Ikalabimpitong Kabanata
Natitipon ang mga Banyaga sa Bahay-Panalanginan ng Diyos
1, 2. Anong nakapananabik na patalastas ang ibinigay noong 1935, at bahagi ito ng ano?
NOONG Biyernes, Mayo 31, 1935, nagpahayag si Joseph F. Rutherford sa mga naroroon sa kombensiyon sa Washington, D.C. Tinalakay niya ang pagkakakilanlan ng “malaking pulutong,” o “lubhang karamihan,” na nakita ni apostol Juan sa pangitain. Sa kasukdulan ng pahayag ni Brother Rutherford, humiling siya: “Mangyari lamang na lahat ng mga may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa ay magsitayo.” Ayon sa isa sa mga dumalo, “mahigit sa kalahati ng mga tagapakinig ang nagsitayo.” Saka sinabi ng tagapagsalita: “Narito! Ang lubhang karamihan!” Nagunita ng isa pang naroroon: “Sa pasimula ay katahimikan, pagkatapos ay nagkakatuwaang sigawan, at ang palakpakan ay malakas at mahaba.”—Apocalipsis 7:9; King James Version.
2 Iyan ay isang katangi-tanging sandali sa patuloy na katuparan ng isang hulang isinulat mga 2,700 taon na ang nakalilipas at makikita sa ating mga Bibliya bilang ang Isaias kabanata 56. Gaya ng marami pang ibang hula sa Isaias, ang isang ito ay kinapapalooban kapuwa ng nakaaaliw na mga pangako at mahihigpit na babala. Sa unang pagkakapit, ito’y patungkol sa tipang bayan ng Diyos noong panahon mismo ni Isaias, subalit ang katuparan nito’y sumasaklaw sa mga siglo hanggang sa ating panahon.
Ang Kahilingan Ukol sa Kaligtasan
3. Kung nais ng mga Judio ng kaligtasan mula sa Diyos, ano ang dapat nilang gawin?
3 Ang Isaias kabanata 56 ay nagsisimula sa pagbibigay-babala sa mga Judio. Gayunman, lahat ng tunay na mananamba ay dapat magbigay-pansin sa isinulat ng propeta. Mababasa natin: “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Ingatan ninyo ang katarungan, at gawin ninyo ang matuwid. Sapagkat ang aking pagliligtas ay malapit nang dumating, at ang aking katuwiran ay masisiwalat na. Maligaya ang taong mortal na gumagawa nito, at ang anak ng sangkatauhan na nanghahawakan dito, na nangingilin ng sabbath upang huwag itong malapastangan, at nag-iingat ng kaniyang kamay upang huwag makagawa ng anumang uri ng kasamaan.’ ” (Isaias 56:1, 2) Ang mga naninirahan sa Juda na nagnanais ng kaligtasan mula sa Diyos ay dapat sumunod sa Kautusang Mosaiko, anupat nag-iingat ng katarungan at may matuwid na pamumuhay. Bakit? Sapagkat si Jehova mismo ay matuwid. Yaong mga nagtataguyod ng katuwiran ay nagtatamasa ng kaligayahang dulot ng paglingap ni Jehova.—Awit 144:15b.
4. Bakit mahalaga sa Israel ang pangingilin ng Sabbath?
4 Itinatampok ng hula ang pangingilin ng Sabbath sapagkat ang Sabbath ay isang mahalagang bahagi ng Kautusang Mosaiko. Sa katunayan, ang isa sa mga dahilan kung bakit nang maglaon ay naging tapon ang mga naninirahan sa Juda ay dahil sa kanilang pagpapabaya sa Sabbath. (Levitico 26:34, 35; 2 Cronica 36:20, 21) Ang Sabbath ay isang tanda ng pantanging kaugnayan ni Jehova sa mga Judio, at ipinakikita niyaong mga nangingilin ng Sabbath na pinahahalagahan nila ang ugnayang iyan. (Exodo 31:13) Isa pa, ang pangingilin ng Sabbath ay magpapagunita sa mga kapanahon ni Isaias na si Jehova ang Maylalang. Ang gayong pangingilin ay magpapaalaala rin ng kaniyang awa sa kanila. (Exodo 20:8-11; Deuteronomio 5:12-15) Kahuli-hulihan, ang pangingilin ng Sabbath ay maglalaan ng regular at organisadong kaayusan para sa pagsamba kay Jehova. Ang pamamahinga minsan sa isang linggo mula sa kanilang regular na trabaho ay magbibigay ng pagkakataon sa mga naninirahan sa Juda para sa pananalangin, pag-aaral, at pagbubulay-bulay.
5. Bilang simulain, paano maikakapit ng mga Kristiyano ang payo na mangilin ng Sabbath?
5 Kumusta naman ang mga Kristiyano? Ang pagpapasigla ba na ipangilin ang Sabbath ay kapit sa kanila? Hindi naman tuwiran, yamang ang mga Kristiyano ay hindi sakop ng Kautusan kung kaya hindi sila obligado na mangilin ng Sabbath. (Colosas 2:16, 17) Gayunman, ipinaliwanag ni apostol Pablo na may “sabbath na pagpapahinga” para sa mga tapat na Kristiyano. Ang “sabbath na pagpapahinga[ng]” ito ay nangangahulugan ng pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus para sa kaligtasan at pagtigil na manalig sa mga gawa lamang. (Hebreo 4:6-10) Sa gayon, ang mga salita sa hula ni Isaias hinggil sa Sabbath ay nagpapaalaala sa mga lingkod ni Jehova sa ngayon ng mahigpit na pangangailangan na sumampalataya sa kaayusan ng Diyos para sa kaligtasan. Isa rin itong mainam na paalaala sa pangangailangang maglinang ng isang malapít na kaugnayan kay Jehova at magtaguyod ng isang landasin ng regular at matatag na pagsamba.
Kaaliwan Para sa Banyaga at sa Bating
6. Anong dalawang grupo ang binibigyang-pansin sa ngayon?
6 Nakikipag-usap ngayon si Jehova sa dalawang grupo na nais maglingkod sa kaniya subalit dahil sa Kautusang Mosaiko ay di-kuwalipikadong pumasok sa kongregasyong Judio. Mababasa natin: “Huwag sabihin ng banyaga na lumakip kay Jehova, ‘Walang alinlangang ibubukod ako ni Jehova mula sa kaniyang bayan.’ Ni sabihin man ng bating, ‘Narito! Ako ay punungkahoy na tuyo.’ ” (Isaias 56:3) Natatakot ang banyaga na siya’y ihihiwalay sa Israel. Nababahala naman ang bating na hindi siya magkakaanak kailanman upang mapanatili ang kaniyang pangalan. Ang dalawang grupong ito ay dapat na magpakatibay-loob. Bago natin alamin kung bakit, isaalang-alang muna natin ang kalagayan nila sa ilalim ng Kautusan may kaugnayan sa bansang Israel.
7. Anong mga limitasyon ang itinatakda ng Kautusan para sa mga banyaga sa Israel?
7 Ang mga di-tuling banyaga ay hindi pinahihintulutang makisama sa Israel sa pagsamba. Halimbawa, hindi sila pinapayagang makisalo sa Paskuwa. (Exodo 12:43) Ang mga banyagang hindi tahasang lumalabag sa mga kautusan ng lupain ay nagtatamasa ng katarungan at pagkamapagpatuloy, subalit wala silang permanenteng kaugnayan sa bansa. Mangyari pa, ang ilan ay lubusang yumayakap sa Kautusan, at bilang tanda nito, ang mga kalalakihan ay nagpapatuli. Pagkatapos ay nagiging mga proselita sila, anupat nagkakaroon ng pribilehiyong sumamba sa looban ng bahay ni Jehova at itinuturing na bahagi ng kongregasyon ng Israel. (Levitico 17:10-14; 20:2; 24:22) Magkagayunman, hindi pa rin lubusang kasali ang mga proselita sa tipan ni Jehova sa Israel, at wala silang pamanang lupain sa Lupang Pangako. Ang ibang banyaga ay maaaring humarap sa templo upang manalangin, at maliwanag na maaari silang maghandog ng mga hain sa pamamagitan ng mga saserdote hangga’t ang mga hain ay ayon sa Kautusan. (Levitico 22:25; 1 Hari 8:41-43) Subalit ang mga Israelita ay hindi dapat magkaroon ng matalik na pakikisalamuha sa kanila.
Tumanggap ng Isang Pangalan ang mga Bating Hanggang sa Panahong Walang Takda
8. (a) Sa ilalim ng Kautusan, ano ang pangmalas sa mga bating? (b) Paano ginamit ang mga bating sa paganong mga bansa, at sa ano kung minsan maaaring tumukoy ang terminong “bating”?
8 Ang mga bating, kahit pa ang mga magulang nila’y mga Judio, ay hindi pinahihintulutang maging ganap na miyembro ng bansang Israel.a (Deuteronomio 23:1) Sa ilang paganong bansa noong panahon ng Bibliya, ang mga bating ay may pantanging dako at naging kaugalian nang kapunin ang ilan sa mga batang nabihag sa digmaan. Ang mga bating ay inaatasan bilang mga opisyal sa maharlikang mga korte. Ang isang bating ay maaaring maging isang “tagapag-alaga sa mga babae (women),” isang “tagapag-alaga sa mga babae (concubines),” o isang katulong ng reyna. (Esther 2:3, 12-15; 4:4-6, 9) Walang katibayan na ang mga Israelita ay sumusunod sa gayong mga kaugalian o na ang mga bating ay partikular na hinahanap upang maglingkod sa mga haring Israelita.b
9. Anong nakaaaliw na mga salita ang sinabi ni Jehova sa pisikal na mga bating?
9 Bukod sa pagiging limitado lamang ng kanilang pakikibahagi sa pagsamba sa tunay na Diyos, ang pisikal na mga bating sa Israel ay dumaranas ng napakalaking kahihiyan dahil sa kawalan ng kakayahang magkaanak upang may magdala ng kanilang apelyido. Kaya tunay na nakaaaliw nga ang sumunod na mga salita sa hula! Mababasa natin: “Ito ang sinabi ni Jehova sa mga bating na nangingilin ng aking mga sabbath at pumili niyaong kinalulugdan ko at nanghahawakan sa aking tipan: ‘Magbibigay nga ako sa kanila sa aking bahay at sa loob ng aking mga pader ng isang bantayog at isang pangalan, isang bagay na mas mabuti kaysa sa mga anak na lalaki at mga anak na babae. Isang pangalan hanggang sa panahong walang takda ang ibibigay ko sa kanila, isa na hindi mapaparam.’ ”—Isaias 56:4, 5.
10. Kailan nabago ang kalagayan ng mga bating, at anong pribilehiyo ang nabuksan sa kanila mula noon?
10 Oo, darating ang panahon na kahit ang pagiging isang pisikal na bating ay hindi na magiging hadlang upang ang isa’y lubusang tanggapin bilang lingkod ni Jehova. Kung sila’y masunurin, ang mga bating ay magkakaroon ng “isang bantayog,” o isang dako, sa bahay ni Jehova at isang pangalan, na mas mabuti kaysa sa mga anak na lalaki at mga anak na babae. Kailan ba ito naganap? Pagkamatay lamang ni Jesu-Kristo. Nang panahong iyon ay pinalitan na ng bagong tipan ang matandang tipang Kautusan, at pinalitan naman ng “Israel ng Diyos” ang likas na Israel. (Galacia 6:16) Mula noon, lahat ng nananampalataya ay maaari nang mag-ukol ng kaayaayang pagsamba sa Diyos. Hindi na mahalaga ang likas na pagkakaiba at ang pisikal na kalagayan. Yaong mga makapagbabata nang tapat, anuman ang kanilang pisikal na kalagayan, ay magkakaroon ng “isang pangalan hanggang sa panahong walang takda . . . isa na hindi mapaparam.” Hindi sila kalilimutan ni Jehova. Ang kanilang mga pangalan ay isusulat sa kaniyang “aklat ng alaala,” at sa takdang panahon ng Diyos, tatanggap sila ng buhay na walang hanggan.—Malakias 3:16; Kawikaan 22:1; 1 Juan 2:17.
Sumasamba ang mga Banyaga Kasama ng Bayan ng Diyos
11. Upang tumanggap ng mga pagpapala, hinihimok ang mga banyaga na gawin ang ano?
11 Kumusta naman ang mga banyaga? Binalikan ngayon ng hula ang mga ito, at si Jehova ay may mga salita na malaking kaaliwan para sa kanila. Sumulat si Isaias: “Ang mga banyaga na lumakip kay Jehova upang maglingkod sa kaniya at umibig sa pangalan ni Jehova, upang maging mga lingkod niya, lahat ng nangingilin ng sabbath upang huwag itong malapastangan at nanghahawakan sa aking tipan, dadalhin ko rin sila sa aking banal na bundok at pagsasayahin ko sila sa loob ng aking bahay-panalanginan. Ang kanilang mga buong handog na sinusunog at ang kanilang mga hain ay tatanggapin sa ibabaw ng aking altar. Sapagkat ang aking sariling bahay ay tatawagin ngang bahay-panalanginan para sa lahat ng mga bayan.”—Isaias 56:6, 7.
12. Ano ang pagkaunawa noon hinggil sa hula ni Jesus tungkol sa “ibang mga tupa”?
12 Unti-unting lumitaw ang “mga banyaga” sa ating panahon. Bago ang unang digmaang pandaigdig, napag-unawa na mas malaking bilang ng mga indibiduwal ang tatanggap ng kaligtasan kaysa sa bilang niyaong may pag-asang mamahala sa langit kasama ni Jesus—ang mga kilala natin ngayon bilang Israel ng Diyos. Batid ng mga estudyante ng Bibliya ang mga salita ni Jesus na nakasulat sa Juan 10:16: “Mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito; ang mga iyon din ay dapat kong dalhin, at makikinig sila sa aking tinig, at sila ay magiging isang kawan, isang pastol.” Napag-unawa na ang “ibang mga tupa[ng]” ito ay isang uring makalupa. Subalit naniniwala ang karamihan sa mga Estudyante ng Bibliya na lilitaw ang ibang mga tupa sa Milenyong Paghahari ni Jesu-Kristo.
13. Bakit ipinangatuwiran na ang mga tupa sa Mateo kabanata 25 ay dapat lumitaw sa pagtatapos ng sistemang ito ng mga bagay?
13 Sa kalaunan, higit na naunawaan ang isang kaugnay na kasulatan na tumutukoy sa mga tupa. Sa Mateo kabanata 25, may isang ulat ng talinghaga ni Jesus hinggil sa mga tupa at mga kambing. Ayon sa talinghagang iyan, ang mga tupa ay tumatanggap ng walang-hanggang buhay dahil sa kanilang pagsuporta sa mga kapatid ni Jesus. Gayunman, sila’y isang uring hiwalay at naiiba sa pinahirang mga kapatid ni Kristo. Noong 1923, sa isang kombensiyon sa Los Angeles, California, E.U.A., ipinaliwanag na ang mga tupang iyon ay dapat lumitaw, hindi sa panahon ng Milenyo, kundi sa pagtatapos ng sistemang ito ng mga bagay. Bakit? Sapagkat ibinigay ni Jesus ang talinghaga bilang bahagi ng kaniyang sagot sa tanong na: “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?”—Mateo 24:3.
14, 15. Paano higit na naunawaan ang katayuan ng ibang mga tupa sa panahon ng kawakasan?
14 Noong mga taon ng 1920, nadama ng ilang indibiduwal na nakikisama sa mga Estudyante ng Bibliya na ang espiritu ni Jehova ay hindi nagpapatotoo sa kanila na sila’y may makalangit na pagtawag. Subalit sila’y masisigasig na lingkod ng Kataas-taasang Diyos. Noong 1931, higit na naunawaan ang katayuan ng mga ito nang ilathala ang aklat na Vindication. Bilang bahagi ng talata-por-talatang pagtalakay sa aklat ng Bibliya na Ezekiel, ipinaliwanag sa Vindication ang pangitain ng “lalaki” na may tintero ng tagasulat. (Ezekiel 9:1-11) “Ang lalaki[ng]” ito ay makikitang lumilibot sa Jerusalem at naglalagay ng tanda sa mga noo niyaong mga nagbubuntunghininga at nananangis dahil sa mga kasuklam-suklam na bagay na ginagawa roon. “Ang lalaki” ay kumakatawan sa mga kapatid ni Jesus, ang nalabi ng pinahirang mga Kristiyano na nabubuhay sa lupa sa panahon ng paghatol sa antitipikong Jerusalem, ang Sangkakristiyanuhan. Yaong nilagyan ng tanda ay ang ibang mga tupa na nabubuhay sa panahong iyon. Sa pangitain, sila’y iniligtas nang paghigantihan ng mga tagapuksa ni Jehova ang apostatang lunsod na iyon.
15 Noong 1932, ipinahiwatig ng mas malalim na pagkaunawa sa makahulang drama tungkol kina Haring Jehu ng Israel at Jehonadab, isang di-Israelitang tagasuporta, kung paano kikilos ang ibang mga tupang ito bilang pagsuporta sa pinahirang mga kapatid ni Kristo—kung paanong si Jehonadab ay sumama at sumuporta kay Jehu sa kaniyang pagpuksa sa pagsamba kay Baal. Sa wakas, noong 1935, ang ibang mga tupa na nabubuhay sa panahon ng kawakasan ng sistemang ito ng mga bagay ay nakilala bilang ang malaking pulutong na nakita ni apostol Juan sa pangitain. Ito’y unang ipinaliwanag sa nabanggit na kombensiyon sa Washington, D.C., nang ituro ni Joseph F. Rutherford yaong mga may makalupang pag-asa bilang “ang lubhang karamihan.”
16. Anu-anong pribilehiyo at pananagutan ang tinatamasa ng “mga banyaga”?
16 Sa gayon ay unti-unting nakita na “ang mga banyaga” ay may malaking bahaging ginagampanan sa mga layunin ni Jehova sa mga huling araw na ito. Sila’y pumaparoon sa Israel ng Diyos upang sumamba kay Jehova. (Zacarias 8:23) Kasama ng espirituwal na bansang iyan, sila’y naghahandog sa Diyos ng kaayaayang mga hain at pumapasok sa sabbath na pagpapahinga. (Hebreo 13:15, 16) Karagdagan pa, sumasamba sila sa espirituwal na templo ng Diyos, na isang “bahay-panalanginan para sa lahat ng mga bansa,” gaya ng templo sa Jerusalem. (Marcos 11:17) Sila’y nananampalataya sa haing pantubos ni Jesu-Kristo, na ‘nilalabhan ang kanilang mahahabang damit at pinapuputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero.’ At sila’y palaging naglilingkod kay Jehova, anupat “nag-uukol sila sa kaniya ng sagradong paglilingkod araw at gabi.”—Apocalipsis 7:14, 15.
17. Paano nanghahawakan sa bagong tipan ang makabagong-panahong mga banyaga?
17 Ang makabagong-panahong mga banyagang ito ay nanghahawakan sa bagong tipan sa diwa na sa pakikisama sa Israel ng Diyos, nagtatamasa sila ng mga pakinabang at pagpapala na dumarating sa pamamagitan ng bagong tipan. Bagaman sila’y hindi kasali sa tipang iyan, sila’y buong-pusong nagpapasakop sa mga kautusang kaugnay nito. Kaya nasa puso nila ang kautusan ni Jehova, at nakikilala nila si Jehova bilang ang kanilang makalangit na Ama at ang kataas-taasang Soberano.—Jeremias 31:33, 34; Mateo 6:9; Juan 17:3.
18. Anong gawaing pagtitipon ang isinasagawa sa panahon ng kawakasan?
18 Nagpatuloy ang hula ni Isaias: “Ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova, na nagtitipon ng mga nanabog mula sa Israel, ay: ‘Titipunin ko sa kaniya ang iba pa bukod sa mga natipon na mula sa kaniya.’ ” (Isaias 56:8) Sa panahon ng kawakasan, natipon na ni Jehova ang “mga nanabog mula sa Israel,” yaong mga kabilang sa pinahirang nalabi. Karagdagan pa, tinitipon niya ang iba pa, yaong kabilang naman sa malaking pulutong. Sila’y magkakasamang sumasamba nang may kapayapaan at pagkakaisa sa ilalim ng pangangasiwa ni Jehova at ng kaniyang iniluklok na Hari, si Kristo Jesus. Dahil sa kanilang katapatan sa pamahalaan ni Jehova sa ilalim ni Kristo, binuklod sila ng Mabuting Pastol upang maging isang nagkakaisa at maligayang kawan.
Mga Bantay na Bulag, mga Asong Pipi
19. Anong paanyaya ang ipinaaabot sa maiilap na hayop sa parang at kagubatan?
19 Ang naunang mga salita na masigla at nakapagpapatibay ay sinundan ng kapuna-puna at halos nakapangingilabot na pagkakaiba. Handa si Jehova na pagpakitaan ng awa ang mga banyaga at mga bating. Subalit maraming nag-aangking mga miyembro ng kongregasyon ng Diyos ang susumpain at tatanggap ng kahatulan. Higit pa riyan, ni hindi sila karapat-dapat sa isang disenteng libing at nababagay lamang na lamunin ng mga dayukdok na hayop. Kaya naman mababasa natin: “Lahat kayong maiilap na hayop sa malawak na parang, pumarito kayo upang kumain, lahat kayong maiilap na hayop sa kagubatan.” (Isaias 56:9) Sa ano magpapakasasa ang maiilap na hayop na ito? Ipaliliwanag ito ng hula. Sa paggawa nito, maaaring ipagunita nito sa atin ang kahihinatnan ng mga sumasalansang sa Diyos sa dumarating na digmaan ng Armagedon, na ang mga bangkay ay iiwan para lamunin ng mga ibon sa langit.—Apocalipsis 19:17, 18.
20, 21. Anong mga pagkukulang ang dahilan ng pagiging walang-silbi ng mga lider ng relihiyon bilang espirituwal na mga tagaakay?
20 Nagpatuloy ang hula: “Ang kaniyang mga bantay ay bulag. Walang sinuman sa kanila ang nagbigay-pansin. Silang lahat ay mga asong pipi; hindi sila makatahol, humihingal, nakahiga, maibigin sa pag-idlip. Mga aso pa man din sila na matindi ang pagnanasa ng kaluluwa; hindi sila marunong mabusog. Mga pastol din sila na hindi natutong umunawa. Silang lahat ay bumaling sa kanilang sariling lakad, bawat isa ay sa kaniyang di-tapat na pakinabang mula sa kaniyang sariling hanggahan: ‘Pumarito kayo! Kukuha ako ng alak; at uminom tayo ng nakalalangong inumin hanggang sa kasukdulan. At ang bukas ay tiyak na magiging gaya ng araw na ito, dakila sa lubhang nakahihigit na paraan.’ ”—Isaias 56:10-12.
21 Ang mga lider ng relihiyon sa Juda ay nag-aangkin na sila’y sumasamba kay Jehova. Sila raw ang “kaniyang mga bantay.” Subalit sila’y bulag, pipi, at antukin sa espirituwal. Kung hindi sila patuloy na magbabantay at magbababala laban sa panganib, ano pa ang kanilang silbi? Ang gayong relihiyosong mga bantay ay hindi makaunawa, wala sa posisyon upang magbigay ng espirituwal na patnubay sa tulad-tupang mga tao. Isa pa, sila’y tiwali. Wala silang kabusugan sa kanilang mapag-imbot na mga pagnanasa. Sa halip na tumalima sa patnubay ni Jehova, sumusunod sila sa kanilang sariling lakad, naghahangad ng di-tapat na pakinabang, nagpapakalabis sa nakalalangong inumin, at nanghihimok na gayundin ang gawin ng iba. Walang-wala sa loob nila ang nalalapit na kahatulan ng Diyos anupat sinasabi nila sa mga tao na wala silang dapat ikabahala.
22. Paanong ang mga lider ng relihiyon noong kapanahunan ni Jesus ay katulad din niyaong mga nasa sinaunang Juda?
22 Sa kaniyang hula bago nito, gumamit si Isaias ng katulad na paglalarawan para sa di-tapat na mga lider ng relihiyon sa Juda—lango, antukin, at di-makaunawa sa espirituwal. Pinabigatan nila ang bayan sa mga tradisyon ng mga tao, nagsalita ng mga kasinungalingan tungkol sa relihiyon, at nagtiwala sa tulong mula sa Asirya sa halip na umasa sa Diyos. (2 Hari 16:5-9; Isaias 29:1, 9-14) Maliwanag na wala silang natutuhan. Nakalulungkot, mayroon ding ganitong uri ng mga lider noong unang siglo. Sa halip na yakapin ang mabuting balita na dinala sa kanila ng mismong Anak ng Diyos, itinakwil nila si Jesus at nagsabuwatan na siya’y ipapatay. Tahasan silang tinawag ni Jesus na “mga bulag na tagaakay,” at idinagdag pa na “kung isang taong bulag ang umaakay sa taong bulag, kapuwa sila mahuhulog sa hukay.”—Mateo 15:14.
Mga Bantay sa Ngayon
23. Anong hula ni Pedro may kinalaman sa mga lider ng relihiyon ang natupad na?
23 Nagbabala si apostol Pedro na may lilitaw ring mga bulaang guro upang iligaw ang mga Kristiyano. Sumulat siya: “Nagkaroon din ng mga bulaang propeta sa gitna ng mga tao [sa Israel], kung paanong magkakaroon din ng mga bulaang guro sa gitna ninyo. Ang mga ito ay tahimik na magpapasok ng mapanirang mga sekta at magtatatwa maging sa may-ari na bumili sa kanila, na nagdadala ng mabilis na pagkapuksa sa kanilang sarili.” (2 Pedro 2:1) Ano ang ibinunga ng mga kabulaanang turo at sektaryanismo ng mga bulaang gurong iyon? Ang Sangkakristiyanuhan, na ang mga lider ng relihiyon nito sa ngayon ay nananalangin na pagpalain ng Diyos ang kanilang mga kaibigan sa pulitika at pagkatapos ay nangangako ng isang magandang kinabukasan. Ang mga lider ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay napatunayang mga bulag, pipi, at tulog may kinalaman sa espirituwal na mga bagay.
24. Anong pagkakaisa ang umiiral sa pagitan ng espirituwal na Israel at ng mga banyaga?
24 Gayunman, dinadala ni Jehova sa kaniyang dakilang espirituwal na bahay-panalanginan ang milyun-milyong banyaga upang sumambang kasama ng mga huling kabilang sa Israel ng Diyos. Ang mga banyagang ito, bagaman mula sa maraming bansa, lahi, at wika, ay may pagkakaisa sa gitna nila at sa Israel ng Diyos. Kumbinsido sila na ang kaligtasan ay magmumula lamang sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Udyok ng pag-ibig kay Jehova, nakikisama sila sa pinahirang mga kapatid ni Kristo sa pagsasalita tungkol sa kanilang pananampalataya. At sila’y lubhang naaaliw sa mga salita ng kinasihang apostol na sumulat: “Kung hayagan mong sinasabi yaong ‘salita sa iyong sariling bibig,’ na si Jesus ay Panginoon, at nananampalataya ka sa iyong puso na ibinangon siya ng Diyos mula sa mga patay, ikaw ay maliligtas.”—Roma 10:9.
[Mga talababa]
a Ang terminong “bating” ay tumutukoy rin sa isang opisyal ng korte, at walang kinalaman dito ang pagkapon. Yamang ang Etiope na binautismuhan ni Felipe ay lumilitaw na isang proselita—siya’y nabautismuhan bago pa man mabuksan ang daan para sa di-tuling mga di-Judio—malamang na siya’y isang bating sa diwang ito.—Gawa 8:27-39.
b Si Ebed-melec, na tumulong kay Jeremias at personal na nakalalapit kay Haring Zedekias, ay tinatawag na bating. Lumilitaw na ito’y tumutukoy sa kaniyang pagiging isang opisyal ng korte sa halip na dahil sa siya’y kinapon.—Jeremias 38:7-13.
[Larawan sa pahina 250]
Ang Sabbath ay naglalaan ng pagkakataon para sa pananalangin, pag-aaral, at pagbubulay-bulay
[Mga larawan sa pahina 256]
Ang katayuan ng ibang mga tupa ay malinaw na ipinaliwanag sa isang kombensiyon sa Washington, D.C., noong 1935 (nasa ibaba ang larawan ng bautismo, nasa kanan ang programa)
[Larawan sa pahina 259]
Inaanyayahan ang maiilap na hayop upang magpakasasa
[Mga larawan sa pahina 261]
Ang mga banyaga at ang Israel ng Diyos ay nagkakaisa