Gaano Katotoo ang mga Hula ng Bibliya?
NAPAKARAMING aklat ngayon tungkol sa kasaysayan. Ang mga pag-uulat na ito ng mga pangyayari noong nakalipas ay kalimitan mapatutunayang kawili-wiling basahin. Sa ating pagbabasa, maaaring gunigunihin natin na tayo ay nasa sinaunang mga lugar. Ang ating guniguni ay patuloy na lalawak habang ang mga tao, mga lugar, at mga pangyayari ay waring nagaganap buhat sa walang-imik na mga pahina ng kasaysayan.
Gayon nga ang Bibliya—punô ng kawili-wiling paglalahad tungkol sa kasaysayan. Sa pamamagitan ng mga dahon nito, makikilala natin ang mga lalaki at mga babae na gaya ni Abraham, ang kaniyang asawang si Sara, si Haring David, si Reyna Esther, at ang Dakilang Guro, si Jesu-Kristo. Sa katunayan, tayo’y makaaalinsabay sa kanila, makakapakinig ng kanilang sinabi, at makasasaksi ng kanilang nasaksihan. Subalit marami ang may turing sa Bibliya na higit pa kaysa isang aklat ng kasaysayan. Naniniwala sila na taglay nito ang tinatawag na kasaysayang isinulat nang patiuna. Bakit nga? Sapagkat ang Bibliya ay punô ng mga prediksyón, o mga hula.
Gayunman, gaano katotoo ang mga hula ng Bibliya? Kung ang mga hula ng Bibliya ay natupad sa mga pangyayari noong nakaraan, hindi baga natin aasahan na ang gayong mga hula tungkol sa hinaharap na mga pangyayari ay magkakatotoo? Isaalang-alang natin ngayon ang ilang mga halimbawa upang makita kung mapaniniwalaan nga ang mga hula ng Bibliya.
Ang Israel at ang Assyria sa Larangan ng Daigdig
Ang propeta ng Diyos na si Isaias, na nagsimulang manghula mga 778 B.C.E., ay patiunang nagsabi: “Ang dakilang mga putong ng mga manglalasing ng Ephraim [Israel] ay yuyurakan ng mga paa. At ang nalalantang bulaklak ng kaniyang kagandahan na nasa ulo ng mabungang libis ay magiging gaya ng maagang hinog na bunga ng igos bago magtag-init, na, kung nakikita ng tumitingin, samantalang nasa kaniyang kamay pa, ay kinakain na niya iyon.” (Isaias 28:3, 4) Gaya nga ng inihula, nang kalagitnaan ng ikawalong siglo B.C.E., ang kabisera ng Israel, ang Samaria, ay naging mistulang hinog na igos na handa nang pitasin at lulunin ng mga hukbong militar ng Assyria. Ganiyan ang nangyari nang ang Samaria ay masakop ng mga Asirio noong 740 B.C.E.—2 Hari 17:6, 13, 18.
Nang sumapit ang panahon ay pagkakataon na ng Assyria na mapaangat sa kasaysayan. Ang kabisera nito ay ang Nineve, ubod-samâ sa malupit na pagtrato sa mga bihag kung kaya ito’y tinawag na “ang lunsod ng pagbububo ng dugo.” (Nahum 3:1) Ang Diyos na Jehova mismo ang nagtakda ng pagbagsak ng Nineve. Halimbawa, sa pamamagitan ng propeta Nahum, sinabi ng Diyos: “Narito! Ako’y laban sa iyo . . . Gagawin kitang hamak; at ilalagay kitang isang panoorin. At mangyayari na ang lahat ng makakita sa iyo ay iilag sa iyo at mangagsasabi nga, ‘ang Nineve ay inagawan ng kaniyang mga ari-arian!’ ” (Nahum 3:5-7) Inihula rin ni Zefanias ang pagkawasak ng Assyria at ang pagkagiba ng Nineve. (Zefanias 2:13-15) Ang mga hulang ito ay natupad noong 632 B.C.E. nang, biglang-bigla, ang pinagsanib na mga hukbo ni Haring Nabopolassar ng Babilonya at Cyaxares na Medo ay nandambong at nanunog sa Nineve—nang lubus-lubusan na anupat kahit na ang lugar na kinatatayuan ng lunsod ay hindi nakilala sa loob ng mahigit na 2,000 taon. Ang Imperyo ng Babilonya ang sumunod sa larangan ng daigdig matapos bumagsak ang Assyria bilang isang pangunahing kapangyarihan.
Inihula ang Pagbagsak ng Babilonya
Inihula ng Bibliya na ang Imperyong Babiloneo ay malulupig at ang kabiserang lunsod nito, ang Babilonya, ay babagsak. Halos dalawang siglo patiuna, ang propetang si Isaias ay nagbabala na ang Ilog Eufrates ay matutuyo. Ito’y umaagos sa Babilonya, at ang mga pintuang-bayan sa baybayin ng ilog ay isang mahalagang bahagi ng mga depensa ng lunsod. Ayon sa hula si Ciro ang magiging mananakop nito at binanggit na ang “mga pintuang-bayan” ng Babilonya ay hindi sasarhan sa mga manlulusob. (Isaias 44:27–45:7) Kaya naman, pinapangyari ng Diyos na ang mga pintuang-bayan ng Babilonya sa baybayin ng Eufrates ay maiwanang bukás samantalang nagdiriwang ng isang piging noong gabi ng paglusob ng mga puwersa ni Ciro na Dakila. Kung gayon, walang kahirap-hirap na sila’y nakapasok sa lunsod sa pamamagitan ng pagdaraan sa lunas ng ilog at sinakop nila ang Babilonya.
Ang mananalaysay na si Herodotus ay sumulat: “Si Ciro . . . ay naglagay ng isang bahagi ng kaniyang hukbo sa lugar na kung saan umaagos ang Eufrates sa [Babilonya] at ang isa pang bahagi ay inilagay sa katapat na dulo na kung saan iyon ay umaagos na palabas, at inutusan ang dalawang panig na puwersahang pumasok sa tabi ng lunas ng ilog sa sandaling makita nila na mababaw na ang tubig doon. . . . Sa pamamagitan ng paghukay ng isang kanal kaniyang inilihis ang ilog upang umagos tungo sa look (na noon ay isang latian) at sa ganitong paraan ay nabawasan nang malaki ang lalim ng tubig sa lunas ng ilog kung kaya makatatawid na roon, at ang hukbo ng Persia, na iniwan sa Babilonya para sa layuning iyon, ay dumaan sa ilog, na ngayon ang lalim ay abot lamang sa gitna ng hita ng isang lalaki, at, sila’y lumusong doon, at nakarating sa bayan. . . . Kasalukuyang nagaganap ang isang piging, at kahit na nang bumabagsak na ang lunsod sila’y nagpatuloy sa pagsasayaw at pagpapasasà sa kanilang sarili, hanggang ang malagim na mga pangyayari ang gumising sa kanila sa aktuwal na nangyayari.”—Herodotus—The Histories, isinalin ni Aubrey de Selincourt.
Nang mismong gabing iyon, ang propeta ng Diyos na si Daniel ay nagbabala sa Hari ng Babilonya ng napipintong kapahamakan. (Daniel, kabanata 5) Isang di-gaanong makapangyarihang Babilonya ang umiral sa loob ng ilang siglo pagkatapos. Mula roon, halimbawa, isinulat ni apostol Pedro ang kaniyang unang kinasihang liham noong unang siglo C.E. (1 Pedro 5:13) Subalit ang sabi ng hula ni Isaias: “Ang Babilonya . . . ay magiging gaya nang gibain ng Diyos ang Sodoma at Gomora. Hindi na matatahanan kailanman.” Sinabi rin ng Diyos: “Puputulin ko buhat sa Babilonya ang pangalan at ang nalabi at ang inapo at angkan.” (Isaias 13:19-22; 14:22) Gaya ng inihula, ang Babilonya sa wakas ay naging isang bunton ng kaguhuan. Ang posibleng pagsasauli ng sinaunang lunsod na iyan ay maaaring makaakit sa mga turista subalit hindi na rin iyan mapapasauli sa “inapo at angkan.”
Si Daniel—na propeta ni Jehova na naroon sa Babilonya nang iyon ay bumagsak—ay nagkaroon ng pangitain tungkol sa sumasakop na mga Medo at Persiano. Siya’y nakakita ng isang lalaking tupa na may dalawang sungay at isang lalaking kambing na may malaking sungay sa pagitan ng mga mata niyaon. Sinalakay ng kambing ang lalaking tupa at tinalo iyon, anupat binali ang dalawang sungay niyaon. Pagkatapos ay nabali naman ang malaking sungay ng kambing, at apat na sungay ang humalili. (Daniel 8:1-8) Gaya ng inihula ng Bibliya at pinatunayan naman ng kasaysayan, ang lalaking tupa na may dalawang sungay ay kumakatawan sa Medo-Persia. Ang lalaking kambing naman ay kumakatawan sa Gresya. At ano ang “malaking sungay” na ito? Ito’y napatunayang si Alejandrong Dakila. Nang ang makasagisag na malaking sungay na iyon ay mabali, apat na simbolikong sungay (o, mga kaharian) ang humalili roon. Bilang katuparan ng hula, pagkamatay ni Alejandro, apat sa kaniyang mga heneral ay humawak ng kani-kanilang kapangyarihan—si Ptolemy Lagus ay sa Ehipto at Palestina; si Seleucus Nicator ay sa Mesopotamia at Syria; si Cassander ay sa Macedonia at Gresya; at si Lysimachus ay sa Thrace at Asia Minor.—Daniel 8:20-22.
Mga Hula Tungkol sa Isang Magandang Kinabukasan
Ang mga hula ng Bibliya tungkol sa mga pangyayari na gaya ng pagkagiba ng Babilonya at pagbagsak ng Medo-Persia ay mga halimbawa lamang ng maraming hula sa Kasulatan na natupad noong nakaraan. Ang Bibliya ay mayroon ding mga hula tungkol sa isang magandang kinabukasan na matutupad dahilan sa Mesiyas, ang Pinahiran ng Diyos.
Ang ilang mga hula tungkol sa Mesiyas sa Kasulatang Hebreo ay ikinapit kay Jesu-Kristo ng mga sumulat ng Kasulatang Griegong Kristiyano. Halimbawa, tinukoy ng mga manunulat ng Ebanghelyo na si Jesus ay isinilang sa Bethlehem, gaya ng inihula ng propetang si Mikas. (Mikas 5:2; Lucas 2:4-11; Juan 7:42) Bilang katuparan ng hula ni Jeremias, may mga sanggol na pinaslang matapos isilang si Jesus. (Jeremias 31:15; Mateo 2:16-18) Ang mga salita ni Zacarias (9:9) ay natupad nang pumasok si Kristo sa Jerusalem sakay ng bisiro ng isang asno. (Juan 12:12-15) At nang magpalabunutan ang mga kawal sa kasuutan ni Jesus pagkatapos na siya’y ibayubay, ito’y katuparan ng sinabi ng salmista: “Kanilang pinagsapalaran ang aking mga kasuutan, at kanilang pinagpalabunutan ang aking mga damit.”—Awit 22:18.
Ang iba pang mga hula tungkol sa Mesiyas ay nakatutok sa isang maligayang panahon para sa sangkatauhan. Sa pangitain, nakita ni Daniel ang “isang gaya ng anak ng tao” na tumatanggap ng “pagpupuno at ng kaluwalhatian at ng kaharian” buhat kay Jehova, “ang Matanda sa mga Araw.” (Daniel 7:13, 14) Tungkol sa Mesiyanikong pamamahala ng makalangit na Haring iyan, si Jesu-Kristo, ay nagpahayag si Isaias: “Ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-Hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. Ang paglago ng kaniyang maharlikang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa trono ni David at sa kaniyang kaharian upang itatag at upang alalayan ng katarungan at ng katuwiran, mula ngayon hanggang sa panahong walang-takda. Ang mismong sikap ni Jehova ng mga hukbo ay magsasagawa nito.”—Isaias 9:6, 7.
Bago ang matuwid na pamamahala ng Mesiyas ay lubusang maisagawa, kailangan munang may mangyaring mahalagang bagay. Ito man ay inihula rin sa Bibliya. Tungkol sa Mesiyanikong Hari, ang salmista ay umawit: “Ibigkis mo ang iyong tabak sa iyong hita, Oh makapangyarihan . . . Sa iyong kamahalan ay humayo ka na nagtatagumpay; sumakay ka alang-alang sa katotohanan at sa kababaang-loob at sa katuwiran.” (Awit 45:3, 4) Ang tinutukoy ay ang ating kaarawan, humula rin ang Kasulatan: “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.”—Daniel 2:44.
Ang Awit 72 ay nagbibigay ng patiunang silahis ng mga kalagayan sa ilalim ng Mesiyanikong pamamahala. Halimbawa, “sa kaniyang kaarawan ay mamumukadkad ang matuwid, at saganang kapayapaan hanggang sa mawala ang buwan.” (Talatang 7) Kung magkagayo’y hindi na magkakaroon ng pang-aapi o karahasan. (Talatang 14) Walang sinumang magugutom, sapagkat “magkakaroon ng saganang trigo sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay may labis-labis.” (Talatang 16) At gunigunihin! Iyong matatamasa ang mga ito at iba pang mga pagpapala sa isang makalupang paraiso pagka ang kasalukuyang sistema ng mga bagay ay hinalinhan ng ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos.—Lucas 23:43; 2 Pedro 3:11-13; Apocalipsis 21:1-5.
Tiyak, kung gayon, na karapat-dapat sa iyong pagsusuri ang mga hula ng Bibliya. Kung gayon, bakit hindi humingi sa mga Saksi ni Jehova ng higit pang impormasyon? Ang pagsusuri sa mga hula ng Bibliya ay makatutulong sa iyo na makita kung nasaan na tayo ngayon sa agos ng panahon. Marahil ito ay pupukaw din sa iyong puso ng matinding pagpapahalaga sa Diyos na Jehova at sa kaniyang kahanga-hangang kaayusan para sa walang-hanggang pagpapala sa lahat ng umiibig at tumatalima sa kaniya.
[Larawan sa pahina 5]
Alam mo ba ang kahulugan ng pangitain ni Daniel tungkol sa isang lalaking kambing at isang lalaking tupa?
[Larawan sa pahina 7]
Ikaw kaya ay naroon upang maligayang tamasahin ang katuparan ng mga hula ng Bibliya tungkol sa maligayang buhay sa isang lupang paraiso?