Bibliya
Kahulugan: Ang nasusulat na Salita ng Diyos na Jehova para sa sangkatauhan. Gumamit siya ng mga 40 kalihim na tao sa loob ng 16 siglo upang isulat ito, subali’t ang Diyos mismo ay masugid na pumatnubay sa pamamagitan ng kaniyang espiritu. Kaya ito’y kinasihan ng Diyos. Ang isang malaking bahagi ng ulat ay binubuo ng aktuwal na mga kapahayagan ni Jehova at mga detalye tungkol sa mga turo at gawain ni Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos. Dito ay makakasumpong tayo ng mga pangungusap tungkol sa mga kahilingan ng Diyos para sa kaniyang mga lingkod at kung ano ang gagawin niya upang tuparin ang kaniyang dakilang layunin ukol sa lupa. Upang higit pang tumibay ang pagpapahalaga natin dito, iningatan din ni Jehova sa Bibliya ang isang ulat na nagtatanghal sa kung ano ang mangyayari kapag ang mga indibiduwal at mga bansa ay nakinig sa Diyos at gumawang kasuwato ng kaniyang layunin, pati na ang magiging bunga kapag sila ay nagsarili ng landas. Sa pamamagitan ng mapagkakatiwalaang ulat nito sa kasaysayan ipinababatid sa atin ni Jehova ang mga pakikitungo niya sa sangkatauhan at pati na rin ang sarili niyang kamanghamanghang personalidad.
Mga dahilan upang isaalang-alang ang Bibliya
Ang Bibliya mismo ay nagsasabing ito’y mula sa Diyos, ang Maylikha ng sangkatauhan
2 Tim. 3:16, 17: “Lahat ng mga Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, sa pagsasanay sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay magkaroon ng ganap na kakayahan, lubusang nasasangkapan sa lahat ng gawang mabuti.”
Apoc. 1:1: “Ang kapahayagan ni Jesu-Kristo, na ibinigay ng Diyos sa kaniya, upang ipakita sa kaniyang mga alagad ang mga bagay na dapat maganap agad.”
2 Sam. 23:1, 2: “Ang pananalita ni David na anak ni Isai . . . Ang espiritu ni Jehova ay nagsalita sa pamamagitan ko, at ang kaniyang salita ay suma-aking dila.”
Isa. 22:15: “Ganito ang sinabi ng Soberanong Panginoon, si Jehova ng mga hukbo.”
Dapat nating asahan na ang mensahe ng Diyos para sa buong sangkatauhan ay makakamit sa buong lupa. Ang Bibliya, sa kabuuan o sa iba’t-ibang bahagi, ay naisalin sa mga 1,800 wika. Ang sirkulasyon nito ay umaabot sa bilyun-bilyon. Sinasabi ng The World Book Encyclopedia: “Ang Bibliya ay siyang pinakamalaganap na binabasang aklat sa buong kasaysayan. Marahil ito ang pinakamaimpluwensiya. Higit pang mga kopya ng Bibliya ang naipamahagi kaysa alinmang aklat. Ito rin naman ay naisalin nang mas maraming beses sa mas maraming wika kaysa alin pa mang ibang aklat.”—(1984), Tomo 2, p. 219.
Ipinaliliwanag ng hula ng Bibliya ang kahulugan ng mga kalagayan sa daigdig
Inaamin ng maraming pinuno sa daigdig na ang sangkatauhan ay nasa bingit ng kapahamakan. Inihula na ng Bibliya ang mga kalagayang ito noon pa mang una; ipinaliliwanag nito ang kahulugan ng mga ito at kung ano ang kalalabasan. (2 Tim. 3:1-5; Luc. 21:25-31) Sinasabi nito kung ano ang dapat nating gawin upang makaligtas sa napipintong kapahamakan ng daigdig, taglay ang pagkakataon na magkamit ng walang-hanggang buhay sa ilalim ng matuwid na mga kalagayan sa lupa.—Zef. 2:3; Juan 17:3; Awit 37:10, 11, 29.
Pinangyayari ng Bibliya na ating maunawaan ang layunin ng buhay
Sinasagot nito ang mga tanong na gaya ng: Saan nagmula ang buhay? (Gawa 17:24-26) Bakit tayo narito? Upang mabuhay lamang ba ng mga ilang taon, kamtin kung ano ang iniaalok ng buhay, at pagkatapos ay mamatay?—Gen. 1:27, 28; Roma 5:12; Juan 17:3; Awit 37:11; Awit 40:8.
Ipinakikita ng Bibliya kung papaano natin makakamit ang mga bagay na pinakamimithi ng mga umiibig sa katuwiran
Sinasabi nito kung saan tayo makakasumpong ng mabubuting kasama na talagang umiibig sa isa’t-isa (Juan 13:35), kung paano matitiyak ang pagkakamit ng sapat na pagkain para sa atin at sa ating mga pamilya (Mat. 6:31-33; Kaw. 19:15; Efe. 4:28), kung papaano tayo liligaya sa kabila ng gipit na mga kalagayang nakapaligid sa atin.—Awit 1:1, 2; 34:8; Luc. 11:28; Gawa 20:35.
Ipinaliliwanag nito kung papaanong ang Kaharian ng Diyos, ang kaniyang pamahalaan, ang siyang mag-aalis sa kasalukuyang balakyot na pamamalakad (Dan. 2:44), at na sa ilalim ng pagpupuno nito ang sangkatauhan ay makapagtatamasa ng sakdal na kalusugan at walang-hanggang buhay.—Apoc. 21:3, 4; ihambing ang Isaias 33:24.
Tiyak na karapatdapat isaalang-alang ang isang aklat na nag-aangking nagmula sa Diyos, na nagpapaliwanag kapuwa sa kahulugan ng mga kalagayan sa daigdig at sa layunin ng buhay, at na nagpapakita kung papaano malulutas ang ating mga suliranin.
Mga katibayan ng pagiging-kinasihan
Ito’y puno ng mga hula na nagpapaaninaw ng detalyadong kaalaman hinggil sa hinaharap—bagay na hindi magagawa ng tao
2 Ped. 1:20, 21: “Alin mang hula ng Kasulatan ay hindi nagbuhat sa sariling pagpapaliwanag. Sapagka’t hindi sa kalooban ng tao dumating ang hula kailanman, kundi ang mga tao ay nagsalita buhat sa Diyos samantalang nangauudyukan ng banal na espiritu.”
◼ Hula: Isa. 44:24, 27, 28; 45:1-4: “Si Jehova . . . ang nagsasabi sa kalaliman ng dagat, ‘Ikaw ay matuyo; at aking tutuyuin ang lahat ng iyong mga ilog’; na nagsasabi tungkol kay Ciro, ‘Siya’y aking pastol, at ang kagalakan ko ay kaniyang gagawin’; maging ang aking sinabi tungkol sa Jerusalem, ‘Siya’y matatayo,’ at sa templo, ‘Ang iyong patibayan ay malalagay.’ Ganito ang sinabi ni Jehova sa kaniyang pinahiran, kay Ciro, na ang kanang kamay ay aking hinawakan, upang magpasuko ng mga bansa sa harap niya, upang kalagan ko ang balakang ng mga hari; upang magbukas ng mga pintuan sa harapan niya, anupa’t ang mga tarangkahan ay hindi masasarhan: ‘Ako’y magpapauna sa iyo, at papatagin ko ang mga bakubakong dako. Pagdudurugdurugin ko ang mga pintuang tanso, at aking puputulin ang mga halang na bakal. . . . Alang-alang kay Jacob na aking lingkod at sa Israel na aking pinili, ay tinawag kita sa iyong pangalan.’ ” (Ang pagsulat ni Isaias ay natapos humigit-kumulang noong 732 B.C.E.)
◻ Katuparan: Hindi pa naisilang si Ciro nang isulat ang hula. Ang mga Judio ay hindi nadalang bihag sa Babilonya kundi noong 617-607 B.C.E., at ang Jerusalem at ang templo nito ay hindi nawasak kundi noong 607 B.C.E. Sa kaliitliitang detalye ang hula ay natupad mula noong 539 B.C.E. Ibinaling ni Ciro ang tubig ng Ilog Euprates tungo sa isang artipisyal na lawa, at ang mga tarangkahan ng ilog sa Babilonya ay walang-ingat na iniwang bukas samantalang nagkakainan ang lunsod, kaya ang Babilonya ay nahulog sa kamay ng mga Medo at Persiyano sa ilalim ni Ciro. Pagkaraan nito, pinalaya ni Ciro ang mga Judiong bihag at pinabalik sila sa Jerusalem taglay ang utos na muling itayo ang templo ni Jehova roon.—The Encyclopedia Americana (1956), Tomo III, p. 9; Light From the Ancient Past (Princeton, 1959), Jack Finegan, p. 227-229; “All Scripture Is Inspired of God and Beneficial.” (Nueba York, 1983), p. 282, 284, 295.
◼ Hula: Jer. 49:17, 18: “ ‘Ang Edom ay dapat maging isang bagay na pagtatakhan. Bawa’t nagdaraan ay mapapatitig sa pagtataka at mapapasipol dahil sa lahat ng kaniyang salot. Kung papaano bumagsak ang Sodoma at Gomora at mga kalapit-bayan nito,’ sabi ni Jehova, ‘walang sinomang tao ang tatahan doon.’ ” (Ang pagsulat ni Jeremias sa mga hula ay natapos noong 580 B.C.E.)
◻ Katuparan: “Sila [ang mga Edomita] ay itinaboy ni Judas Maccabeus mula sa Palestina noong ika-2 siglo B.C. at noong 109 B.C., si John Hyrcanus, isang pinunong Maccabeo, ay nagpalawak sa kaharian ng Juda upang mapalakip ang kanlurang bahagi ng lupaing Edomita. Noong unang siglo B.C. ang pagpapalawak ng mga Romano ay pumawi sa kahulihulihang bakas ng Edomitikong pagsasarili . . . Pagkaraang wasakin ng mga Romano ang Jerusalem noong 70 A.D. . . . ang pangalang Idumæa [Edom] ay naglaho na sa kasaysayan.” (The New Funk & Wagnalls Encyclopedia, 1952, Tomo II, p. 4114) Pansinin na ang katuparan ay umaabot hanggang sa ating panahon. Sa anomang paraa’y hindi maipangangatuwiran na ang hula ay isinulat pagkaraang maganap ang mga pangyayari.
◼ Hula: Luc. 19:41-44; 21:20, 21: “Kaniyang [si Jesu-Kristo] minasdan ang lunsod [ang Jerusalem] at tinangisan ito, na nagsabi: . . . ‘Sapagka’t darating sa iyo ang mga araw na babakuran ka ng iyong mga kaaway ng isang kuta ng matutulis na haligi at paliligiran ka at gigipitin ka sa magkabikabila, at kanilang ibabagsak sa lupa ikaw at ang iyong mga anak, at sa iyo’y hindi sila mag-iiwan ng bato sa ibabaw ng kapuwa bato, sapagka’t hindi mo kinilala ang panahon ng pagtutuos sa iyo.’ ” Pagkaraan ng dalawang araw, pinayuhan niya ang kaniyang mga alagad: “Pagka nakita ninyong nakukubkob ng mga hukbo ang Jerusalem, kung magkagayo’y talastasin ninyo na ang kaniyang pagkawasak ay malapit na. Kung magkagayo’y ang mga nasa Judea ay magsitakas sa mga bundok, at ang mga nasa loob ng bayan ay magsilabas.” (Hulang binigkas ni Jesu-Kristo noong 33 C.E.)
◻ Katuparan: Naghimagsik ang Jerusalem laban sa Roma, at noong 66 C.E. ang lunsod ay sinalakay ng hukbong Romano sa ilalim ni Cestius Gallus. Subali’t gaya ng iniuulat ng Judiong mananalaysay na si Josephus, “biglang pinaurong” ng Romanong komandante “ang kaniyang mga tauhan, na waring nawalan ng pag-asa bagaman hindi naman dumanas ng pagkatalo, at salungat sa inaasahan ay lumisan sa Lunsod.” (Josephus, the Jewish War, Penguin Classics, 1969, p. 167) Nagbukas ito ng pagkakataon upang ang mga Kristiyano ay makatakas sa lunsod, na siya ngang ginawa nila, at lumikas sa Pella, sa kabila ng Jordan, ayon kay Eusebius Pamphilus sa kaniyang Ecclesiastical History. (Isinalin ni C. F. Crusé, Londres, 1894, p. 75) Pagkatapos noong panahon ng Paskuwa ng taong 70 C.E. kinubkob ni Heneral Tito ang lunsod, at sa loob lamang ng tatlong araw ay itinayo ang isang 4.5 milya (7.2 km) na pumapalibot na bakod, at pagkaraan ng limang buwan ang Jerusalem ay bumagsak. “Ang Jerusalem mismo ay winasak at ang Templo ay iniwang isang kagibaan. Ipinakikita mismo sa atin ngayon ng arkeolohiya kung gaano kabisa ang pagkawasak ng mga gusaling Judio sa buong lupain.”—The Bible and Archaeology (Grand Rapids, Mich.; 1962), J. A. Thompson, p. 299.
Ang mga nilalaman nito ay naaayon sa siyensiya kaugnay ng mga bagay na nito na lamang huli natuklasan ng mga taong nagsaliksik
Pinagmulan ng Sansinukob: Gen. 1:1: “Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa.” Noong 1978, ganito ang isinulat ng astronomong si Robert Jastrow: “Nakikita natin ngayon kung papaanong ang ebidensiya ng astronomiya ay umaakay sa isang maka-biblikong pangmalas hinggil sa pinagmulan ng daigdig. Ang mga detalye ay nagkakaiba, subali’t magkatulad ang mahahalagang elemento sa astronomiko at maka-biblikong ulat ng Genesis: ang kawing-kawing na mga pangyayari na humantong sa paglitaw ng tao ay naganap nang biglaan at buong-linaw sa isang tiyak na yugto ng panahon, kasabay ng malakas na silakbo ng liwanag at enerhiya.”—God and the Astronomers (Nueba York, 1978), p. 14.
Hugis ng Planetang Lupa: Isa. 40:22: “Siya na nakaupo sa ibabaw ng balantok [kabilugan] ng lupa.” Noong sinaunang panahon ang pangkaraniwang palagayin ay na ang lupa ay lapad. Pagkalipas pa ng 200 taon mula nang isulat ang tekstong ito sa Bibliya ay saka lamang nangatuwiran ang isang grupo ng mga pilosopong Griyego na ang lupa ay malamang na hugis bilog, at pagkaraan pa ng 300 taon tinantiya ng isang astronomong Griyego ang tinatayang sukat ng radius ng lupa. Subali’t ang paniwala sa isang bilog na lupa ay hindi pa laganap nang panahong yaon. Noon lamang ika-20 siglo naging posible sa mga tao na makapaglakbay sa pamamagitan ng eroplano, at nang malaunan ay sa kalawakan at maging hanggang sa buwan, upang kanilang makitang malinaw ang ‘kabilugan’ ng lupa.
Buhay-Hayop: Lev. 11:6: “Ang liyebre [kuneho] . . . ay ngumunguya.” Sa wakas bagaman matagal na itong pinupuna ng ilang kritiko, ang pagnguya ng kuneho ay natuklasan ng Ingles na si William Cowper noong ika-18 siglo. Ang pambihirang paraan ng paggawa nito ay inilalarawan noong 1940 sa Proceedings of the Zoological Society of London, Tomo 110, Serye A, p. 159-163.
Makahulugan ang panloob na pagkakasuwato nito
Ito’y lalung-lalo nang mahalaga palibhasa ang mga aklat ng Bibliya ay isinulat ng humigit-kumulang 40 iba’t-ibang lalake na tulad ng hari, propeta, pastol, maniningil ng buwis, at manggagamot. Ginawa nila ang pagsulat sa loob ng 1,610 taon; kaya walang pagkakataon upang makapagsabuwatan. Sa kabila nito nagkakasuwato ang kanilang mga sulat, maging sa kaliitliitang detalye. Upang lubusang mapahalagahan ang lawak ng pagkakatugmatugma ng iba’t-ibang bahagi ng Bibliya dapat na personal ninyo itong basahin at pag-aralan.
Papaano natin matitiyak na ang Bibliya ay hindi nabago?
“Salig sa dami ng matatandang MSS. [manuskrito] na nagpapatunay sa pagkasulat, at salig sa bilang ng mga taon na namagitan sa orihinal at sa nagpapatunay na MSS., ang Bibliya ay tiyak na nakakalamang sa ibang mga klasikong kasulatan [yaong kina Homer, Plato, at iba pa]. . . . Kahit pagsamasamahin ang mga klasikong MSS. ay kakaunti lamang ang mga ito kung ihahambing sa maka-Bibliko. Walang ibang aklat ang lubusang napatunayan na katulad ng Bibliya.”—The Bible From the Beginning (Nueba York, 1929), P. Marion Simms, p. 74, 76.
Ipinakikita ng isang ulat na inilathala noong 1971 na malamang na may 6,000 manuskrito na naglalaman ng buo o ng isang bahagi ng mga Kasulatang Hebreo; ang pinakamatanda rito ay matutunton pabalik sa ikatlong siglo, B.C.E. Kung tungkol sa mga Kristiyanong Kasulatang Griyego, may mahigit na 5,000 sa Griyego, at ang pinakamatanda ay matutunton pabalik sa pasimula ng ikalawang siglo C.E. May marami ring kopya ng sinaunang mga salin sa iba’t-ibang wika.
Ganito ang isinulat ni Sir Frederic Kenyon sa pambungad ng kaniyang pitong tomo hinggil sa The Chester Beatty Biblical Papyri: “Ang una at pinakamahalagang konklusyon na makakamit mula sa pagsusuri ng mga ito [ang mga papyri] ay isa na kasiyasiya sapagka’t pinatutunayan nito ang saligang kawastuan ng umiiral na mga kasulatan. Walang ipinakikitang kapunapuna o saligang pagkakaiba maging sa Matanda o sa Bagong Tipan. Walang mahahalagang pagbawas o pagdagdag ng mga talata, at walang mga pagkakaiba na nakakaapekto sa mahahalagang katotohanan o doktrina. Ang mga pagkakaiba ng kasulatan ay umaapekto sa bagay na di-mahalaga, gaya ng pagkakasunudsunod ng mga salita o ang mismong mga salitang ginamit . . . Subali’t ang saligang kahalagahan nito ay ang kanilang pagpapatunay sa katapatan ng ating umiiral na mga kasulatan, sa pamamagitan ng katibayan na may mas maagang petsa kaysa dating natuklasan.”—(Londres, 1933), p. 15.
Totoo na may ilang salin ng Bibliya na higit na nanghahawakan sa orihinal na mga wika kaysa iba. Ang makabagong mga salin na nagbibigay-kahulugan sa Bibliya ay lumabis anupa’t madalas nitong binabago ang orihinal na kahulugan. Ang ibang tagapagsalin ay nagpahintulot sa kanilang personal na mga paniwala na bumago sa kanilang pagsasalin. Subali’t ang mga kahinaang ito ay makikilala sa pamamagitan ng paghahambing-hambing ng iba’t-ibang mga salin.
Kung May Magsasabi—
‘Hindi ako naniniwala sa Bibliya’
Maaari kayong sumagot: ‘Pero naniniwala kayo na may Diyos, hindi ba? . . . Puwede ko bang malaman kung aling bahagi ng Bibliya ang ayaw ninyong paniwalaan?’
O maaari ninyong sabihin: ‘Maitanong ko, Matagal na bang ganito ang paniwala ninyo? . . . Ganito rin ang sinasabi ng iba kahit hindi pa nila mismong nasuri ang Bibliya. Subali’t yamang ang Bibliya ay maliwanag na nagsasabing ito’y mensahe mula sa Diyos mismo at na nag-aalok siya ng walang-hanggang buhay kung sasampalataya tayo at mamumuhay ayon sa sinasabi nito, hindi kaya kayo sasang-ayon na kapakipakinabang na alamin kung totoo nga o hindi ang pag-aangkin nito? (Gamitin ang materyales sa mga pahina 62-65.)’
‘Ang Bibliya ay nagkakasalungatan’
Maaari kayong sumagot: ‘Marami na ang nagsabi sa akin ng ganiyan, pero ni isa’y wala pang naipakitang tunay na pagkakasalungatan. At sa sarili kong pagbabasa ng Bibliya wala pa akong nakita ni isa. Puwede ba ninyo akong bigyan ng isang halimbawa?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Sa karanasan ko, kaya nag-aalinlangan ang marami ay dahil sa hindi nasagot ang mga tanong nila sa Bibliya. Halimbawa, Saan kinuha ni Cain ang kaniyang asawa? (Gamitin ang materyales sa mga pahina 215, 216.)’
‘Tao lamang ang sumulat ng Bibliya’
Maaari kayong sumagot: ‘Totoo iyan. Mga 40 sa kanila ang nakibahagi dito. Subali’t yao’y kinasihan ng Diyos.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Ano ang ibig sabihin nito? Na ang Diyos ang namatnugot sa pagsulat, kung papaanong ginagamit ng isang negosyante ang isang kalihim upang sumulat para sa kaniya.’ (2) ‘Hindi dapat pagtakhan ang ideya ng pagtanggap ng mga mensahe mula sa isa na nasa malayong kalawakan. Kahit ang tao ay nagpadala ng mga mensahe at mga retrato mula sa buwan. Papaano nila ginawa ito? Sa pamamagitan ng paggamit ng mga batas na matagal nang pinairal ng Diyos mismo.’ (3) ‘Nguni’t papaano natin matitiyak na ang nilalaman ng Bibliya ay tunay ngang galing sa Diyos? Naglalaman ito ng impormasyon na imposibleng manggaling sa tao. Anong impormasyon? Mga detalye hinggil sa hinaharap; at laging napapatunayan ang ganap na kawastuan ng mga ito. (Para sa mga halimbawa, tingnan ang mga pahina 62-64, gayon din mga pahina 169-174, sa paksang “Mga Huling Araw.”)’
‘Bawa’t isa’y may sariling pagpapakahulugan sa Bibliya’
Maaari kayong sumagot: ‘At maliwanag na hindi lahat ay tama.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Ang pagpilipit sa mga Kasulatan upang iayon sa sariling paniwala ay magbubunga ng walang-hanggang kapahamakan. (2 Ped. 3:15, 16)’ (2) ‘Dalawang bagay ang tutulong sa atin upang maunawaan nang wasto ang Bibliya. Una, isaalang-alang ang konteksto (nakapaligid na mga bersikulo) ng alinmang pangungusap. Pagkatapos, ihambing ang teksto sa iba pang pangungusap sa Bibliya na tumatalakay sa paksa ring yaon. Sa ganito’y hinahayaan natin ang sariling Salita ng Diyos na pumatnubay sa ating pag-iisip, kaya’t ang pagpapakahulugan ay hindi sa atin kundi kaniya. Ganito ang paraan na ginagamit sa mga lathalain ng Watch Tower.’ (Tingnan ang mga pahina 382, 383, sa paksang “Mga Saksi ni Jehova.”)
‘Hindi ito praktikal para sa ating kaarawan’
Maaari kayong sumagot: ‘Talagang interesado tayo sa mga bagay na praktikal sa atin ngayon, hindi ba?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Hindi ba kayo sasang-ayon na ang pagpapahinto sa digmaan ay praktikal? . . . Hindi ba kayo sasang-ayon na kung ang mga tao ay matututong mamuhay nang payapa kasama ng mga taga-ibang bansa, ito’y magiging mabuting pasimula? . . . Ganitong-ganito mismo ang inihula ng Bibliya. (Isa. 2:2, 3) Bunga ng pag-aaral sa Bibliya, nagaganap na ito sa gitna ng mga Saksi ni Jehova.’ (2) ‘Higit pa rito ang kailangan—ang pag-aalis sa lahat ng tao at bansa na siyang may pasimuno sa digmaan. Mangyayari kaya ang ganito? Oo, at ipinaliliwanag ng Bibliya kung papaano. (Dan. 2:44; Awit 37:10, 11)’
O maaari ninyong sabihin: ‘Nauunawaan ko ang inyong pag-aalala. Kung ang isang giya ay hindi praktikal, kamangmangan ang gamitin pa ito, hindi po ba?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Sasang-ayon ba kayo na maituturing nating praktikal ang isang aklat na naglalaan ng matalinong payo na magdudulot sa atin ng maligayang buhay-pamilya? . . . Marami nang beses na binago ang mga teoriya at pamamaraan tungkol sa buhay-pamilya, at ang resultang nakikita natin ngayon ay hindi maganda. Subali’t yaong mga nakakaalam at nagkakapit ng sinasabi ng Bibliya ay may matatag at maliligayang pamilya. (Col. 3:12-14, 18-21)’
‘Ang Bibliya ay isang mabuting aklat, pero hindi maituturing na lubos na katotohanan’
Maaari kayong sumagot: ‘Totoo na bawa’t isa’y may kani-kaniyang palagay. At kahit na inaakala ng isa na nauunawaan na niya ang isang bagay, madalas ay natutuklasan niya na may iba pang salik na hindi naisaalang-alang. Nguni’t may isa na hindi nagtataglay ng ganitong limitasyon. Sino kaya siya? . . . Opo, ang Maylikha ng sansinukob.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Kaya nasabi ni Jesu-Kristo sa kaniya: “Ang salita mo ay katotohanan.” (Juan 17:17) Ang katotohanang iyan ay nasa Bibliya. (2 Tim. 3:16, 17)’ (2) ‘Hindi gusto ng Diyos na tayo’y mangapa sa kawalang-alam; sinabi niyang kalooban niya na matutuhan natin ang wastong kaalaman hinggil sa katotohanan. (1 Tim. 2:3, 4) Sa lubos na kasiyasiyang paraan ay sinasagot ng Bibliya ang mga tanong na gaya ng . . . ’ (Upang matulungan ang ibang tao, baka kailanganin muna ninyong pag-usapan ang patotoo na may Diyos. Tingnan ang mga pahina 126-133, sa paksang “Diyos.”)
‘Ang Bibliya ay aklat ng mga puti’
Maaari kayong sumagot: ‘Totoo nga pong nakapaglimbag sila ng maraming kopya ng Bibliya. Pero hindi sinasabi ng Bibliya na ang isang lahi ay nakahihigit sa iba.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Ang Bibliya ay mula sa ating Maylikha, at siya’y walang pagtatangi. (Gawa 10:34, 35)’ (2) ‘Ang pagkakataon na mabuhay magpakailanman dito sa lupa sa ilalim ng kaniyang Kaharian ay iniaalok ng Salita ng Diyos sa mga tao mula sa lahat ng bansa at angkan. (Apoc. 7:9, 10, 17)’
O maaari ninyong sabihin: ‘Hindi naman talaga! Ang Maylikha sa tao ang siyang pumili ng mga lalake na kaniyang papatnubayan sa pagsulat ng 66 aklat ng Bibliya. At kung pinili niyang gamitin ang mga taong mapuputi ang balat, pananagutan niya yaon. Subali’t ang mensahe ng Bibliya ay hindi limitado sa mga puti.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Pansinin ang sinabi ni Jesus . . . (Juan 3:16) Ang “sinoman” ay kumakapit sa mga tao anoman ang kulay ng kanilang balat. Isa pa, bago umakyat sa langit, binigkas ni Jesus ang mga salitang ito bilang pamamaalam sa kaniyang mga alagad . . . (Mat. 28:19)’ (2) ‘Kapunapuna, ang Gawa 13:1 ay bumabanggit sa isang taong nagngangalang Niger, isang pangalang nangangahulugan ng “itim.” Kabilang siya sa mga propeta at guro ng kongregasyon sa Antiokiya, Syria.’
‘King James Version lamang ang pinaniniwalaan ko’
Maaari kayong sumagot: ‘Kung nariyan ang kopya ninyo, may gusto akong ibahagi sa inyo na natuklasan kong nakapagpapatibay.’
O maaari ninyong sabihin: ‘Marami ang gumagamit sa saling iyan ng Bibliya, at ako mismo ay mayroon niyan sa aking aklatan.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Alam ba ninyo na ang Bibliya ay unang isinulat sa mga wikang Hebreo, Aramaiko, at Griyego? . . . Nababasa ba ninyo ang mga wikang ito? . . . Kaya makapagpapasalamat tayo na ang Bibliya ay naisalin sa Ingles.’ (2) ‘Ipinakikita ng talaang ito (“Table of the Books of the Bible,” sa NW) na ang Genesis, na siyang unang aklat ng Bibliya, ay natapos noong 1513 B.C.E. Alam ba ninyo na, pagkatapos maisulat ang Genesis, 2,900 taon ang lumipas bago naisalin sa Ingles ang buong Bibliya? At mahigit na 200 taon ang lumipas muli bago natapos ang King James Version (1611 C.E.).’ (3) ‘Mula noong ika-17 siglo, marami nang pagbabago ang dinaanan ng Ingles. Nararanasan natin ito sa ating sariling panahon, hindi ba? . . . Kaya nagpapahalaga tayo sa makabagong mga salin na buong-ingat na naghaharap ng orihinal na mga katotohanan sa wikang ginagamit natin sa ngayon.’
‘Sarili ninyong salin iyan’
Tingnan ang paksang “New World Translation.”