Pagkilala sa Tamang Uri ng Mensahero
“Ako . . . ang Isa na nagpapangyaring magkatotoo ang salita ng kaniyang lingkod, at ang Isa na lubusang nagsasagawa ng payo ng kaniyang sariling mga mensahero.”—ISAIAS 44:25, 26.
1. Paano ipinakikilala ni Jehova ang tamang uri ng mga mensahero, at paano niya ibinubunyag yaong mga huwad?
ANG Diyos na Jehova ang Dakilang Tagapagpakilala sa kaniyang tunay na mga mensahero. Ipinakikilala niya sila sa pamamagitan ng pagpapangyari na magkatotoo ang mga mensaheng inihahatid niya sa pamamagitan nila. Si Jehova ang siya ring Dakilang Tagapagbunyag sa huwad na mga mensahero. Paano niya ibinubunyag sila? Binibigo niya ang kanilang mga tanda at mga hula. Sa ganitong paraan ay ipinakikita niya na sila ay mga nagpapanggap na manghuhula, na ang mga mensahe ay talagang nagmumula sa kanilang sariling huwad na pangangatuwiran—oo, sa kanilang mangmang, makalaman na kaisipan!
2. Anong pagkakasalungatan sa pagitan ng mga mensahero ang naganap sa panahon ng Israel?
2 Kapuwa sina Isaias at Ezekiel ay nag-angking mga mensahero ng Diyos na Jehova. Totoo nga ba? Tingnan natin. Humula si Isaias sa Jerusalem mula mga 778 B.C.E. hanggang sa ilang panahon makalipas ang 732 B.C.E. Si Ezekiel ay ipinatapon sa Babilonya noong 617 B.C.E. Humula siya sa kaniyang Judiong mga kapatid na naroon. Buong-tapang na inihayag ng dalawang propeta na ang Jerusalem ay wawasakin. Sinabi naman ng ibang mga propeta na hindi ito pahihintulutan ng Diyos na mangyari. Sino kaya ang napatunayang tamang uri ng mga mensahero?
Ibinunyag ni Jehova ang mga Bulaang Propeta
3, 4. (a) Anong dalawang magkasalungat na mensahe ang inihatid sa mga Israelita sa Babilonya, at paano ibinunyag ni Jehova ang isang huwad na mensahero? (b) Ano ang sinabi ni Jehova na mangyayari sa mga bulaang propeta?
3 Samantalang nasa Babilonya, si Ezekiel ay binigyan ng isang pangitain ng kung ano ang nagaganap sa templo sa Jerusalem. Sa pasukan ng pintuang-daan nito sa silangan ay naroon ang 25 lalaki. Kabilang sa kanila ang dalawang prinsipe, sina Jaazanias at Pelatias. Paano sila minalas ni Jehova? Sumasagot ang Ezekiel 11:2, 3: “Anak ng tao, ito ang mga lalaki na nagpapanukala ng kasamaan at nagbibigay ng masamang payo laban sa lunsod na ito; na nagsasabi, ‘Hindi ba malapit na ang pagtatayo ng mga bahay?’ ” Sinasabi ng mga pangahas na mensaherong ito ng kapayapaan, ‘Walang darating na panganib sa Jerusalem. Aba, di-magtatagal at magtatayo tayo sa kaniya nang higit pang mga bahay!’ Kaya sinabihan ng Diyos si Ezekiel na humula ng salungat sa mga sinungaling na mga propetang ito. Sa Eze 11 talata 13 ng kabanata 11, sinasabi sa atin ni Ezekiel kung ano ang nangyari sa isa sa kanila: “Nangyari na matapos akong manghula, si Pelatias na anak ni Benaias mismo ay namatay.” Malamang na nangyari ito dahil si Pelatias ang pinakaprominente at maimpluwensiyang prinsipe at pangunahing mananamba sa idolo. Ang kaniyang biglaang kamatayan ay nagpatunay na siya ay isang bulaang propeta!
4 Ang pagpatay ni Jehova kay Pelatias ay hindi nakapigil sa iba pang bulaang propeta na magsinungaling sa pangalan ng Diyos. Nagpatuloy ang mga manlilinlang na ito sa kanilang baliw na landasin sa paghula ng mga bagay na salungat sa kalooban ng Diyos. Kaya ganito ang sabi ng Diyos na Jehova kay Ezekiel: “Sa aba ng mga hangal na propeta, na lumalakad ayon sa kanilang sariling espiritu, samantalang wala silang nakitang anuman!” Tulad ni Pelatias, sila ay “mawawala na” dahil sa pangahas na panghuhula para sa Jerusalem ng “isang pangitain ng kapayapaan, gayong wala namang kapayapaan.”—Ezekiel 13:3, 15, 16.
5, 6. Sa kabila ng lahat ng huwad na mga mensahero, paano naipagbangong-puri si Isaias bilang isang tunay na propeta?
5 Kung tungkol kay Isaias, nagkatotoo ang lahat ng kaniyang banal na mensahe tungkol sa Jerusalem. Noong tag-araw ng 607 B.C.E., winasak ng mga taga-Babilonya ang lunsod at dinalang bihag ang mga Judiong nalabi pabalik sa Babilonya. (2 Cronica 36:15-21; Ezekiel 22:28; Daniel 9:2) Napahinto ba ng mga kalamidad na ito ang mga bulaang propeta mula sa pagpapaulan sa bayan ng Diyos ng mga walang-kabuluhang pananalita? Hindi, ang mga sinungaling na mensaherong iyon ay patuloy na gumawa nito!
6 Waring hindi pa ito sapat, ang mga ipinatapong Israelita ay nahantad din sa mayayabang na manghuhula, propeta, at mga astrologo ng Babilonya. Gayunman, pinatunayan ni Jehova na ang huwad na mga mensaherong ito ay mga nasiphayong mangmang, anupat ang mga hula’y kabaligtaran sa talagang mangyayari. Sumapit ang panahon na ipinakita niyang si Ezekiel ay kaniyang tunay na mensahero, gaya ni Isaias. Tinupad ni Jehova ang lahat ng salita na sinalita niya sa pamamagitan nila, gaya ng ipinangako niya: “Aking binibigo ang mga tanda ng mga nagsasalita nang walang saysay, at ako ang Isa na nagpapaging hangal sa mga manghuhula; ang Isa na nagpapaurong sa mga marurunong, at ang Isa na nagpapamangmang maging sa kanilang kaalaman; ang Isa na nagpapangyaring magkatotoo ang salita ng kaniyang lingkod, at ang Isa na lubusang nagsasagawa ng payo ng kaniyang sariling mga mensahero.”—Isaias 44:25, 26.
Nakagigimbal na mga Mensahe Tungkol sa Babilonya at Jerusalem
7, 8. Anong kinasihang mensahe ang taglay ni Isaias para sa Babilonya, at ano ang kahulugan ng kaniyang mga salita?
7 Ititiwangwang ang Juda at ang Jerusalem, anupat walang taong maninirahan sa loob ng 70 taon. Gayunman, ipinahayag ni Jehova sa pamamagitan nina Isaias at Ezekiel na ang lunsod ay muling itatayo at ang lupain ay tatahanan sa eksaktong panahon na kaniyang inihula! Ito ay isang pambihirang prediksiyon. Bakit? Sapagkat kilalang-kilala ang Babilonya na hindi kailanman nagpapalaya ng kaniyang mga bilanggo. (Isaias 14:4, 15-17) Kaya sino kaya ang makapagpapalaya sa mga bihag na ito? Sino ang makapagbabagsak sa makapangyarihang Babilonya, na may matataas na pader at sistema ng depensang mula sa ilog? Kaya ito ni Jehova na Makapangyarihan-sa-Lahat! At sinabi niyang gagawin niya: “Ako . . . ang Isa na nagsasabi sa matubig na kalaliman [alalaong baga, ang matubig na depensa ng lunsod], ‘Matuyo ka; at lahat ng iyong mga ilog ay aking tutuyuin’; ang Isa na nagsasabi tungkol kay Ciro, ‘Siya’y aking pastol, at lahat ng aking kaluguran ay kaniyang lubusang gagampanan’; maging ang pagsasabi ko sa Jerusalem, ‘Siya’y muling itatayo,’ at sa templo, ‘Malalagay ang iyong patibayan.’ ”—Isaias 44:25, 27, 28.
8 Isipin ito! Para kay Jehova, ang Ilog Eufrates, na isang ubod-laking hadlang para sa mga tao, ay tulad lamang sa isang patak ng tubig sa isang napakainit na kalan. Sa isang kisap-mata, ang hadlang ay matutuyo! Babagsak ang Babilonya. Bagaman noon ay mga 150 taon pa bago ipanganak si Ciro na Persiano, inudyukan ni Jehova si Isaias na ihula ang pagbihag ng haring ito sa Babilonya at ang pagpapalaya sa mga bihag na Judio sa pamamagitan ng pagpapahintulot niya na bumalik sila upang muling maitayo ang Jerusalem at ang templo nito.
9. Sino ang pinanganlan ni Jehova na kaniyang ahente sa pagpaparusa sa Babilonya?
9 Masusumpungan natin ang hulang ito sa Isaias 45:1-3: “Ganito ang sinabi ni Jehovah sa kaniyang pinahiran, kay Ciro, na ang kanang kamay ay aking hinawakan, upang magpasuko ng mga bansa sa harap niya, . . . upang buksan ang dalawang-pohas na pintuan sa unahan niya, anupat hindi masasarhan ang mga pintuang-daan: ‘Magpapauna ako sa iyo, at papatagin ko ang mga baku-bakong dako. Ang mga pintuang tanso ay aking pagdudurug-durugin, at ang mga rehas na bakal ay aking puputulin. At ibibigay ko sa iyo ang mga kayamanang nasa kadiliman at ang natatagong mga kayamanan sa mga lihim na dako, upang malaman mo na ako si Jehova, ang Isa na tumatawag sa iyo sa iyong pangalan.’ ”
10. Sa anong paraan si Ciro ay “pinahiran,” at paano makikipag-usap si Jehova sa kaniya mahigit na isang daang taon bago siya isilang?
10 Pansinin na nakikipag-usap si Jehova kay Ciro na para bang siya’y nabubuhay na. Kasuwato ito ng sinabi ni Pablo na si Jehova ay “tumatawag sa mga bagay na wala na para bang umiiral.” (Roma 4:17) Gayundin, ipinakilala ng Diyos si Ciro na “kaniyang pinahiran.” Bakit niya ginawa ito? Sa katunayan, si Ciro ay hindi kailanman pinahiran ng banal na langis ng mataas na saserdote ni Jehova. Totoo, ngunit ito’y isang makahulang pagpapahid. Nagpapahiwatig ito ng isang pag-aatas sa pantanging tungkulin. Kaya ang patiunang pagkahirang na ito kay Ciro ay maaaring tawagin ng Diyos na isang pagpapahid.—Ihambing ang 1 Hari 19:15-17; 2 Hari 8:13.
Tinutupad ng Diyos ang Salita ng Kaniyang mga Mensahero
11. Bakit nakadama ng kapanatagan ang mga naninirahan sa Babilonya?
11 Nang magsimulang lumaban si Ciro laban sa Babilonya, inakala ng mga mamamayan nito na sila’y totoong ligtas at panatag. Ang kanilang lunsod ay napalilibutan ng isang malalim at malawak na pananggalang na katubigan na likha ng Ilog Eufrates. Sa dakong dinadaluyan ng ilog sa gitna ng lunsod, may isang mahabang pantalan sa pampang sa gawing silangan ng ilog. Upang ihiwalay ito sa lunsod, si Nabucodonosor ay nagtayo ng tinatawag niyang “isang malaking pader, na tulad ng isang bundok ay hindi makikilos . . . Ang taluktok nito ay ginawa [niyang] sintaas ng bundok.”a Ang pader na ito ay may mga pintuang-daan na may napakalalaking pintuang tanso. Upang makapasok sa mga ito, ang isa’y kailangang umakyat sa talibis mula sa tabi ng ilog. Hindi kataka-taka na ang mga bilanggo sa Babilonya ay walang kapag-a-pag-asa na sila’y mapalaya kailanman!
12, 13. Paano nagkatotoo ang mga salita ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang mensaherong si Isaias nang bumagsak ang Babilonya kay Ciro?
12 Pero hindi ang mga Judiong bihag na iyon na sumasampalataya kay Jehova! Mayroon silang maningning na pag-asa. Sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta, nangako ang Diyos na sila’y palalayain. Paano tinupad ng Diyos ang kaniyang pangako? Inutusan ni Ciro ang kaniyang hukbo na ilihis ang Ilog Eufrates mga ilang kilometro sa bandang hilaga ng lunsod. Kaya naman, ang pangunahing depensa ng Babilonya ay naging halos tuyong pinakasahig ng ilog. Nang napakahalagang gabing iyon, basta na lamang iniwang bukas ng mga naglasingan sa Babilonya ang dalawang-pohas na pintuan na nakaharap sa pampang ng Eufrates. Hindi naman literal na pinagdurug-durog ni Jehova ang mga pintuang tanso; ni pinutol ang mga rehas na bakal na nagsasara sa mga pintuang iyon, ngunit ang kaniyang kahanga-hangang pagmamaniobra upang ang mga ito’y manatiling bukás at di-natatarangkahan ay may pareho ring epekto. Nawalan ng kabuluhan ang mga pader ng Babilonya. Hindi na kinailangang akyatin pa ang mga ito ng mga kawal ni Ciro upang makapasok sa loob. Nagpauna si Jehova kay Ciro, anupat pinapatag ang “baku-bakong mga dako,” oo, lahat ng mga hadlang. Si Isaias ay napatunayang isang tunay na mensahero ng Diyos.
13 Nang lubusang masupil ni Ciro ang lunsod, ang lahat ng kayamanan nito ay bumagsak sa kaniyang mga kamay, pati na yaong mga nakatago sa madilim, lihim na mga silid. Bakit ginawa ng Diyos na Jehova ang lahat ng ito para kay Ciro? Upang malaman niya na si Jehova, ‘ang Isa na tumatawag sa kaniya sa kaniyang pangalan,’ ay ang Diyos na pinagmumulan ng tunay na mga hula at ang Soberanong Panginoon ng sansinukob. Malalaman niya na isinaayos ng Diyos na humawak siya ng kapangyarihan upang palayain ang Kaniyang bayan, ang Israel.
14, 15. Paano natin nalalaman na utang ni Ciro kay Jehova ang kaniyang tagumpay laban sa Babilonya?
14 Pakinggan ang mga salita ni Jehova kay Ciro: “Alang-alang kay Jacob na aking lingkod at sa Israel na aking pinili, aking tinawag ka sa iyong pangalan; aking binigyan ka ng marangal na pangalan, bagaman hindi mo ako nakilala. Ako si Jehova, at wala nang iba. Maliban sa akin ay walang Diyos. Aking bibigkisan ka, bagaman hindi mo ako nakilala, upang malaman ng mga tao mula sa pagsikat ng araw at mula sa paglubog nito na walang iba liban sa akin. Ako si Jehova, at wala nang iba. Gumagawa ako ng liwanag at lumilikha ng kadiliman, gumagawa ng kapayapaan [alalaong baga, para sa kaniyang binihag na bayan] at lumilikha ng kasakunaan [para sa Babilonya], ako, si Jehova, ang gumagawa ng lahat ng mga bagay na ito.”—Isaias 45:4-7.
15 Utang ni Ciro kay Jehova ang pananaig niya sa Babilonya, sapagkat Siya ang nagpalakas sa kaniya upang isakatuparan ang Kaniyang kaluguran laban sa balakyot na lunsod na iyon at upang palayain ang Kaniyang binihag na bayan. Sa paggawa nito, tinawag ni Jehova ang kaniyang mga langit upang magbuhos ng matuwid na mga impluwensiya o puwersa. Tinawag niya ang lupa upang magbukas at magluwal ng matuwid na mga pangyayari at kaligtasan para sa kaniyang binihag na bayan. At tumugon naman sa utos na ito ang kaniyang makasagisag na mga langit at lupa. (Isaias 45:8) Makalipas ang mahigit na isang daang taon pagkamatay niya, ipinakita na si Isaias ay tunay na mensahero ni Jehova!
Ang Mabuting Balita ng Mensahero Para sa Sion!
16. Anong mabuting balita ang maipahahayag sa tiwangwang na lunsod ng Jerusalem nang bumagsak sa pagkatalo ang Babilonya?
16 Ngunit mayroon pang darating. Naglalahad ang Isaias 52:7 ng mabuting balita para sa Jerusalem: “Anong kahali-halina sa mga bundok ang mga paa ng isang nagdadala ng mabuting balita, ng isang naghahayag ng kapayapaan, ng isang nagdadala ng mabuting balita ng lalong mabuting bagay, ng isang naghahayag ng kaligtasan, ng isang nagsasabi sa Sion: ‘Ang iyong Diyos ay naging Hari!’ ” Kaylaking kasiyahang pagmasdan ang isang mensahero na papalapit sa Jerusalem mula sa mga bundok! Tiyak na may dala siyang balita. Ano iyon? Iyon ay isang nakapananabik na balita para sa Sion. Ang balita ng kapayapaan, oo, balita ng kabutihang-loob ni Jehova. Muling itatayo ang Jerusalem at ang kaniyang templo! At inihayag ng mensahero taglay ang tumataginting na kagalakan sa kaniyang tinig: “Ang iyong Diyos ay naging hari!”
17, 18. Paano nakaapekto sa sariling pangalan ni Jehova ang pananaig ni Ciro laban sa Babilonya?
17 Nang pahintulutan ni Jehova ang mga taga-Babilonya na itiwarik ang kaniyang tipikong trono na niluklukan ng mga hari sa hanay ni David, wari bang Siya ay hindi na Hari. Si Marduk, ang pangunahing diyos ng Babilonya, ang sa halip ay waring naging siyang hari. Subalit nang ang Babilonya ay ibagsak ng Diyos ng Sion, itinanghal niya ang kaniyang pansansinukob na soberanya—na siya ang pinakadakilang Hari. At upang idiin ang bagay na ito, ang Jerusalem, “ang lunsod ng dakilang Hari,” ay muling itatatag, kasama na rin ang templo nito. (Mateo 5:35) Tungkol naman sa mensahero na nagdala ng gayong mabuting balita, bagaman ang kaniyang mga paa ay maalikabok, marurumi, at sugatán, sa paningin ng mga umiibig sa Sion at sa kaniyang Diyos, ang mga ito ay, ah, totoong kahali-halina!
18 Sa isang diwang makahula, ang pagbagsak ng Babilonya ay nangangahulugan na ang kaharian ng Diyos ay naitatag at na ang nagdadala ng mabuting balita ay isang tagapaghayag ng pangyayaring iyon. Karagdagan pa, ang sinaunang tagahatid na ito, na inihula sa pamamagitan ni Isaias, ay lumalarawan sa isang mensahero ng lalong dakilang mabuting balita—lalong dakila dahil sa napakagandang nilalaman nito at sa pang-Kahariang tema nito, na may kamangha-manghang ipinahihiwatig para sa lahat ng taong may pananampalataya.
19. Anong mensahe tungkol sa lupain ng Israel ang inihatid ni Jehova sa pamamagitan ni Ezekiel?
19 Si Ezekiel din ay binigyan ng maningning na mga hula tungkol sa pagsasauli. Inihula niya: “Ganito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘. . . Akin ding patatahanan ang mga lunsod, at muling itatayo ang mga wasak na dako. At tiyak na sasabihin ng mga tao: “Ang lupaing yaon na natiwangwang ay naging gaya ng halamanan ng Eden.” ’ ”—Ezekiel 36:33, 35.
20. Anong masayang panawagan ang makahulang ibinigay ni Isaias sa Jerusalem?
20 Habang bihag sa Babilonya, nagdadalamhati ang bayan ng Diyos para sa Sion. (Awit 137:1) Ngayon, makapagsasaya na sila. Nanawagan si Isaias: “Magalak kayo, humiyaw kayong magkakasama sa kagalakan, kayong mga wasak na dako ng Jerusalem, sapagkat inaliw ni Jehova ang kaniyang bayan; kaniyang tinubos ang Jerusalem. Inilantad ni Jehova ang kaniyang banal na bisig sa harap ng mga mata ng lahat ng mga bansa; at tiyak na makikita ng lahat ng dulo ng lupa ang pagliligtas ng ating Diyos.”—Isaias 52:9, 10.
21. Paano natupad ang mga salita sa Isaias 52:9, 10 pagkatapos ng pagkalupig ng Babilonya?
21 Oo, may malaking dahilan upang magalak ang piniling bayan ni Jehova. Ngayon ay muli nilang tatahanan ang dating mga wasak na dakong iyon, anupat gagawing tulad ng halamanan ng Eden ang mga ito. “Inilantad ni Jehova ang kaniyang banal na bisig” para sa kanila. Inililis niya ang kaniyang mga manggas, wika nga, upang maibalik niya sila sa kanilang minamahal na lupang-tinubuan. Hindi ito isang maliit, di-namamalayang pangyayari sa kasaysayan. Hindi, nakita ng lahat ng taong nabubuhay noon ang ‘nakalantad na bisig’ ng Diyos na gumamit ng kapangyarihan sa mga gawain ng tao upang maisagawa ang kagila-gilalas na pagliligtas sa isang bansa. Nabigyan sila ng di-maikakailang patotoo na sina Isaias at Ezekiel ay tunay ng mga mensahero ni Jehova. Hindi mapag-aalinlanganan ninuman na ang Diyos ng Sion ang siyang tanging buháy at tunay na Diyos sa buong lupa. Sa Isaias 35:2, mababasa natin: “Kanilang makikita ang kaluwalhatian ni Jehova, ang karilagan ng ating Diyos.” Yaong mga tumanggap ng patunay na ito ng pagka-Diyos ni Jehova ay bumaling sa pagsamba sa kaniya.
22. (a) Ano ang maaari nating ipagpasalamat ngayon? (b) Bakit tayo dapat na lalo nang magpasalamat na ibinubunyag ni Jehova ang huwad na mga mensahero?
22 Anong laking pasasalamat natin na ipinakikilala ni Jehova ang kaniyang tunay ng mga mensahero! Tunay na siya “ang Isa na nagpapangyaring magkatotoo ang salita ng kaniyang lingkod, at ang Isa na lubusang nagsasagawa ng payo ng kaniyang sariling mga mensahero.” (Isaias 44:26) Ang mga hula na ibinigay niya kina Isaias at Ezekiel tungkol sa pagsasauli ay nagtatampok sa kaniyang dakilang pag-ibig, di-sana-nararapat na kabaitan, at kaawaan sa kaniyang mga lingkod. Tunay, karapat-dapat si Jehova sa lahat ng ating papuri dahil dito! At tayo ngayon ay dapat na lalo nang magpasalamat na kaniyang ibinubunyag ang huwad na mga mensahero. Ito ay dahil sa marami sa kanila ang nasa tanawin ng sanlibutan sa ngayon. Ang kanilang pangahas na mga mensahe ay nagwawalang-bahala sa ipinahayag na mga layunin ni Jehova. Tutulungan tayo ng susunod na artikulo na makilala ang huwad na mga mensaherong ito.
[Talababa]
a The Monuments and the Old Testament, ni Ira Maurice Price, 1925.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Paano ipinakikilala ni Jehova ang kaniyang tunay na mga mensahero?
◻ Sa pamamagitan ni Isaias, sino ang pinanganlan ni Jehova na ka niyang ahente sa paglupig sa Babilonya?
◻ Paano natupad ang mga hula ni Isaias na naglalarawan sa pagkalupig ng Babilonya?
◻ Ano ang naging mabuting resulta sa pangalan ni Jehova ng pagkalupig ng Babilonya?
[Larawan sa pahina 9]
Waring di-malulupig ang Babilonya para sa mga bansa noong kaarawan ni Ezekiel