Pinagaganda ni Jehova ang Kaniyang Bayan sa Pamamagitan ng Liwanag
“Bumangon ka, O babae, magpasinag ka ng liwanag, sapagkat ang iyong liwanag ay dumating na at sa iyo ay sumikat na ang mismong kaluwalhatian ni Jehova.”—ISAIAS 60:1.
1, 2. (a) Ano ang kalagayan ng sangkatauhan? (b) Sino ang nasa likod ng kadiliman sa sangkatauhan?
“MAGKAROON sana uli ng isang Isaias o isang San Pablo!” Iyan ang hinaing ng Pangulo ng Estados Unidos na si Harry Truman noong dekada 1940. Bakit niya kaya nasabi ang mga salitang ito? Sapagkat nadama niya na kailangang-kailangan ang mga lider na may matataas na moral noong kaniyang kapanahunan. Katatapos pa lamang maranasan noon ng sangkatauhan ang pinakamadilim na yugto ng ika-20 siglo, ang ikalawang digmaang pandaigdig. Gayunman, kahit tapos na ang digmaan, wala pa ring kapayapaan sa daigdig. Nananatili pa rin ang kadiliman. Sa katunayan, 57 taon pagkatapos ng digmaang iyon, ang daigdig ay nasa kadiliman pa rin. Kung nabubuhay ngayon si Pangulong Truman, walang-pagsalang makikita pa rin niya na kailangan ang mga lider na may moralidad na kagaya ni Isaias o ni apostol Pablo.
2 Alam man ito o hindi ni Pangulong Truman, binanggit ni apostol Pablo ang kadilimang lumulukob sa sangkatauhan, at siya ay nagbabala tungkol dito sa pamamagitan ng kaniyang mga sulat. Halimbawa, nagbabala siya sa kaniyang mga kapananampalataya: “Sapagkat tayo ay may pakikipagbuno, hindi laban sa dugo at laman, kundi laban sa mga pamahalaan, laban sa mga awtoridad, laban sa mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito, laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.” (Efeso 6:12) Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ipinakikita ni Pablo na batid niya hindi lamang ang espirituwal na kadilimang lumulukob sa daigdig kundi pati na ang tunay na pinagmumulan nito—ang makapangyarihang mga hukbo ng demonyo na inilalarawan bilang “mga tagapamahala ng sanlibutan.” Yamang ang makapangyarihang mga espiritu ang nasa likod ng kadiliman ng sanlibutan, ano nga ba ang magagawa ng hamak na mga tao para maalis ito?
3. Sa kabila ng madilim na kalagayan ng sangkatauhan, ano ang inihula ni Isaias para sa mga tapat?
3 Bumanggit din si Isaias ng tungkol sa kadilimang lumulukob sa sangkatauhan. (Isaias 8:22; 59:9) Gayunman, sa pagtanaw sa ating kapanahunan, inihula niya sa ilalim ng pagkasi na kahit sa madidilim na panahong ito, paliliwanagin ni Jehova ang pangmalas ng mga umiibig sa liwanag. Oo, bagaman hindi natin aktuwal na kasama si Pablo o si Isaias, taglay naman natin ang kanilang kinasihang mga sulat upang pumatnubay sa atin. Upang makita kung gaano kalaking pagpapala ito para sa mga umiibig kay Jehova, isaalang-alang natin ang makahulang mga salita ni Isaias na nasa ika-60 kabanata ng kaniyang aklat.
Nagpasinag ng Liwanag ang Isang Makahulang Babae
4, 5. (a) Ano ang iniutos ni Jehova na gawin ng isang babae, at ano ang kaniyang ipinangako? (b) Anong kapana-panabik na impormasyon ang nilalaman ng Isaias kabanata 60?
4 Ang unang mga salita ng Isaias 60 ay patungkol sa isang babaing nasa napakalungkot na kalagayan—nakahandusay sa lupa, sa gitna ng karimlan. Walang anu-ano, tumagos ang liwanag sa karimlan, at tumawag si Jehova: “Bumangon ka, O babae, magpasinag ka ng liwanag, sapagkat ang iyong liwanag ay dumating na at sa iyo ay sumikat na ang mismong kaluwalhatian ni Jehova.” (Isaias 60:1) Dumating na ang panahon para tumindig ang babae at magpasinag ng liwanag ng Diyos, ng kaniyang kaluwalhatian. Bakit? Makikita natin ang sagot sa susunod na talata: “Narito! tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng makapal na karimlan ang mga liping pambansa; ngunit sa iyo ay sisikat si Jehova, at sa iyo ay makikita ang kaniyang kaluwalhatian.” (Isaias 60:2) Kapag sumunod ang babae sa utos ni Jehova, titiyakin sa kaniya ang isang kamangha-manghang resulta. Sabi ni Jehova: “Ang mga bansa ay tiyak na paroroon sa iyong liwanag, at ang mga hari sa kaningningan ng iyong pagsikat.”—Isaias 60:3.
5 Ang kapana-panabik na mga salita sa tatlong talatang ito ay kapuwa pambungad at sumaryo ng nilalaman ng iba pang bahagi ng kabanata 60 ng Isaias. Inihuhula nito ang mga karanasan ng isang makahulang babae at ipinaliliwanag kung paano tayo makapananatili sa liwanag ni Jehova sa kabila ng kadilimang nakalukob sa sangkatauhan. Kung gayon, sa ano kumakatawan ang mga sagisag na nasa tatlong pambungad na mga talatang ito?
6. Sino ang babae sa Isaias kabanata 60, at sino ang kumakatawan sa kaniya sa lupa?
6 Ang babae sa Isaias 60:1-3 ay ang Sion, ang makalangit na organisasyon ng mga espiritung nilalang ni Jehova. Sa ngayon, ang Sion ay kinakatawan sa lupa ng mga nalabi sa “Israel ng Diyos,” ang pambuong-daigdig na kongregasyon ng pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano, na may pag-asang mamahala sa langit kasama ni Kristo. (Galacia 6:16) Ang espirituwal na bansang ito ay binubuo ng 144,000 miyembro, at ang modernong katuparan ng Isaias kabanata 60 ay nakasentro sa mga nabubuhay pa sa lupa sa “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1; Apocalipsis 14:1) Marami rin ang sinasabi ng hula tungkol sa mga kasamahan ng pinahirang mga Kristiyanong ito, ang “malaking pulutong” ng “ibang mga tupa.”—Apocalipsis 7:9; Juan 10:16.
7. Ano ang kalagayan ng Sion noong 1918, at paano ito naihula?
7 May panahon ba na ang “Israel ng Diyos” ay nakahandusay sa kadiliman, gaya ng inilarawan ng makahulang babaing ito? Oo, nangyari ito mahigit na 80 taon na ang nakalilipas. Noong unang digmaang pandaigdig, ang pinahirang mga Kristiyano ay lubos na nagpunyagi upang ipagpatuloy ang gawaing pagpapatotoo. Subalit noong 1918, huling taon ng digmaan, halos napatigil ang organisadong pangangaral. Si Joseph F. Rutherford, na siyang nangangasiwa sa pandaigdig na gawaing pangangaral, at ang iba pang prominenteng mga Kristiyano ay sinentensiyahan ng mahabang pagkabilanggo dahil sa mga bulaang paratang. Sa aklat ng Apocalipsis, ang pinahirang mga Kristiyano noon sa lupa ay makahulang inilarawan bilang mga bangkay na nakahandusay sa “malapad na daan ng dakilang lunsod na sa espirituwal na diwa ay tinatawag na Sodoma at Ehipto.” (Apocalipsis 11:8) Tunay ngang isang madilim na panahon iyon para sa Sion, na kinakatawan ng kaniyang pinahirang mga anak sa lupa!
8. Anong madulang pagbabago ang naganap noong 1919, at ano ang resulta niyaon?
8 Gayunman, naganap ang isang madulang pagbabago noong taóng 1919. Pinasikat ni Jehova ang liwanag sa Sion! Ang mga nakaligtas sa Israel ng Diyos ay kumilos upang magpasikat ng liwanag ng Diyos, anupat walang-takot na isinabalikat muli ang paghahayag ng mabuting balita. (Mateo 5:14-16) Dahil sa panibagong sigasig ng mga Kristiyanong ito, may mga iba pang naakit sa liwanag ni Jehova. Sa pasimula, ang mga baguhan ay pinahiran bilang karagdagang mga miyembro ng Israel ng Diyos. Sila ay tinatawag na mga hari sa Isaias 60:3, yamang sila ay magiging kasamang tagapagmana ni Kristo sa makalangit na Kaharian ng Diyos. (Apocalipsis 20:6) Nang maglaon, isang malaking pulutong ng ibang mga tupa ang nagsimulang maakit sa liwanag ni Jehova. Ito ang “mga bansa” na binanggit sa hula.
Nag-uuwian Na ang mga Anak ng Babae!
9, 10. (a) Anong pambihirang tanawin ang tumambad sa babae, at ano ang inilarawan nito? (b) Ano ang dahilan ng kagalakan ng Sion?
9 Ngayon, sinimulan na ni Jehova na himayin, wika nga, ang impormasyong ibinigay sa Isaias 60:1-3. Inutusan na naman niya ang babae. Pakinggan ang sabi niya: “Itingin mo ang iyong mga mata sa buong palibot at masdan!” Sumunod ang babae, at isang nakapagpapasiglang tanawin ang tumambad sa kaniya! Nag-uuwian na ang kaniyang mga anak. Sabi pa ng kasulatan: “Silang lahat ay natipon; pumaroon sila sa iyo. Mula sa malayo ay patuloy na dumarating ang iyong mga anak na lalaki, at ang iyong mga anak na babae na aalagaan sa tagiliran.” (Isaias 60:4) Ang pandaigdig na paghahayag ng Kaharian na nagsimula noong 1919 ay nakaakit sa libu-libong baguhan na maglingkod kay Jehova. Ang mga ito rin ay naging “mga anak na lalaki” at “mga anak na babae” ng Sion, mga pinahirang miyembro ng Israel ng Diyos. Sa gayon, pinaganda ni Jehova ang Sion sa pamamagitan ng pagdadala sa mga huling kabilang sa 144,000 sa liwanag.
10 Maguguniguni mo ba ang kagalakan ng Sion nang makapiling niya ang kaniyang mga anak? Gayunman, binigyan ni Jehova ang Sion ng karagdagan pang mga dahilan para magalak. Mababasa natin: “Sa panahong iyon ay makikita mo at ikaw ay tiyak na magniningning, at ang iyong puso ay manginginig at lálakí, sapagkat sa iyo ay pupunta ang kayamanan ng dagat; ang mismong yaman ng mga bansa ay paroroon sa iyo.” (Isaias 60:5) Kasuwato ng makahulang mga salitang iyon, mula noong dekada 1930, pulu-pulutong na mga Kristiyano na ang pag-asa’y mabuhay sa lupa magpakailanman ang dumagsa sa Sion. Sila ay umahon mula sa “dagat” ng sangkatauhan na hiwalay sa Diyos at kumakatawan sa yaman ng mga bansa. Sila ang “mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa.” (Hagai 2:7; Isaias 57:20) Pansinin din na ang “mga kanais-nais na bagay” na ito ay hindi naglilingkod kay Jehova ayon sa kani-kanilang sariling pamamaraan. Hindi, sila’y nakadaragdag sa kagandahan ng Sion sa pamamagitan ng pagparoon upang sumamba na kasama ng kanilang pinahirang mga kapatid, anupat magkasama silang nagiging “isang kawan” sa ilalim ng “isang pastol.”—Juan 10:16.
Pumaroon sa Sion ang mga Mangangalakal, Pastol, at Negosyante
11, 12. Ilarawan ang mga pulutong na nakitang papalapit sa Sion.
11 Ang inihulang pagtitipong ito ay nagbunga ng pambihirang pagdami ng mga pumupuri kay Jehova. Ito ay patiunang sinabi sa susunod na mga salita sa hula. Gunigunihin mong nakatayo ka kasama ng makahulang babae sa Bundok Sion. Tumingin ka sa silangan, at ano ang iyong nakita? “Ang dumadaluyong na karamihan ng mga kamelyo ay tatakip sa iyo, ang mga batang kamelyong lalaki ng Midian at ng Epa. Lahat niyaong mula sa Sheba—darating sila. Ginto at olibano ang kanilang dadalhin. At ang mga kapurihan ni Jehova ay ipatatalastas nila.” (Isaias 60:6) Inaakay ng pulu-pulutong na mga mangangalakal ang kanilang pangkat-pangkat na mga kamelyo sa mga daang patungo sa Jerusalem. Aba, ang mga kamelyo ay mistulang baha na tumatakip sa lupain! Ang mga negosyante ay may dalang mga mamahaling kaloob, “ginto at olibano.” At ang mga mangangalakal na ito ay lumalapit sa liwanag ng Diyos upang purihin siya nang hayagan, ‘upang ipatalastas ang mga kapurihan ni Jehova.’
12 Hindi lamang mga mangangalakal ang lumalapit. Maging ang mga pastol ay dumaragsa rin sa Sion. Sinasabi pa ng hula: “Ang lahat ng kawan ng Kedar—titipunin sa iyo ang mga iyon. Ang mga barakong tupa ng Nebaiot—maglilingkod sa iyo ang mga iyon.” (Isaias 60:7a) Ang nagpapastol na mga tribo ay pumaparoon sa banal na lunsod upang ihandog kay Jehova ang pinakamaiinam sa kanilang kawan. Inihahandog pa nga nila ang kanilang sarili upang maglingkod sa Sion! Paano ba tinatanggap ni Jehova ang mga banyagang ito? Ang Diyos mismo ay sumagot: “May pagsang-ayong isasampa sa aking altar ang mga iyon, at pagagandahin ko ang aking sariling bahay ng kagandahan.” (Isaias 60:7b) Magiliw na tinatanggap ni Jehova ang mga handog at paglilingkod ng mga banyagang ito. Ang kanilang pagkanaroroon ay nagpapaganda sa kaniyang templo.
13, 14. Ano ang nakikitang dumarating mula sa kanluran?
13 Lumingon ka naman ngayon at masdang mabuti ang naaabot ng iyong tanaw sa gawing kanluran. Ano ang nakikita mo? Sa malayo, may parang maputing ulap na nakalatag sa dagat. Itinanong ni Jehova ang tanong na iniisip mo: “Sino ang mga ito na lumilipad na parang ulap, at parang mga kalapati patungo sa kanilang mga butas sa bahay-ibon?” (Isaias 60:8) Sinagot ni Jehova ang sarili niyang tanong: “Sa akin ay patuloy na aasa ang mga pulo, ang mga barko rin ng Tarsis gaya noong una, upang dalhin ang iyong mga anak mula sa malayo, ang kanilang pilak at ang kanilang ginto na kasama nila, patungo sa pangalan ni Jehova na iyong Diyos at patungo sa Banal ng Israel, sapagkat pagagandahin ka niya.”—Isaias 60:9.
14 Nakikini-kinita mo ba ang tanawin? Mas malapit na ang maputing ulap na iyon at ngayon ay para na itong isang kumpol ng mga butil sa malayong kanluran. Para itong isang kawan ng mga ibon na sumasalimbay sa mga alon. Subalit habang lalong lumalapit ang mga ito, nakikita mong ito pala’y mga barkong nakaladlad ang mga layag upang sagapin ang hangin. Napakarami palang barkong naglalayag patungong Jerusalem anupat ang mga ito ay nagmistulang langkay ng mga kalapati. Mula sa malalayong daungan, ang plota ay napakabilis na naglalayag, sakay ang mga mananampalataya patungong Jerusalem upang sumamba kay Jehova.
Lumalawak ang Organisasyon ni Jehova
15. (a) Anong pagsulong ang inihuhula ng mga salita sa Isaias 60:4-9? (b) Anong espiritu ang ipinamamalas ng tunay na mga Kristiyano?
15 Buháy na buháy ang makahulang larawan na iginuguhit ng talatang 4 hanggang 9 tungkol sa pandaigdig na paglawak na nagaganap mula pa noong 1919! Bakit kaya pinagpala ni Jehova ang Sion ng gayong pagsulong? Sapagkat mula pa noong 1919, ang Israel ng Diyos ay naging masunurin at patuloy na nagpapasikat ng liwanag ni Jehova. Gayunman, napansin mo ba na ayon sa talatang 7, ang mga bagong dating ay ‘isasampa sa altar’ ng Diyos? Sa altar ginagawa ang paghahain, at ang bahaging ito ng hula ay nagpapaalaala sa atin na ang paglilingkod kay Jehova ay nagsasangkot ng paghahain. Sumulat si apostol Pablo: “Namamanhik ako sa inyo . . . na iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1) Kasuwato ng mga salita ni Pablo, ang tunay na mga Kristiyano ay hindi nasisiyahan sa basta pagdalo lamang sa mga relihiyosong pagpupulong minsan sa isang linggo. Nag-uukol sila ng kanilang panahon, lakas, at tinatangkilik upang itaguyod ang dalisay na pagsamba. Hindi ba’t nakapagpapaganda sa bahay ni Jehova ang pagkanaroroon ng gayong debotong mga mananamba? Sinabi sa hula ng Isaias na gayon nga. At makatitiyak tayo na ang gayong masisigasig na mananamba ay maganda rin sa paningin ni Jehova.
16. Sino ang tumulong sa muling pagtatayo noong sinaunang panahon, at sino ang gumagawa nito sa modernong panahon?
16 Ang mga bagong dating ay gustong magtrabaho. Sinasabi pa ng hula: “Itatayo ng mga banyaga ang iyong mga pader, at ang kanilang mga hari ay maglilingkod sa iyo.” (Isaias 60:10) Sa unang katuparan ng mga salitang ito noong panahon ng pagbabalik mula sa pagkakatapon sa Babilonya, ang mga hari at iba pa mula sa mga bansa ay talaga ngang tumulong sa muling pagtatayo ng templo at ng lunsod ng Jerusalem. (Ezra 3:7; Nehemias 3:26) Sa modernong katuparan, ang malaking pulutong ay sumusuporta sa pinahirang nalabi sa pagtatatag ng tunay na pagsamba. Tumutulong sila sa pagpapatibay sa mga kongregasyong Kristiyano at sa gayo’y pinatatatag ang tulad-lunsod na “mga pader” ng organisasyon ni Jehova. Nakikibahagi rin sila sa literal na pagtatayo—ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall, Assembly Hall, at mga pasilidad sa Bethel. Sa lahat ng paraang ito, suportado nila ang kanilang pinahirang mga kapatid sa pag-aasikaso sa mga pangangailangan ng lumalawak na organisasyon ni Jehova!
17. Ano ang isang paraan ng pagpapaganda ni Jehova sa kaniyang bayan?
17 Talaga ngang nakapagpapatibay-loob ang mga huling salita sa Isaias 60:10! Sabi ni Jehova: “Sa aking galit ay sinaktan kita, ngunit sa aking kabutihang-loob ay tiyak na kaaawaan kita.” Oo, noong 1918/19, talagang dinisiplina ni Jehova ang kaniyang bayan. Subalit nakaraan na iyon. Ngayon ay panahon naman para ipakita ni Jehova ang awa sa kaniyang pinahirang mga lingkod at sa kanilang kasamang ibang mga tupa. Ang katibayan nito ay ang pagpapala niya sa kanila ng pambihirang pagsulong, anupat ‘pinagaganda sila,’ wika nga.
18, 19. (a) Ano ang pangako ni Jehova hinggil sa mga baguhang pumapasok sa kaniyang organisasyon? (b) Ano ang sinasabi sa atin ng natitirang mga talata sa Isaias kabanata 60?
18 Taun-taon, daan-daang libong “banyaga” pa ang nakikisama sa organisasyon ni Jehova, at mananatiling bukás ang daan para sa marami pang susunod sa kanila. Sabi ni Jehova sa Sion: “Ang iyong mga pintuang-daan ay laging pananatilihing bukás; hindi isasara ang mga iyon maging sa araw o sa gabi, upang dalhin sa iyo ang yaman ng mga bansa, at ang kanilang mga hari ang mangunguna.” (Isaias 60:11) Sinisikap ng ilang mananalansang na isara ang “mga pintuang-daan” na iyon, subalit alam nating hindi sila magtatagumpay. Si Jehova mismo ang nagsabi na sa anumang paraan, mananatiling bukás ang mga pintuang-daan. Magpapatuloy ang pagsulong.
19 May iba pang paraan na pinagpala ni Jehova ang kaniyang bayan, anupat pinagaganda sila, sa mga huling araw na ito. Makahulang isinisiwalat sa natitirang mga talata ng Isaias 60 kung ano ang mga paraang iyon.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Sino ang “babae” ng Diyos, at sino ang kumakatawan sa kaniya sa lupa?
• Kailan nakahandusay ang mga anak ng Sion, at kailan at paano sila “bumangon”?
• Sa paggamit ng iba’t ibang sagisag, paano inihula ni Jehova ang pagdami ng mga tagapangaral ng Kaharian sa ngayon?
• Sa anu-anong paraan pinasisikat ni Jehova ang kaniyang liwanag sa kaniyang bayan?
[Larawan sa pahina 10]
Ang “babae” ni Jehova ay inuutusang bumangon
[Larawan sa pahina 12]
Ang plota ay parang mga kalapati sa malayo