Ikaapat na Kabanata
“Kayo ang Aking mga Saksi”!
1. Paano ginagamit ni Jehova ang paghula, at paano dapat tumugon ang kaniyang bayan sa natupad na hula?
ANG kakayahang hulaan ang kinabukasan ay isang bagay na nagpapakilala sa kaibahan ng tunay na Diyos sa lahat ng huwad na diyos. Subalit kapag humuhula si Jehova, higit pa ang nasa isip niya kaysa patunayan lamang ang kaniyang pagka-Diyos. Gaya ng ipinakikita sa Isaias kabanata 43, ginagamit ni Jehova ang paghula upang patunayan kapuwa ang kaniyang pagka-Diyos at ang kaniyang pag-ibig sa kaniyang tipang bayan. Sa kabilang panig, hindi basta uunawain ng kaniyang bayan ang natupad na hula at mananahimik na lamang; sila’y kailangang magpatotoo sa kanilang nakita. Oo, sila’y kailangang maging mga saksi ni Jehova!
2. (a) Ano ang espirituwal na kalagayan ng Israel noong panahon ni Isaias? (b) Paano binuksan ni Jehova ang mga mata ng kaniyang bayan?
2 Nakalulungkot, noong panahon ni Isaias, ang Israel ay nasa kaawa-awang kalagayan anupat ang bayan ay itinuring ni Jehova na may-kapansanan sa espirituwal. “Ilabas mo ang isang bayan na bulag bagaman may mga mata, at ang mga bingi bagaman mayroon silang mga tainga.” (Isaias 43:8) Paano kaya makapaglilingkod kay Jehova bilang kaniyang buháy na mga saksi ang mga taong bulag at bingi sa espirituwal? May isang paraan lamang. Kailangang makahimalang buksan ang kanilang mga mata at tainga. At binuksan nga ni Jehova ang mga ito! Paano? Una, naglapat muna si Jehova ng matinding disiplina—ang mga naninirahan sa hilagang kaharian ng Israel ay itinapon noong 740 B.C.E., at yaong nasa Juda, noong 607 B.C.E. Pagkatapos, buong kapangyarihang kumilos si Jehova alang-alang sa kaniyang bayan sa pamamagitan ng pagpapalaya sa kanila at pagdadala sa isang napasigla-sa-espirituwal at nagsisising nalabi pabalik sa kanilang sariling lupang-tinubuan noong 537 B.C.E. Sa katunayan, napakalaki ng pagtitiwala ni Jehova na ang kaniyang layunin may kinalaman dito ay hindi mabibigo anupat 200 taon pa man ang kaagahan, tinukoy na niya ang pagkapalaya sa Israel na para bang nangyari na ito.
3. Anong pampatibay-loob ang ibinibigay ni Jehova sa magiging mga tapon?
3 “Ito ang sinabi ni Jehova, na iyong Maylalang, O Jacob, at iyong Tagapag-anyo, O Israel: ‘Huwag kang matakot, sapagkat tinubos kita. Aking tinawag ka sa iyong pangalan. Ikaw ay akin. Sakaling dumaan ka sa tubig, ako ay sasaiyo; at sa mga ilog, hindi ka aapawan ng mga iyon. Sakaling lumakad ka sa apoy, hindi ka mapapaso, ni bahagya ka mang susunugin ng liyab. Sapagkat ako ay si Jehova na iyong Diyos, ang Banal ng Israel na iyong Tagapagligtas.’ ”—Isaias 43:1-3a.
4. Paano nangyaring si Jehova ang Maylalang ng Israel, at anong katiyakan ang ibinigay niya sa kaniyang bayan may kinalaman sa kanilang pagbabalik sa kanilang lupang-tinubuan?
4 Si Jehova ay may pantanging interes sa Israel sapagkat ang bansa ay pag-aari niya. Ito mismo ay sarili niyang likha bilang katuparan ng tipang Abrahamiko. (Genesis 12:1-3) Kaya naman, sabi sa Awit 100:3: “Alamin ninyo na si Jehova ay Diyos. Siya ang gumawa sa atin, at hindi tayo sa ganang sarili. Tayo ang kaniyang bayan at mga tupa ng kaniyang pastulan.” Bilang Maylalang at Manunubos ng Israel, ligtas na ibabalik ni Jehova ang kaniyang bayan sa kanilang lupang-tinubuan. Ang mga hadlang, gaya ng tubig, umaapaw na mga ilog, at nakapapasong mga disyerto, ay hindi makahahadlang o makapipinsala sa kanila, kung paanong ang katulad na mga bagay ay hindi nakahadlang sa kanilang mga ninuno habang patungo sa Lupang Pangako isang libong taon na bago nito.
5. (a) Paano inaaliw ng mga salita ni Jehova ang espirituwal na Israel? (b) Sino ang mga kasama ng espirituwal na Israel, at sino ang unang lumarawan sa mga ito?
5 Ang mga salita ni Jehova ay nagbigay rin ng kaaliwan sa makabagong-panahong nalabi ng espirituwal na Israel, na ang mga miyembro nito ay isang inianak-sa-espiritung “bagong nilalang.” (2 Corinto 5:17) Sa buong-tapang na paglusong sa “tubig” ng sangkatauhan, tinamasa nila ang maibiging proteksiyon ng Diyos sa makasagisag na baha. Ang apoy na ibinubuga ng kanilang mga kaaway ay hindi nakapinsala sa kanila, kundi sa halip, ito ay dumalisay sa kanila. (Zacarias 13:9; Apocalipsis 12:15-17) Ang pangangalaga ni Jehova ay ipinaabot din sa “malaking pulutong” ng “ibang mga tupa,” na nakisama sa espirituwal na bansa ng Diyos. (Apocalipsis 7:9; Juan 10:16) Ang mga ito ay inilarawan ng “malaking haluang pangkat” na sumama sa mga Israelita sa Paglabas sa Ehipto at gayundin ng mga di-Judio na kasamang bumalik ng mga pinalayang tapon mula sa Babilonya.—Exodo 12:38; Ezra 2:1, 43, 55, 58.
6. Paano ipinakita ni Jehova na siya’y isang Diyos ng katarungan may kinalaman sa pagtubos sa (a) likas na Israel? (b) espirituwal na Israel?
6 Ipinangako ni Jehova na ililigtas niya ang kaniyang bayan mula sa Babilonya sa pamamagitan ng mga hukbo ng Media at Persia. (Isaias 13:17-19; 21:2, 9; 44:28; Daniel 5:28) Bilang isang Diyos ng katarungan, babayaran ni Jehova ang kaniyang Medo-Persianong “mga empleado” ng angkop na pantubos kapalit ng Israel. “Ibinigay ko ang Ehipto bilang pantubos para sa iyo, ang Etiopia at ang Seba bilang kapalit mo. Sa dahilang naging mahalaga ka sa aking paningin, itinuring kang marangal, at aking inibig ka. At magbibigay ako ng mga tao bilang kapalit mo, at ng mga liping pambansa bilang kapalit ng iyong kaluluwa.” (Isaias 43:3b, 4) Pinatutunayan ng kasaysayan na talagang nilupig ng Imperyo ng Persia ang Ehipto, Etiopia, at karatig na Seba, gaya ng inihula ng Diyos. (Kawikaan 21:18) Sa katulad na paraan, noong 1919 sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, pinalaya rin ni Jehova ang nalabi ng espirituwal na Israel mula sa pagkabihag. Gayunman, hindi kailangan ni Jesus ang gantimpala sa kaniyang mga paglilingkod. Hindi siya isang paganong tagapamahala. At ang pinalalaya niya ay ang kaniyang sariling espirituwal na mga kapatid. Bukod diyan, noong 1914, ibinigay na ni Jehova sa kaniya ang “mga bansa bilang [kaniyang] mana at ang mga dulo ng lupa bilang [kaniyang] sariling pag-aari.”—Awit 2:8.
7. Ano ang nadarama ni Jehova sa kaniyang bayan, kapuwa noong sinauna at sa makabagong panahon?
7 Pansinin kung paano naging bukás si Jehova sa pagpapahayag sa kaniyang magiliw na damdamin sa tinubos na mga tapon. Sinabi niya sa kanila na sila’y “mahalaga” at “marangal” sa kaniya at na ‘iniibig’ niya sila. (Jeremias 31:3) Ganito rin ang nadarama niya—at mas nakahihigit pa nga—sa kaniyang tapat na mga lingkod sa ngayon. Ang pinahirang mga Kristiyano ay nagkaroon ng kaugnayan sa Diyos, hindi dahil sa pagkasilang, kundi dahil sa pagkilos ng banal na espiritu ng Diyos kasunod ng kanilang personal na pag-aalay sa kanilang Maylalang. Inilapit ni Jehova ang mga ito sa kaniyang Anak at sa kaniyang sarili at isinulat ang kaniyang mga kautusan at mga simulain sa kanilang mga pusong handang tumugon.—Jeremias 31:31-34; Juan 6:44.
8. Anong katiyakan ang ibinigay ni Jehova sa mga tapon, at ano ang kanilang madarama hinggil sa pagliligtas sa kanila?
8 Sa pagbibigay ng higit pang katiyakan sa mga tapon, idinagdag ni Jehova: “Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo. Mula sa sikatan ng araw ay dadalhin ko ang iyong binhi, at mula sa lubugan ng araw ay pipisanin kita. Sasabihin ko sa hilaga, ‘Bayaan mo!’ at sa timog, ‘Huwag mong pigilan. Dalhin mo ang aking mga anak na lalaki mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae mula sa dulo ng lupa, bawat isa na tinatawag sa aking pangalan at nilalang ko para sa aking kaluwalhatian, na inanyuan ko, oo, na ginawa ko.’ ” (Isaias 43:5-7) Walang pinakaliblib na mga lugar sa lupa ang di-maaabot ni Jehova kapag dumating na ang panahon upang palayain niya ang kaniyang mga anak na lalaki at babae at ibalik sila sa kanilang minamahal na lupang-tinubuan. (Jeremias 30:10, 11) Walang pagsalang sa kanilang pangmalas, mahihigitan ng pagpapalayang ito ang pagliligtas noon sa bansa mula sa Ehipto.—Jeremias 16:14, 15.
9. Sa anong dalawang paraan iniuugnay ni Jehova sa kaniyang pangalan ang kaniyang mga gawang pagliligtas?
9 Sa pamamagitan ng pagpapaalaala sa kaniyang bayan na sila’y tinatawag sa kaniyang pangalan, tiniyak ni Jehova ang kaniyang pangako na ililigtas niya ang Israel. (Isaias 54:5, 6) Bukod diyan, inilakip ni Jehova ang kaniyang pangalan sa kaniyang mga pangako hinggil sa pagpapalaya. Sa paggawa nito, tinitiyak niya na siya ang tatanggap ng kaluwalhatian kapag natupad na ang kaniyang makahulang salita. Maging ang manlulupig ng Babilonya ay hindi magiging karapat-dapat sa karangalang para lamang sa isa at tanging nabubuhay na Diyos.
Nililitis na mga Diyos
10. Anong hamon ang iniharap ni Jehova sa mga bansa at sa kanilang mga diyos?
10 Ngayon ay ginawa ni Jehova ang kaniyang pangakong palalayain ang Israel bilang saligan ng isang pansansinukob na kaso sa hukuman na doo’y inilagay niya sa paglilitis ang mga diyos ng mga bansa. Mababasa natin: “Mapisan sa isang dako ang lahat ng mga bansa, at matipon ang mga liping pambansa. Sino sa kanila[ng mga diyos] ang makapagsasabi nito? O maiparirinig ba nila sa atin maging ang mga unang bagay? Iharap nila [ng kanilang mga diyos] ang kanilang mga saksi, upang sila ay maipahayag na matuwid, o dinggin nila at sabihin, ‘Iyon ang katotohanan!’ ” (Isaias 43:9) Nagharap si Jehova ng napakabigat na hamon sa mga bansa sa daigdig. Sa diwa ay sinabi niya: ‘Patunayan ng inyong mga diyos na sila nga’y mga diyos sa pamamagitan ng tumpak na paghula sa kinabukasan.’ Yamang ang tanging tunay na Diyos lamang ang walang-pagkakamaling makahuhula, ilalantad ng pagsubok na ito ang lahat ng impostor. (Isaias 48:5) Subalit nagdagdag pa ang Makapangyarihan-sa-lahat ng isa pang legal na kondisyon: Lahat ng nag-aangking tunay na mga diyos ay kailangang magharap ng mga saksi, kapuwa sa kanilang mga prediksiyon at sa katuparan ng mga ito. Natural lamang, hindi ipinuwera ni Jehova ang kaniyang sarili sa legal na kahilingang ito.
11. Anong atas ang ibinigay ni Jehova sa kaniyang lingkod, at ano ang isiniwalat ni Jehova tungkol sa kaniyang pagka-Diyos?
11 Palibhasa’y mga inutil, ang mga huwad na diyos ay walang maihaharap na mga saksi. Kaya naman, kahiya-hiya na nananatiling bakante ang lugar na itinalaga para sa saksi. Subalit dumating na ang panahon ni Jehova upang patunayan ang kaniyang pagka-Diyos. Samantalang nakatingin sa kaniyang bayan, sinabi niya: “Kayo ang aking mga saksi, . . . ang akin ngang lingkod na aking pinili, upang malaman ninyo at manampalataya kayo sa akin, at upang maunawaan ninyo na ako pa rin ang Isang iyon. Walang Diyos na inanyuang una sa akin, at pagkatapos ko ay wala pa ring sinuman. Ako—ako ay si Jehova, at bukod pa sa akin ay walang tagapagligtas. Ako ay nagpahayag at nagligtas at nagparinig niyaon, noong sa gitna ninyo ay walang kakaibang diyos. Kaya kayo ang aking mga saksi, . . . at ako ang Diyos. Gayundin, sa lahat ng panahon ay ako pa rin ang Isang iyon; at walang sinumang nakapagliligtas mula sa aking kamay. Ako ay kikilos, at sino ang makapipigil [ng aking kamay]?”—Isaias 43:10-13.
12, 13. (a) Anong saganang patotoo ang maihaharap ng bayan ni Jehova? (b) Paano napabantog ang pangalan ni Jehova sa makabagong panahon?
12 Bilang tugon sa mga salita ni Jehova, agad na napuno ng maliligayang pulutong ng mga saksi ang lugar na itinalaga para sa saksi. Ang kanilang patotoo ay maliwanag at di-matututulan. Gaya ni Josue, pinatunayan nila na ‘lahat ng sinalita ni Jehova ay nagkatotoo. Walang isa mang salita ang nabigo.’ (Josue 23:14) Natatandaan pa ng bayan ni Jehova ang mga salita nina Isaias, Jeremias, Ezekiel, at iba pang propeta na, sa iisang tinig, ay humula sa pagkatapon ng Juda at sa makahimalang pagliligtas sa kanila mula sa pagiging tapon. (Jeremias 25:11, 12) Ang tagapagligtas ng Juda, si Ciro, ay binigyan na ng pangalan bago pa man siya ipinanganak!—Isaias 44:26–45:1.
13 Dahil sa gabundok na katibayang ito, sino pa kaya ang makatututol na si Jehova nga ang tanging tunay na Diyos? Di-gaya ng mga paganong diyos, tanging si Jehova lamang ang hindi nilalang; siya lamang ang tunay na Diyos.a Dahil dito, ang mga taong nagtataglay ng pangalan ni Jehova ay may pambihira at nakapananabik na pribilehiyong magsaysay ng kaniyang kamangha-manghang mga gawa sa darating na mga salinlahi at sa iba na nagtatanong tungkol sa kaniya. (Awit 78:5-7) Sa katulad na paraan, pribilehiyo ng makabagong-panahong mga Saksi ni Jehova na ipahayag ang pangalan ni Jehova sa buong lupa. Noong dekada ng 1920, higit na naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya ang malalim na kahulugan ng pangalan ng Diyos, na Jehova. Pagkatapos, noong Hulyo 26, 1931, sa isang kombensiyon sa Columbus, Ohio, iniharap ng presidente ng Samahan, si Joseph F. Rutherford, ang isang resolusyon na pinamagatang “Isang Bagong Pangalan.” Ang mga salitang, “Hinahangad namin na makilala at tawagin sa pangalang, alalaong baga’y, mga saksi ni Jehova,” ay labis na ikinatuwa ng mga kombensiyonista, na sumang-ayon sa resolusyon sa pamamagitan ng pagsagot ng isang umaalingawngaw na “Oo!” Mula noon, napabantog na ang pangalan ni Jehova sa buong daigdig.—Awit 83:18.
14. Ano ang ipinaalaala ni Jehova sa mga Israelita, at bakit napapanahon ang paalaalang ito?
14 Pinangangalagaan ni Jehova ang mga nagtataglay ng kaniyang pangalan sa marangal na paraan, anupat minamalas sila bilang “balintataw ng kaniyang mata.” Ipinaaalaala niya ito sa mga Israelita, na sinasabi sa kanila kung paano niya sila iniligtas mula sa Ehipto at ligtas na inakay sa ilang. (Deuteronomio 32:10, 12) Noong panahong iyon ay walang kakaibang diyos sa gitna nila, sapagkat nakita mismo ng kanilang mga mata ang sinapit na ganap na kahihiyan ng lahat ng diyos ng Ehipto. Oo, ang lahat ng kinikilalang diyos ng mga Ehipsiyo ay hindi nakapagligtas sa Ehipto ni nakahadlang man sa paglisan ng Israel. (Exodo 12:12) Gayundin, ang makapangyarihang Babilonya, na ang tanawin sa kabayanan ay napangingibabawan ng di-kukulangin sa 50 templo para sa huwad na mga diyos, ay hindi makapipigil sa kamay ng Makapangyarihan-sa-lahat kapag pinalaya na niya ang kaniyang bayan. Maliwanag, “walang tagapagligtas” maliban kay Jehova.
Bumagsak ang mga Kabayong Pandigma, Nabuksan ang mga Bilangguan
15. Ano ang inihula ni Jehova tungkol sa Babilonya?
15 “Ito ang sinabi ni Jehova, na inyong Manunubos, ang Banal ng Israel: ‘Alang-alang sa inyo ay magsusugo ako sa Babilonya at pababagsakin ko ang mga halang ng mga bilangguan, at ang mga Caldeo sa mga barko na humihiyaw nang may paghihinagpis. Ako ay si Jehova na inyong Banal na Isa, ang Maylalang ng Israel, ang inyong Hari.’ Ito ang sinabi ni Jehova, ang Isa na gumagawa ng daan sa mismong dagat at ng lansangan maging sa malalakas na tubig, ang Isa na naglalabas ng karong pandigma at ng kabayo, ng hukbong militar at niyaong malalakas nang magkakasabay: ‘Sila ay hihiga. Hindi sila babangon. Sila ay tiyak na papatayin. Sasawatain silang gaya ng linong mitsa.’ ”—Isaias 43:14-17.
16. Ano ang mangyayari sa Babilonya, sa mga negosyanteng Caldeo, at sa sinumang mangangahas na magtanggol sa Babilonya?
16 Ang Babilonya ay mistulang isang bilangguan para sa mga tapon sapagkat hinahadlangan sila nitong makabalik sa Jerusalem. Subalit ang mga depensa ng Babilonya ay hindi hadlang sa Makapangyarihan-sa-lahat, ang Isa na gumawa noon ng “daan sa mismong [Dagat na Pula] at ng lansangan maging sa malalakas na tubig”—na maaaring yaong sa Jordan. (Exodo 14:16; Josue 3:13) Sa katulad na paraan, pauurungin ng tauhan ni Jehova, si Ciro, ang napakalaking Eufrates, upang ang kaniyang mga mandirigma ay makapasok sa lunsod. Ang mga negosyanteng Caldeo na nagpaparoo’t parito sa mga kanal ng Babilonya—mga daang-tubig para sa libu-libong barkong pangkalakal at para sa mga lantsang pinaglululanan ng mga diyos ng Babilonya—ay hahagulhol dahil sa pamimighati kapag ang kanilang makapangyarihang kabisera ay bumagsak na. Gaya ng mga karo ni Paraon sa Dagat na Pula, wala ring magagawa ang mabibilis na karo ng Babilonya. Hindi siya maililigtas ng mga ito. Kasindali ng pagpatay sa linong mitsa ng isang lamparang de-langis, kikitlin ng sumasalakay ang buhay ng sinumang mangangahas na magtanggol sa kaniya.
Ligtas na Inakay ni Jehova ang Kaniyang Bayan Pauwi
17, 18. (a) Anong “bagong” bagay ang inihula ni Jehova? (b) Sa anong paraan hindi na aalalahanin ng mga tao ang dating mga bagay, at bakit?
17 Bilang paghahambing sa kaniyang ginawang pagliligtas noon at sa kaniyang gagawin ngayon, sinabi ni Jehova: “Huwag ninyong alalahanin ang mga unang bagay, at ang mga dating bagay ay huwag ninyong pag-isipan. Narito! Gumagawa ako ng isang bagong bagay. Ngayon ay lilitaw iyon. Malalaman ninyo iyon, hindi ba? Tunay nga, sa ilang ay maglalagay ako ng isang daan, sa disyerto naman ay mga ilog. Luluwalhatiin ako ng mailap na hayop sa parang, ng mga chakal at mga avestruz; sapagkat magbibigay ako ng tubig maging sa ilang, ng mga ilog sa disyerto, upang painumin ang aking bayan, ang aking pinili, ang bayan na inanyuan ko para sa aking sarili, upang isalaysay nila ang aking kapurihan.”—Isaias 43:18-21.
18 Sa pagsasabing, “huwag ninyong alalahanin ang mga unang bagay,” hindi ipinahihiwatig ni Jehova na kailangang burahin ng kaniyang mga lingkod sa kanilang isipan ang kaniyang ginawang pagliligtas noon. Sa katunayan, marami sa mga gawang ito ay bahagi ng kinasihan ng Diyos na kasaysayan ng Israel, at iniutos ni Jehova na alalahanin taun-taon sa pagdiriwang ng Paskuwa ang pagtakas mula sa Ehipto. (Levitico 23:5; Deuteronomio 16:1-4) Gayunman, nais ni Jehova ngayon na luwalhatiin siya ng kaniyang bayan dahil sa “isang bagong bagay”—isang bagay na mararanasan nila mismo. Hindi lamang ang kanilang pagkaligtas mula sa Babilonya ang kasali rito kundi pati ang kanilang makahimalang paglalakbay pauwi, marahil sa pagdaan sa mas deretsong ruta sa disyerto. Sa tigang na lupang iyon, gagawa si Jehova ng “isang daan” para sa kanila at magsasagawa ng makapangyarihang mga gawa na magpapagunita sa kaniyang ginawa para sa mga Israelita noong kapanahunan ni Moises—sa katunayan, pakakanin niya sa disyerto ang mga nagsisibalik at papawiin ang kanilang uhaw sa pamamagitan ng mismong mga ilog. Magiging saganang-sagana ang mga paglalaan ni Jehova anupat maging ang mababangis na hayop ay luluwalhati sa Diyos at hindi sasalakay sa mga tao.
19. Paanong ang nalabi ng espirituwal na Israel at ang kanilang mga kasama ay lumalakad sa “Daan ng Kabanalan”?
19 Sa katulad na paraan, noong 1919, ang nalabi ng espirituwal na Israel ay pinalaya mula sa pagkabihag ng Babilonya, at binagtas nila ang isang ruta na inihanda ni Jehova para sa kanila, ang “Daan ng Kabanalan.” (Isaias 35:8) Di-gaya ng mga Israelita, hindi na nila kailangang dumaan pa sa napakainit na disyerto mula sa isang literal na lugar tungo sa ibang lugar, at ang kanilang paglalakbay ay hindi natapos pagkaraan ng ilang buwan nang marating nila ang Jerusalem. Gayunman, ang “Daan ng Kabanalan” ay umakay sa nalabi ng pinahirang mga Kristiyano tungo sa isang espirituwal na paraiso. Sa kanilang kaso, sila’y nananatili roon sa “Daan ng Kabanalan,” yamang maglalakbay pa sila sa sistemang ito ng mga bagay. Hangga’t nananatili sila sa lansangang-bayan—hangga’t sumusunod sila sa mga pamantayan ng Diyos ng kalinisan at kabanalan—sila’y mananatili sa espirituwal na paraiso. At anong ligaya nila na makasama ang isang malaking pulutong ng mga kasamang “di-Israelita”! Ibang-iba sa mga umaasa sa sistema ni Satanas, kapuwa ang nalabi at ang kanilang mga kasama ay patuloy na nagtatamasa ng isang mayamang espirituwal na piging sa kamay ni Jehova. (Isaias 25:6; 65:13, 14) Dahil sa nakikitang pagpapala ni Jehova sa kaniyang bayan, maraming tulad-hayop na mga tao ang nagbago ng kanilang pag-uugali at lumuwalhati sa tunay na Diyos.—Isaias 11:6-9.
Ipinadama ni Jehova na Siya’y Nasaktan
20. Paano binigo ng Israel si Jehova noong kapanahunan ni Isaias?
20 Noong sinaunang panahon, ang isinauling nalabi ng Israel ay isang nabagong bayan kung ihahambing sa balakyot na salinlahi ni Isaias. Patungkol sa huling binanggit, sabi ni Jehova: “Hindi ka tumawag sa akin, O Jacob, sapagkat nanghimagod ka sa akin, O Israel. Hindi mo dinala sa akin ang mga tupa ng iyong mga buong handog na sinusunog, at sa pamamagitan ng iyong mga hain ay hindi mo ako niluwalhati. Hindi kita pinilit na maglingkod sa akin na may dalang kaloob, ni pinanghimagod man kita dahil sa olibano. Ako ay hindi mo ibinili ng matamis na kania sa anumang halaga ng salapi; at sa taba ng iyong mga hain ay hindi mo ako binusog. Sa katunayan ay pinilit mo akong maglingkod dahil sa iyong mga kasalanan; pinanghimagod mo ako sa iyong mga kamalian.”—Isaias 43:22-24.
21, 22. (a) Bakit masasabi na hindi pabigat ang mga kahilingan ni Jehova? (b) Sa diwa, paano pinangyari ng mga tao na si Jehova ang maglingkod sa kanila?
21 Sa pagsasabing, “Hindi kita pinilit na maglingkod sa akin na may dalang kaloob, ni pinanghimagod man kita dahil sa olibano,” hindi ipinahihiwatig ni Jehova na hindi na kailangan ang hain at olibano (isang sangkap ng banal na insenso). Sa katunayan, ang mga ito’y mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba sa ilalim ng tipang Kautusan. Totoo rin ito sa “kania,” na tumutukoy sa mabangong kalamo, isang sangkap ng banal na pamahid na langis na masarap ang amoy. Nakaliligtaan na ng mga Israelita na gamitin ang mga ito sa paglilingkod sa templo. Subalit pabigat ba ang gayong mga kahilingan? Hinding-hindi! Ang mga kahilingan ni Jehova ay magaan kung ihahambing sa mga kahilingan ng huwad na mga diyos. Halimbawa, hiniling ng huwad na diyos na si Molec ang paghahain ng bata—isang bagay na hindi kailanman hiniling ni Jehova!—Deuteronomio 30:11; Mikas 6:3, 4, 8.
22 Kung may espirituwal na pagkaunawa lamang sana ang mga Israelita, hindi sila kailanman ‘manghihimagod kay Jehova.’ Sa pagsusuri sa kaniyang Kautusan, makikita nila ang kaniyang matinding pag-ibig sa kanila at malugod na ihahandog sa kaniya ang “taba,” ang pinakamainam na bahagi ng kanilang mga hain. Sa halip, buong-kasakiman nilang itinago ang taba para sa kanilang mga sarili. (Levitico 3:9-11, 16) Gayon na lamang ang idinulot na kalungkutan kay Jehova ng balakyot na bansang ito dahil sa bigat ng kanilang mga kasalanan—anupat sa diwa, siya ang pinangyari nilang maglingkod sa kanila!—Nehemias 9:28-30.
Umaani ng mga Bunga ang Disiplina
23. (a) Bakit nararapat lamang ang disiplina ni Jehova? (b) Ano ang sangkot sa pagdidisiplina ng Diyos sa Israel?
23 Bagaman matindi, at nararapat lamang na gayon, ang disiplina ni Jehova ay nagbunga ng hinahangad na mga resulta, anupat naging posible ang pagkaawa. “Ako—ako ang Isa na pumapawi sa iyong mga pagsalansang alang-alang sa akin, at ang iyong mga kasalanan ay hindi ko aalalahanin. Paalalahanan mo ako; magkasama nating ilagay sa paghatol ang ating sarili; ilahad mo ang iyong salaysay tungkol dito upang malagay ka sa tama. Ang iyong sariling ama, ang una, ay nagkasala, at ang iyong sariling mga tagapagsalita [“mga tagapagbigay-kahulugan,” talababa sa Ingles] ay sumalansang laban sa akin. Kaya lalapastanganin ko ang mga prinsipe ng dakong banal, at ibibigay ko ang Jacob na gaya ng isang taong nakatalaga sa pagkapuksa at ang Israel sa mga salitang mapang-abuso.” (Isaias 43:25-28) Gaya ng lahat ng bansa sa daigdig, ang Israel ay galing kay Adan, “ang una.” Kaya naman, walang Israelita ang makapagpapatunay na siya’y ‘nakalagay sa tama.’ Maging ang mga “tagapagsalita” ng Israel—ang kaniyang mga guro, o mga tagapagbigay-kahulugan, ng Kautusan—ay nagkasala kay Jehova at nagturo ng mga kabulaanan. Dahil dito, ibibigay ni Jehova ang kaniyang buong bansa sa “pagkapuksa” at “sa mga salitang mapang-abuso.” Lalapastanganin din niya ang lahat ng mga nanunungkulan sa kaniyang “dakong banal,” o santuwaryo.
24. Sa anong pangunahing dahilan patatawarin ni Jehova ang kaniyang bayan—kapuwa noong sinauna at sa modernong panahon—gayunman, ano ang nadarama niya para sa kanila?
24 Gayunman, pansinin na ang ibinubungang awa ng Diyos ay hindi lamang dahil sa pagsisisi ng Israel; iyon ay dahil sa sariling kapakanan ni Jehova. Oo, sangkot ang kaniyang pangalan. Kung pababayaan niyang maging tapon ang Israel magpakailanman, dudustain ng mga nagmamasid ang kaniyang sariling pangalan. (Awit 79:9; Ezekiel 20:8-10) Gayundin naman sa ngayon, pangalawa lamang ang kaligtasan ng mga tao sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova at sa pagbabangong-puri sa kaniyang soberanya. Gayunpaman, iniibig ni Jehova ang mga tumatanggap ng kaniyang disiplina nang walang pasubali at sumasamba sa kaniya sa espiritu at katotohanan. Ipinamamalas niya ang kaniyang pag-ibig sa mga ito—pinahiran man o ibang mga tupa—sa pamamagitan ng pagpawi sa kanilang mga pagsalansang salig sa hain ni Jesu-Kristo.—Juan 3:16; 4:23, 24.
25. Anong kagila-gilalas na mga bagay ang isasagawa ni Jehova sa malapit na hinaharap, at paano natin maipakikita ang ating pagpapahalaga sa ngayon?
25 Isa pa, malapit nang ipamalas ni Jehova ang kaniyang pag-ibig sa isang malaking pulutong ng kaniyang tapat na mga mananamba kapag siya’y may bagong bagay na ginawa alang-alang sa kanila sa pamamagitan ng pagliligtas sa kanila sa “malaking kapighatian” tungo sa isang nilinis na “bagong lupa.” (Apocalipsis 7:14; 2 Pedro 3:13) Masasaksihan nila ang pinakakagila-gilalas na pagpapamalas ng kapangyarihan ni Jehova na kailanma’y nakita ng tao. Ang tiyak na pag-asa sa kaganapang iyan ang dahilan kung bakit ang pinahirang nalabi at ang lahat ng mga bubuo sa malaking pulutong ay nagsasaya at nabubuhay araw-araw kasuwato ng napakatayog na atas na iyan: “Kayo ang aking mga saksi”!—Isaias 43:10.
[Talababa]
a Sa mga mitolohiya ng mga bansa, maraming diyos ang “ipinanganak” at nagkaroon ng “mga anak.”
[Larawan sa pahina 48, 49]
Susuportahan ni Jehova ang mga Judio sa kanilang pag-uwi sa Jerusalem
[Mga larawan sa pahina 52]
Hinahamon ni Jehova ang mga bansa na maglabas ng mga saksi para sa kanilang mga diyos
1. Bronseng estatuwa ni Baal 2. Luwad na mga pigurin ni Astoret 3. Ehipsiyong trinidad nina Horus, Osiris, at Isis 4. Griegong mga diyos na sina Atena (kaliwa) at Aphrodite
[Mga larawan sa pahina 58]
“Kayo ang aking mga saksi.”—Isaias 43:10