Ikalabindalawang Kabanata
Kaaliwan Para sa Bayan ng Diyos
1. Anong madilim na kinabukasan ang naghihintay sa Jerusalem at sa mga naninirahan dito, subalit may anong pag-asa?
PITUMPUNG taon—karaniwang haba ng buhay ng tao—ganiyang katagal magiging bihag sa Babilonya ang bansang Juda. (Awit 90:10; Jeremias 25:11; 29:10) Karamihan sa mga Israelitang dinalang bihag ay tatanda at mamamatay sa Babilonya. Isip-isipin na lamang ang aabutin nilang kahihiyan dahil sa pang-uuyam at panunuya ng kanilang mga kaaway. Isip-isipin din ang pagdustang ibubunton sa kanilang Diyos, si Jehova, kapag ang lunsod na pinaglagyan niya ng kaniyang pangalan ay magiging tiwangwang sa napakatagal na panahon. (Nehemias 1:9; Awit 132:13; 137:1-3) Ang pinakamamahal na templo, na napuspos ng kaluwalhatian ng Diyos nang ito’y ialay ni Solomon, ay mawawala na. (2 Cronica 7:1-3) Kay dilim na kinabukasan! Subalit si Jehova, sa pamamagitan ni Isaias, ay humula ng pagsasauli. (Isaias 43:14; 44:26-28) Sa kabanata 51 ng aklat ng Isaias, higit pang mga hula ang masusumpungan natin hinggil sa temang ito ng kaaliwan at katiyakan.
2. (a) Kanino ipinatutungkol ni Jehova, sa pamamagitan ni Isaias, ang kaniyang mensahe ng kaaliwan? (b) Paanong ang tapat na mga Judio ay “nagtataguyod ng katuwiran”?
2 Sa mga nasa Juda na ang puso’y nakahilig sa kaniya, sinabi ni Jehova: “Makinig kayo sa akin, kayong mga nagtataguyod ng katuwiran, kayong mga humahanap kay Jehova.” (Isaias 51:1a) Ang ‘pagtataguyod ng katuwiran’ ay nagpapahiwatig ng pagkilos. Yaong mga “nagtataguyod ng katuwiran” ay hindi lamang magsasabi na sila’y bayan ng Diyos. Sila’y masigasig na magsisikap na maging matuwid at mamuhay na kasuwato ng kalooban ng Diyos. (Awit 34:15; Kawikaan 21:21) Sila’y aasa kay Jehova bilang ang tanging Pinagmumulan ng katuwiran, at kanilang ‘hahanapin si Jehova.’ (Awit 11:7; 145:17) Hindi naman ito nangangahulugang hindi pa nila kilala si Jehova o hindi nila alam kung paano lalapit sa kaniya sa panalangin. Sa halip, sila’y magsisikap na higit pang mapalapit sa kaniya, anupat sumasamba sa kaniya, nananalangin sa kaniya, at humihingi sa kaniya ng patnubay sa lahat ng kanilang ginagawa.
3, 4. (a) Sino ang “bato” na pinagtabasan sa mga Judio, at sino ang “uka ng hukay” na pinaghukayan sa kanila? (b) Bakit magdudulot ng kaaliwan sa mga Judio ang paggunita sa kanilang pinagmulan?
3 Gayunman, yaong tunay na nagtataguyod ng katuwiran ay iilan lamang sa Juda, at ito’y maaaring maging dahilan upang sila’y maging duwag at masiraan ng loob. Kaya sa paggamit ng ilustrasyon ng pagtitibag ng bato, pinatibay sila ni Jehova: “Tumingin kayo sa bato na pinagtabasan sa inyo, at sa uka ng hukay na pinaghukayan sa inyo. Tumingin kayo kay Abraham na inyong ama at kay Sara na nagluwal sa inyo nang may mga kirot ng panganganak. Sapagkat siya ay iisa nang tawagin ko siya, at pinagpala ko siya at pinarami.” (Isaias 51:1b, 2) Ang “bato” na pinagtabasan sa mga Judio ay si Abraham, isang makasaysayang tauhan na ipinagmamalaki nang husto ng bansang Israel. (Mateo 3:9; Juan 8:33, 39) Siya ang ninuno, ang taong pinagmulan, ng bansa. Ang “uka ng hukay” ay si Sara, na mula sa kaniyang sinapupunan ay nanggaling ang ninuno ng Israel na si Isaac.
4 Sina Abraham at Sara ay lampas na sa kanilang mga taon upang magkasupling at sila’y walang anak. Subalit, nangako si Jehova na pagpapalain niya si Abraham at siya’y ‘pararamihin.’ (Genesis 17:1-6, 15-17) Sa pamamagitan ng banal na pagsasauli sa kanilang kakayahang magkaanak, sina Abraham at Sara ay nagluwal ng isang anak sa kanilang katandaan, at mula sa kaniya ay lumitaw ang tipang bansa ng Diyos. Sa ganitong paraan ginawa ni Jehova ang lalaking iyan na ama ng isang dakilang bansa na di-mabilang na gaya ng mga bituin sa langit. (Genesis 15:5; Gawa 7:5) Kung nagawa ni Jehova na kunin si Abraham mula sa isang malayong lupain at gawin siyang isang makapangyarihang bansa, tiyak na kaya rin niyang tuparin ang kaniyang pangako na palayain ang isang tapat na nalabi mula sa pagkaalipin sa Babilonya, isauli sila sa kanilang lupang tinubuan, at muli silang gawin na dakilang bansa. Natupad ang pangako ng Diyos kay Abraham; ang kaniyang pangako sa mga bihag na Judiong iyon ay matutupad din.
5. (a) Sino ang inilalarawan nina Abraham at Sara? Ipaliwanag. (b) Sa huling katuparan, sino ang nanggaling sa “bato”?
5 Ang makasagisag na pagtitibag ng bato sa Isaias 51:1, 2 ay malamang na may higit pang pinagkakapitan. Tinatawag ng Deuteronomio 32:18 si Jehova bilang ang “Bato” na naging ama ng Israel at “ang Isa na nagluluwal sa [Israel] nang may mga kirot ng panganganak.” Sa huling pananalita, ang gayunding pandiwang Hebreo ay ginagamit na gaya niyaong nasa Isaias 51:2 hinggil sa pagsisilang ni Sara sa Israel. Samakatuwid, si Abraham ay isang makahulang larawan ni Jehova, ang Lalong Dakilang Abraham. Ang asawa ni Abraham, si Sara, ay mainam na lumalarawan sa pansansinukob na makalangit na organisasyon ng espiritung mga nilalang ni Jehova, na tinutukoy sa Banal na Kasulatan bilang asawa ng Diyos, o babae. (Genesis 3:15; Apocalipsis 12:1, 5) Sa huling katuparan ng mga salitang ito ng hula ni Isaias, ang bansang lumitaw mula sa “bato” ay “ang Israel ng Diyos,” ang kongregasyon ng pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano, na isinilang noong Pentecostes 33 C.E. Gaya ng tinalakay sa nakaraang mga kabanata ng aklat na ito, ang bansang iyan ay dumanas ng Babilonikong pagkabihag noong 1918 subalit naisauli sa espirituwal na kasaganaan noong 1919.—Galacia 3:26-29; 4:28; 6:16.
6. (a) Ano ang naghihintay para sa lupain ng Juda, at anong pagsasauli ang kakailanganin? (b) Ang Isaias 51:3 ay nagpapagunita sa atin ng anong makabagong-panahong pagsasauli?
6 Ang pag-aliw ni Jehova sa Sion, o Jerusalem, ay hindi lamang nagsasangkot ng isang pangako na isisilang ang isang mataong bansa. Mababasa natin: “Aaliwin nga ni Jehova ang Sion. Aaliwin nga niya ang lahat ng kaniyang mga wasak na dako, at gagawin niyang tulad ng Eden ang kaniyang ilang at tulad ng hardin ni Jehova ang kaniyang disyertong kapatagan. Ang pagbubunyi at ang pagsasaya ay masusumpungan sa kaniya, ang pasasalamat at ang tinig ng awitin.” (Isaias 51:3) Sa loob ng 70 taóng pagkatiwangwang, ang lupain ng Juda ay magiging iláng, kakalatan ng mga tinikang-palumpong, mga kambron, at iba pang ligáw na pananim. (Isaias 64:10; Jeremias 4:26; 9:10-12) Kaya bukod sa paninirahang muli sa Juda, dapat na kabilang sa pagsasauli ang pagpapanumbalik sa lupain, na gagawing isang Edenikong hardin na may natutubigan at masaganang mga bukirin at mabubungang taniman ng prutas. Ang lupa’y waring magsasaya. Kung ihahambing sa tiwangwang na kalagayan nito sa panahon ng pagkatapon, ang lupain ay magiging mistulang paraiso. Ang pinahirang nalabi ng Israel ng Diyos ay pumasok sa paraisong iyan sa espirituwal na diwa noong 1919.—Isaias 11:6-9; 35:1-7.
Mga Dahilan ng Pagtitiwala kay Jehova
7, 8. (a) Ano ang kahulugan ng panawagan ni Jehova na makinig sa kaniya? (b) Bakit mahalaga na magbigay-pansin ang Juda kay Jehova?
7 Bilang pananawagan upang magbigay ng panibagong pansin, sinabi ni Jehova: “Magbigay-pansin ka sa akin, O bayan ko; at ikaw na aking liping pambansa, ako ay pakinggan mo. Sapagkat mula sa akin ay lalabas ang isang kautusan, at ang aking hudisyal na pasiya ay pananatilihin ko bilang liwanag nga sa mga bayan. Ang aking katuwiran ay malapit. Ang aking pagliligtas ay tiyak na lalabas, at ang aking mga bisig ang hahatol sa mga bayan. Sa akin ay aasa ang mga pulo, at ang aking bisig ay hihintayin nila.”—Isaias 51:4, 5.
8 Ang panawagan ni Jehova na pakinggan siya ay nangangahulugan ng higit pa sa basta pakikinig lamang sa kaniyang mensahe. Ito’y nangangahulugan ng pagbibigay-pansin taglay ang kaisipang kumilos ayon sa narinig. (Awit 49:1; 78:1) Dapat maunawaan ng bansa na si Jehova ang Pinagmumulan ng instruksiyon, katarungan, at kaligtasan. Siya lamang ang tanging Pinagmumulan ng espirituwal na kaliwanagan. (2 Corinto 4:6) Siya ang pangwakas na Hukom ng sangkatauhan. Ang mga kautusan at hudisyal na mga pasiyang nagmumula kay Jehova ay liwanag para sa mga nagpapahintulot na mapatnubayan ng mga ito.—Awit 43:3; 119:105; Kawikaan 6:23.
9. Bukod sa tipang bayan ng Diyos, sino pa ang makikinabang sa mga gawa ng pagliligtas ni Jehova?
9 Lahat ng ito’y magiging totoo hindi lamang para sa tipang bayan ng Diyos kundi gayundin sa mga tao na may wastong saloobin saanmang lugar, kahit sa pinakamalalayong isla sa dagat. Ang kanilang pagtitiwala sa Diyos at sa kaniyang kakayahang kumilos alang-alang sa kaniyang tapat na mga lingkod at magligtas sa kanila ay hindi mabibigo. Ang kaniyang kalakasan, o kapangyarihan, na kinakatawanan ng kaniyang bisig, ay maaasahan; hindi ito mapipigilan ng sinuman. (Isaias 40:10; Lucas 1:51, 52) Gayundin naman sa ngayon, ang masigasig na pangangaral ng natitirang miyembro ng Israel ng Diyos ay umakay sa milyun-milyon, na marami ay mula sa mga liblib na pulo sa dagat, upang bumaling kay Jehova at sumampalataya sa kaniya.
10. (a) Anong katotohanan ang pilit na matututuhan ni Haring Nabucodonosor? (b) Anong “mga langit” at “lupa” ang magwawakas?
10 Sumunod ay tinukoy naman ni Jehova ang isang katotohanan na pilit na matututuhan ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya. Walang anuman sa langit o sa lupa ang makapipigil kay Jehova sa pagsasakatuparan ng kaniyang kalooban. (Daniel 4:34, 35) Mababasa natin: “Itingin ninyo ang inyong mga mata sa langit, at masdan ninyo ang lupa sa ibaba. Sapagkat ang mismong langit ay mangangalat na gaya ng usok, at ang lupa ay maluluma na parang kasuutan, at ang mga tumatahan doon ay mamamatay na tulad ng isang hamak na niknik. Ngunit kung tungkol sa aking pagliligtas, iyon ay magiging hanggang sa panahong walang takda, at ang aking katuwiran ay hindi masisira.” (Isaias 51:6) Bagaman labag sa patakaran ng mga monarka ng Babilonya na magpauwi ng mga bihag, ang pagliligtas ni Jehova sa kaniyang bayan ay hindi mahahadlangan. (Isaias 14:16, 17) Ang Babilonikong “mga langit,” o mga namamahalang kapangyarihan, ay malalansag dahil sa pagkatalo. Ang Babilonikong “lupa,” yaong mga nasasakupan ng mga namamahalang kapangyarihang iyon, ay unti-unting magwawakas. Oo, maging ang pinakamalakas na kapangyarihan nang kaarawang iyon ay hindi makatatayo laban sa kalakasan ni Jehova o makahahadlang sa kaniyang mga gawa ng pagliligtas.
11. Bakit ang lubusang katuparan ng hula na magwawakas ang Babilonikong “mga langit” at “lupa” ay nakapagpapatibay-loob sa mga Kristiyano sa ngayon?
11 Tunay ngang nakapagpapatibay-loob para sa mga Kristiyano sa ngayon na malamang lubusan nang natupad ang mga makahulang salitang ito! Bakit? Sapagkat gumamit si apostol Pedro ng katulad na mga pangungusap hinggil sa mangyayari pa sa hinaharap. Binanggit niya ang mabilis na dumarating na araw ni Jehova, “na sa pamamagitan nito ang mga langit na nasusunog ay mapupugnaw at ang mga elemento na nag-iinit nang matindi ay matutunaw!” Pagkatapos ay sinabi niya: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:12, 13; Isaias 34:4; Apocalipsis 6:12-14) Bagaman ang malalakas na bansa at ang kanilang matatayog na tagapamahala na mistulang mga bituin ay tumitindig laban kay Jehova, sa kaniyang itinakdang panahon, ang mga ito’y mauuwi sa wala—madaling pipisain na tulad ng isang hamak na niknik. (Awit 2:1-9) Tanging ang matuwid na pamahalaan ng Diyos lamang ang mamamahala magpakailanman, sa isang matuwid na lipunan ng tao.—Daniel 2:44; Apocalipsis 21:1-4.
12. Bakit hindi dapat matakot ang mga lingkod ng Diyos kapag inaalipusta sila ng mga kalabang tao?
12 Sa pagsasalita sa “mga nagtataguyod ng katuwiran,” sinasabi ngayon ni Jehova: “Makinig kayo sa akin, kayong mga nakaaalam ng katuwiran, ang bayan na ang puso ay kinaroroonan ng aking kautusan. Huwag ninyong katakutan ang pandurusta ng mga taong mortal, at huwag kayong mangilabot dahil lamang sa kanilang mapang-abusong mga salita. Sapagkat uubusin sila ng tangà na parang isang kasuutan, at uubusin sila na parang lana ng tangà sa damit. Ngunit kung tungkol sa aking katuwiran, iyon ay magiging hanggang sa panahong walang takda, at ang aking pagliligtas ay hanggang sa di-mabilang na mga salinlahi.” (Isaias 51:7, 8) Yaong mga nagtitiwala kay Jehova ay aalipustain at lilibakin dahil sa kanilang matatag na paninindigan, subalit ito’y hindi isang bagay na dapat katakutan. Ang mga manlilibak ay mga mortal lamang na “uubusin,” kung paanong kinakain ng tangà ang isang kasuutang yari sa lana.a Gaya ng tapat na mga Judio noon, walang dahilan ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon para matakot sa sinumang sumasalansang sa kanila. Si Jehova, ang walang-hanggang Diyos, ay kanilang kaligtasan. (Awit 37:1, 2) Ang panlilibak ng mga kaaway ng Diyos ay nagsisilbing katibayan na taglay ng bayan ni Jehova ang kaniyang espiritu.—Mateo 5:11, 12; 10:24-31.
13, 14. Ano ang inilalarawan ng pananalitang “Rahab” at “dambuhalang hayop-dagat,” at paano ito ‘niluray’ at ‘inulos’?
13 Sa paraang waring nananawagan kay Jehova na kumilos alang-alang sa Kaniyang bihag na bayan, sinabi ni Isaias: “Gumising ka, gumising ka, magbihis ka ng kalakasan, O bisig ni Jehova! Gumising ka gaya ng mga araw noong sinaunang panahon, gaya noong mga salinlahi ng mga panahong malaon nang nakalipas. Hindi ba ikaw ang lumuray sa Rahab, na umulos sa dambuhalang hayop-dagat? Hindi ba ikaw ang tumuyo sa dagat, ang tubig ng malawak na kalaliman? Ang nagpangyaring maging daan ang mga kalaliman ng dagat upang makatawid ang mga tinubos?”—Isaias 51:9, 10.
14 Tamang-tama ang pagkakapili sa makasaysayang mga halimbawa na sinasabi ni Isaias. Batid ng bawat Israelita ang tungkol sa pagliligtas sa bansa mula sa Ehipto at ang pagtawid sa Dagat na Pula. (Exodo 12:24-27; 14:26-31) Ang pananalitang “Rahab” at “dambuhalang hayop-dagat” ay tumutukoy sa Ehipto sa ilalim ng Paraon nito na tutol sa Paglabas ng Israel mula sa Ehipto. (Awit 74:13; 87:4; Isaias 30:7) Yamang ang pinakaulo nito ay nasa Nile Delta at ang pahabang katawan nito ay nakaunat nang daan-daang kilometro paakyat sa matabang Nile Valley, ang sinaunang Ehipto ay naging parang isang dambuhalang serpiyente. (Ezekiel 29:3) Subalit ang dambuhalang ito ay niluray nang ibuhos dito ni Jehova ang Sampung Salot. Ito’y inulos, malubhang nasugatan, at nanghina nang malipol ang hukbo nito sa tubig ng Dagat na Pula. Oo, ipinakita ni Jehova ang kapangyarihan ng kaniyang bisig sa kaniyang pakikitungo sa Ehipto. Hindi ba lalo siyang magiging handa na ipakipaglaban ang kaniyang bayan na itinapon sa Babilonya?
15. (a) Kailan at paano tatakas ang pagdadalamhati at pagbubuntunghininga ng Sion? (b) Kailan tumakas ang pamimighati at pagbubuntunghininga para sa Israel ng Diyos sa makabagong panahon?
15 Habang tinatanaw ngayon ang pagliligtas sa Israel mula sa Babilonya, nagpatuloy ang hula: “Sa gayon ay babalik ang mga tinubos ni Jehova at paroroon sa Sion na may hiyaw ng kagalakan, at ang pagsasaya hanggang sa panahong walang takda ay mapapasakanilang ulo. Ang pagbubunyi at ang pagsasaya ay makakamtan nila. Ang pamimighati at ang pagbubuntunghininga ay tatakas nga.” (Isaias 51:11) Gaano man kalungkot ang kanilang kalagayan sa Babilonya, yaong mga naghahanap ng katuwiran ni Jehova ay may maluwalhating pag-asa. Darating ang panahon na mawawala na ang pamimighati at pagbubuntunghininga. Hiyaw ng kagalakan, pagsasaya, pagbubunyi—ang mga ito ang maririnig mula sa mga labi ng mga tinubos, o pinalaya. Sa makabagong katuparan ng mga makahulang salitang iyon, ang Israel ng Diyos ay pinalaya mula sa Babilonikong pagkabihag noong 1919. Bumalik sila sa kanilang espirituwal na kalagayan taglay ang malaking pagsasaya—pagsasayang nagpapatuloy hanggang sa ngayon.
16. Ano ang ibinayad upang matubos ang mga Judio?
16 Ano ang magiging kabayaran sa katubusan ng mga Judio? Isiniwalat na ng hula ni Isaias na ibibigay ni Jehova ang “Ehipto bilang pantubos para sa iyo, ang Etiopia at ang Seba bilang kapalit mo.” (Isaias 43:1-4) Magaganap ito sa dakong huli. Matapos lupigin ang Babilonya at palayain ang mga bihag na Judio, lulupigin naman ng Imperyo ng Persia ang Ehipto, Etiopia, at Seba. Ang mga ito ay ibibigay kapalit ng mga kaluluwa ng mga Israelita. Ito’y kasuwato ng simulaing nakasaad sa Kawikaan 21:18: “Ang balakyot ay pantubos para sa matuwid; at ang nakikitungo nang may kataksilan ay kapalit ng mga matapat.”
Higit Pang Katiyakan
17. Bakit hindi dapat matakot ang mga Judio sa pagngangalit ng Babilonya?
17 Higit pang tiniyak ni Jehova sa kaniyang bayan: “Ako—ako ang Isa na umaaliw sa inyo. Sino ka na matatakot ka sa taong mortal na mamamatay, at sa anak ng sangkatauhan na gagawing gaya lamang ng luntiang damo? At na kalilimutan mo si Jehova na iyong Maylikha, ang Isa na nag-uunat ng langit at naglalatag ng pundasyon ng lupa, anupat lagi kang nanghihilakbot sa buong araw dahil sa pagngangalit niyaong gumigipit sa iyo, na para bang handang-handa na siyang ipahamak ka? At nasaan ang pagngangalit niyaong gumigipit sa iyo?” (Isaias 51:12, 13) Ang mga taon ng pagkatapon ay darating. Subalit, walang dahilan upang matakot sa pagngangalit ng Babilonya. Bagaman ang bansang iyan, na ikatlong kapangyarihang pandaigdig sa ulat ng Bibliya, ang lulupig sa bayan ng Diyos at magsisikap na ‘gumipit sa kanila,’ o humadlang sa kanilang pagtakas, alam ng tapat na mga Judio na inihula na ni Jehova ang pagbagsak ng Babilonya sa kamay ni Ciro. (Isaias 44:8, 24-28) Ibang-iba sa Maylalang—ang walang-hanggang Diyos, si Jehova—ang mga naninirahan sa Babilonya ay mamamatay na parang damong nalalanta sa matinding sikat ng araw sa panahon ng tagtuyot. Kung gayon ay saan hahantong ang kanilang mga pagbabanta at pagngangalit? Kay laking kahangalan nga na matakot sa tao at kalimutan si Jehova, ang gumawa ng langit at lupa!
18. Bagaman ang kaniyang bayan ay magiging bilanggo sa mahaba-habang panahon, anong mga katiyakan ang ibinigay ni Jehova sa kanila?
18 Bagaman ang bayan ni Jehova ay magiging bihag sa mahaba-habang panahon, anupat parang “nakayuko na may mga tanikala,” ang kanilang paglaya ay magiging biglaan. Hindi sila malilipol sa Babilonya o mamamatay sa gutom bilang mga bilanggo—anupat nagiging walang-buhay sa Sheol, ang hukay. (Awit 30:3; 88:3-5) Tiniyak sa kanila ni Jehova: “Ang isa na nakayuko na may mga tanikala ay mabilis ngang kakalagan, upang hindi siya mamatay patungo sa hukay at upang ang kaniyang tinapay ay hindi magkulang.”—Isaias 51:14.
19. Bakit lubos na makapagtitiwala ang tapat na mga Judio sa mga salita ni Jehova?
19 Bilang dagdag pang pag-aliw sa Sion, nagpatuloy si Jehova: “Ngunit ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na pumupukaw sa dagat upang dumaluyong ang mga alon nito. Jehova ng mga hukbo ang kaniyang pangalan. At ilalagay ko sa iyong bibig ang aking mga salita, at tatakpan kita ng lilim ng aking kamay, upang itatag ang langit at ilatag ang pundasyon ng lupa at sabihin sa Sion, ‘Ikaw ang aking bayan.’ ” (Isaias 51:15, 16) Paulit-ulit na binabanggit sa Bibliya ang kakayahan ng Diyos na gamitin ang kaniyang kapangyarihan sa dagat at kontrolin ito. (Job 26:12; Awit 89:9; Jeremias 31:35) Kontroladung-kontrolado niya ang mga puwersa ng kalikasan, gaya ng ipinamalas niya noong iligtas niya ang kaniyang bayan mula sa Ehipto. Sino ang maihahambing, ni katiting, kay “Jehova ng mga hukbo”?—Awit 24:10.
20. Anong ‘mga langit’ at “lupa” ang iiral kapag napanauli na ni Jehova ang Sion, at anong nakaaaliw na mga salita ang kaniyang bibigkasin?
20 Ang mga Judio ay nanatiling tipang bayan ng Diyos, at tiniyak sa kanila ni Jehova na sila’y babalik sa kanilang lupang tinubuan, upang minsan pang mamuhay sa ilalim ng kaniyang Kautusan. Doon ay itatayo nilang muli ang Jerusalem at ang templo at ipagpapatuloy ang kanilang mga pananagutan sa ilalim ng tipan na ginawa niya sa kanila sa pamamagitan ni Moises. Kapag ang lupain ay muling tinirahan ng nagbalik na mga Israelita at ng kanilang mga alagang hayop, iiral ang “isang bagong lupa.” Sa ibabaw nito ay ilalagay ang “mga bagong langit,” isang bagong sistema ng pamahalaan. (Isaias 65:17-19; Hagai 1:1, 14) Muling sasabihin ni Jehova sa Sion: “Ikaw ang aking bayan.”
Isang Panawagan Upang Kumilos
21. Nagpalabas si Jehova ng anong panawagan upang kumilos?
21 Matapos mabigyan ng katiyakan ang Sion, nagpalabas si Jehova ng isang panawagan upang kumilos. Sa pagsasalita na parang narating na ang wakas ng pagdurusa nito, sinabi niya: “Gumising ka, gumising ka, bumangon ka, O Jerusalem, ikaw na uminom mula sa kamay ni Jehova ng kaniyang kopa ng pagngangalit. Ang saro, ang kopa na sanhi ng pagsuray-suray, ay ininuman mo, sinaid mo.” (Isaias 51:17) Oo, dapat gumising ang Jerusalem mula sa kaniyang kapaha-pahamak na kalagayan at bumalik sa kaniyang dating posisyon at kaningningan. Darating ang panahon na masasaid niya ang makasagisag na kopa ng banal na paghihiganti. Wala nang matitira pang galit ng Diyos sa kaniya.
22, 23. Ano ang daranasin ng Jerusalem kapag uminom siya sa kopa ng galit ni Jehova?
22 Gayunpaman, habang ang Jerusalem ay pinarurusahan, wala sa mga naninirahan dito, sa kaniyang “mga anak,” ang makahahadlang sa nangyayari. (Isaias 43:5-7; Jeremias 3:14) Sinabi ng hula: “Walang sinuman sa lahat ng mga anak na ipinanganak niya ang pumapatnubay sa kaniya, at walang sinuman sa lahat ng mga anak na pinalaki niya ang humahawak sa kaniyang kamay.” (Isaias 51:18) Laking pagdurusa ang sasapitin niya sa mga kamay ng mga taga-Babilonya! “Ang dalawang bagay na iyon ay nangyayari sa iyo. Sino ang makikiramay sa iyo? Pananamsam at kagibaan, at gutom at tabak! Sino ang aaliw sa iyo? Ang iyong mga anak ay hinimatay. Humiga sila sa bukana ng lahat ng mga lansangan tulad ng maiilap na tupa na nasa lambat, gaya niyaong mga puspos ng pagngangalit ni Jehova, ng pagsaway ng iyong Diyos.”—Isaias 51:19, 20.
23 Kawawang Jerusalem! Daranasin niya ang “pananamsam at kagibaan” gayundin ang “gutom at tabak.” Yamang hindi nila siya kayang akayin at palakasin, ang kaniyang “mga anak” ay magiging inutil, walang puwersa, anupat walang lakas upang labanan ang sumasalakay na mga taga-Babilonya. Kapuna-puna, sa bukana, o kanto, ng mga lansangan, sila’y hihigang lupaypay, nanghihina, at patang-patâ. (Panaghoy 2:19; 4:1, 2) Sila’y uminom sa kopa ng galit ng Diyos at walang magawa na parang mga hayop na nasilo sa lambat.
24, 25. (a) Ano ang hindi na mauulit para sa Jerusalem? (b) Pagkatapos ng Jerusalem, sino ang susunod na iinom sa kopa ng galit ni Jehova?
24 Subalit ang malungkot na kalagayang ito ay magwawakas. May pang-aaliw na sinabi ni Isaias: “Kaya pakinggan mo ito, pakisuyo, O babaing napipighati at lasing, ngunit hindi sa alak. Ito ang sinabi ng iyong Panginoon, ni Jehova, ng iyong Diyos nga, na nakikipaglaban para sa kaniyang bayan: ‘Narito! Kukunin ko sa iyong kamay ang kopa na sanhi ng pagsuray-suray. Ang saro, ang aking kopa ng pagngangalit—hindi mo na uulitin pa ang pag-inom mula roon. At ilalagay ko iyon sa kamay ng mga umiinis sa iyo, na nagsabi sa iyong kaluluwa, “Yumukod ka upang makatawid kami,” anupat ginawa mong tulad ng lupa ang iyong likod, at tulad ng lansangan para roon sa mga tumatawid.’ ” (Isaias 51:21-23) Matapos disiplinahin ang Jerusalem, si Jehova ay handa nang kumilos nang may awa at magpakita sa kaniya ng mapagpatawad na espiritu.
25 Aalisin na ngayon ni Jehova ang kaniyang galit mula sa Jerusalem at ibabaling iyon sa Babilonya. Winasak ng Babilonya ang Jerusalem at ito’y hiniya. (Awit 137:7-9) Subalit hindi na kailangang uminom na muli ang Jerusalem mula sa gayong kopa sa mga kamay ng Babilonya o ng mga kakampi nito. Sa halip, ang kopa ay aalisin sa kamay ng Jerusalem at ibibigay sa mga nagsasaya dahil sa kaniyang kahihiyan. (Panaghoy 4:21, 22) Ang Babilonya ay babagsak, na lasing na lasing. (Jeremias 51:6-8) Samantala, ang Sion ay babangon! Ano ngang laking pagbaligtad ng mga pangyayari! Tunay, ang Sion ay maaaliw ng gayong pag-asa. At makatitiyak ang mga lingkod ni Jehova na ang kaniyang pangalan ay pakababanalin sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa ng pagliligtas.
[Talababa]
a Ang tangà na tinutukoy rito ay lumilitaw na yaong uri ng tangà na sumisira ng tela, lalo na kapag ito’y mapanirang uod pa lamang.
[Larawan sa pahina 167]
Si Jehova, ang Lalong Dakilang Abraham, ang “bato” na “pinagtabasan” ng kaniyang bayan
[Larawan sa pahina 170]
Ang mga kalaban ng bayan ng Diyos ay maglalaho, na parang isang kasuutang kinain ng mga tangà
[Larawan sa pahina 176, 177]
Ipinakita ni Jehova ang kaniyang kapangyarihang kontrolin ang mga elemento
[Larawan sa pahina 179]
Ang kopang iinuman ng Jerusalem ay ipapasa sa Babilonya at sa mga kakampi nito