Ikalabintatlong Kabanata
“Sabay-Sabay Kayong Humiyaw Nang May Kagalakan”!
1. Bakit pinagmumulan ng kagalakan ang mga makahulang salita ng Isaias kabanata 52, at ano ang dalawang katuparan nito?
PAGLAYA! Mayroon pa kayang higit na nakagagalak na pag-asa para sa isang nabihag na bayan? Yamang ang isang pangunahing tema ng aklat ng Isaias ay ang paglaya at pagsasauli, hindi nga kataka-taka na bukod sa Mga Awit, ang aklat na ito ng Bibliya ay naglalaman ng mas maraming kapahayagan ng kagalakan kaysa sa iba. Ang Isaias kabanata 52 lalo na ay nagbibigay ng dahilan upang magsaya ang bayan ng Diyos. Ang mga makahulang salita nito ay natupad sa Jerusalem noong 537 B.C.E. At ang mga ito’y may mas malaking katuparan may kaugnayan sa “Jerusalem sa itaas,” ang makalangit na organisasyon ni Jehova na binubuo ng mga espiritung nilalang, na kung minsan ay inilalarawan bilang isang ina at isang asawang babae.—Galacia 4:26; Apocalipsis 12:1.
“Magsuot Ka ng Iyong Lakas, O Sion!”
2. Kailan gigising ang Sion, at paano ito magaganap?
2 Sa pamamagitan ni Isaias, si Jehova ay nanawagan sa Kaniyang minamahal na lunsod, ang Sion: “Gumising ka, gumising ka, magsuot ka ng iyong lakas, O Sion! Magsuot ka ng iyong magagandang kasuutan, O Jerusalem, na banal na lunsod! Sapagkat hindi na muling papasok sa iyo ang di-tuli at marumi. Pagpagan mo ng alabok ang iyong sarili, bumangon ka, umupo ka, O Jerusalem. Kalagin mo ang mga panali na nasa iyong leeg, O bihag na anak na babae ng Sion.” (Isaias 52:1, 2) Dahil sa ginalit si Jehova ng mga naninirahan dito, ang Jerusalem ay natiwangwang sa loob ng 70 taon. (2 Hari 24:4; 2 Cronica 36:15-21; Jeremias 25:8-11; Daniel 9:2) Panahon na ngayon upang siya’y gumising mula sa matagal na pagkakatulog at magsuot ng magagandang kasuutan ng kalayaan. Pinakilos ni Jehova ang puso ni Ciro upang palayain ang “bihag na anak na babae ng Sion” nang sa gayon ang dating mga naninirahan sa Jerusalem at ang kanilang mga supling ay makaalis na sa Babilonya, makabalik sa Jerusalem, at maisauli ang tunay na pagsamba. Hindi dapat masumpungan sa Jerusalem ang mga di-tuli at marumi.—Ezra 1:1-4.
3. Bakit matatawag na “anak na babae ng Sion” ang kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano, at sa anong diwa sila pinalaya?
3 Ang mga salitang ito ni Isaias ay natupad din sa Kristiyanong kongregasyon. Mailalarawan ang kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano bilang ang makabagong-panahong “anak na babae ng Sion,” yamang ang “Jerusalem sa itaas” ang kanilang ina.a Matapos palayain sa paganong mga turo at apostatang mga doktrina, dapat panatilihin ng mga pinahiran ang isang malinis na katayuan sa harap ni Jehova, hindi nga sa pamamagitan ng pagiging tuli sa laman, kundi sa pamamagitan ng pagiging tuli sa kanilang mga puso. (Jeremias 31:33; Roma 2:25-29) Lakip dito ang pananatiling malinis sa espirituwal, mental, at moral sa harap ni Jehova.—1 Corinto 7:19; Efeso 2:3.
4. Bagaman hindi kailanman sumuway kay Jehova ang “Jerusalem sa itaas,” anong mga karanasan ng kaniyang mga kinatawan sa lupa ang nakakahawig niyaong sa mga sinaunang naninirahan sa Jerusalem?
4 Totoo, hindi kailanman sumuway kay Jehova ang “Jerusalem sa itaas.” Gayunman, noong unang digmaang pandaigdig, ang kaniyang mga kinatawan sa lupa—ang pinahirang mga Kristiyano—ay di-sinasadyang lumabag sa kautusan ni Jehova dahil sa hindi nila tumpak na naunawaan ang tunay na Kristiyanong neutralidad. Palibhasa’y naiwala ang paglingap ng Diyos, sila’y naging bihag sa espirituwal ng “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 17:5) Umabot sa sukdulan ang kanilang pagkaalipin noong Hunyo 1918 nang ibilanggo ang walong miyembro ng Samahang Watch Tower dahil sa mga maling paratang, isa na rito ang pagsasabuwatan. Nang panahong iyon ay halos natigil ang organisadong pangangaral ng mabuting balita. Gayunman, noong 1919, nagpalabas ng isang mataginting na panawagan na maging gising sa espirituwal. Pinasimulan ng pinahirang mga Kristiyano na lubusang ihiwalay ang kanilang mga sarili mula sa moral at espirituwal na karumihan ng Babilonyang Dakila. Sila’y bumangon mula sa alabok ng pagkabihag, at nakamtan ng “Jerusalem sa itaas” ang kaningningan ng isang “banal na lunsod” na doo’y hindi ipinahihintulot ang espirituwal na karumihan.
5. Bakit may lubos na karapatan si Jehova na tubusin ang kaniyang bayan nang hindi nagbibigay ng kabayaran sa mga bumihag sa kanila?
5 Kapuwa noong 537 B.C.E. at noong 1919 C.E., si Jehova ay may lubos na karapatang palayain ang kaniyang bayan. Nagpaliwanag si Isaias: “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Ipinagbili kayo nang walang kapalit, at tutubusin kayo nang walang salapi.’ ” (Isaias 52:3) Ang sinaunang Babilonya at maging ang Babilonyang Dakila ay walang anumang ibinayad nang alipinin nila ang tipang bayan ng Diyos. Yamang walang naganap na transaksiyon sa salapi, si Jehova pa rin ang legal na May-ari sa kaniyang bayan. Dapat ba siyang makadama ng pagkakautang kaninuman? Hinding-hindi. Sa dalawang kalagayang ito, makatuwiran lamang na tubusin ni Jehova ang kaniyang mga mananamba nang hindi nagbibigay ng anumang kabayaran sa mga bumihag sa kanila.—Isaias 45:13.
6. Anong mga aral mula sa kasaysayan ang hindi binigyang-pansin ng mga kaaway ni Jehova?
6 Walang natutuhang aral mula sa kasaysayan ang mga kaaway ni Jehova. Mababasa natin: “Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova: ‘Sa Ehipto lumusong ang aking bayan noong unang pagkakataon upang manirahan doon bilang mga dayuhan; at siniil naman sila ng Asirya nang walang dahilan.’ ” (Isaias 52:4) Inalipin ng Paraon ng Ehipto ang mga Israelita, na inanyayahang manirahan sa kaniyang lupain bilang mga panauhin. Subalit nilunod ni Jehova si Paraon at ang kaniyang hukbo sa Dagat na Pula. (Exodo 1:11-14; 14:27, 28) Nang pagbantaan ni Haring Senakerib ng Asirya ang Jerusalem, pinatay ng anghel ni Jehova ang 185,000 sundalo ng hari. (Isaias 37:33-37) Sa katulad na paraan, hindi rin matatakasan ng sinaunang Babilonya ni ng Babilonyang Dakila ang kahahantungan ng paniniil sa bayan ng Diyos.
“Makikilala ng Aking Bayan ang Aking Pangalan”
7. Ano ang naging epekto sa pangalan ni Jehova ng pagkabihag ng kaniyang bayan?
7 Ang pagiging bihag ng bayan ni Jehova ay nakaapekto sa kaniyang pangalan, gaya ng ipinakikita ng hula: “ ‘Ngayon, ano ang interes ko rito?’ ang sabi ni Jehova. ‘Sapagkat ang aking bayan ay kinuha nang walang kapalit. Mismong ang mga namamahala sa kanila ay patuloy na nagpapalahaw,’ ang sabi ni Jehova, ‘at lagi na, sa buong araw, ang aking pangalan ay pinakikitunguhan nang walang galang. Sa dahilang iyon ay makikilala ng aking bayan ang aking pangalan, sa dahilang iyon nga sa araw na iyon, sapagkat ako ang Isa na nagsasalita. Narito! Ako nga.’ ” (Isaias 52:5, 6) Ano nga ba ang interes ni Jehova sa situwasyong ito? Ano ang dapat niyang ikabahala kung inaalipin man ang Israel sa Babilonya? Dapat ngang kumilos si Jehova sapagkat binihag ng Babilonya ang kaniyang bayan at nagpapalahaw laban sa kanila dahil sa tagumpay. Ang gayong paghahambog ay humantong sa walang-galang na pakikitungo ng Babilonya sa pangalan ni Jehova. (Ezekiel 36:20, 21) Hindi nito napag-unawa na ang tiwangwang na kalagayan ng Jerusalem ay dahil sa di-pagsang-ayon ni Jehova sa kaniyang bayan. Sa halip, minalas ng Babilonya na ang pagiging alipin ng mga Judio ay patotoo na mahina ang kanilang Diyos. Hinamak pa nga si Jehova ni Belsasar na siyang kasabay na pinuno ng Babilonya sa pamamagitan ng paggamit ng mga sisidlan mula sa Kaniyang templo sa isang piging na parangal sa mga diyos ng Babilonya.—Daniel 5:1-4.
8. Paano pinakitunguhan ang pangalan ni Jehova mula nang mamatay ang mga apostol?
8 Paano kumakapit ang lahat ng ito sa “Jerusalem sa itaas”? Mula nang mag-ugat ang apostasya sa gitna ng mga nag-aangking Kristiyano, masasabing “ang pangalan ng Diyos ay nalalapastangan dahil sa [mga taong iyon] sa gitna ng mga bansa.” (Roma 2:24; Gawa 20:29, 30) May kaugnayan dito, dumating ang panahon na iniwasan na ng mga Judio ang paggamit sa banal na pangalan dahil sa pamahiin. Di-nagtagal pagkamatay ng mga apostol, tumulad na rin ang mga apostatang Kristiyano at hindi na ginamit ang personal na pangalan ng Diyos. Dahil sa apostasya ay natatag ang Sangkakristiyanuhan, isang pangunahing bahagi ng Babilonyang Dakila. (2 Tesalonica 2:3, 7; Apocalipsis 17:5) Ang walang-taros na imoralidad at walang-kahihiyang pagkakasala ng Sangkakristiyanuhan sa dugo ay nagdulot ng malaking upasala sa pangalan ni Jehova.—2 Pedro 2:1, 2.
9, 10. Anong mas malalim na pagkaunawa sa mga pamantayan ni Jehova at sa kaniyang pangalan ang natamo ng tipang bayan ng Diyos sa makabagong panahon?
9 Nang palayain ng Lalong Dakilang Ciro, si Jesus-Kristo, ang tipang bayan ng Diyos mula sa pagkabihag sa Babilonyang Dakila noong 1919, higit nilang naunawaan ang mga kahilingan ni Jehova. Nagpakalinis na sila mula sa maraming turo ng Sangkakristiyanuhan na nag-uugat sa paganismo bago pa ang panahong Kristiyano, gaya ng Trinidad, imortalidad ng kaluluwa, at walang-hanggang pagpapahirap sa maapoy na impiyerno. Ngayon ay sinimulan nilang alisin sa kanilang sarili ang lahat ng bakas ng impluwensiya ng Babilonya. Natanto rin nila ang kahalagahan ng pananatiling ganap na neutral hinggil sa nangyayaring pagkakampi-kampi sa daigdig. Ninais pa man din nilang dalisayin ang kanilang mga sarili mula sa anumang pagkakasala sa dugo na maaaring nagawa ng ilan.
10 Lumalim din ang pagkaunawa ng makabagong-panahong mga lingkod ng Diyos sa kahalagahan ng pangalan ni Jehova. Tinanggap nila noong 1931 ang pangalang mga Saksi ni Jehova, sa gayon ay inihahayag nila sa madla na tinatangkilik nila si Jehova at ang kaniyang pangalan. Bukod diyan, sa paglalathala ng Bagong Sanlibutang Salin sapol noong 1950, naibalik ng mga Saksi ni Jehova ang banal na pangalan sa tamang dako nito sa Bibliya. Oo, pinahahalagahan nila ang pangalan ni Jehova at ipinakikilala ito hanggang sa mga dulo ng lupa.
‘Yaong Nagdadala ng Mabuting Balita’
11. Bakit ang pagbulalas ng “Ang iyong Diyos ay naging hari!” ay angkop sa mga pangyayari noong 537 B.C.E.?
11 Ibalik natin ngayon ang ating pansin sa Sion noong tiwangwang pa ang kaniyang kalagayan. Lumapit ang isang mensahero na may mabuting balita: “Pagkaganda-ganda sa ibabaw ng mga bundok ng mga paa niyaong nagdadala ng mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan, na nagdadala ng mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti, na naghahayag ng kaligtasan, na nagsasabi sa Sion: ‘Ang iyong Diyos ay naging hari!’ ” (Isaias 52:7) Noong 537 B.C.E., paano masasabing ang Diyos ng Sion ay naging Hari? Hindi ba’t noon pa ma’y Hari na si Jehova? Tunay ngang siya ang “Haring walang hanggan”! (Apocalipsis 15:3) Subalit angkop ibulalas na “Ang iyong Diyos ay naging hari!” sapagkat ang pagbagsak ng Babilonya at ang maharlikang proklamasyon na muling itayo ang templo sa Jerusalem at ibalik ang dalisay na pagsamba roon ay nagsisilbing isang bagong kapahayagan ng paghahari ni Jehova.—Awit 97:1.
12. Sino ang nanguna sa ‘pagdadala ng mabuting balita,’ at paano?
12 Noong kapanahunan ni Isaias, walang indibiduwal o grupo ng mga indibiduwal ang nakilala bilang ‘yaong nagdadala ng mabuting balita.’ Gayunman, kilala na ngayon kung sino ang tagapagdala ng mabuting balita. Si Jesu-Kristo ang pinakadakilang mensahero ni Jehova ukol sa kapayapaan. Habang nasa lupa, ipinangaral niya ang mabuting balita na magkakaroon ng paglaya mula sa lahat ng epekto ng kasalanang minana kay Adan, kasali na ang sakit at kamatayan. (Mateo 9:35) Nagpakita si Jesus ng halimbawa ng sigasig sa paghahayag ng mabuting balitang ito ng isang bagay na mas mabuti, anupat sinamantala ang bawat pagkakataon upang makapagturo sa mga tao tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 5:1, 2; Marcos 6:34; Lucas 19:1-10; Juan 4:5-26) At sinunod ng kaniyang mga alagad ang kaniyang halimbawa.
13. (a) Paano pinalawak ni apostol Pablo ang kahulugan ng pananalitang “Pagkaganda-ganda sa ibabaw ng mga bundok ng mga paa niyaong nagdadala ng mabuting balita”? (b) Bakit masasabing ang mga paa ng mga mensahero ay “pagkaganda-ganda”?
13 Sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, sinipi ni apostol Pablo ang Isaias 52:7 upang itampok ang kahalagahan ng gawaing pangangaral ng mabuting balita. Nagbangon siya ng sunud-sunod na tanong na pumupukaw ng kaisipan, lakip na ang ‘Paano maririnig ng mga tao kung walang mangangaral?’ Pagkatapos ay sinabi niya: “Gaya nga ng nasusulat: ‘Pagkaganda-ganda ng mga paa niyaong mga nagpapahayag ng mabuting balita ng mabubuting bagay!’ ” (Roma 10:14, 15) Sa gayon ay pinalawak ni Pablo ang pagkakapit ng Isaias 52:7, na ginagamit ang pangmaramihang anyo na “niyaong mga” sa halip na ang pang-isahang “niyaong,” na nasa orihinal na teksto ng Isaias. Bilang pagtulad kay Jesu-Kristo, lahat ng Kristiyano ay mga mensahero ng mabuting balita ng kapayapaan. Paano naging “pagkaganda-ganda” ng kanilang mga paa? Si Isaias ay nagsalita na para bang ang tagapagbalita ay papalapit sa Jerusalem mula sa karatig na mga bundok ng Juda. Mula sa malayo, imposibleng matanaw ang mga paa ng mensahero. Sa halip, ang pansin ay nakatuon sa mensahero, at ang mga paa ay kumakatawan sa mismong mensahero. Kung paanong si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay isang magandang tanawin para sa maaamo noong unang siglo, ang kasalukuyang-panahong mga Saksi ay isang kasiya-siyang tanawin naman para sa mga mapagpakumbaba na nakikinig sa nagbibigay-buhay na mensahe ng mabuting balita.
14. Paano naging Hari si Jehova sa makabagong panahon, at kailan ito sinimulang ipahayag sa sangkatauhan?
14 Sa makabagong panahon, kailan nagsimulang marinig ang hiyaw na “Ang iyong Diyos ay naging hari!”? Mula noong 1919. Noong taóng iyon sa isang kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, pinukaw ni J. F. Rutherford, na noo’y presidente ng Samahang Watch Tower, ang kaniyang mga tagapakinig sa pamamagitan ng isang pahayag na pinamagatang “Talumpati sa mga Kamanggagawa.” Hinimok ng pahayag, na salig sa Isaias 52:7 at Apocalipsis 15:2, ang lahat ng naroroon na magsagawa ng pangangaral. Sa gayon, ang ‘pagkaganda-gandang mga paa’ ay nagsimulang lumitaw sa “mga bundok.” Ang pinahirang mga Kristiyano muna at nang maglaon ay ang kasama nilang “ibang mga tupa” ang masigasig na humayo upang ipangaral ang mabuting balita na si Jehova ay naging Hari. (Juan 10:16) Paano naging Hari si Jehova? Itinanghal niya nang panibago ang kaniyang pagkahari noong 1914 nang iluklok niya ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, bilang Hari sa bagong-tatag na makalangit na Kaharian. At muli na namang itinanghal ni Jehova ang kaniyang pagkahari noong 1919 nang palayain niya ang “Israel ng Diyos” mula sa Babilonyang Dakila.—Galacia 6:16; Awit 47:8; Apocalipsis 11:15, 17; 19:6.
“Ang Iyong mga Bantay ay Naglakas ng Kanilang Tinig”
15. Sino ang “mga bantay” na naglakas ng kanilang tinig noong 537 B.C.E.?
15 May tumugon ba sa hiyaw na “Ang iyong Diyos ay naging hari!”? Oo. Nag-ulat si Isaias: “Pakinggan mo! Ang iyong mga bantay ay naglakas ng kanilang tinig. Sabay-sabay silang humihiyaw nang may kagalakan; sapagkat magkikita sila nang mata sa mata kapag muling tinipon ni Jehova ang Sion.” (Isaias 52:8) Walang literal na mga bantay ang nakapuwesto sa Jerusalem noong 537 B.C.E. upang salubungin ang unang mga tapon na nagbalik. Ang lunsod ay naiwang tiwangwang sa loob ng 70 taon. (Jeremias 25:11, 12) Kaya ang “mga bantay” na naglakas ng kanilang tinig ay tiyak na yaong mga Israelitang patiunang nakabalita sa pagsasauli ng Sion at nagkaroon ng pananagutang ihatid ang balita sa iba pang mga anak ng Sion. Nang makitang ibinigay ni Jehova ang Babilonya sa mga kamay ni Ciro noong 539 B.C.E., natiyak ng mga bantay na palalayain na ni Jehova ang kaniyang bayan. Kasama ng mga tumutugon sa kanilang panawagan, ang mga bantay ay patuloy na humihiyaw nang may kagalakan, sabay-sabay, na ipinaririnig sa iba ang mabuting balita.
16. Sino ang nakikita ng mga bantay nang “mata sa mata,” at sa anong diwa?
16 Ang alistong mga bantay ay nagkaroon ng isang malapít at personal na kaugnayan kay Jehova, anupat nakikita nila siya nang “mata sa mata,” o mukhaan, wika nga. (Bilang 14:14) Ang kanilang malapít na pakikipag-ugnayan kay Jehova at sa isa’t isa ay nagtatampok sa kanilang pagkakaisa at sa nakagagalak na katangian ng kanilang mensahe.—1 Corinto 1:10.
17, 18. (a) Paano naglalakas ng kaniyang tinig ang makabagong-panahong uring bantay? (b) Sa anong diwa sabay-sabay na nanawagan ang uring bantay?
17 Sa makabagong-panahong katuparan, ang uring bantay, “ang tapat at maingat na alipin,” ay naglalakas ng kaniyang tinig hindi lamang doon sa mga nasa loob na ng nakikitang organisasyon ng Diyos kundi gayundin sa mga tagalabas. (Mateo 24:45-47) Lumabas ang panawagan upang tipunin ang nalabi sa mga pinahiran noong 1919, at pinag-ibayo pa ang paghiyaw noong 1922 sa kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, na may panawagang “ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian.” Mula noong 1935, ibinaling naman ang pansin sa pagtitipon sa isang malaking pulutong ng tulad-tupang mga tao. (Apocalipsis 7:9, 10) Nitong nakaraang mga taon, ang paghahayag ng paghahari ni Jehova ay lalo pang tumindi. Paano? Noong taóng 2000, mga anim na milyon ang nakibahagi sa pagbabalita ng paghahari ni Jehova sa mahigit na 230 lupain at teritoryo. Karagdagan pa, Ang Bantayan, ang pangunahing instrumento ng uring bantay, ay nagpapaabot ng mensahe ng kagalakan sa mahigit na 130 wika.
18 Kailangan ang pagpapakumbaba at pag-ibig na pangkapatid upang makibahagi sa ganitong nagbubuklod na gawain. Upang maging mabisa ang panawagan, dapat ipangaral ng lahat ng kasangkot ang iisang mensahe, na nagtatampok sa pangalan ni Jehova, sa kaniyang inilaang pantubos, sa kaniyang karunungan, sa kaniyang pag-ibig, at sa kaniyang Kaharian. Habang ang mga Kristiyano sa buong daigdig ay gumagawa nang balikatan, napatitibay ang kanilang personal na kaugnayan kay Jehova upang sabay-sabay na maiparinig ang masayang pabalita.
19. (a) Paano sumaya ang “mga wasak na dako ng Jerusalem”? (b) Sa anong diwa “hinubdan ni Jehova ang kaniyang banal na bisig”?
19 Palibhasa’y humihiyaw sa kagalakan ang bayan ng Diyos, maging ang dakong tinatahanan nila ay nagmimistulang masaya. Nagpatuloy ang hula: “Magsaya kayo, sabay-sabay kayong humiyaw nang may kagalakan, kayong mga wasak na dako ng Jerusalem, sapagkat inaliw ni Jehova ang kaniyang bayan; tinubos niya ang Jerusalem. Hinubdan ni Jehova ang kaniyang banal na bisig sa paningin ng lahat ng mga bansa; at makikita ng lahat ng mga dulo ng lupa ang pagliligtas ng ating Diyos.” (Isaias 52:9, 10) Nang dumating ang mga nagsibalik mula sa Babilonya, ang mapapanglaw na lugar ng tiwangwang na Jerusalem ay sumaya dahil sa maisasauli na ngayon ang dalisay na pagsamba kay Jehova. (Isaias 35:1, 2) Maliwanag, may kinalaman si Jehova sa bagay na ito. “Hinubdan [niya] ang kaniyang banal na bisig,” na para bang inilililis ang kaniyang manggas upang ihanda ang sarili sa gagawing pagliligtas sa kaniyang bayan.—Ezra 1:2, 3.
20. Ano ang naging resulta at magiging resulta pa ng paghuhubad ni Jehova ng kaniyang banal na bisig sa modernong panahon?
20 Sa “mga huling araw” na ito, hinubdan ni Jehova ang kaniyang banal na bisig upang muling buhayin ang pinahirang nalabi, ang “dalawang saksi” sa aklat ng Apocalipsis. (2 Timoteo 3:1; Apocalipsis 11:3, 7-13) Mula noong 1919, ang mga ito’y dinala tungo sa isang espirituwal na paraiso, ang espirituwal na kalagayan na kanilang tinatamasa ngayon kapiling ng milyun-milyon nilang kasama, ang ibang mga tupa. Darating ang panahon, huhubdan ni Jehova ang kaniyang banal na bisig upang iligtas ang kaniyang bayan sa “Har-Magedon.” (Apocalipsis 16:14, 16) Sa gayon, “makikita ng lahat ng mga dulo ng lupa ang pagliligtas ng ating Diyos.”
Isang Apurahang Kahilingan
21. (a) Ano ang kahilingan sa mga “nagdadala ng mga kagamitan ni Jehova”? (b) Bakit walang dahilang matakot ang mga Judio na paalis sa Babilonya?
21 Yaong mga lalabas sa Babilonya upang bumalik sa Jerusalem ay may kahilingang dapat na matugunan. Sumulat si Isaias: “Lumayo kayo, lumayo kayo, lumabas kayo riyan, huwag kayong humipo ng anumang bagay na marumi; lumabas kayo mula sa gitna niya, manatili kayong malinis, kayong mga nagdadala ng mga kagamitan ni Jehova. Sapagkat lalabas kayo nang walang takot, at yayaon kayo na hindi parang tumatakas. Sapagkat si Jehova ay yayaon sa unahan ninyo, at ang Diyos ng Israel ang magiging inyong bantay sa likuran.” (Isaias 52:11, 12) Dapat iwanan sa Babilonya ng paalis na mga Israelita ang anumang bagay na may bahid ng huwad na pagsamba ng Babilonya. Yamang dala nila ang mga kagamitan ni Jehova na nanggaling sa templo sa Jerusalem, sila’y dapat na maging malinis, hindi lamang sa panlabas at seremonyal na paraan, kundi pangunahin na sa kanilang mga puso. (2 Hari 24:11-13; Ezra 1:7) Karagdagan pa, si Jehova ay yayaon sa unahan nila kung kaya hindi sila dapat matakot, ni kumaripas ng takbo, na para bang aabutan na sila ng mga uhaw-sa-dugong manunugis. Ang Diyos ng Israel ang kanilang bantay sa likuran.—Ezra 8:21-23.
22. Paano idiniin ni Pablo ang pangangailangan ukol sa kalinisan sa gitna ng pinahirang mga Kristiyano?
22 Ang mga salita ni Isaias tungkol sa pananatiling malinis ay may isang malaking katuparan sa mga supling ng “Jerusalem sa itaas.” Nang payuhan ni Pablo ang mga Kristiyanong taga-Corinto na huwag makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya, sinipi niya ang mga salita sa Isaias 52:11: “ ‘Kaya nga lumabas kayo mula sa kanila, at humiwalay kayo,’ sabi ni Jehova, ‘at tigilan na ninyo ang paghipo sa maruming bagay.’ ” (2 Corinto 6:14-17) Gaya ng mga Israelitang papauwi mula sa Babilonya, kailangan na lubusang layuan ng mga Kristiyano ang huwad na pagsambang Babiloniko.
23. Sa anong mga paraan sinisikap ng mga lingkod ni Jehova sa ngayon na mapanatiling malinis ang kanilang sarili?
23 Lalo nang totoo ito sa pinahirang mga tagasunod ni Jesu-Kristo na tumakas mula sa Babilonyang Dakila noong 1919. Pasulong nilang nilinis ang kanilang sarili mula sa lahat ng bakas ng huwad na pagsamba. (Isaias 8:19, 20; Roma 15:4) Higit din nilang naunawaan ang kahalagahan ng kalinisan sa moral. Bagaman dati nang itinataguyod ng mga Saksi ni Jehova ang matataas na pamantayang moral, naglathala Ang Bantayan ng mga artikulo noong 1952 na nagdiriin sa pangangailangang disiplinahin ang mga taong imoral upang mapanatiling malinis ang kongregasyon. Tinutulungan din ng gayong pagdidisiplina ang taong nagkasala na maunawaan ang pangangailangang magsisi nang taimtim.—1 Corinto 5:6, 7, 9-13; 2 Corinto 7:8-10; 2 Juan 10, 11.
24. (a) Sa makabagong panahon, ano ang “mga kagamitan ni Jehova”? (b) Bakit makapagtitiwala ang mga Kristiyano sa ngayon na si Jehova ay patuloy na yayaon sa unahan nila at magiging bantay rin sa likuran nila?
24 Determinado ang pinahirang mga Kristiyano kasama ang malaking pulutong ng ibang mga tupa na huwag humipo ng anumang bagay na marumi sa espirituwal. Ang kanilang dinalisay at nilinis na kalagayan ang nagpapaging kuwalipikado sa kanila na maging tagapagdala ng “mga kagamitan ni Jehova”—ang mahahalagang paglalaan na ginagawa ng Diyos para sa sagradong paglilingkod sa ministeryo sa bahay-bahay at sa mga pag-aaral sa Bibliya at sa iba pang pitak ng gawaing Kristiyano. Sa pamamagitan ng pagpapanatili ng isang malinis na katayuan, ang bayan ng Diyos sa ngayon ay makapagtitiwala na si Jehova ay patuloy na yayaon sa unahan nila at magiging bantay rin sa likuran nila. Bilang malinis na bayan ng Diyos, napakaraming dahilan upang sila’y ‘sabay-sabay na humiyaw nang may kagalakan’!
[Talababa]
a Tingnan ang Kabanata 15 ng aklat na ito para sa mas malawakang pagtalakay tungkol sa kaugnayan ng “Jerusalem sa itaas” at ng kaniyang pinahirang mga anak sa lupa.
[Larawan sa pahina 183]
Palalayain ang Sion mula sa pagkabihag
[Larawan sa pahina 186]
Pasimula noong 1919, muli na namang lumitaw ang ‘pagkaganda-gandang mga paa’ sa ibabaw ng “mga bundok”
[Larawan sa pahina 189]
Sabay-sabay na nagsasalita ang mga Saksi ni Jehova
[Larawan sa pahina 192]
Dapat na maging malinis sa moral at sa espirituwal yaong mga “nagdadala ng mga kagamitan ni Jehova”