Ang mga Ibang Tupa at ang Bagong Tipan
“Ang mga banyaga . . . , lahat ng nangingilin ng sabbath upang huwag lapastanganin iyon at nag-iingat ng aking tipan, sila’y dadalhin ko rin sa aking banal na bundok.”—ISAIAS 56:6, 7.
1. (a) Ayon sa pangitain ni Juan, ano ang naisasagawa samantalang pinipigil ang hangin ng paghatol ni Jehova? (b) Anong pambihirang pulutong ang nakita ni Juan?
SA IKAAPAT na pangitain sa aklat ng Apocalipsis, nakita ni apostol Juan na pinipigil ang mapangwasak na hangin ng paghatol ni Jehova samantalang tinatapos ang pagtatatak sa lahat ng miyembro ng “Israel ng Diyos.” Ang mga ito ang unang pagpapalain sa pamamagitan ni Jesus, ang pangunahing bahagi ng binhi ni Abraham. (Galacia 6:16; Genesis 22:18; Apocalipsis 7:1-4) Sa pangitain ding iyon, nakita ni Juan ang “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika . . . , sumisigaw sa malakas na tinig, na sinasabi: ‘Kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.’ ” (Apocalipsis 7:9, 10) Sa pagsasabing, “Kaligtasan ay utang namin . . . sa Kordero,” ipinakikita ng malaking pulutong na sila rin naman ay pinagpapala sa pamamagitan ng Binhi ni Abraham.
2. Kailan lumitaw ang malaking pulutong, at paano ito nakilala?
2 Nakilala ang malaking pulutong na ito noong 1935, at ang bilang nito sa ngayon ay mahigit na sa limang milyon. Palibhasa’y itinalaga upang makaligtas sa malaking kapighatian, ibubukod ang mga miyembro nito para sa walang-hanggang buhay kapag inihiwalay ni Jesus ang “mga tupa” sa “mga kambing.” Ang mga Kristiyano sa malaking pulutong ay kabilang sa “ibang mga tupa” sa talinghaga ni Jesus tungkol sa mga kulungan ng tupa. Umaasa silang mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa.—Mateo 25:31-46; Juan 10:16; Apocalipsis 21:3, 4.
3. Paano magkaiba ang mga pinahirang Kristiyano at ang mga ibang tupa may kinalaman sa bagong tipan?
3 Para sa 144,000, ilalaan ang mga pagpapala ng Abrahamikong tipan sa pamamagitan ng bagong tipan. Bilang mga kasali sa tipang ito, sila’y “nasa ilalim ng di-sana-nararapat na kabaitan” at “nasa ilalim ng batas kay Kristo.” (Roma 6:15; 1 Corinto 9:21) Kaya naman, tanging ang 144,000 miyembro ng Israel ng Diyos ang wastong nakikibahagi sa mga emblema sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus, at sa kanila lamang nakipagtipan si Jesus para sa isang Kaharian. (Lucas 22:19, 20, 29) Hindi kasali sa bagong tipan na ito ang mga miyembro ng malaking pulutong. Gayunman, nakikisama sila sa Israel ng Diyos at naninirahan na kasama nila sa kanilang “lupain.” (Isaias 66:8) Kaya makatuwirang sabihin na sila rin naman ay nasa ilalim ng di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova at nasa ilalim ng batas kay Kristo. Bagaman hindi kasali sa bagong tipan, sila’y nakikinabang dito.
Ang “mga Banyaga” at “ang Israel ng Diyos”
4, 5. (a) Ayon kay Isaias, anong grupo ang maglilingkod kay Jehova? (b) Paano natutupad ang Isaias 56:6, 7 sa malaking pulutong?
4 Sumulat si propeta Isaias: “Ang mga banyaga na nakikilakip kay Jehova upang maglingkod sa kaniya at umibig sa pangalan ni Jehova, upang maging mga lingkod niya, lahat ng nangingilin ng sabbath upang huwag lapastanganin iyon at nag-iingat ng aking tipan, sila’y dadalhin ko rin sa aking banal na bundok at papagsasayahin ko sila sa loob ng aking bahay-dalanginan. Ang kanilang buong mga handog na sinusunog at ang kanilang mga hain ay tatanggapin sa aking dambana.” (Isaias 56:6, 7) Sa Israel, nangangahulugan ito na ang “mga banyaga,” mga di-Israelita, ay sasamba kay Jehova—umiibig sa kaniyang pangalan, tumutupad sa mga kahilingan ng tipang Batas, nangingilin ng Sabbath, at naghahandog ng mga hain sa templo, “bahay-dalanginan” ng Diyos.—Mateo 21:13.
5 Sa ating panahon, “ang mga banyaga na nakikilakip kay Jehova” ay ang malaking pulutong. Ang mga ito ay naglilingkod kay Jehova kasama ng Israel ng Diyos. (Zacarias 8:23) Naghahandog sila ng kaparehong kaayaayang hain gaya ng Israel ng Diyos. (Hebreo 13:15, 16) Sumasamba sila sa espirituwal na templo ng Diyos, ang kaniyang “bahay-dalanginan.” (Ihambing ang Apocalipsis 7:15.) Nangingilin ba sila ng lingguhang Sabbath? Ito ay hindi iniutos na gawin ng mga pinahiran ni ng mga ibang tupa. (Colosas 2:16, 17) Gayunman, sinabi ni Pablo sa mga pinahirang Hebreong Kristiyano: “May nalalabi pang sabbath na pagpapahinga para sa bayan ng Diyos. Sapagkat ang tao na pumasok sa kapahingahan ng Diyos ay nagpahinga rin mismo mula sa kaniyang sariling mga gawa, gaya ng ginawa ng Diyos mula sa kaniyang sariling mga gawa.” (Hebreo 4:9, 10) Ang mga Hebreong iyon ay pumasok sa ganitong “sabbath na pagpapahinga” nang ipasakop nila ang sarili sa “katuwiran ng Diyos” at magpahinga mula sa pagsisikap na bigyang-matuwid ang kanilang sarili sa pamamagitan ng mga gawa ng Batas. (Roma 10:3, 4) Tinatamasa ng mga pinahirang Kristiyanong Gentil ang kapahingahan ding iyon sa pamamagitan ng pagpapasakop ng kanilang sarili sa katuwiran ni Jehova. Nakikisama sa kanila ang malaking pulutong sa kapahingahang iyon.
6. Paano sumasailalim ngayon sa bagong tipan ang mga ibang tupa?
6 Isa pa, ang mga ibang tupa ay sumasailalim sa bagong tipan kung paanong ang mga banyaga noon ay sumailalim sa tipang Batas. Sa anong paraan? Hindi sa pamamagitan ng pagiging kasali rito kundi sa pamamagitan ng pagpapasakop sa mga batas may kaugnayan dito at pakikinabang sa mga kaayusan nito. (Ihambing ang Jeremias 31:33, 34.) Tulad ng kanilang pinahirang mga kasamahan, sa kalagayan ng mga ibang tupa ang batas ni Jehova ay nasusulat ‘sa kanilang puso.’ Sila’y taimtim na umiibig at sumusunod sa mga utos at simulain ni Jehova. (Awit 37:31; 119:97) Tulad ng mga pinahirang Kristiyano, kilala nila si Jehova. (Juan 17:3) Paano naman ang tungkol sa pagtutuli? Mga 1,500 taon bago gawin ang bagong tipan, hinimok ni Moises ang mga Israelita: “Dapat ninyong tuliin ang unahang-balat ng inyong mga puso.” (Deuteronomio 10:16; Jeremias 4:4) Bagaman ang sapilitang pagtutuli sa laman ay lumipas na kasabay ng Batas, kailangang “tuliin” kapuwa ng mga pinahiran at ng mga ibang tupa ang kanilang puso. (Colosas 2:11) Sa wakas, pinatatawad ni Jehova ang pagkakamali ng mga ibang tupa salig sa dugo ni Jesus na siyang itinigis na “dugo ng tipan.” (Mateo 26:28; 1 Juan 1:9; 2:2) Hindi sila inaampon ng Diyos bilang espirituwal na mga anak, na gaya ng ginawa niya sa 144,000. Ngunit kaniyang ipinahahayag na matuwid ang mga ibang tupa, sa diwa na si Abraham ay ipinahayag na matuwid bilang kaibigan ng Diyos.—Mateo 25:46; Roma 4:2, 3; Santiago 2:23.
7. Anong pag-asa ngayon ang nabuksan para sa mga ibang tupa, na ipinahayag na matuwid gaya ni Abraham?
7 Para sa 144,000, ang pagiging ipinahayag na matuwid ay nagbubukas ng daan sa kanilang pag-asa na mamahala kasama ni Jesus sa makalangit na Kaharian. (Roma 8:16, 17; Galacia 2:16) Para naman sa mga ibang tupa, ang pagiging ipinahayag na matuwid bilang mga kaibigan ng Diyos ay nagpapahintulot sa kanila na yumakap sa pag-asang buhay na walang hanggan sa paraisong lupa—alinman sa pamamagitan ng pagkaligtas sa Armagedon bilang bahagi ng malaking pulutong o sa pamamagitan ng ‘pagkabuhay-muli ng mga matuwid.’ (Gawa 24:15) Tunay ngang isang pribilehiyo na magkaroon ng gayong pag-asa at maging isang kaibigan ng Soberano ng sansinukob, ang maging “isang panauhin sa [kaniyang] tolda”! (Awit 15:1, 2) Oo, kapuwa ang mga pinahiran at ang mga ibang tupa ay pinagpala sa isang kamangha-manghang paraan sa pamamagitan ni Jesus, ang Binhi ni Abraham.
Isang Lalong Dakilang Araw ng Pagbabayad-sala
8. Ano ang inilalarawan ng mga hain sa Araw ng Pagbabayad-sala sa ilalim ng Batas?
8 Nang tinatalakay ang bagong tipan, ipinaalaala ni Pablo sa kaniyang mga mambabasa ang taunang Araw ng Pagbabayad-sala sa ilalim ng tipang Batas. Sa araw na iyon, naghahandog ng bukod na mga hain—ang isa para sa makasaserdoteng tribo ni Levi at ang isa naman para sa 12 tribo ng mga di-saserdote. Ito ay matagal nang ipinaliwanag na lumalarawan sa dakilang hain ni Jesus sa kapakinabangan kapuwa ng 144,000 na may makalangit na pag-asa at ng milyun-milyon na may makalupang pag-asa.a Ipinakita ni Pablo na sa katuparan nito ay ilalaan ang mga pakinabang sa hain ni Jesus sa pamamagitan ng lalong dakilang Araw ng Pagbabayad-sala sa ilalim ng bagong tipan. Bilang Mataas na Saserdote sa lalong dakilang araw na ito, ibinigay ni Jesus ang kaniyang sakdal na buhay bilang haing pambayad-sala upang matamo ang isang “walang-hanggang katubusan” para sa mga tao.—Hebreo 9:11-24.
9. Palibhasa’y kabilang sa bagong tipan, ano ang maaaring tanggapin ng mga pinahirang Hebreong Kristiyano?
9 Maraming Hebreong Kristiyano noong unang siglo ang nananatiling “masigasig sa Batas [Mosaiko].” (Gawa 21:20) Angkop lamang, kung gayon, na paalalahanan sila ni Pablo: “[Si Jesus] ay isang tagapamagitan ng isang bagong tipan, upang sa gayon, dahilan sa isang kamatayan ang naganap para sa pagpapalaya sa kanila sa pamamagitan ng pantubos mula sa mga paglabag sa ilalim ng naunang tipan, yaong mga tinawag ay makatanggap ng pangako ng walang-hanggang mana.” (Hebreo 9:15) Pinalaya ng bagong tipan ang mga Kristiyanong Hebreo mula sa matandang tipan, na naglantad ng kanilang pagkamakasalanan. Dahil sa bagong tipan, maaari nilang tanggapin ang “pangako ng walang-hanggang [makalangit na] mana.”
10. Ano ang ipinagpapasalamat sa Diyos ng mga pinahiran at ng mga ibang tupa?
10 “Ang bawat isa” na “nagsasagawa ng pananampalataya sa Anak” ay makikinabang sa haing pantubos. (Juan 3:16, 36) Sinabi ni Pablo: “Ang Kristo na inihandog nang minsanan upang dalhin ang mga kasalanan ng marami; at sa ikalawang pagkakataon na siya ay magpakita ito ay magiging hiwalay sa kasalanan at doon sa mga marubdob na naghahanap sa kaniya para sa kanilang kaligtasan.” (Hebreo 9:28) Sa ngayon, kasali sa mga marubdob na humahanap kay Jesus ang nalalabi pang mga pinahirang Kristiyano ng Israel ng Diyos at ang milyun-milyon na bumubuo sa malaking pulutong, na mayroon ding walang-hanggang mana. Pinasasalamatan ng dalawang grupong ito ang Diyos dahil sa bagong tipan at sa nagbibigay-buhay na mga pagpapala may kaugnayan dito, pati na ang lalong dakilang Araw ng Pagbabayad-sala at ang ministeryo ng Mataas na Saserdote, si Jesus, sa Kabanal-banalang dako sa langit.
Abala sa Sagradong Paglilingkod
11. Taglay ang budhing nilinis sa pamamagitan ng hain ni Jesus, ano ang maligayang ginagawa kapuwa ng mga pinahiran at ng mga ibang tupa?
11 Sa kaniyang liham sa mga Hebreo, idiniin ni Pablo ang nakahihigit na halaga ng hain ni Jesus sa kaayusan ng bagong tipan kung ihahambing sa mga handog para sa mga kasalanan sa ilalim ng matandang tipan. (Hebreo 9:13-15) Ang nakahihigit na hain ni Jesus ay may kakayahang ‘maglinis ng ating mga budhi mula sa patay na mga gawa upang makapag-ukol tayo ng sagradong paglilingkod sa Diyos na buháy.’ Para sa mga Hebreong Kristiyano, kasali sa “patay na mga gawa” ang “mga paglabag sa ilalim ng naunang tipan.” Para sa mga Kristiyano sa ngayon, kasali sa mga ito ang mga kasalanang nagawa noong nakaraan na taimtim na pinagsisihan at pinatawad na ng Diyos. (1 Corinto 6:9-11) Taglay ang malinis na budhi, ang mga pinahirang Kristiyano ay nag-uukol ng “sagradong paglilingkod sa Diyos na buháy.” Gayundin naman ang malaking pulutong. Yamang nilinis ang kanilang budhi sa pamamagitan ng “dugo ng Kordero,” sila’y nasa dakilang espirituwal na templo ng Diyos, anupat ‘nag-uukol ng sagradong paglilingkod sa kaniya araw at gabi.’—Apocalipsis 7:14, 15.
12. Paano natin ipinakikita na mayroon tayong “lubos na katiyakan ng pananampalataya”?
12 Karagdagan pa, sinabi ni Pablo: “Lumapit tayo na may totoong mga puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya, na ang ating mga puso ay nawisikan mula sa isang balakyot na budhi at ang ating mga katawan ay napaliguan ng malinis na tubig.” (Hebreo 10:22) Paano natin maipakikita na tayo ay may “lubos na katiyakan ng pananampalataya”? Hinimok ni Pablo ang mga Hebreong Kristiyano: “Panghawakan nating mahigpit ang pangmadlang pagpapahayag ng ating [makalangit na] pag-asa nang walang pag-uurung-sulong, sapagkat siya na nangako ay tapat. At isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.” (Hebreo 10:23-25) Kung buháy ang ating pananampalataya, hindi rin naman natin ‘pababayaan ang ating pagtitipon.’ Malulugod tayo na udyukan ang ating mga kapatid at maudyukan din naman nila sa pag-ibig at sa maiinam na gawa at mapalakas para sa mahalagang gawain ng pangmadlang pagpapahayag ng ating pag-asa, maging iyon man ay sa lupa o sa langit.—Juan 13:35.
Ang “Walang-Hanggang Tipan”
13, 14. Sa anu-anong paraan walang-hanggan ang bagong tipan?
13 Ano ang mangyayari kapag natamo na ng pinakahuli sa 144,000 ang kanilang makalangit na pag-asa? Mawawalan na ba ng bisa ang bagong tipan? Sa panahong iyon, sa lupa ay wala nang nalalabing miyembro ng Israel ng Diyos. Lahat ng kasali sa tipan ay makakasama ni Jesus “sa kaharian ng [kaniyang] Ama.” (Mateo 26:29) Ngunit natatandaan natin ang mga salita ni Pablo sa kaniyang liham sa mga Hebreo: “Ang Diyos ng kapayapaan . . . [ay] nag-ahon mula sa mga patay sa dakilang pastol ng mga tupa na may dugo ng walang-hanggang tipan.” (Hebreo 13:20; Isaias 55:3) Sa anong diwa walang hanggan ang bagong tipan?
14 Una, di-tulad ng tipang Batas, hindi ito kailanman hahalinhan. Pangalawa, ang mga resulta ng bisa nito ay namamalagi, gaya ng pagkahari ni Jesus. (Ihambing ang Lucas 1:33 sa 1 Corinto 15:27, 28.) Ang makalangit na Kaharian ay may walang-hanggang dako sa mga layunin ni Jehova. (Apocalipsis 22:5) At ikatlo, patuloy na makikinabang ang mga ibang tupa sa kaayusan ng bagong tipan. Sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, ang tapat na mga tao ay patuloy na ‘mag-uukol ng sagradong paglilingkod kay Jehova araw at gabi sa kaniyang templo’ gaya ng ginagawa nila ngayon. Hindi na uungkatin pa ni Jehova ang kanilang nakaraang mga pagkakasala na pinatawad na salig sa dugo ni Jesus na siyang “dugo ng tipan.” Patuloy silang magtatamasa ng isang matuwid na katayuan bilang mga kaibigan ni Jehova, at mananatili pa ring nakasulat sa kanilang puso ang kaniyang batas.
15. Ilarawan ang kaugnayan ni Jehova sa kaniyang mga mananamba sa lupa sa bagong sanlibutan.
15 Kung gayo’y masasabi kaya ni Jehova tungkol sa lingkod na mga taong ito: ‘Ako ang kanilang Diyos, at sila ang aking bayan’? Oo. “Tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila.” (Apocalipsis 21:3) Sila’y magiging “kampamento ng mga banal,” mga makalupang kinatawan ng “lunsod na iniibig,” ang makalangit na kasintahang babae ni Jesu-Kristo. (Apocalipsis 14:1; 20:9; 21:2) Magiging posible ang lahat ng ito dahil sa kanilang pananampalataya sa dugo ni Jesus na siyang itinigis na “dugo ng tipan” at sa kanilang pagpapasakop sa makalangit na mga hari at mga saserdote, na siyang Israel ng Diyos nang sila’y nasa lupa.—Apocalipsis 5:10.
16. (a) Anong mga pagkakataon ang naghihintay sa mga binuhay-muli sa lupa? (b) Anong pagpapala ang darating sa katapusan ng sanlibong taon?
16 Paano na ang mga patay na binuhay-muli sa lupa? (Juan 5:28, 29) Sila rin naman ay aanyayahang ‘pagpalain ang kanilang sarili’ sa pamamagitan ni Jesus, ang Binhi ni Abraham. (Genesis 22:18) Kailangan din nilang ibigin ang pangalan ni Jehova, paglingkuran siya, maghandog ng kaayaayang mga hain, at mag-ukol ng sagradong paglilingkod sa kaniyang bahay-dalanginan. Yaong mga gagawa nito ay papasok sa kapahingahan ng Diyos. (Isaias 56:6, 7) Sa pagtatapos ng sanlibong taon, lahat ng tapat ay sumapit na sa kasakdalan bilang tao sa pamamagitan ng paglilingkod ni Jesu-Kristo at ng kaniyang 144,000 kapuwa saserdote. Sila’y magiging matuwid, hindi lamang ipinahayag na matuwid bilang mga kaibigan ng Diyos. Sila’y ‘mabubuhay,’ anupat lubusang malaya mula sa kasalanan at kamatayang minana kay Adan. (Apocalipsis 20:5; 22:2) Ano ngang laking pagpapala iyan! Sa pangmalas natin ngayon, waring natapos na sa panahong iyon ang gawain ni Jesus at ng 144,000 bilang mga saserdote. Ang mga pagpapala ng lalong dakilang Araw ng Pagbabayad-sala ay lubusan nang ikinapit. Isa pa, ‘ibibigay na ni Jesus ang kaharian sa kaniyang Diyos at Ama.’ (1 Corinto 15:24) Magkakaroon ng panghuling pagsubok sa sangkatauhan, at pagkatapos ay lilipulin magpakailanman si Satanas at ang kaniyang mga demonyo.—Apocalipsis 20:7, 10.
17. Dahil sa kagalakang naghihintay sa atin, ano ang dapat na ipasiyang gawin ng bawat isa sa atin?
17 Anong papel, kung mayroon man, ang gagampanan ng “walang-hanggang tipan” sa kapana-panabik na panahon na magsisimula pagkatapos nito? Hindi tayo ang dapat magsabi niyan. Sapat na sa atin ngayon ang naisiwalat na ni Jehova. Sa mga ito ay nanggigilalas na tayo. Isipin lamang—buhay na walang hanggan bilang bahagi ng “bagong mga langit at isang bagong lupa”! (2 Pedro 3:13) Sana’y walang anumang makapagpahina ng ating pagnanais na magmana ng pangakong iyan. Maaaring hindi madali ang tumayong matatag. Sinabi ni Pablo: “Nangangailangan kayo ng pagbabata, upang, pagkatapos na magawa ninyo ang kalooban ng Diyos, ay matanggap ninyo ang katuparan ng pangako.” (Hebreo 10:36) Subalit tandaan na anumang suliraning dapat pagtagumpayan, anumang pagsalansang na dapat daigin, ay magiging napakaliit lamang kung ihahambing sa kagalakang naghihintay sa atin. (2 Corinto 4:17) Kaya naman, wala sanang isa man sa atin ang maging “uri na umuurong tungo sa pagkapuksa.” Sa halip, patunayan sana natin ang ating sarili bilang “ang uri na may pananampalataya tungo sa pag-iingat na buháy ng kaluluwa.” (Hebreo 10:39) Taglayin nawa nating lahat ang ganap na pagtitiwala kay Jehova, ang Diyos ng mga tipan, sa walang-hanggang pagpapala ng bawat isa sa atin.
[Talababa]
a Tingnan ang Survival Into a New Earth, kabanata 13, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Naunawaan Mo Ba?
◻ Bukod sa mga pinahirang Kristiyano, sino pa ang pinagpapala sa pamamagitan ng Binhi ni Abraham?
◻ Sa pagiging pinagpala sa pamamagitan ng bagong tipan, paanong ang mga ibang tupa ay katulad ng mga proselita sa ilalim ng matandang tipan?
◻ Paano pinagpapala ang mga ibang tupa sa pamamagitan ng kaayusan sa lalong dakilang Araw ng Pagbabayad-sala?
◻ Bakit tinawag ni Pablo na isang “walang-hanggang tipan” ang bagong tipan?
[Kahon sa pahina 21]
Sagradong Paglilingkod sa Templo
Ang malaking pulutong ay sumasamba kasama ng mga pinahirang Kristiyano sa makalupang looban ng dakilang espirituwal na templo ni Jehova. (Apocalipsis 7:14, 15; 11:2) Walang dahilan na sabihing sila’y nasa isang bukod na Looban ng mga Gentil. Nang nasa lupa si Jesus, may isang Looban ng mga Gentil sa templo. Gayunman, sa kinasihan-ng-Diyos na plano ng mga templo nina Solomon at Ezekiel, walang paglalaan para sa isang Looban ng mga Gentil. Sa templo ni Solomon, may isang looban sa gawing labas kung saan sumasambang magkakasama ang mga Israelita at mga proselita, mga lalaki at mga babae. Ito ang makahulang parisan ng makalupang looban ng espirituwal na templo, kung saan nakita ni Juan ang malaking pulutong na nag-uukol ng sagradong paglilingkod.
Gayunman, tanging ang mga saserdote at mga Levita lamang ang maaaring makapasok sa looban sa gawing loob, kung saan naroroon ang malaking altar; tanging ang mga saserdote lamang ang makapapasok sa dakong Banal; at tanging ang mataas na saserdote lamang ang makapapasok sa Kabanal-banalang dako. Ang looban sa gawing loob at ang dakong Banal ay nauunawaang lumalarawan sa natatanging espirituwal na kalagayan ng mga pinahirang Kristiyano sa lupa. At ang Kabanal-banalang dako ay lumalarawan sa langit mismo, kung saan tumatanggap ng imortal na buhay ang mga pinahirang Kristiyano kasama ang kanilang Mataas na Saserdote sa langit.—Hebreo 10:19, 20.
[Larawan sa pahina 23]
Dahil sa kagalakang naghihintay sa atin, taglayin nawa natin ang “pananampalataya tungo sa pag-iingat na buháy ng kaluluwa”