Isang Dalisay na Wika Para sa Lahat ng Bansa
“Kung magkagayon ay akin ngang sasaulian ang mga bayan ng dalisay na wika, upang silang lahat ay makatawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang balikatan.”—ZEFANIAS 3:9.
1, 2. (a) Bilang katuparan ng Zefanias 3:9, ano ang ginaganap ni Jehova sa ating kaarawan? (b) Upang maunawaan kung papaano tayo naaapektuhan ng hula ni Zefanias, anong mga tanong ang kailangang masagot?
ANG Diyos na Jehova ay gumaganap sa ating kaarawan ng isang gawain na talagang kamangha-mangha. Kaniyang pinagkakaisa ang mga tao buhat sa lahat ng bansa. Gaya ng noong una pa’y inihula niya sa kaniyang Banal na Salita, kaniyang ginagawa ito sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng isang bagong wika.—Zefanias 3:9.
2 Ano ba ang wikang iyan? Bakit kinakailangan iyan? Para matutuhan iyan ano ang personal na kahilingan sa atin?
Ang Kaloob na Pagsasalita
3. (a) Ano ang kagila-gilalas na kaloob kay Adan? (b) Ano ba ang wika na ginamit ni Adan?
3 Ang kakayahan na makipagtalastasan sa pamamagitan ng salita ay isang banal na kaloob na naghihiwalay sa tao sa lahat ng nilalang na hayop. Ang unang tao, si Adan, ay nilalang na taglay ang kakayahan ng matalinong kaisipan. Siya’y pinagkalooban ng cuerdas vocales, dila, at mga labi na magagamit sa pagsasalita, gayundin isang talasalitaan at ng kakayahan na bumuo ng mga bagong salita. Si Adan ay maaaring makaunawa pagka siya’y kinakausap ni Jehova, at si Adan naman ay makapagsasalita upang ipaalam ang kaniyang mga kaisipan. (Genesis 1:28-30; 2:16, 17, 19-23) Ang wika na ibinigay kay Adan ay maliwanag na yaong nang malaunan nakilala sa tawag na Hebreo. Sa loob ng di-kukulangin sa unang 1,757 taon ng pag-iral ng tao, maliwanag na lahat ng tao’y patuloy na nagsalita ng isang wikang iyan.—Genesis 11:1
4. Papaanong ang wika ng tao ay naapektuhan ng mga pangyayari noong mga kaarawan ni Nimrod?
4 Pagkatapos, noong mga kaarawan ni Nimrod, upang mahadlangan ang mga pagsisikap ng balakyot na mga tao, ginulo ni Jehova ang wika ng lahat ng napadala sa pakikibahagi sa pagtatayo ng tore ng Babel. (Genesis 11:3-9) Lumilitaw na ang unang ginawa ni Jehova’y burahin ang lahat ng alaala ng kanilang dating pangkalahatang wika at pagkatapos ay nagpasok ng mga bagong wika sa kanilang mga isip. Dito’y kasali hindi lamang mga bagong talasalitaan kundi pati mga bagong balarila at mga bagong kaayusan ng kaisipan. Buhat sa mga wika na sinimulan ni Jehova sa Babel, may mga ibang unti-unting umunlad hanggang sa ngayon, na sang-ayon sa mga akademya ng wika, mga tatlong libong wika ang ginagamit sa buong lupa.
5. Papaano natin matitiyak kung ano ang kasangkot sa ‘pagsasauli ng dalisay na wika’?
5 Para sa mga taong nagsasalita ng lahat ng mga wikang ito, ang ‘pagsasauli ng dalisay na wika’ ay mangangailangan ba na kanilang iwanan ang kanilang katutubong wika at matuto ng orihinal na wika na ibinigay ng Diyos kay Adan? Ang mga kalagayan na kaugnay ng pagbibigay ng hula ay tumutulong upang masagot ang tanong na iyan.
Kailangan ang Isang Dalisay na Wika
6-8. (a) Anong kalagayang relihiyoso ang umiral sa Juda bago ibinigay ang hula ng Zefanias 3:9? (b) Sa mga bansang nakapalibot sa Juda, ano ang saloobing umiral?
6 Ang kaharian ng Juda ay kamakailan pinagharian muna ni Manases at pagkatapos ay ni Amon, na nagsipagtayo ng mga dambana kay Baal, gumamit ng panghuhula, at nakipagsanggunian sa masasamang espiritu. (2 Hari 21:1-6; 2 Cronica 33:21-23) Kaya naman, sa panahon ng paghahari ng anak at kahalili ni Amon, si Josias, iniutos ni Jehova sa kaniyang propetang si Zefanias na magbabala na ang kaniyang galit ay darating sa lupain.—Zefanias 1:1, 2.
7 Bagaman nalalaman ng mga taga-Juda buhat sa kanilang sariling kasaysayan at buhat sa kinasihang Kasulatan na si Jehova ang tunay na Diyos, sila’y nagpapakasawa sa imoral na mga rituwal ng pagsamba kay Baal. Sila’y yumuyuko sa araw at sa buwan at sa mga bituin ng zodiac, na tuwirang paglabag sa kautusan ng Diyos. (Deuteronomio 4:19; 2 Hari 23:5) Sa ibabaw ng lahat ng ito, sila’y nakikibahagi sa isang anyo ng pinaghalu-halong pagsamba, na kumikilos na para bagang ang lahat ng relihiyon ay pare-pareho, sa pamamagitan ng panunumpa kapuwa kay Jehova at sa pangalan ng diyus-diyusan na si Malcam. Ang kanilang saloobin ay na “si Jehova’y hindi gagawa ng mabuti, at siya’y hindi gagawa ng masama.” (Zefanias 1:4-6, 12) Kung tungkol naman sa mga bansang nakapalibot sa Juda, lahat sila’y may rekord ng pananalansang kay Jehova at sa kaniyang bayan, kaya sila ay nakahanay rin na dumanas ng parusa ng Diyos.—Zefanias 2:4-15.
8 Ganiyan ang umiiral na mga kalagayan noon kung kaya’t humula si Jehova na kaniyang “sasaulian ang mga bayan ng dalisay na wika, upang silang lahat ay makatawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang balikatan.” (Zefanias 3:9) Ano, kung gayon, ang dalisay na wika?
9. (a) Bakit ang dalisay na wika ay hindi Hebreo o ang nasusulat na Salita ng Diyos lamang? (b) Ano ba ang dalisay na wikang iyan, at papaano naaapektuhan niyan ang buhay ng mga nagsasalita niyan?
9 Iyon ba ay ang wikang Hebreo? Hindi; ang mga mamamayan ng Juda ay mayroon na niyan, subalit ang mga bagay na kanilang sinasalita at ginagawa ay maliwanag na hindi dalisay at matuwid sa paningin ni Jehova. At ang dalisay na wika ay hindi lamang ang nasusulat na Salita ng Diyos. Mayroon na rin sila niyan. Subalit ang kanilang kailangan ay isang wastong pagkaunawa sa katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin, at tanging si Jehova lamang ang makapaglalaan niyan sa pamamagitan ng kaniyang espiritu. Pagka kanilang natutuhan na magsalita ng dalisay na wikang iyan, ang kanilang kaisipan, ang kanilang pananalita, ang kanilang asal, ay pawang mapapasentro sa pagkilala sa katotohanan na si Jehova ang tanging tunay na Diyos. (Zefanias 2:3) Sila’y maglalagak sa kaniya ng kanilang tiwala at lubusang susuporta sa kaniyang soberanya. Dito’y mayroon tayong pantanging interes sa ngayon. Bakit?
Yaong mga Binibigyan ng Dalisay na Wika
10. Sa anong yugto ng panahon itinakdang matupad ang hula ng Zefanias 3:9?
10 Nakaturo sa katuparan ng hula sa isang partikular na yugto ng panahon, ang Zefanias 3:9 ay nagsasabi: “Sapagkat kung magkagayon ay akin ngang sasaulian ang mga bayan ng dalisay na wika.” Kailan iyan? Ang Zef 3 talatang 8 ay sumasagot na iyan ay sa panahon na ginagawa ni Jehova ang ‘pagtitipon sa mga bansa,’ bago niya ‘ibuhos sa kanila ang kaniyang mabangis na galit,’ na kaniyang sasaulian ng isang dalisay na wika ang mga maaamo sa lupa.
11. (a) Ano ang dalawang katuparan ng Zefanias 3:9 bago ng ating modernong panahon? (b) Papaanong ang katuparan nito sa ngayon ay naiiba?
11 Sa mga kaarawan ni Haring Josias, bago pinayagan ni Jehova ang mga hukbo ng Babilonya na gumawa ng paglipol, marami ang nagsialis sa huwad na pagsamba at, sa halip, naglingkod kay Jehova. (2 Cronica 34:3-33) Muli, noong unang siglo C.E., bago pinuksa ng mga Romano ang Jerusalem, libu-libong mga tao ang natuto ng katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang layunin at nangagkaisa sa paglilingkod sa kaniya. Nang panahong iyon ang wika ng katotohanan ay lubhang pinagyaman ng mga bagay na ginawa ni Jesu-Kristo bilang katuparan ng layunin ni Jehova. Subalit sa ating sariling kaarawan natutupad sa buong mundo ang hula ni Zefanias. Lahat ng bansa ay tinitipon ngayon sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat sa Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16) Ang pagtitipong iyan ay nagaganap sapol ng pagsilang ng Kaharian noong 1914. At sa panahon ding iyan isinasauli ni Jehova sa mga bayan sa buong daigdig ang isang dalisay na wika bilang katuparan ng hulang ito. Ang pagkatuto ng wikang iyan ay lubhang mahalaga sapagkat ang mga makaliligtas sa dumarating na malaking kapighatian ay mga taong ang dalisay na wikang iyan ang talagang ginawang kanilang wika.—Joel 2:32.
12. (a) Ano ang kaugnayan ng pangitain na nakaulat sa Isaias 6 sa hula tungkol sa isang dalisay na wika? (b) Bakit ang pinahirang nalabi ay nangailangan ng tulong upang patuloy na makapaglingkod kay Jehova sa kalugud-lugod na paraan?
12 Naaayon dito, sa may pasimula ng panahong kasunod ng Digmaang Pandaigdig I sinimulan ni Jehova na buksan ang mga mata ng unawa ng kaniyang pinahirang mga lingkod sa kagila-gilalas na pangitain na nasusulat sa Isaias kabanata 6. (Isa 6 Talatang 1-4) Sa pangitaing ito ay idiniriin ang kahalagahan ng pagkakaroon natin ng malilinis na labi upang makapaglingkod kay Jehova sa kalugud-lugod na paraan. Ipinakikita niyan na, sa sukdulang diwa, si Jehova ay banal. Kailangang makita rin sa kaniyang mga lingkod ang katangiang iyan. (1 Pedro 1:15, 16) Subalit ang pinahirang nalabi ay nangangailangan ng tulong sa bagay na ito. Sa panahon ng Digmaang Pandaigdig I, sa papaano man ay pinayagan nilang sila’y madungisan sa pamamagitan ng pagsangkot sa mga pamamalakad ng sanlibutan. “Ang pagkatakot kay Jehova ay dalisay,” o malinis, ngunit kanilang pinayagang ang pagkatakot sa tao at sa mga organisasyon ng tao ay makaapekto sa kanilang mga labi, pinatahimik ang kanilang paghahayag ng Salita ng Diyos sa malawakang paraan. (Awit 19:9) Sa pamamagitan ng pakikitungo sa Sangkakristiyanuhan, ang nalabi ay may dungis pa rin ng ilan sa kaniyang mga tradisyon at mga gawain.
13, 14. (a) Papaano ipinakita ng nalabi ang tamang saloobin, at anong pagkilos ang ginawa ni Jehova alang-alang sa kanila? (b) Sa anong paraan binigyan ni Jehova ng isang dalisay na wika ang nalabi?
13 Sa pagkatanto ng kanilang kalagayan, sinabi ng nalabi, gaya ng sinabi ni propeta Isaias: “Sa aba ko! Sapagkat ako’y mistulang patay, dahil sa ako’y isang lalaking may maruruming labi, at ako’y tumatahan sa gitna ng bayan na may maruming mga labi; sapagkat nakita ng aking mga mata ang Hari, si Jehova ng mga hukbo, siya mismo!” (Isaias 6:5) Kanilang nakilala na ang kanilang kalagayan ay hindi nakalulugod. Sila’y hindi nagpatuloy sa kahinaan sa paglakad sa maling landas o buong katigasang-loob na tumangging tanggapin ang saway ni Jehova. Sila’y hindi sumama sa klero nang purihin nila ng kanilang mga labi ang Kaharian ng Diyos at pagkatapos ay itinaguyod naman ang Liga ng mga Bansa na para bang ito ang Kahariang iyan.
14 Dahilan sa saloobin ng pagsisisi ng mapagpakumbabang nalabi, sa kaniyang di-sana-nararapat na awa ay nilinis ni Jehova ang kanilang mga labi. Ang Isaias 6:6, 7 ay nagsasabi sa atin: “Nang magkagayon, nilipad ako ng isa sa mga serapin, na may hawak na baga sa kaniyang kamay na kaniyang kinuha ng mga pang-ipit mula sa dambana. At kaniyang hinipo ang aking bibig at nagsabi: ‘Narito! Hinipo nito ang iyong mga labi, at ang iyong kasamaan ay naalis at ang iyong kasalanan mismo ay pinagbayaran.’ ” Ang lumilinis na mensahe buhat sa Salita ng Diyos ang parang apoy na pumuksa sa mga tradisyon at mga turo ng mga tao. Inalis niyaon sa kanilang mga puso ang pagkatakot sa tao at hinalinhan iyon ng nag-aapoy na sigasig na gamitin ang kanilang mga labi upang magparangal kay Jehova. Sa ganoo’y tinupad ni Jehova ang kaniyang pangako na “Sasaulian ang mga bayan ng dalisay na wika [sa literal, malinis na labi], upang silang lahat ay makatawag sa pangalan ni Jehova.”—Zefanias 3:9.
15. Papaanong ang tugon ng nalabi ay kaayon ng dahilan kung bakit ibinigay sa kanila ni Jehova ang dalisay na wika?
15 Kaya nang ang uring Isaias sa modernong-panahon ay magpasimulang makapakinig sa tinig ni Jehova na nagtatanong, gaya ng nasusulat sa Isaias 6:8: “Sino ang susuguin ko, at sino ang yayaon para sa amin?” sila’y may kagalakang tumugon: “Narito ako! Suguin mo ako.” Hindi madali para sa lahat sa kanila na magsimula sa pangmadlang ministeryo, ngunit ibig nila na sila’y magamit ng Diyos bilang isang bayan ukol sa kaniyang pangalan. Ang kaniyang espiritu ang nagpalakas sa kanila. Sila’y dumami.
16. (a) Anong di-inaasahang mga resulta ang ibinunga ng pangangaral ng nalabi? (b) Papaano nagpapatotoo ang malaking pulutong na sila’y nagsasalita na rin ngayon ng dalisay na wika?
16 Dumating ang panahon na nakitang ang kanilang pangangaral ay nagbubunga ng di-inaasahang resulta. Sa pamamagitan nila, tinutulungan noon ni Jehova ang isa pang grupo upang matuto ng dalisay na wika. (Isaias 55:5) Ang mga ito ay hindi nakibahagi sa pag-asang makalangit na buhay, subalit kanilang ibinilang na isang pribilehiyo ang maging mga kasama ng nalabi ng mga tagapagmana ng Kaharian at maglingkod nang balikatan kasama nila bilang mga tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. Sa pasulong na paraan, ang mga ito ay nagsilabas sa “lahat ng bansa at tribo at bayan at wika” hanggang sa ngayon sila’y bumubuo ng “isang malaking pulutong” na may bilang na milyun-milyon. Ang pananalita na lumalabas sa kanilang mga bibig ay hindi yaong uri na magpapakilala sa kanila na sila’y kabilang sa nagkakabaha-bahaging sanlibutan. Ang kanilang pag-asa ay hindi nila inilalagak sa kaninumang tao o kaninumang organisasyon ng tao. Sa halip, “sila’y patuloy na nagsisigawan sa malakas na tinig, na nagsasabi: ‘Ang kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.’ ”—Apocalipsis 7:9, 10.
Ang Hinihiling sa Atin Kung Matuto Tayo ng Wika
17. Bakit mahalaga na tayo’y matutong mabuti ng dalisay na wika at atin pang lalong mapahusay ang kakayahan natin na gamitin iyon?
17 Tayo’y gaano mang katagal na sa organisasyon ni Jehova, malaki pa rin ang magagawa natin upang lalong mapahusay ang ating kaalaman sa dalisay na wika at ang ating kakayahan na gamiting mabuti iyon. Mahalaga na magsumikap na gawin iyan. Bakit? Sapagkat ito’y isang pagpapakita ng ating pag-ibig sa katotohanan.
18, 19. (a) Sa pasimula pa lamang, bakit mahalaga na paunlarin ang matinding pag-ibig sa katotohanan? (b) Bakit mahalaga na patuloy na mapaunlad ang pag-ibig na iyan?
18 Sa pasimula pa lamang, ang gayong pag-ibig ay tumutulong upang buksan ang isip at puso ng isang tao kung kaya’t kaniyang nauunawaan ang mga kasulatan na itinuturo sa kaniya; ito ang nagpapakilos sa kaniya na maging malapit kay Jehova at magpahalaga sa Kaniyang organisasyon. Samakatuwid, ang pag-ibig sa katotohanan ay isang susi sa paglaya buhat sa pagkagapos sa huwad na relihiyon. Ang ibang mga tao ay nag-aangking interesado sa mensahe ng Bibliya subalit hindi naman talagang bumibitiw sa lahat ng natitirang mga bakas ng huwad na relihiyon at sa maluwag na paraan nito ng pamumuhay. Bakit hindi? Gaya ng ipinaliliwanag sa 2 Tesalonica 2:10, hindi nila “tinatanggap ang pag-ibig sa katotohanan upang sila’y maligtas.” Anong pagkahala-halaga nga na taglay natin ang pag-ibig na iyan!
19 Minsang yumakap tayo sa katotohanan, ang ating pagpapaunlad sa pag-ibig na iyan ay isang pangunahing salik sa ating espirituwal na pag-unlad. Isaisip na ang katotohanan ay tinutukoy ni Jehova na isang “wika.” Pagka ang isang tao’y natuto ng isang bagong wika, siya’y kailangang gumamit ng puspusang pagsisikap na mapaunlad ang kaniyang talasalitaan, mabigkas nang tama ang mga salita, matuto ng mga detalye ng balarila, at iba pa. Ang pag-ibig sa bagong wika at sa mga tao na nagsasalita nito ay tutulong sa kaniya na patuloy na sumulong. Baka makapagsalita siya ng wikang iyon sa papaano man pagkatapos ng mga ilang buwan, subalit nangangailangan ng mga taon ng ganap na pagsisikap na magsalita ng wikang iyon tulad ng isang katutubo. Ang ganiyan ding uri ng pagsisikap ang kinakailangan upang maging bihasa sa pagsasalita ng dalisay na wika.
20. (a) Ano ang gumagawa sa dalisay na wika upang maging tunay na dalisay nga? (b) Bakit kailangan ang malaking pag-iingat para sa bawat isa sa atin?
20 Kapansin-pansin na ang wikang ibinibigay ng Diyos sa kaniyang mga lingkod ay sinasabing dalisay. Ito’y totoo, hindi dahilan sa pagkabuo nito ayon sa balarila, kundi dahilan sa ito’y napatutunayan na malinis sa moral at sa espirituwal. Hindi pinapayagan sa wikang ito ang pagsisinungaling, pagdaraya, o isang dilang manlilinlang. Ang mga taong nagsasalita ng wikang ito ay kailangang laging magsasalita ng katotohanan. (Zefanias 3:13; Efeso 4:25) Sa kanilang pananalita ay kailangan ding mabanaag ang matataas na pamantayan ni Jehova tungkol sa seksuwal na moralidad. (Efeso 5:3, 4) Sa atin ay ipinadarama rin ng Kasulatan na lahat ng may kinalaman sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ay marumi. (Apocalipsis 18:2-4) Sa pagkalarawan sa mga diyos nito sila’y tinatawag na “nakapandidiring mga idolo.” (Jeremias 50:2) Angkop, kung gayon, na yaong mga natututo ng dalisay na wika ay mag-alis ng mga bakas ng huwad na pagsamba, magtakuwil ng mga turo nito, umalpas na sa mga selebrasyon nito, at alisin sa kanilang pananalita yaong mga pangungusap na nagbabadya ng maling kaisipan. Bukod dito, sa Apocalipsis 16:13-16, sa atin ay itinatawag-pansin na ang propagandang tumitipon sa mga bansa na salungat sa Kaharian ng Diyos ay marumi rin, palibhasa’y kinasihan ng mga demonyo. Kaya’t tayo’y kailangang maging alisto upang ang ating pangungusap ay huwag mahawahan ng anuman sa maruruming bagay na ito.
21. Ano mayroon ang dalisay na wika bukod sa mga salitang binibigkas?
21 Ang ating natututuhan ay tinatawag na isang wika, at angkop naman na magkagayon, subalit hindi nangangahulugan iyan na ang mga taong nagsasalita niyan ay natututo lamang kung papaano gagamitin ang mga pananalitang karaniwang ginagamit sa bayan ni Jehova. Ang tono ng boses, ang ibinabadya ng mukha, at ang mga pagkumpas ay mahalaga rin. Ang mga ito ay maaaring maghatid ng mga mensahe na hindi maihahatid ng mga salita lamang. Ang mga ito ay kalimitan nagbabadya kung ano nga tayo sa loob. Maaaring magpakita ito kung atin bagang naalis na sa atin ang panibugho, pagkakabaha-bahagi, at mga silakbo ng galit, na pawang mga gawa ng makasalanang laman. Pagka ang espiritu ng Diyos ay malayang kumikilos sa ating buhay, ang bunga nito ay nakikita sa paraan ng ating pakikipagtalastasan sa iba.—Galacia 5:19-23; Efeso 4:31, 32.
22. Pagka ating natutuhang mabuti ang dalisay na wika, papaano naaapektuhan nito ang ating mga pagpapasiya?
22 Sinumang natuto na ng isang dalisay na wika ay nakababatid na isang tunay na pagsulong ang naabot na pagka nakita niyang siya’y aktuwal na nag-iisip ayon sa bagong wika, sa halip na isalin iyon buhat sa kaniyang katutubong diyalekto. Sa katulad din naman na paraan, pagka tayo’y nag-aaral ng katotohanan, gumagamit ng taimtim na pagsisikap na ikapit iyon sa ating buhay, at palagiang ibinabahagi iyon sa iba, unti-unting nakikita nating tayo’y nag-iisip ayon sa pananalita ng katotohanan. Sa tuwina ay hindi naman natin laging pinaghahambing ang dati na at ang bago at nagpupunyagi tayo na pumili. Kahit na sa maliliit na bagay, naaalaala ang mga simulain ng Bibliya upang magbigay ng kinakailangang patnubay.—Kawikaan 4:1-12.
23. Ano man ang kanilang katutubong wika, ano ang nagpapakita na ang mga Saksi ni Jehova sa buong lupa ay pawang nagsasalita ng dalisay na wika?
23 Totoo naman na may libu-libong mga wikang ginagamit ang sangkatauhan, ngunit ang dalisay na wika ay maipahahayag sa lahat ng mga wikang ito. Nagkakaisa, sa buong lupa, ginagamit na mainam ng mga Saksi ni Jehova ang dalisay na wika samantalang sila’y nagbabalikatan ng pagbibigay ng pangmadlang patotoo na nagdadala ng karangalan kay Jehova, ang ating mapagmahal na Diyos.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Ano ang kasali sa kaloob na pagsasalita?
◻ Ano ba ang dalisay na wika?
◻ Kanino natupad ang Zefanias 3:9
◻ Papaano natin mapatutunayan na talagang mahal natin ang dalisay na wika?
[Larawan sa pahina 23]
Ang dalisay na wika ay ibinabahagi sa iba ng mga nakaaalam niyaon
[Larawan sa pahina 25]
Anuman ang kanilang katutubong wika, ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay nagsasalita ng dalisay na wika