Ikaanim na Kabanata
Si Jehova—“Isang Matuwid na Diyos at Isang Tagapagligtas”
1, 2. Anong mga katiyakan ang ibinibigay sa Isaias kabanata 45, at anong mga tanong ang isasaalang-alang?
MAAASAHAN ang mga pangako ni Jehova. Siya ang Diyos ng pagsisiwalat at ang Diyos ng paglalang. Paulit-ulit na niyang pinatunayan na siya’y isang matuwid na Diyos at isang Tagapagligtas ng mga tao sa lahat ng bansa. Ito ang ilan sa mga nakapagpapasiglang katiyakan na masusumpungan sa Isaias kabanata 45.
2 Karagdagan pa, ang Isaias kabanata 45 ay naglalaman ng isang pambihirang halimbawa ng kakayahan ni Jehova sa panghuhula. Pinangyayari ng espiritu ng Diyos na matanaw ni Isaias ang malalayong bansa at masuri ang mga pangyayari sa darating na mga siglo, at nauudyukan siya nitong ilarawan ang isang pangyayari na tanging si Jehova lamang, ang Diyos ng tunay na mga hula, ang patiunang makapagsasabi nang may katumpakan. Ano kaya ang pangyayaring iyon? Paano maaapektuhan nito ang bayan ng Diyos sa kapanahunan ni Isaias? Ano ang kahalagahan nito sa atin sa ngayon? Suriin natin ang mga salita ng propeta.
Ang Kapahayagan ni Jehova Laban sa Babilonya
3. Sa anong maliwanag na pananalita inilalarawan ng Isaias 45:1-3a ang panunupil ni Ciro?
3 “Ito ang sinabi ni Jehova sa kaniyang pinahiran, kay Ciro, na ang kanang kamay ay hinawakan ko, upang manupil ng mga bansa sa harap niya, nang sa gayon ay maalisan ko ng bigkis ang mga balakang ng mga hari; upang buksan sa harap niya ang mga pinto na may dalawang pohas, nang sa gayon ay hindi maisara ang mga pintuang-daan: ‘Sa unahan mo ay yayaon ako, at ang mga umbok ng lupa ay papatagin ko. Ang mga pintong tanso ay pagdudurug-durugin ko, at ang mga halang na bakal ay puputulin ko. At ibibigay ko sa iyo ang mga kayamanan na nasa kadiliman at ang mga nakatagong kayamanan na nasa mga kublihang dako.’ ”—Isaias 45:1-3a.
4. (a) Bakit tinawag ni Jehova si Ciro na kaniyang “pinahiran”? (b) Paano titiyakin ni Jehova ang tagumpay ni Ciro?
4 Si Jehova, sa pamamagitan ni Isaias, ay nagsasalita kay Ciro na para bang ito’y buháy, bagaman noong panahon ni Isaias ay hindi pa naman naisisilang si Ciro. (Roma 4:17) Yamang patiunang inatasan ni Jehova si Ciro upang gumanap ng isang espesipikong gawain, masasabing si Ciro ay “pinahiran” ng Diyos. Palibhasa’y inaakay siya ng Diyos, susupilin niya ang mga bansa at pahihinain ang mga hari anupat hindi na makapagtatanggol pa. Pagkatapos, kapag sinalakay na ni Ciro ang Babilonya, titiyakin ni Jehova na ang mga pinto ng lunsod ay maiiwang bukás, anupat mawawalan ito ng kabuluhan na gaya ng wasak na mga pintuang-daan. Mauuna siya kay Ciro, aalisin muna niya ang lahat ng hadlang. Sa dakong huli, lulupigin ng mga kawal ni Ciro ang lunsod at aariin nila ang “nakatagong kayamanan” nito, ang kayamanan nitong nakaimbak sa madidilim na taguan. Ito ang inihula ni Isaias. Magkakatotoo kaya ang kaniyang mga salita?
5, 6. Kailan at paano nagkatotoo ang hula tungkol sa pagbagsak ng Babilonya?
5 Noong taóng 539 B.C.E.—mga 200 taon matapos iulat ni Isaias ang hulang ito—nakarating nga si Ciro sa mga pader ng Babilonya upang lusubin ang lunsod. (Jeremias 51:11, 12) Gayunman, walang kamalay-malay ang mga taga-Babilonya. Ang akala nila’y hindi na malulupig ang kanilang lunsod. Ang nagtataasang pader nito ay parang mga higanteng nakatunghay sa malalalim na kanal na punô ng tubig mula sa Ilog Eufrates, na bumubuo ng bahagi ng pandepensang sistema ng lunsod. Sa loob ng mahigit na sandaang taon, walang kaaway ang nagtangkang dumaig sa Babilonya sa pamamagitan ng mabilis na harapang pagsalakay! Sa katunayan, gayon na lamang ang pagtitiwala ng kasalukuyang tagapamahala ng Babilonya, si Belsasar, anupat siya’y nakikipagpiging pa sa mga miyembro ng kaniyang palasyo. (Daniel 5:1) Nang gabing iyon—gabi ng Oktubre 5/6—tinapos ni Ciro ang isang napakagaling na taktika-militar.
6 Sa dakong itaas ng ilog mula sa Babilonya, ang mga inhinyero ni Ciro ay humukay sa pampang ng Ilog Eufrates, anupat inilihis ang tubig nito upang hindi na ito umagos sa timog patungo sa lunsod. Hindi nagtagal, bumaba nang husto ang tubig ng ilog sa loob at palibot ng Babilonya anupat nakalusong ang mga kawal ni Ciro patungo sa pinakasentro ng lunsod. (Isaias 44:27; Jeremias 50:38) Ang nakapagtataka, gaya ng inihula ni Isaias, ang mga pintuang-daan sa tabi ng ilog ay bukás nga. Nilusob ng puwersa ni Ciro ang Babilonya, kinubkob ang palasyo, at pinatay si Haring Belsasar. (Daniel 5:30) Naisagawa ang pananakop sa loob lamang ng magdamag. Bumagsak ang Babilonya, at detalyadong natupad ang hula.
7. Paano pinatitibay ang mga Kristiyano sa pamamagitan ng kahanga-hangang katuparan ng hula ni Isaias tungkol kay Ciro?
7 Ang eksaktong katuparan ng hulang ito ay nagpapatibay sa pananampalataya ng mga Kristiyano sa ngayon. Nagbibigay ito sa kanila ng matibay na dahilan upang maniwala na ang mga hula sa Bibliya na hindi pa natutupad ay mapananaligan din nang lubusan. (2 Pedro 1:20, 21) Batid ng mga mananamba ni Jehova sa ngayon na ang pangyayaring inilalarawan ng pagbagsak ng Babilonya noong 539 B.C.E.—ang pagbagsak ng “Babilonyang Dakila”—ay naganap noon pa mang 1919. Magkagayunman, inaasam pa rin nila ang pagkawasak ng makabagong-panahong relihiyosong organisasyong iyan gayundin ang ipinangakong pag-aalis ng makapulitikang sistema na kontrolado ni Satanas, ang pagbubulid kay Satanas sa kalaliman, at ang pagdating ng bagong mga langit at isang bagong lupa. (Apocalipsis 18:2, 21; 19:19-21; 20:1-3, 12, 13; 21:1-4) Batid nila na ang mga hula ni Jehova ay, hindi mga pangakong walang-saysay, kundi mga paglalarawan ng tiyak na mangyayari sa hinaharap. Ang pagtitiwala ng tunay na mga Kristiyano ay tumitibay kapag naaalaala nila ang katuparan ng lahat ng detalye ng hula ni Isaias tungkol sa pagbagsak ng Babilonya. Batid nila na si Jehova ay palaging tumutupad sa kaniyang salita.
Kung Bakit Bibigyan ni Jehova ng Pabor si Ciro
8. Ano ang isang dahilan kung kaya ipinagkaloob ni Jehova kay Ciro ang tagumpay laban sa Babilonya?
8 Matapos sabihin kung sino ang sasakop sa Babilonya at kung paano ito gagawin, patuloy na ipinaliwanag ni Jehova ang isang dahilan kung bakit si Ciro ang pagkakalooban niya ng tagumpay. Si Jehova, na makahulang nagsasalita kay Ciro, ay nagsabi na iyon ay “upang makilala mo na ako ay si Jehova, ang Isa na tumatawag sa iyo sa iyong pangalan, ang Diyos ng Israel.” (Isaias 45:3b) Angkop lamang na kilalanin ng tagapamahala ng ikaapat na kapangyarihang pandaigdig sa kasaysayan ng Bibliya na ang kaniyang pinakamalaking tagumpay ay nangyari dahil sa suporta ng isa na mas dakila sa kaniya—si Jehova, ang Pansansinukob na Soberano. Dapat na kilalanin ni Ciro na ang isa na tumawag, o nag-atas, sa kaniya ay si Jehova, ang Diyos ng Israel. Ipinakikita ng ulat ng Bibliya na kinilala nga ni Ciro na ang kaniyang malaking tagumpay ay galing kay Jehova.—Ezra 1:2, 3.
9. Sa anong ikalawang dahilan ipinahintulot ni Jehova na malupig ni Ciro ang Babilonya?
9 Ipinaliwanag ni Jehova ang ikalawang dahilan kung bakit pangyayarihin niyang lupigin ni Ciro ang Babilonya: “Alang-alang sa Jacob na aking lingkod at sa Israel na aking pinili, tinawag nga kita sa iyong pangalan; binigyan kita ng pangalang may karangalan, bagaman hindi mo ako kilala.” (Isaias 45:4) Ang tagumpay ni Ciro laban sa Babilonya ay yumanig sa daigdig. Tanda ito ng pagbagsak ng isang kapangyarihang pandaigdig at pagbangon naman ng isa, at ito ay may namamalaging epekto sa kasaysayan para sa darating na mga salinlahi. Subalit, yaong karatig na mga bansa na sabik na nag-aabang sa mga pangyayari ay malamang na magugulat sa pagkaalam na lahat ng ito’y mangyayari alang-alang sa iilang libong “walang-halaga” na mga tapon sa Babilonya—ang mga Judio, na mga inapo ni Jacob. Gayunman, sa paningin ni Jehova, ang mga nakaligtas na ito mula sa sinaunang bansang Israel ay malayong maging walang-halaga. Sila’y kaniyang “lingkod.” Sa lahat ng bansa sa lupa, sila ang kaniyang “pinili.” Kahit na noong una’y hindi pa kilala ni Ciro si Jehova, ginagamit na siya ni Jehova bilang Kaniyang pinahiran upang ibagsak ang lunsod na tumangging palayain ang mga bihag nito. Hindi layunin ng Diyos na ang kaniyang piniling bayan ay manlupaypay magpakailanman sa banyagang lupain.
10. Ano ang pinakamahalagang dahilan kung bakit ginamit ni Jehova si Ciro upang wakasan ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Babilonya?
10 May ikatlo pang mas mahalagang dahilan kung bakit gagamitin ni Jehova si Ciro upang ibagsak ang Babilonya. Sinabi ni Jehova: “Ako ay si Jehova, at wala nang iba pa. Maliban sa akin ay walang Diyos. Bibigkisan kita nang mahigpit, bagaman hindi mo ako nakikilala, upang malaman ng mga tao mula sa sikatan ng araw at mula sa lubugan nito na wala nang iba maliban sa akin. Ako ay si Jehova, at wala nang iba pa.” (Isaias 45:5, 6) Oo, ang pagbagsak ng Kapangyarihang Pandaigdig ng Babilonya ay isang pagpapamalas ng pagka-Diyos ni Jehova, patunay sa lahat na siya lamang ang karapat-dapat sambahin. Dahil sa pagkapalaya sa bayan ng Diyos, makikilala ng mga indibiduwal sa maraming bansa—mula silangan hanggang kanluran—na si Jehova lamang ang tanging tunay na Diyos.—Malakias 1:11.
11. Paano inilalarawan ni Jehova na taglay niya ang kapangyarihang tuparin ang kaniyang layunin hinggil sa Babilonya?
11 Tandaan na ang hulang ito ni Isaias ay isinulat mga 200 taon pa bago ito maganap. Kapag narinig ito, marahil ay magtatanong ang ilan, ‘Talaga nga kayang may kapangyarihan si Jehova na tuparin ito?’ Gaya ng pinatutunayan ng kasaysayan, ang sagot ay oo. Ipinaliwanag ni Jehova kung bakit makatuwiran na maniwalang magagawa niya ang kaniyang sinasabi: “Nag-aanyo ng liwanag at lumalalang ng kadiliman, gumagawa ng kapayapaan at lumalalang ng kapahamakan, ako, si Jehova, ang gumagawa ng lahat ng mga bagay na ito.” (Isaias 45:7) Lahat ng nasa nilalang—mula liwanag hanggang kadiliman—at lahat ng nasa kasaysayan—mula kapayapaan hanggang kapahamakan—ay kontrolado ni Jehova. Kung paanong nilalang niya ang liwanag ng araw at ang kadiliman ng gabi, gagawa rin siya ng kapayapaan para sa Israel at kapahamakan naman para sa Babilonya. May kapangyarihan si Jehova na lalangin ang sansinukob, at may kapangyarihan din siyang tuparin ang kaniyang mga hula. Iyan ay pagbibigay-katiyakan sa mga Kristiyano sa ngayon, na masikap na nag-aaral ng kaniyang makahulang salita.
12. (a) Ano ang pinangyari ni Jehova na mailuwal ng makasagisag na mga langit at lupa? (b) Anong nakaaaliw na pangako ang nilalaman ng mga salita ng Isaias 45:8 para sa mga Kristiyano sa ngayon?
12 Angkop naman, ginamit ni Jehova ang mga pangyayaring regular na nagaganap sa paglalang upang ilarawan ang mga bagay na naghihintay sa mga bihag na Judio: “O kayong mga langit, magpaulan kayo mula sa itaas; at magpatak ng katuwiran ang maulap na kalangitan. Bumuka ang lupa, at magbunga iyon ng kaligtasan, at magpasibol iyon ng katuwiran kasabay nito. Ako mismo, si Jehova, ang lumalang nito.” (Isaias 45:8) Kung paanong pinangyayari ng literal na langit na bumagsak ang nagbibigay-buhay na ulan, pangyayarihin din ni Jehova na bumuhos ang matuwid na mga impluwensiya sa kaniyang bayan mula sa makasagisag na mga langit. At kung paanong ang literal na lupa ay bumubuka upang magluwal ng saganang ani, tatawagan ni Jehova ang makasagisag na lupa upang magluwal din ng mga pangyayaring kasuwato ng kaniyang matuwid na layunin—lalo na ng kaligtasan para sa kaniyang bayang bihag sa Babilonya. Noong 1919, pinangyari ni Jehova na ang “langit” at ang “lupa” ay magluwal ng gayunding mga pangyayari upang palayain ang kaniyang bayan. Nagagalak ang mga Kristiyano na makita ang gayong mga bagay. Bakit? Sapagkat ang mga pangyayaring iyon ay nagpapatibay sa kanilang pananampalataya habang inaasam nila ang panahon na ang makasagisag na mga langit, ang Kaharian ng Diyos, ay magdadala ng mga pagpapala sa isang matuwid na lupa. Sa panahong iyon, ang katuwiran at kaligtasan na lumalabas sa makasagisag na mga langit at lupa ay magiging sa mas malawak na antas kaysa noong ibagsak ang sinaunang Babilonya. Tunay ngang isang maluwalhating pangwakas na katuparan iyan ng mga salita ni Isaias!—2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1.
Mga Pagpapala Dahil sa Pagkilala sa Soberanya ni Jehova
13. Bakit isang kahangalan para sa mga tao na tutulan ang mga layunin ni Jehova?
13 Pagkatapos ng paglalarawang ito ng nakagagalak na mga pagpapala sa hinaharap, ang istilo ng hula ay biglang nabago, at si Isaias ay nagpahayag ng dobleng kaabahan: “Sa aba niyaong lumalaban sa kaniyang Tagapag-anyo, gaya ng isang bibingang luwad sa iba pang mga bibingang luwad sa lupa! Dapat bang sabihin ng luwad sa tagapag-anyo nito: ‘Ano ang ginagawa mo?’ At ang iyong ginawa ay magsasabi: ‘Wala siyang mga kamay’? Sa aba niyaong nagsasabi sa ama: ‘Ano ang ipinanganganak sa iyo?’ at sa asawang babae: ‘Ano ang ipinaghihirap mong maipanganak?’ ” (Isaias 45:9, 10) Lumilitaw na tutol ang mga anak ni Israel sa hula ni Jehova. Marahil ay hindi sila naniniwalang pahihintulutan ni Jehova na maging tapon ang kaniyang bayan. O baka minamasama nila ang ideya na ang Israel ay palalayain ng isang hari mula sa paganong bansa sa halip na palayain ng isang hari mula sa sambahayan ni David. Upang ilarawan ang kahangalan ng gayong pagtutol, inihambing ni Isaias ang mga tumututol sa mga itinapong kimpal ng putik at bibingang luwad na mangangahas na pag-alinlanganan ang karunungan niyaong gumawa sa kanila. Ang mismong bagay na inanyuan ng magpapalayok ay nagsasabi ngayon na ang magpapalayok ay walang mga kamay o kapangyarihang mag-anyo. Kay laking kahangalan! Ang mga tumututol ay parang maliliit na anak na nangangahas na tumuligsa sa awtoridad ng kanilang mga magulang.
14, 15. Ano ang isinisiwalat tungkol kay Jehova ng mga pananalitang “ang Banal” at “ang Tagapag-anyo”?
14 Ibinigay ni Isaias ang sagot ni Jehova sa gayong mga tumututol: “Ito ang sinabi ni Jehova, ang Banal ng Israel at ang Tagapag-anyo sa kaniya: ‘Magtanong ka sa akin tungkol sa mga bagay na dumarating may kinalaman sa aking mga anak; at may kinalaman sa gawa ng aking mga kamay ay mag-utos kayo sa akin. Ako mismo ang gumawa ng lupa at lumalang ng tao sa ibabaw nito. Ako—ang aking sariling mga kamay ang nag-unat ng mga langit, at sa buong hukbo nila ay nag-utos ako. Ako ay may isang pinukaw sa katuwiran, at ang lahat ng kaniyang lakad ay tutuwirin ko. Siya ang magtatayo ng aking lunsod, at yaong aking mga pag-aari na nasa pagkatapon ay payayaunin niya, hindi kapalit ng isang halaga ni dahil man sa panunuhol,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.”—Isaias 45:11-13.
15 Ang paglalarawan kay Jehova bilang “ang Banal” ay nagdiriin sa kaniyang pagkasagrado. Ang pagtawag sa kaniya na “ang Tagapag-anyo” ay nagdiriin sa kaniyang karapatan bilang ang Maylalang na magpasiya kung paano magaganap ang mga bagay-bagay. Naipabatid ni Jehova sa mga anak ng Israel ang tungkol sa mga bagay na darating at napangalagaan ang kaniyang gawang-kamay, alalaong baga’y, ang kaniyang bayan. Minsan pang ipinakikita na ang mga simulain ng paglalang at pagsisiwalat ay magkaugnay. Bilang Maylalang ng buong sansinukob, may karapatan si Jehova na ugitan ang mga pangyayari ayon sa ipinasiya niya. (1 Cronica 29:11, 12) Sa kasong tinatalakay, ipinasiya ng Soberanong Tagapamahala na ibangon si Ciro, isang pagano, bilang tagapagpalaya ng Israel. Ang pagdating ni Ciro, bagaman sa hinaharap pa, ay kasintiyak ng pag-iral ng langit at lupa. Kung gayon, sinong anak ng Israel ang maglalakas-loob na tuligsain ang Ama, si “Jehova ng mga hukbo”?
16. Bakit dapat magpasakop kay Jehova ang kaniyang mga lingkod?
16 Ang mismong mga talatang ito ni Isaias ay naglalaman din ng isa pang dahilan kung bakit ang mga lingkod ng Diyos ay dapat magpasakop sa kaniya. Ang kaniyang mga pasiya ay laging sa ikabubuti ng kaniyang mga lingkod. (Job 36:3) Gumawa siya ng mga kautusan upang makinabang ang kaniyang bayan. (Isaias 48:17) Napatunayan ng mga Judiong tumatanggap sa soberanya ni Jehova noong kapanahunan ni Ciro na ito’y totoo. Pinauwi sila ni Ciro, na kumikilos ayon sa katuwiran ni Jehova, mula sa Babilonya upang itayo nilang muli ang templo. (Ezra 6:3-5) Gayundin naman sa ngayon, nakararanas ng mga pagpapala yaong mga nagkakapit ng mga kautusan ng Diyos sa kanilang pang-araw-araw na buhay at yaong nagpapasakop sa kaniyang soberanya.—Awit 1:1-3; 19:7; 119:105; Juan 8:31, 32.
Mga Pagpapala Para sa Ibang mga Bansa
17. Bukod sa Israel, sino pa ang makikinabang sa gawang pagliligtas ni Jehova, at paano?
17 Hindi lamang ang Israel ang bansang makikinabang sa pagbagsak ng Babilonya. Sinabi ni Isaias: “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Ang mga di-binabayarang trabahador ng Ehipto at ang mga mangangalakal ng Etiopia at ang mga Sabeano, matatangkad na lalaki, ay paririyan nga sa iyo, at sila ay magiging iyo. Sa likuran mo ay lalakad sila; paririyan silang may mga pangaw, at sa iyo ay yuyukod sila. Sa iyo ay mananalangin sila, na sinasabi, “Tunay nga na ang Diyos ay kaisa mo, at wala nang iba pa; wala nang iba pang Diyos.” ’ ” (Isaias 45:14) Noong kapanahunan ni Moises, “isang malaking haluang pangkat” ng mga di-Israelita ang sumama sa mga Israelita sa kanilang Paglabas sa Ehipto. (Exodo 12:37, 38) Sa katulad na paraan, sasama ang mga banyaga sa mga tapong Judio sa pag-uwi mula sa Babilonya. Ang mga di-Judiong ito ay hindi pipiliting sumama kundi kusang “paririyan nga.” Kapag sinasabi ni Jehova na, “sa iyo ay yuyukod sila” at “sa iyo ay mananalangin sila,” ang tinutukoy niya ay ang kusang pagpapasakop at katapatan na ipinakita sa Israel ng mga banyagang ito. Kung sila ma’y nakapangaw, ito’y sa boluntaryong paraan, na nagpapakilala ng kanilang pagkukusa na maglingkod sa tipang bayan ng Diyos, na sa kanila’y sasabihin nila: “Ang Diyos ay kaisa mo.” Sasambahin nila si Jehova bilang mga proselita, sa ilalim ng mga paglalaan ng kaniyang tipan sa Israel.—Isaias 56:6.
18. Sino sa ngayon ang nakinabang na sa pagpapalaya ni Jehova sa “Israel ng Diyos,” at sa anu-anong paraan?
18 Mula noong 1919 nang “ang Israel ng Diyos” ay mapalaya mula sa espirituwal na pagkabihag, ang mga salita ni Isaias ay nagkaroon ng mas malaking katuparan kaysa noong kapanahunan ni Ciro. Milyun-milyon sa buong daigdig ang nagpapakita ng kusang paglilingkod kay Jehova. (Galacia 6:16; Zacarias 8:23) Gaya ng mga “trabahador” at “mangangalakal” na binanggit ni Isaias, natutuwa silang maghandog ng kanilang pisikal na lakas at materyal na kayamanan upang suportahan ang tunay na pagsamba. (Mateo 25:34-40; Marcos 12:30) Iniaalay nila ang kanilang sarili sa Diyos at lumalakad sa kaniyang daan, anupat natutuwang maging mga alipin niya. (Lucas 9:23) Si Jehova lamang ang kanilang sinasamba, anupat tinatamasa ang mga kapakinabangan ng pakikisama sa “tapat at maingat na alipin” ni Jehova, na may pantanging pakikipagtipan sa Diyos. (Mateo 24:45-47; 26:28; Hebreo 8:8-13) Bagaman hindi kasali sa tipang iyan, ang mga “trabahador” at “mangangalakal” na iyon ay nakikinabang dito at sumusunod sa mga kautusang kaugnay nito, na buong-tapang na naghahayag: “Wala nang iba pang Diyos.” Tunay ngang nakatutuwang maging mga saksing nakakakita sa ngayon ng napakalaking pagsulong sa bilang ng gayong mga kusang sumusuporta sa tunay na pagsamba!—Isaias 60:22.
19. Ano ang mangyayari sa mga nagpipilit sumamba sa mga idolo?
19 Matapos ibunyag na ang mga tao ng mga bansa ay sasama sa pagsamba kay Jehova, bumulalas ang propeta: “Tunay na ikaw ay Diyos na nagkukubli ng iyong sarili, ang Diyos ng Israel, isang Tagapagligtas”! (Isaias 45:15) Bagaman ayaw munang ipakita ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan sa kasalukuyan, sa hinaharap ay hindi na siya magtatago. Ipakikita niyang siya ang Diyos ng Israel, ang Tagapagligtas ng kaniyang bayan. Subalit, si Jehova ay hindi magiging Tagapagligtas niyaong mga nagtitiwala sa mga idolo. Patungkol sa mga ito ay sinabi ni Isaias: “Sila ay tiyak na mapapahiya at maaaba, silang lahat. Ang mga manggagawa ng mga anyong idolo ay sama-samang lalakad sa kahihiyan.” (Isaias 45:16) Ang pagkapahiya nila ay hindi lamang pansamantalang pagkadama ng kadustaan at kahihiyan. Mangangahulugan iyon ng kamatayan—ang kabaligtaran ng sumunod na ipinangako ni Jehova sa Israel.
20. Sa anong paraan mararanasan ng Israel ang “kaligtasang hanggang sa mga panahong walang takda”?
20 “Kung tungkol sa Israel, siya ay tiyak na ililigtas na kaisa ni Jehova sa kaligtasang hanggang sa mga panahong walang takda. Hindi kayo mapapahiya, ni maaaba man kayo hanggang sa walang-takdang mga panahon na walang hanggan.” (Isaias 45:17) Ipinangako ni Jehova sa Israel ang walang-hanggang kaligtasan, subalit ito’y may kondisyon. Ang Israel ay dapat na manatiling “kaisa ni Jehova.” Kapag sumira ang Israel sa pakikiisang iyan sa pamamagitan ng pagtatakwil kay Jesus na Mesiyas, maiwawala ng bansa ang pag-asa nitong ‘kaligtasan hanggang sa mga panahong walang takda.’ Gayunman, ang ilan sa Israel ay mananampalataya kay Jesus, at ang mga ito ang magiging pundasyon ng Israel ng Diyos, na hahalili sa likas na Israel. (Mateo 21:43; Galacia 3:28, 29; 1 Pedro 2:9) Hindi kailanman mapapahiya ang espirituwal na Israel. Ito’y dadalhin sa “walang-hanggang tipan.”—Hebreo 13:20.
Sa Paglalang at sa Pagsisiwalat, Maaasahan si Jehova
21. Paano ipinakita ni Jehova na siya’y lubusang maaasahan sa paglalang at sa pagsisiwalat?
21 Makaaasa ba ang mga Judio sa pangako ni Jehova na walang-hanggang kaligtasan para sa Israel? Sumagot si Isaias: “Ito ang sinabi ni Jehova, na Maylalang ng langit, Siya na tunay na Diyos, na Tagapag-anyo ng lupa at Maylikha nito, Siya na nagtatag nito nang matibay, na hindi niya nilalang na walang kabuluhan, na nag-anyo nito upang tahanan: ‘Ako ay si Jehova, at wala nang iba pa. Hindi ako nagsalita sa isang dakong kublihan, sa isang madilim na dako sa lupa; ni sinabi ko man sa binhi ni Jacob, “Hanapin ninyo ako nang walang kabuluhan.” Ako ay si Jehova, na nagsasalita ng bagay na matuwid, nagsasabi ng bagay na matapat.’ ” (Isaias 45:18, 19) Sa ikaapat at pangwakas na pagkakataon sa kabanatang ito, binuksan ni Isaias ang isang mahalagang makahulang talata sa ganitong pananalita: “Ito ang sinabi ni Jehova.” (Isaias 45:1, 11, 14) Ano ang sinabi ni Jehova? Na kapuwa sa paglalang at sa pagsisiwalat, siya’y maaasahan. Hindi niya nilalang ang lupa “na walang kabuluhan.” Gayundin naman, hindi niya hinihiling sa kaniyang bayan, ang Israel, na hanapin siya “nang walang kabuluhan.” Kung paanong matutupad ang layunin ng Diyos para sa lupa, matutupad din ang layunin ng Diyos para sa kaniyang piniling bayan. Kabaligtaran sa malalabong pananalita ng mga naglilingkod sa mga huwad na diyos, ang pananalita ni Jehova ay sinasabi nang hayagan. Ang kaniyang pananalita ay matuwid, at ang mga ito’y magkakatotoo. Yaong mga naglilingkod sa kaniya ay hindi maglilingkod nang walang kabuluhan.
22. (a) Ano ang matitiyak ng mga Judiong tapon sa Babilonya? (b) Anong katiyakan mayroon ang mga Kristiyano sa ngayon?
22 Para sa bayan ng Diyos na tapon sa Babilonya, ang pananalitang iyon ay isang katiyakan na ang Lupang Pangako ay hindi mananatiling tiwangwang. Ito’y muling tatahanan. At magkakatotoo ang mga pangako ni Jehova sa kanila. Sa ikalalawak pa, ang mga salita ni Isaias ay isang katiyakan para sa bayan ng Diyos sa ngayon na ang lupa ay hindi magiging isang tiwangwang na kaguhuan—na natupok ng apoy, gaya ng paniniwala ng ilan, o nawasak ng bombang nuklear, gaya ng pinangangambahan ng iba. Layunin ng Diyos na ang lupa ay manatili magpakailanman, na nababalot ng malaparaisong kagandahan at tinatahanan ng matuwid na mga tao. (Awit 37:11, 29; 115:16; Mateo 6:9, 10; Apocalipsis 21:3, 4) Oo, gaya ng nangyari sa Israel, ang pananalita ni Jehova ay talagang maaasahan.
Ipinaabot ni Jehova ang Kaniyang Awa
23. Ano ang kahihinatnan ng mga sumasamba sa mga idolo, at paano naman mápapabuti ang mga sumasamba kay Jehova?
23 Ang kaligtasan ng Israel ay idiniin sa sumunod na mga salita ni Jehova: “Magtipon kayo at pumarito. Magpisan-pisan kayo, kayong mga takas mula sa mga bansa. Yaong mga nagdadala ng kahoy ng kanilang inukit na imahen ay hindi sumapit sa anumang kaalaman, ni yaon mang mga nananalangin sa isang diyos na hindi makapagligtas. Isaysay ninyo ang inyong ulat at ang inyong paglalahad. Oo, magsanggunian sila nang may pagkakaisa. Sino ang nagparinig nito mula noong sinaunang panahon? Sino ang nag-ulat nito mula nang mismong panahong iyon? Hindi ba ako, si Jehova, na bukod sa akin ay wala nang iba pang Diyos; isang matuwid na Diyos at isang Tagapagligtas, na walang iba maliban sa akin?” (Isaias 45:20, 21) Inutusan ni Jehova ang “mga takas” na ihambing ang kanilang kaligtasan sa mangyayari sa mga sumasamba sa idolo. (Deuteronomio 30:3; Jeremias 29:14; 50:28) Dahil sa ang mga mananamba sa idolo ay nananalangin at naglilingkod sa walang-kapangyarihang mga diyos na hindi makapagliligtas sa kanila, sila’y “hindi sumapit sa anumang kaalaman.” Ang kanilang pagsamba ay walang halaga—walang kabuluhan. Subalit, nakita niyaong mga sumasamba kay Jehova na taglay niya ang kapangyarihan na pangyarihin ang kaniyang inihula “noong sinaunang panahon,” lakip na ang pagliligtas sa kaniyang bayang tapon sa Babilonya. Ang gayong kapangyarihan at malayong pananaw ang nagbukod kay Jehova mula sa lahat ng ibang diyos. Tunay ngang siya ay “isang matuwid na Diyos at isang Tagapagligtas.”
“Ang Kaligtasan ay Utang Namin sa Ating Diyos”
24, 25. (a) Anong paanyaya ang ipinaaabot ni Jehova, at bakit tiyak na matutupad ang kaniyang pangako? (b) Ano ang matuwid lamang na hilingin ni Jehova?
24 Pinakilos si Jehova ng kaniyang awa upang ipaabot ang isang paanyaya: “Bumaling kayo sa akin at maligtas, lahat kayong nasa mga dulo ng lupa; sapagkat ako ang Diyos, at wala nang iba pa. Sa pamamagitan ng aking sarili ay sumumpa ako—mula sa sarili kong bibig ay lumabas ang salita sa katuwiran, anupat hindi iyon babalik—na sa akin ay luluhod ang bawat tuhod, ang bawat dila ay susumpa, na nagsasabi, ‘Tiyak na kay Jehova ang buong katuwiran at lakas. Lahat niyaong mga nag-iinit laban sa kaniya ay tuwirang paroroon sa kaniya at mapapahiya. Kay Jehova ang buong binhi ng Israel ay mapatutunayang tama at maghahambog tungkol sa kanilang sarili.’ ”—Isaias 45:22-25.
25 Pinangakuan ni Jehova ang Israel na ililigtas niya yaong mga nasa Babilonya na babaling sa kaniya. Imposibleng mabigo ang kaniyang hula sapagkat taglay ni Jehova ang hangarin at kakayahang iligtas ang kaniyang bayan. (Isaias 55:11) Ang mga salita mismo ng Diyos ay maaasahan, subalit lalo na nga kung idaragdag pa ni Jehova ang kaniyang panunumpa upang mapagtibay ang mga ito. (Hebreo 6:13) Matuwid lamang na hilingin niya ang pagpapasakop (“luluhod ang bawat tuhod”) at pagtanggap ng pananagutan (“ang bawat dila ay susumpa”) sa bahagi ng mga nagnanais ng kaniyang paglingap. Ang mga Israelitang nagtitiyaga sa pagsamba kay Jehova ay maliligtas. Maipagmamalaki nila ang gagawin ni Jehova para sa kanila.—2 Corinto 10:17.
26. Paano tumutugon ang “isang malaking pulutong” mula sa lahat ng mga bansa sa paanyaya ni Jehova na bumaling sa kaniya?
26 Gayunman, ang paanyaya ng Diyos na bumaling sa kaniya ay hindi lamang para sa mga tapon sa sinaunang Babilonya. (Gawa 14:14, 15; 15:19; 1 Timoteo 2:3, 4) Ang paanyayang ito ay patuloy pa ring ipinaaabot, at “isang malaking pulutong . . . mula sa lahat ng mga bansa” ang tumutugon at naghahayag: “Ang kaligtasan ay utang namin sa ating Diyos . . . at sa Kordero [si Jesus].” (Apocalipsis 7:9, 10; 15:4) Taun-taon, daan-daang libong baguhan ang napaparagdag sa malaking pulutong sa pamamagitan ng pagbaling sa Diyos, na lubusang kumikilala sa kaniyang soberanya at naghahayag sa madla ng kanilang katapatan sa kaniya. Karagdagan pa, tapat nilang sinusuportahan ang espirituwal na Israel, ang “binhi ni Abraham.” (Galacia 3:29) Ipinakikita nila ang kanilang pag-ibig sa matuwid na pamamahala ni Jehova sa pamamagitan ng paghahayag sa buong daigdig: “Tiyak na kay Jehova ang buong katuwiran at lakas.”a Sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, sinipi ni apostol Pablo ang salin ng Septuagint sa Isaias 45:23 upang ipakita na sa dakong huli, bawat nabubuhay ay kikilala sa soberanya ng Diyos at patuloy na pupuri sa kaniyang pangalan.—Roma 14:11; Filipos 2:9-11; Apocalipsis 21:22-27.
27. Bakit lubos na makapagtitiwala ang mga Kristiyano sa ngayon sa mga pangako ni Jehova?
27 Bakit makapagtitiwala ang mga miyembro ng malaking pulutong na ang pagbaling sa Diyos ay mangangahulugan ng kaligtasan? Sapagkat ang mga pangako ni Jehova ay maaasahan, gaya ng maliwanag na ipinakikita sa mga makahulang salita na masusumpungan sa Isaias kabanata 45. Kung paanong taglay ni Jehova ang kapangyarihan at karunungan upang malikha ang mga langit at lupa, taglay rin niya ang kapangyarihan at karunungan upang mapangyari niya na magkatotoo ang kaniyang mga hula. At kung paanong tiniyak niya na magkakatotoo ang hula hinggil kay Ciro, tutuparin din niya ang iba pang hula sa Bibliya na naghihintay pa ng katuparan. Kung gayon, ang mga mananamba ni Jehova ay makaaasa na malapit nang mapatunayang muli na si Jehova ay “isang matuwid na Diyos at isang Tagapagligtas.”
[Talababa]
a Ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang pananalitang “buong katuwiran” sapagkat ang salitang “mga katuwiran” sa Hebreong teksto ay nasa pangmaramihang anyo. Ang pangmaramihan ay ginamit dito upang ipahayag ang sukdulang antas ng katuwiran ni Jehova.
[Mga larawan sa pahina 80, 81]
Si Jehova, na nag-aanyo ng liwanag at lumalalang ng kadiliman, ay makagagawa ng kapayapaan at makalalalang ng kapahamakan
[Larawan sa pahina 83]
Pangyayarihin ni Jehova na magpaulan ng mga pagpapala ang “mga langit” at magluwal ng kaligtasan ang “lupa”
[Larawan sa pahina 84]
Dapat bang kuwestiyunin ng itinapong mga bibingang luwad ang karunungan niyaong gumawa sa kanila?
[Larawan sa pahina 89]
Hindi nilalang ni Jehova ang lupa na walang kabuluhan