Ikalabinsiyam na Kabanata
Inilantad ang Pagpapaimbabaw!
1. Paano minamalas ni Jesus at ni Jehova ang pagpapaimbabaw, at paano ito nakikita noong kapanahunan ni Isaias?
“SA LABAS nga, [kayo] ay nagtitinging matuwid sa mga tao,” sabi ni Jesus sa mga lider ng relihiyon noong kaniyang kapanahunan, “ngunit sa loob ay punô kayo ng pagpapaimbabaw at katampalasanan.” (Mateo 23:28) Ang paghatol ni Jesus sa pagpapaimbabaw ay nagpapabanaag sa pangmalas ng kaniyang makalangit na Ama. Ang kabanata 58 ng hula ni Isaias ay partikular na nagtutuon ng pansin sa pagpapaimbabaw na palasak sa Juda. Karaniwan na ang alitan, paniniil, at karahasan, at nauwi na sa pagiging isang walang-kabuluhang ritwal ang pangingilin ng Sabbath. Bahagya na lamang ang paglilingkod ng bayan kay Jehova at sila’y nagpaparangya ng pakitang-taong kabanalan sa pamamagitan ng di-taimtim na pag-aayuno. Hindi nga kataka-taka na ilantad ni Jehova ang kanilang tunay na pagkatao!
‘Sabihin Mo sa Bayan ang Kanilang mga Kasalanan’
2. Anong espiritu ang ipinakita ni Isaias habang ipinahahayag niya ang mensahe ni Jehova, at sino sa ngayon ang katulad niya?
2 Bagaman kinasusuklaman ni Jehova ang iginagawi ng Juda, inilakip Niya sa kaniyang mga salita ang isang taos-pusong panawagan na magsisi ang bansa. Subalit ayaw ni Jehova na maging malabo ang kaniyang pagsaway. Kaya naman, inutusan niya si Isaias: “Sumigaw ka nang buong lakas; huwag kang magpigil. Ilakas mo ang iyong tinig na parang tambuli, at sabihin mo sa aking bayan ang kanilang pagsalansang, at sa sambahayan ni Jacob ang kanilang mga kasalanan.” (Isaias 58:1) Ang walang-takot na paghahayag ng mga salita ni Jehova ay maaaring ikagalit ng mga tao kay Isaias, subalit hindi siya umurong. Taglay pa rin niya ang espiritung iyon ng pagkanaaalay na kaniyang ipinakita nang sabihin niya: “Narito ako! Isugo mo ako.” (Isaias 6:8) Tunay ngang si Isaias ay isang napakainam na halimbawa ng pagbabata para sa makabagong-panahong mga Saksi ni Jehova, na inatasan ding mangaral ng Salita ng Diyos at maglantad ng pagpapaimbabaw ng relihiyon!—Awit 118:6; 2 Timoteo 4:1-5.
3, 4. (a) Anong pagkukunwari ang ipinakita ng mga tao noong kapanahunan ni Isaias? (b) Ano ang tunay na kalagayan sa Juda?
3 Diumano, hinahanap si Jehova ng mga tao noong kapanahunan ni Isaias at nagpapahayag ng kaluguran sa kaniyang matuwid na mga kahatulan. Mababasa natin ang mga salita ni Jehova: “Ako ang patuloy nilang hinahanap sa araw-araw, at ang kaalaman tungkol sa aking mga daan ang sinasabi nilang kanilang kinalulugdan, tulad ng isang bansa na nagsagawa ng katuwiran at hindi nagpabaya sa katarungan ng kanilang Diyos, anupat patuloy silang humihingi sa akin ng matuwid na mga kahatulan, na lumalapit sa Diyos na kanilang kinalugdan.” (Isaias 58:2) Tunay nga kaya ang diumano’y kalugurang ito sa mga daan ni Jehova? Hindi. Sila’y “tulad ng isang bansa na nagsagawa ng katuwiran,” subalit ang pagkakahawig ay sa panlabas lamang. Sa katunayan, ang bansang ito’y “nagpabaya sa katarungan ng kanilang Diyos.”
4 Ang kalagayan ay kagayang-kagaya niyaong isiniwalat kay propeta Ezekiel nang maglaon. Sinabi ni Jehova kay Ezekiel na pinag-uusapan ng mga Judio: “Pumarito kayo, pakisuyo, at pakinggan ninyo kung ano ang salita na nanggagaling kay Jehova.” Subalit binabalaan ng Diyos si Ezekiel na ang mga ito’y hindi taimtim: “Sila ay paroroon sa iyo, . . . at maririnig nila ang iyong mga salita ngunit ang mga ito ay hindi nila gagawin, sapagkat sa pamamagitan ng kanilang bibig ay nagpapahayag sila ng mahahalay na pagnanasa at ang kanilang di-tapat na pakinabang ang sinusundan ng kanilang puso. At, narito! sa kanila ay tulad ka ng isang awit ng maaalab na pag-ibig, tulad ng isa na may magandang tinig at mahusay tumugtog ng panugtog na de-kuwerdas. At tiyak na maririnig nila ang iyong mga salita, ngunit walang sinumang nagsasagawa ng mga iyon.” (Ezekiel 33:30-32) Inaangkin din ng mga kontemporaryo ni Isaias na palagi nilang hinahanap si Jehova, subalit hindi naman sila tumatalima sa kaniyang mga salita.
Paimbabaw na Pag-aayuno
5. Paano sinikap ng mga Judio na matamo ang paglingap ng Diyos, at ano ang naging tugon ni Jehova?
5 Sa pagsisikap na matamo ang paglingap ng Diyos, nag-ayuno ang mga Judio ayon sa pormalidad, subalit lalo lamang silang napalayo kay Jehova dahil sa kanilang pagbabanal-banalan. Malamang na dahil sa pagtataka kung kaya sila nagtanong: “Sa anong dahilan kami nag-ayuno at hindi mo nakita, at pinighati namin ang aming kaluluwa at hindi mo pinapansin?” Tahasang sumagot si Jehova, na sinasabi: “Totoo nga na nakasusumpong kayo ng kaluguran sa mismong araw ng inyong pag-aayuno, noong naroon ang lahat ng inyong mga tagapagpagal na sapilitan ninyong pinagtatrabaho. Totoo nga na para sa pag-aaway at pagtatalo ay nag-aayuno kayo, at para sa pananakit sa pamamagitan ng kamao ng kabalakyutan. Hindi ba kayo patuloy na nag-ayuno gaya noong araw ng pagpaparinig ng inyong tinig sa kaitaasan? Dapat bang maging ganito ang pag-aayuno na pipiliin ko, isang araw upang pighatiin ng makalupang tao ang kaniyang kaluluwa? Upang iyukod ang kaniyang ulo gaya ng halamang hungko, at upang maglatag siya ng telang-sako at abo bilang kaniyang higaan? Ito ba ang tinatawag mong pag-aayuno at araw na kaayaaya kay Jehova?”—Isaias 58:3-5.
6. Anong mga pagkilos ng mga Judio ang nagbunyag na pagpapaimbabaw lamang ang kanilang pag-aayuno?
6 Habang nag-aayuno, nagbabanal-banalan, at humihiling pa nga ng matuwid na mga kahatulan ni Jehova, ang bayan ay nagtataguyod ng kanilang mapag-imbot na kaluguran at kapakanan sa negosyo. Nagpapakalabis sila sa pakikipag-alitan, paniniil, at karahasan. Sa pagtatangkang pagtakpan ang kanilang asal, ipinagpaparangya nila ang kanilang pagdadalamhati—na iniyuyukod ang kanilang mga ulo na parang halamang hungko at nakaupo sa telang-sako at abo—upang magtinging pinagsisisihan nila ang kanilang mga kasalanan. Ano kaya ang halaga ng lahat ng ito kung patuloy naman sila sa paghihimagsik? Wala silang ipinakikitang makadiyos na kalungkutan at pagsisisi na dapat ay kaugnay ng taimtim na pag-aayuno. Ang kanilang paghagulhol—bagaman maingay—ay hindi naririnig sa langit.
7. Paano gumawi nang may pagpapaimbabaw ang mga Judio noong kapanahunan ni Jesus, at paanong gayundin ang ginagawa ng marami sa ngayon?
7 Ang mga Judio noong kapanahunan ni Jesus ay nagpakita rin ng gayong seremonyal na pag-aayuno, anupat dalawang beses pa nga sa isang linggo kung gawin ito ng ilan! (Mateo 6:16-18; Lucas 18:11, 12) Tinularan din ng maraming lider ng relihiyon ang salinlahi ni Isaias sa pamamagitan ng pagmamalupit at paghahari-harian. Kaya buong-tapang na inilantad ni Jesus ang relihiyosong mga mapagpaimbabaw na iyon, anupat sinasabi sa kanila na ang paraan ng kanilang pagsamba ay walang kabuluhan. (Mateo 15:7-9) Sa ngayon din naman, milyun-milyon ang ‘hayagang nagsasabi na kilala nila ang Diyos, ngunit itinatatwa nila siya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa, dahil sila ay karima-rimarim at masuwayin at di-sinang-ayunan para sa anumang uri ng mabuting gawa.’ (Tito 1:16) Maaaring umaasa ang gayong mga tao sa awa ng Diyos, subalit ibinubunyag ng kanilang paggawi ang kawalan nila ng kataimtiman. Sa kabaligtaran, ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapamalas ng tunay na makadiyos na debosyon at dalisay na pag-ibig na pangkapatid.—Juan 13:35.
Kung Ano ang Nasasangkot sa Tunay na Pagsisisi
8, 9. Anong positibong mga pagkilos ang dapat na ilakip sa taimtim na pagsisisi?
8 Nais ni Jehova na higit pa ang gawin ng kaniyang bayan kaysa basta ipag-ayuno lamang ang kanilang mga kasalanan; nais niyang sila’y magsisi. Saka lamang nila makakamit ang kaniyang paglingap. (Ezekiel 18:23, 32) Ipinaliwanag niya na upang maging makabuluhan, ang pag-aayuno ay dapat lakipan ng pagtutuwid sa nagawang mga kasalanan. Isaalang-alang ang umaarok-pusong mga tanong na iniharap ni Jehova: “Hindi ba ito ang pag-aayuno na pipiliin ko? Na kalagin ang mga pangaw ng kabalakyutan, alisin ang mga panali ng pamatok, at payauning malaya ang mga nasisiil, at na baliin ninyo ang bawat pamatok?”—Isaias 58:6.
9 Ang mga pangaw at pamatok ay angkop na mga sagisag ng malupit na pagkaalipin. Kaya sa halip na mag-ayuno at kasabay nito’y maniil ng mga kapananampalataya, dapat sundin ng mga tao ang utos: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Levitico 19:18) Dapat nilang palayain ang lahat ng kanilang sinisiil at inaalipin nang labag sa katarungan.a Ang pakitang-taong relihiyosong mga gawa, gaya ng pag-aayuno, ay hindi maaaring ipalit sa taimtim na makadiyos na debosyon at sa mga gawang nagpapamalas ng pag-ibig na pangkapatid. Sumulat ang isang kontemporaryo ni Isaias na si propeta Mikas: “Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?”—Mikas 6:8.
10, 11. (a) Para sa mga Judio, ano ang mas mabuting gawin kaysa sa pag-aayuno? (b) Paano maikakapit ng mga Kristiyano sa ngayon ang payo ni Jehova sa mga Judio?
10 Ang katarungan, kabaitan, at kahinhinan ay humihiling ng paggawa ng mabuti sa iba, na siyang diwa ng Kautusan ni Jehova. (Mateo 7:12) Ang lalong higit na mabuti kaysa sa pag-aayuno ay ang pamamahagi ng kanilang yaman sa mga naghihikahos. Nagtanong si Jehova: “Hindi nga ba [ang pag-aayuno na aking pinili] ang magbahagi ng iyong tinapay sa gutóm, at ang dalhin mo sa iyong bahay ang mga taong napipighati at walang tahanan? Na kung makakita ka ng sinumang hubad ay daramtan mo siya, at na hindi mo pagtataguan ang iyong sariling laman?” (Isaias 58:7) Oo, sa halip na ipagparangya ang pag-aayuno, yaong mga may kakayahang gumawa nito ay dapat magbigay ng pagkain, damit, o tirahan sa mga naghihikahos na kasama nilang naninirahan sa Juda—sa kanilang sariling laman.
11 Ang magagandang simulaing ito ng pag-ibig na pangkapatid at pagkamahabagin na ipinahayag ni Jehova ay hindi lamang kapit sa mga Judio noong kapanahunan ni Isaias. Ginagabayan din nito ang mga Kristiyano. Kaya naman sumulat si apostol Pablo: “Kung gayon nga, habang tayo ay may panahong kaayaaya para rito, gumawa tayo ng mabuti sa lahat, ngunit lalo na roon sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.” (Galacia 6:10) Ang Kristiyanong kongregasyon ay dapat na maging isang kanlungang dako ng pag-ibig at pagmamahal na pangkapatid, lalo na nga’t pasamâ nang pasamâ ang panahong mapanganib na ating kinabubuhayan.—2 Timoteo 3:1; Santiago 1:27.
Nagdudulot ng Mayamang Pagpapala ang Pagkamasunurin
12. Ano ang gagawin ni Jehova kung tatalima sa kaniya ang kaniyang bayan?
12 Kung magkakaroon lamang sana ng kaunawaan ang bayan ni Jehova upang bigyang-pansin ang kaniyang maibiging pagsaway! Sinabi ni Jehova: “Kung magkagayon ay sisikat ang iyong liwanag na gaya ng bukang-liwayway; at mabilis na darating sa iyo ang paggaling. At sa unahan mo ay tiyak na lalakad ang iyong katuwiran; ang mismong kaluwalhatian ni Jehova ang magiging iyong bantay sa likuran. Kung magkagayon ay tatawag ka, at si Jehova mismo ay sasagot; hihingi ka ng tulong, at sasabihin niya, ‘Narito ako!’ ” (Isaias 58:8, 9a) Tunay ngang nakapagpapasigla at kaakit-akit na mga salita! Pinagpapala at iniingatan ni Jehova ang mga nalulugod sa maibiging-kabaitan at katuwiran. Kung pagsisisihan ng bayan ni Jehova ang kanilang kalupitan at pagpapaimbabaw at tatalima sa kaniya, lalong bubuti ang kanilang kalagayan. Ipagkakaloob ni Jehova ang “paggaling,” isang espirituwal at pisikal na pananauli para sa bansa. Babantayan din niya sila, gaya ng ginawa niya sa kanilang mga ninuno nang sila’y paalis sa Ehipto. At siya’y agad na tutugon sa kanilang paghingi ng tulong.—Exodo 14:19, 20, 31.
13. Anong mga pagpapala ang naghihintay sa mga Judio kung tutugon sila sa payo ni Jehova?
13 Dinagdagan ni Jehova ngayon ang kaniyang naunang payo, na sinasabi: “Kung iyong aalisin sa gitna mo ang pamatok [ng malupit at di-makatarungang pang-aalipin], ang panduduro ng daliri [marahil sa pagdusta o maling pagpaparatang] at ang pagsasalita ng nakasasakit; at ipagkakaloob mo sa gutóm ang ninanasa ng iyong sariling kaluluwa, at bubusugin mo ang kaluluwa na pinipighati, ang iyong liwanag din ay tiyak na sisinag sa kadiliman, at ang iyong karimlan ay magiging gaya ng katanghaliang tapat.” (Isaias 58:9b, 10) Ang kaimbutan at kalupitan ay nakapipinsala sa sarili at nagiging sanhi ng galit ni Jehova. Subalit ang kabaitan at pagkabukas-palad, lalo na kung ginagawa sa gutóm at napipighati, ay nagdudulot ng mayamang pagpapala mula sa Diyos. Kung isasapuso lamang sana ng mga Judio ang mga katotohanang ito! Kung gayon, ang kanilang espirituwal na liwanag at kasaganaan ay sisikat na gaya ng araw sa katanghaliang tapat, anupat papawiin ang karimlan. Higit sa lahat, magdudulot sila ng karangalan at kapurihan kay Jehova, ang Bukal ng kanilang kaluwalhatian at mga pagpapala.—1 Hari 8:41-43.
Isang Isinauling Bansa
14. (a) Paano tumugon ang mga kontemporaryo ni Isaias sa kaniyang mga salita? (b) Ano ang patuloy na iniaalok ni Jehova?
14 Nakalulungkot, hindi pinansin ng bansa ang panawagan ni Jehova at lalo pang nagpakagumon sa kabalakyutan. Nang dakong huli, wala nang nagawa si Jehova kundi ipatapon sila, gaya ng kaniyang ibinabala. (Deuteronomio 28:15, 36, 37, 64, 65) Magkagayunman, nag-aalok pa rin ng pag-asa ang sumunod na mga salita ni Jehova. Inihula ng Diyos na ang isang dinisiplina at nagsisising nalabi ay masayang babalik sa lupain ng Juda, kahit na ito’y naiwang tiwangwang.
15. Anong nakagagalak na pagsasauli ang inihula ni Jehova?
15 Habang nakaturo sa pagsasauli sa kaniyang bayan noong 537 B.C.E., si Jehova, sa pamamagitan ni Isaias, ay nagsabi: “Palagi ka ngang papatnubayan ni Jehova at bubusugin ang iyong kaluluwa sa tuyot na lupain, at palalakasin niya ang iyo mismong mga buto; at ikaw ay magiging gaya ng isang hardin na nadidiligang mainam, at gaya ng dakong binubukalan ng tubig [“batis,” The New English Bible], na may tubig na hindi nagsisinungaling [“nabibigo,” NE].” (Isaias 58:11) Isasauli ni Jehova ang tuyot na lupang-tinubuan ng Israel tungo sa pagkakaroon ng saganang ani. Ang mas maganda pa nito, pagpapalain niya ang kaniyang nagsisising bayan, anupat palalakasin niya ang kanila “mismong mga buto” mula sa patay na kalagayan sa espirituwal tungo sa isa na lipos ng kasiglahan. (Ezekiel 37:1-14) Ang mga tao mismo ay magiging gaya ng “isang hardin na nadidiligang mainam” na hitik na hitik sa espirituwal na bunga.
16. Paano isasauli ang lupain?
16 Kalakip sa pagsasauli ang muling pagtatayo ng mga lunsod na winasak ng sumalakay na mga taga-Babilonya noong 607 B.C.E. “Dahil sa utos mo ay tiyak na itatayo ng mga tao ang mga dako na mahabang panahon nang wasak; ibabangon mo ang mga pundasyon ng sunud-sunod na mga salinlahi. At tatawagin ka ngang tagapagkumpuni ng puwang, ang tagapagsauli ng mga landas na sa tabi ng mga ito ay makatatahan.” (Isaias 58:12) Ang magkahanay na mga pananalitang “mga dako na mahabang panahon nang wasak” at “mga pundasyon ng sunud-sunod na mga salinlahi” (o, mga pundasyon na nakaguho sa loob ng maraming salinlahi) ay nagpapakita na muling itatayo ng pinabalik na nalabi ang wasak na mga lunsod ng Juda, lalo na ang Jerusalem. (Nehemias 2:5; 12:27; Isaias 44:28) Kukumpunihin nila ang “puwang”—isang panlahatang termino na tumutukoy sa mga sira sa pader ng Jerusalem at walang-alinlangang pati na sa ibang mga lunsod.—Jeremias 31:38-40; Amos 9:14.
Mga Pagpapalang Dulot ng Tapat na Pangingilin ng Sabbath
17. Paano nanawagan si Jehova sa kaniyang bayan upang tumalima sa mga kautusan ng Sabbath?
17 Ang Sabbath ay isang kapahayagan ng matinding malasakit ng Diyos para sa pisikal at espirituwal na kapakanan ng kaniyang bayan. Sinabi ni Jesus: “Ang sabbath ay umiral alang-alang sa tao.” (Marcos 2:27) Ang araw na ito na pinabanal ni Jehova ay nagbigay sa mga Israelita ng isang pantanging pagkakataon upang ipakita ang kanilang pag-ibig sa Diyos. Nakalulungkot, noong kapanahunan ni Isaias ay nauwi na lamang ito sa isang araw ng pangingilin ng walang-saysay na mga ritwal at pagpapakasasa sa mapag-imbot na mga pagnanasa. Kaya minsan pa, may dahilan si Jehova upang sawayin ang kaniyang bayan. At muli, sinikap niyang abutin ang kanilang puso. Sinabi niya: “Kung dahil sa sabbath ay iuurong mo ang iyong paa sa paggawa ng iyong sariling mga kaluguran sa aking banal na araw, at ang sabbath ay tatawagin mo ngang masidhing kaluguran, isang banal na araw ni Jehova, isa na niluluwalhati, at luluwalhatiin mo nga ito sa halip na gawin ang iyong sariling mga lakad, sa halip na hanapin ang kinalulugdan mo at magbitiw ng salita; kung magkagayon ay makasusumpong ka ng iyong masidhing kaluguran kay Jehova, at pasasakayin kita sa matataas na dako sa lupa; at pakakainin kita mula sa minanang pag-aari ni Jacob na iyong ninuno, sapagkat ang bibig mismo ni Jehova ang nagsalita nito.”—Isaias 58:13, 14.
18. Ano ang ibubunga ng di-paggalang ng Juda sa Sabbath?
18 Ang Sabbath ay isang araw para sa espirituwal na pagmumuni-muni, pananalangin, at pagsamba ng pamilya. Makatutulong ito sa mga Judio upang bulay-bulayin ang kahanga-hangang mga gawa ni Jehova alang-alang sa kanila at ang katarungan at pag-ibig na nahahayag sa kaniyang Kautusan. Kaya nga, ang tapat na pangingilin ng banal na araw na ito ay tutulong sa mga tao upang mápalapít sa kanilang Diyos. Subalit sa halip, pinipilipit nila ang Sabbath at sa gayo’y nanganganib na hindi na magtamo ng pagpapala ni Jehova.—Levitico 26:34; 2 Cronica 36:21.
19. Anong mayamang mga pagpapala ang nakalaan para sa bayan ng Diyos kung ipangingilin nila ang Sabbath?
19 Gayunman, kung ang mga Judio ay matututo dahil sa disiplina at magpaparangal sa kaayusan ng Sabbath, mayamang mga pagpapala ang nakalaan para sa kanila. Ang mabubuting bunga ng tunay na pagsamba at paggalang sa Sabbath ay mag-uumapaw sa lahat ng pitak ng kanilang buhay. (Deuteronomio 28:1-13; Awit 19:7-11) Halimbawa, “pasasakayin [ni Jehova] sa matataas na dako sa lupa” ang kaniyang bayan. Ang pananalitang ito ay nangangahulugan ng katiwasayan at pananaig sa mga kaaway. Sinumang kumokontrol sa matataas na dako—sa mga burol at mga bundok—ay kumokontrol sa lupain. (Deuteronomio 32:13; 33:29) Noong dati ay tumatalima ang Israel kay Jehova, at ang bansa ay nagtatamasa ng kaniyang proteksiyon at iginagalang, kinatatakutan pa nga ito ng ibang mga bansa. (Josue 2:9-11; 1 Hari 4:20, 21) Kung babaling silang muli kay Jehova at magiging masunurin, ang ilang bahagi ng dating kaluwalhatiang iyon ay isasauli. Pagkakalooban ni Jehova ang kaniyang bayan ng lubusang bahagi sa “minanang pag-aari ni Jacob”—ang mga pagpapalang ipinangako sa pamamagitan ng Kaniyang tipan sa kanilang mga ninuno, lalo na ang pagpapalang matiwasay na magmay-ari ng Lupang Pangako.—Awit 105:8-11.
20. Anong “sabbath na pagpapahinga” ang para sa mga Kristiyano?
20 May aral ba rito para sa mga Kristiyano? Pagkamatay ni Jesu-Kristo, inalis na ang Kautusang Mosaiko, pati na ang mga kahilingan nito hinggil sa Sabbath. (Colosas 2:16, 17) Gayunman, ang espiritung dapat sana’y napasigla sa Juda dahil sa pangingilin ng Sabbath—ang pag-una sa espirituwal na mga kapakanan at pagiging malapit kay Jehova—ay mahalaga pa rin sa mga mananamba ni Jehova. (Mateo 6:33; Santiago 4:8) Bukod diyan, si Pablo, sa kaniyang liham sa mga Hebreo, ay nagsabi: “May nananatili pang sabbath na pagpapahinga para sa bayan ng Diyos.” Ang mga Kristiyano ay pumapasok sa “sabbath na pagpapahinga[ng]” ito sa pamamagitan ng pagiging masunurin kay Jehova at sa pagtataguyod sa katuwiran salig sa pananampalataya sa itinigis na dugo ni Jesu-Kristo. (Hebreo 3:12, 18, 19; 4:6, 9-11, 14-16) Para sa mga Kristiyano, ang uring ito ng pangingilin ng sabbath ay isinasagawa, hindi lamang isang araw sa bawat linggo, kundi araw-araw.—Colosas 3:23, 24.
‘Pinasasakay sa Matataas na Dako sa Lupa’ ang Espirituwal na Israel
21, 22. Sa anong paraan ‘pinasakay [ni Jehova] sa matataas na dako sa lupa’ ang Israel ng Diyos?
21 Mula nang sila’y makalaya sa Babilonikong pagkabihag noong 1919, buong-katapatang ipinangilin ng pinahirang mga Kristiyano yaong inilalarawan ng Sabbath. Bilang resulta, sila’y ‘pinasakay [ni Jehova] sa matataas na dako sa lupa.’ Sa anong diwa? Noong 1513 B.C.E., si Jehova ay nakipagtipan sa mga inapo ni Abraham na kung sila’y masunurin, sila’y magiging isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa. (Exodo 19:5, 6) Sa loob ng 40 taon sa iláng, dinala sila ni Jehova nang ligtas, gaya ng pagdadala ng isang agila sa mga inakay nito, at pinagpala niya sila ng saganang paglalaan. (Deuteronomio 32:10-12) Subalit ang bansa ay nawalan ng pananampalataya at sa wakas ay naiwala ang lahat ng pribilehiyo na dapat sana’y napasakanila. Sa kabila nito, si Jehova ay may isa ngang kaharian ng mga saserdote sa ngayon. Iyon ang espirituwal na Israel ng Diyos.—Galacia 6:16; 1 Pedro 2:9.
22 Sa “panahon ng kawakasan,” nagawa ng espirituwal na bansang ito ang hindi nagawa ng sinaunang Israel. Patuloy silang nanampalataya kay Jehova. (Daniel 8:17) Yamang mahigpit na sinusunod ng mga miyembro nito ang matataas na pamantayan at matatayog na daan ni Jehova, sa espirituwal na diwa ay itinataas sila ni Jehova. (Kawikaan 4:4, 5, 8; Apocalipsis 11:12) Palibhasa’y naiingatan mula sa karumihang nakapaligid sa kanila, tinatamasa nila ang mataas na istilo ng pamumuhay, at sa halip na igiit ang pagsunod sa kanilang sariling mga lakad, nakasusumpong sila ng “masidhing kaluguran kay Jehova” at sa kaniyang Salita. (Awit 37:4) Iniingatan sila ni Jehova na maging tiwasay sa espirituwal sa harap ng mahigpit na pagsalansang sa buong daigdig. Sapol noong 1919, ang kanilang espirituwal na “lupain” ay hindi pa nasisira. (Isaias 66:8) Sila’y patuloy na naging isang bayan ukol sa kaniyang matayog na pangalan, na buong-kagalakan nilang ipinahahayag sa buong daigdig. (Deuteronomio 32:3; Gawa 15:14) Bukod diyan, ang dumaraming bilang ng maaamo mula sa lahat ng bansa ay nakikisama ngayon sa kanila sa dakilang pribilehiyo na maturuan ng mga daan ni Jehova at matulungang lumakad sa kaniyang mga landas.
23. Paano ‘pinakain [ni Jehova] mula sa minanang pag-aari ni Jacob’ ang kaniyang pinahirang mga lingkod?
23 ‘Pinakain [ni Jehova] mula sa minanang pag-aari ni Jacob’ ang kaniyang pinahirang mga lingkod. Nang pagpalain ni Isaac si Jacob sa halip na si Esau, inihula ng mga salita ng patriyarka ang mga pagpapala para sa lahat ng mananampalataya sa ipinangakong Binhi ni Abraham. (Genesis 27:27-29; Galacia 3:16, 17) Gaya ni Jacob—at di-gaya ni Esau—ang pinahirang mga Kristiyano at ang kanilang mga kasama ay “nagpapahalaga sa mga bagay na sagrado,” lalo na sa espirituwal na pagkain na saganang inilalaan ng Diyos. (Hebreo 12:16, 17; Mateo 4:4) Ang espirituwal na pagkaing ito—na kalakip dito ang kaalaman tungkol sa ginagawa ni Jehova sa pamamagitan ng ipinangakong Binhi at ng mga kasama ng Binhing iyan—ay nakapagpapatibay, nakapagpapalakas, at mahalaga sa kanilang espirituwal na buhay. Kaya naman, mahalaga na palagi silang kumain ng espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng pagbabasa at pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos. (Awit 1:1-3) Kailangang sila’y makisama sa mga kapananampalataya sa mga Kristiyanong pagpupulong. At mahalaga na itaguyod nila ang matataas na pamantayan ng dalisay na pagsamba habang buong-kagalakan nilang ibinabahagi ang pagkaing iyan sa iba.
24. Paano gumagawi ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon?
24 Samantalang may-pananabik na naghihintay sa katuparan ng mga pangako ni Jehova, patuloy nawang itakwil ng tunay na mga Kristiyano ang lahat ng uri ng pagpapaimbabaw. Habang kumakain “mula sa minanang pag-aari ni Jacob,” patuloy nawa nilang tamasahin ang espirituwal na katiwasayan sa “matataas na dako sa lupa.”
[Talababa]
a Si Jehova ay nagbigay ng probisyon para sa sinuman sa kaniyang bayan na nabaon sa utang na ipagbili ang kanilang sarili sa pagkaalipin—na talagang nagiging mga upahang trabahador—upang mabayaran ang kanilang utang. (Levitico 25:39-43) Gayunman, hinihiling ng Kautusan na maging mabait sa mga alipin. Yaong mga pinagmamalupitan ay dapat palayain.—Exodo 21:2, 3, 26, 27; Deuteronomio 15:12-15.
[Larawan sa pahina 279]
Ang mga Judio ay nag-ayuno at nagyuko ng kanilang ulo dahil sa pakunwaring pagsisisi—subalit hindi sila nagbago ng kanilang mga lakad
[Larawan sa pahina 283]
Yaong may kakayahang gumawa nito ay nagbibigay ng tirahan, damit, o mga paglalaan sa mga naghihikahos
[Larawan sa pahina 286]
Kung magsisisi ang Juda, itatayo niyang muli ang kaniyang nawasak na mga lunsod