumayo ang mga kabataan. “Narito,” ang bulalas ng masiglang tagapagsalita, “mahigit na 15,000 bagong mga saksi para sa Kaharian!” Humugong ang palakpakan. “Lahat kayo na gagawin ang lahat ng magagawa upang sabihin sa iba ang tungkol sa kaharian ng Diyos at ang mga pagpapala nito, ay pakisuyong sumagot ng Oo.” Isang dumadagundong na sigaw na, “Oo!”
Pinakasukdulan sa lahat, ipinatalastas ni Brother Rutherford ang paglalabas ng isang bagong aklat na Children, na tinanggap na may pagsisigawan dulot ng kagalakan at ubod-lakas na palakpakan. Pagkaraan, ang tagapagsalita, isang matangkad na lalaki, ay nakibahagi sa pagbibigay ng walang-bayad na kopya ng aklat sa mahabang linya ng mga kabataan na dumaraan sa kaniya sa plataporma. Marami ang napaluha sa kanilang nasaksihan.
Kasali sa mga naroroon noong Linggo ng umagang iyon ay ang mga kabataang namuhay ayon sa kanilang isinigaw na “Oo!” Sina LaVonne Krebs, Merton Campbell, at Eugene at Camilla Rosam ay kabilang sa mga kabataang tumanggap ng aklat na Children sa okasyong iyon. Ang mga ito’y gumugol ng 51, 49, 49, at 48 taon bawat isa, sa buong-panahong ministeryo at patuloy pang naglilingkod sa punong-tanggapan ng Samahan noong 1992. Ang ilan sa mga kabataan ay naglingkod bilang misyonero sa ibang bansa, kasali na si Eldon Deane (Bolivia), Richard at Peggy Kelsey (Alemanya), Ramon Templeton (Alemanya), at Jennie Klukowski (Brazil). Tunay, ang pang-umagang programa noong Linggong iyon sa St. Louis ay nag-iwan ng di-malilimot na alaala sa murang puso ng maraming kabataan!
Noong Linggo ng hapon si Brother Rutherford ay may ilang pangwakas na pangungusap para sa mga kombensiyonista. Pinasigla niya sila na ipagpatuloy ang gawain ng paghahayag ng Kaharian ng Diyos. “Nakatitiyak ako,” ang sabi niya sa kanila, “na mula ngayon . . . yaong bubuo sa malaking pulutong ay napakabilis na darami.” Sila’y hinimok niya na bumalik sa kanilang sari-sariling dako ng bansa at “papag-ibayuhin pa . . . gumugol ng higit at higit pang panahon na magagawa.” Pagkatapos ay ang huling pangungusap sa mga nakikinig: “Bueno, mahal kong mga kapatid, pagpalain nawa kayo ng Panginoon. Ngayon ay hindi ako magpapaalam, sapagkat ako’y umaasang magkikita tayong muli sa ibang pagkakataon.”
Subalit para sa marami iyon ang huli nilang pagkakita kay Brother Rutherford.
Ang Huling mga Araw ni J. F. Rutherford
Si Brother Rutherford ay may kanser sa colon at masama na ang katawan noong kombensiyon sa St. Louis. Ngunit, naisagawa pa rin niyang makapagbigay ng limang matitinding pahayag. Gayunman, pagkatapos ng kombensiyon, lumubha ang kaniyang kalagayan, at siya’y napilitang magpa-colostomy. Nagunita ni Arthur Worsley ang araw nang magpaalam si Brother Rutherford sa pamilyang Bethel. “Ipinagtapat niya sa amin na siya’y magpapasailalim sa isang mapanganib na operasyon at anuman ang mangyari sa kaniya, siya’y may tiwala na ipagpapatuloy namin ang paghahayag ng pangalan ni Jehova. Siya . . . ay nagtapos sa pagsasabing, ‘Kaya, kung loloobin ng Diyos, makikita ko kayong muli. Kung hindi man, ipagpatuloy ninyo ang pakikipaglaban.’ Ang bawat isa sa pamilya ay lumuha.”
Si Brother Rutherford, 72 taóng gulang ay nakaligtas sa operasyon. Di-nagtagal pagkatapos siya’y dinala sa isang tahanan sa California na tinawag niyang Beth-Sarim. Naging maliwanag sa kaniyang mga mahal sa buhay, at sa mga dalubhasa sa medisina, na siya’y hindi na gagaling. Sa katunayan, kinailangan pa niyang magpaopera muli.
Mga kalagitnaan ng Disyembre, sina Nathan H. Knorr, Frederick W. Franz, at Hayden C. Covington ay dumating mula sa Brooklyn. Si Hazel Burford, ang nag-alaga kay Brother Rutherford sa nakalulungkot at mahirap tiising mga araw na iyon, nang maglaon ay nakagunita: “Sila’y gumugol ng maraming araw kasama niya na sinusuri ang taunang ulat para sa Yearbook at iba pang mga bagay na pang-organisasyon. Pagkaalis nila, si Brother Rutherford ay patuloy na humina at, mga tatlong linggo pagkaraan, noong Huwebes, Enero 8, 1942, tinapos niya ang kaniyang makalupang takbuhin nang may katapatan.”i
Papaano tinanggap sa Bethel ang balita ng kamatayan ni Brother Rutherford? “Hindi ko kailanman malilimot ang araw nang mabalitaan namin ang pagkamatay ni Brother Rutherford,” nagunita ni William A. Elrod, miyembro ng pamilyang Bethel sa loob ng siyam na taon. “Tanghali noon nang matipon ang pamilya para sa pananghalian. Maigsi lamang ang patalastas. Walang mga pahayag. Walang nagbakasyon para magluksa. Sa halip, kami’y bumalik sa pagawaan at buong-sigasig na gumawa higit kailanman.”
Iyon ay matinding panahon ng pagsubok para sa mga Saksi ni Jehova. Ang digmaan ay naging pandaigdig na pag-aalitan. Ang labanan ay lumaganap mula Europa hanggang Aprika, pagkatapos ay sa dating Unyon Sobyet. Noong Disyembre 7, 1941, isang buwan lamang bago mamatay si Brother Rutherford, ang paglusob ng Hapón sa Pearl Harbor ay nagbunsod sa Estados Unidos na makidigma. Sa maraming lugar ang mga Saksi ang tampulan ng malupit na pang-uumog at iba pang anyo ng matinding pag-uusig.
Ano ang mangyayari ngayon?
[Mga talababa]
a Isang korporasyon sa New York na itinatag noong 1909 may kaugnayan sa paglilipat ng Samahan ng punong-tanggapan nito sa Brooklyn, New York.
b Tingnan ang Kabanata 28, “Pagsubok at Pagliglig sa Loob Mismo.”
c Sang-ayon sa pagpapakahulugan na nakalahad sa The Finished Mystery, ang babae sa Apocalipsis kabanata 12 ay “ang sinaunang Iglesya,” ang dragon ay “ang Paganong Imperyong Romano,” at ang anak na lalaki ay “ang papado.”
d Tingnan ang Kabanata 14, “Sila’y Hindi Bahagi ng Sanlibutan.”
e Tingnan ang Kabanata 30, “Pagtatanggol at Legal na Pagtatatag ng Mabuting Balita.”
f Vindication, Ikatlong Aklat, pahina 77. Tingnan din ang Kabanata 12, “Ang Malaking Pulutong—Mabubuhay ba sa Langit? o sa Lupa?”
g Nang panahong iyon ang mga Jonadab ay hindi ibinibilang na mga “saksi ni Jehova.” (Tingnan Ang Bantayan, Agosto 15, 1934, pahina 249, sa Ingles.) Gayunman, paglipas ng ilang taon, Ang Bantayan ng Hulyo 1, 1942 (sa Ingles), ay nagsabi: “Ang ‘ibang tupang’ ito [mga Jonadab] ay naging mga saksi sa Kaniya, kung papaano ang mga tapat na lalaki bago ang kamatayan ni Kristo, mula kay Juan Bautista tuluy-tuloy pabalik kay Abel, ay naging walang-humpay na mga saksi ni Jehova.”
h Tumutukoy ito sa “dakilang patutot,” na binanggit sa Apocalipsis kabanata 17. Ang aklat na Enemies ay nagsabi: “Ang lahat ng organisasyon sa lupa na salansang sa Diyos at sa kaniyang kaharian . . . ay tinatawag na ‘Babilonya’ at ‘patutot’, at ang mga katawagang iyon ay tumutukoy sa pangunahing relihiyosong organisasyon, ang iglesya Romana Katolika.” (pahina 198) Makalipas ang ilang taon nakita sa katunayan na ang patutot ay kumakatawan sa pandaigdig na imperyo ng lahat ng huwad na relihiyon.
i Naulila ni Brother Rutherford ang kaniyang asawa, si Mary, at ang kanilang anak na lalaki, si Malcolm. Sa dahilang si Sister Rutherford ay masasaktin at nahihirapan siya kung taglamig sa New York (ang kinaroroonan ng punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower), sila ni Malcolm ay nanirahan sa dakong timog ng California, na may mas mabuting klima para sa kaniyang kalusugan. Namatay si Sister Rutherford noong Disyembre 17, 1962, sa edad na 93. Ang pabalita ng kaniyang kamatayan, na lumabas sa Monrovia, California, Daily News-Post, ay nagsabi: “Siya’y nagkaroon ng aktibong bahagi sa gawaing pagmiministeryo ng mga Saksi ni Jehova hanggang sa siya’y mapilitang manatili sa kaniyang tahanan dala ng karamdaman.”
[Blurb sa pahina 73]
“Ang pangunahing mga sandata ni Satanas ay ang PAGMAMATAAS, AMBISYON at PAGKATAKOT”
[Blurb sa pahina 74]
“Katiyakan na si Jehova ang nagpapatakbo ng Samahan”
[Blurb sa pahina 75]
‘Mapalaya, hindi para sa aming sarili, kundi upang maging patotoo sa katotohanan’
[Blurb sa pahina 77]
“Ang misyon ng isang Kristiyano sa lupa . . . ay ang ipahayag ang mensahe ng kaharian ng Panginoon”
[Blurb sa pahina 78]
‘Ianunsiyo ang Kaharian taglay ang higit na sigasig at pag-ibig kaysa noon’
[Blurb sa pahina 82]
“Hinahangad namin na makilala bilang . . . mga saksi ni Jehova”
[Blurb sa pahina 83]
Oo! Ang mga Jonadab ay dapat bautismuhan
[Blurb sa pahina 84]
‘Hinahanap ang tulad-tupang mga taong ito na dapat pang tipunin’
[Blurb sa pahina 85]
Tahasang pinagwikaan ni Rutherford ang relihiyosong mga mananalansang
[Blurb sa pahina 86]
15,000 kabataan ang pumanig sa Kaharian
[Blurb sa pahina 89]
“Kung loloobin ng Diyos, makikita ko kayong muli. Kung hindi man, ipagpatuloy ninyo ang pakikipaglaban”
[Kahon/Larawan sa pahina 76]
“Ang Tahanan ng mga Prinsipe”
Si Brother Rutherford ay dinapuan ng malubhang sakit na pulmonya pagkatapos na siya’y palayain mula sa di-makatarungang pagkabilanggo noong 1919. Mula noon, isa na lamang sa kaniyang bagà ang gumagana. Noong dekada ng 1920, samantalang nagpapagamot, pumunta siya sa San Diego, California, at hinimok siya ng doktor na manatili roon hangga’t maaari. Mula 1929 patuloy, pinalipas ni Brother Rutherford ang taglamig habang nagtatrabaho sa isang tahanan sa San Diego na tinawag niyang Beth-Sarim. Ang Beth-Sarim ay naitayo sa pamamagitan ng pondong tuwirang iniabuloy para sa layuning iyon. Ang kasulatán, na sa kabuuan ay napalathala sa “The Golden Age” ng Marso 19, 1930, ay naglipat sa pag-aaring ito kay J. F. Rutherford at pagkatapos ay sa Samahang Watch Tower.
Tungkol sa Beth-Sarim, ang aklat na “Salvation,” napalathala noong 1939, ay nagpapaliwanag: “Ang Hebreong mga salitang ‘Beth Sarim’ ay nangangahulugang ‘Tahanan ng mga Prinsipe’; at ang layunin ng pagbili sa pag-aaring iyan at pagtatayo ng tahanan ay upang magkaroon ng nakikitang patotoo na mayroon ngayon sa lupa na lubusang naniniwala sa Diyos at kay Kristo Jesus at sa Kaniyang kaharian, at naniniwalang ang mga sinaunang tapat na mga tao ay bubuhaying-muli ng Panginoon, muling maninirahan sa lupa, at mangangasiwa sa nakikitang mga pangyayari sa lupa.”
Mga ilang taon pagkamatay ni Brother Rutherford, ang lupon ng mga direktor ng Samahang Watch Tower ay nagpasiyang ipagbili ang Beth-Sarim. Bakit? Ipinaliwanag ng “Ang Bantayan” ng Disyembre 15, 1947 (sa Ingles): “Naganap na nito ang kaniyang layunin at ngayon ay nagsisilbi na lamang na isang bantayog na may kamahalan din kung pananatilihin; ang ating pananampalataya sa pagbabalik ng mga sinaunang tao na gagawing mga prinsipe ng Haring si Kristo Jesus sa BUONG daigdig (hindi lamang sa California) ay batay, hindi sa tahanang iyan ng Beth-Sarim, kundi sa pangako ng Salita ng Diyos.”j
[Talababa]
j Noong panahong iyon, ang paniwala ay na ang mga tapat na sinaunang lalaki, gaya nina Abraham, Jose, at David, ay bubuhaying-muli bago ang katapusan ng sistemang ito ng mga bagay at maglilingkod bilang “mga prinsipe sa buong lupa,” bilang katuparan ng Awit 45:16. Ang pangmalas na ito ay iniwasto noong 1950, nang ang patuloy na pag-aaral ng Kasulatan ay nagpakitang ang makalupang mga ninuno ni Jesus ay bubuhaying-muli pagkatapos ng Armagedon.—Tingnan “Ang Bantayan,” Nobyembre 1, 1950, pahina 414-17 (sa Ingles).
[Kahon/Mga larawan sa pahina 80, 81]
Pagsasahimpapawid ng Pabalita ng Kaharian
Sa loob ng dalawang taon pagkatapos na pasimulan ang regular na komersiyal na pagsasahimpapawid sa radyo, ginamit ang radyo sa pagpapahatid ng pabalita ng Kaharian. Kaya nga noong Pebrero 26, 1922, binigkas ni Brother Rutherford ang kaniyang kauna-unahang pagsasahimpapawid sa radyo, sa California. Paglipas ng dalawang taon, noong Pebrero 24, 1924, nagsimulang magsahimpapawid ang sariling istasyon ng radyo ng Samahang Watch Tower na WBBR, sa Staten Island, New York. Sa dakong huli, naisaayos ng Samahan ang pambuong-daigdig na magkakaugnay na istasyon upang isahimpapawid ang mga programa at mga pahayag sa Bibliya. Nang sumapit ang 1933 umabot sa 408 istasyon ang nagdadala ng pabalita ng Kaharian sa anim na kontinente!
[Mga larawan]
Ang WBBR, sa New York, ay pinangasiwaan ng Samahang Watch Tower mula 1924 hanggang 1957
Ang WBBR orkestra noong 1926
Si J. F. Rutherford habang ipinahahayag ang “Harapin ang mga Katotohanan,” sa Royal Albert Hall, sa London, Inglatera, noong Setyembre 11, 1938; mahigit na 10,000 ang nagsiksikan sa awditoryum (sa ibaba), habang milyun-milyon pa ang nakapakinig sa radyo
Ang programa sa pagbubukas ng WBBR
Mga kawani sa istasyon na 2HD, Newcastle, NSW, Australia
Ang istasyon ng radyo na CHCY sa Edmonton, Alberta, ay isa sa maraming istasyon na pag-aari at pinangasiwaan ng Samahan sa Canada
Pagsasahimpapawid sa Pinlandya sa pamamagitan ng isang istasyon ng radyo sa Estonia
Mga kagamitan sa pagsasahimpapawid sa istasyon na WORD, malapit sa Chicago, Illinois; pag-aari at pinangasiwaan ng Samahan
[Kahon/Mga larawan sa pahina 87]
Pangangaral na May Dalang Ponograpo
Noong 1933, nagsimula ang mga Saksi ni Jehova sa paggamit ng naiibang paraan ng pangangaral. Ang isinasakay na transcription machine na may amplifier at loudspeaker ay ginamit upang maiparinig sa mga bulwagan, parke, at iba pang mga lugar pampubliko ang 33 1⁄3-rpm na isinaplakang mga pahayag sa radyo ni Brother Rutherford. Maging ang mga kotse at bangkang may loudspeaker ay ginamit upang umalingawngaw ang pabalita ng Kaharian.
Ang mabisang paggamit ng transcription machine ay naging daan para sa isa pang pagbabago—pangangaral sa bahay-bahay na may dalang magaang na ponograpo. Noong 1934 ang Samahan ay nagsimulang gumawa ng mga bitbiting ponograpo at isang serye ng 78-rpm discs na may 4 1⁄2-minutong pahayag sa Bibliya. Nang maglaon, mga rekording na sumasaklaw sa 92 iba’t ibang paksa ang nagagamit. Lahat-lahat, ang Samahan ay nakagawa ng mahigit na 47,000 ponograpo upang patunugin ang pabalita ng Kaharian. Gayunman, dumating ang panahon, na binigyan ng higit na pagpapahalaga ang bibigang pakikipag-usap ng tungkol sa pabalita ng Kaharian, kaya ang paggamit ng ponograpo ay inalis na.
[Mga larawan]
Mula sa isang kotseng may loudspeaker sa tuktok ng burol, ang pabalita ng Kaharian ay maririnig kilo-kilometro ang layo (sa itaas)
Ginagamit ang transcription machine sa Mexico (sa kanan)
Isang bangkang may loudspeaker sa Ilog Thames, sa London, Inglatera (sa itaas)
Ginagamit ang ponograpo sa paglilingkod sa larangan (sa kaliwa)
Ipinakikita ang paggamit ng patayong-istilo ng ponograpo, noong 1940 (sa kanan)
[Larawan sa pahina 79]
J. A. Bohnet
[Larawan sa pahina 88]
Mula 1917, nang maging presidente si J. F. Rutherford, hanggang 1941, nakapaglathala na ang Samahang Watch Tower ng tulad-bahang mga publikasyon, kasali na ang 24 na aklat, 86 na buklet, at taunang mga “Yearbook,” gayundin ang mga artikulo sa “The Watch Tower” at “The Golden Age” (nang maglaon ay tinawag na “Consolation”)