ARALIN 57
Paano Kung Nakagawa Ka ng Malubhang Kasalanan?
Kahit mahal na mahal mo si Jehova at nagsisikap kang hindi siya masaktan, nagkakamali ka pa rin kung minsan. Pero may ilang kasalanan na mas malubha kaysa sa iba. (1 Corinto 6:9, 10) Kung makagawa ka ng malubhang kasalanan, tandaan na mahal ka pa rin ni Jehova. Handa ka niyang patawarin at tutulungan ka niya.
1. Ano ang kailangan nating gawin para mapatawad tayo ni Jehova?
Kapag nakagawa ng malubhang kasalanan ang mga taong nagmamahal kay Jehova, siguradong napakalungkot nila. Pero nakakapagpatibay ang pangako ni Jehova sa mga lingkod niya: “Kahit na ang mga kasalanan ninyo ay gaya ng iskarlata, mapapuputi ang mga ito na gaya ng niyebe.” (Isaias 1:18) Kung talagang nagsisisi tayo, siguradong papatawarin tayo ni Jehova. Paano natin maipapakita ang pagsisisi? Kung talagang nalulungkot tayo dahil sa ginawa natin, ihihinto natin ito at hihingi tayo ng kapatawaran kay Jehova. Magsisikap din tayong baguhin ang maling kaisipan o gawain na naging dahilan ng pagkakasala natin. At gagawin natin ang lahat para masunod ang malinis na pamantayan ni Jehova.—Basahin ang Isaias 55:6, 7.
2. Paano ginagamit ni Jehova ang mga elder para tulungan tayo kapag nagkasala tayo?
Kung makagawa tayo ng malubhang kasalanan, sinasabi ni Jehova na “tawagin [natin] ang matatandang lalaki sa kongregasyon.” (Basahin ang Santiago 5:14, 15.) Mahal ng mga inatasang lalaking ito si Jehova at ang mga tupa niya. Matutulungan nila tayong maibalik ang magandang kaugnayan natin kay Jehova kasi tinuruan sila kung paano gagawin iyon.—Galacia 6:1.
Paano tayo matutulungan ng mga elder kapag nakagawa tayo ng malubhang kasalanan? Gagamitin ng dalawa o tatlong elder ang Bibliya para maituwid tayo. Papayuhan nila tayo at sasabihin ang mga puwede nating gawin para hindi na natin maulit ang kasalanan natin. Kapag hindi nagsisi ang isang taong nakagawa ng malubhang kasalanan, aalisin siya ng mga elder sa kongregasyon para hindi siya makaimpluwensiya sa iba.
PAG-ARALAN
Pahalagahan at mas unawain pa kung paano tayo tinutulungan ni Jehova kapag nakagawa tayo ng malubhang kasalanan.
3. Makakatulong kung ipagtatapat natin ang ating kasalanan
Nasasaktan si Jehova kapag nakakagawa tayo ng kasalanan. Kaya tama lang na ipagtapat natin ito sa kaniya. Basahin ang Awit 32:1-5. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Bakit makakabuting ipagtapat kay Jehova ang mga kasalanan natin imbes na itago ito?
Bukod sa pagtatapat kay Jehova, makakatulong din kung hihingi tayo ng tulong sa mga elder. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano tinulungan ng mga elder si Canon na manumbalik kay Jehova?
Kailangan nating ipagtapat sa mga elder ang lahat ng nagawa natin. Nandiyan sila para tulungan tayo. Basahin ang Santiago 5:16. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Bakit magiging madali para sa mga elder na tulungan ka kung ipagtatapat mo sa kanila ang lahat?
4. Nagpapakita si Jehova ng awa sa mga nagkasala
Kung ayaw pa ring sumunod sa pamantayan ni Jehova ang isang taong nakagawa ng malubhang kasalanan, aalisin siya sa kongregasyon, at hindi na tayo makikisama sa kaniya. Basahin ang 1 Corinto 5:6, 11. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Gaya ng lebadura na nagpapaalsa sa tinapay, paano puwedeng impluwensiyahan ng isang di-nagsisisi ang kongregasyon?
Tinutularan ng mga elder ang awa na ipinapakita ni Jehova sa mga nagkasala, kaya sila ang nauunang lumapit sa mga inalis sa kongregasyon para tulungan ang mga ito. Marami sa mga inalis ang nakabalik sa kongregasyon. Bakit? Dahil kahit masakit, nakatulong ito para ma-realize nila ang pagkakamali nila.—Awit 141:5.
Sa pakikitungo ni Jehova sa mga nagkasala, paano natin nakita na makatuwiran, maawain, at maibigin siya?
5. Pinapatawad ni Jehova ang mga nagsisisi
Gumamit si Jesus ng isang ilustrasyon para maunawaan natin ang nararamdaman ni Jehova sa isang taong nagsisisi. Basahin ang Lucas 15:1-7. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang itinuturo ng tekstong ito tungkol kay Jehova?
Basahin ang Ezekiel 33:11. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang kailangan mong gawin para patunayang nagsisisi ka?
MAY NAGSASABI: “Natatakot akong sabihin sa mga elder ang kasalanan ko, kasi baka alisin nila ako sa kongregasyon.”
Ano ang sasabihin mo sa kaniya?
SUMARYO
Kung makagawa tayo ng malubhang kasalanan, papatawarin tayo ni Jehova kung magsisisi tayo at magsisikap na hindi ito ulitin.
Ano ang Natutuhan Mo?
Bakit magandang ipagtapat kay Jehova ang mga kasalanan natin?
Ano ang kailangan nating gawin para mapatawad ang mga kasalanan natin?
Kung makagawa tayo ng malubhang kasalanan, bakit mahalagang humingi ng tulong sa mga elder?
TINGNAN DIN
Tingnan kung paano naramdaman ng isang lalaki ang awa ni Jehova gaya ng paglalarawan sa Isaias 1:18.
Paano sinisikap ng mga elder na tulungan ang mga nakagawa ng malubhang kasalanan?.
“Pag-ibig at Awa sa mga Nagkasala” (Ang Bantayan, Agosto 2024)
Tingnan kung paano pinagpapakitaan ng pag-ibig at awa ang mga di-nagsisising nagkasala.
“Tulong Para sa mga Inalis sa Kongregasyon” (Ang Bantayan, Agosto 2024)
Sa kuwentong “Dapat Akong Manumbalik kay Jehova,” alamin kung bakit naramdaman ng isang lalaki na tinulungan siya ni Jehova na makabalik sa kongregasyon.
“Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay” (Ang Bantayan, Abril 1, 2012)