‘Walang Kapayapaan sa mga Balakyot’
“‘Walang kapayapaan,’ sabi ng aking Diyos, ‘sa mga balakyot.’”—ISAIAS 57:21.
1, 2. (a) Ano ang nadarama ng maraming tao tungkol sa kinabukasan ng sangkatauhan? (b) Ano ang resulta ng mga pagsisikap ng tao na magkaroon ng kapayapaan?
“PALAGI kong iniisip na sa anumang sandali ang daigdig ay baka sumabog sa harap ko.” Ang nakagigitlang pangungusap na ito, na sinipi sa magasing Psychology Today, ay buhat sa isang estudyante sa high school sa Hilagang Amerika. Balang araw malapit na, nangangamba ang estudyante na dahil sa isang digmaang nuklear ay malamang na mapuksa ang lahat ng tao. Ganito ang paglalarawan ng isang Rusong mag-aaral na babae tungkol sa resulta ng isang digmaang nuklear: “Lahat ng mga bagay na may buhay ay mapaparam—walang damo, walang mga punungkahoy, walang anumang luntian.” Anong kakila-kilabot na tanawin na gunigunihin! Gayunman, nadarama ng mga tao na talagang maaaring mangyari ito. Sa isang surbey kamakailan 40 porsiyento ng kinapanayam na mga taong maygulang na ang may paniwala na mayroong “malaking tsansa” ng digmaang nuklear bago sumapit ang taóng 2000.—Tingnan ang Lucas 21:26.
2 Ang mga lider ng daigdig ay nakadarama rin ng panganib. Pagkatapos ng huling digmaang pandaigdig, kanilang itinayo ang organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa (United Nations) upang sikapin na magtatag ng kapayapaan at katiwasayan sa sangkatauhan—subalit ito’y nawalang kabuluhan. Sa halip, pagkatapos ng digmaan ay nasaksihan ang matinding labanan ng dalawang magkaribal na superpowers na armado ng mga sandatang nuklear. Manaka-naka, ang mga lider ng malalakas na bansang ito ay nagpupulong sa pagsisikap na sugpuin ang tensiyon sa gitna ng mga bansa subalit kakaunti ang nagiging resulta. Bagaman ang mga lider ng relihiyon ay nananalangin ukol sa kapayapaan, ang situwasyon ay katulad ng inilarawan ni Isaias: “Ang kanilang mismong mga bayani ay nagsisihagulgol sa lansangan; ang mismong mga sugo ng kapayapaan ay magsisitangis na mainam.”—Isaias 33:7.
3. Bakit walang posibilidad na ang mga tao ay magtatagumpay sa kanilang pagsisikap na magtatag ng kapayapaan?
3 Alam ng may kabatirang mga Kristiyano kung bakit ang mga pulitiko ay hindi kailanman makapagtatatag ng walang-hanggang kapayapaan. Kanilang natatalos na habang ang mga tao ay lipos ng kaimbutan, pagkakapootan, kasakiman, pagmamataas, at ambisyon, hindi nga magkakaroon ng kapayapaan. (Ihambing ang Santiago 4:1.) Bukod dito, ang mga pangyayari sa buhay ng tao ay hindi lubusang kontrolado ng mga tao. Bagkus, ang Bibliya’y nagsasabi sa atin: “Ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot.” (1 Juan 5:19; 2 Corinto 4:4) Ang situwasyon ng sangkatauhan sa ilalim ng kapangyarihan ng isang ito ay mainam ang pagkalarawan ni Isaias: “Ang balakyot ay parang dagat na maunos, na hindi tumatahimik . . . ‘Walang kapayapaan,’ sabi ng aking Diyos, ‘sa mga balakyot.’”—Isaias 57:20, 21.
“Ang Diyos na Nagbibigay ng Kapayapaan”
4. Sino lamang ang may kapangyarihang magdala ng kapayapaan sa lupa?
4 Hindi ibig sabihin nito na ang lahi ng tao ay hindi makakaligtas sa pagkapuksa sa isang hinaharap na digmaang nuklear. Ang simpleng kahulugan nito ay na upang tayo’y makakita ng kapayapaan, kailangang manggaling iyon sa isang panlabas na pagmumulan. Nakatutuwa naman, ang Pagmumulang iyon ay umiiral sa persona ng Diyos na Jehova, “ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.” (Roma 16:20) Siya’y may kapangyarihan na labanan ang impluwensiya ni Satanas at kaniyang nilayon na “pagpalain ang kaniyang bayan ng kapayapaan.” (Awit 29:11) Bukod dito, siya’y nagbigay ng nakagagalak-pusong pangako: “Ang maaamo ay magmamana ng lupain, at sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11.
5. (a) Paano ginamit ni Jehova si Daniel upang magbigay sa atin ng impormasyon tungkol sa Kaniyang layunin na magdala ng kapayapaan? (b) Bakit tayo dapat maging interesado sa hulang ito na isinulat ni Daniel?
5 Matagal nang panahon ngayon ang lumipas, isiniwalat ni Jehova ang kasaysayan ng mga pangyayari na hahantong sa kaniyang pagdadala ng kapayapaan sa lupa. Sa pamamagitan ng isang anghel, siya’y nagsalita sa kaniyang tapat na propetang si Daniel tungkol sa “huling bahagi ng mga araw,” ang ating sariling kapanahunan. (Daniel 10:14) Kaniyang ibinigay ang hula tungkol sa magkaribal na superpowers at ipinakita na ito sa madaling panahon ay magwawakas sa isang paraan na walang kahina-hinala ang superpowers. At kaniyang ipinangako na ang di-inaasahang pangyayaring ito ay magbubukas ng daan tungo sa tunay na kapayapaan. Ang mga Kristiyano ay dapat na maging lubhang interesado sa hulang ito. Ito’y nagbibigay ng isang malinaw na pagkakilala sa kung saan na tayo naroon sa agos ng panahon at nagpapatibay ng ating determinasyon na manatiling neutral sa labanan ng magkakaribal na bansa sa daigdig samantalang matiyagang hinihintay natin ang Diyos upang siyang kumilos alang-alang sa atin.—Awit 146:3, 5.
Nagsimula ang Labanan ng Magkaribal
6. Ilahad sa maikli ang kasaysayan ng kasalukuyang labanan ng magkaribal na superpowers.
6 Sa totoo, ang labanan sa ngayon ng magkaribal na superpowers ay hindi na bago sa tanawin ng daigdig. Bagkus, ito’y isang pagpapatuloy ng isang bagay na nagsimula malaon nang panahon ngayon. Pagkatapos bumagsak ang pandaigdig na imperyo ni Alejandrong Dakila noong nasa dulo ng ikaapat na siglo B.C.E., dalawa sa kaniyang mga lider militar ang humawak ng kapangyarihan sa Siria at Ehipto. Isang walang-hanggang labanan na sa wakas ay humantong sa magkaribal na superpowers sa ngayon ang bumangon sa gitna nila at ng kanilang mga kahalili—tinutukoy bilang ang hari ng hilaga at ang hari ng timog sapagkat sila’y naroon sa hilaga at sa timog ng lupain ng bayan ng Diyos. Ang kasaysayan ng labanang ito ng magkaribal ay isiniwalat nang patiuna sa propetang si Daniel sa pamamagitan ng isang anghel.
7. (a) Paano natin nalalaman na mayroong hukbo ng di-nakikitang mga espiritu na umuugit sa pamumuhay ng tao? (b) Sino, sa pasimula, ang hari ng hilaga at ang hari ng timog, at paano nagsimula ang kanilang labanan bilang magkaribal?
7 Una’y inilalarawan ng anghel kung paanong siya, na inaalalayan ni Miguel, ay nakipagbaka sa espiritung ‘mga prinsipe’ ng Persia at Gresya. (Daniel 10:13, Dan 10:20–11:1) Ang pagsilip na ito sa dako ng mga espiritu ay nagpapatunay na hindi lamang mga tao ang kasangkot sa pagbabaka-baka ng mga bansa. Mayroong hukbo ng mga demonyo, o “mga prinsipe,” na nasa likod ng nakikitang mga pinunong tao. Subalit sapol noong mga sinaunang panahon, ang bayan ng Diyos ay nagkaroon na ng isang “prinsipe,” si Miguel, na magpapalakas sa kanila laban sa hukbong ito ng mga demonyo. (Efeso 6:12) Pagkatapos ay itinutuon ng anghel ang ating pansin sa magkaribal na Siria at Ehipto. Siya’y nagpasimula: “At ang hari ng timog ay magiging malakas, at maging ang isa man sa kaniyang mga prinsipe.” (Daniel 11:5a) Ang hari ng timog dito ay si Ptolemy I, tagapamahala ng Ehipto, na sumakop sa Jerusalem noong humigit-kumulang 312 B.C.E. Pagkatapos ay tinutukoy naman ng anghel ang isa pang hari na “mananaig laban sa kaniya at maghahari nga sa malawak na sakop na lalong dakila kaysa kapangyarihan sa paghahari ng isang iyan.” (Daniel 11:5b) Ito ay yaong hari ng hilaga sa katauhan ni Seleucus I Nicator, na ang kaharian, ang Siria, ay naging mas malakas kaysa Ehipto.
8. Ano ang kahulugan para sa mga Kristiyano ngayon ng pambihirang kawastuan ng unang bahagi ng hula ng anghel tungkol sa hari ng hilaga at sa hari ng timog?
8 Ang anghel ay patuloy na humula ng maraming detalye ng patuloy na labanan ng magkakaribal na sunud-sunod na tagapamahala ng Siria at Ehipto. (Daniel 11:6-19) Ang mga hulang ito ay wastung-wasto na anupa’t ang iba’y naniniwala na ang aklat ni Daniel ay isinulat pagkatapos ng mga pangyayaring tinutukoy roon.a Para sa mga Kristiyano naman, ang pambihirang kawastuan ng mga hulang ito ay nagpapatibay sa kanilang pananampalataya sa mga bahagi ng hula na matutupad pa sa “huling bahagi ng mga araw.”
Ang Prinsipe ng Tipan
9. Paanong dahil sa pag-uutos ng hari ng hilaga ay isinilang si Jesus sa Bethlehem?
9 Hindi dapat asahan na sasaklawin ng anghel ang bawat indibiduwal na tagapamahala mula kay Ptolemy hanggang sa “huling bahagi ng mga araw.” Bagkus, nauunawaan natin na pagkatapos ng Dan 11 talatang 19 ang hula ay lumalaktaw at sumasaklaw sa mga taon na nasa unahang-unahan ng ating Karaniwang Panahon (Common Era), na doo’y mababasa natin: “At tatayo na kahalili niya [ang hari ng hilaga] ang isa na magpapangyaring ang maninigil ay dumaan sa maluwalhating kaharian.” (Daniel 11:20) Sa panahong ito, ang Siria ay isang lalawigan ng Roma, at ang hari ng hilaga ay kinakatawan ng Romanong Emperador Augusto. Siya ang nag-utos na gawin ang senso na ang resulta’y ang pagsilang ni Jesus sa Bethlehem imbis na sa Nazaret.—Lucas 2:1-7; Mikas 5:2.
10. Ano pa ang itinawag-pansin sa atin ng anghel tungkol sa hari ng hilaga at sa Mesiyas?
10 Pagkatapos ni Augusto ay dumating naman si Tiberio, isang nakasusuklam na taong inilarawan ng anghel bilang “isang hamak na tao.” (Daniel 11:21) Sa panahon ng kaniyang paghahari, isang mapanganib na pag-aalsa sa hilagang hangganan ng Imperyong Romano ang nasupil at napatahimik ang hangganang iyon, anupa’t natupad ang mga salita ng hula: “Tungkol sa pulutong na huhugos, sila’y mapapalis sa harap niya, at sila’y mabubuwal.” At, sa panahon ng kaniyang paghahari si Jesus ay pinatay ng mga kawal Romano bilang katuparan ng hula ng anghel na “ang Lider ng tipan” ay mabubuwal.—Daniel 11:22; 9:27.
Sa “Itinakdang Panahon”
11. (a) Noong 1914, sino ang hari ng hilaga at ang hari ng timog? (b) Anong hula ang natupad “sa itinakdang panahon”?
11 Sa wakas, tayo’y dinadala ng hula hanggang dito sa “itinakdang panahon,” noong 1914. (Daniel 11:27; Lucas 21:24) Ngayon, may pagbabago sa kung sino ang bayan ng Diyos. Yamang tinanggihan ng likas na Israel ang Mesiyas, ang piniling bayan ni Jehova ay naging yaong espirituwal na Israel, ang kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano. (1 Pedro 2:9, 10) Nagbago rin kung sino ang dalawang hari. Ang Britaniya, kasama ang kaniyang pulitikal na katambal na Estados Unidos ng Amerika, ay maliwanag na siyang naging hari ng timog, samantalang ang hari ng hilaga ngayon ay ang Alemanya. Ang Digmaang Pandaigdig I ay inihula sa ganitong pananalita: “Sa itinakdang panahon [ang hari ng hilaga] ay babalik, at siya’y aktuwal na paparoon laban sa timog; ngunit ang huli’y hindi magpapatunay na gaya ng una.” (Daniel 11:29) Ang hari ng timog ay nagwagi sa digmaang iyon. Ang situwasyon kung gayon ay naiiba sa natupad “nang una,” samakatuwid nga, nang ang mananakop na Roma ang hari ng hilaga.
12. Ilarawan ang mahalagang mga pangyayari sa daigdig sapol noong 1914 na binanggit sa makahulang mga salita ng anghel kay Daniel.
12 Ang anghel ay nagpatuloy ng paglalahad tungkol sa ginagawa na paglalabanan ng magkaribal na dalawang hari sapol noong 1914 at, lalo na, tungkol sa paraan ng pagsalansang sa bayan ni Jehova ng kapuwa haring ito. Kaniya ring inihuhula ang paglitaw ng “kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng kagibaan,” na umiiral sa ngayon bilang ang organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa o United Nations. (Daniel 11:31) Ang pagtatayo ng UN ay isang makapulitikang pagsisikap na kung saan ang kapuwa mga hari ay nagtutulungan upang magdala ng kapayapaan. Subalit ito’y itinalaga na mabigo sapagkat salungat sa Kaharian ng Diyos.b (Mateo 24:15; Apocalipsis 17:3, 8) Sa katapus-tapusan, ang ating pansin ay inaakay ng anghel tungo sa “panahon ng kawakasan.”—Daniel 11:40.
“Ang Panahon ng Kawakasan”
13. (a) Sa bahaging ito ng hula sa ano tumutukoy ang pananalitang “ang panahon ng kawakasan”? (b) Sino ang gumanap ng mga papel ng hari ng hilaga at ng hari ng timog sapol nang matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig?
13 Ano bang panahon na ito? Kung minsan ang pananalitang “panahon ng kawakasan” ay tumutukoy sa panahon ng katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, mula noong 1914 hanggang sa Armagedon. (Daniel 8:17, 19; 12:4) Subalit ang mga pangyayari noong taóng 1914, “ang panahong itinakda,” ay inihula dito pa sa Dan 11 talatang 29, at lampas pa riyan tayo dinadala ng hula ng anghel.c Kung gayon, “ang panahon ng kawakasan” dito sa Dan 11 talatang 40 ay dapat tumukoy sa katapusang mga yugto ng 2,300-taóng-haba na labanan ng hari ng hilaga at ng hari ng timog. Kung gayon, magpatuloy tayo ng pagbabasa na taglay ang malaking interes, yamang tayo’y makakaalam ngayon ng mga pangyayari na magaganap sa malapit na hinaharap. Sa yugtong ito, dahil sa pagbabago ng kapangyarihan sa larangan ng daigdig ay nagkaroon ng iba pang mga pangyayari sa mapagkakakilanlan sa dalawang hari. Sapol nang bumagsak ang makapangyarihang mga bansang Nazi-Pasista noong matapos ang Digmaang Pandaigdig II, nasaksihan natin ang labanan ng dalawang magkaribal na superpowers, ang isa’y kinakatawan ng hari ng hilaga, na ang pinaghaharia’y ang karamihan ng sosyalistikong bloke ng mga bansa, at yaong isa naman ay kumakatawan sa hari ng timog, na naghahari sa isang kapitalistikong bloke ng mga bansa ang karamihan.
14. Paano inilalarawan ng anghel ang hari ng hilaga?
14 Ang disposisyon ng pinakahuling hari ng hilaga ay mainam ang pagkalarawan sa mga Dan 11 talatang 37, 38: “At ang Diyos ng kaniyang mga magulang ay hindi niya pakukundanganan . . . Kundi sa diyos ng mga kuta, sa kaniyang katayuan siya ay magbibigay-kaluwalhatian; at ang isang diyos na hindi nakilala ng kaniyang mga magulang ay pararangalan niya ng ginto at ng pilak at ng mahalagang bato at ng kanais-nais na mga bagay.” Mayroon bang sinumang hindi makakakilala sa ipinahahayag ng paglalarawang ito? Ang kasalukuyang hari ng hilaga ay opisyal na nagtataguyod ng ateismo, tinatanggihan ang relihiyosong mga diyos ng nakalipas na mga hari ng hilaga. Ang kaniyang ipinasiya ay magtiwala sa mga armamento, “ang diyos ng mga kuta.” Ito’y isang dahilan ng hibang na pagpapaunlad at pagpaparami ng mga armas na doo’y ang dalawang hari ay may pananagutan. Ang taunang nagagasta sa depensa ng hari ng hilaga lamang ay umabot sa halos 300 bilyong dolyar noong 1985. Anong pagkalaki-laking pagsasakripisyo ng ‘ginto at pilak at mahalagang bato at kanais-nais na mga bagay’ sa walang kabusugang diyos ng mga armamento!
15, 16. (a) Paano makikitungo sa isa’t isa ang hari ng hilaga at ang hari ng timog? (b) Ano ang magiging kahulugan nito para sa bayan ng Diyos?
15 Kung gayon, ano ang mangyayari sa wakas sa dalawang haring ito? Ang anghel ay nagsasabi: “At sa panahon ng kawakasan [ang kawakasan ng kasaysayan ng dalawang hari] ang hari ng timog ay makikipagbaka sa kaniya sa isang pagtutulakan, at laban sa kaniya ang hari ng hilaga ay dadagsa na gaya ng bagyo taglay ang mga karo at mga mangangabayo at ang maraming mga barko.” (Daniel 11:40; Mateo 24:3) Maliwanag, ang summit conferences (mga pagpupulong ng mga pangulo ng mga bansa) ay hindi kalutasan ng tunggalian ng magkakaribal na superpowers. Ang tensiyon na likha ng ‘pagtutulak’ na ginagawa ng hari ng timog at ang pagpapalawak na ginagawa ng hari ng hilaga ay maaaring dumaan sa humigit-kumulang napakatitinding yugto; ngunit sa wakas, sa isang paraan, ang hari ng hilaga ay mapupukaw na gumawa ng labis-labis na marahas na pagkilos na inilalarawan ni Daniel.d
16 Ang huling mga araw na ito ang lalu-lalo nang mahirap para sa bayan ng Diyos, na sa siglong ito ay nakaranas na ng pag-uusig buhat sa dalawang hari. Ang anghel ay nagbabala na ang hari ng hilaga “ay aktuwal ding papasok sa lupain ng Kagandahan at maraming lupain ang pababagsakin.” ‘Ang lupain ng Kagandahan’ ay sumasagisag sa lupain ng bayan ng Diyos. Ang mga salita ng anghel ay mangangahulugan, kung gayon, na bukod sa pananakop sa maraming bansa, ang hari ng hilaga ay umaatake sa espirituwal na lupain ng bayan ni Jehova. (Daniel 8:9; 11:41-44; Ezekiel 20:6) Sa Dan 11 talatang 45, isinusog ng hula: “At kaniyang itatayo ang mga tolda ng kaniyang palasyo sa pagitan ng dakilang karagatan at ng banal na bundok ng Kagandahan.” Sa ibang pananalita, siya’y pumupuwesto upang gumawa ng isang pangkatapusang pagsalakay sa kanilang espirituwal na paraiso.
“Darating sa Kaniyang Wakas”
17. Anong di-inaasahang pangyayari ang magpapagalit sa hari ng hilaga?
17 Ngunit sa panahong iyon mangyayari ang isang bagay na hindi nakikini-kinita ng hari ng hilaga ni ng hari man ng timog. Ang anghel ay humula: “Ngunit may mga balita na makababalisa sa kaniya [ang hari ng hilaga], manggagaling sa sikatan ng araw at sa hilaga, at siya’y hahayo na may malaking kapusukan upang pumuksa at lumipol ng marami.”—Daniel 11:44.
18. (a) Ano ang pinanggagalingan ng “mga balita” na inihula ng anghel? (b) Ano ang magiging wakas na resulta para sa hari ng hilaga?
18 Ano ba ang mga balitang ito? Hindi naman espisipikong sinasabi ng anghel, ngunit kaniyang isinisiwalat kung saan nanggaling ang mga balita. Ito’y nanggagaling “sa sikatan ng araw,” at ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo ay ipinahihiwatig na siyang “mga hari mula sa sikatan ng araw.” (Apocalipsis 16:12) Ang mga balitang ito ay nanggagaling din “sa hilaga,” at sa Bibliya makasagisag na tinutukoy ang Bundok ng Sion, na bayan ng dakilang Haring si Jehova, bilang “nasa malayong panig ng hilaga.” (Awit 48:2) Samakatuwid, “mga balita” buhat sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo ang humihila sa hari ng hilaga para isagawa ang kaniyang huling dakilang kampaniya. Subalit ang mga resulta ang magpapahamak sa kaniya. Ang dulo ng Dan 11 talatang 45 ay nagsasabi sa atin: “Siya’y darating sa kaniyang wakas, at walang tutulong sa kaniya.”
19. (a) Ano ang magiging magkaibang resulta para sa sanlibutang ito at sa “mga matuwid”? (b) Anong mga tanong ang narito pa upang sagutin?
19 Totoong-totoo nga, “walang kapayapaan . . . sa mga balakyot.” (Isaias 57:21) Sa halip, ang kasaysayan ng hari ng hilaga ay mapupuspos ng digmaan hanggang sa katapus-tapusan. Subalit para sa Kaniyang tapat na mga lingkod, ang pangako ni Jehova ay: “Ang matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang matitira rito. Ang mga balakyot, sila’y lilipulin sa mismong lupa.” (Kawikaan 2:21, 22) Ano naman ang mangyayari sa hari ng timog pagka ang hari ng hilaga ay ‘dumating sa kaniyang wakas’? Ano ang mangyayari sa mga Kristiyano pagka ang hari ng hilaga ay ‘nagtayo ng mga tolda ng kaniyang palasyo’ sa isang posisyon na doo’y aatake siya laban sa kanila? (Daniel 11:45) Papaanong darating sa wakas ang kapayapaan sa lupa? Si Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang anghel, ang sumasagot sa mga tanong na ito, gaya ng makikita natin sa sumusunod na mga artikulo.
[Mga talababa]
a Para sa higit pang detalye, tingnan ang aklat na “Your Will Be Done on Earth,” kabanata 10, inilathala noong 1958, ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Para sa higit pang impormasyon tungkol sa bahaging ito ng hula, tingnan ang “Your Will Be Done on Earth,” kabanata 11.
c Pansinin, din naman, na sa Dan 11 talatang 35 “ang panahon ng kawakasan” ay sinasabi na sa hinaharap pa.
d Tingnan ang “Your Will Be Done on Earth,” pahina 298-303.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Anong hukbo ng mga espiritu ang kasangkot sa makapulitikang pamamalakad ng tao?
◻ Sino ang hari ng hilaga at ang hari ng timog noong 1914?
◻ Paanong ang sa ngayo’y hari ng hilaga ay sumasamba sa diyos ng mga kuta?
◻ Anong panggigipit ang daranasin ng bayan ng Diyos buhat sa hari ng hilaga?
◻ Ano sa wakas ang mangyayari sa hari ng hilaga?
[Mapa/Mga Larawan sa pahina 12]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang Malaking Dagat
Siria
Judea
Ehipto
[Picture Credit Line sa pahina 10]
U.S. National Archives