Ikasiyam na Kabanata
Tinuturuan Tayo ni Jehova Para sa Ating Ikabubuti
1. Paano tumutugon ang marurunong na tao sa mga salita ni Jehova?
KAPAG nagsasalita si Jehova, yaong marurunong ay nakikinig nang buong paggalang at tumutugon sa kaniyang mga salita. Lahat ng sinasabi ni Jehova ay para sa ating kapakinabangan, at siya’y lubhang interesado sa ating kapakanan. Halimbawa, tunay ngang nakapagpapasigla na isaalang-alang ang paraan ng pakikipag-usap ni Jehova sa kaniyang sinaunang tipang bayan: “O kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa aking mga utos!” (Isaias 48:18) Ang subók na kahalagahan ng mga turo ng Diyos ay dapat na mag-udyok sa atin na makinig sa kaniya at sumunod sa kaniyang patnubay. Ang ulat ng natupad na hula ay nag-aalis ng anumang alinlangan hinggil sa determinasyon ni Jehova na tuparin ang kaniyang mga pangako.
2. Para kanino iniulat ang mga salita ng Isaias 48, at sino pa ang makikinabang mula sa mga ito?
2 Ang mga salita sa ika-48 kabanata ng aklat ng Isaias ay maliwanag na isinulat alang-alang sa mga Judio na magiging tapon sa Babilonya. Isa pa, ang mga salitang ito ay naglalaman ng isang mensahe na hindi maipagwawalang-bahala ng mga Kristiyano sa ngayon. Sa Isaias kabanata 47, inihula ng Bibliya ang pagbagsak ng Babilonya. Ngayon ay inilalarawan ni Jehova ang nasa isip niya para sa mga tapong Judio sa lunsod na iyon. Namimighati si Jehova dahil sa pagpapaimbabaw ng kaniyang piniling bayan at sa kanilang pagtangging maniwala sa kaniyang mga pangako. Magkagayunman, nais pa rin niya silang turuan para sa kanilang ikabubuti. Patiuna niyang nakikita ang isang yugto ng pagdadalisay na aakay sa pagsasauli ng isang tapat na nalabi sa kanilang lupang tinubuan.
3. Ano ang mali sa pagsamba ng Juda?
3 Kay layo na nga ng narating ng paglihis ng bayan ni Jehova mula sa dalisay na pagsamba! Maselan ang panimulang mga salita ni Isaias: “Dinggin mo ito, O sambahayan ni Jacob, kayong tumatawag sa inyong sarili ayon sa pangalan ni Israel at lumabas mula sa mismong tubig ng Juda, kayong sumusumpa sa pangalan ni Jehova at bumabanggit sa Diyos ng Israel, hindi sa katotohanan at hindi sa katuwiran. Sapagkat tinawag nila ang kanilang sarili bilang nagmula sa banal na lunsod, at sa Diyos ng Israel ay sumandig sila, Jehova ng mga hukbo ang kaniyang pangalan.” (Isaias 48:1, 2) Kay laking pagpapaimbabaw! Ang ‘panunumpa sa pangalan ni Jehova’ ay maliwanag na paggamit lamang sa pangalan ng Diyos sa isang pormalistikong paraan. (Zefanias 1:5) Bago sila naging tapon sa Babilonya, ang mga Judio ay sumamba kay Jehova sa “banal na lunsod,” ang Jerusalem. Subalit ang pagsamba nila ay hindi taimtim. Ang kanilang puso ay malayung-malayo sa Diyos, at ang kanilang mga gawa ng pagsamba ay “hindi sa katotohanan at hindi sa katuwiran.” Hindi nila taglay ang pananampalataya ng mga patriyarka.—Malakias 3:7.
4. Anong uri ng pagsamba ang nakalulugod kay Jehova?
4 Ipinaaalaala sa atin ng mga salita ni Jehova na ang pagsamba ay hindi dapat na parang nakagawian na lamang. Dapat na ito’y isapuso. Ang basta paglilingkod lamang—na maaaring ginagawa lamang upang paluguran o pahangain ang iba—ay hindi maibibilang na “mga gawa ng makadiyos na debosyon.” (2 Pedro 3:11) Ang basta pagtawag ng isang tao sa kaniyang sarili na isang Kristiyano ay hindi nagpapangyari na maging kaayaaya sa Diyos ang kaniyang pagsamba. (2 Timoteo 3:5) Mahalaga ang pagkilala na umiiral si Jehova, subalit simula pa lamang iyan. Nais ni Jehova ang pagsamba na buong kaluluwa at udyok ng matinding pag-ibig at pagpapahalaga.—Colosas 3:23.
Paghula ng mga Bagong Bagay
5. Ano ang ilan sa “mga unang bagay” na inihula ni Jehova?
5 Marahil ay kailangang sariwain ng mga Judiong iyon sa Babilonya ang kanilang mga alaala. Kaya, minsan pang ipinaaalaala sa kanila ni Jehova na siya ang Diyos ng tunay na hula: “Ang mga unang bagay ay sinabi ko mula pa nang panahong iyon, at mula sa aking bibig ay lumabas ang mga iyon, at patuloy kong ipinaririnig. Bigla akong kumilos, at ang mga bagay ay nangyari.” (Isaias 48:3) “Ang mga unang bagay” ay ang mga bagay na nagawa na ng Diyos, gaya ng pagpapalaya sa mga Israelita mula sa Ehipto at pagbibigay sa kanila ng Lupang Pangako bilang isang pamana. (Genesis 13:14, 15; 15:13, 14) Ang gayong mga prediksiyon ay lumalabas sa bibig ng Diyos; ang mga ito’y nagmumula sa Diyos. Pinangyayari ng Diyos na marinig ng mga tao ang kaniyang mga utos, at ang kanilang naririnig ay dapat na magpakilos sa kanila upang maging masunurin. (Deuteronomio 28:15) Agad siyang kumikilos upang isagawa ang kaniyang inihula. Ang katotohanan na si Jehova ang Makapangyarihan-sa-lahat ay tumitiyak sa katuparan ng kaniyang layunin.—Josue 21:45; 23:14.
6. Hanggang saan naging “sutil at mapaghimagsik” ang mga Judio?
6 Ang bayan ni Jehova ay naging “sutil at mapaghimagsik.” (Awit 78:8) Tahasan niyang sinabi sa kanila: “Ikaw ay matigas at . . . ang iyong leeg ay litid na bakal at ang iyong noo ay tanso.” (Isaias 48:4) Gaya ng mga metál, ang mga Judio ay may katigasan—mahirap sumunod. Iyan ang isang dahilan kung bakit isinisiwalat ni Jehova ang mga bagay-bagay bago mangyari ang mga ito. Kung hindi, sasabihin ng kaniyang bayan tungkol sa mga bagay na ginawa ni Jehova: “Ang aking idolo ang gumawa ng mga iyon, at ang aking inukit na imahen at ang aking binubong imahen ang nag-utos sa mga iyon.” (Isaias 48:5) Magkakaroon ba ng epekto sa di-tapat na mga Judio ang sinasabi ngayon ni Jehova? Sinasabi ng Diyos sa kanila: “Narinig mo. Masdan mong lahat iyon. Kung tungkol naman sa inyo, hindi ba ninyo iyon sasabihin? Nagparinig ako sa iyo ng mga bagong bagay mula sa kasalukuyang panahon, ng mga bagay nga na iniingatang nakataan, na hindi mo pa nalaman. Sa kasalukuyang panahon ay lalalangin ang mga iyon, at hindi mula nang panahong iyon, ng mga bagay nga na bago dumating ang araw na ito ay hindi mo pa narinig, upang hindi mo sabihin, ‘Narito! Alam ko na ang mga iyon.’ ”—Isaias 48:6, 7.
7. Ano ang dapat aminin ng mga tapong Judio, at ano ang maaari nilang asahan?
7 Malaon nang patiunang iniulat ni Isaias ang prediksiyon tungkol sa pagbagsak ng Babilonya. Ngayon, bilang mga tapon sa Babilonya, ang mga Judio ay makahulang inuutusang magbulay-bulay tungkol sa katuparan ng prediksiyon. Maikakaila ba nila na si Jehova ang Diyos ng natupad na hula? At yamang nakita at narinig ng mga naninirahan sa Juda na si Jehova ay isang Diyos ng katotohanan, hindi ba’t dapat din nilang ipahayag ang katotohanang ito sa iba? Inihula ng isiniwalat na salita ni Jehova ang mga bagong bagay na hindi pa nagaganap, gaya ng panlulupig ni Ciro sa Babilonya at ng pagpapalaya sa mga Judio. (Isaias 48:14-16) Ang nakagugulat na mga pangyayaring ito ay bigla na lamang naganap. Walang sinuman ang patiunang makakakita ng mga ito dahil lamang sa pagsasaalang-alang sa namumuong mga kaganapan sa daigdig. Ang mga ito’y naganap nang walang maliwanag na dahilan. Sino kaya ang nagpangyari sa mga kaganapang ito? Yamang inihula na ito ni Jehova mga 200 taon patiuna, maliwanag ang sagot.
8. Anong mga bagong bagay ang inaasahan ng mga Kristiyano sa ngayon, at bakit lubos ang kanilang pagtitiwala sa makahulang salita ni Jehova?
8 Bukod diyan, tinutupad ni Jehova ang kaniyang salita ayon sa kaniyang sariling talaorasan. Pinatutunayan ng natupad na mga hula ang kaniyang pagka-Diyos hindi lamang para sa mga Judio noong sinaunang panahon kundi pati sa mga Kristiyano sa ngayon. Ang ulat ng maraming hula na natupad noon—“ang mga unang bagay”—ay isang katiyakan na ang mga bagong bagay na ipinangako ni Jehova—ang dumarating na “malaking kapighatian,” ang pagkaligtas ng “isang malaking pulutong” sa kapighatiang iyan, ang “bagong lupa,” at marami pang iba—ay matutupad. (Apocalipsis 7:9, 14, 15; 21:4, 5; 2 Pedro 3:13) Ang katiyakang iyan ay nag-uudyok sa matuwid-pusong mga tao sa ngayon na magsalita ng tungkol sa kaniya nang may kasigasigan. Nakikiisa sila sa damdamin ng salmista, na nagsabi: “Inihayag ko ang mabuting balita ng katuwiran sa malaking kongregasyon. Narito! Ang aking mga labi ay hindi ko pinipigilan.”—Awit 40:9.
Si Jehova ay Nagpipigil sa Sarili
9. Paano naging “mananalansang mula sa tiyan” ang bansang Israel?
9 Ang di-paniniwala ng mga Judio sa mga hula ni Jehova ay humadlang sa kanila sa pakikinig sa kaniyang mga babala. Iyan ang dahilan kung bakit patuloy niyang sinabi sa kanila: “Bukod diyan, hindi mo pa narinig, ni nalaman mo man, ni mula nang panahong iyon ay nabuksan ang iyong pandinig. Sapagkat nalalaman kong lubos na talagang patuloy kang nakitungo nang may kataksilan, at tinatawag kang ‘mananalansang mula sa tiyan.’ ” (Isaias 48:8) Sarado ang pandinig ng Juda sa masayang pabalita ni Jehova. (Isaias 29:10) Ang iginawi ng tipang bayan ng Diyos ay nagpapakita na ang bansa ay isang “mananalansang mula sa tiyan.” Mula nang ito’y isilang at sa buong kasaysayan nito, ang naging rekord ng bansang Israel ay pawang paghihimagsik. Ang paglabag at kataksilan ay naging mga kamaliang kinagawian na ng bayan, hindi basta paminsan-minsang mga pagkakasala lamang.—Awit 95:10; Malakias 2:11.
10. Bakit magpipigil si Jehova sa kaniyang sarili?
10 Wala na bang pag-asa? Hindi naman. Kahit na ang Juda ay naging mapaghimagsik at taksil, si Jehova naman ay palaging totoo at tapat. Sa ikararangal ng kaniyang sariling dakilang pangalan, lilimitahan niya ang pagbubuhos ng kaniyang galit. Sinabi niya: “Alang-alang sa aking pangalan ay pipigilan ko ang aking galit, at dahil sa aking kapurihan ay magpipigil ako ng aking sarili sa iyo upang hindi ka malipol.” (Isaias 48:9) Kay laking pagkakaiba! Ang bayan ni Jehova, kapuwa ang Israel at ang Juda, ay hindi naging tapat sa kaniya. Subalit pakababanalin ni Jehova ang kaniyang pangalan, anupat kikilos sa paraang magdadala rito ng papuri at karangalan. Dahil dito, hindi niya lilipulin ang kaniyang piniling bayan.—Joel 2:13, 14.
11. Bakit hindi pahihintulutan ng Diyos na lubusang mapuksa ang kaniyang bayan?
11 Ang matuwid-pusong mga indibiduwal na kabilang sa mga tapong Judio ay nagising sa pagsawata ng Diyos at naging determinadong makinig sa kaniyang mga turo. Sa gayong mga tao ang sumusunod na kapahayagan ay isang malaking katiyakan: “Narito! Dinalisay kita, ngunit hindi gaya ng pilak. Aking pinili ka sa tunawang hurno ng kapighatian. Alang-alang sa aking sarili, alang-alang sa aking sarili ay kikilos ako, sapagkat bakit hahayaan ng isa na siya ay lapastanganin? At sa kaninuman ay hindi ko ibibigay ang aking kaluwalhatian.” (Isaias 48:10, 11) Ang mahihirap na pagsubok—na waring “hurno ng kapighatian”—na ipinahintulot ni Jehova na danasin ng kaniyang bayan ay sumubok at dumalisay sa kanila, anupat isiniwalat ang laman ng kanilang puso. Kahawig ito ng nangyari ilang siglo bago nito nang sabihin ni Moises sa kanilang mga ninuno: ‘Pinalakad ka ni Jehova na iyong Diyos nitong apatnapung taon sa ilang, sa layuning pagpakumbabain ka, na ilagay ka sa pagsubok upang malaman kung ano ang nasa iyong puso.’ (Deuteronomio 8:2) Sa kabila ng kanilang mapaghimagsik na saloobin, hindi pinuksa ni Jehova ang bansa nang panahong iyon, at hindi niya lubusang pupuksain ang bansa sa ngayon. Sa gayon ay maiingatan ang kaniyang pangalan at karangalan. Kung malilipol ang kaniyang bayan sa kamay ng mga taga-Babilonya, hindi siya magiging tapat sa kaniyang tipan at malalapastangan ang kaniyang pangalan. Lilitaw na waring ang Diyos ng Israel ay walang kapangyarihang magligtas sa kaniyang bayan.—Ezekiel 20:9.
12. Paano dinalisay ang tunay na mga Kristiyano noong unang digmaang pandaigdig?
12 Sa makabagong panahon din naman, kinailangan ng bayan ni Jehova ang pagdadalisay. Noong pasimula ng ika-20 siglo, marami sa maliit na grupo ng mga Estudyante ng Bibliya ang naglingkod sa Diyos dahil sa taimtim na pagnanais na mapaluguran siya, subalit ang ilan ay may mga maling motibo, gaya ng pagnanais na maging tanyag. Bago mapangunahan ng maliit na grupong iyon ang pandaigdig na pangangaral ng mabuting balita na inihula para sa panahon ng kawakasan, kailangan muna silang linisin. (Mateo 24:14) Inihula ng propetang si Malakias na may gayung-gayong pagdadalisay na isasagawa may kaugnayan sa pagdating ni Jehova sa kaniyang templo. (Malakias 3:1-4) Natupad ang kaniyang mga salita noong 1918. Ang tunay na mga Kristiyano ay dumanas ng isang panahon ng maapoy na pagsubok sa kainitan ng unang digmaang pandaigdig at ang pagsubok na iyon ay humantong sa pagkabilanggo ni Joseph F. Rutherford, presidente noon ng Samahang Watch Tower, at ng ilan sa mga pangunahing opisyal nito. Ang mga taimtim na Kristiyanong iyon ay nakinabang mula sa proseso ng pagdadalisay. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, sila’y naging mas determinado higit kailanman na maglingkod sa kanilang dakilang Diyos sa anumang paraan na ipahihiwatig niya.
13. Paano tumugon ang bayan ni Jehova sa pag-uusig sa paglipas ng mga taon mula noong unang digmaang pandaigdig?
13 Mula noong panahong iyon, ang mga Saksi ni Jehova ay paulit-ulit na napaharap sa pinakamalulupit na anyo ng pag-uusig. Hindi ito naging dahilan upang pag-alinlanganan nila ang salita ng kanilang Maylalang. Sa halip, binigyang-pansin nila ang mga salita ni apostol Pedro sa pinag-uusig na mga Kristiyano noong kaniyang kapanahunan: “Pinipighati kayo ng iba’t ibang pagsubok, upang ang subok na katangian ng inyong pananampalataya . . . ay masumpungang dahilan ukol sa kapurihan at kaluwalhatian at karangalan sa pagkakasiwalat kay Jesu-Kristo.” (1 Pedro 1:6, 7) Ang matinding pag-uusig ay hindi sumisira sa katapatan ng tunay na mga Kristiyano. Sa halip, inilalantad nito ang kadalisayan ng kanilang mga motibo. Idinaragdag nito ang isang subók na katangian sa kanilang pananampalataya at nagpapakita ng tindi ng kanilang debosyon at pag-ibig.—Kawikaan 17:3.
‘Ako ang Una, Ako ang Huli’
14. (a) Sa anong paraan masasabing si Jehova “ang una” at “ang huli”? (b) Anong makapangyarihang mga gawa ang isinakatuparan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang “kamay”?
14 Ngayon ay buong-pagmamahal na nagsusumamo si Jehova sa kaniyang tipang bayan: “Pakinggan mo ako, O Jacob, at ikaw na Israel na aking tinawag. Ako pa rin ang Isang iyon. Ako ang una. Bukod diyan, ako ang huli. Bukod diyan, ang aking sariling kamay ang naglatag ng pundasyon ng lupa, at ang aking sariling kanang kamay ang nagladlad ng mga langit. Ako ay tumatawag sa kanila, upang manatili silang magkakasama.” (Isaias 48:12, 13) Di-gaya ng tao, ang Diyos ay walang hanggan at di-nagbabago. (Malakias 3:6) Sa Apocalipsis, ipinahayag ni Jehova: “Ako ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang pasimula at ang wakas.” (Apocalipsis 22:13) Bago si Jehova ay wala pang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat at pagkatapos niya ay wala nang iba. Siya ang Kataas-taasan at Walang-Hanggang Isa, ang Maylalang. Ang kaniyang “kamay”—ang ginagamit niyang kapangyarihan—ang nagtatag ng lupa at nag-unat ng mabituing langit. (Job 38:4; Awit 102:25) Kapag tinatawag niya ang kaniyang mga nilalang, ang mga ito’y nakahandang maglingkod sa kaniya.—Awit 147:4.
15. Sa anong paraan at sa anong layunin ‘inibig’ ni Jehova si Ciro?
15 Isang mahalagang paanyaya ang ipinaabot kapuwa sa mga Judio at mga di-Judio: “Matipon kayong lahat at dinggin ninyo. Sino sa kanila ang nagpahayag ng mga bagay na ito? Si Jehova mismo ay umibig sa kaniya. Gagawin niya sa Babilonya ang bagay na kaniyang kinalulugdan, at ang kaniyang sariling bisig ay darating sa mga Caldeo. Ako—ako ang nagsalita. Bukod diyan, tinawag ko siya. Dinala ko siya, at pagtatagumpayin ang kaniyang lakad.” (Isaias 48:14, 15) Si Jehova lamang ang pinakamakapangyarihan at tumpak na makahuhula sa mga pangyayari. Walang sinuman sa “kanila,” na walang-halagang mga idolo, ang makapagsasabi ng mga bagay na ito. Si Jehova, hindi mga idolo, ang “umibig sa kaniya,” kay Ciro—samakatuwid nga, pinili siya ni Jehova para sa isang espesipikong layunin. (Isaias 41:2; 44:28; 45:1, 13; 46:11) Patiuna niyang nakita ang paglitaw ni Ciro sa eksena ng daigdig at hinirang siya bilang ang manlulupig ng Babilonya sa hinaharap.
16, 17. (a) Bakit masasabing hindi palihim ang pagbibigay ng Diyos ng kaniyang mga prediksiyon? (b) Paano ipinahahayag ni Jehova ang kaniyang mga layunin sa ngayon?
16 Sa paraang nag-aanyaya, nagpatuloy si Jehova: “Lumapit kayo sa akin. Dinggin ninyo ito. Mula nang pasimula ay hindi ako nagsalita sa isang dakong kublihan. Mula nang panahong mangyari iyon ay naroon na ako.” (Isaias 48:16a) Ang mga prediksiyon ni Jehova ay hindi ibinigay nang palihim o ipinabatid lamang sa iilang pantanging indibiduwal. Ang mga propeta ni Jehova ay mga tahasang tagapagsalita ng Diyos. (Isaias 61:1) Hayagan nilang sinabi ang kalooban ng Diyos. Halimbawa, ang mga pangyayaring may kaugnayan kay Ciro ay hindi na bago sa Diyos o lingid sa kaniyang natatanaw. Mga 200 taon patiuna, hayagang inihula ito ng Diyos sa pamamagitan ni Isaias.
17 Sa katulad na paraan sa ngayon, si Jehova ay hindi malihim hinggil sa kaniyang mga layunin. Milyun-milyong tao sa daan-daang lupain at mga pulo sa dagat ang nagbababala sa bahay-bahay, sa mga lansangan, at saanmang lugar na magagawa nila tungkol sa nalalapit na wakas ng sistemang ito ng mga bagay at ng mabuting balita ng mga pagpapala na darating sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Tunay na si Jehova ay isang Diyos na nakikipagtalastasan hinggil sa kaniyang mga layunin.
‘Magbigay-Pansin sa Aking mga Utos!’
18. Ano ang hangarin ni Jehova para sa kaniyang bayan?
18 Palibhasa’y binigyang-kapangyarihan ng espiritu ni Jehova, nagpahayag ang propeta: “Isinugo ako ng Soberanong Panginoong Jehova, ng kaniya ngang espiritu. Ito ang sinabi ni Jehova, na iyong Manunubos, ang Banal ng Israel: ‘Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.’ ” (Isaias 48:16b, 17) Ang mapagmahal na pagpapahayag na ito ng pangangalaga ni Jehova ay dapat na magbigay-katiyakan sa bansang Israel na sila’y ililigtas ng Diyos mula sa Babilonya. Siya ang kanilang Manunubos. (Isaias 54:5) Taos-pusong hinahangad ni Jehova na mapanumbalik ng mga Israelita ang kanilang kaugnayan sa kaniya at magbigay-pansin sa kaniyang mga utos. Ang tunay na pagsamba ay nakasalalay sa pagsunod sa mga tagubilin ng Diyos. Ang mga Israelita ay hindi makalalakad sa tamang landas malibang ituro sa kanila ang ‘daan na dapat lakaran.’
19. Anong taos-pusong pagsusumamo ang ginawa ni Jehova?
19 Ang hangarin ni Jehova na maiwasan ng kaniyang bayan ang kapahamakan at tamasahin ang buhay ay buong-kagandahang ipinahayag: “O kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa aking mga utos! Ang iyong kapayapaan nga ay magiging gaya ng ilog, at ang iyong katuwiran ay magiging gaya ng mga alon sa dagat.” (Isaias 48:18) Tunay ngang isang taos-pusong pagsusumamo ito mula sa makapangyarihan-sa-lahat na Maylalang! (Deuteronomio 5:29; Awit 81:13) Sa halip na mabihag, ang mga Israelita ay makapagtatamasa ng kapayapaan na magiging sagana na gaya ng tubig na umaagos sa isang ilog. (Awit 119:165) Ang kanilang mga gawa ng katuwiran ay maaaring di-mabilang na gaya ng mga alon sa dagat. (Amos 5:24) Bilang isa na talagang interesado sa kanila, si Jehova ay nagsusumamo sa mga Israelita, anupat maibiging ipinakikita sa kanila ang daan na dapat nilang lakaran. O, kung makikinig lamang sana sila!
20. (a) Ano ang hangarin ng Diyos para sa Israel sa kabila ng kanilang paghihimagsik? (b) Ano ang ating matututuhan tungkol kay Jehova mula sa paraan ng pakikitungo niya sa kaniyang bayan? (Tingnan ang kahon sa pahina 133.)
20 Anong mga pagpapala ang darating kung magsisisi ang Israel? Sinabi ni Jehova: “Ang iyong supling ay magiging gaya ng buhangin, at ang mga inapo mula sa iyong mga panloob na bahagi ay gaya ng mga butil nito. Ang pangalan ng isa ay hindi mapapawi o malilipol mula sa harap ko.” (Isaias 48:19) Ipinaalaala ni Jehova sa bayan ang kaniyang pangako na darami ang binhi ni Abraham, “tulad ng mga bituin sa langit at tulad ng mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat.” (Genesis 22:17; 32:12) Subalit, ang mga inapong ito ni Abraham ay naging mapaghimagsik, at wala silang karapatang tumanggap ng katuparan ng pangako. Tunay ngang naging napakasama ng kanilang ulat anupat ayon sa sariling Kautusan ni Jehova, nararapat lamang na pawiin ang kanilang pangalan bilang isang bansa. (Deuteronomio 28:45) Gayunman, hindi hangarin ni Jehova na malipol ang kaniyang bayan, at hindi niya hangarin na sila’y lubusang pabayaan.
21. Anong mga pagpapala ang mararanasan natin sa ngayon kung hahangarin nating maturuan ni Jehova?
21 Ang mga simulaing nakapaloob sa mapuwersang talatang ito ay kumakapit sa mga mananamba ni Jehova sa ngayon. Si Jehova ang Bukal ng buhay, at siya ang higit na nakaaalam kaysa kaninuman kung paano natin dapat gugulin ang ating buhay. (Awit 36:9) Nagbigay siya sa atin ng mga pamantayan, hindi upang alisan tayo ng kasiyahan, kundi upang tayo’y makinabang. Ang tunay na mga Kristiyano ay tumutugon sa pamamagitan ng paghahangad na maturuan ni Jehova. (Mikas 4:2) Iniingatan ng kaniyang mga tagubilin ang ating espirituwalidad at ang ating kaugnayan sa kaniya, at ipinagsasanggalang tayo ng mga ito mula sa nagpapasamang impluwensiya ni Satanas. Kapag ating pinahahalagahan ang mga simulain sa likod ng mga kautusan ng Diyos, makikita natin na tayo’y tinuturuan ni Jehova para sa ating ikabubuti. Masusumpungan natin na ang “kaniyang mga utos ay hindi pabigat.” At hindi tayo malilipol.—1 Juan 2:17; 5:3.
“Lumabas Kayo Mula sa Babilonya!”
22. Hinihimok ang tapat na mga Judio na gawin ang ano, at anong mga katiyakan ang ibinigay sa kanila?
22 Kapag bumagsak ang Babilonya, may mga Judio bang magpapamalas ng tamang kalagayan ng puso? Sasamantalahin ba nila ang pagliligtas ng Diyos, uuwi sa kanilang lupang tinubuan, at isasauli ang dalisay na pagsamba? Oo. Ang sumunod na mga salita ni Jehova ay nagpapakita ng kaniyang pagtitiwala na mangyayari ito. “Lumabas kayo mula sa Babilonya! Tumakas kayo mula sa mga Caldeo. Ihayag ninyo na may ingay ng hiyaw ng kagalakan, iparinig ninyo ito. Itanyag ninyo iyon hanggang sa dulo ng lupa. Sabihin ninyo: ‘Tinubos ni Jehova ang Jacob na kaniyang lingkod. At hindi sila nauhaw noong pinapatnubayan niya sila sa mga wasak na dako. Tubig mula sa bato ang pinaagos niya para sa kanila, at biniyak niya ang isang bato upang bumukal ang tubig.’ ” (Isaias 48:20, 21) Makahulang hinimok ang bayan ni Jehova na lisanin agad ang Babilonya. (Jeremias 50:8) Ang kanilang katubusan ay dapat ipabatid hanggang sa mga kadulu-duluhang bahagi ng lupa. (Jeremias 31:10) Matapos ang Paglabas mula sa Ehipto, inilaan ni Jehova ang mga pangangailangan ng kaniyang bayan habang sila’y naglalakad sa disyerto. Sa katulad na paraan, paglalaanan niya ang kaniyang bayan habang ang mga ito’y papauwi mula sa Babilonya.—Deuteronomio 8:15, 16.
23. Sino ang hindi magtatamasa ng bigay-Diyos na kapayapaan?
23 May isa pang mahalagang simulain na dapat tandaan ng mga Judio hinggil sa mga gawang pagliligtas ni Jehova. Yaong mga nakahilig sa katuwiran ay maaaring magdusa dahil sa kanilang mga kasalanan, subalit hindi sila pupuksain. Subalit iba naman para sa mga di-matuwid. “ ‘Walang kapayapaan,’ ang sabi ni Jehova, ‘para sa mga balakyot.’ ” (Isaias 48:22) Ang mga di-nagsisising makasalanan ay hindi tatanggap ng kapayapaang inilaan ng Diyos para sa mga umiibig sa kaniya. Ang mga gawang pagliligtas ay hindi para sa mga pusakal na balakyot o sa mga di-sumasampalataya. Ang gayong mga gawa ay para lamang sa mga may pananampalataya. (Tito 1:15, 16; Apocalipsis 22:14, 15) Ang kapayapaan mula sa Diyos ay hindi taglay ng balakyot.
24. Ano ang nagdulot ng pagsasaya sa bayan ng Diyos sa makabagong panahon?
24 Noong 537 B.C.E., ang pagkakataong makaalis sa Babilonya ay nagdulot ng malaking kagalakan sa tapat na mga Israelita. Noong 1919, ang pagpapalaya sa bayan ng Diyos mula sa Babilonikong pagkabihag ay nagpasaya sa kanila. (Apocalipsis 11:11, 12) Sila’y napuspos ng pag-asa, at sinamantala nila ang pagkakataon na palawakin ang kanilang gawain. Totoo, kinailangan ng maliit na grupong iyon ng mga Kristiyano ang lakas ng loob upang samantalahin ang bagong mga posibilidad ng pangangaral sa isang napopoot na sanlibutan. Subalit sa tulong ni Jehova, dibdiban nilang isinagawa ang gawaing pangangaral ng mabuting balita. Pinatutunayan ng kasaysayan na sila’y pinagpala ni Jehova.
25. Bakit mahalagang mag-ukol ng matamang pansin sa matuwid na mga batas ng Diyos?
25 Idiniriin ng bahaging ito ng hula ni Isaias na tayo’y tinuturuan ni Jehova para sa ating ikabubuti. Napakahalagang mag-ukol ng matamang pansin sa matuwid na mga batas ng Diyos. (Apocalipsis 15:2-4) Kung lagi nating sasariwain sa ating alaala ang karunungan at pag-ibig ng Diyos, tutulungan tayo nito na makiayon sa sinasabi ni Jehova na siyang tama. Lahat ng kaniyang utos ay para sa ating kapakinabangan.—Isaias 48:17, 18.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 133]
Nagpipigil ng Kaniyang Sarili ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat
“Pipigilan ko ang aking galit . . . magpipigil ako ng aking sarili,” sabi ni Jehova sa mga apostatang Israelita. (Isaias 48:9) Ang ganitong mga pangungusap ay tumutulong sa atin na maunawaang ang Diyos ay nagpapakita ng isang sakdal na halimbawa tungkol sa di-pag-abuso kailanman sa kapangyarihan. Totoo na walang sinuman ang may higit na kapangyarihan kaysa sa Diyos. Kaya nga tinutukoy natin siya bilang ang pinakamakapangyarihang Isa, ang Isa na walang-hanggan sa kapangyarihan. Tumpak lamang na ikapit niya sa kaniyang sarili ang titulong “Makapangyarihan-sa-lahat.” (Genesis 17:1) Hindi lamang siya nagtataglay ng walang-hanggang lakas kundi taglay rin niya ang lahat ng awtoridad dahil sa kaniyang posisyon bilang ang Soberanong Panginoon ng sansinukob, na kaniyang nilalang. Iyan ang dahilan kung bakit walang sinuman ang makapangangahas na pumigil sa kaniyang kamay o magsabi sa kaniya, “Ano ang ginagawa mo?”—Daniel 4:35.
Gayunman, ang Diyos ay mabagal sa pagkagalit kahit kailangan nang ipakita ang kaniyang kapangyarihan laban sa kaniyang mga kaaway. (Nahum 1:3) Si Jehova ay ‘nakapagpipigil ng kaniyang galit’ at tumpak na mailalarawan bilang “mabagal sa pagkagalit” sapagkat pag-ibig—hindi galit—ang kaniyang nangingibabaw na katangian. Ang kaniyang galit, kapag ipinakita, ay palaging matuwid, palaging makatarungan, palaging kontrolado.—Exodo 34:6; 1 Juan 4:8.
Bakit gumagawi nang ganito si Jehova? Sapagkat buong-kasakdalan niyang tinitimbangan ang kaniyang sukdulang kapangyarihan ng kaniyang tatlo pang pangunahing katangian—ng karunungan, katarungan, at pag-ibig. Ang kaniyang paggamit ng kapangyarihan ay palaging kasuwato ng iba pang mga katangiang ito.
[Larawan sa pahina 122]
Ang mensahe ni Isaias ng pagsasauli ay naglalaan ng silahis ng pag-asa para sa tapat na mga tapong Judio
[Mga larawan sa pahina 124]
May hilig ang mga Judio na ibigay sa mga idolo ang kredito para sa mga gawa ni Jehova
1. Ishtar 2. Isang makintab na laryong palamuti mula sa Daanan ng Prusisyon ng Babilonya 3. Dragong sagisag ni Marduk
[Larawan sa pahina 127]
Maisisiwalat ng isang “hurno ng kapighatian” kung ang ating mga motibo sa paglilingkod kay Jehova ay dalisay o hindi
[Mga larawan sa pahina 128]
Ang tunay na mga Kristiyano ay napaharap sa pinakamalupit na anyo ng pag-uusig