Ikapitong Kabanata
Manumbalik sa Pagsamba kay Jehova
1. Ano ang mga pangalan ng dalawa sa pangunahing mga diyos ng Babilonya, at ano ang inihula tungkol sa kanila?
KAPAG ang Israel ay naging tapon sa Babilonya, ito’y mapalilibutan ng huwad na pagsamba. Noong kapanahunan ni Isaias, ang bayan ni Jehova ay naroroon pa rin sa kanilang sariling lupain, at mayroon silang templo at mga saserdote. Gayunman, marami pa rin sa nakaalay na bansa ng Diyos ang nahulog sa idolatriya. Kung gayon, napakahalaga nga na patiunang ihanda sila upang hindi sila labis na masindak ng huwad na mga diyos ng Babilonya o kaya’y matuksong maglingkod sa mga ito. Kaya nga, sa pagsasalita sa makahulang paraan tungkol sa dalawa sa mga pangunahing diyos ng Babilonya, sinabi ni Isaias: “Si Bel ay yumukod, si Nebo ay nakasubsob; ang kanilang mga idolo ay naging para sa maiilap na hayop at para sa mga alagang hayop, ang kanilang mga pasan, mga dala-dalahan, isang pasanin para sa mga hayop na pagod.” (Isaias 46:1) Si Bel ang pangunahing idolong diyos ng mga Caldeo. Si Nebo naman ay pinipintuho bilang isang diyos ng karunungan at pagkatuto. Ang paggalang na taglay ng marami para sa dalawang diyos na ito ay makikita sa bagay na ang kanilang mga pangalan ay inilakip sa maraming personal na pangalan ng mga taga-Babilonya—Belsasar, Nabopolassar, Nabucodonosor, at Nebuzaradan, bilang pagbanggit sa ilan.
2. Paano idiniriin ang pagkainutil ng mga diyos ng Babilonya?
2 Sinabi ni Isaias na si Bel ay “yumukod” at si Nebo ay “nakasubsob.” Ang mga huwad na diyos na ito ay ibababa. Kapag isinagawa na ni Jehova ang kaniyang hatol laban sa Babilonya, hindi matutulungan ng mga diyos na ito ang kanilang mga mananamba. Ni hindi nga nila maililigtas ang kanilang sarili! Sina Bel at Nebo ay hindi na bubuhatin sa kinalalagyan nitong marangal na dako sa mga prusisyon, gaya ng kung panahon ng kapistahan ng Araw ng Bagong Taon sa Babilonya. Sa halip, kakaladkarin sila ng mga sumasamba sa kanila na parang karaniwang dala-dalahan. Ang papuri at pagsamba sa kanila ay mapapalitan ng pag-alipusta at paghamak.
3. (a) Ano ang ikagugulat ng mga taga-Babilonya? (b) Ano ang matututuhan ngayon mula sa nangyari sa mga diyos ng Babilonya?
3 Laking gulat ng mga taga-Babilonya na malaman na ang kanilang pinakamamahal na mga idolo ay naging pasanin na lamang na kailangang dalhin ng mga hayop na pagód! Gayundin naman sa ngayon, ang mga diyos sa daigdig—ang mga bagay na pinag-uukulan ng mga tao ng kanilang pagtitiwala at pinagbubuhusan nila ng kanilang lakas at pinagkakalooban pa nga ng kanilang buhay—ay isang ilusyon. Ang kayamanan, mga armas, kaluguran, mga tagapamahala, ang bayang-tinubuan o mga sagisag niyaon, at marami pang iba ay naging mga bagay na pinag-uukulan ng debosyon. Ang pagkawalang-silbi ng gayong mga diyos ay ilalantad sa takdang panahon ni Jehova.—Daniel 11:38; Mateo 6:24; Gawa 12:22; Filipos 3:19; Colosas 3:5; Apocalipsis 13:14, 15.
4. Sa anong diwa “yuyukod” at “mapapasubsob” ang mga diyos ng Babilonya?
4 Upang idiin pa ang ganap na pagkabigo ng mga diyos ng Babilonya, nagpatuloy ang hula: “Sila ay mapapasubsob; sila ay sama-samang yuyukod; talagang hindi sila makapaglaan ng pagtakas sa pasanin, kundi yayaong patungo sa pagkabihag ang kanilang kaluluwa.” (Isaias 46:2) Ang mga diyos ng Babilonya ay waring ‘napasubsob’ at ‘yumukod’ na parang sugatán sa labanan o dahil sa uugud-ugod na sa katandaan. Ni hindi nila mapagaan ang pasan o mapatakas ang abang mga hayop na bumubuhat sa kanila. Kaya nga, ang tipang bayan ba ni Jehova, bagaman bihag sa Babilonya, ay dapat magbigay ng anumang karangalan sa mga ito? Hindi! Sa katulad na paraan, ang mga pinahirang lingkod ni Jehova, kahit sa panahon ng pagkabihag sa espirituwal, ay hindi nagparangal sa mga huwad na diyos ng “Babilonyang Dakila,” na hindi nakapigil sa kaniyang pagbagsak noong 1919 at hindi makapagliligtas sa kaniya mula sa kapahamakang sasapitin niya sa panahon ng “malaking kapighatian.”—Apocalipsis 18:2, 21; Mateo 24:21.
5. Paano iniiwasang maulit ng mga Kristiyano sa ngayon ang mga pagkakamali ng sumasamba-sa-idolong mga taga-Babilonya?
5 Ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon ay hindi yumuyukod sa anumang uri ng mga idolo. (1 Juan 5:21) Hindi pinadadali ng mga krusipiho, mga butil ng rosaryo, at mga imahen ng santo ang paglapit sa Maylalang. Hindi sila makapamamagitan alang-alang sa atin. Noong unang siglo, itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang tamang paraan ng pagsamba sa Diyos nang sabihin niya: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung hihingi kayo ng anumang bagay sa pangalan ko, gagawin ko iyon.”—Juan 14:6, 14.
“Dinala Mula sa Bahay-Bata”
6. Paano naiiba si Jehova sa mga diyos ng mga bansa?
6 Matapos ilantad ang pagkawalang-kabuluhan ng pagsamba sa mga idolong diyos ng Babilonya, sinabi ni Jehova sa kaniyang bayan: “Makinig ka sa akin, O sambahayan ng Jacob, at lahat kayong nalalabi sa sambahayan ng Israel, kayong mga kinuha ko mula sa tiyan, yaong mga dinala mula sa bahay-bata.” (Isaias 46:3) Kay laki nga ng pagkakaiba sa pagitan ni Jehova at ng mga nililok na imahen ng Babilonya! Walang magagawa ang mga diyos ng Babilonya para sa kanilang mga mananamba. Upang sila’y makalipat, kailangan pa silang pasanin ng isang hayop na pantrabaho. Sa kabaligtaran, si Jehova ang nagdadala sa kaniyang bayan. Tinustusan na niya sila “mula [pa] sa bahay-bata,” mula nang mabuo ang bansa. Ang magagandang alaalang taglay nila nang sila’y dinadala ni Jehova ay dapat magpatibay sa mga Judio na lumayo sa pagsamba sa idolo at maglagak ng pagtitiwala sa kaniya bilang kanilang Ama at Kaibigan.
7. Paanong ang magiliw na pangangalaga ni Jehova sa kaniyang mga mananamba ay higit pa kaysa sa pangangalaga ng mga magulang sa kanilang mga anak?
7 Si Jehova ay mayroon pang magigiliw na salita para sa kaniyang bayan: “Maging hanggang sa katandaan ng isa ay ako pa rin ang Isang iyon; at hanggang sa magkauban ang isa ay patuloy akong magpapasan. Ako ay kikilos nga, upang ako ay makapagdala at upang ako ay makapagpasan at makapaglaan ng pagtakas.” (Isaias 46:4) Ang pangangalaga ni Jehova sa kaniyang bayan ay nakahihigit sa pangangalaga ng pinakamaasikasong magulang. Habang lumalaki ang mga anak, maaaring akalain ng mga magulang na wala na silang gaanong pananagutan sa kanila. Kapag tumanda na ang mga magulang, ang mga anak naman ang madalas na nag-aalaga sa kanila. Hindi kailanman mangyayari iyon kay Jehova. Hindi siya kailanman tumitigil ng pangangalaga sa kaniyang mga anak na tao—kahit matatanda na sila. Ang mga mananamba ng Diyos sa ngayon ay nagtitiwala at umiibig sa kanilang Maylalang at nakasusumpong ng malaking kaaliwan sa mga salitang ito ng hula ni Isaias. Hindi sila kailangang mabalisa hinggil sa natitirang mga araw o mga taon na kailangan nilang gugulin sa sistemang ito ng mga bagay. Nangangako si Jehova na ‘patuloy [niyang] papasanin’ yaong matatanda na, anupat ibibigay sa kanila ang kinakailangang lakas upang makapagbata at manatiling tapat. Dadalhin niya sila, palalakasin sila, at paglalaanan ng pagtakas.—Hebreo 6:10.
Mag-ingat sa Makabagong-Panahong mga Idolo
8. Anong di-mapagpapaumanhinang kasalanan ang ginawa ng ilan sa mga kababayan ni Isaias?
8 Gunigunihin ang pagkabigong naghihintay sa mga taga-Babilonya na naglalagak ng kanilang pagtitiwala sa mga idolo, na mapatutunayang talagang walang kasilbi-silbi! Dapat bang paniwalaan ng Israel na ang mga diyos na iyon ay maihahalintulad kay Jehova? Siyempre hindi. Tumpak lamang na magtanong si Jehova: “Kanino ninyo ako itutulad o ipapantay o ihahambing upang makahalintulad namin ang isa’t isa?” (Isaias 46:5) Talagang di-mapagpapaumanhinan ang pagbaling ng ilang kababayan ni Isaias sa pagsamba sa di-nakapagsasalita, walang-buhay, at walang-kakayahang estatuwa! Para sa isang bansang nakakakilala kay Jehova, ang pagtitiwala sa walang-buhay at walang-labang mga imahen na gawa ng mga kamay ng tao ay talaga ngang isang kamangmangan.
9. Ilarawan ang hindi pinag-isipang pangangatuwiran ng ilang mananamba sa idolo.
9 Isaalang-alang ang hindi pinag-isipang pangangatuwiran ng mga mananamba sa idolo. Nagpatuloy ang hula: “May mga labis-labis na naglalabas ng ginto mula sa supot, at sa pamamagitan ng nakasabit na timbangan ay tinitimbang nila ang pilak. Umuupa sila ng isang platero, at iyon ay ginagawa niyang isang diyos. Nagpapatirapa sila, oo, yumuyukod sila.” (Isaias 46:6) Sa pag-aakalang mas malakas ang kapangyarihan ng isang mamahaling idolo kaysa sa isa na yari sa kahoy, ang mga mananamba ay handang gumastos nang malaki upang makapagpagawa ng kanilang diyos. Subalit, gaano mang pagsisikap ang gugulin o gaano mang kamahal ang mga materyales, ang isang walang-buhay na idolo ay mananatiling isang walang-buhay na idolo, hanggang doon na lamang.
10. Paano inilarawan ang ganap na pagkawalang-saysay ng pagsamba sa idolo?
10 Bilang pagdiriin pa sa kamangmangan ng pagsamba sa idolo, nagpatuloy ang hula: “Pinapasan nila iyon sa balikat, binubuhat nila iyon at inilalagay sa dako niyaon upang makatayo. Mula sa kinatatayuan niyaon ay hindi iyon umaalis. May dumaraing pa nga roon, ngunit iyon ay hindi sumasagot; mula sa kaniyang kabagabagan ay hindi siya inililigtas niyaon.” (Isaias 46:7) Katawa-tawa ngang manalangin sa isang imahen na walang kakayahang makinig o kumilos! Napakahusay ng pagkakalarawan ng salmista sa pagkawalang-silbi ng gayong mga bagay na sinasamba: “Ang kanilang mga idolo ay pilak at ginto, ang gawa ng mga kamay ng makalupang tao. May bibig sila, ngunit hindi sila makapagsalita; may mga mata sila, ngunit hindi sila makakita; may mga tainga sila, ngunit hindi sila makarinig. May ilong sila, ngunit hindi sila makaamoy. May mga kamay sila, ngunit hindi sila makahipo. May mga paa sila, ngunit hindi sila makalakad; hindi makabigkas ng tinig ang kanilang lalamunan. Yaong mga gumagawa sa kanila ay magiging tulad nila, ang lahat ng nagtitiwala sa kanila.”—Awit 115:4-8.
‘Magtipon ng Lakas ng Loob’
11. Ano ang tutulong sa mga nag-uurong-sulong na ‘makapagtipon ng lakas ng loob’?
11 Matapos ilarawan ang pagkawalang-saysay ng pagsamba sa idolo, ngayon naman ay binibigyan ni Jehova ang kaniyang bayan ng mga dahilan kung bakit dapat silang sumamba sa kaniya: “Alalahanin ninyo ito, upang makapagtipon kayo ng lakas ng loob. Isapuso ninyo iyon, kayong mga mananalansang. Alalahanin ninyo ang mga unang bagay noong sinaunang panahon, na ako ang Makapangyarihan at wala nang iba pang Diyos, ni may sinumang tulad ko.” (Isaias 46:8, 9) Dapat alalahanin niyaong mga nag-uurong-sulong sa tunay na pagsamba at idolatriya ang kasaysayan. Dapat nilang taglayin sa isipan ang mga bagay na ginawa ni Jehova. Tutulong ito sa kanila na makapagtipon ng lakas ng loob at magawa ang tama. Tutulong ito sa kanila upang manumbalik sa pagsamba kay Jehova.
12, 13. Sa anong pakikipaglaban sangkot ang mga Kristiyano, at paano sila magtatagumpay?
12 Kailangan pa rin sa ngayon ang pampatibay-loob na ito. Tulad ng mga Israelita, kailangang paglabanan ng tapat na mga Kristiyano ang mga tukso at ang kanilang sariling di-kasakdalan. (Roma 7:21-24) Karagdagan pa, sila’y nakasuong sa isang espirituwal na pakikipaglaban sa isang di-nakikita subalit napakamakapangyarihang kaaway. Sabi ni apostol Pablo: “Sapagkat tayo ay may pakikipagbuno, hindi laban sa dugo at laman, kundi laban sa mga pamahalaan, laban sa mga awtoridad, laban sa mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito, laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.”—Efeso 6:12.
13 Gagawin ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo ang lahat ng kanilang makakaya upang maitalikod ang mga Kristiyano mula sa tunay na pagsamba. Upang magtagumpay sa pakikipaglaban, kailangang sundin ng mga Kristiyano ang payo ni Jehova at magtipon ng lakas ng loob. Paano? Nagpaliwanag si apostol Pablo: “Isuot ninyo ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos upang makatayo kayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.” Hindi isinusugo ni Jehova ang kaniyang mga lingkod nang walang sapat na sandata. Kabilang sa kanilang espirituwal na pandigma “ang malaking kalasag ng pananampalataya na siyang ipanunugpo [nila] sa lahat ng nag-aapoy na mga suligi ng isa na balakyot.” (Efeso 6:11, 16) Ang mga Israelita ay mga mananalansang sapagkat ipinagwalang-bahala nila ang espirituwal na mga paglalaang ginawa ni Jehova para sa kanila. Kung binulay-bulay lamang nila ang makapangyarihang mga gawa na paulit-ulit na isinagawa ni Jehova alang-alang sa kanila, hindi sana sila kailanman bumaling sa kasuklam-suklam na pagsamba sa idolo. Matuto nawa tayo sa kanilang halimbawa at maging determinado na huwag kailanman mag-urong-sulong sa pakikipaglaban upang magawa ang tama.—1 Corinto 10:11.
14. Anong kakayahan ang tinutukoy ni Jehova upang ipakita na siya nga ang tanging tunay na Diyos?
14 Si Jehova “ang Isa na nagsasabi ng wakas mula pa sa pasimula, at ng mga bagay na hindi pa nagagawa mula pa noong sinaunang panahon; ang Isa na nagsasabi, ‘Ang aking pasiya ay mananatili, at ang lahat ng aking kinalulugdan ay gagawin ko.’ ” (Isaias 46:10) Sino pang ibang diyos ang maitutulad kay Jehova sa bagay na ito? Ang kakayahang humula sa kinabukasan ay isang namumukod-tanging katibayan ng pagka-Diyos ng Maylalang. Gayunman, hindi lamang patiunang pananaw ang kailangan upang matiyak ang katuparan ng mga bagay na inihula. Ang pagsasabing “ang aking pasiya ay mananatili” ay nagdiriin ng pagiging di-nababago ng naitatag na layunin ng Diyos. Yamang si Jehova ay nagtataglay ng walang-limitasyong kapangyarihan, walang anuman sa sansinukob ang makahahadlang sa kaniya sa pagsasakatuparan ng kaniyang kalooban. (Daniel 4:35) Samakatuwid, makatitiyak tayo na anumang hula na hindi pa natutupad ay tiyak na magkakatotoo sa itinakdang panahon ng Diyos.—Isaias 55:11.
15. Anong kahanga-hangang halimbawa ng kakayahan ni Jehova na hulaan ang kinabukasan ang itinawag-pansin sa atin?
15 Isang kapansin-pansing halimbawa ng kakayahan ni Jehova na hulaan ang mangyayari sa hinaharap at pagkatapos ay isagawa ang kaniyang mga salita ang sumunod na itinawag-pansin naman sa atin ng hula ni Isaias: “Ang Isa na tumatawag ng ibong maninila mula sa sikatan ng araw, ng lalaking magsasagawa ng aking pasiya mula sa malayong lupain. Sinalita ko nga iyon; pangyayarihin ko rin naman. Inanyuan ko iyon, gagawin ko rin naman.” (Isaias 46:11) Bilang “ang Isa na nagsasabi ng wakas mula pa sa pasimula,” huhubugin ng Diyos na Jehova ang mga kalagayan ng mga gawain ng tao upang maisakatuparan ang kaniyang pasiya. Tatawagin niya si Ciro “mula sa sikatan ng araw,” o Persia sa silangan, kung saan doroon ang paboritong kabisera ni Ciro, ang Pasargadae. Si Ciro ay magiging gaya ng isang “ibong maninila,” na bigla at di-inaasahang mandaragit sa Babilonya.
16. Paano pinagtibay ni Jehova ang katiyakan ng kaniyang prediksiyon hinggil sa Babilonya?
16 Ang katiyakan ng prediksiyon ni Jehova hinggil sa Babilonya ay pinagtibay ng mga salitang, “Sinalita ko nga iyon; pangyayarihin ko rin naman.” Bagaman ang di-sakdal na tao ay may hilig na mangako nang pabigla-bigla, ang Maylalang ay hindi kailanman nabigo sa pagtupad sa kaniyang salita. Sapagkat si Jehova ay Diyos “na hindi makapagsisinungaling,” makatitiyak tayo na kapag “inanyuan [niya] iyon,” “gagawin [niya] rin naman” iyon.—Tito 1:2.
Mga Pusong Walang Pananampalataya
17, 18. Sino ang maaaring ilarawan bilang “mga may pusong makapangyarihan” (a) noong sinaunang panahon? (b) sa ngayon?
17 Minsan pa, makahulang ibinaling ni Jehova ang kaniyang pansin sa mga taga-Babilonya, na nagsasabi: “Makinig kayo sa akin, kayong mga may pusong makapangyarihan, kayong malalayo sa katuwiran.” (Isaias 46:12) Ang pananalitang “mga may pusong makapangyarihan” ay naglalarawan sa matitigas ang ulo at desidido sa kanilang pagsalansang sa kalooban ng Diyos. Walang alinlangan, ang mga taga-Babilonya ay malayo sa Diyos. Ang kanilang pagkasuklam kay Jehova at sa kaniyang bayan ay nag-udyok sa kanila na wasakin ang Jerusalem at ang templo nito at ipatapon ang mga naninirahan dito.
18 Sa ngayon, yaong mga may pusong nag-aalinlangan at di-naniniwala ay mahigpit na tumatangging makinig sa mensahe ng Kaharian, na ipinangangaral sa buong tinatahanang lupa. (Mateo 24:14) Ayaw nilang kilalanin si Jehova bilang ang karapat-dapat na Soberano. (Awit 83:18; Apocalipsis 4:11) Taglay ang mga pusong “malalayo sa katuwiran,” nilalabanan nila at sinasalansang ang kaniyang kalooban. (2 Timoteo 3:1-5) Gaya ng mga taga-Babilonya, tumatanggi silang makinig kay Jehova.
Ang Pagliligtas ng Diyos ay Hindi Magluluwat
19. Sa anong paraan magsasagawa si Jehova ng isang gawa ng katuwiran para sa Israel?
19 Ang pangwakas na mga salita ng Isaias kabanata 46 ay nagtatampok ng mga aspekto ng personalidad ni Jehova: “Inilapit ko ang aking katuwiran. Hindi iyon malayo, at ang aking pagliligtas ay hindi magluluwat. At ibibigay ko sa Sion ang kaligtasan, sa Israel ang aking kagandahan.” (Isaias 46:13) Ang pagpapalaya ng Diyos sa Israel ay magiging isang gawa ng katuwiran. Hindi niya hahayaan ang kaniyang bayan na magtagal sa pagiging tapon. Ang kaligtasan ng Sion ay darating sa angkop na panahon, iyon ay “hindi magluluwat.” Kasunod ng kanilang paglaya mula sa pagkabihag, ang mga Israelita ay magiging isang panoorin ng mga bansang nakapalibot. Ang pagtubos ni Jehova sa kaniyang bayan ay magiging isang patotoo ng kaniyang kapangyarihang magligtas. Ang pagiging walang-silbi ng mga diyos ng Babilonya na sina Bel at Nebo ay ilalantad para makita ng lahat, anupat isisiwalat ang kanilang pagiging inutil.—1 Hari 18:39, 40.
20. Paano matitiyak ng mga Kristiyano na “ang pagliligtas [ni Jehova] ay hindi magluluwat”?
20 Noong 1919, pinangyari ni Jehova ang pagpapalaya sa kaniyang bayan mula sa espirituwal na pagkabihag. Hindi siya nagluwat. Ang pangyayaring iyan, gayundin ang mga pangyayari noong sinaunang panahon nang bumagsak ang Babilonya kay Ciro, ay nagpapatibay-loob sa atin sa ngayon. Ipinangako ni Jehova na wawakasan na niya ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay, kasama na ang huwad na pagsamba nito. (Apocalipsis 19:1, 2, 17-21) Kung titingnan ang mga bagay-bagay ayon sa pangmalas ng tao, maaaring akalain ng ilang Kristiyano na ang pagliligtas sa kanila ay nagluluwat. Gayunman, ang pagkamatiisin ni Jehova hanggang sa kaniyang itinakdang panahon upang tuparin ang pangakong iyan ay tunay na isang gawa ng katuwiran. Tutal, “hindi nais [ni Jehova] na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Kung gayon, manalig ka na kung paano noong mga araw ng sinaunang Israel, ang “pagliligtas ay hindi magluluwat.” Sa katunayan, habang papalapit ang araw ng kaligtasan, patuloy na maibiging ipinaaabot ni Jehova ang paanyaya: “Hanapin ninyo si Jehova samantalang siya ay masusumpungan. Tumawag kayo sa kaniya samantalang siya ay malapit. Iwan ng taong balakyot ang kaniyang lakad, at ng taong mapaminsala ang kaniyang mga kaisipan; at manumbalik siya kay Jehova, na maaawa sa kaniya, at sa ating Diyos, sapagkat magpapatawad siya nang sagana.”—Isaias 55:6, 7.
[Mga larawan sa pahina 94]
Ang mga diyos ng Babilonya ay hindi nagsanggalang sa kaniya mula sa pagkawasak
[Mga larawan sa pahina 98]
Ang mga Kristiyano sa ngayon ay dapat mag-ingat sa makabagong-panahong mga idolo
[Mga larawan sa pahina 101]
Magtipon ng lakas ng loob upang magawa ang tama