Mga Judio, mga Kristiyano, at ang Mesiyanikong Pag-asa
“Buong pananampalatayang naniniwala ako na ang Mesiyas ay darating, at bagaman siya’y magluwat, gayunman araw-araw ay hihintayin ko ang kaniyang pagdating.”—Moses Maimonides (kilala ring Rambam), (1135-1204).1
MESIYAS! Ang paniniwala sa pagdating niya ay pinagyaman sa gitna ng mga Judio sa loob ng mga dantaon. Gayunman, nang dumating si Jesus ng Nazaret, tinanggihan siya ng karamihan sa mga Judio bilang Mesiyas. Sa kaisipang Judio, si Jesus ay hindi nakatutugon sa mga inaasahan.
Ang “Mesiyas” ay nangangahulugang “pinahirang isa.” Sa mga Judio ang katagang ito ay kumakatawan sa isang inapo ni Haring David na magdadala ng isang maluwalhating pamamahala. (2 Samuel 7:12, 13) Noong kaarawan ni Jesus ang mga Judio ay dumanas ng mga dantaon ng pahirap sa ilalim ng sunud-sunod na pinunong Gentil. Hinahangad nila ang isang pulitikal na tagapagligtas.2 Kaya nang iharap ni Jesus ng Nazaret ang kaniyang sarili bilang ang malaon nang hinihintay na Mesiyas, natural lamang na magkaroon ng malaking katuwaan. (Lucas 4:16-22) Subalit sa malaking kabiguan ng mga Judio, si Jesus ay hindi isang pulitikal na bayani. Sa kabaligtaran, sinasabi niyang ang kaniyang Kaharian ‘ay hindi bahagi ng sanlibutan.’ (Juan 18:36) Higit pa riyan, si Jesus ay hindi nagdala noon ng maluwalhating Mesianikong panahon na inihula ni propeta Isaias. (Isaias 11:4-9) At nang si Jesus ay mamatay bilang isang kriminal, ang bansa sa kabuuan ay nawalan ng interes sa kaniya.
Hindi nahahadlangan ng mga pangyayaring ito, patuloy siyang inihayag ng mga alagad ni Jesus bilang ang Mesiyas. Ano ang dahilan ng kanilang kahanga-hangang sigasig? Ito’y ang paniniwala na ang kamatayan ni Jesus ay katuparan ng hula, lalo na ang hula sa Isaias 52:13–53:12. Ang bahagi nito ay kababasahan ng ganito:
“Narito, Ang aking lingkod ay magtatagumpay, siya’y mabubunyi at malalagay na mataas, . . . sapagkat siya’y tumubo sa harap niya na gaya ng sariwang pananim, at gaya ng ugat sa tuyong lupa . . . Siya’y hinamak, at itinakwil ng mga tao, isang taong may kapanglawan, at bihasa sa karamdaman, at gaya ng isa na pinagkublihan ng kanilang mukha ng mga tao: Siya’y hinamak, at hindi natin hinalagahan siya. Tunay na kaniyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan . . . Siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsalansang: Ang parusa ng tungkol sa ating kapakanan ay nasa kaniya, at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo. Tayong lahat na gaya ng mga tupa ay naligaw, tayo’y tumungo bawat isa sa kaniyang sariling daan . . . Siya’y pinahirapan, gayunma’y nagpakababa at hindi nagbuka ng kaniyang bibig; gaya ng kordero na dinadala sa patayan, . . . siya’y nahiwalay sa lupain ng buháy. . . . At ginawa nila ang kaniyang libingan na kasama ng mga masama.”—JP.a
Isang Nagpakasakit na Mesiyas?
Inihula ba rito ni Isaias ang nagpapakasakit, namamatay na Mesiyas? Karamihan ng makabagong mga komentaristang Judio ay nagsasabi na hindi. Inaangkin ng ilan na ang Nagpakasakit na Lingkod ay ang bansang Israel noong panahon ng pagkabihag nito sa Babilonya. Iniuugnay naman ng iba ang paghihirap noong mga panahon na gaya ng mga Krusada o ng Holocaust ng Nazi.3 Subalit napagtatagumpayan ba ng paliwanag na ito ang masusing pagsusuri? Totoo na sa ilang konteksto ay binabanggit ni Isaias ang Israel bilang “lingkod” ng Diyos. Subalit binabanggit niya ang Israel bilang isang suwail, makasalanang lingkod! (Isaias 42:19; 44:21, 22) Sa gayon ang Encyclopaedia Judaica ay gumagawa ng paghahambing na ito: “Ang tunay na Israel ay makasalanan at ang Lingkod [sa Isaias 53], ay malaya sa kasalanan.”4
Samakatuwid, ang ilan ay nangangatuwiran na ang Lingkod ay kumakatawan sa isang ‘matuwid na piling tao’ sa Israel na nagpakasakit alang-alang sa makasalanang mga Judio.5 Subalit hindi kailanman binanggit ni Isaias ang tungkol sa sinumang piling tao. Sa kabaligtaran, inihula niya na ang buong bansa ay magiging makasalanan! (Isaias 1:5, 6; 59:1-4; ihambing ang Daniel 9:11, 18, 19.) Isa pa, noong panahon ng pagdadalamhati, ang mga Judio ay naghirap sila man ay matuwid o hindi.
Isa pang problema: Para kanino nagpakasakit ang Lingkod? Ang komentaryo ng Judiong Soncino ay nagpapahiwatig na ito’y sa mga taga-Babilonya. Kung gayon, sino ang sinasabing Lingkod na nagpakasakit ‘dahil sa ating mga pagsalansang’? (Isaias 53:5) Makatuwirang bang maniwala na ang mga taga-Babilonya (o ang sinumang iba pang Gentil) ay gagawa ng gayong kamangha-manghang pag-amin—na ang mga Judio ay nagpakasakit alang-alang sa kanila?6
Kawili-wili, kinilala ng ilang unang siglong rabbi (at marami sa kanila mula noon) ang Nagpakasakit na Lingkod ay ang Mesiyas.7 (Tingnan ang kahon sa pahina 11.) Libu-libong Judio ang nakakita sa hindi matatanggihang pagkakatulad sa pagitan ng Nagpakasakit na Lingkod at ni Jesus ng Nazaret. Tulad ng Lingkod na iyon, si Jesus ay may hamak na pinagmulan. Sa wakas, siya ay hinamak at nilayuan. Bagaman wala siyang isinagawang pulitikal na pananakop, dinala niya ang mga karamdaman ng iba, makahimalang pinagagaling ang kanilang mga karamdaman. Bagaman walang-sala, namatay siya dahil sa kawalang-katarungan—isang kamatayan na tinanggap niya nang walang tutol.
Isang Namamatay na Mesiyas?
Bakit kailangang mamatay ang Mesiyas? Ganito ang paliwanag ng Isaias 53:10: “Gayunma’y pinili ng PANGINOON na mabugbog siya at ilagay siya sa pagdaramdam, na, pagka gagawin niya ang kaniyang sarili na isang handog dahil sa kasalanan, makikita niya ang kaniyang lahi at pahahabain niya ang kaniyang buhay, at na sa pamamagitan niya ang layunin ng PANGINOON ay lumago.” (Ta) Ito’y tumutukoy sa gawain ng mga saserdote na paghahandog ng mga haing hayop upang pagbayaran ang kasalanan o pagkakasala. Ang Mesiyas ay daranas ng kahiya-hiyang kamatayan, subalit tulad ng isang inihahandog na hain, ang kaniyang kamatayan ay magiging kabayaran.
Gayunman, kung namatay ang Mesiyas, paano niya matutupad ang mga hula tungkol sa kaniyang maluwalhating pamamahala, gaano pa kaya na “makikita ang kaniyang lahi at pahahabain ang kaniyang buhay”? Makatuwiran nga, sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli mula sa mga patay. (Ihambing ang 1 Hari 17:17-24.) Lulutasin din ng pagkabuhay-muli ng Mesiyas ang waring pagkakasalungatan sa pagitan ng Daniel 7:13, na humula na ang Mesiyas ay matagumpay na darating sa mga alapaap ng langit, at ang Zacarias 9:9, na nagsasabi na siya ay mapakumbabang darating sakay ng isang asno. Sinikap ipaliwanag ng Talmud ang kabalintunaang ito sa pagsasabing: “Kung sila [ang mga Judio] ay karapat-dapat sa papuri, siya ay darating sa mga alapaap ng langit; kung hindi, siya ay darating na mapakumbaba at nakasakay sa isang asno.” (Sanhedrin 98a)8 Nangangahulugan ito na ang hula alinman sa Daniel 7:13 o sa Zacarias 9:9 ay mananatiling hindi natutupad. Gayunman, ang pagkabuhay-muli ng Mesiyas ay magpapangyari sa kaniya na tuparin ang dalawang hula. Sa una, siya ay mapakumbabang darating upang magpakasakit at mamatay. Pagkaraan ng kaniyang pagkabuhay-muli, siya’y babalik sa kaluwalhatian at dadalhin ang makalangit na Mesianikong pamamahala.
Daan-daang Judiong nakasaksi mismo ang nagpapatunay na si Jesus ay dumanas ng pagkabuhay-muli mula sa mga patay. (1 Corinto 15:6) Maaari bang waling-bahala ang mga patotoong iyon?
Judaismo at si Jesus
Tinanggihan ng karamihan ng mga Judio noong unang-siglo si Jesus bilang Mesiyas. Gayunman, siya ay nagkaroon ng matinding epekto sa Judaismo. Bagaman si Jesus ay bihirang binabanggit sa Talmud, sinisikap pa nga ng kaunting nasabi tungkol sa kaniya na “hamakin ang pagkatao ni Jesus na idinadahilan ang kaniyang umano’y pagiging anak sa labas, madyik, at kahiya-hiyang kamatayan.”b—The Jewish Encyclopedia.9
Inaamin ng Judiong iskolar na si Joseph Klausner na ang mga kuwentong ito ay “para bang sinadya upang salungatin ang mga pangyayaring nakaulat sa Ebanghelyo.”11 At may mabuting dahilan! Pinatindi pa ng Iglesya Katolika ang pag-ayaw ng mga Judio kay Jesus dahil sa pagkapoot ng iglesya sa mga Judio. Inilayo pa nito ang mga Judio sa pagpapahayag na si Jesus ang ipinalalagay na ‘Diyos Anak’—bahagi ng hindi maunawaang Trinidad—na tuwirang salungat sa mga turo mismo ni Jesus. Sa Marcos 12:29, sinipi ni Jesus ang Torah, na ang sabi: “Dinggin mo, Oh Israel; ang Panginoon nating Diyos ay isang Panginoon.”—King James Version; Deuteronomio 6:4.
Bagaman tinanggihan ng mga Judio ang pagbabalik-loob, “lubhang naapektuhan ng Kristiyanismo ang Judaismo. Pinilit nito ang mga Rabbi na palitan ang kanilang pagpapahalaga at sa ilang pagkakataon ay baguhin ang kanilang mga palagay.”12 Ang mga rabbi noong unang salinlahi ay naniwala na ang Mesianikong pag-asa ay laganap sa Kasulatan. Nakita nila ang mga silahis ng pag-asang iyon sa mga teksto sa Bibliya gaya ng Genesis 3:15 at Ge 49:10. Ikinapit ng Palestinianong Targum ang katuparan ng naunang talata Ge 3:15 sa “kaarawan ng Haring Mesiyas.”13 Ang Midrash Rabbah ay nagsasabi tungkol sa huling banggit na talata Ge 49:10: “Ito ay tumutukoy sa maharlikang Mesiyas.”14 Ikinakapit din ng Talmud ang mga hula ni Isaias, Daniel, at Zacarias sa Mesiyas.15 “Lahat ng mga propeta ay tanging nagsipanghula sa mga kaarawan ng Mesiyas,” Talmud, Sanhedrin 99a.16
Subalit sa ilalim ng panggigipit ng mga pagsisikap ng Sangkakristiyanuhan na mangumberte, tinasang-muli ng Judaismo ang mga palagay nito. Maraming teksto sa Kasulatan na malaon nang ikinapit sa Mesiyas ay muling binigyang-kahulugan.17 Habang nagbubukang-liwayway ang modernong panahon, sa ilalim ng impluwensiya ng maselang na pagpuna sa Bibliya, ang ilang Judiong iskolar ay naghinuha na ang Mesianikong pag-asa ay wala sa Bibliya!18
Gayunman, ang Mesianikong pag-asa ay muling sumilang sa pagkatatag ng Estado ng Israel noong 1948. Ganito ang sulat ni Harold Ticktin: ‘Itinuturing ng karamihan ng mga pangkat na Judio ang paglitaw ng Estado ng Israel bilang isang dakilang makahulang pangyayari.’19 Gayumpaman, ang isyu kung kailan darating ang malaon nang hinihintay na Mesiyas ay nanatiling hindi malutas sa isipan ng mga Judio. Ang Talmud ay nagsasabi: “Kapag nakita mo ang salinhali na nalilipos ng maraming suliranin gaya ng isang ilog, hintayin mo [ang Mesiyas].” (Sanhedrin 98a)20 Gayunman, ang Judiong Mesiyas ay hindi dumating noong madilim na gabi ng Holocaust ni dumating man noong napakaingay na pagsilang ng Estado ng Israel. Ang isa ay nag-iisip, ‘Ano pa kayang mga kaguluhan ang daranasin ng mga Judio bago dumating ang Mesiyas? ’
Paghanap sa Mesiyas
Ang Mesianikong pag-asa ay isinilang at pinagyaman sa mga Judio. Sa gitna nila ang pag-asang iyon ay lumabo. Ang ningning nito ay halos mapawi ng mga dantaon ng paghihirap at kabiguan. Balintuna, angaw-angaw sa mga bansa, o mga Gentil, ay nagsipunta upang hanapin at sa wakas ay tanggapin ang Mesiyas. Nagkataon ba lamang na sinabi ni Isaias tungkol sa Mesiyas: “Siya’y hahanapin ng mga bansa [Gentil]”? (Isaias 11:10, JP) Hindi ba dapat ding hanapin ng mga Judio mismo ang Mesiyas? Bakit kailangan nilang ipagkait sa kanilang mga sarili ang malaon na nilang pinakahahangad na pag-asa?
Gayunman, ang paghahanap sa isang hinaharap na Mesiyas ay walang saysay. Kung darating siya, paano niya mapatutunayan ang kaniyang sarili bilang isang tunay na inapo ni Haring David? Hindi ba’t nasira ang rekord ng talaangkanan nang mawasak ang ikalawang templo? Bagaman ang mga rekord na iyon ay umiiral noong panahon ni Jesus, ang kaniyang pag-aangkin bilang isang lehitimong inapo ni David ay hindi kailanman matagumpay na hinamon.c Makagagawa kaya ng gayong mga kredensiyal ang sinumang mag-aangking Mesiyas sa hinaharap? Kaya dapat hanapin ng isa ang Mesiyas na dumating noon.
Ito’y humihiling ng pagkuha ng bagong pagtingin kay Jesus, isinasaisang-tabi ang hinakang mga ideya. Ang mga iginuhit na larawan sa simbahan ng isang mahina’t mapagpasakit na lalaki ay malayung-malayo sa tunay na Jesus. Ang mga ulat ng Ebanghelyo—isinulat ng mga Judio—ay nagpapakita sa kaniya bilang isang malakas, maliksing lalaki, isang rabbi na may katangi-tanging karunungan. (Juan 3:2) Sa katunayan, si Jesus ay nakahihigit sa sinumang pulitikal na tagapagligtas na kailanma’y napangarap ng mga Judio. Bilang isang nananakop na Hari, dadalhin niya, hindi ang mahinang pulitikal na estado, kundi isang di-nakikitang makalangit na Kaharian na magsasauli ng Paraiso sa buong lupa at sa ilalim nito “ang lobo ay tatahang kasama ng kordero.”—Isaias 11:6, JP; Apocalipsis 19:11-16.
Mabubuhay ka kaya sa Mesianikong panahong iyon? Pinayuhan ni Maimonides ang mga Judio na basta ‘hintayin ang pagdating ng Mesiyas.’22 Gayunman, ang ating panahon ay totoong kritikal upang isapanganib na hindi maunawaan ang kaniyang pagbalik. Talagang kailangan ng buong lahi ng tao ang isang Mesiyas, isang tagapagligtas sa mga problema na sumasalot sa planetang ito. Kaya panahon na upang hanapin siya—nang marubdob, aktibo. Ang mga Saksi ni Jehova ay nananabik na tulungan kayo na gawin iyon. Tandaan, ang paghanap sa Mesiyas ay hindi pagtataksil sa pamanang Judio, yamang ang Mesianikong pag-asa ay mahalaga sa Judaismo. At sa paghahanap sa Mesiyas, masusumpungan ninyong siya’y dumating na.
Mga Reperensiya
1. The Book of Jewish Knowledge, ni Nathan Ausubel, 1964, pahina 286; Encyclopaedia Judaica, 1971, Tomo 11, pahina 754.
2. The Messiah Idea in Jewish History, ni Julius H. Greenstone, 1973 (orihinal na inilathala noong 1906), pahina 75.
3. Encyclopaedia Judaica, 1971, Tomo 9, pahina 65; Soncino Books of the Bible—Isaiah, inedit ni A. Cohen, 1949, pahina 260; You Take Jesus, I’ll Take God, ni Samuel Levine, 1980, pahina 25.
4. Encyclopaedia Judaica, 1971, Tomo 9, pahina 65.
5. Encyclopaedia Judaica, 1971, Tomo 9, pahina 65; The Suffering Servant in Deutero-Isaiah, ni Christopher R. North, Unang Edisyon, 1948, pahina 9, 202-3.
6. Soncino Books of the Bible—Isaiah, inedit ni A. Cohen, 1949, pahina 261.
7. The Book of Isaiah, komentaryo ni Amos Chakham, 1984, pahina 575; The Targum of Isaiah, inedit ni J. F. Stenning, 1949, pahina 178; The Suffering Servant in Deutero-Isaiah ni Christopher R. North, Unang Edisyon, 1948, pahina 11-15; Encyclopaedia Judaica, 1971, Tomo 9, pahina 65.
8. The Babylonian Talmud, isinalin ni Dr. H. Freedman, 1959, Tomo II, pahina 664.
9. The Jewish Encyclopedia, 1910, Tomo VII, pahina 170.
10. Israelis, Jews, and Jesus, ni Pinchas Lapide, 1979, pahina 73-4.
11. Jesus of Nazareth—His Life, Times, and Teaching, ni Joseph Klausner, 1947 (Unang inilathala sa Gran Britaniya noong 1925), pahina 19.
12. The Jewish People and Jesus Christ, ni Jakób Jocz, 1954 (unang inilathala noong 1949), pahina 153.
13. Neophyti 1, Targum Palestinense, Ms de la Biblioteca Vaticana, Génesis, 1968, Tomo I, pahina 503-4; The Messiah: An Aramaic Interpretation, ni Samson H. Levey, 1974, pahina 2-3.
14. Midrash Rabbah, isinalin at inedit ni Dr. H. Freedman at ni Maurice Simon, 1961 (Unang Edisyon 1939), Tomo II, pahina 956; Chumash With Targum Onkelos, Haphtaroth and Rashi’s Commentary, isinalin ni A. M. Silbermann at M. Rosenbaum, 1985, pahina 245-6.
15. The Babylonian Talmud, isinalin ni Dr. H. Freedman, 1959, Tomo II, pahina 663-5, 670-1 (Sanhedrin 98a, 98b).
16. New Edition of the Babylonian Talmud, inedit at isinalin ni Michael L. Rodkinson, 1903, Bahagi IV, Tomo VIII, pahina 312 (Tract Sanhedrin); The Babylonian Talmud, isinalin ni Dr. H. Freedman, 1959, Tomo II, pahina 670 (Sanhedrin 99a).
17. The Suffering Servant in Deutero-Isaiah, ni Christopher R. North, Unang Edisyon, 1948, pahina 18; The Jewish People and Jesus Christ, ni Jakób Jocz, 1954 (unang inilathala noong 1949), pahina 205-7, 282; The Pentateuch and Haftorahs, inedit ni Dr. J. H. Hertz, 1929-36, Tomo I, pahina 202; Palestinian Judaism in New Testament Times, ni Werner Förster, isinalin ni Gordon E. Harris, 1964, pahina 199-200.
18. Encyclopaedia Judaica, 1971, Tomo 11, pahina 1407; U.S. Catholic, Disyembre 1983, pahina 20.
19. U.S. Catholic, Disyembre 1983, pahina 21; What Is Judaism?, ni Emil L. Fackenheim, 1987, pahina 268-9.
20. The Babylonian Talmud, isinalin ni Dr. H. Freedman, 1959, Tomo II, pahina 663.
21. The Works of Josephus, isinalin ni William Whiston, 1987, “The Life of Flavius Josephus,” 1:1-6, at “Flavius Josephus Against Apion,” talababa sa 7:31, 32.
22. The Book of Jewish Knowledge, ni Nathan Ausubel, 1964, pahina 286.
23. The Targum of Isaiah, inedit ni J. F. Stenning, 1949, pahina vii, 178; The Messiah: An Aramaic Interpretation, ni Samson H. Levey, 1974, pahina 63, 66-7; The Suffering Servant in Deutero-Isaiah, ni Christopher R. North, Unang Edisyon, 1948, pahina 11.
24. The Fifty-Third Chapter of Isaiah—According to the Jewish Interpreters, nina S. R. Driver at A. Neubauer, 1969, Tomo II, pahina 7; New Edition of the Babylonian Talmud, inedit at isinalin ni Michael L. Rodkinson, 1903, Bahagi IV, Tomo VIII, pahina 310.
25. The Fifty-Third Chapter of Isaiah—According to the Jewish Interpreters, nina S. R. Driver at A. Neubauer, 1969, Tomo II, pahina 374-5.
26. The Fifty-Third Chapter of Isaiah—According to the Jewish Interpreters, nina S. R. Driver at A. Neubauer, 1969, Tomo II, pahina x, 99-100.
[Mga talababa]
a Lahat ng mga pagsipi sa Hebreong Kasulatan ay hinango alin sa The Holy Scriptures (JP) o sa Tanakh (Ta), kapuwa ng The Jewish Publication Society of America.
b Sabi ng iskolar na Israeli na si Pinchas Lapide: “Ang mga pagsipi kay Jesus sa Talmud . . . ay sinira, pinilipit, o binura ng mga tagasuri ng simbahan.” Sa gayon “mas malamang na si Jesus ay orihinal na may mas malaking epekto sa rabinikal na literatura kaysa pinatutunayan ng mga pirasong taglay natin sa ngayon.”—Israelis, Jews, and Jesus.10
c Tingnan ang The Life of Flavius Josephus, 1:1-6.21
[Kahon sa pahina 11]
Ang Nagpakasakit na Lingkod sa Rabinikal na mga Sulat
Sa nakalipas na mga dantaon ikinapit ng maraming iginagalang na Judiong awtoridad ang hula ng Isaias 52:13–53:12 sa Mesiyas:
Ang Targum ni Jonathan ben Uzziel (Unang siglo C.E.) Sa pagsasalin nito ng Isaias 52:13, ang Targum ay nagsasabi: “Narito, ang lingkod ko, ang Pinahirang Isa (o, ang Mesiyas) ay magtatagumpay.”23
Ang Babilonikong Talmud (Sanhedrin 98b) (noong ika-3 siglo C.E.): “Ang Mesiyas—ano ang pangalan niya? . . . Sabi ng mga Rabbi, Ang ketongin [; yaong] nasa bahay ng Rabbi [ay nagsasabi, Ang may sakit], yamang sinasabi, ‘Tunay na dinala niya ang ating mga karamdaman.’”—Ihambing ang Isaias 53:4.24
Moses Maimonides (Rambam) (ika-12 siglo): “Papaano darating ang Mesiyas, at saang dako siya unang magpapakita? . . . Sa mga salita ng Isaias [52:15], nang inilalarawan ang paraan kung paano makikinig sa kaniya ang mga hari, Ang mga hari ay magtitikom ng bibig dahil sa kaniya.”25
Moses ibn Crispin Cohen (ika-14 na siglo): “Nasisiyahan akong bigyan-kahulugan ang [Isaias 53], ayon sa turo ng aming mga Rabbi, tungkol sa Haring Mesiyas, at ako’y magiging maingat, hangga’t magagawa ko, na manghawakan sa literal na diwa: sa gayon, maaaring, makalaya ako sa sapilitan at malayong mga interpretasyon na nagawa ng ibang [komentaristang Judio].”26
[Mga larawan sa pahina 10]
Tinanggihan ng karamihan ng mga Judio ang ideya ng isang “nagpakasakit na Mesiyas.” Salungat ito sa kanilang inaasahan na isang nagtatagumpay na Hari
[Larawan sa pahina 12]
Tanging ang Mesiyas lamang ang makapagdadala ng maluwalhating mga kalagayang inihula ni Isaias