Ang Bibliya—Aklat ng Mapananaligang mga Hula, Bahagi 3
“Nasumpungan Na Namin ang Mesiyas”
Sa seryeng ito na may walong bahagi, tatalakayin ng “Gumising!” ang isang kahanga-hangang katangian ng Bibliya—ang mga hula nito, o prediksiyon. Tutulungan ka ng mga artikulong ito na masagot ang sumusunod na mga tanong: Ang mga hula ba ng Bibliya ay inimbento lang ng matatalinong tao? O ang mga ito ay nagmula sa Diyos? Inaanyayahan ka naming suriin ang katibayan.
MARAMING siglo bago isinilang si Jesus, inihula ng mga propetang Hebreo ang pagdating ng Mesiyas, na sa Hebreo ay nangangahulugang “Pinahiran.” Nagbigay sila ng espesipikong mga detalye tungkol sa magiging buhay ng Mesiyas—maging ang angkang pagmumulan niya—kung saan siya isisilang, kung kailan siya darating, at kung ano ang mangyayari sa kaniya.
Naniwala ang mga Kristiyano noong unang siglo na ang mga hulang ito ay natupad kay Jesus. Nadama rin nila ang nadama ng alagad na si Andres, na nagsabi sa kapatid niyang si Simon: “Nasumpungan na namin ang Mesiyas.” (Juan 1:40, 41) Tama ba sila? Tingnan natin ang apat sa maraming hula tungkol sa Mesiyas, at suriin natin ang ebidensiya para sa bawat hula.
Hula 1: “Luluklok siya sa trono ni David.”—Isaias 9:7, “Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.”
Katuparan: Ang Ebanghelyo ni Mateo ay nagsimula sa ganitong pananalita: “Ang aklat ng kasaysayan ni Jesu-Kristo, na anak ni David, na anak ni Abraham.” Saka tinalunton ni Mateo ang talaangkanan ni Jesus sa linya ni David, gaya ng ginawa ng isa pang manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas.—Mateo 1:1-16; Lucas 3:23-38.
Ang ipinakikita ng kasaysayan:
● Batay sa mga akda ng Judiong istoryador na si Josephus, ang rekord ng talaangkanan ng mga pamilyang Judio ay iniingatan noon sa mga pampublikong artsibo. Nasira ang mga rekord na iyon noong 70 C.E. nang wasakin ang Jerusalem. Pero bago nito, alam ng maraming tao na si Jesus ay talagang inapo ni David. (Mateo 9:27; 20:30; 21:9) Kung hindi totoo iyon, kinuwestiyon na sana iyon ng sinuman o pinabulaanan pa nga. Pero walang ulat na may sinumang nagtangkang gawin iyon.
Hula 2: “O Betlehem Eprata, na napakaliit upang mapabilang sa libu-libo ng Juda, mula sa iyo ay lalabas para sa akin ang isa na magiging tagapamahala sa Israel.”—Mikas 5:2.
Katuparan: Isinilang si Jesus sa Betlehem. Nang mag-utos ng sensus si Cesar Augusto, kinailangan ng ama-amahan ni Jesus na si Jose na umalis ng Nazaret para pumunta sa “Judea [Juda], sa lunsod ni David, na tinatawag na Betlehem, dahil sa kaniyang pagiging miyembro ng sambahayan at pamilya ni David, upang magparehistrong kasama ni Maria.” Doon “isinilang [ni Maria] ang kaniyang anak na lalaki,” si Jesus.—Lucas 2:1-7.
Ang ipinakikita ng kasaysayan:
● Pinatutunayan ng arkeolohiya na ang mga Romano ay nagsasagawa noon ng sensus sa Gitnang Silangan para sa paniningil ng buwis at pangangalap ng sundalo. Ang isang halimbawa nito ay ang sensus na ipinakuha ng Romanong gobernador ng Ehipto noong 104 C.E. Ang isang kopya ng utos na iyon, na ngayo’y nasa British Library, ay nagsasabi: “Kapag panahon na ng sensus, ang sinumang naninirahan sa labas ng kanilang mga distrito, anuman ang kanilang dahilan, ay kailangang umuwi upang matupad nila ang kautusan sa sensus at masigurong naaasikaso nila ang kani-kanilang lupain.”
● Noong panahong isilang si Jesus, dalawang bayan sa Israel ang tinatawag na Betlehem. Ang isa ay nasa hilaga malapit sa Nazaret. Ang isa naman, na lumilitaw na tinatawag noon na Eprat (o Eprata), ay malapit sa Jerusalem sa Juda. (Genesis 35:19) Si Jesus ay isinilang sa Eprata, gaya ng inihula ni Mikas mga walong siglo ang kaagahan.
Hula 3: “Mula sa paglabas ng salita na isauli at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa Mesiyas na Lider, magkakaroon ng pitong sanlinggo, gayundin ng animnapu’t dalawang sanlinggo.”—Daniel 9:25.
Katuparan: Ang haba ng panahon na tinutukoy sa hula ni Daniel ay 69 na yugto na 7 taon bawat isa, o 483 taon. Sinimulan ang muling pagtatayo ng Jerusalem noong 455 B.C.E. Gaya ng inihula, pagkaraan ng 483 taon (69 na sanlinggo ng mga taon), noong 29 C.E., si Jesus ay naging ang Pinahiran, o Mesiyas, nang mabautismuhan siya at pahiran ng banal na espiritu ng Diyos.a—Lucas 3:21, 22.
Ang ipinakikita ng kasaysayan:
● Noong maagang bahagi ng unang siglo C.E., “ang mga tao ay naghihintay” sa pagdating ng Mesiyas. (Lucas 3:15) Sa kaniyang aklat na A History of Messianic Speculation in Israel, isinulat ng Judiong iskolar na si Abba Hillel Silver na ang yugto ng panahon bago wasakin ang Jerusalem ay “nakasaksi ng isang pambihirang silakbo ng pananabik sa Mesiyas.” Sinabi rin niya na “ang Mesiyas ay inaasahan sa bandang kalagitnaan ng unang siglo.” Ang pananabik ng mga Judio, ayon kay Silver, ay salig sa “popular na kronolohiya ng kaarawang iyon.”
Hula 4: “Ang kaniyang dakong libingan ay gagawin niyang kasama nga ng mga balakyot, at kasama ng mga uring mayaman sa kaniyang kamatayan.”—Isaias 53:9.
Katuparan: Si Jesus ay pinatay kasama ng dalawang kriminal, pero inilagay siya sa isang libingang inuka sa bato, na ipinagkaloob ng isang mayamang mananampalataya, si Jose ng Arimatea.—Mateo 27:38, 57-60; Juan 19:38.
Ang ipinakikita ng kasaysayan:
● Maraming sinaunang manunulat na di-Kristiyano—kabilang na ang Judiong istoryador na si Josephus at ang Romanong istoryador na si Tacitus—ang nagpatunay na si Jesus ay hinatulan ng kamatayan bilang isang kriminal.
● Natuklasan sa arkeolohikal na pagsusuri sa Palestina ang ilang sinaunang libingan na may mga silid o kompartment na inuka sa bato. Ang patiunang paghahanda ng gayong libingan ay hindi problema para sa isang mayaman at maimpluwensiyang taong gaya ni Jose ng Arimatea.
Ang mga tinalakay natin ay ilan lang sa maraming Mesiyanikong hula na natupad kay Jesus. Maliwanag na hindi kayang dayain ninuman ang katuparan ng detalyadong mga hulang ito. Ang eksaktong katuparan ng mga ito ay nagpapatibay sa ating pananampalataya na ang Diyos ang Pinagmulan ng mga ito at na tutuparin din niya ang lahat ng inihulang pagpapala sa pamamagitan ng Mesiyas para sa masunuring mga tao.
Sa susunod na artikulo ng seryeng ito, tatalakayin naman natin ang isang magandang tanong: Kung si Jesus talaga ang ipinangakong Mesiyas, bakit niya hinayaang pahirapan at patayin siya?
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa hulang ito may kinalaman sa pagdating ng Mesiyas, tingnan ang pahina 197-199 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Chart/Mga larawan sa pahina 22, 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MAHAHALAGANG PANGYAYARI TUNGKOL SA APAT NA MESIYANIKONG HULA
1 Ang Mesiyas ay magmumula sa angkan ni Haring David
1070 B.C.E.
Naging hari ng Israel si David
607 B.C.E.
Winasak ng mga Babilonyo ang Jerusalem
455 B.C.E.
Ibinigay ang utos na isauli at muling itayo ang Jerusalem
2 Ang Mesiyas ay isisilang sa Betlehem ng Juda
2 B.C.E.
Si Jesus ay isinilang sa Betlehem ng Juda sa angkan ni David
3 Ang Mesiyas ay darating pagkaraan ng 483 taon matapos ibigay ang utos na muling itayo ang Jerusalem
29 C.E.
Si Jesus ay binautismuhan at pinahiran bilang ang Mesiyas
4 Ang Mesiyas ay mamamatay kasama ng mga makasalanan pero ililibing kasama ng mayayaman
33 C.E.
Si Jesus ay namatay kasama ng mga kriminal pero inilibing kasama ng mayayaman